Bukal Ng Buhay
Kabanata 17—Si Nicodemo
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 3:1-17.
Si Nicodemo ay humawak ng isang mataas na tungkulin sa bansang Hudyo. Siya'y may mataas na pinag-aralan, at may angking mga kakayahang di-pangkaraniwan, at siya'y isang pinagpipitaganang kagawad ng kapulungang pambansa. Kasama ng iba pa, siya'y ginigiyagis ng mga pagtuturo ni Jesus. Bagaman siya ay ma-yaman, marunong, at iginagalang, ay nakapagtatakang naakit siya ng abang Nasareno. Ang mga aral na namutawi sa mga labi ng Tagapagligtas ay lubhang napakin-tal sa kaniyang pag-iisip, at dahii dito'y ninasa niyang matuto pa ng mga kahanga-hangang katotohanang ito. BB 213.1
Ang paggamit ni Kristo ng kapangyarihan nang linisin Niya ang templo ay lumikha ng matinding poot sa mga saserdote at mga pinunong Hudyo. Pinangambahan nila ang kapangyarihan ng di-kilalang Taong ito. Ang gayong katapangang ipinakita ng di-kilalang Galileong ito ay hindi dapat tulutan o palampasin. Matibay ang hangad nilang wakasan ang Kaniyang gawain. Datapwa't hindi lahat ay nagkakaisa sa ganitong panukala. May ilang kinakabahang sumalungat sa Isa na maliwanag na mahahalatang kinikilos ng Espiritu ng Diyos. Sumagi sa kanilang alaala kung paanong may mga propetang pinatay nang dahil sa pagsumbat sa mga pagkakasala ng mga pinuno sa Israel. Alam nila na ang pagkaalipin ng mga Hudyo sa isang bansang pagano ay bunga ng kanilang katigasan ng ulo sa di-pagtanggap sa mga saway at sansalang buhat sa Diyos. Sila'y nag-alaalang sa pagpapanukala nang laban kay Jesus ay baka sumusunod na ang mga saserdote at mga pinuno sa mga hakbang ng kanilang mga magulang, at yaon ay maghatid ng mga bagong kasakunaan sa bansa. Si Nicodemo ay isa sa may ganitong palagay. Sa isang pagpapanayam ng Sanedrin, nang mapag-usapan dito kung ano ang marapat gawin kay Jesus, ay nagpayo si Nieodemo ng pag-iingat at pagdadahan-dahan. Kaniyang ikinatwiran na kung si Jesus ay sadyang nilangkapan ng Diyos ng kapangyarihan, ay magiging mapanganib kung tatanggihan nila ang Kaniyang mga babala. Hindi napangahasang dipansinin ng mga saserdote ang payong ito, kaya't sandaling panahong sila'y walang ginawang anumang hakbang laban sa Tagapagligtas. BB 213.2
Buhat nang marinig ni Nieodemo ang pangangaral ni Jesus, buong kasabikan na niyang pinag-aralan ang mga hulang tumutukoy sa Mesiyas; at habang lalo siyang nagsasaliksik ng mga hula, ay lalo namang tumi-tindi ang kaniyang paniniwala na ang Isa na ngang ito ang siyang hinulaang darating. Siya at ang marami pang iba ay naligalig sa ginagawang paglapastangan sa templo. Isa siya sa nakasaksi nang itaboy ni Jesus ang mga namimili at mga nagbibili; namasdan niya ang kahangahangang pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos; namalas niya ang Tagapagligtas nang tinatanggap Nito ang mga dukha at mga maysakit; nakita niya ang kagalakan sa kanilang mga anyo, at napakinggan niya ang kanilang mga salita ng pagpupuri; at hindi niya nakuhang pag-alinlanganan na si Jesus ay siya ngang Isinugo ng Diyos. BB 214.1
Gustung-gusto niyang makipagkita kay Jesus, nguni't nahihiya siyang makipagkita rito nang nakikita ng iba. Magiging totoong kahiya-hiya sa isang pinuno ng mga Hudyo na magpakilalang siya'y nakikiayon sa isang gurong di-gasinong kilala. At kung ang pakikipagkitang ito ay umabot sa kaalaman ng Sanedrin, ay lilibakin nila siya at tutuligsain. Dahil dito'y minabuti niyang makipagkita na lamang nang lihim, sa dahilang baka siya pamarisan ng iba, kung siya'y lantarang makikipagkita. Nang maalaman niya sa pamamagitan ng lihim na paguusisa ang dakong pinagpapahingahan ng Tagapagligtas sa Bundok ng mga Olibo, ay hinintay niya munang makatulog ang bayan, at saka niya hinanap Siya. BB 214.2
