Bukal Ng Buhay
Kabanata 16—Sa Kaniyang Templo
Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 2:12-22.
“Pagkatapos nito ay lumusong Siya sa Capernaum, Siya, at ang Kaniyang ina, at ang Kaniyang mga kapatid, at ang Kaniyang mga alagad: at sila'y nangatira roong hindi maraming araw. At malapit na ang Paskuwa ng mga Hudyo, at umahon si Jesus sa Jerusalem.” BB 195.1
Sa lakarang ito, ay sumabay si Jesus sa isang malaking pulutong na patungo sa pangulong-bayan. Hindi pa Niya hayag na ibinubunyag ang Kaniyang misyon o layunin, at Siya'y nakihalo sa karamihan na walang sinumang nakahalata. Sa ganitong mga lakaran, ay malimit pag-usap-usapan ang pagdating ng Mesiyas, bagay na siyang pinakaliwa-liwanag ng pangangaral ni Juan. Ang pinakaaasam-asam na pagdakila ng bansa ay siyang ma-alab na pinag-uusapan. Alam ni Jesus na mabibigo ang pag-asang ito, dahil sa ito'y nakasalig sa lisyang pakahu-lugan sa Mga Kasulatan. Taglay ang kasigasigang ipinaliwanag Niya sa kanila ang mga hula, at sinikap na maantig ang mga tao sa lalong masusing pag-aaral ng salita ng Diyos. BB 195.2
Sinabi ng mga pinunong Hudyo sa mga tao na sa Jerusalem ay tuturuan silang sumamba sa Diyos. Dito'y nagtitipon kung Paskuwa ang maraming bilang ng mga tao, na nanggagaling kung saan-saang dako ng Palestina, at may sa malalayo pang bansa. Ang mga patyo ng templo ay puno ng halu-halong karamihan. Ang marami dito ay hindi nakapagdala ng mga hayop na panghandog upang kumatawan sa dakilang Sakripisyo. Para sa ganitong mga tao ay may nabibili at ipinagbibiling mga hayop sa labas ng bakod ng patyo. Dito'y sama-sama ang lahat ng uri ng mga tao na bumibili ng kanilang maihahandog. At dito rin ay pinapalitan ng salapi ng santuwaryo ang sari-saring salapi. BB 195.3
Bawa't Hudyo ay pinapagbabayad taun-taon ng kalahating siklo na “pinakatubos sa kaniyang kaluluwa;” at ang salaping nalilikom dito ay ginugugol sa mga panga-ngailangan ng templo. Exodo 30:12-16. Bukod dito, nagbibigay pa ang mga tao ng malalaking handog na kusangloob, upang ilagak sa kabang-yaman ng templo. At ipinagbibilin na ang lahat ng salaping dayuhan ay papalitan ng salapi ng templo na kung tawagin ay siklo, at ito ang tinatanggap sa paglilingkod sa santuwaryo. Ang pagpapalit ng salapi ay nagbigay ng pagkakataon sa pagdaraya at panghuhuthot, at ito'y naging isang malaking nakahihiyang hanap-buhay, na pinagmulan ng kinikitang salapi ng mga saserdote. BB 196.1
Ang mga nagbibili ay sumisingil nang napakamahal sa mga hayop na kanilang ipinagbibili, at sa mga pakinabang nila rito ay hinahatian nila ang mga saserdote at ang mga pinuno, na sa ganitong paraan nagsisiyaman at mga tao ang nakukuwartahan at napahihirapan. Pinapaniwala ang mga sumasamba na kung hindi sila maghahandog ng hain, ay hindi pagpapalain ng Diyos ang kanilang mga anak o ang kanila mang mga lupain. Kaya nga mahal ang ibinabayad sa mga hayop na panghandog; sapagka't pagkatapos na ang mga tao'y manggaling sa malayo, ay hindi sila nagsisiuwi sa kani-kanilang mga tahanan nang hindi muna ginaganap ang gawang paghahandog na kanilang ipinaroon. BB 196.2
Maraming bilang ng mga hayop ang inihahandog sa panahon ng Paskuwa, at ang mga napapagbilhan sa templo ay napakalalaki. Ang gulo at kaingayan ay nagpapakilalang ito ay pamilihan ng mga hayop at hindi banal na templo ng Diyos. Naririnig ang malalakas na tawaran, ang ungaan ng mga baka, ang iyakan ng mga tupa, ang hunihan ng mga kalapati, na nahahaluan ng kalansing ng salapi at ang mainitang pagtatalo sa tawaran. Gayon na lamang kalaki ang kaguluhan na anupa't nagagambala ang mga sumasamba, at ang mga panalanging iniuukol sa Kataas-taasan ay nalulunod sa ingay na pumapasok sa templo. Labis na ipinagyayabang ng mga Hudyo ang kanilang kabanalan. Ipinagmamalaki nila ang kanilang templo, at itinuturing nilang isang pamumusong o kalapastanganan ang anumang pamimintas dito; totoong napakaingat nila sa pagganap ng mga seremonyang nauukol dito; subali't ang kabanalan nila ay nadadaig ng pag-ibig nila sa salapi. Hindi na nila nahalatang sila ay lubhang napalayo na sa orihinal na panukala ng paglilingkod na itinatag ng Diyos na rin. BB 196.3
