PAGLAPIT KAY KRISTO
Kabanata 1—Ang pag-ibig ng diyos sa tao
Ang Kalikasan at ang banal na pahayag ay kapuwa nagpapatotoo sa pag-ibig ng Diyos. Ang Ama nating nasa langit ang siyang bukal ng buhay, ng karunungan, at ng kaligayahan. Masdan ninyo ang kahangahanga at maiinam na bagay ng kalikasan. Isip-isipin ninyo ang kataka-takang pagkakaangkop ng mga iyan sa mga pangangailangan at katuwaan, hindi lamang ng tao, kundi ng lahat ng nilalang na may buhay. Ang sinag ng araw at ang ulan, na nagpapagalak at nagpapaginhawa sa lupa, ang mga burol, dagat at kapatagan, ay pawang nagsasalita sa atin ng pag-ibig ng Lumalang. Ang Diyos ang nagbibigay ng mga kailangan ng lahat Niyang nilalang sa araw-araw. Narito ang maiinam na pangungusap ng mang-aawit: PK 9.1
“Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa Iyo;
At Iyong ibinibigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.
Iyong binubuksan ang Iyong kamay;
at sinasapatan Mo ang nasa ng bawa’t bagay na may buhay.” Awit 145:15,16.
PK 9.2
Ginawa ng Diyos ang tao na sakdal sa kabanalan at kasayahan; at ang magandang lupa, pagkapanggaling sa kamay ng Lumalang, ay walang bakas ng kasiraan o anino man ng sumpa. Ang pagsalansang sa kautusan ng Diyos—sa kautusan ng pag-ibig—ay siyang nagdala ng hinagpis at kamatayan. Gayon man, sa gitna ng kahirapang ibinunga ng kasalanan, ay inihahayag pa rin ang pag-ibig ng Diyos. Nasusulat na sinumpa ng Diyos ang lupa sa kapakanan ng Lao. Genesis 2:17. Ang tinik at ang da wag—mga kahirapan at mga pagsubok na siyang sanhi ng pagsusumakit at pag-aalaala sa buhay—ay itinakda sa kanyang ikabubuti, na pinaka isang bahagi ng pagsasanay na kailangan sa panukala ng Diyos, upang maiyangat siya mula sa kasiraan at pagkaaba na ginawa ng kasalanan. Nabulid man ang sanlibutan sa pagkakasala, ay hindi naman panay na kalungkutan at kahirapan ang lahat dito. Sa kalikasan na rin ay may mga pabalita ng pag-asa at aliw na buhat sa Diyos. Sa mga dawag ay may mga bulaklak, at ang mga tinik ay nangatatakpan ng mga rosas. PK 9.3