Bukal Ng Buhay

19/89

Kabanata 18—“Siya'y Kinakailangang Dumakila”

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 3:22-36.

May isang panahon ding ang kabantugan ng Mamiminyag sa buong bansa ay naging higit na malaki kaysa mga pinuno, mga saserdote, o mga prinsipe ng mga Hudyo. Kung itinanyag lamang niya na siya nga ang Mesiyas, at saka siya nagbangon ng paghihimagsik laban sa Roma, walang pagsalang pumailalim sana sa kaniyang watawat ang mga saserdote at ang bayan. Iniumang ni Satanas kay Juan Bautista ang lahat ng pang-akit na iniharap niya sa mga manlulupig ng sanlibutan. Nguni't bagama't para na niyang nasisiguro ang kapangyarihan, ay matigas niyang tinanggihan ang alok ng kaaway. Ang tingin at pansing itinutuon sa kaniya, ay ibinaling niya sa iba. BB 228.1

Ngayon ay nakita niyang ang agos ng kabantugan ay humihiwalay sa kaniya at nalilipat sa Tagapagligtas. Arawaraw ay umuunti ang bilang ng mga nakikinig sa palibot niya. Nang si Jesus ay dumating sa purok na nakapaligid sa Jordan buhat sa Jerusalem, ay dumagsa ang mga tao upang makinig sa Kaniya. Ang bilang ng mga alagad Niya ay naragdagan araw-araw. Marami ang dumulog upang pabinyag, at kung bagama't si Kristo ay hindi nagbinyag, ay pinayagan naman Niyang sila'y binyagan ng Kaniyang mga alagad. Sa ganito Niya binigyang katiyakan at pinagtibay ang misyon ng Kaniyang tagapaghanda ng daan. Nguni't ang mga alagad ni Juan ay nanaghili sa lumalaking kabantugan ni Jesus. Lagi nilang minamataan ang anumang maipupula sa Kaniyang gawain, at hindi naman nagluwat at nagkaroon sila ng isang pagkakataon. Nagkaroon ng pagtatalo sila at ang mga Hudyo tungkol sa kung ang binyag ay may bisang maghugas ng kasalanan ng kaluluwa; ikinatwiran nila na ang pagbibinyag ni Jesus ay ibang-iba sa pagbibinyag ni Juan. Hindi nagluwat at nagkaroon sila ng pakikipagtalo sa mga alagad ni Kristo tungkol sa ayos ng mga pangungusap na nara-rapat gamitin sa pagbibinyag, at katapus-tapusan ay tungkol sa karapatan nitong huli na makapagbinyag. BB 228.2

Ang mga alagad ni Juan ay lumapit sa kaniyang taglay ang mga hinakdal, na sinasabi, “Rabi, Yaong kasama mo sa dako pa roon ng Jordan, na binigyan mong pato-too, narito, Siya'y nagbibinyag, at ang lahat ng mga tao'y nagsisilapit sa Kaniya.” Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ay iniharap ni Satanas kay Juan ang tukso. Bagama't matatapos na ang misyon ni Juan, maaari pa rin niyang hadlangan ang gawain ni Kristo. Kung siya'y napadala sa kaniyang sarili, at sumama ang loob o kaya'y nasiphayo dahil sa may ibang nababantog nang higit sa kaniya, nakapaghasik sana siya ng mga binhi ng pagtatalo, at nakapag-udyok din sana siya ng pananaghili at pagkainggit, at napigil din sana niya ang paglaganap ng ebanghelyo. BB 229.1

Taglay ni Juan sa kaniyang pagkatao ang mga kahinaang katutubo sa lahat, subali't siya'y binago ng pagibig ng Diyos. Siya'y tumahan sa kapaligirang ang hanging nasasagap ay hindi narurumhan ng kasakiman at ambisyon, at sumasaibabaw ng mabahong simoy ng kainggitan. Hindi niya pinanigan ang pagkainggit o pana-naghili ng kaniyang mga alagad, kundi kaniyang ipinaki-lala kung gaano niya nauunawaan ang kaniyang kaugnayan sa Mesiyas, at kung gaano kaligaya naman niyang tinanggap ang Isang ipinaghanda niya ng daan. BB 229.2