Nang bumaba ang Panginoon sa Bundok ng Sinai, ang dakong iyon ay pinabanal ng Kaniyang pakikiharap. Si Moises ay inutusang maglagay ng hangganan o bakod sa palibot ng bundok at pabanalin iyon, at ang salita ng Panginoon ay narinig na nagbababala: “Mag-ingat kayo, na kayo'y huwag sumampa sa bundok, o sumalang sa hangganan: sinumang sumalang sa bundok ay papatayin na walang pagsala: walang kamay na hihipo sa kaniya, kundi siya'y tunay na babatuhin, o papanain; maging siya'y hayop o tao, ay hindi mabubuhay.” Exodo 19:12, 13. Sa ganyang paraan itinuro ang aral na saanmang dako nakikiharap ang Diyos, ay banal ang dakong iyon. Ang mga looban ng templo ng Diyos ay dapat ituring na banal. Nguni't dahil sa pagsusumakit sa pakinabang na salapi, ay hindi na nila nakita ang lahat ng ito. BB 197.1
Ang mga saserdote at mga pinuno ng bayan ay tinawag upang maging mga kinatawan ng Diyos sa bansa; dapat sanang itinuwid nila ang mga pagmamalabis o kalapastanganang ito sa templo. Dapat sanang nakapagbigay sila sa mga tao ng isang halimbawa ng kalinisangbudhi at pagkamaawain. Sa halip na pagsumakitan nila ang kapakinabangang pansarili, dapat sanang inalagata nila ang kalagayan at mga pangangailangan ng mga sumasamba, at dapat sanang naging handa sila na tulungan yaong mga walang ikakayang bumili ng kinakailangang mga panghandog. Nguni't hindi nila ginawa ito. Ang pagiging-gahaman sa salapi ang siyang nagpatigas ng kanilang mga puso. BB 197.2
May mga nagpunta sa kapistahang ito na mga dumaranas ng pananalat at kagipitan. Naroon ang mga bulag, mga pilay, at mga bingi. May mga dinala pa roon na usong-usong sa kanilang higaan. Marami ang nagsiparo-on na talagang walang maibili ng kahit na pinakamurang handog para sa Panginoon dahil sa labis na karukhaan, totoong dukha na anupa't walang pambili man lamang ng pagkaing maipagtatawid-gutom nila. Ang mga ito ay lubhang nababagabag ng mga pahayag ng mga saserdote. Ipinagyayabang ng mga saserdote ang kanilang kabanalan; nagpapanggap silang sila ang mga pinaka-ama ng bayan; subali't hindi naman sila marunong dumamay o mahabag man. Ang mga maralita, mga maysakit, at mga naghihingalo ay nagsisihingi sa kanila ng tulong, nguni't wala silang ginagawa. Ang kanilang paghihirap at pagdurusa ay hindi man nakapukaw ng habag sa puso ng mga saserdote. BB 198.1
Nang dumating si Jesus sa templo, ay natanaw Niya ang buong pangyayari. Nakita Niya ang mga pagdadayari. Nakita Niya ang pagkagulumihanan ng mga dukha, na nag-iisip na dahil sa sila'y walang maihahandog ay hindi na sila patatawarin sa kanilang mga kasalanan. Nakita Niya ang labas ng patyo ng Kaniyang templo na naging isang dako ng makasalanang pagkakalakalan. Ang banal na looban ay naging isang malaking dakong palitan ng kuwarta. BB 198.2
Ipinasiya ni Kristo na kumilos agad. Maraming seremonyang ipinag-uutos sa mga tao na hindi naman tumpak na itinuturo ang tungkol sa kahalagahan at kahulugan niyon. Ang mga sumasamba ay nag-aalay ng kanilang mga handog nang di nila nauunawaan na iyon ay sumasagisag sa isang tanging sakdal na Handog. At naroon sa gitna nila, na di-nakikilala at di-napararangalan, ang Isa na sinasagisagan ng lahat nilang handog. Siya ang nagbigay ng lahat na tagubilin tungkol sa mga paghahandog. Alam Niya ang kahalagahan ng mga sagisag na ito, at nakita Niyang ito ngayon ay mga isininsay at binigyan ng maling kahulugan. Ang pagsambang espirituwal ay matuling nawawala. Ang mga saserdote at mga pinuno ng bayan ay hindi napapaugnay sa kanilang Diyos. Kaya ang ginawa ni Kristo ay nagtatag Siya ng ganap na ibang paraan ng pagsamba. BB 199.1
