PAGLAPIT KAY KRISTO
Huwag kayong umurong
Ngayong naibigay na ninyo kay Jesus ang inyong sarili, ay huwag kayong umurong, huwag ninyong llayo sa Kanya ang inyong sarili; kundi sa araw-araw ay sabihin ninyo ang ganito: “Ako’y kay Kristo; ibinigay ko na sa Kanya ang aking sarili;” at hilingin ninyo sa Kanya na ibigay sa inyo ang Kanyang Espiritu, at ingatan kayo ng Kanyang biyaya. Kung paanong sa pagbibigay ng inyong sarili sa Diyos at sa pananampalataya sa Kanya, kayo’y nagiging Kanyang mga anak, sa ganyan din namang paraan mabubuhay kayo sa Kanya. Anang apostol: “Kung paano nga na inyong tinanggap si Kristo Jesus na Panginoon, ay magsilakad kayong gayon sa Kanya.” Colosas 2:6. PK 73.1
Ang akala mandin ng mga iba ay dapat silang mapalagay sa pagsubok at dapat nilang patunayan muna sa Panginoong sila’y nagsipagbago na, bago nila maangkin ang Kanyang pagpapala. Datapuwa’t ngayon paman ay maaangkin na nila ang pagpapala ng Diyos. Dapat silang magkaroon ng kanyang biyaya, at ng Espiritu ni Kristo upang umalalay sa kanilang mga kahinaan, kung hindi gayon ay di nila malalabanan ang masama. Nalulugod si Jesus na tayo’y lumapit sa Kanya, sa talaga nating kalagayan: makasalanan, mahina, at walang kaya. Makalalapit tayong dala ang lahat nating kahinaan, ang ating mga pagkakamali, ang ating pagkamakasalanan, at makapagpapatirapang nagsisisi sa Kanyang paanan. Ikinaluluwalhati Niya na yakapin tayo sa mga bisig ng Kanyang pag-ibig, at talian ang ating mga sugat, at linisin tayo sa lahat nating karumihan. PK 73.2