Bukal Ng Buhay

16/89

Kabanata 15—Sa Piging sa Kasalan

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 2:1-11.

Hindi pinasimulan ni Jesus ang Kaniyang ministeryo sa pamamagitan ng ilang dakilang gawa sa harap ng Sanedrin sa Jerusalem. Sa isang pagsasalu-salo ng mga magkakamag-anak sa isang maliit na nayon ng Galilea ay doon ginamit ang Kaniyang kapangyarihan upang makaragdag sa katuwaan ng isang kasalan. Sa gayong paraan ipinakita Niya ang Kaniyang pakikisama sa mga tao, at ang hangad Niyang maglingkod sa kanilang ikaliligaya. Sa pagtukso sa Kaniya sa ilang ay nilagok Niya ang saro ng kadalamhatian. Siya'y lumabas upang iabot sa mga tao ang saro ng pagpapala, sa pamamagitan ng Kaniyang basbas upang pabanalin ang pagsasama ng mga tao. BB 179.1

Pagkagaling ni Jesus sa Jordan, ay bumalik Siya sa Galilea. Magkakaroon noon ng kasalan sa Cana, isang maliit na nayong hindi kalayuan sa Nazareth; ang mga ikakasal ay mga kamag-anak ni Jose at ni Maria; at nang mabalitaan ni Jesus ang pagsasalu-salong ito, ay nagpunta Siya sa Cana, at sila ng mga alagad Niya ay inanyayahan sa piging. BB 179.2

Nakita Niya uli ang Kaniyang ina, na malaon na ring naiwan Niya. Nabalitaan na ni Maria ang kahanga-hangang nakita sa Jordan, noong Siya'y binyagan. Umabot ang balita hanggang sa Nazareth, at nanariwa sa alaala nito ang mga pangyayaring napakalaon nang iningatan nito sa puso. Ang buong Israel at lalo na si Maria ay ginimbal ng mga pangangaral ni Juan Bautista. Buhay na buhay pa sa kaniyang alaala ang hulang sinabi nang ito ay ipanganak. Ang pagkakaugnay nito ngayon kay Jesus ay muling bumuhay sa kaniyang pag-asa. Datapwa't nabalitaan din niya (ni Maria) ang mahiwagang pagpunta ni Jesus sa ilang, at ito ang nagbigay sa kaniya ng sari-saring mga alalahanin. BB 179.3

Buhat nang araw na marinig ni Maria ang ipinahayag ng anghel sa kaniyang tahanan sa Nazareth, ay iningatingatan na niya ang bawa't katunayan na si Jesus ay siya na ngang Mesiyas. Ang timtiman at mapagbigay na ugali Nito ay nagbigay-katiyakan sa kaniya na Ito na nga ang Sugo ng Diyos. Subali't sumakaniya rin nga ang mga pag-aalinlangan at mga pagkabigo, kaya pinanabikan niya ang pagdating ng panahong ang kaluwalhatian Nito ay mahahayag. Inulila na siya si Jose, na gaya niya'y naka-alam din ng mahiwagang pagkapanganak kay Jesus. Nga-yon ay wala siyang mapagtapatan ng kaniyang mga pagasa at mga alalahanin. Ang nakaraang dalawang buwan ay totoong napakalungkot. Siya'y napahiwalay kay Jesus, na tangi niyang kaaliwan; binulay-bulay niya ang mga salita ni Simeon na, “Isang tabak ang maglalagos sa iyong kaluluwa” (Lukas 2:35); at nagunita niya ang tatlong araw ng kadalamhatian nang si Jesus ay mawala at ang akala niya'y hindi na niya Ito makikita kailanman; at balisa ang pusong hinintay niya ang pagbabalik Nito. BB 180.1

Dito sa piging ng kasalan ay nakita niya uli si Jesus, ang dati ring magiliw at masunuring Anak. Nguni't may ipinagbago na Siya. Nagbago na ang Kaniyang mukha. May mga bakas na iyon ng pakikipagtunggali Niya doon sa ilang, at isang bagong anyo ang dangal at kapangyarihan ang naghahayag ng Kaniyang layunin o misyong makalangit. May kasama Siyang mga kabataan, na buong galang na sinusundan Siya ng tingin, at sa Kaniya'y tumatawag ng Guro. Ang mga kasamang ito ay siyang nagulat kay Maria ng lahat nilang nakita at narinig sa pagbibinyag at sa iba pang dako. Sa katapusan ng kanilang pagbabalita ay idinugtong nila ang wikang, “Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta.” Juan 1:45. BB 180.2