Taglay ang nananaliksik na paninging tumayo. si Kristo sa hagdan ng templong paharap sa patyo at tinanaw ang buong panooring nakaharap sa Kaniya. Natanaw ng mata Niyang nakahuhula ang dumarating na hinaharap at nakita Niya, hindi lamang ang mga taon, kundi ang mga daan-daang taon din naman at mga panahon. Nakita Niya ang mga saserdote at mga pinuno ng bayan na ililihis sa matuwid ang mga mapagkailangan, at ipagbabawal na ipangaral ang ebanghelyo sa mga dukha. Nakita Niya kung paano itatago sa mga makasalanan ang pag-ibig ng Diyos, at ang Kaniyang biyaya ay gagawing kalakal ng mga tao. Nang matanaw Niya ang lahat ng ito, ay nabadha sa Kaniyang mukha ang galit, kapamahalaan, at kapangyarihan. Ang pansin ng mga tao ay napatuon sa Kaniya. Ang mga mata ng mga nagsisipangalakal ay napabaling sa Kaniyang mukha. Hindi nila mabawi-bawi ang kanilang tingin. Nararamdaman nilang parang nababasa ng Taong ito ang mga lihim nilang iniisip, at nasisiyasat ang mga nakatago nilang panukala. Tinangka ng ilan na itago ang kanilang mukha, na para bagang naka-sulat doon ang masasama nilang gawa, at iyon ay masi-siyasat ng mga nananaliksik na matang iyon. BB 199.2
Napatigil ang kaguluhan. Napahinto ang ingay ng pagbibilihan at pagtatawaran. Nakabibingi ang katahimikan. Isang malaking takot ang lumukob sa kapulungan. Para bagang ang lahat ay nililitis sa harap ng hukuman ng Diyos upang managot sa kanilang mga ginawa. Pagtingin nila kay Kristo, ay namasdan nila ang sinag ng pagkaDiyos na bumabalot sa Kaniyang katawang-tao. Ang Hari ng langit ay nakatayong gaya ng gagawing pagtayo ng Hukom sa huling araw—ang kulang nga lamang ngayon ay ang kaluwalhatiang lulukob sa Kaniya sa panahong iyon, nguni't taglay din ang kapangyarihang iyon na nakababasa ng kaluluwa. Lumibot ang Kaniyang paningin sa buong karamihan, na tinititigan ang bawa't tao. Ang Kaniyang anyo ay waring nakahihigit sa kanila sa taglay na nakapanganganinong karangalan, at isang maluwalhating sinag ang namamanaag sa Kaniyang mukha. Nagsalita Siya, at ang Kaniyang malinaw at tumataginting na tinig—yaon ding tinig na nagpahayag ng Sampung Utos sa Bundok ng Sinai na ngayo'y nilalabag ng mga saserdote at ng mga pinuno ng bayan—ay narinig na naghumugong sa mga balantok ng templo: “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng Aking Ama.” BB 200.1
Dahan-dahang Siya'y nanaog sa hagdan, at itinaas ang mga lubid na panghampas na dinampot Niya sa pagpasok sa patyo, at saka Niya inatasan ang mga taong nagbibilihan na magsilayas sa patyo ng templo. Taglay ang sigasig at kabagsikang hindi pa nakita sa Kaniya nang una, ipinagtataob Niya ang mga hapag ng mga mama-malit ng salapi. Sumabog ang mga kuwarta, na kumalansing nang mataginting sa pabimentong marmol. Walang nangahas na magtanong tungkol sa kapangyarihan Niyang gumawa ng gayon. Wala ring nangahas na pumulot ng sumabog nilang salapi. Hindi sila hinagupit ni Jesus ng panghampas na lubid, nguni't sa Kaniyang kamay ang karaniwang panghampas na iyon ay waring kakila-kilabot na gaya ng isang nagniningas na tabak. Ang mga pinuno sa templo, ang mga kasabuwat na saserdote, ang mga mamamalit ng salapi at mga nagbibili ng mga hayop, pati ng kanilang mga tupa at mga baka, ay pawang nangagsilabas, na ang nasa isip lamang ay ang makatakas sa harap ng Kaniyang paghatol. BB 200.2
Sinalakay ng takot ang karamihan, na nakaramdam na nakayungyong sa kanila ang Kaniyang pagka-Diyos. Mga sigaw ng pagkasindak ang namulanggos sa daan-daang mapuputlang labi. Pati mga alagad ay nagsipangatal. Inalihan sila ng sindak dahil sa sinalita at inasal ni Jesus, na ibang-iba sa karaniwang nakikita sa Kaniya. Naalaala nila na tungkol sa Kaniya ay ganito ang nasu-sulat, “Napuspos Ako ng sikap sa Iyong bahay.” Awit 69:9. Kagyat na napalis sa templo ng Panginoon ang magulong karamihan kasama ang kanilang mga kalakal. Nalinis ang patyo sa magulong pagbibilihan, at isang paik-pik at banal na katahimikan ang naghari sa dating pook ng kaguluhan. Ang pakikiharap ng Panginoon, na nagpabanal sa Bundok ng Sinai noong unang panahon, ay siya ring nagpabanal ngayon sa templong itinayo sa Kaniyang karangalan. BB 201.1
