PAGLAPIT KAY KRISTO
Ang unang kondisyon sa pagpapatawad
Ang mga hindi nagpapakababa sa harapan ng Diyos sa pagkilala sa kanilang kasalanan, ay hindi pa nakatutupad sa unang kondisyon upang sila’y matanggap. Pagka hindi natin naranasan yaong pagsisising hindi natin pagsisisihan, at hindi tayo nagpahayag ng ating mga kasalanan, na taglay ang tunay na pagpapakababa at pagkabagbag ng kalooban at nasusuklam sa kasamaan natin, ay hindi pa tunay na hinihingi natin ang kapatawaran ng ating kasalanan; at pagka hindi pa natin hinihingi ay hindi pa natin natatagpuan ang kapayapaang buhat sa Diyos. Ang tanging kadahilanan, kung kaya hindi natin tinamo ang kapatawaran sa ating nagawang mga kasalanan ng nakaraan ay dahil sa ayaw nating papagpakumbabain ang ating mga puso ni ganapin ang mga kondisyong itinatadhana ng salita ng katotohanan. Tungkol sa bagay na ito ay malinaw ang itinuturo. Ang pagpapahayag ng kasalanan, maging sa hayag o sa lihim man, ay dapat na maging taos-puso, at sabihin ng malaya. Ito’y hindi dapat ipilit sa nagkasala. Hindi dapat gawin sa isang pabiro at walang ingat na paraan, o ipilit man kaya roon sa mga hindi nakababatid ng kamuhi-muhing likas ng kasalanan. Ang pagpapahayag na siyang pagbubuhos ng buong lina- laman ng puso, ay umaabot sa Diyos na walang-hanggan ang kaawaan. Ganito ang sabi ng mang-aawit: “Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.” Awit 34:18. PK 52.1
Ang tunay na pagpapahayag ng kasalanan ay palaging tapat at tiyak, na inaaming isa-isa ang mga kasalanan. Maaaring ang mga kasalanang iyan ay may uring sa Diyos lamang dapat sabihin; maaari namang iyan ay mga kasalanang dapat ipahayag sa bawa’t taong pinagkasalanan; o kaya’y may kinalaman sa madla, at sa gayon ay kailangang ipahayag sa harap ng marami. Datapuwa’t ang lahat ng pagpapahayag ay dapat maging malinaw at tiyak, na inaamin ang bawa’t kasalanang nagawa. PK 53.1