PAGLAPIT KAY KRISTO

74/147

Kabanata 8—Paglaki hanggang kay kristo

Ang pagbabago ng puso na sa pamamagitan nito’y nagiging anak tayo ng Diyos ay inihahalintulad ng Biblia sa pagkapanganak. Itinulad din ito sa pagtubo ng mabuting binhing inihasik ng magsasaka. Sa ganyan ding paraan, yaong mga kapagbabalik-loob pa lamang kay Kristo ay dapat magsilaki na tulad sa “mga sanggol na bagong panganak” (1 Pedro 2:2; Efeso 4: 15), hanggang sa umabot sa taas ng mga lalaki at babae kay Kristo Jesus. O gaya ng mabuting binhing inihasik sa bukid, sila’y dapat magsilaki at mamunga. Sinasabi ni Isaias na sila’y tatawaging “mga punong-kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon upang Siya’y luwalhatiin.” Isaias 61:3. Kaya nga mula sa katalagahan ay may mga halimbawang naglalarawan upang tumulong sa atin sa pag-unawa ng mahiwagang katotohanan ng kabuhayang ukol sa espiritu. PK 91.1

Ang buong karunungan at kasanayan ng tao ay hindi makalilikha ng buhay sa pinaka maliit na bagay sa katalagahan. Sa pamamagitan lamang ng buhay na ibinigay ng Diyos maaaring mabuhay ang halaman o ang hayop man. Kaya’t sa pamamagitan din ng buhay na mula sa Diyos, sumisilang ang buhay na ukol sa espiritu sa mga puso ng mga tao. Maliban na ang tao ay “ipanganak buhat sa itaas” (Juan 3:3, talatang Griego), ay hindi siya makatatanggap ng buhay na ipinarito ni Kristo upang ibigay. PK 91.2

Kung paano sa buhay, gayon din sa paglaki. Ang Diyos ang nagpapamukadkad sa mga bukong bulaklak at nagpapaging bunga sa mga bulaklak na ito. Sa pamamagitan ng kapangyarihan Niya ay lumalaki ang binhi, “una-una’y usbong, saka uhay, pagkatapos ay butil na humihitik sa uhay.” Marcos 4:28. At tungkol sa Israel ay sinasabi ni Propeta Oseas, na “siya’y bubukang parang lila.” “Sila’y mangabubuhay uling gaya ng trigo, at mangamumulaklak na gaya ng puno ng ubas.” Oseas 14:5, 7. At iniutos ni Jesus na ating “wariin ang mga lirio kung paano silang nagsisilaki.” Ang mga halaman at mga bulaklak ay lumalaki hindi sa sarili nilang pag-aalaala o pagsisikap, kundi sa pagtanggap ng ipinagkakaloob ng Diyos upang makasapat sa kanilang ikabubuhay. Hindi makapagdaragdag ang bata sa kanyang taas, sa pamamagitan ng gaano mang pag-aalaala o ng kapangyarihang sarili niya. Gayon din naman kayo, hindi makapagdaragdag sa laking ukol sa espiritu sa pamamagitan ng pag-aalaala o pagsisikap ng inyong sarili. Ang halaman, ang bata, ay lumalaki sa pamamagitan ng natatanggap mula sa mga bagay na nasa palibot niya na tumutulong sa kanyang ikabubuhay—hangin, liwanag ng araw, at pagkain. Kung ano ang mga kaloob na ito ng katalagahan sa hayop at sa halamanan, gayon din si Kristo sa mga nangagtitiwala sa Kanya. Siya ang kanilang “walang-hanggang liwanag,” “araw at kalasag.” Isaias 60:19; Awit 84:11. Siya ay “magiging parang hamog sa Israel.” Oseas 4:5. “Siya’y, babagsak na parang ulan sa tuyong damo.” Awit 72:6. Siya ang tubig ng buhay, “ang tinapay ng Diyos ... na bumababang mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan.” Juan 6:33. PK 93.1

Sa pamamagitan ng walang katumbas na kaloob, dili iba’t ang Kanyang Anak, ay ilinaganap ng Diyos sa buong sanlibutan ang Kanyang biyaya na walang pinagibhan sa paglaganap ng hanging tumatakbo sa buong sanlibutan. Lahat ng may ibig sumagap ng hanging ito na nagbibigay buhay, ay mabubuhay at lalaki hanggang sa umabot sa taas ng mga lalaki at babae kay Kristo Jesus. PK 94.1