Sa paglilinis na ito sa templo, ay ibinunyag ni Jesus ang layunin Niya sa pagiging Mesiyas, at ang pagsisimula Niya sa Kaniyang gawain. Ang templong yaon, na itinayo upang maging tahanan ng Diyos, ay ginamit na isang halimbawang pag-aaralan ng Israel at ng sanlibutan. Buhat pa nang mga panahong walang-hanggan ay panukala na ng Diyos na ang bawa't nilalang, magmula sa marilag at banal na serapin hanggang sa tao, ay maging isang templong pananahanan ng Maykapal. Dahil sa kasalanan, ang tao ay hindi na maaaring maging templo ng Diyos. Palibhasa ang puso ng tao ngayon ay pinadilim at dinumhan ng kasamaan, hindi na ito naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos. Nguni't nang magkatawang-tao ang Anak ng Diyos, ay natupad din ang panukala ng langit. Tumatahan ngayon ang Diyos sa tao, at sa pamamagitan ng Kaniyang nagliligtas na biyaya ay muling nagiging templo Niya ang puso ng tao. Pinanukala ng Diyos na ang templong nasa Jerusalem ay maging isang palaging patotoo sa marangal at matayog na kapalarang itinaan sa bawa't kaluluwa. Subali't hindi napag-unawa ng mga Hudyo ang kahulugan ng pagtatayo ng templong labis-labis nilang ipinagmalaki. Hindi nila isinuko sa Banal na Espiritu ang kanilang mga sarili. Ang mga patyo ng templong nasa Jerusalem, na puno ng magulong pagka-kalakalan, ay tunay na tunay na kumatawan sa templo ng kanilang puso, na dinungisan ng kanilang mahahalay na damdamin at mga hamak na isipan. Nang linisin ni Jesus ang templo sa mga mamimili at mga nagbibili, ay inihayag Niya ang Kaniyang layunin na linisin ang puso ng tao sa lahat ng dungis ng kasalanan—sa mga hanga-ring makalupa, sa mga pita ng sarili, sa masasamang kaugalian, na sumisira sa kaluluwa. “Ang Panginoon na inyong hinahanap. ay biglang paroroon sa Kaniyang templo, at ang sugo ng tipan, na inyong kinaliligayahan: narito, Siya'y dumarating, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni't sino ang makatatahan sa araw ng Kaniyang pagparito? at sino ang tatayo pagka Siya'y pakikita? sapagka't Siya'y parang apoy ng mandadalisay at parang sabon ng mga tagapagpaputi: at Siya'y uupong tulad sa mandadalisay at tagapagpakintab ng pilak: at Kaniyang lilinisin ang mga anak ni Levi, at dadalisayin silang parang ginto at pilak.” Malakias 3:1-3. BB 201.2
“Hindi ba ninyo nalalaman na kayo'y templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay tumatahan sa inyo? Kung gi-bain ng sinuman ang templo ng Diyos, siya'y igigiba ng Diyos; sapagka't ang templo ng Diyos ay banal, na ang templong ito ay kayo.” 1 Corinto 3:16, 17. Walang sinu-mang taong sa sarili niya ay makapagpapalayas ng ma-samang pulutong na namamahay sa kaniyang puso. Si Kristo lamang ang makapaglilinis sa templo ng kaluluwa. Nguni't hindi Siya magpipilit pumasok. Papasok Siya sa puso, hindi tulad sa pagpasok Niya sa templo nang una; kundi ang wika Niya'y “Narito, Ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig, at magbukas ng pinto, Ako ay papasok sa kaniya.” Apocalipsis 3:20. Siya ay papasok, hindi sa isang araw lamang sapagka't sinasabi Niyang, “Mananahan Ako sa kanila, at lalakad Ako sa kanila; ... at sila'y magiging Aking bayan.” “Kaniyang yayapakan ang ating kasamaan; at Iyong ihahagis ang lahat nilang mga kasalanan sa mga kalaliman ng dagat.” 2 Corinto 6:16; Mikas 7:19. Ang pakikiharap Niya ay siyang lilinis at magpapabanal sa ka-luluwa,upang ito'y maging templong banal sa Panginoon, at “maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.” Efeso 2:21, 22. BB 202.1
