PAGLAPIT KAY KRISTO

3/147

Ang diyos ay pag-ibig

Sa bawa’t bulaklak na namumukadkad, at sa bawa’t talbus ng damong sumisibol ay nasusulat: “Ang Diyos ay Pag-ibig” 1 Juan 4:8. Ang mga ibong kaibig-ibig na nagpapasaya sa himpapawid ng kanilang awit; ang may magagandang kulay na bulaklak na nagpapabango sa simoy; ang matataas na punong-kahoy sa gubat pati ng kanilang luntiang mga dahon—lahat ng iyan ay nagpapatoo ng pagmamahal at pagkakalinga ng Ama nating Diyos at sa Kanyang pagnanais na paligayahin ang Kanyang mga anak. PK 10.1

Inihahayag ang likas ng Diyos ng Kanyang salita. Siya na rin ang nagpahayag ng Kanyang hindi masukat na pag-ibig at habag. Noong idalangin ni Moises: “Ipakita Mo sa akin ang Iyong kaluwalhatian,” ay tumugon ang Panginoon: “Aking papangyayarihin ang Aking buong kabutihan sa harap mo.” Exodo 33:18, 19. Ito ang Kanyang kaluwalhatian. Ang Panginoon ay nagdaan sa harapan ni Moises, at nagpahayag: “Ang Panginoon, ang Panginoong Diyos na puspos ng kahabagan at mapagkaloob, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kaawaan at katotohanan; na gumagamit ng kaawaan sa libu-libo, na nagpapatawad ng kasamaan, at ng pagsalansang.” Exodo 34:6, 7. Siya’y “banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob,” sapagka’t “Siya’y nalulugod sa kahabagan.” Jonas 4:2; Mikas 7:18. PK 10.2