PAGLAPIT KAY KRISTO

42/147

Kabanata 4—Pagpapahayag ng kasalanan

“Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsalansang ay hindi giginhawa: nguni’t ang nagpapahayag at nag-iiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan.” Kawikaan 28:13. PK 51.1

Ang mga kondisyon upang matanggap ang awa ng Diyos ay magaan at naaayon sa matuwid. Hindi tayo pinagagawa ng Panginoon ng mabibigat na bagay upang tamuhin natin ang kapatawaran ng kasalanan. Hindi na kinakailangang magpakapagod tayong maglakbay sa malayo o gumawa ng malaking penitensiya, upang maipagtagubilin ang ating mga kaluluwa sa Diyos ng langit o matubos kaya ang ating pagsalansang; kundi siyang nagpapahayag at nag-iiwan ng kanyang kasalanan ay magtatamo ng awa. PK 51.2

Anang apostol: “Mangagpahayagan nga kayo sa isa’l isa ng inyong mga kasalanan, at ipanalangin ng isa’t isa ang iba, upang kayo’y magsigaling.” Santiago 5:16. Ipagtapat ninyo sa Diyos ang inyong mga kasalanan, na siya lamang ang makapagpapatawad, at pagkatapos ay ang inyong mga kamalian sa isa’t isa. Kung kayo’y nakagawa ng ikinatisod ng inyong kaibigan o kapitbahay, ay dapat ninyong kilalanin ang inyong kamalian, at tungkulin naman niyang kayo’y patawarin. At pagkatapos ay humingi kayo sa Diyos ng kapatawaran, sapagka’t ang kapatid na inyong sinugatan ay ari ng Diyos, at sa pagsugat ninyo sa kanya ay nagkasala kayo sa Lumalang at Tumubos sa kanya. Ang ganyang kalagayan ay napapaharap sa tanging tunay na Tagapamagitan, na siya nating Dakilang Saserdote, na “Tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayon may walang kasalanan,” at “nahahabag sa ating mga kahinaan” (Hebreo 4:15), at makalilinis ng bawa’t dungis ng katampalasanan. PK 51.3