Bukal Ng Buhay

21/89

Kabanata 20—“Malibang Kayo'y Makakita ng mga Tanda at mga Kababalaghan”

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 4:43-54.

Ang mga Galileong nagsiuwing galing sa Paskuwa ay siyang nagdala ng balita tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ni Jesus. Ang kuru-kurong iginawad sa Kaniyang mga gawa ng mga pinuno sa Jerusalem ang nagbukas ng daan upang makapasok Siya sa Galilea. Ikinalungkot ng marami sa mga tao ang pagmamalabis o paglapastangang ginagawa sa templo at ang kasakiman at kapalaluan ng mga saserdote. Inasahan nilang baka ang Taong ito, na nagpalayas sa mga pinuno, ay maaaring siya na ngang hinihintay na Tagapagligtas. Ngayo'y dumarating ang mga balita na waring nagpapatotoo sa kanilang mainam na inaasahan. Kumalat ang balitang inamin na ng propeta na Siya nga ang Mesiyas. BB 254.1

Datapwa't ang mga taga-Nazareth ay hindi naniwala sa Kaniya. Dahil dito'y hindi na dumaan si Jesus sa Nazareth sa pagpunta Niya sa Cana. Sinabi ng Tagapagligtas sa Kaniyang mga alagad na ang isang propeta ay walang karangalan sa Kaniyang sariling bayan. Ang mga tao kung umuri sa kanilang mga kapwa ay ayon sa naaabot ng kanilang tingin. Si Kristo'y hinatulan ng mga may makitid at makasanlibutang pag-iisip ayon sa hamak na pinang-galingan Niya, sa aba Niyang pananamit, at sa pang-araw-araw na hanap-buhay. Hindi nila mapahalagahan ang kalinisang yaon ng diwa na walang dungis ng kasalanan. BB 254.2

Madaling kumalat sa buong Galilea ang balitang si Kristo ay dumating sa Cana, bagay na naghatid ng pagasa sa mga maysakit at nahihirapan. Sa Capernaum ang balitang iyon ay tumawag sa pansin ng isang mahal na taong Hudyo na isang pinunong naglilingkod sa hari. Ang anak na lalaki ng pinunong ito ay pinahihirapan ng isang karamdamang mandi'y di-mapagagaling. Tinanggihan na ito ng mga manggagamot; nguni't nang mabalitaan ng ama si Jesus, ipinasiya nitong hingan Siya ng tulong. Malubha ang bata, at nag-alaala silang baka hindi na nito abutang buhay ito sa kaniyang pagbabalik; gayunma'y minarapat ng mahal na taong ito na iharap din niya kay Jesus ang kalagayang iyon. Ang pag-asa niya ay baka sakaling ang mga pakiusap at dalangin ng isang ama ay makaantig ng pakikiramay sa Dakilang Manggagamot. BB 255.1

Pagdating niya sa Cana ay natagpuan niyang nagkakalipumpon sa paligid ni Jesus ang lubhang karamihan. Sabik ang pusong nakipagsiksikan siya hanggang sa mapaharap siya sa Tagapagligtas. Pinanghinaan siya ng loob nang makita niya ang isang lalaking karaniwan ang bihis, puno ng alikabok at pagal sa paglalakbay. Nagtalo ang kaniyang loob na baka hindi Nito magawa ang nais niyang hingin sa pagsasadya roon; gayunma'y sinikap niyang makipag-usap kay Jesus, sinabi niya ang kaniyang pakay, at pinakiusapan ang Tagapagligtas na sumama Ito sa kaniya sa pag-uwi sa bahay. Nguni't alam na ni Jesus ang kaniyang kalungkutan. Bago umalis ng tahanan ang pinuno, ay nakita na ng Tagapagligtas ang kaniyang kadalamhatian. BB 255.2

Nguni't alam din ni Jesus, na sa sariling pag-iisip ng ama, ay may mga kondisyon ng pagsampalataya nito sa Kaniya. Kung hindi ibibigay ang hinihingi nito, ay hindi nito tatanggapin Siyang Mesiyas. Habang naghihirap ang loob na naghihintay ang pinuno, ay nagwika si Jesus, “Malibang kayo'y makakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisisampalataya.” BB 255.3

Bagama't maliwanag ang lahat ng katunayang si Jesus ay siyang Kristo, ipinasiya pa rin ng humihiling na ito na hindi niya Siya paniniwalaan kung hindi ibibigay ang kaniyang hinihingi. Inihambing ng Tagapagligtas ang urong-sulong na paniniwalang ito sa simpleng pananampalataya ng mga Samaritano, na hindi humingi ng anumang kababalaghan o tanda. Ang Kaniyang salita, na siyang laging-naroroong katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos, ay may kapangyarihang nakahikayat sa kanilang mga puso. Dinamdam ni Kristo ang pangyayaring ang sarili Niyang bayan, na pinagkatiwalaan ng mga Banal na Kasulatan, ay hindi makarinig ng tinig ng Diyos na nagsa-salita sa kanila sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. BB 256.1

