Bukal Ng Buhay
Kabanata 19—Sa Balon ni Jacob
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 4:1-42.
Sa pagtungo ni Jesus sa Galilea ay dumaan Siya sa Samaria. Katanghaliang-tapat nang Siya'y dumating sa kapatagan ng Shechem. Sa gawing bukana ng kapatagang ito ay naroroon ang balon ni Jacob. Dahil sa Kaniyang kapaguran, Siya'y naupo roon at nagpahinga samantala'y umalis ang Kaniyang mga alagad upang bumili ng pagkain. BB 235.1
Ang mga Hudyo at ang mga Samaritano ay mahigpit na magkaaway, at hangga't maaari ay iniiwasan nilang makipag-usap sa isa't isa. Ang pakikipagkalakalan sa mga Samaritano sakaling talagang kailangan ay itinu-turing ng mga rabi na matuwid; subali't ang lahat ng pakikipagbatian at pakikipag-unawaan sa kanila ay ipinagbabawal. Ang Hudyo ay hindi manghihiram sa isang Samaritano, ni hindi siya mangungutang ng loob, ni manghihingi man ng isang subong tinapay o isang basong tubig. Nang bumili ang mga alagad ng kanilang makakain, sila'y sumunod lamang sa kaugalian ng kanilang bansa. Nguni't maliban dito ay wala na silang ginawa pa. Ang makiutang na loob sa mga Samaritano, o ang tumulong sa anumang paraan sa kanila, ay malayung-malayo sa isip ng mga alagad ni Kristo. BB 235.2
Nang maupo si Jesus sa tabi ng balon, Siya'y nanla- lambot sa gutom at uhaw. Totoong mahaba ang kanilang nilakad buhat sa umaga, at ngayo'y matindi ang sikat ng araw na tumatama sa Kaniya. Lalong tumindi ang Kaniyang pagkauhaw nang maisip Niya ang malamig at nagpapaginhawang tubig ng balong naroon sa tabi, nguni't hindi naman Siya makakuha, sapagka't wala Siyang lubid ni banga mang maipananalok, at ang balon ay malalim. Ang ganyang palad ng tao ay sumapit sa Kaniya, at Siya'y naghintay sa pagdating ng sinumang iigib. BB 235.3
Isang babaing Samaritana ang dumating, at waring di-napapansing Siya'y naroroon, na pinuno ng tubig ang taglay na banga. Nang ito'y pumihit na upang umalis, ay humingi si Jesus ng maiinom. Sa isang taga-Silangan, ang gayong pakiusap ay hindi tinatanggihan. Doon sa Silangan, ang tubig ay tinatawag na “kaloob ng Diyos.” Ang pagpapainom sa nauuhaw na manlalakbay ay itinuturing na isang tungkuling napakabanal na anupa't ang mga Arabeng tumatahan sa ilang o disyerto ay lumalabas ng kanilang daan upang gampanan iyon. Ang pagkakapootan ng mga Hudyo at ng mga Samaritano ay siyang pumigil sa babae na mag-alok kay Jesus ng gayong kagandahang-loob; gayunma'y humahanap noon si Jesus ng daang makalapit Siya sa puso ng babae, at kaya nga taglay ang katalinuhang supling ng pag-ibig ng Diyos, ay Siya'y humingi, hindi nag-alok, ng isang kagandahang-loob. Ang alok na kagandahang-loob ay ma-aaring tanggihan; subali't ang pagtitiwala ay gumigising ng pagtitiwala. Ang Hari ng langit ay lumapit sa waglit na kaluluwang ito, na humihingi ng paglilingkod sa mga kamay nito. Siya na gumawa ng dagat, na pumipigil sa mga tubig ng kalaliman, na nagbukas ng mga bukal at humawi ng mga daanan ng mga agos sa lupa, ay namahinga sa tabi ng balon ni Jacob dahil sa pagod, at ngayo'y naghihintay sa kagandahang-loob ng isang dikilalang babae para sa isa man lamang lagok na tubig. BB 237.1
Nakilala ng babae na si Jesus ay isang Hudyo. Dahil sa kaniyang pagtataka ay nalimutan niya ang hinihingi Nito, gayunma'y sinikap niyang alamin ang dahilan kung bakit Ito'y nakikiinom. “Bakit,” ang wika niya, “Ikaw na isang Hudyo, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong ako ay isang babaing Samaritana?” BB 237.2
Sumagot si Jesus, “Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo Ako; ikaw ay hihingi sa Kaniya, at ikaw ay bibigyan Niya ng tubig na buhay.” Nagtataka ka na Ako'y humingi sa iyo ng isang lagok na tubig buhat sa balong nasa ating paanan. Kung ikaw ang humingi sa Akin, binigyan sana kita ng maiinom na tubig ng walang-hanggang buhay. BB 238.1