Sa harap ni Kristo, ay nakaramdam si Nicodemo ng kakatwang panliliit, nguni't ito'y ikinubli niya sa ilalim ng pag-aanyong mahinahon at marangal. “Rabi,” ang wika niya, “alam naming Ikaw ay isang Gurong buhat sa Diyos: sapagka't walang taong makagagawa ng mga kababalaghang Iyong ginagawa, liban na sumasakaniya ang Diyos.” Sa kaniyang pagsasabing si Kristo ay may mga di-pangkaraniwang kaloob sa pagtuturo, at may kahang-hangang kapangyarihang gumawa ng mga kaba-balaghan, ay kaniyang inaasahang mabubuksan ang pagkakataon upang Ito'y kaniyang makapanayam. Binalangkas niya ang kaniyang mga salita upang makahikayat ng pagtitiwala; nguni't ang mga yaon ay tunay na nagpahayag ng di-paniniwala. Hindi niya kinilalang si Jesus ay siyang Mesiyas, kundi isa lamang Gurong buhat sa Diyos. BB 215.1
Sa halip na paunlakan ang bating ito, ay tinitigan lamang ni Jesus ang nagsasalita, na parang binabasa ang nasa isip nito. Dahil sa walang-hanggan Niyang karunungan ay nakita Niya na ang nasa harap Niya ay isang naghahanap ng katotohanan. Alam Niya ang dahilan ng pagsasadya nito sa Kaniya, at sa pagnanais ni Jesus na lalong tumindi ang paniniwalang namamahay na sa isip ni Nieodemo, ay tinapat Niya ito, at buong kasolemnihan, nguni't malumanay na sinabi, “Katotohanang, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Maliban na ang tao'y ipanganak buhat sa itaas, ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” Juan 3:3. BB 215.2
Nagsadya si Nicodemo sa Panginoon na ang hangad ay makipagpalitan ng katwiran sa Kaniya, nguni't inilahad ni Jesus ang mga simulaing kinasasaligan ng katotohanan. Sinabi Niya kay Nicodemo, Hindi teorya ang kailangan mo, kundi espirituwal na pagbabago. Hindi mo kailangang bigyang-kasiyahan ang iyong pag-uusisa, kundi ang kailangan mo ay ang magkaroon ng isang bagong puso. Dapat ka munang tumanggap ng bagong buhay buhat sa itaas bago mo mabigyang-halaga ang mga bagay ng langit. Hangga't hindi nangyayari ang ganitong pagbabago, na ginagawang bago ang lahat ng mga bagay, ay hindi mo ikabubuti ni ikaliligtas man na ikaw ay makipagtalo sa Akin tungkol sa Aking kapangyarihan o sa Aking misyon. BB 216.1
Narinig ni Nicodemo ang pangangaral ni Juan Bautista tungkol sa pagsisisi at pagbibinyag, na itinuturo sa mga tao yaong Isa na magbabautismo ng Espiritu Santo. Siya na rin ay nakadama na sadyang salat ang mga Hudyo sa tunay na kabanalan, at sila'y pinaghaharian ng kayabangan at hangaring makasanlibutan. At inasahan niyang pagdating ng Mesiyas ay magbabago at bubuti ang lahat ng mga bagay. Nguni't ang nakakikilosng-pusong pangangaral ni Juan Bautista ay hindi man nakapag-udyok sa kaniya na magsisi. Siya'y isang saradong Pariseo, at nagmamagaling sa kaniyang mabubuting gawa. Siya'y pinararangalan ng marami sa kaniyang kagandahang-loob at sa kaniyang pagbibigay sa ikatataguyod ng mga gawang paglilingkod sa templo, at kaya nga panatag ang kaniyang loob na dahil dito'y tinatanggap siya ng Diyos. Namangha siya nang kaniyang maalaman na ang kaharian ng Diyos ay napakadalisay pala na anupa't hindi niya maaaring makita sa gayon niyang kalagayan. BB 216.2