Nang magkaipun-ipon na ang mga panauhin, ang marami ay waring may mahalagang-mahalagang pinag-uusapan. Isang pigil na paghahayag ng damdamin ang naghahari sa lahat. Sabik nguni't marahang nagsisipag-usap ang mga tao nang pulu-pulutong, at paminsan-minsa'y pinupukol nila ng tinging nagtataka o namamangha ang Anak ni Maria. Si Maria naman ay natuwa nang marinig niya ang mga ibinalita ng mga alagad tungkol kay Jesus, at inasahan niyang hindi rin mabibigo ang malaon na niyang hinihintay. Palibhasa'y ina, di-sasalang sa kaniyang puso ay nagkakahalo ang pagmamalaki at ang banal na katuwaan. Nang matanaw niya ang maraming nagpupukol ng sulyap kay Jesus, ay minithi niyang sana'y patunayan ni Jesus sa karamihang naroroon na Siya nga ang Pina-rarangalan ng Diyos. Sabik na sabik siyang umasa na magkaroon sana ng pagkakataong si Jesus ay gumawa ng isang kababalaghan sa harap nila. BB 181.1

Kaugalian noon na ang mga piging ng kasalan ay tumatagal o nagpapatuloy nang mga ilang araw. Sa pagkakataong ito, na magwawakas na ang kasayahan ay nasumpungang ubos na ang alak. Lumikha ito ng kagulumihanan at pagsisisihan. Hinding-hindi karaniwang dimaghain ng alak sa mga gayong kasayahan, at pagka nawala ang alak ay wari manding iyon ay nagpapahiwatig ng kawalan ng diwang mapagpatuloy sa mga nagpiging. Palibhasa'y kamag-anak si Maria ng mga ikinasal, kaya nagmalasakit siyang tumulong sa mga paghahanda, at ngayo'y lumapit siya kay Jesus, na nagsasabi, “Wala silang alak.” Ang pangungusap na ito ay isang mungkahi kay Jesus na kung maaari'y bigyan Niya sila ng alak na kanilang kailangan. Nguni't sumagot si Jesus, “Babae, anong pakialam Ko sa iyo? Hindi pa dumarating ang oras Ko.” BB 181.2

Ang sagot na ito, bagama't sa pandinig ay waring pabigla at magaspang, ay hindi naman naghahayag ng pagwawalang-galang o ng malamig na pakikitungo sa magulang. Ang paraan ng pagkasagot ng Tagapagligtas sa Kaniyang ina ay naalinsunod sa kaugalian ng mga taga-Silangan. Ito ang talagang ginagamit pagka ang kinaka-usap ay taong iginagalang. Lahat ng gawa ni Kristo no-ong Siya'y nasa lupa ay pawang kaayon ng kautusang Siya na rin ang nagbigay, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” Exodo 20:12. Sa pagkakabayubay sa krus, sa kahuli-hulihan Niyang pagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa Kaniyang ina, ay muli Niya siyang kinausap sa ganyan ding paraan, nang ipagkatiwala Niya siya sa mairuging pagkakandili ng pinakamamahal Niyang alagad. Kaya sa kasalan at sa krus, ang Kaniyang pagma-mahal na binigkas ng mga labi at inihayag ng tingin at anyo, ay sapat-sapat na nagpaliwanag ng Kaniyang mga salita. BB 182.1

Sa pagdalaw ni Kristo sa templo noong Siya'y bata pa, nang mabuksan na sa harap Niya ang mahiwaga Niyang gawain, ay sinabi Niya kay Maria, “Hindi baga talastas ninyo na dapat Akong maglumagak sa gawain ng Aking Ama?” Lukas 2:49. Ang pangungusap na ito ay siyang pambungad na pahayag ng Kaniyang buong buhay at paglilingkod. Lahat ng bagay ay ipinailalim Niya sa Kaniyang gawain, ang dakilang gawain ng pagtubos na siya Niyang ipinarito sa sanlibutan. Ngayo'y inulit Niya ang aral. May panganib na ituring ni Maria na ang kaniyang pagka-ina ay nagbibigay sa kaniya ng tanging pagaangkin kay Jesus, at ng karapatan na pag-utusan niya Siya sa Kaniyang gawain. Sa loob ng tatlumpung taon, si Jesus ay naging isang mairugin at masunuring Anak, at ang pag-ibig Niya ay hindi naman nagbago; nguni't ngayo'y kailangan nang asikasuhin Niya ang gawain ng Kaniyang Ama. Sapagka't Anak Siya ng Kataas-taasan, at Tagapagligtas pa ng sanlibutan, ay hindi dapat na Siya'y mapigilan o mahadlangan sa Kaniyang misyon o layunin ng kahit na anong mga ugnayan sa lupa. Dapat Siyang tumindig na malaya sa pagganap ng kalooban ng Diyos. Aral din naman ito sa atin. Ang mga inaangkin o hinihingi ng Diyos ay siyang dapat unahin kaysa pagkakamaganak. Ang anumang bagay na makalupa ay hindi marapat na magpahiwalay sa atin sa landas na Kaniyang pinalalakaran. BB 182.2