Hindi naunawaan ng babae ang mga salitang sinabi ni Kristo, nguni't naramdaman niya ang banal na kahulugan niyon. Nagpasimulang mag-iba ang kaniyang pawalang-bahala at pabirong paraan ng pakikipag-usap. Sa pag-aakala niyang ang tinukoy ni Jesus ay ang balong nasa harap nila, ay sinabi niya, “Ginoo, wala Kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang Iyong tubig na buhay? Dakila Ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya?” Ang tingin niya sa kaniyang kaharap ay isa lamang nauuhaw na manlalakbay, na pagod at puno ng alikabok. Sa kaniyang isip ay naihambing niya Ito sa iginagalang na patriarkang si Jacob. Kimkim niya sa kaniyang damdamin, bagay na katutubo lamang iyon, ang pakiramdam na walang ibang balong maipapantay sa balong bigay ng mga magulang. Naisip niya ang unang mga magulang, at ang dumarating na Mesiyas, saman-talang Itong talagang Mesiyas, na Pag-asa ng mga magulang, ay katabi niya at hindi niya nakikilala. Ilang mga uhaw na kaluluwa ngayon ang nasa tabi na ng bukal ng buhay, nguni't tumitingin pa rin sa malayo sa paghahanap ng mga bukal ng buhay! “Huwag mong sabihin sa iyong puso, Sino ang aakyat sa langit? (samakatwid baga'y, upang ibaba si Kristo:) 0, Sino ang mananaog sa kalalim-laliman? (samakatwid baga'y upang iakyat na muli si Kristo mula sa mga patay.) ... Ang salita ay malapit sa iyo, sa iyong bibig, at sa iyong puso: ... kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Pangino-on, at sasampalataya ka sa iyong'puso na binuhay Siyang mag-uli ng Diyos sa mga patay, ay maliligtas ka.” Roma 10:6-9. BB 238.2
Hindi karaka-rakang sinagot ni Jesus ang tanong na nauukol sa Kaniyang sarili, kundi buong katapatang sinabi Niya, “Sinumang umiinom ng tubig na ito ay muling mauuhaw: datapwa't ang sinumang uminom ng tubig na sa kaniya'y Aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpa-kailanman; kundi ang tubig na sa kaniya'y Aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang-hanggan.” BB 239.1
Ang sinumang nagnanais magpatid-uhaw sa mga bukal ng sanlibutang ito ay iinom upang muli lamang mauhaw. Sa lahat ng dako'y hindi nasisiyahan ang mga tao. Naghahanap sila ng makatutustos sa pangangailangan ng kaluluwa. Iisa lamang ang makatutugon sa pangangailangang iyan. Ang kailangan ng sanlibutan, “Ang Nais ng lahat ng bansa,” ay si Kristo. Ang banal na biyayang Siya lamang ang makapagbibigay, ay tulad sa tubig na buhay, na lumilinis, nagpapaginhawa, at nagpapalakas sa kaluluwa. BB 239.2
Hindi ipinahiwatig ni Jesus na isa lamang patak ng tubig ng buhay ay makasasapat na sa iinom. Ang nakakatikim ng pag-ibig ni Kristo ay patuloy na hihingi at hihingi pa; nguni't hindi siya hihingi ng iba pa. Ang mga kayamanan, mga karangalan, at mga kalayawan ng sanlibutan ay hindi nakaakit sa kaniya. Ang laging isinisigaw ng kaniyang puso ay, Nais ko'y Ikaw pa rin. At Siya na naghahayag sa kaluluwa ng kailangan nito, ay laang magbigay-kasiyahan sa kagutuman at kauhawan nito. Lahat ng maibibigay ng tao at aasahan sa tao ay hindi maka-sisiya. Ang mga sisidlan ay mawawalan ng laman, ang mga bukal ay matutuyuan; nguni't ang Manunubos natin ay isang bukal na di-matutuyuan. Maaari tayong uminom nang uminom, at lagi pa ring may sariwang tubig na maibibigay. Siyang tinatahanan ni Kristo ay may isang bukal ng pagpapala sa loob niya—“isang balon ng tubig na bu-bukal sa kabuhayang walang-hanggan.” Sa bukal na ito ay makapagtatamo siya ng lakas at biyaya na makasasapat sa lahat niyang mga pangangailangan. BB 239.3
Nang salitain ni Jesus ang tungkol sa tubig na buhay, ay napatingin sa Kaniya ang babae na may pagtataka. Nakilos Niya ang interes nito, at napukaw ang paghahangad na makamtan ang bagay na iniaalok Niya. Nahiwatigan nitong hindi ang tubig sa balon ni Jacob ang tinutukoy Niya; sapagka't ito ay lagi nitong iniinom, at lagi rin naman itong nauuhaw. “Ginoo,” sabi nito, “bigyan Mo ako ng tubig na ito, upang hindi na ako mauhaw, at hindi na rin ako pumarito upang sumalok pa.” BB 240.1