Nagsitakas ang mga saserdote at mga pinuno ng bayan sa patyo ng templo dahil sa matinding takot, at dahil sa nananaliksik na sulyap na tumatagos sa kanilang mga puso. Sa kanilang pagtakas ay nasalubong nila an^j mga ibang patungo sa templo, at ang mga ito ay pinagsabihan nilang magsibalik na rin, na inilalahad ang kanilang nakita at narinig. Naawa si Kristo sa mga taong ito na tumatakas dahil sa takot, at sa di-pagkabatid ng mga ito ng tunay na diwa ng pagsamba. Sa tanawing ito ay para Niyang nakita ang pananabog ng bansang Hudyo dahil sa kasamaan at di-pagsisisi ng mga ito. BB 203.1
At bakit nagsitakas sa templo ang mga saserdote? Bakit hindi sila nagmatigas? Ang nag-utos sa kanila na sila'y lumayas ay anak ng isang anluwage, isang abang Galileo, na walang mataas na katungkulan o kapangyarihan sa lupa. Bakit hindi nila nilabanan Siya? Bakit nila iniwan ang salaping buhat sa masamang pakinabang, at lumayas sila sa utos ng Isang ang kaanyuan ay napakaaba? BB 203.2
Si Kristo'y nagsalitang may kapangyarihan ng isang hari, at ang Kaniyang anyo at tunog ng Kaniyang tinig, ay parang may lakas na hindi nila kayang labanan. Sa Kaniyang pag-uutos ay napagkilala nila nang higit kaysa nang una, na sila'y talagang mga mapagpaimbabaw at mga magnanakaw. Nang magliwanag ang pagka-Diyos sa Kaniyang katawang-tao, ay hindi lamang poot ang natanaw nilang nakahanda sa Kaniyang mukha; napagunawa rin nila ang kahulugan ng Kaniyang mga salita. Naramdaman ng Walang-hanggang Hukom, at sila'y ginagawaran ng hatol na pangwalang-hanggan. Saglit na sila'y naniwalang Siya ay isang propeta; at marami ang naniwalang Siya nga ang Mesiyas. Biglang ipinaalaala sa kanila ng Espiritu Santo ang mga sinabi ng mga propeta tungkol kay Kristo. Pahihinuhod kaya sila sa ganitong paniniwala? BB 204.1
Magsisi naman ay ayaw sila. Natalos nilang nagningas ngayon ang pagmamahal at pakikiramay ni Kristo sa mga dukha. Alam nilang sila'y nagkasala ng panghuhut-hot o pangingikil ng salapi sa mga tao. At palibhasa'y nabasa ni Kristo ang kanilang mga iniisip kaya napoot sila sa Kaniya. Ang Kaniyang lantarang pagsaway ay humiya sa kanila, at kanilang pinanaghilian ang Kaniyang lumalaking impluwensiya sa mga tao. Ipinasiya nga nilang usisain Siya sa kung anong kapangyarihan pinalayas Niya sila, at kung sino ang nagbigay sa Kaniya ng kapangyarihang ito. BB 204.2
Bumalik sila sa templo, na binibilang ang kanilang mga hakbang at nag-iisip, nguni't nagsisikip ang galit sa kanilang mga dibdib. Nguni't kaylaking pagbabago ang naganap sa pagkawala nila roon! Nang sila'y tumakas, naiwan doon ang mga dukha; at ang mga ito ang siya ngayong nakatingin kay Jesus, na ang Kaniyang mukha'y naghahayag ng Kaniyang pag-ibig at pakikiramay. Gumigiti ang luha sa Kaniyang mga mata, na sinabi Niya sa mga nangangatal na taong nangakapaligid sa Kaniya: Huwag kayong mangatakot; ililigtas Ko kayo, at luluwalhatiin ninyo Ako. Sapagka't ito ang dahilan ng Aking ipinarito sa sanlibutan. BB 204.3
Nagsiksikan ang mga tao sa harap ni Kristo na taglay ang mahahalaga't nakaaawang mga pakiusap: Panginoon, pagpalain Mo po ako. Dininig Niya ang bawa't daing. Dala ng malaking habag na mahigit pa sa pagkahabag ng isang mapagmahal na ina na tinunghayan Niya ang maliliit na bata. Lahat ay Kaniyang inasikaso. Lahat ay pinagaling Niya sa anumang karamdamang taglay ng mga ito. Nakapagsalita ang pipi at pumuri sa Kaniya; nanga-dilat ang mga bulag at namasdan ang mukha ng Nagpagaling sa kanila. Ang mga puso ng mga nagdurusa ay napaligaya. BB 205.1