Ang bagong pagkapanganak, na halimbawang ginamit ni Jesus, ay hindi isang bagay na lubos na bago kay Nicodemo. Ang mga tao ng ibang bansa na nahikayat tumanggap ng pananampalataya ng Israel ay malimit itulad sa mga sanggol na bagong panganak. Dahil nga rito'y maaaring naunawaan niya na ang mga sinalita ni Kristo ay patalinhaga. Nguni't sa bisa ng pagkapanganak sa kaniya bilang isang Israelita ay itinuring niyang siya'y tiyak na karapat-dapat sa kaharian ng Diyos. Sa pakiram-dam niya'y hindi na niya kailangan pa ang magbago. Kaya nga namangha siya sa mga sinalita ng Tagapagligtas. Dinamdam niya ang pagkapagkapit ng mga salitang yaon sa kaniya. Ang kapalaluan ng pagka-Pariseo ay nakikipagpunyagi laban sa tapat na hangarin ng naghahanap ng katotohanan. Ipinagtaka niya ang pagkakapagsalita ni Jesus nang gayon sa kaniya, na di iginalang ang kaniyang pagiging pinuno sa Israel. BB 217.1
Sa pagkakabulabog ng kaniyang diwang mayabang, ay sinagot niya si Kristo nang may panunuya, “Paanong maipanganganak ang isang tao kung siya'y matanda na?” Siya'y natutulad sa marami na pagka inuulos ang budhi ng mahayap na katotohanan, ay nagpapahalatang ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng Espiritu ng Diyos. Wala sa kaniya niyaong bagay na tumutugon sa mga bagay ng Espiritu; sapagka't ang mga bagay ng Espiritu ay makikilala sa pamamagitan ng Espiritu. BB 217.2
Datapwa't hindi sinagot ng Tagapagligtas ang argumento sa pamamagitan ng argumento. Banayad at marangal na itinaas Niya ang Kaniyang kamay at taglay ang lalong malaking kapanatagang idiniin Niya ang katotohanan, “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Maliban na ang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.” Alam ni Nicodemo na ang sinasabi rito ni Kristo ay ang binyag sa tubig at ang pagbabago ng puso na gawa ng Espiritu ng Diyos. Siya'y naniwala nang siya'y nasa harap ng Isa na siyang hinulaan ni Juan Bautista. BB 217.3
Ang patuloy pang wika ni Jesus: “Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga.” Sa katutubo, ang puso ay masama, at “sinong makakakuha ng malinis na bagay sa marumi? wala.” Job 14:4. Walang makikitang tuklas ng tao na mailulunas sa kaluluwang nagkasala. “Ang kaisipan ng laman ay pakikipag-alit laban sa Diyos: sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari.” “Sa puso nanggagaling ang masasamang pag-iisip, mga pagpatay, mga pangangalunya, pakikiapid, mga pagnanakaw, pagsaksi sa di-katotohanan, mga pamumusong.” Roma 8:7; Mateo 15:19. Dapat munang luminis ang bukal ng puso bago maging malinis ang mga agos na nanggagaling doon. Ang taong nagsisikap na makarating sa langit sa pamamagitan ng sarili niyang mga gawang pagtalima sa kautusan ay gumagawa ng isang bagay na hindi mangyayari. Walang kaligtasan sa sinuman na ang relihiyon ay pawang sa kautusan lamang, samakatwid baga'y isang anyo ng kabanalan. Ang buhay Kristiyano ay hindi isang pag-aayos o pagkukumpuni ng dating pamumuhay, kundi ito'y isang pagbabago ng likas. Dapat mamatay ang sarili at ang kasalanan, at dapat magkaroon ng tunay na bagong buhay. Ang ganitong pagbabago ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng mabisang paggawa ng Espiritu Santo. BB 219.1
Naguguluhan pa rin si Nicodemo, kaya ginamit ni Jesus na halimbawa ang hangin upang ilarawan ang ibig Niyang sabihin: “Humihihip ang hangin kung saan niya ibig, at iyong naririnig ang ugong niyaon, nguni't hindi mo nalalaman kung saan nanggagaling, at kung saan na-paroroon: gayon ang bawa't ipinanganganak ng Espiritu.” BB 219.2