Biglang-bigla ngayong iniba ni Jesus ang pag-uusap. Bago tanggapin ng babaing ito ang kaloob na nais Niyang ibigay, dapat muna nitong makilala ang kasalanan nito at pati ang Tagapagligtas nito. Sinabi Niya sa babae, “Humayo ka, tawagin mo ang iyong, asawa at pumarito ka.” Sumagot ito, “Wala akong asawa.” Sa gayong paraan inasahan ng babaing mapuputol na ang lahat na pagtatanong ukol sa bagay na iyon. Nguni't nagpatuloy ang Tagapagligtas, “Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa: sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan.” BB 240.2
Kinilabutan ang nakikinig. Isang mahiwagang kamay ang bumubuklat ng kasaysayan ng kaniyang buhay, at inilalantad ang bagay na nais niyang ilihim na sana magpakailanman. Sino kaya Itong nakababasa ng mga lihim ng kaniyang buhay? Dumating sa isip niya ang tungkol sa Diyos, ang tungkol sa darating na paghuhukom, na sa panahong yaon ay mahahayag ang lahat na inililihim ngayon. Sa liwanag nito, nagising ang kaniyang budhi. BB 240.3
Hindi siya makapagkaila; nguni't sinikap niyang iwasan ang pagbanggit sa paksang ikinahihiya niya. Taglay ang malaking paggalang, na sinabi niya, “Ginoo, nahahalata kong Ikaw ay isang propeta.” Sa hangad niyang mapagtakpan ang kaniyang kahihiyan, dinala niya ang usapan sa paksa ng relihiyong pinagtatalunan. Kung Ito ay isang propeta, tiyak na mayroon Itong maibibigay na turo o aral tungkol sa mga bagay na ito na maluwat nang pinagtatalunan. BB 241.1
Matiyagang pinabayaan ni Jesus na dalhin ng babae ang usapan sa bagay na ibig nito. Samantala'y nag-abang Siya ng pagkakataon na muling maipasok sa puso nito ang katotohanan. “Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na ito,” sabi nito, “at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao.” Natatanaw roon ang Bundok Gerizim. Giba na ang templo nito, at dambana na lamang ang nananatili. Ang dakong dapat pagsambahan ay isang paksang malaon nang pinagtatalunan ng mga Hudyo at ng mga Samaritano. Ang mga ninuno nitong huli ay mga Hudyo rin noong una; nguni't dahil sa kanilang mga kasalanan, ay pinahintulutan ng Panginoon na sila'y magapi ng isang bansang sumasamba sa mga diyus-diyosan. Sa loob ng maraming saling-lahi ay napahalo sila sa mga nagsisi-samba sa mga diyus-diyosan, kaya ang relihiyon ng mga ito ay napahawa sa kanila. Kung bagama't totoo na sila'y naniniwalang ang mga diyus-diyosan nila ay mga taga-pagpaalaala lamang sa kanila ng buhay na Diyos, na Puno ng sansinukob, gayunma'y naakay rin ang mga tao na igalang at sambahin ang kanilang mga larawang inan-yuan. BB 241.2
Nang muling itayo ang templo sa Jerusalem noong kapanahunan ni Ezra, ay ninais ng mga Samaritanong tumulong sa mga Hudyo sa pagtatayo nito. Nguni't tinanggihan ito ng mga Hudyo, kaya't ito ang pinagmulan ng mahigpit na alitan ng dalawang bansa. Nagtayo ang mga Samaritano ng ibang templo sa Bundok Gerizim. Doo'y sumamba sila nang ayon sa palatuntunan ni Moises, bagama't hindi nila lubos na iniwan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Datapwa't dinatnan sila ng mga kasakunaan, iwinasak ng mga kaaway ang kanilang templo, at waring nakalukob sa kanila ang isang sumpa; gayunma'y nangunyapit pa rin sila sa kanilang mga sali't saling sabi at mga ayos ng pagsamba. Ayaw nilang kilalanin na ang templo sa Jerusalem ay siyang tunay na bahay ng Diyos, ni ayaw rin nilang tanggapin na ang relihiyon ng mga Hudyo ay nakahihigit sa kanila. BB 241.3
Bilang tugon sa babae, ay sinabi ni Jesus, “Paniwalaan mo Ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin: sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Hudyo.” Ipinakilala ni Jesus na wala sa Kaniya ang masamang damdaming kinikimkim ng mga Hudyo laban sa mga Samaritano. Ngayo'y sinisikap Niyang maalis sa Samaritanong ito ang masamang damdaming iyon laban sa mga Hudyo. Nang banggitin ni Jesus ang katotohanan na ang pananampalataya ng mga Samaritano ay nahahaluan ng pagsamba sa diyus-diyosan, ay ipinahayag Niya ang mga dakilang katotohanan ng pagtubos na ipinagkatiwala sa mga Hudyo, at sinabing sa gitna ng mga ito lilitaw ang Mesiyas. Sa loob ng mga Banal na Kasulatan ay malinaw na ipina-kikilala sa kanila ang likas ng Diyos at ang mga simulain ng Kaniyang pamahalaan. Ibinilang ni Jesus ang sarili ng pagkakilala tungkol sa Kaniya. BB 242.1