Datapwa't ang mahal na tao ay may kaunting pananampalataya; sapagka't naparoon siya upang humingi ng sa ganang kaniya ay siyang pinakamahalaga sa lahat ng mga pagpapala. Si Jesus ay may maibibigay na lalo pang mahalaga. Ang nais Niya ay hindi lamang pagalingin ang batang may sakit, kundi ang mahal na taong ito at pati ang mga kasambahay nito ay makatanggap ng mga pagpapala ng kaligtasan, at upang makapagsindi ng isang ilaw sa Capernaum, na hindi magluluwat at siyang magiging bukiran na Kaniyang gagawan. Nguni't dapat munang madama ng mahal na tao ang pangangailangan niya bago niya hingin o naisin ang biyaya ni Kristo. Ang mahal na taong ito ay kumakatawan sa marami niyang kababayan. Ang ibig lamang nila kay Jesus ay ang ukol sa sarili nilang kapakinabangan. Inasahan nilang sila'y tatanggap ng tanging pakinabang sa pamamagitan ng Kaniyang kapangyarihan, at isinalig nila ang kanilang pananampalataya sa pagtanggap ng lumilipas na pagpapalang ito; subali't wala silang kamalayan tungkol sa kanilang sakit na ukol sa espiritu, at wala silang pagkadama sa pangangailangan nila ng biyaya ng Diyos. BB 256.2

Katulad ng kislap ng liwanag, inilantad ng mga salita ng Tagapagligtas ang tunay na nilalaman ng puso ng mahal na tao. Nakita niyang makasarili ang kaniyang mga adhikain sa paghanap kay Jesus. Nakita niya ngayon ang tunay na uri ng kaniyang urong-sulong na pananam-palataya. Gayon na lamang ang pagkalungkot niya nang madama niyang ang kaniyang pag-aalinlangan ay maaaring maging dahilan ng pagkamatay ng kaniyang anak. Talastas niyang siya'y nasa harap ng Isa na nakababasa ng mga iniisip ng tao, at sa Kaniya ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari. Buong paghihirap ng loob na siya'y nakiusap, “Ginoo, lumusong Ka bago mamatay ang aking anak.” Ang kaniyang pananampalataya ay nang-hawak kay Kristo na gaya ni Jacob, na nang makipag-buno sa Anghel, ay sumigaw, “Hindi kita bibitiwan hanggang hindi Mo ako binabasbasan.” Genesis 32:26. BB 256.3

Tulad ni Jacob siya'y nanaig. Hindi lalayo si Kristo sa taong nangungunyapit sa Kaniya, na nakikiusap sa malaki nitong pangangailangan. “Yumaon ka ng iyong lakad,” wika Niya; “buhay ang anak mo.” Umalis ang mahal na tao sa harap ng Tagapagligtas na may kapaya-paan at katuwaang di-kailanman niya nakilala nang una. Hindi lamang siya nanampalataya na gagaling ang kaniyang anak, kundi nagtibay din ang kaniyang pagtitiwala kay Kristo bilang siyang Manunubos. BB 257.1

Nang oras ding yaon ay napansin ng mga nagbabantay sa tabi ng naghihingalong bata sa tahanan sa Capernaum ang isang bigla at mahiwagang pagbabago. Ang anino ng kamatayang nakabadha sa mukha ay nawala. Ang tindi ng lagnat ay nahalinhan ng pamamanaag ng nagbabalik na kalusugan. Ang mga matang kinukulaba ay nangislap, at nanumbalik ang lakas sa mahina at payat na katawan. Naparam ang lahat ng tanda ng karamdaman sa bata. Ang parang-nagbabagang katawan nito ay naging malambot at halumigmig, at ito'y nakatulog nang tahimik. Naibsan ito ng lagnat sa gitna ng kainitan ng araw. Namangha ang buong sambahayan, at gayon na lamang kalaki ang pagkakatuwaan. BB 257.2

