PAGLAPIT KAY KRISTO
Halimbawa ng tunay na pagsisisi
Ang mga halimbawang natatala sa salita ng Diyos tungkol sa tunay na pagsisisi at pagpapakababa ay nag papakilala ng isang diwa ng pagpapahayag ng kasalanan, na hubad sa pagdadahilan sa pagkakasala, o pagsisikap na ariing ganap ang sarili. Hindi sinikap ni Pablo na ipagtanggol ang kanyang sarili; iginuhit niya ng napakaitim ang kanyang kasalanan, na hindi man lamang niya sinikap na ariing maliit ang kanyang pagkakasala. Ang wika niya: “Kinulong ko sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at nang sila’y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang- ayon laban sa kanila. At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila’y pinag-uusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.” Gawa 26:10, 11. PK 56.1
Hindi siya nag-atubiling magsabi na: “Si Kristo ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang una sa kanila.” 1 Timoteo 1:15. PK 57.1
Ang nagpapakumbaba at bagbag na puso, na pinapangayupapa ng tapat na pagsisisi, ay magpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos at sa pagpapakasakit ni Kristo sa Kalbariyo; at kung paano na ang isang anak ay nagpapahayag ng kanyang kasalanan sa magiliwin niyang ama, gayon din ang gagawin ng lahat ng tunay na nagsisisi sa harap ng Diyos. At nasusulat: “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal Siya na tayo’y patatawarin sa ating mga kasalanan at tayo’y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” 1 Juan 1:9. PK 57.2