Ibig Niyang ilayo ang pag-iisip ng babae sa mga bagay na nauukol sa anyo at seremonya, at sa mga suliraning pinagtatalunan. “Dumarating ang oras,” wika Niya, “at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at sa katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa Kaniya. Ang Diyos ay Espiritu: at ang mga sa Kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa Kaniya sa espiritu at sa katotohanan.” BB 242.2
Dito'y napapaloob ang katotohanang inihayag din ni Jesus kay Nieodemo nang kaniyang sabihing, “Maliban na ang tao'y ipanganak buhat sa itaas, ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Juan 3:3. Hindi sa pama-magitan ng paghahanap sa isang banal na bundok o sa isang banal na templo kaya nakakausap ng mga tao ang Diyos. Ang relihiyon ay hindi binubuo ng mga panlabas na anyo at mga seremonya. Ang relihiyong nagbubuhat sa Diyos ay siya lamang relihiyong makaaakay patungo sa Diyos. Upang Siya'y matwid nating mapaglingkuran, kailangang tayo'y ipanganak ng Espiritu ng Diyos. Lilinisin nito ang puso at babaguhin ang pag-iisip, sa gayo'y bibigyan tayo ng bagong kakayahan na makilala at ibigin ang Diyos. Ito'y magbibigay sa atin ng kusang pagtalima sa lahat Niyang mga ipinag-uutos. Ito ang tunay na pagsamba. Ito ay bunga ng mga paggawa ng Banal na Espiritu. Bawa't tapat na panalangin ay iniuudyok ng Espiritu, at ang ganyang panalangin ay tinatanggap ng Diyos. Saanman hinahanap ng tao ang Diyos, doo'y mahahayag ang paggawa ng Espiritu, at ang Diyos ay magpapakahayag sa taong yaon. Ganitong mga mananamba ang hina-hanap Niya. Naghihintay Siya upang tanggapin sila, at upang sila'y gawin Niyang mga anak na lalaki at mga anak na babae. BB 243.1
Nang nakikipag-usap kay Jesus ang babae, naantig siya ng Kaniyang mga salita. Hindi pa siya kailanman nakakarinig ng mga gayong pangungusap sa mga saserdote ng kaniyang bayan o sa mga Hudyo man. Nang ihayag sa harap niya ang nagdaan niyang kabuhayan, ay naipadama sa kaniya ang malaki niyang pangangailangan. Naramdaman niya ang pagkauhaw ng kaniyang kaluluwa na di-kailanman mabibigyang-kasiyahan ng tubig sa balon ng Sychar. Lahat ng mga nakausap niya nang una ay hindi nakaantig sa loob niya na siya'y maghangad ng lalong marangal na pamumuhay. Napapaniwala siya ni Jesus na nababasa Nito ang mga lihim ng kaniyang buhay; gayunma'y nadama pa rin niya na Ito ay kaibigan niya, na nahahabag at nagmamahal sa kaniya. Bagama't ang banal na pakikiharap Nito ay naramdaman niyang parang humahatol sa kaniyang kasalanan, ay wala nama. Itong binibigkas na panunumbat, kundi ng sinasabi sa kaniya ay may sapat Itong biyaya, na makababago sa kaniyang kaluluwa. Unti-unting nasumbatan siya tungkol sa kaniyang likas. May katanungang bumangon sa kaniyang isip. Hindi kaya Ito ang Mesiyas na malaon nang hinihintay? Sinabi niya sa Kaniya, “Nalalaman ko na paririto ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo: pagka Siya'y dumating, ay ipahahayag Niya sa amin ang lahat ng mga bagay.” Sinagot siya ni Jesus, “Ako na nagsasalita sa iyo ay Siya nga.” BB 243.2
Nang marinig ng babae ang mga salitang ito, ay sumibol sa kaniyang puso ang pananampalataya. Tinanggap niya ang kahanga-hangang pahayag na nagmula sa mga labi ng banal na Guro. BB 244.1
Ang babaing ito ay may isip na handang kumilala. Handa siyang tumanggap ng pinakamarangal na pahayag; sapagka't nakahilig ang kaniyang loob sa Mga Kasulatan, at inihahanda naman ng Espiritu Santo ang kaniyang diwa sa pagtanggap ng higit na liwanag. Napag-aralan na niya ang pangako sa Matandang Tipan na nagsasabing, “Ang Panginoong iyong Diyos ay magbabangon ng isang Propeta sa gitna mo, sa iyong mga kapatid, na gaya ko; sa Kaniya kayo makikinig.” Deuteronomio 18:15. Malaon nang pinananabikan niyang maunawaan ang hulang ito. Pumapasok na ngayon ang liwanag sa kaniyang isip. Ang tubig ng buhay, ang kabuhayang espirituwal na ibinibigay ni Kristo sa bawa't nauuhaw na kaluluwa, ay nagsisimula na ngayong sumibol sa kaniyang puso. Gumagawa sa kaniya ang Espiritu ng Panginoon. BB 244.2
