PAGLAPIT KAY KRISTO

75/147

Lihim ng tagumpay

Kung paanong ang bulaklak ay humaharap sa araw upang ang maliwanag na mga sinag ay makatulong sa pagpapasakdal ng ganda at hugis niya, gayon din namang dapat tayong humarap sa Araw ng Katuwiran, upang sumilang sa atin ang liwanag ng Diyos, at nang bumuti ang ating likas at makatulad ng sa kay Kristo. PK 94.2

Iyan din ang itinuturo ni Jesus nang sabihin Niyang: “Kayo’y manatili sa akin, at Ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kanyang sarili, maliban na nakakabit sa puno; gayon din naman kayo, maliban na kayo’y manatili sa Akin ... Kung kayo’y hiwalay sa Akin ay wala kayong magagawa.” Juan 15:4, 5. Gayon din ang pagkasalig ninyo kay Kristo upang makapamuhay ng isang banal na kabuhayan, gaya ng pag-asa ng isang sanga sa puno upang siya’y lumaki at mamunga. Hiwalay sa Kanya, wala kayong buhay. Wala kayong kapangyarihang lumaban sa tukso o lumaki kaya sa biyaya at kabanalan. Kung manahan kayo sa Kanya, kayo’y lalago. Sa pagkuha ninyo ng buhay sa Kanya, kayo’y hindi malalanta o mawawalan man ng bunga. Kayo’y matutulad sa isang punong itinanim sa tabi ng ilog. PK 94.3

Marami ang nag-aakala na dapat nilang sariling gawin ang ilang bahagi ng gawain. Nangagtiwala na sila kay Jesus sa ikapagpapatawad ng kasalanan, nguni’t ngayo’y sinusubok naman nilang makapamuhay ng matuwid, sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap. Datapuwa’t ang lahat ng ganyang pagsisikap ay mabibigo. Ani Jesus: “Kung kayo’y hiwalay sa Akin ay wala kayong magagawra.” Ang ating paglaki sa biyaya, ang ating kaligayahan, at ang ating kahalagahan—ang lahat ng ito’y pawang nasasalig sa ating pakikiisa kay Kristo. Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Kanya araw-araw, oras-oras—sa pamamagitan ng pananatili sa Kanya—dapat tayong lumaki sa biyaya. Hindi Siya ang nagpasimula lamang kundi siya rin naman ang sumasakdal ng ating pananampalataya. Si Kristo ang una at huli at magpakailan man. Siya ang sasa atin, hindi lamang sa pasimula at sa katapusan ng ating takbuhin, kundi sa bawa’t hakbang sa daan. Sinasabi ni David na: “Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko; sapagka’t kung Siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.” Awit 16:8. PK 95.1