Sinabi niya, “Hindi makatatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kaniya mula sa langit. Kayo man ay makasasaksi sa akin, na aking sinabi, Hindi ako ang Kristo, kundi ako ang sinugo sa unahan Niya. Ang mayroon ng kasintahang-babae ay siyang kasintahang-lalaki: datapwa't ang kaibigan ng kasintahang-lalaki, na nakatayo at nakikinig sa kaniya, ay naga-galak na lubos dahil sa tinig ng kasintahang-lalaki.” Si Juan ang kumakatawan sa kaibigan na naglingkod bilang pinakasugo ng dalawang ikakasal, na naghahanda ng daan para sa pagkakasal. Pagka natanggap na ng lalaki ang kaniyang magiging asawa, ay natapos na ang misyon ng kaibigan. Natuwa siya sa kaligayahan ng dalawang inasikaso niya upang makasal. Sa ganito nga tinawag si Juan upang ihatid ang mga tao kay Jesus, at ikinagalak niya na makita ang pagtatagumpay ng gawain ng Tagapagligtas. Ang wika niya, “Ito ngang aking kaligayahan ay naganap. Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba.” BB 230.1

Sa pagtingin ni Juan na may pananampalataya sa Manunubos, ay napaangat siya sa tugatog ng pagtanggi sa sarili. Hindi niya sinikap na siya ang tanghalin ng mga tao, kundi iniangat niya ang kanilang isip nang pataas nang pataas, hanggang sa sila'y humantong sa Kordero ng Diyos. Siya nga ay isang abang tinig lamang, isang tinig na sumisigaw sa ilang. Ngayo'y ikinagagalak niyang taggapin ang siya'y manahimik at malimutan ng mga tao, upang ang paningin ng lahat ay mapabaling sa Ilaw ng kabuhayan. BB 230.2

Yaong mga tapat sa pagkatawag sa kanila na maging mga tagapagbalita ng Diyos, ay hindi maghahangad na sila ang maparangalan. Ang pag-ibig sa sarili ay lalagumin ng pag-ibig kay Kristo. Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi madudungisan ng diwang pag-aagawan. Kikilalanin nilang ang gawain nila ay ang magtanyag ng pabalita, gaya ng ginawa ni Juan Bautista, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. Kanilang ibubunyi si Jesus, at kasama niyang mabubunyi ang sangkatauhan. “Ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang-hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako, na kasama rin niya na may pagsisisi at mapagpakumbabang diwa, upang bumuhay ng diwa ng mapagpakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.” Isaias 57:15. BB 230.3

Ang kaluluwa ng propeta, palibhasa'y hubad sa pagkamakasarili, ay nalipos ng liwanag ng Diyos. Nang patotohanan niya ang kaluwalhatian ng Tagapagligtas, ay halos kahawig na kahawig ang mga salita niya ng mga sinabi ni Kristo na rin nang Ito'y magsalita kay Nicodemo. Sinabi ni Juan, “Ang nanggaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat. ... Sapagka't ang sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos: sapagka't hindi ibinibigay ng Diyos ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.” Ang sinabi ni Kristo'y, “Hindi Ko pinaghahanap ang Aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa Akin.” Juan 5:30. Sa Kaniya ay ipinahahayag, “Inibig mo ang katuwiran, at kinapo-otan mo ang kasamaan; kaya't ang Diyos mo ay nagbu-hos sa inyo ng langis ng kasayahang higit kaysa Iyong mga kasamahan.” Hebreo 1:9. Hindi ibinibigay ng Ama sa Kaniya “ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat.” BB 231.1

Gayundin naman ang mga sumusunod kay Kristo. Ang liwanag ng Diyos sa langit ay matatanggap lamang natin kung huhubarin natin ang ating pagkamakasarili. Hindi natin makikilala ang likas ng Diyos, o matatanggap man si Kristo sa pamamagitan ng pananampalataya, liban na sumang-ayon tayong isuko natin ang bawa't isipin natin sa pagtalima kay Kristo. Sa lahat ng gumagawa nito ay ibinibigay ang Espiritu Santo nang walang sukat. Kay Kristo ay “nananahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos, at sa Kaniya kayo naman ay napupuspos.” Colosas 2:9, 10, R.V. BB 231.2

Sinabi ng mga alagad ni Juan na lahat ng mga tao ay lumalapit kay Kristo; subali't palibhasa si Juan ay may lalong malinaw na pananaw, ay nagwika, “Walang taong tumatanggap ng Kaniyang patotoo;” kaya nga ka-kaunti ang handang tumanggap sa Kaniya bilang Tagapagligtas nila sa kasalanan. Datapwa't “ang tumanggap ng Kaniyang patotoo ay naglagay dito ng kaniyang tatak, na ang Diyos ay totoo.” Juan 3:33, R.V. “Ang sumasam-palataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan.” Hindi na kailangang pagtalunan kung ang pagbibinyag ni Kristo o ni Juan ay humuhugas ng kasalanan. Biyaya ni Kristo ang nagbibigay-buhay sa kaluluwa. Kung hiwalay kay Kristo, ang binyag, tulad ng iba pang paglilingkod, ay isang anyo o pormang walang-halaga. “Ang hindi suma-sampalataya sa Anak ay hindi makakakita ng buhay.” BB 232.1