Ang katotohanang ipinagtapat ni Kristo sa babaing ito ay hindi Niya maipagtatapat sa nagbabanal-banalang mga Hudyo. Higit Siyang maingat kapag nagsasalita sa kanila. Ang bagay na hindi inihayag sa mga Hudyo, at siya namang ipinagbilin sa mga alagad na kanilang ilihim, ay siyang inihayag sa kaniya. Nakita ni Jesus na gagamitin ng babae ang ipinakilala o ipinaalam na ito sa kaniya upang makatanggap naman ng biyaya Niya ang mga iba. BB 245.1
Nang magsibalik ang mga alagad buhat sa kanilang pamimili, nagtaka sila sa nakita nilang pakikipag-usap ng Panginoon sa babae. Hindi pa Niya naiinom ang malamig na tubig na hiningi Niya sa babae, at hindi rin Siya huminto sumandali sa pakikipag-usap upang kanin ang pagkaing dala ng Kaniyang mga alagad. Nang maka-alis ang babae, inalok Siya ng mga alagad na kumain. Napansin nilang Siya'y tahimik. na parang buhos na buhos ang pag-iisip sa matamang pagbubulay-bulay. Nagliliwanag ang Kaniyang mukha, at nangimi silang Siya'y abalahin sa Kaniyang pakikipag-usap sa Diyos. Gayunma'y talos nilang Siya'y nanlalata at pagod, at naisip nilang tungkulin nilang Siya'y paalalahanang kumain upang lumakas. Kinilala ni Jesus ang kanilang mapagmahal na pagmamalasakit, kaya Kaniyang sinabi, “Mayroon Akong pagkaing hindi ninyo nalalaman.” BB 245.2
Nagtaka ang mga alagad at kanilang inisip kung sino kaya ang nagdala sa Kaniya ng pagkain; nguni't Siya'y nagpaliwanag, “Ang Aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa Akin, at tapusin ang Kaniyang gawain.” Juan 4:34, R.V. Nagalak si Jesus nang mapukaw na ng Kaniyang mga salita ang budhi ng babae. Nakita Niyang ininom nito ang tubig ng buhay, kaya't ang sarili Niyang gutom at uhaw ay napawi. Ang pagkatupad ng misyon na ipinarito Niya sa lupa ay nagpalakas sa loob ng Tagapagligtas sa Kaniyang paggawa, at siyang naging dahil upang alintanahin Niya ang mga sariling pangangailangan ng Kaniyang pagkatao. Ang maglingkod sa isang kaluluwang nagugutom at nauuhaw sa katotohanan ay lalo pang mahalaga sa Kaniya kaysa kumain at uminom. Sa ganang Kaniya, iyon ay isang kaaliwan at kasiyahan. Pagmamagandang-loob ang buhay ng Kaniyang kaluluwa. BB 245.3
Kinauuhawan ng ating Manunubos ang pagkilala natin sa Kaniya. Kaniyang kinagugutuman ang pagdamay at pag-ibig niyaong mga binili Niya ng sarili Niyang dugo. Di-masambitla ang sabik Niyang hangarin na sila sana'y magsilapit sa Kaniya at magkaroon ng buhay. Kung paanong ang ina ay natutuwa pagka ang maliit niyang sanggol ay marunong nang kumilala sa pamamagitan ng pagngiti, na nagbabadya ng pamamanaag ng katalinuhan nito, ay gayundin nagagalak si Kristo pagka ipinahahayag natin ang ating pasasalamat at pag-ibig sa Kaniya, bagay na nagpapakilalang nagsimula na ang buhay espirituwal sa ating kaluluwa. BB 246.1
Nalipos ng katuwaan ang babae nang mapakinggan niya ang mga salita ni Kristo. Hindi niya makayang kim-kimin ang kahanga-hangang pahayag. Iniwan niya ang kaniyang banga, at umuwi siya sa bayan, upang ibalita sa mga iba ang kaniyang napakinggan. Batid ni Jesus kung bakit siya umalis. Ang pag-iiwan ng banga ay malinaw na nagsasabi ng naging bisa ng Kaniyang mga salita. Maalab ang hangarin ng babae na makamtan ang tubig na buhay; at nalimutan niya ang kaniyang sadya sa balon, nalimutan niya ang pagkauhaw ng Tagapagligtas, na talagang ibig niyang painumin. Taglay sa puso ang nag-uumapaw na katuwaan, na siya'y tumakbong pauwi, upang ibahagi sa mga iba ang mahalagang liwanag na kaniyang tinanggap. BB 246.2
“Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalaki, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa,” wika niya sa mga tao sa bayan. “Hindi kaya ito na ang Kristo?” Ang mga pangungusap niya ay nakaantig sa kanilang puso. Napansin nilang nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang mukha, at nabago rin ang buo niyang kaanyuan. Kaya't kinasabikan nilang makita si Jesus. “Nagsilabas nga sila sa bayan, at nagsiparoon sa Kaniya.” BB 246.3
