PAGLAPIT KAY KRISTO

46/147

Maling uri ng pagpapahayag

Nang makain na ni Adan at ni Eva ang bunga ng kahoy na ipinagbawal ay napuno sila ng hiya at takot. Ang una nilang naisip ay kung paano nila mapangangatuwiranan ang kanilang kasalanan upang sila’y makaiwas sa nakahihilakbot na hatol na kamatayan. Nang sila’y tanungin ng Panginoon tungkol sa kanilang pagkakasala, ay tumugon si Adan, na ipinaratang niya sa Diyos ang isang bahagi ng kasalanan at sa kanyang kasama ang isang bahagi, na sinabi: “Ang babaeng ibinigay Mong aking kasamahin, ay siyang nagbigay sa akin ng bunga ng punong-kahoy, at aking kinain.” Ang sisi ay ibinabaw naman ng babae sa ahas, na sinabi: “Dinaya ako ng ahas, at ako’y kumain.” Genesis 3:12, 13. Bakit Mo ginawa ang ahas? Bakit Mo pinahintulutan siyang makaparito sa Eden? Ito ang mga katanungang nakapaloob sa kanyang mga ikinatuwiran sa kanyang pagkakasala sa gayo’y binubuhatan ang Diyos na may kasalanan sa pagkapahamak na nangyari sa kanila. Ang diwa ng pag-aaring-ganap sa sarili ay nanggaling sa ama ng mga kasinungalingan, at inihayag naman ng lahat ng lalaki at babaeng anak ni Adan. Ang ganitong mga pagpapahayag ng kasalanan ay hindi udyok ng Banal na Espirilu, at hindi magiging kalugud-lugod sa Diyos. Ang tunay na pagsisisi ay siyang aakay sa tao na kanyang pasanin ang sariling kasalanan, at kilalanin ito ng walang daya o pagpapaimbabaw. Tulad niyaong kaawa-awang maniningil ng buwis, na hindi man lamang makatingin sa langit, sisigaw siya ng wikang: “Diyos, Ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan,” at lahat ng kumikilala ng kanilang mga kasalanan ay aariing matuwid; sapagka’t ihaharap ni Jesus ang Kanyang dugo patungkol sa taong nagsisisi. PK 55.2