Ang hangin ay naririnig sa mga sanga ng mga punungkahoy, na kinikiyakis ang mga dahon at iniuugoy ang mga bulaklak; gayunman ito'y hindi nakikita, at hindi rin nalalaman ng tao kung saan ito nanggagaling o kung saan ito naparoroon. Ganyan ang paggawa ng Espiritu Santo sa puso. Hindi ito higit na maipaliliwanag na di gaya ng mga galaw ng hangin. Maaaring hindi masabi ng isang tao ang hustong oras o ang tiyak na lugar, o kaya'y hindi niya masuysoy ang lahat ng mga pangyayaring tungo sa kaniyang pagkahikayat; nguni't hindi nito pinatutunayan na siya'y di-hikayat. Sa pama-magitan ng isang bagay na di-nakikitang gaya ng hangin, ay walang likat na gumagawa si Kristo sa puso ng tao. Unti-unti, kaipala'y di-namamalayan ng may-katawan, na nakagagawa ng mga kakintalang may hilig na ilapit ang kaluluwa kay Kristo. Ito'y maaaring matanggap sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay tungkol sa Kaniya, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga Banal na Kasulatan, o ng pakikinig sa isang mangangaral. Walang anu-ano, kapag ang Espiritu'y dumarating na taglay ang lalong tuwirang pakikiusap, ay masayang sumusuko ang kaluluwa kay Jesus. Ito ang tinatawag ng marami na biglang pagkahikayat; nguni't ang totoo'y bunga ito ng malaong pakikiusap ng Espiritu ng Diyos, isang maluwat at paputul-putol na pakikiusap. BB 219.3
Bagama't ang hangin ay hindi nakikita, nakikita naman at nararamdaman ang mga nagagawa nito. Sa ganyan ding paraan ang gawain ng Espiritu sa kaluluwa ay mahahayag sa bawa't gawa niyaong nakadarama ng nagliligtas nitong kapangyarihan. Pagka ang Espiritu ng Diyos ang naghari sa puso ng tao, ay binabago nito ang pamumuhay. Ang masasamang isipan ay iniwawaksi, ang mga likong gawain ay tinatalikdan; pag-ibig, kapakumbabaan, at kapayapaan ang humahalili sa galit, pagkainggit, at pakikipag-alitan. Katuwaan ang humahalili sa kalungkutan, at sa mukha'y nababadha ang liwanag ng langit. Walang nakakakita sa kamay na nag-iibis ng dinadalang mga damdamin at mga alalahanin, o sa liwanag man na bumababang buhat sa luklukan ng Diyos. Dumarating ang pagpapala pagka ipinasasakop ng tao ang sarili niya sa Diyos sa pamamagitan ng pananam-palataya. Pagkatapos, ang kapangyarihang yaon na dinakikita ng mata ng tao ay lumilikha ng isang bagong pagkatao na ayon sa larawan ng Diyos. BB 220.1
Di-kayang liripin ng tao ang gawain ng pagtubos. Ang hiwaga nito ay nakahihigit sa kaalaman ng tao; gayunman siya na umaalis sa kamatayan at lumilipat sa buhay ay nakadarama na ito ay isang katotohanang Diyos ang may gawa. Ang pasimula ng pagtubos ay maaari nating maalaman dito sa pamamagitan ng sarili nating karanasan. Ang mga ibinubunga nito ay umaabot hanggang sa mga panahong walang-hanggan. BB 221.1
Samantalang nagsasalita si Jesus, may mga sinag ng katotohanan na naglagos sa isipan ni Nicodemo. Ang nagpapalubag at nagpapaamong impluwensiya ng Espiritu Santo ay nakaantig ng kaniyang puso. Gayunma'y hindi pa rin niya lubusang napag-unawa ang mga pangungusap ng Tagapagligtas. Ang nakaantig sa kaniya ay hindi ang pangangailangan ng bagong pagkapanganak kundi ang paraan kung paano iyon mangyayari. Kaya't may paghangang naitanong niya, “Paano mangyayari ang mga bagay na ito?” BB 221.2
“Ikaw ay isang guro ng Israel, at hindi mo nalalaman ang mga bagay na ito?” tanong ni Jesus. Tunay nga namang ang isang taong pinagkatiwalaang magturo ng relihiyon sa bayan ay hindi dapat na walang-muwang sa mga katotohanang gayon kahalaga. Ang mga salita niya ay naghahayag ng aral na sa halip na damdamin ni Nicodemo ang malilinaw na salita ng katotohanan, ay dapat sanang nagkaroon siya ng mapagpakumbabang pagkakilala sa kaniyang sarili, dahil sa kaniyang kawalang-nalalaman ukol sa espiritu. Gayunman ang pananalita ni Kristo ay nagtaglay ng solemneng kalumanayan, at ang Kaniyang anyo at tinig ay kapwa naghayag ng maalab na pag-ibig, na anupa't hindi ito nakasugat sa damdamin ni Nicodemo nang madama niya ang kaniyang abang kalagayan. BB 221.3
