PAGLAPIT KAY KRISTO
Huwag makinig kay satanas
“Wala akong kasayahan sa kamatayan niya na namamatay, sabi ng Panginoong Diyos; kaya’t magsipagbalik-loob kayo, at kayo’y mangabuhay.” Ezekiel 18: 32. Nakaabang si Satanas upang nakawin ang mapagpalang mga pangako ng Diyos. Ibig niyang alisin sa puso ng tao ang bawa’t badha ng pag-asa at bawa’t sinag ng liwanag niya. Huwag ninyong pakinggan ang manunukso, kundi inyong sabihin: “Si Jesus ay namatay upang ako’y mabuhay. Iniibig Niya ako at laban sa Kanyang kalooban ang ako’y mapahamak. Ako’y mayroong mahabaging Ama na nasa langit; at bagaman dinusta ko ang Kanyang pag-ibig bagaman inaksaya ko ang mga pagpapalang ibinigay sa akin, ay titindig din ako, at paroroon sa aking Ama at magsasabi: Nagkasala ako laban sa langit, at sa Iyong paningin: hindi na ako karapat-dapat tawaging anak Mo: gawin Mo akong tulad sa isa sa Iyong mga alilang upahan.” Sa inyo’y sinasabi ng talinhaga, kung paanong tinanggap ang naglagalag: “Samantalang nasa malayo pa siya ay natanawan na siya ng kanyang ama, at nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan.” Lukas 15:18-20. PK 75.1
Datapuwa’t maging ang talinhagang ito, na puno ng pag-ibig at kumikilos ng damdamin ay hindi sapat na makapaglarawan ng walang-hanggang pagmamahal ng Ama na nasa langit. Ganito ang inihahayag ng Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang propeta: “Inibig kita ng walang-hanggang pag-ibig: kaya’t ako’y lumapit sa iyo na may kagandahang loob.” Jeremias 31:3. Noong ang makasalanan ay hindi pa umuuwi sa bahay ng Ama, at inaaksaya ang kanyang kayamanan sa ibang bayan, ang puso ng Ama ay uhaw na uhaw sa kanya; at bawa’t pananabik na bumabangon sa kanyang puso upang manumbalik sa Ama, ay malumanay na pamanhik lamang ng Espiritu ng Diyos, na sumusuyo at sumasamo, upang ilapit ang naglagalag sa maibiging puso ng kanyang Ama. PK 75.2