PAGLAPIT KAY KRISTO
Kung nanglulupaypay
Pagka sa inyo’y lumapit si Satanas upang sabihing kayo’y napakasamang makasalanan, tumingala kayo sa inyong Manunubos, at sabihin ninyo ang mga kagalingan Niya. Ang pagtingin sa Kanyang liwanag ang tutulong sa inyo. Kilalanin ninyo ang inyong kasalanan, nguni’t sabihin ninyo sa kaaway na: “Si Kristo Jesus ay naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan” (1 Timoteo 1:15), at upang kayo’y mailigtas ng Kanyang walang kapantay na pag-ibig. Tinanong ni Jesus si Simon tungkol sa dalawang may utang. Ang una ay may utang sa kanyang panginoon na maliit na halaga, at ang ikalawa ay malaking halaga; datapuwa’t kapuwa niya pinatawad, at ngayo’y itinanong ni Kristo kay Simon kung sino sa dalawang may utang ang iibig ng malaki sa kanyang panginoon. Sumagot si Simon: “Yaong pinatawad niya ng lalong malaki.” Lukas 7:43. Tayong lahat naman ay totoong makasala- nan nguni’t namatay si Kristo upang tayo’y mapatawad. Ang mga karapatan ng Kanyang sakripisiyo ay sapat nang iharap sa Ama patungkol sa atin. Ang mga pinatawad Niya ng malaki ay siyang iibig sa Kanya ng malaki at magiging pinakamalapit sa Kanyang luklukan upang magpuri sa Kanya, dahil sa malaki Niyang pag-ibig at walang katumbas na pagpapakasakit. Kung kailan ganap nating nauunawa ang pag-ibig ng Diyos ay saka naman natin malinaw na napagkikilala ang kasamaan ng kasalanan. Pagka nakikita natin ang haba ng tanikalang ilinalawit para sa atin, pagka nauunawa natin ang hindi matutumbasang pagpapakasakit na ginawa ni Kristo patungkol sa atin, pinalalambot ang ating puso ng pagkahabag at pagsisisi. PK 48.1