PAGLAPIT KAY KRISTO

48/147

Kabanata 5—Pagtatalaga

Ang pangako ng Diyos ay: “Inyong hahana-pin Ako, at masusumpungan Ako, pagka inyong sisiyasatin Ako ng inyong buong puso.” Jeremias 29:13. PK 59.1

Ang buong puso ay kailangang ipakupkop sa Diyos, kung dili ay hindi mangyayari sa atin ang pagbabago na sa pamamagitan niyao’y masasauli tayo sa Kanyang wangis. Sa katutubo ay mga hiwalay tayo sa Diyos. Inilalarawan ng Banal na Espiritu ang ating kalagayan sa ganitong mga pangungusap: “Mga patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan;” “ang buong ulo ay masakit, at ang buong puso ay nanglulupaypay;” “walang kagalingan.” Huling-huli tayo ng mga pakana ni Satanas; “na bumihag ... ayon sa kanyang kalooban.” Efeso 2:1; Isaias 1:5,6; 2 Timoteo 2:26. Ninanais ng Diyos na tayo’y pagalingin, at tayo’y palayain. Subali’t dahil sa ito’y nangangailangan ng isang ganap na pagbabago, pagbabago ng ating buong pagkatao, ay nararapat na lubos nating ipakupkop sa Kanya ang ating mga sarili. PK 59.2

Ang pakikibaka sa sarili ay siyang pinakamalaki sa lahat ng pakikipaglaban. Ang pagpapakupkop ng sarili, na isinusuko ang lahat sa kalooban ng Diyos, ay nangangailangan ng isang pakikipagpunyagi; nguni’t dapat sumuko sa Diyos ang kaluluwa bago ito magkaroon ng kabanalan. PK 59.3

Ang pamahalaan ng Diyos ay hindi gaya ng ipinaki- lala ni Satanas, na nasasalig sa isang bulag na pagsunod at walang katuwirang pamamahala. Ito’y tumatawag sa pag-iisip at sa budhi. “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan” (Isaias 1:18), ang paanyaya ng Diyos sa mga taong nilikha Niya. Hindi pinipilit ng Diyos ang kalooban ng Kanyang mga nilalang. Hindi Niya matatanggap ang isang pagsambang hindi bukal sa puso at hindi iniisip. Ang hamak na pagpapakupkop na pilit lamang ay siyang pipigil sa lahat ng tunay na paglusog ng pag-iisip o ng likas; gagawin niyan ang tao na isang makina. Hindi ganyang ang adhika ng Maykapal. Ninanais Niyang ang tao, na siyang pinaka mabuting bunga ng Kanyang kapangyarihang paglalang, ay makaabot sa tugatog ng pagkasulong. Iniharap Niya sa atin ang taas ng pagpapala na ninanais Niyang maabot natin sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Inaanyayahan Niya tayong ibigay natin sa Kanya ang ating mga sarili, upang magawa Niya sa atin ang Kanyang kalooban. Tayo ang pinapamimili Niya kung ibig nating lumaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan, at magtamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. PK 59.4