PAGLAPIT KAY KRISTO

63/147

Kabanata 7—Pagsubok sa pagkaalagad

“Kung ang sinuman ay na kay Kristo, siya’y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila’y pawang naging mga bago.” 2 Corinto 5:17. PK 79.1

Maaaring hindi masabi ng isang tao ang hustong panahon o lugar, o matunton man ang hanay ng mga pangyayari sa kanyang pagbabalik-loob sa Diyos; datapuwa’t ito’y hindi nagpapakilalang siya’y hindi pa nagbabalik-loob. Ang sabi ni Kristo kay Nikodemo: “Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at naririnig mo ang kanyang ugong, nguni’t hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan naparoroon: gayon ang bawa’t ipinanganak ng Espiritu.” Juan 3:8. Katulad ng hangin, na hindi nakikita, nguni’t hayag na hayag at nararamdaman ang mga ginagawa, ang paggawa ng Espiritu ng Diyos sa puso ng tao. Iyang nagbibigay-buhay na kapangyarihang iyan, na hindi kita ng mata ng tao, ay lumalalang ng isang bagong kabuhayan sa kaluluwa; lumilikha ng isang bagong pagkatao na ayon sa wangis ng Diyos. Bagaman ang paggawa ng Espiritu ay tahimik at hindi nalalaman, ang mga ibinubunga ay hayag. Kung ang puso’y binago na ng Espiritu ng Diyos, makikita sa paraan ng pamumuhay. Bagaman at wala tayong magawang anuman upang mabago ang ating puso o maipagkasundo ang ating mga sarili sa Diyos; bagaman at tayo’y hindi dapat magtiwala sa ating mga sarili o sa ating mabubuting gawa, gayon ma’y ihahayag ng ating mga kabuhayan kung ang biyaya ng Diyos ay tumitira sa ating kalooban. Isang pagbabago ang makikita sa likas, sa mga kaugalian, at sa mga gawain. Malinaw at malaki ang magiging pagkakaiba ng dati at ng bagong kilos. Nahahayag ang likas, hindi sa paminsan-minsang paggawa ng mabuti at sa paminsanminsang paggawa ng masama, kundi sa talagang hilig ng mga sinasalita at mga ginagawa sa tuwi-tuwina. PK 79.2

Tunay nga na maaaring mabago ang asal kahi’t wala ang bumabagong kapanyarihan ni Kristo. Ang pagibig na magkaroon ng impluensiya at pagnanasang kilalanin ng mga iba ay maaring lumilikha ng isang maayos na pamumuhay. Ang paggalang sa sarili ay mangyayaring sa ati’y umakay na lumayo sa anumang anyo ng kasamaan. Ang isang sakim na puso ay maaring magkawang-gawa. Dahil dito ay sa pamamagitan kaya ng ano mapagkikilala natin kung kangino tayo napapanig? PK 80.1