Nang tinatanaw ng mga saserdote at mga pinuno ng templo ang dakilang gawaing ito, anong laki ng kanilang panggigilalas sa kanilang mga napakinggan! Ibinabalita ng mga tao ang mga hirap at sakit na kanilang tiniis, ang kanilang mga nabigong pag-asa, at ang mga araw at mga gabing hindi nila itinutulog. Nang waring bigo na ang kahuli-hulihan nilang pag-asa, ay pinagaling sila ni Kristo. Napakabigat ng aking pasan, anang isa; nguni't nakatagpo ako ng katulong. Siya ang Kristo ng Diyos, kaya ihahain ko itong aking buhay sa paglilingkod sa Kaniya. Ang wika naman ng mga magulang sa kanilang mga anak, Sinagip Niya ang inyong buhay; ilakas ninyo ang inyong tinig at purihin ninyo Siya. At ang tinig ng mga bata at mga kabataan, ng mga ama at mga ina, at ng magkakaibigan at mga nanonood ay nagkalakip sa pagpapasalamat at pagpupuri. Nalipos ng pag-asa at ligaya ang kanilang mga puso. Kapayapaan ang suma-kanilang mga isip. Gumaling ang kanilang kaluluwa at katawan, at sila'y nagsiuwing ibinabalita saanman sila makarating ang walang kahulilip na pag-ibig ni Jesus. BB 205.2
Nang si Kristo'y nakabayubay sa krus, ang mga pinagaling na ito ay hindi nakisama sa pulutong ng masa- sama na nangagsisisigaw ng, “Ipako Siya sa krus, ipako Siya sa krus.” Mahal nila si Jesus, sapagka't nadama nila ang Kaniyang malaking pagmamahal at kahanga-hangang kapangyarihan. Napagkilala nilang Siya ang kanilang Tagapagligtas; sapagka't ipinagkaloob Niya sa kanila ang kanilang kalakasan at kalusugan ng katawan at kaluluwa. Nakinig sila sa pangangaral ng mga apostol, at nang pumasok sa kanilang puso ang salita ng Diyos ay nagkaroon sila ng unawa. Ginamit sila ng Diyos sa pagtulong at pagliligtas sa mga iba. BB 205.3
Ang lipumpon ng mga taong nagsitakas sa patyo ng templo ay dahan-dahan na ring nagsipagbalik pagkaraan ng ilang sandali. Ang takot na umali sa kanila ay humupa na nang bahagya, gayunma'y nakabadha pa rin sa kanilang mga mukha ang pagkapahiya at ang kawalan ng tiyak na gagawin. May pagtatakang pinanood nila ang mga ginagawa ni Jesus, at sila'y naniwalang natupad sa Kaniya ang mga salita ng hula tungkol sa Mesiyas. Ang kasalanang. paglapastangan sa templo ay pasan ng mga saserdote. Sila ang may kagagawan kung bakit naging pamilihan ang patyo ng templo. Ang bayan ay walangkasalanan sa pangyayaring ito. Napagkilala nilang na kay Jesus ang kapangyarihan ng Diyos; subali't sa kanila ay nakapangibabaw ang impluwensiya ng mga saserdote at mga pinuno ng bayan. Itinuring nilang isang pagbabago ang layunin ni Kristo, at tinuligsa nila ang Kaniyang karapatang manghimasok sa mga bagay na pinahintulutan ng mga namumuno sa templo. Sila'y nangagalit dahil sa napahinto ang kalakalan, at pinatay nila ang mga sumbat ng Espiritu Santo. BB 207.1
Higit sa lahat ng iba ay dapat sanang ang mga saserdote at mga pinuno ang makakilala na si Jesus ay siyang Pinahiran ng langis ng Panginoon; dahil sa nasa kanilang mga kamay ang mga banal na kasulatang nag-sasaysay ng Kaniyang misyon o nilalayon, at alam nila na ang paglilinis ng templo ay isang paghahayag ng ka- pangyarihang hindi angkin ng tao. Bagama't galit na galit sila kay Jesus, ay hindi naman nila maalis-alis sa kanilang isip ang palagay na baka Siya nga ay isang propetang isinugo ng Diyos upang magsauli ng kabanalan ng templo. Taglay ang paggalang na bunga ng ganitong palagay, ay lumapit sila sa Kaniya na nagtatanong, “Anong tanda ang ipinakikita Mo sa amin, yamang ginagawa Mo ang mga bagay na ito?” BB 207.2
Pinagpakitaan sila ni Jesus ng isang tanda. Nang tang-lawan Niya ang kanilang mga puso, at gawin sa harap nila ang mga gawang gagawin ng Mesiyas, ay nagbigay na Siya ng kapani-paniwalang katibayan tungkol sa Kaniyang likas. Kaya nga nang humingi sila ngayon ng tanda, ay sinagot Niya sila sa pamamagitan ng isang talinhaga, na nagpapakilalang nabasa Niya ang masasama nilang iniisip, at nakita Niya kung hanggang saan sila ihahantong ng mga ito. “Gibain ninyo ang templong ito,” wika Niya, “at sa tatlong araw ay itatayo Kong muli.” BB 208.1