Sa pagkakaupo ni Jesus sa tabi ng balon, ay tumanaw Siya sa mga bukid ng trigong nakalatag sa harap Niya, na ang mga murang uhay ay dinadampulayan ng ginintuang sikat ng araw. Itinuro Niya ito sa mga alagad Niya, at ginamit Niyang isang halimbawa: “Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pag-aani? Narito, sa inyo'y Aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid; sapagka't sila'y mapuputi na upang anihin.” At habang nagsasalita Siya, ay tinanaw Niya ang mga pulutong ng mga taong dumarating sa balon. Apat na buwan pa nga bago anihin ang trigo, nguni't narito ang aanihing talagang handa na sa mang-aani. BB 247.1
“Ang umaani,” sabi Niya, “ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang-hanggan: upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapwa. At dito'y totoo ang kasabihang, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.” Dito'y itinuturo ni Kristo ang banal na paglilingkod sa utang sa Diyos ng mga nagsisitanggap ng ebanghelyo. Dapat silang maging mga buhay Niyang kasangkapan. Hinihingi Niyang maglingkod ang bawa't isa sa kanila. At maging tayo ay naghahasik o nagaani, ay naglilingkod din tayo sa Diyos. Isa ang naghahasik ng binhi; iba naman ang nagtitipon ng inani; subali't ang naghahasik at ang nag-aani ay kapwa tumatanggap ng upa. Kapwa sila nagagalak sa upa sa kanilang pagpapagal. BB 247.2
Sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Kayo'y sinugo Ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpagalan; iba ang nangagpagal, at kayo'y siyang nagsipasok sa kanilang pinag-pagalan.” Ang tinatanaw dito ng Tagapagligtas ay ang malaking pag-aani sa araw ng Pentekoste. Hindi ito dapat ituring ng mga alagad na bunga ng kanilang sariling mga paggawa. Pumapasok sila sa mga pinagpaguran ng ibang mga tao. Buhat pa nang magkasala si Adan ay ipinagkatiwala na ni Kristo sa mga pili Niyang lingkod ang binhi ng Kaniyang salita, upang ihasik sa puso ng mga tao. At isang kamay na di-nakikita, na lubhang makapangyarihan, ang tahimik nguni't mabisang gumagawa upang mapagbunga nang sagana. Ang hamog at ulan at sikat ng araw ng biyaya ng Diyos ay pawang ibinigay upang papanariwain at buhayin ang binhi ng katotohanan. Sandali na lamang at ang binhi ay didiligin na ni Kristo ng sarili Niyang dugo. Ang mga alagad Niya'y binigyan ng karapatang maging ga manggagawang kasama ng Diyos. Sila'y mga kamanggagawa ni Kristo at ng mga banal na lalaki nang una. At nang ibuhos ang Espiritu Santo noong Pentekostes, ay mga libo ang nahikayat sa isang araw. Ito ang ibinunga ng paghahasik ni Kristo, ang inani sa Kaniyang paggawa. BB 247.3
Sa mga pangungusap na sinabi sa babae sa tabi ng balon, ay mabubuting binhi ang inihasik, at gaano nga kaydaling inani! Nagsidating ang mga Samaritano at nakinig kay Jesus, at nagsisampalataya sa Kaniya. Nagsik-sikan sila sa palibot Niya sa tabi ng balon, at pinaulanan nila Siya ng mga tanong, at buong kasabikan namang tinanggap nila ang Kaniyang mga paliwanag sa maraming bagay na malabo sa kanila. Habang sila'y nakikinig, nagpasimula namang mapawi ang kanilang kagulumihanan. Tulad sila sa mga taong nasa malaking kadiliman na sumusunod sa isang sinag ng liwanag hanggang sa makita nila ang araw. Nguni't hindi sila nasiyahan sa ganitong maigsing pag-uusap. Sabik silang makarinig pa, at ibig din nilang pati ang kanilang mga kaibigan ay makarinig sa kahanga-hangang Gurong ito. Kaya inanyayahan nila Siya sa kanilang bayan, at pinakiusapan Siyang maglu-magak sa kanila. Dalawang araw Siyang tumigil sa Samaria, at marami pa ang sumampalataya sa Kaniya. BB 248.1
