PAGLAPIT KAY KRISTO
Sino ang may-ari ng puso?
Sino ang may-ari ng puso? Kanino naroroon ang ating mga pag-iisip? Sino ang ibig nating pag-usapan? Sino ang pinag-uukulan natin ng pinakamaalab na pag-ibig at pinakamabuting paglilingkod? Kung tayo’y kay Kristo, ang ating mga pag-iisip ay sumasa Kanya, at ang pinakamasarap nating mga iniisip ay tungkol sa Kanya. Lahat ng tinataglay natin at pati tayo ay itinalaga na sa Kanya. Kinasasabikan nating taglayin ang Kanyang wangis, tamuhin ang Kanyang Espiritu, gawin ang Kanyang kalooban, at bigyan Siya ng kaluguran sa lahat ng bagay. PK 80.2
Yaong naging mga bagong nilalang kay Kristo Jesus, ay magkakaroon ng mga bunga ng Espiritu: “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, pagpipigil.” Galacia 5:22,23. Hindi na nila isasang-ayon pa ang kanilang sarili sa dati nilang masasamang pita, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos ay susundin nila ang Kanyang mga hakbang, ipakikita ang Kanyang likas, at maglilinis ng kanilang mga sarili na gaya naman Niyang malinis. Ang mga bagay na dating kinapopootan nila, ay ibig na nila ngayon; at ang mga bagay na dati-dati’y iniibig nila, ay kinapopootan na nila. Ang palalo at mapagmapuri ay nagiging maamo at mapagpakumbaba. Ang hambog at mapaghari-harian ay nagiging maingat at di pakialam. Ang maglalasing ay nagiging dalisay. Ang walang kabuluhang kaugalian at mga moda ng sanlibutan ay inaalis. Hindi na hahanapin ng mga Kristiyano ang kagayakang panlabas, kundi ang “pagkataong natatago sa puso na may damit na walang kasiraan ng espiritung maamo at payapa.” 1 Pedro 3:3,4. PK 81.1