Ang Cana ay hindi gaanong malayo sa Capernaum at maaaring marating ng pinuno ang kaniyang bahay nang kinagabihan pagkaraan ng kaniyang pakikiusap kay Jesus; nguni't hindi siya nagmadali sa pag-uwi. Kinabuka-san na ng umaga nang sapitin niya ang Capernaum. O kaysayang pag-uwi yaon! Nang hanapin niya si Jesus, ay tigib ng lumbay at alalahanin ang kaniyang puso. Waring masungit sa kaniya ang sikat ng araw, at ang awitan ng mga ibon ay parang nanlilibak. O ngayo'y ibang-iba ang kaniyang pakiramdam! Ang buong kalikasan ay nagbagong-bihis sa kaniyang pangmalas. Nabago ang kaniyang tingin. Sa paglalakad niya sa katahimikan ng umaga, ang buong kalikasan ay waring nagpupuri sa Diyos na kasama niya. Malayu-layo pa siya sa kaniyang tahanan. ay sinalubong na siya ng kaniyang mga alipin, sa malaking pagnanais na maibsan siya ng alalahaning akala nila'y naghahari pa sa kaniyang kalooban. Datapwa't hindi siya kinamalasan ng pagtataka sa kanilang ibinalita, sa halip ay may malaking pananabik na itinanong niya kung anong oras nagsimulang bumuti ang kalagayan ng bata. Sila'y nagsisagot, “Kahapon nang may ikapitong oras ay inibsan siya ng lagnat.” Noon ngang sandaling manghawak ang pananampalataya ng ama sa pangakong, “Buhay ang anak mo,” ay hinipo ng pag-ibig ng Diyos ang batang nasa bingit na ng kamatayan. BB 258.1

Nagmadaling nilapitan ng ama ang kaniyang anak. Niyakap niya ito nang mahigpit na para bagang isa na itong patay na muling nabuhay, at paulit-ulit na pinasalamatan ang Diyos sa kahanga-hangang pagpapagaling na ito. BB 258.2

Kinasabikan ng mahal na taong maragdagan pa ang kaniyang pagkakilala kay Kristo. At nang dakong huling mapakinggan niya ang Kaniyang aral, siya at ang kaniyang buong sambahayan ay naging mga alagad. Ang kanilang kapighatian ay naging pagpapala na ikinahikayat ng buong mag-anak. Ang balita tungkol sa kababalaghan ay lumaganap; at sa Capernaum, na doon naganap ang lubhang marami Niyang mga makapangyarihang gawa, ay nahanda ang daan para sa pansariling ministeryo ni Kristo. BB 258.3

Siya na nagpala sa mahal na tao sa Capernaum ay may hangad ding tayo'y pagpalain. Nguni't tulad ng namighating amang ito, tayo'y malimit na naaakay na hanapin si Jesus dahil sa paghahangad ng makalupang kagalingan; at kapag natanggap natin ang ating hinihingi ay saka tayo nagtitiwala sa Kaniyang pag-ibig. Nais ng Tagapagligtas na tayo'y bigyan ng lalong malaking pagpapala kaysa ating hinihingi; at inaantala Niya ang pagtugon sa ating hinihingi upang maipakita Niya sa atin ang kasamaan ng ating sariling mga puso, at ang malaking pangangailangan natin ng Kaniyang biyaya. Ibig Niyang pagsisihan natin at itakwil ang ating kasakiman at pagkamakasarili na siyang umaakay sa atin upang hanapin Siya. At sa pagtatapat natin sa Kaniya ng ating kawalang-kaya at malaking pangangailangan, ay dapat nating ipagkatiwala nang lubusan ang ating mga sarili sa Kaniyang pag-ibig. BB 259.1

Ibig ng mahal na taong makita muna na natupad ang kaniyang idinalagin bago siya maniwala; subali't dapat niyang paniwalaan ang salita ni Jesus na dininig na ang kaniyang kahilingan at ipinagkaloob na ang pagpapala. j Ito rin ang aral na dapat nating matutuhan. Hindi dahil sa nakikita natin o nadarama na pinakikinggan tayo ng Diyos ay saka tayo maniniwala. Dapat tayong magtiwala sa Kaniyang mga pangako. Kapag tayo'y lumalapit sa Kaniya na may pananampalataya, lahat ng ating hinihiling ay nakararating sa puso ng Diyos. Kapag humingi tayo ng pagpapala Niya, ay dapat nating paniwalaan na tinatanggap natin ito, at pasalamatan natin Siya na atin nang tinanggap ito. Kung magkagayo'y makagaganap tayo ng ating mga gawain, na taglay ang katiyakang sasaatin ang pagpapala sa panahong kailangan natin ito. Pagka natutuhan natin itong gawin, ating malalaman na ang ating mga panalangin ay sinasagot. Gagawa ang Diyos para sa atin nang “lubhang sagana,” “ayon sa mga kayamanan ng Kaniyang kaluwalhatian,” at “ayon sa gawa ng kapangyarihan ng Kaniyang lakas.” Efeso 3:20. 16; 1:19. BB 259.2