PAGLAPIT KAY KRISTO

45/147

Ang pagpapahayag ay dapat makasama ng pagsisisi at pagbabago

Ang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi tatanggapin ng Diyos kung walang wagas na pagsisisi at pagbabago. Kinakailangang magkaroon ng maliwanag na mga pagbabago sa kabuhayan; ang lahat ng bagay na kapoot-poot sa Diyos ay kailangang iwaksi. Iyan ang ibubunga ng tunay na pagkalungkot dahil sa kasalanan. Ang kinakailangan nating gawin ay malinaw na ipinakikilala sa ganitong mga pangungusap sa atin: “Mangaghugas kayo, mangaglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa harap ng aking mga mata; mangaglikat kayo ng paggawa ng kasamaan; mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaeng bao.” Isaias 1:16,17. “Kung isauli ng masama ang sangla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan; siya’y walang pagsalang mabubuhay, siya’y hindi mamamatay.” Ezekiel 33:15. Nang salitain ni apostol Pablo ang tungkol sa nagagawa ng pagsisisi, ay ganito ang sinabi niya: “Ito rin ang inyong ikinalulumbay ayon sa Diyos, gaanong sikap na pag-iingat ang sa inyo’y ginawa, oo’t gaanong pagtatanggol ng inyong sarili, oo’t gaanong pagkagalit, oo’t gaanong katakutan, oo’t gaanong pananabik, oo’t gaanong pagmamalasakit, oo’t gaanong paghihiganti! Sa lahat ay napakita kayong dalisay sa mga bagay na ito.” 2 Corinto 7:11. PK 54.1

Pagka nabulag na ng kasalanan ang pagkakilala ng tao sa magaling at sa masama, ay hindi na nakikita ng nagkasala ang mga kapintasan ng kanyang likas, o nakikilala man niya ang laki ng nagawa niyang kasamaan; at malibang siya’y pahinuhod sa sumusumbat na kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay mananatili siya sa malabong pagkabatid sa kanyang kasalanan. Ang kanyang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi tapat at hindi taos sa kanyang puso. Sa tuwi niyang aaminin ang kanyang kasalanan ay may iminamatuwid kung bakit siya nakagawa ng gayon, at kanyang sinasabing kung hindi lamang sa gayon o ganitong mga pangyayari, sana’y hindi niya nagawa ang gayo’t ganito, na dahil dito’y sinaway siya. PK 55.1