PAGLAPIT KAY KRISTO

40/147

Kailangan ang pagdalangin

Pag-aralan ninyo ang salita ng Diyos na may pananalangin. Sa pamamagitan ng kautusan ng Diyos at ng kabuhayan ni Kristo ay inihaharap sa inyo ng salitang iyan ang mga dakilang simulain ng kabanalan, na kung wala ng mga iyan “sinuman ay di makakikita sa Panginoon.” Hebreo 12:14. Ipinakikilala nito [ng salita ng Diyos] ng maliwanag ang kasalanan sa nagkasala, malinaw na itinuturo ang daan ng kaligtasan. Pakinggan nga ninyong tulad sa tinig ng Diyos na nagsasalita sa inyong kaluluwa. PK 47.2

Pagkakita ninyo sa laki ng inyong kasalanan, pagkakita ninyo sa tunay ninyong kalagayan, ay huwag kayong mawalang-pag-asa. Mga makasalanan ang pinarituhan ni Kristo upang iligtas. Hindi natin pinakikipagkasundo ang Diyos sa atin, kundi—Oh kagila-gilalas na pag-ibig!—“Ang Diyos kay Kristo ay pinakipag kasundo ang sanlibutan sa Kanya rin.” 2 Corinto 5:19. Sa pamamagitan ng Kanyang malumanay na pag-ibig ay sinusuyo Niya ang mga puso ng namamali Niyang mga anak. Dito sa lupa ay walang pagtitiis ng magulang sa mga pagkukulang at mga pagkakamali ng Kanyang mga anak, na matutulad sa pagtitiis ng Diyos sa mga taong pinagsisikapan Niyang iligtas. Wala sinumang makatutulad sa Kanyang banayad na panunuyo sa mananalansang. Walang labi ng tao na pinamutawihan kailan man ng mga maibiging pagsuyo sa naliligaw ng higit sa Kanya. Ang lahat Niyang pangako at ang lahat Niyang babala, ay mga pahayag lamang ng kanyang di-mabigkas na pag-ibig. PK 47.3