Datapwa't nang ipaliwanag ni Jesus na ang misyon Niya sa ibabaw ng lupa ay ang magtatag ng kahariang espirituwal at hindi kahariang panlupa, ay nagtalo ang loob ni Nicodemo. Nang mahalata ito ni Jesus, ay ganito ang idinugtong Niya, “Kung sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa, at hindi ninyo pinaniniwalaan, kung ang sabihin Ko sa inyo ay ang mga bagay na nau-ukol sa langit ay paano nga ninyo paniniwalaan?” Alalaong baga'y kung hindi matanggap ni Nieodemo ang turo ni Kristo, na naglalarawan ng ginagawa ng biyaya sa puso ng tao, ay paano niya mauunawaan ang likas ng Kaniyang maluwalhating kahariang makalangit? Kung hindi niya nauunawaan ang likas ng gawain ni Kristo sa lupa, ay hindi rin nga maabot ng kaniyang isip ang Kaniyang gawain sa langit. BB 222.1
Ang mga Hudyong pinalayas ni Jesus sa templo ay pawang nag-aangking sila'y mga anak ni Abraham, nguni't tumakas sila sa harap ng Tagapagligtas sapagka't hindi nila mabata ang kaluwalhatian ng Diyos na nahayag sa Kaniya. Ito nga ang nagpapatunay na sila'y hindi pinapagindapat ng biyaya ng Diyos na makibahagi sa mga banal na paglilingkod sa templo. Sila'y masikap na kanilang mapanatili ang anyo ng kabanalan, subali't kinaliligtaan nila ang pagpapabanal sa puso. At bagaman sila'y masigasig sa pagtupad sa titik ng kautusan, lagi naman nilang nilalabag ang diwa ng nasabing kutusan. Ang talagang malaki nilang kailangan ay ang pagbabago ngang iyon na ipinaliliwanag ni Kristo kay Nieodemo—isang bagong pagkapanganak na ukol sa moral, isang paglilinis sa kasalanan, at isang panibagong pagkakilala at kabanalan. BB 222.2
Walang maidadahilan sa pagiging-bulag ng Israel tungkol sa gawain ng pagbabago o ng bagong pagkapanganak. Sa pamamagitan ng pagkasi ng Espiritu Santo, ay sumulat si Isaias, “Kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basa-hang marumi.” Si David naman ay nanalangin, “Likhaan Mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos; at magbago Ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.” At sa pamamagitan ni Ezekiel ay ganito ang pangakong ibinigay, “Bibigyan Ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan Ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at Aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan at Aking bibig-yan kayo ng pusong laman. At Aking ilalagay ang Aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin Ko kayo ng ayon sa Aking mga palatuntunan.” Isaias 64:6; Awit 51:10; Ezekiel 36:26, 27. BB 222.3
Natunghayan ni Nieodemo ang mga kasulatang ito nang may malabong pag-iisip; nguni't unti-unti na ngayong naliliwanagan niya. Nakilala niya na ang pinakamahigpit na pagtalima ng panlabas na pamumuhay sa titik ng kautusan ay hindi nagpapagindapat sa tao na pumasok sa kaharian ng langit. Sa paningin ng tao, ang kabuhayan niya ay matuwid at marangal; subali't sa harap ni Kristo ay nadama niyang marumi ang kaniyang puso, at di-banal ang kaniyang kabuhayan. BB 223.1
Unti-unting nahihikayat ni Kristo si Nieodemo. Nang ipaliwanag sa kaniya ng Tagapagligtas ang tungkol sa bagong pagkapanganak, ay minithi niyang mangyari sana sa kaniyang sarili ang gayong pagbabago. Sa pamamagitan ng anong paraan ito mangyayari? Ganito ang tugon ni Jesus sa di-nabigkas na tanong: “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, gayundin naman kinakailangang itaas ang Anak ng tao: upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ug buhay na walang-hanggan.” BB 223.2