Sa mga salitang ito ay dalawang bagay ang ibig Niyang sabihin. Tinukoy Niya hindi lamang ang pagkagiba ng templo at pagsamba ng mga Hudyo, kundi pati ng Kaniyang pagkamatay—ang pagkagiba ng templo ng Kaniyang katawan. Ito na nga ang binabalak nila ngayon. Nang bumalik sa templo ang mga saserdote at mga pinuno ng bayan, ay panukala na nilang patayin si Jesus, upang wala nang makagulo sa kanila. Gayunma'y nang ilantad Niya sa harap nila ang lahat nilang binabalak, ay hindi nila Siya naintindihan. Sinapantaha nilang ang tinutukoy Niya ay ang templo sa Jerusalem, kaya sila'y galit na sumigaw, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang templong ito, at itatayo Mo sa tatlong araw?” Ngayo'y nadama nilang binigyang-katwiran ni Jesus ang hindi nila pagsampalataya, at sila'y nagtibay sa kanilang pagtanggi sa Kaniya. BB 208.2
Hindi binalak ni Kristo na ang mga salita Niya ay maintindihan ng mga di-sumasampalatayang Hudyo, ni ng mga alagad man Niya sa panahong ito. Talos Niyang ito'y bibigyan ng mga kaaway Niya ng maling pakahu-lugan, at gagamitin pang panlaban sa Kaniya. Sa paglilitis sa Kaniya ay ihaharap pa ito bilang isang sumbong, at doon sa Kalbaryo ay gagamitin ito bilang isang pangutya. Nguni't kung ipaliliwanag ito ngayon sa kanila, ay mapapag-alaman ng mga alagad Niya ang tungkol sa dadanasin Niyang paghihirap, at magdudulot iyon ng kalumbayang hindi pa nila kayang bathin ngayon. At ang pagpapaliwanag nito ay wala sa panahong maglalantad sa mga Hudyo ng bunga ng kanilang maling pagkakilala at di-paniniwala. Ngayon pa man ay pumasok na sila sa landas na patuloy nilang tatahakin hang-gang sa Siya ay maakay nila na gaya ng isang kordero patungo sa patayan. BB 208.3
Ang mga pangungusap na ito ni Kristo ay sinalita alang-alang sa mga magsisisampalataya sa Kaniya. Alam Niyang ito'y muling uulit-ulitin. Palibhasa'y sinalita ito sa panahon ng Paskua, ito'y makararating sa pakinig ng libu-libo, at makaaabot hanggang sa lahat ng dako ng sanlibutan. Pagka nabuhay na Siyang muli sa mga patay, ay saka maliliwanagan ang kahulugan ng mga pangungusap na ito. Sa marami ay magiging sapat nang katibayan ito ng Kaniyang pagka-Diyos. BB 209.1
Dahil sa kalabuan ng pagkaunawa nilang ukol sa espiritu, ang mga alagad man ni Jesus ay malimit na hindi makaunawa ng Kaniyang mga turo. Nguni't ang marami sa mga turong ito ay naging malinaw sa mga sumunod na pangyayari. Nang Siya'y wala na sa kanila, ang Kaniyang mga salita ay nananatiling pampatibay sa kanilang mga puso. BB 209.2
Nang tukuyin ng Tagapagligtas ang templo sa Jerusalem, sa pagsasabing, “Gibain ninyo ang templong ito, at sa tatlong araw ay itatayo Kong muli,” ay ito'y may lalong malalim na kahulugan kaysa naunawa ng mga nakarinig. Si Kristo ang kinasasaligan at buhay ng templo. Ang paglilingkod dito ay larawan ng pagpapakasakit ng Anak ng Diyos. Ang gawain ng mga saserdote ay itinatag upang ilarawan ang likas at gawain ng pamamagitan ni Kristo. Ang buong panukala ng pagsambang may paghahandog o paghahain ay paunang-paglalarawan ng pagkamatay ng Tagapagligtas upang matubos ang sanlibutan. Hindi na magkakaroon ng bisa ang mga paghahandog na ito pagka sumapit na ang dakilang pangyayaring dinaliri nito sa buong panahon. BB 209.3
Dahil sa ang buong ayos ng mga paghahandog na ito ay sumasagisag sa paghahandog kay Kristo, kaya nga ito ay walang halaga kung hiwalay sa Kaniya. Nang si Kristo'y tuluyan nang tanggihan ng mga Hudyo sa pama-magitan ng pagpapatay sa Kaniya, ay tinanggihan na rin nila ang lahat na nagbibigay kabuluhan sa templo at sa mga paglilingkod na doo'y ginagawa. Nawala na ang kabanalan nito. Ito'y nakalaan na sa kagibaan. Buhat nang araw na yaon ay naging wala nang kahulugan ang lahat ng mga paghahain at ang paglilingkod na kaugnay ng mga ito. Gaya ng handog ni Cain, ang mga ito ay hindi nagpakilala ng pananampalataya sa Taga-pagligtas. Sa pagpatay nila kay Kristo, ay para na rin nilang iginiba ang kanilang templo. Nang si Kristo'y mabayubay sa krus, ang tabing sa loob ng templo ay nahapak sa gitna buhat sa itaas na pababa, na nagpapakilalang ang dakila at katapusang handog ay naialay na, at ang buong palatuntunan ng mga paghahandog ay nawakasan na magpakailanman. BB 210.1
