PAGLAPIT KAY KRISTO

73/147

Ano ang tunay na pananampalataya?

Pagka binabanggit natin ang pananampalataya, ay may pagkakaibang dapat alalahanin. May isang uri ng paniniwala na kaibang-kaiba sa pananampalataya. Ang pamamalagi at kapangyarihan ng Diyos, at ang katotohanan ng Kanyang Salita, ay mga katunayang hindi maikaila ni Satanas at ng kanyang mga kawal sa kanilang puso. Sinasabi ng Biblia, na “ang mga demonyo man ay nagsisisampalataya at nagsisipanginig” (Santiago 2:19), nguni’t iya’y hindi pananampalataya. Kung saan mayroong hindi lamang pananampalataya sa salita ng Diyos, kundi pagsuko din naman ng kalooban sa Kanya; kung saan ang puso ay ipinasakop sa Kanya, ang pag-ibig ay natatalaga sa kanya, roo’y may pananampalataya—pananampalatayang gumagawang may pag-ibig at lumilinis sa puso. Sa pamamagitan ng pananampalatayang ito ay nababago ang puso at nawawangis sa Diyos. At ang puso na noong hindi pa nababago ay hindi napasasaklaw sa kautusan ng Diyos at sa katotohanan ay hindi nga mangyari, ay nalulugod na ngayon sa mga banal na utos, at kasama ng Mang-aawit ay sumisigaw ng wikang: “Oh gaanong iniibig ko ang Iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw.” Awit 119:97. Sa ganya’y ang katuwiran ng kautusan ay natutupad sa atin, “na hindi lumalakad ng ayon sa laman, kundi ng ayon sa Espiritu.” Roma 8:1. PK 88.1

May mga taong nakakakilala ng nagpapatawad na pag-ibig ni Kristo, at talagang hinahangad nilang maging mga anak ng Diyos, subali’t nakikilala nilang hindi sakdal ang kanilang likas, maraming kapintasan ang kanilang kabuhayan, at madali silang mag-alinlangan kung binago na nga o hindi ng Espiritu ng Diyos ang kanilang mga puso. Sa mga taong iyan ay ibig kong sabihin ang ganito: “Huwag kayong umurong sa kawalang-pag-asa. Kinakailangang tayo’y malimit na lumuhod at tumangis sa paanan ni Jesus dahil sa ating mga pagkukulang at kamalian; nguni’t hindi nararapat na tayo’y manglupaypay. Nadaig man tayo ng ating kalaban, ay hindi rin tayo itinatakwil, hindi tinatanggihan o pinababayaan man ng Diyos. Hinding-hindi; si Kristo ay nasa kanan ng Diyos, at namamagitan din naman patungkol sa atin. Ang sabi ni Juan na Kanyang iniibig: “Ang mga bagay na ito ay sinusulat ko sa inyo upang kayo’y huwag mangagkasala. At kung ang sinuman ay magkasala ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesu-Kristo, ang matuwid.” 1 Juan 2:1. Huwag din ninyong limutin ang mga pangungusap ni Kristo: “Ang Ama rin ang umiibig sa inyo.” Juan 16:27. Ibig Niyang ibalik kayo sa Kanyang sarili, upang makita Niyang nahahayag sa inyo ang Kanyang kadalisayan at kabanalan. At kung isusuko lamang ninyo ang inyong sarili sa Kanya, siyang nagpasimula ng isang mabuting gawa sa inyo ay magpapatuloy nito hanggang sa kaarawan ni Jesu-Kristo. Manalangin kayo ng lalong maningas; manampalataya kayo ng lalong lubos. Sa di pagtitiwala sa ating sariling kapangyarihan, ay magtiwala naman tayo sa kapangyarihan ng ating Manunubos, at papupurihan natin Siya na ating kagalingan. PK 88.2

Kung kailan kayo lalong nalalapit kay Jesus ay saka naman ninyo makikitang kayo’y lalong makasalanan; sapagka’t magiging malinaw ang inyong pagkakilala, at ang inyong mga kapintasan ay maliwanag na makikita ang pagkakaiba sa Kanyang sakdal na likas. Ito’y katunayan na ang mga pandaya ni Satanas ay nawalan ng kanilang bisa; na ang nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos ang kumikilos sa inyo. PK 90.1

Sa puso na ayaw kumilala sa kanyang pagkamakasalanan ay hindi makapag-uugat ng malalim ang pagibig kay Jesus. Ang kaluluwang binago ng biyaya ni Kristo ay hahanga sa Kanyang banal na likas; subali’t kung hindi pa natin nakikita ang ating sariling kapinlasan ay isang napakaliwanag na katunayang hindi pa natin nakikita ang kagandahan at kasakdalan ni Kristo. PK 90.2

Kung kailan lalong bahagya ang ating nakikitang ikapupuri sa ating sarili, ay saka naman lalong malaki ang ating makikitang ikapupuri sa walang-hanggang kadalisayan at kabanalan ng ating Tagapagligtas. Ang pagkakita natin sa ating pagka makasalanan ay siyang nagtalaboy sa atin sa Kanya na nakapagpapatawad; at pagka ang kaluluwa’y kumikilala sa sariling kahinaan, at nagpipilit na umabot kay Kristo, ay ihahayag naman Niya ang Kanyang sarili na may kapangyarihan. Sa pagtataboy sa atin ng ating pangangailangan sa Kanya at sa salita ng Diyos, ay lalong dadakila ang Kanyang likas sa ating paningin, at lalong ganap nating ihahayag ang Kanyang larawan. PK 90.3