Inalispusta ng mga Pariseo si Jesus dahil sa Kaniyang pagiging taong karaniwan. Pinawalang-halaga nila ang mga himalang ginawa Niya, at humingi sila ng tanda na Siya nga ang Anak ng Diyos. Datapwa't ang mga Samaritano ay walang tandang hiningi, at wala namang ginawang himala si Jesus sa harap nila, liban sa pagpahayag sa babae ng mga lihim ng buhay niya. Gayunma'y marami ang tumanggap sa Kaniya. Dahil sa kanilang katuwaan ay sinabi nila sa babae, “Ngayon ay sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi: sapagka't kami man ay nakarinig sa Kaniya, at natatalastas naming ito nga ang Kristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan.” BB 249.1
Naniwala ang mga Samaritano na darating ang Mesiyas bilang Manunubos, hindi lamang ng mga Hudyo, kundi ng buong sanlibutan. Hinulaan ni Moises sa pama-magitan ng Espiritu Santo na Siya ay isang propetang galing sa Diyos. Sinabi ni Jacob na sa Kaniya'y magtitipon ang mga bayan; at sa pamamagitan naman ni Abraham, ay pagpapalain sa Kaniya ang lahat na mga bansa sa lupa. Sa ibabaw ng mga kasulatang ito isinalig ng mga taga-Samaria ang kanilang pananampalataya sa Mesiyas. Ang ginawa ng mga Hudyong maling pagpapaliwanag sa mga huling propeta, na ikinapit sa unang pagparito ang mga karilagan at kaluwalhatian ng ikalawang pagparito ni Kristo, ay siyang umakay sa mga Samaritano na huwag nang paniwalaan ang mga banal na kasulatan maliban sa mga ibinigay sa pamamgitan ni Moises. Nguni't nang hawiin ng Tagapagligtas ang mga maling paliwanag na ito, marami ang naniwala sa mga hula ng mga huling propeta at sa mga salita ni Kristo na rin tungkol sa kaharian ng Diyos. BB 249.2
Pinasimulan ngayon ni Jesus na gibain ang pader na naghihiwalay sa mga Hudyo at sa ibang mga bansa, at ipinangaral din Niya ang kaligtasan sa sanlibutan. Bagama't Siya'y Hudyo, ay malaya Siyang nakihalubilo sa mga Samaritano, na niwalang-saysay ang mga kaugalian ng mga Pariseo ng Kaniyang bansa. Sa harap ng kanilang pagkamuhi, ay tinanggap din Niya ang kagandahang-loob ng mga inaalipustang taong ito. Siya'y tumuloy at natulog sa kanilang mga bahay, kumaing kasalo nila sa kanilang mga hapag na kainan,—na kumain ng pagkaing inihanda at inihain ng kanilang mga kamay,—nagturo sa kanilang mga lansangan, at nagpakita sa kanila ng malaking kagandahang-loob at paggalang. BB 249.3
Sa templong nasa Jerusalem ay may isang mababang pader na nakapagitan sa patyo at sa ibang mga bahagi ng banal na gusali. Sa pader na ito ay may nakasulat na mga titik sa iba't ibang wika, na nagsasabing mga Hudyo lamang ang makalalampas sa hangganang ito. Kung may Hentil o tagaibang-lupang mangahas pumaloob sa pader na ito, ay malalapastangan niya ang templo, at ang parusang ibabayad niya ay ang kaniyang buhay. Nguni't si Jesus, na siyang may panukala sa templo at sa mga paglilingkod na ginagawa sa loob nito, ay siyang naglapit sa mga tagaibang-lupa sa Kaniya sa pamamagitan ng tali ng pakikiramay, samantalang inihahatid naman sa kanila ng Kaniyang banal ng biyaya ang kaligtasang tinanggihan ng mga Hudyo. BB 250.1
Sinadya ni Jesus ang pagtigil sa Samaria upang maging isang pagpapala sa Kaniyang mga alagad, na hanggang noon ay patuloy pa ring pinaghaharian ng mahigpit na pag-uugali ng mga Hudyo. Inakala nilang ang tunay na pagkamakabayan ay pumipilit sa kanila na kapootan din ang mga Samaritano. Nagtaka sila sa inasal ni Jesus. Hindi naman maaaring di nila sundan ang halimbawa Niya, at sa loob ng dalawang araw na pagtigil nila sa Samaria, ay tinimpi nila ang kanilang mga damdamin alang-alang sa katapatan nila sa Kaniya; gayunman sa puso nila ay naroon ang pagtutol. Bagay sanang matutuhan nila agad na ang kanilang paghamak at pagka-poot ay dapat mahalinhan ng awa at pakikiramay. Nguni't nang makaakyat na sa langit ang Panginoon, ay saka nila napag-alaman ang bagong kahulugan ng Kaniyang mga aral. Pagkatapos ng pagbubuhos ng Espiritu Santo, ay nagunita nila ang anyo ng Tagapagligtas, ang Kaniyang mga pangungusap, at ang paggalang at pagmamahal na iniuukol Niya sa mga hinahamak na mga tagaibang-lupang ito. Nang si Pedro ay yumaon upang mangaral sa Samaria, ay ang diwa ring ito ang tinaglay niya sa kaniyang paggawa. Nang si Juan ay tawagin sa Efeso at Esmirna, ay naalaala niya ang karanasan sa Shechem, at siya'y napuno ng pasasalamat sa banal na Guro, na dahil sa noon pa'y nakita Nito nang pauna ang mga kahirapang kanilang masasagupa, ay binigyan sila ng sarili Nitong halimbawa na makatutulong sa kanila. BB 250.2