Ang kaisa-isang pag-asa na matubos ang ating lahing nagkasala ay na kay Kristo; at si Maria man ay sa pamamagitan lamang ng Kordero ng Diyos makakasumpong ng kaligtasan. Wala siyang angking kagalingan sa ganang kaniyang sarili. Ang kaniyang pagka-ina ay hindi nagbibigay sa kaniya ng kaugnayan kay Jesus na tangi at iba kaysa lahat ng ma tao. Ito ang ipinakikilala ng mga salita ng Tagapagligtas. Nililinaw Niya ang pagkakaiba ng Kaniyang pagiging Anak ng tao at ng Kaniyang pagiging Anak ng Diyos. Ang taling pagkamagulang ay hindi naglalagay kay Maria sa isang kalagayang kapantay niya si Jesus. BB 183.1

Ang mga salitang, “Hindi pa dumarating ang oras Ko,” ay nakaturo sa katotohanang ang bawa't kilos ng buhay ni Kristo sa lupa ay katuparan ng panukalang inilagay na noon pa mang mga panahong walang-pasimula. Hindi pa man Siya nananaog sa lupa, ay nalalagay na sa harap Niya ang panukalang iyon, na hustong-husto sa lahat ng kaliit-Iiitang bahagi. Nguni't nang Siya'y mamuhay na sa gitna ng mga tao, ay inakay Siya, hakbang-hakbang, ng kalooban ng Ama. Hindi Siya nagkulang gumawa nang sumapit ang takdang kapanahunan. May gayunding pagpapasakop na Siya'y naghintay hanggang sa sumapit ang takdang panahon. BB 183.2

Nang sabihin ni Jesus kay Maria na hindi pa duma- rating ang Kaniyang oras, ay sinasagot Niya ang isipang namamahay sa kalooban ni Maria—walang iba kundi ang pag-asang inaasam-asam niya at ng bansang Hudyo. Inasahan niyang ipakikilala ni Jesus na Siya nga ang Mesiyas, at Siya ang uupo sa trono ng Israel. Nguni't hindi pa iyon ang panahon. Ang tinanggap ni Jesus ay hindi ang pagiging Hari ng Israel, kundi ang pagiging “isang Tao sa Kapanglawan, at bihasa sa kadalamhatian.” Nguni't kahit na walang tiyak na pagkaalam si Maria sa Misyon ni Kristo, lubos na lubos naman ang tiwala niya sa Kaniya. Ang pagtitiwalang ito ang tinugon ni Jesus. At upang parangalan ang pagtitiwala ni Maria, at palakasin din ang pananampalataya ng mga alagad Niya, ay ginawa Niya ang unang kababalaghan. Makakasagupa ng mga alagad ang marami at mahihigpit na tukso na sisira sa pananampalataya nila. Sa ganang kanila ay talagang maliwanag ang mga hula na si Jesus nga ang siyang Mesiyas. At inasahan nila na ang mga namumuno sa relihiyon ay tatanggap din sa Kaniya nang may pagtitiwala na higit pa sa pagtanggap nila. Ipinahayag nila sa mga tao ang mga kahanga-hangang gawa ni Kristo at pati ang sarili nilang pagtitiwala sa Kaniyang misyon, nguni't sila'y nanggilalas at lubos na nabigo sa di-paniniwala, sa maling pagkakilala, at sa pagkagalit kay Jesus, na ipinakita ng mga saserdote at ng mga rabi. Ang mga kababalaghang unang ginawa ng Tagapagligtas ay siyang nagpalakas sa loob ng mga alagad upang masagupa ang ganitong hadlang. BB 183.3

Hindi nasiraan ng loob si Maria sa mga salita ni Jesus, kaya sa mga naglilingkod sa hapag ay sinabi niya, “Anuman ang sabihin Niya sa inyo, ay gawin ninyo.” Sa ganyang paraan ginawa niya ang kaniyang magagawa upang maihanda ang daan para sa gawain ni Kristo. BB 184.1