Ang tagumpay ng gawain ni Kristo, na siyang malugod na tinanggap ng Mamiminyag, ay ibinabalita rin sa maykapangyarihang nasa Jerusalem. Nainggit ang mga saserdote at ang mga rabi sa kabantugan ni Juan nang makita nilang ang mga tao ay nag-aalisan sa mga sinagoga at hugos ng patungo sa ilang; nguni't narito ang Isa na may lalo pang malaking kapangyarihan sa pagakit ng mga tao. Ang mga pinunong yaon sa Israel ay hindi handang magsabi na kasama ni Juan ng, “Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinakailangang bumaba.” Pamuli nilang ipinasiyang wakasan ang gawaing nagpapalayo ng mga tao sa kanila. BB 232.2

Talos ni Jesus na hindi nila titigilan ang paglikha ng pagkakampi-kampi sa sarili Niyang mga alagad at sa mga alagad ni Juan. Talastas Niyang may nagbabantang bagyo na tatangay sa isang pinakadakilang propeta na kailanma'y nabigay na sa sanlibutan. Sa hangad na maiwasan ang lahat na di-pagkakaunawaan at pagtatalu-talo, ay matahimik Niyang itinigil ang Kaniyang mga paggawa, at lumapit Siya sa Galilea. Tayo man naman, bagama't tapat sa katotohanan, ay dapat magsikap na iwasan ang lahat na maaaring mauwi sa pagtatalo at samaan ng loob. Sapagka't kailanma't may bumabangong ganito, ay nagbubunga ito ng pagkawaglit ng mga kaluluwa. Kailanma't may mga pangyayaring nagbabantang lumikha ng pagkakabaha-bahagi o pagkakampi-kampi, ay dapat nating tularan ang ginawa ni Jesus at ni Juan Bautista. BB 232.3

Si Juan ay tinawag upang maging repormador. Dahil dito, nanganib na ituon ng mga alagad niya ang kanilang pansin sa kaniya, sa paniniwalang ang tagumpay ng gawain ay nakasalalay sa kaniyang mga paggawa, at malimutan ang katotohanan na siya'y isa lamang kasangkapang ginagamit ng Diyos. Gayon pa man ay hindi pa rin sapat ang nagawa ni Juan upang mailagay ang patibayan ng Iglesya Kristiyana. Nang matapos niya ang kaniyang misyon ay isa pang gawain ang dapat gampanan, na di nangyaring maganap ng kaniyang pagpapatotoo. Hindi ito napag-unawa ng kaniyang mga alagad. Kaya nang makita nilang dumarating si Kristo upang humalili sa gawaing ginagawa ni Juan, ay nainggit sila at di-nasiyahan. BB 233.1

Umiiral pa rin ang mga ganyang panganib. Tumata-wag ang Diyos ng isang tao upang gumanap ng isang gawain; pagka naitaguyod niya ito nang hanggang sa abot ng kaniyang kaya, ay nagpapasok naman ang Panginoon ng iba pa, upang ito'y mapasulong pa. Subali't, gaya ng mga alagad ni Juan, marami ang nag-aakala na ang tagumpay ng gawain ay nakasalig sa unang gumawa. Ang isip ay napapatuon sa tao sa halip na sa Diyos, pumapasok ang inggit, at nasisira tuloy ang gawain ng Diyos. Sa gayon ang taong napararangalan nang di-marapat ay natutuksong magkimkim ng pagtitiwala sa sarili. Hindi niya nadaramang dapat siyang umasa sa Diyos. Ang mga tao ay natututong umasa sa kapwa tao para sa patnubay, at sa gayo'y nahuhulog tuloy sa pagkakamali, at napapahiwalay sa Dios. BB 233.2

Ang gawain ng Diyos ay hindi dapat magkaroon ng wangis at bakas ng tao. Sa pana-panahon ay gagamit ang Diyos ng iba't-ibang makakasangkapan, na sa pamamagitan ng mga ito matutupad nang pinakamabuti ang Kaniyang panukala. Mapalad ang mga taong laang magpaka-baba, na tulad ni Juan Bautista ay makapagsasabing, “Siya'y kinakailangang dumakila, nguni't ako'y kinaka-ilangang bumaba.” BB 234.1