Ito ang bagay na alam na alam ni Nicodemo. Ang sagisag ng ahas na itinaas sa ilang ay nagpaliwanag sa kaniya ng misyon o layunin ng Tagapagligtas. Nang kasalukuyang nagkakamatay ang mga Israelita sa kagat ng mga makamandag na ahas sa ilang, ay inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso, at ilagay nang mataas sa gitna ng kapisanan. Pagkatapos ay itinanyag ang salita sa buong kampamento na ang sinumang titingin sa ahas ay mabubuhay. Talos ng mga tao na ang ahas na tanso ay walang kapangyarihang bumuhay sa kanila. Iyon ay sagisag ni Kristo. Kung paanong ang larawang ginawa sa wangis ng namumuksang mga ahas ay itinaas upang sila'y mangabuhay, gayundin naman yaong Isa na “nag-anyong salarin” ay siya nilang magi-ging Manunubos. Roma 8:3. Marami sa mga Israelita ang nag-akala na ang mga paghahandog na kanilang ginagawa ay may bisang magpalaya sa kanila sa kasalanan. Ibig ng Diyos na ituro sa kanila na ito'y wala ring kapang-yarihang gaya ng ahas na tanso. Ito nga ay upang akayin lamang ang mga isip nila sa Tagapagligtas. Maging sa pagpapagaling ng mga sugat nila o sa pagpapatawad ng kanilang mga kasalanan, ay wala silang magagawang anuman sa kanilang mga sarili kundi sila'y magpakita ng kanilang pananampalataya sa Kaloob ng Diyos. Sila'y titingin at mabubuhay. BB 223.3
Yaong mga kinagat ng ahas ay maaaring nagpatagal-tagal sa pagtingin. Maaaring pinag-alinlanganan nila kung paano kaya magkakaroon ng bisang makapagpapagaling ang sagisag na tansong yaon. Maaaring sila'y humingi ng isang maayos na paliwanag. Nguni't walang paliwanag na ibinigay. Kailangan nilang tanggapin ang sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises. Ang tumangging tumingin ay mamamatay. BB 224.1
Hindi sa pamamagitan ng pagtataltalan at pagtatalo naliliwanagan ang kaluluwa. Dapat tayong tumingin at mabuhay. Tinanggap ni Nicodemo ang aral, at tinaglaytaglay niya. Sinaliksik niya ang mga Kasulatan sa isang bagong paraan, hindi upang ipakipagtalo ang isang teorya, kundi upang tumanggap ng buhay ang kaniyang kaluluwa. Nagpasimulang maunawaan niya ang kaharian ng langit nang ipasakop niya ang kaniyang sarili sa pag-akay ng Banal na Espiritu. BB 224.2
Libu-libong tao ngayon ang kailangang makaalam ng katotohanan ding yaon na itinuro kay Nicodemo sa pamamagitan ng itinaas na ahas. Umaasa sila na ang pagtalima nila sa kautusan ng Diyos ay siyang magtatagubilin sa kanila sa lingap ng Diyos. Pagka sila'y inaatasang tumingin kay Jesus, at sumampalatayang sila'y inililigtas Niya sa pamamagitan lamang ng Kaniyang biyaya, ay napapabulalas sila ng, “Paano mangyayari ang mga bagay na ito?” BB 225.1
Tulad ni Nicodemo, ay dapat tayong tumalaga sa pagpasok sa buhay sa paraang gaya ng sa puno ng mga makasalanan. Sapagka't liban kay Kristo ay “walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Mga Gawa 4:12. Sa pamamagitan ng pananampalataya ay tumatanggap tayo ng biyaya ng Diyos; nguni't ang pananampalataya ay hindi siya nating tagapagligtas. Ito'y hindi siyang nagbibigay. Ito ang kamay na inihahawak natin kay Kristo, at siya ring iniyayakap sa Kaniyang mga kagalingan, na panlunas sa kasalanan. At ni hindi rin tayo makapagsisisi kung hindi sa tulong ng Espiritu ng Diyos. Ganito ang sabi ng Kasulatan tungkol kay Kristo, “Siya'y ibinunyi ng Diyos ng Kaniyang kanang kamay upang maging Prinsipe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.” Mga Gawa 5:31. Ang pagsisisi ay nagbubuat kay Kristo na tulad din ng kapatawaran. BB 225.2
