PAGLAPIT KAY KRISTO
Binabasa ng diyos ang ating puso
“Ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7), sa puso ng taong kinapapalooban ng nagpapangagaw na tuwa at lungkot, pusong lagalag at naliligaw na pinamamahayan ng napakaraming karumihan at pagdaraya. Alam ng Diyos ang mga nasa, adhika at layunin ng pusong ito. Dumulog nga kayo sa Kanya, kahi’t na marumi ang inyong kaluluwa. Gaya ng mang-aawit ay buksan ninyo ang mga pitak ng inyong puso sa matang hindi mapagkukublihan ng anumang bagay, at inyong sabihin: “Siyasatin Mo ako, Oh Diyos, at alamin Mo ang aking puso; subukin Mo ako at alamin Mo ang aking mga pag-iisip; at tingnan Mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin at patnubayan Mo ako sa daang walang-hanggan.” Awit 139:23,24. PK 46.2
Marami ang tumatanggap ng relihion sa isipan, na isang anyo ng kabanalan, samantala’y ang puso ay hindi nalilinis. Ganito ang inyong idalangin: “Likhaan Mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos: at magbago Ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.” Awit 51:10. Tapat na pakitunguhan ninyo ang inyong sariling kaluluwa. Kayo’y maging masigasig at mapilit gaya ng inyong gagawin kung nabibingit sa panganib ang inyong buhay. Ilo’y isang bagay na dapat pasiyahan ng inyong kaluluwa at ng Diyos, mabigyang pasiya magpakailan man. Ang ipinalalagay na pag-asa, at hindi hihigit sa palagay lamang, ay siyang magpapahamak sa inyo. PK 47.1