Ipinagpapatuloy pa rin ng Tagapagligtas ang gawain ding yaon ng pag-aalok ng tubig ng buhay na gaya ng alukin Niya ang babaing taga-Samaria. May mga nagba-bansag na mga alagad Niya na humahawak at umiilag makipag-usap sa mga kaawa-awang taong ito; subali't walang kalagayan ng buhay, ni kulay man ng balat, na makapaghihiwalay ng pag-ibig ni Jesus sa mga anak ng mga tao. Sa bawa't tao, pagkasama-sama man, ay sinasabi Niya, Kung humingi ka lamang sa Akin, binigyan sana kita ng buhay na tubig. BB 251.1
Ang paanyaya ng ebanghelyo ay hindi dapat ilaan lamang sa ilang mga taong itinatangi, na sa palagay natin ay ating ikararangal kung tatanggapin nila. Ang pabalita ay dapat ibigay sa lahat. Saanman may mga pusong handang tumanggap ng katotohanan, ay handa si Kristong sila ay turuan. Ipinakikilala Niya sa kanila ang Ama, at ang pagsambang karapat-dapat sa Kaniya na nakaba-basa ng puso. Sa mga ganito ay hindi Siya gumagamit ng mga talinhaga. Sa kanila, at sa babaing Samaritanong nasa tabi ng balon, ay sinasabi Niya, “Akong nagsasalita sa iyo ay Siya nga.” BB 251.2
Nang si Jesus ay umupo upang mamahinga sa tabi ng balon ni Jacob, ay buhat Siya sa Judea, na doo'y hindi gaano ang ibinunga ng Kaniyang ministeryo. Itinakwil Siya ng mga saserdote at ng mga rabi, at pati ng mga taong nagpapanggap na mga alagad Niya ay hindi man lamang nakahalata ng Kaniyang pagka-Diyos. Siya'y nanlalata at pagod; gayunma'y hindi Niya kinaligtaan ang pagkakataong makapagsalita sa isang babae, bagama't iyon ay tagaibang-bayan, isang dayuhan sa Israel, at hayagang namumuhay sa pagkakasala. BB 251.3
Hindi hinintay ng Tagapagligtas na matipon muna ang mga tao. Madalas Niyang pasimulan ang Kaniyang mga pagtuturo nang ilan lamang ang natitipon sa palibot Niya, nguni't ang isa-isang nagdaraan ay humihinto upang makinig, hanggang isang malaking karamihan ang matipon na may paghanga at pangingiming nakinig ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng Sugo-ng-Langit na Guro. Ang manggagawa ni Kristo ay hindi dapat magkaroon ng pakiramdam na hindi siya makapagsasalita nang may kasiglahan sa iilang nakikinig na di-gaya ng sa malaking pulutong. Maaaring iisa lamang ang nakikinig; subali't sino ang makapagsasabi kung gaano ang magiging impluwensiya nito? Sa mga alagad man Niya, ay waring isang maliit na bagay, upang pag-ukulan ng Tagapagligtas ng Kaniyang panahon ang isang babaing Samaritana. Nguni't dito'y nakipag-usap Siya nang may higit na kasigasigan at kahusayan kaysa pakikipag-usap Niya sa mga hari, mga pinuno, o sa mga dakilang saserdote. Ang mga aral na ibinigay Niya sa babaing iyon ay muli't muling inuulit hanggang sa pinakamalayong hangganan ng lupa. BB 252.1
Nang karaka-rakang masumpungan ng babaing Samaritana ang Tagapagligtas ay agad dinala nito ang mga iba sa Kaniya. Pinatunayan nitong siya'y isang lalong mabisang misyonera kaysa mga sariling alagad Niya. Sa tingin ng mga alagad ang Samaria ay isang dakong hindi magiging lubhang mabunga. Ang kanilang pag-iisip ay napatuon sa isang malaking gawaing magagawa sa hinaharap. Hindi nila nakitang doon na rin sa palibot nila ay naroon ang aanihin. Datapwa't sa pamamagitan ng babaing kanilang hinahamak, ay isang buong bayan ang nailapit upang makinig sa Tagapagligtas. Agad nitong dinala ang liwanag sa kaniyang mga kababayan. BB 252.2
Ang babaing ito ay kumakatawan sa isang pananampalataya kay Kristo na gumagawa. Bawa't tunay na alagad ay ipinanganganak sa kaharian ng Diyos bilang isang misyonero. Ang umiinom ng tubig na buhay ay nagiging bukal ng buhay. Ang tumatanggap ay nagiging tagapag-bigay. Ang biyaya ni Kristong tumatahan sa kaluluwa ay tulad sa isang bukal sa gitna ng ilang, na bumabalong upang magpanariwa sa lahat, at upang yaong mga mama-matay na lamang ay makainom ng tubig ng buhay. BB 253.1