Paano, kung gayon, tayo maliligtas? “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas,” gayon nga rin itinaas ang Anak ng tao, at ang bawa't nadaya at nakagat ng ahas ay makatitingin sa Kaniya at mabubuhay. “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. Ang liwanag na nagbubuhat sa krus ay naghahayag ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag- Niya ang naglalapit sa atin sa Kaniya. Kung hindi natin lalabanan ang ganitong pagkaakit na lumapit sa Kaniya, ay aakayin tayo nito sa paanan ng krus na nagsisisi sa mga kasalanan natin na naging dahil ng pagkakapako sa krus ng Tagapagligtas. Kung magkagayon ang Espiritu ng Diyos ay lumikha ng isang bagong buhay sa kaluluwa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang mga iniisip at mga hinahangad ay ipinasasakop sa kalooban ni Kristo. Ang puso, ang pag-iisip, ay nililikhang panibago ayon sa wangis Niyaong sa atin ay gumagawa upang mapasuko sa Kaniya ang lahat ng mga bagay. Sa gayo'y naisusulat sa puso at pag-iisip ang kautusan ng Diyos, at masasabi na nating kasama ni Kristo na, “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, Oh Diyos ko.” Awit 40:8. BB 225.3
Sa pakikipag-usap ni Jesus kay Nicodemo, ay inihayag Niya ang panukala ng pagliligtas at ang Kaniyang misyon sa sanlibutan. Sa lahat Niyang mga pagsasalita at pagpa-paliwanag ay dito lamang Niya isinalaysay nang lubos, at baytang-baytang, ang mga gawang marapat mangyari sa mga puso ng mga taong magmamana ng kaharian ng langit. Sa kapasi-pasimulaan ng Kaniyang ministeryo ay binuksan Niya ang katotohanan sa isang kagawad ng Sanedrin, sa isip ng isang handang tumanggap, at sa hinirang na guro ng bayan. Nguni't hindi tinanggap ng mga lider ng Israel ang liwanag. Itinago ni Nieodemo ang katotohanan sa loob ng kaniyang puso, at sa loob ng tatlong taon ay parang walang anumang ibinunga. BB 226.1
Datapwa't kilala ni Jesus ang lupang hinasikan Niya ng binhi. Hindi nasayang ang mga salitang binitiwan noong gabi sa isang tagapakinig sa bundok. Sa loob ng isang panahon ay hindi hayagang kinilala ni Nicodemo si Kristo, gayunma'y minatyagan niya ang buhay Niya, at dinili-dili ang Kaniyang mga aral. Sa kapulungan ng Sanedrin ay paulit-ulit niyang sinira ang mga balak ng mga saserdote na ipapatay si Jesus. At nang sa wakas ay maibayubay din si Jesus doon sa krus, ay nagunita ni Nicodemo ang turong binigkas sa 01ivet: “Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, gayundin naman kinakailangang itaas ang Anak ng tao: upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Ang liwanag na nagbuhat sa lihim na pakikipag-usap na iyon ay siyang tumanglaw sa krus ng Kalbaryo, at dahil dito'y napagkilala ni Nicodemo na si Jesus nga ang Manunubos ng sanlibutan. BB 226.2
Nang makaakyat na sa langit ang Panginoon, at mangalat ang mga alagad dahil sa pag-uusig, ay buong tapang na lumantad si Nicodemo. Ginamit niya ang kaniyng yaman sa pagtataguyod sa batang iglesya na inakala ng mga Hudyong malilipol nila pagkamatay ni Kristo. Sa panahon ng panganib, siya na noong una ay kimi at mausisa, ay naging sintibay ng batong buhay, na pinalakas ang loob at pananampalataya ng mga alagad at tinustusan ng salapi ang gawain ng ebanghelyo upang ito'y maitaguyod. Siya'y inaglahi at inusig ng mga nagbigay-galang sa kaniya noong una. Nasaid ang kaniyang yaman sa buhay na ito; gayunma'y hindi naman nanghina ang kaniyang pananam-palataya na ang pinagbuhatan ay ang gabing yaon ng pakikipag-usap niya kay Jesus. BB 227.1
Isinaysay ni Nicodemo kay Juan ang kasaysayan ng pakikipag-usap na iyon, at sa pamamagitan naman ng panulat nito ay ito'y itinala upang makapagturo at pakinabangan ng mga angaw-angaw. Ang mga katotohanang doo'y itinuturo ay mahalaga at kailangan ngayon na tulad din noong tahimik na gabing pagsadyain sa malilim na bundok ng isang pinunong Hudyo, ang maamong Guro ng Galilea upang alamin ang daan ng buhay. BB 227.2