“Sa tatlong araw ay itatayo Kong muli.” Nang mamatay ang Tagapagligtas ay waring nanalo ang mga kapangyarihan ng kadiliman, at sila'y nagkatuwaan sa kanilang pagtatagumpay. Datapwa't mula sa libingan ni Jose, ay lumabas si Jesus na isang mananagumpay. “Pagkasamsam sa mga pamunuan at mga kapangyarihan, sila'y mga inilagay Niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay Siya sa kanila sa bagay na ito.” Colosas 2:15. Sa pamamagitan ng Kaniyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, Siya ang naging Ministro sa “tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.” Hebreo 8:2. Mga tao ang nagtayo ng tabernakulo ng mga Hudyo; mga tao rin ang nagtayo ng templo ng mga Hudyo; subali't ang santuwaryong nasa itaas, na ang nasa lupa ay isang larawan, ay hindi itinayo ng arkitekto. “Narito ang Lalaki na ang pangala'y Sanga; ... at itatayo niya ang templo ng Panginoon; at Siya'y magtataglay ng kaluwalhatian, at mauupo at magpupuno sa Kaniyang luklukan; at Siya'y magiging saserdote sa Kaniyang luklukan.” Zacarias 6:12, 13. BB 210.2
Lumipas na ang mga paghahandog na ang itinuturo ay si Kristo; nguni't napabaling naman ang mga mata ng mga tao sa tunay na haing para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ang palatuntunang ukol sa mga saserdote sa lupa ay natigil na; subali't tayo'y tumitingin kay Jesus, na ministro ng bagong tipan, at “dugong pangwisik, na nagsasalita ng lalong mabuti kay sa dugo ni Abel.” “Na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang nakatayo pa ang unang tabernakulo: ... Nguni't pagdating ni Kristo na Dakilang Saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pama-magitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, ... sa pamamagitan ng Kaniyang sariling dugo ay pumasok na minsan magpakailanman sa dakong walang-hanggang katubusan.” Hebreo 12:24; 9:8-12. BB 211.1
“Dahil dito naman Siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa'y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.” Hebreo 7:25. Bagama't ang paglilingkod ay inalis sa templo sa lupa at inilipat sa templo sa langit; bagama't ang santuwaryo at ang Dakilang Saserdote natin ay hindi makikita ng mata ng tao, gayunman ay wala ring mawawala sa mga alagad. Hindi masisira ang kanilang pakikipag-unawaan, at ni hindi mababawasan ang kanilang kapangyarihan nang dahil sa hindi nila kasama ang Tagapagligtas. Habang si Jesus ay naglilingkod sa santuwaryo sa itaas, ay Siya pa rin ang nangangasiwa sa Kaniyang iglesya sa lupa sa pamama-gitan ng Kaniyang Espiritu. Siya'y nahiwalay sa mata ng tao, nguni't ang pangako Niya nang Siya'y umalis ay natupad, “Narito, Ako'y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Mateo 28:20. Bagama't mga abang ministro ang pinagkakatiwalaan Niya ng Kaniyang kapangyarihan, ang Kaniya namang nagpapalakas na pakikiharap ay nasa Kaniya pa ring iglesya. BB 211.2
“Yaman ngang tayo'y mayroong isang lubhang Dakilang Saserdote, ... si Jesus, na Anak ng Diyos, ay ingatan nating matibay ang ating pagkakilala. Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maa-aring mahabag sa ating kahinaan; kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraang gaya rin naman natin, gayon ma'y walang kasalanan. Magsilapit nga tayong may pag-kakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo'y magsipagtamo ng awa, at mangakasumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.” Hebreo 4:14-16. BB 212.1