PAGLAPIT KAY KRISTO
Alisin ang pag-aalinlangan
Ito ang ipinagkukulang ng libu-libo: hindi sila naniniwalang pinatatawad ni Jesus ang bawa’t isa sa kanila. Hindi naniniwalang gagawin ng Diyos ang Kanyang sinabi. Subali’t karapatan ng lahat ng umaalinsunod sa mga hinihiling ng Diyos ang kanilang maalaman na sa lahat ng uri ng kasalanan ay malayang ipinagkaloob ang kapatawaran. Alisin ninyo ang hinala na sa inyo’y hindi ukol ang mga pangako ng Diyos. Magkatiwala kayo, na ang mga pangakong iyan ay para sa bawa’t nagsisising makasalanan. Sa pamamagitan ni Kristo ay nailaan na ang lakas at biyaya upang dalhin ng mga anghel na nangangasiwa sa bawa’t taong sumasampalataya. Walang mga napakamakasalanan na hindi makakasumpong ng lakas, kalinisan, at katuwiran kay Jesus, na namatay ng dahil sa kanila. Siya’y naghihintay upang hubarin ang kanilang mga kasuutang nadungisan at narumhan ng kasalanan at bihisan sila ng mapuputing damit ng katuwiran; Nais Niyang mabuhay sila, at huwag mamatay. PK 74.1
Hindi tayo pinakikitunguhan ng Diyos gaya ng pakikitungo ng tao sa kapuwa niya. Ang Kanyang pagiisip ay pag-iisip ng kaawaan, pag-ibig, at masintahing kahabagan. Ganito ang sabi Niya: “Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kaaawaan Niya siya; at sa aming Diyos, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.” “Aking pinawi na parang masingsing ulap ang inyong mga pagsalansang, at parang alapaap, ang inyong mga kasalanan.” Isaias 55:7; 44:22. PK 74.2