Nakahanay sa tabi ng pintuan ang anim na malalaking tapayan, at inatasan ni Jesus ang mga utusan na punuin ng tubig ang mga ito. Ginawa iyon. Ngayon nang kaila- nganin na ang alak, ay nagsabi Siya, “Maglabas na kayo ngayon, at dalhin ninyo sa namamahala ng piging.” Sa halip na tubig na siyang isinilid sa mga tapayan, ay alak ngayon ang lumabas. Walang kamalay-malay ang nama-mahala ng piging ni ang mga panauhin man na naubos na ang dating alak. At nang matikman ng namamahala ang dinala ng mga utusan, ay nasumpungan niyang higit na mahusay ito kaysa una niyang ininom, at ibang-iba kaysa inihain sa pasimula. Kaya nilapitan niya ang lalaking ikinasal, at kaniyang sinabi, “Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangaka-inom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: nguni't ikaw ay itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon.” BB 184.2

Kung paanong unang inihahain ng mga tao ang pina-kamabuting alak, at pagkatapos ay saka isinusunod ang pinakamasama, ganyan ang ginagawang pagbibigay ng sanlibutan. Ang kaniyang inialok ay maaaring nakalulugod sa mata at nakaaakit sa diwa, nguni't walang kasiyahang idinudulot. Ang alak ay pumapait, at ang katuwaan ay nagiging kalungkutan. Ang pinasimulan sa pamamagitan ng mga awitan at mga pagkakatuwaan ay nagwawakas sa pagkapagod at pagsasawa. Subali't ang mga kaloob o mga ibinibigay ni Jesus ay laging sariwa at bago. Ang piging na Kaniyang inihahanda sa kaluluwa ay laging nagdudulot ng kasiyahan at kagalakan. Ang bawa't bagong kaloob ay lalong nagbibigay ng kakayahan sa tumatanggap na pahalagahan at tamasahin ang mga pagpapala ng Panginoon. Siya ay nagbibigay ng biyaya sa biyaya. Hindi malalagot ang pagbibigay. Kung masagana ang kaloob na tinatanggap mo ngayon ay katunayan iyan na lalong masagana ang tatanggapin mo bukas, kung mananatili ka sa Kaniya. Ang mga sinalita ni Jesus kay Nathanael ay nagpapahayag ng batas ng pakikitungo ng Diyos sa mga anak ng pananampalataya. Sa bawa't bagong pagpapahayag ng Kaniyang pag-ibig, ay sinasabi Niya sa tumatanggap na puso, “Sumasampalataya ka ba? Makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kaysa rito.” Juan 1:50. BB 186.1

Ang kaloob ni Kristo sa piging ng kasalan ay isang sagisag. Ang tubig ay kumakatawan sa pagbibinyag sa Kaniya sa kamatayan; ang alak ay kumakatawan naman sa pagbubuhos ng Kaniyang dugo patungkol sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ang tubig na ibinuhos sa mga tapayan ay dinala ng mga kamay ng mga tao, subali't salita lamang ni Kristo ang makapagbibigay dito ng buhay. Ganyan din naman ang seremonyang nakaturo sa pagkamatay ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ni Kristo, na nilalakipan ng pananampalataya, nagkaroon ang mga ito ng bisa na mapalusog ang kaluluwa. BB 187.1

Ang salita ni Kristo ang nagbigay ng saganang alak sa piging. Napakasagana ang inilalaan Niyang biyaya na makapapawi ng mga kalikuan ng mga tao, at makababago at makabubuhay sa kaluluwa. BB 187.2

Sa unang piging o handang dinaluhan ni Jesus na kasama ang Kaniyang mga alagad, ay ibinigay Niya sa kanila ang kopa o sarong sumasagisag sa Kaniyang gawain ng pagliligtas sa kanila. Sa Huling Hapunan ay ibinigay Niya ito uli, nang itatag Niya ang banal na seremonyang nagpapakilala ng Kaniyang pagkamatay “hanggang sa dumating Siya.” 1 Corinto 11:26. At ang kalungkutan ng mga alagad dahil sa pag-alis ng kanilang Panginoon ay inaliw ng pangakong sila'y muling magkakasama-sama, nang sabihin Niyang, “Buhat ngayon ay hindi na Ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin Kong panibago na mga kasalo Ko kayo sa kaharian ng Aking Ama.” Mateo 26:29. BB 187.3

Ang alak na ibinigay ni Kristo sa piging, at ang alak na ibinigay Niya sa Kaniyang mga alagad na sagisag ng Kaniyang dugo, ay tunay na katas ng ubas. Ito ang tinutukoy ng propeta Isaias nang sabihin niya ang tungkol sa bagong alak “na nasa kumpol,” at saka Niya idinugtong ang wikang, “Huwag mong sirain; sapagka't iyan ay mapapakinabangan.” Isaias 65:8. BB 187.4

