PAGLAPIT KAY KRISTO
Iniibig ng diyos ang makasalanan
Yamang nasa harap ninyo ang mayayamang pangako ng Biblia, mabibigyan pa ba ninyo ng daan ang pagaalinlangan? Mapaniniwalaan ba ninyo na pagka ang abang makasalanan ay nasasabik na magbalik sa Diyos ay mahigpit na hahadlangan siya ng Panginoon upang huwag makalapit na nagsisisi sa Kanyang paanan? Alisin ninyo ang ganyang akala! Wala ng lalong makasusugat sa inyong kaluluwa kay sa pagsasaloob ng ganyang paniniwala tungkol sa ating Ama na nasa langit. Kinapopootan Niya ang kasalanan, subali’t iniibig Niya ang nagkasala, at ibinigay Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ni Kristo, upang ang lahat ng may ibig maligtas, ay magkaroon ng hindi kumukupas na mga pagpapala sa kaharian ng kaluwalhatian. Ano pang pangungusap ang masusumpungan na lalong mabisa o lalong masintahin kaysa pangungusap na pinili Ni- ya, upang ipahayag ang Kanyang pag-ibig sa atin? Ipinahahayag Niyang: “Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kanyang bahay-bata? Oo, ito’y makalilimot, nguni’t hindi kita kalilimutan.” Isaias 49:15. PK 76.1
Tumingala ka, ikaw na nag-aalinlangan at nanginginig; sapagka’t si Jesus ay nabubuhay upang mamagitan para sa atin. Pasalamatan mo ang Diyos sa pagkakaloob ng Kanyang iniibig na Anak, at idalangin mong huwag sanang mawalan ng kabuluhan ang Kanyang pagkamatay dahil sa iyo. Inaanyayahan ka ngayon ng Espiritu. Lumapit ka kay Jesus ng buong puso mo, at maaangkin mo ang Kanyang pagpapala. PK 77.1
Pagbasa mo ng mga pangako, alalahanin mong iyan ay mga pahayag ng di mabigkas na pag-ibig at habag. Di masukat ang pagkaawa ng Diyos sa makasalanan. “Mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan.” Efeso 1:7. Oo, manampalataya lamang kayo na ang Diyos ang sa inyo’y tutulong. Ninanais Niyang isauli sa tao ang banal na larawan. Paglapit ninyo sa Kanya na nagsisisi at nagpapahayag ng inyong mga kasalanan, ay lalapit Siya sa inyong may dalang habag at kapatawaran. PK 77.2