Si Kristo ang nagbabala sa Israel sa Matandang Tipan na, “Ang alak ay manunuya, ang matapang na alak ay manggugulo, at sinumang napaliligaw sa kaniya ay hindi pantas.” Kawikaan 20:1. At Siya na rin ay hindi naghanda ng ganyang inumin. Si Satanas ang tumutukso sa mga tao na uminom niyaong nakapagpapalabo ng isip at nakapagpapamanhid ng espirituwal na pakiramdam, nguni't si Kristo naman ang nagtuturo na ating pasukin ang mababa o hamak na likas ng laman. Ang buhay Niya ay isang halimbawa ng pagtanggi sa sarili. Upang mawasak Niya ang kapangyarihan ng masamang hilig ng panlasa, Siya'y nagbata ng pinakamahigpit na pagsubok na maaaring dumating sa buhay ng tao. Si Kristo ang nagbilin kay Juan Bautista na huwag uminom ng alak o ng anumang matapang na inumin. Siya ang nagbawal sa asawa ni Manoah na huwag uminom ng ganyang mga inumin. At naggawad Siya ng sumpa sa sinumang taong nagpapainom ng alak sa kaniyang kapwa. Hindi nga sinalungat ni Kristo ang sarili Niyang aral. Ang di-permentadong katas ng ubas na ibinigay Niya sa mga panauhin sa kasalan ay masarap at malamig na inumin. Iyon ang bumago sa panlasa upang mabalik sa wastong panlasa. BB 188.1

Nang purihin ng mga panauhin ang mahusay na uri ng alak, ay may mga nag-usisa na siyang naging dahilan ng pagpapaliwanag ng mga utusan kung paano nangyari ang kababalaghan. Sandaling namangha ang karamihan sa pag-iisip tungkol sa gumawa ng kahanga-hangang kababalaghan. At nang makalipas ang ilang sandali na hanapin nila Siya, natuklasan nilang Siya pala'y matahimik nang nakaalis na hindi man namalayan ng Kaniyang mga alagad. BB 188.2

Ang pansin ng karamihan ay napabaling ngayon sa mga alagad. Ito ang kauna-unahang pagkakataong sumakanila na inamin ang kanilang pananampalataya kay Jesus. Kanilang ibinalita ang kanilang nakita at narinig sa Jordan, at nabuhay sa puso ng marami ang pag-asa na ang Diyos ay nagbangon ng isang Tagapagligtas sa Kaniyang bayan. Nabalita ang kababalaghan sa buong purok na yaon, at umabot hanggang sa Jerusalem. Pamuling sinaliksik ng mga saserdote at ng matatanda ang mga hulang dumadaliri sa pagdating ng Mesiyas. Pinag-aralan nilang masikap ang misyon ng bagong gurong ito, na tahimik na lumitaw sa gitna ng bayan. BB 188.3

Ang ministeryo ni Kristo ay ibang-iba sa ministeryo ng matatandang Hudyo. Ang pagpapahalaga nila sa sali't saling sabi at seremonya ay siyang pumatay sa lahat nilang tunay na kalayaang umisip at gumawa. Namuhay sila na laging akibat ng pag-aalaalang baka sila marum-han o madungisan. Upang sila'y mapalayo sa “marurumi,” sila'y bumubukod o humihiwalay, hindi lamang sa mga Hentil o sa mga taga-ibang bansa, kundi pati sa sarili nilang mga kababayan, na ni hindi man nila tinutulungan ni kinakaibigan man. Dahil sa patuloy na pagtutuon ng pansin sa mga bagay na ito, pinahina nila ang kanilang pag-iisip at pinakitid ang ginagalawan ng kanilang buhay. Ang halimbawa ng kanilang pamumuhay ay umakay sa lahat ng tao na maging hambog at mabalasik. BB 189.1

Pinasimulan ni Jesus na baguhin ang ganitong kala-gayan sa pamamagitan ng matalik na pakikipagkaibigan sa mga tao. Bagaman napakalaki ang Kaniyang pamimi-tagan sa mga utos ng Diyos, sinaway naman Niya ang pagbabanal-banalan ng mga Pariseo, at sinikap Niyang kalagin ang pagkakatali ng mga tao sa mga tuntunin at mga patakarang walang-kabuluhan. Kaniyang iginiba ang mga pader na naghihiwalay sa iba-ibang uri ng mga tao, upang mapaglapit-lapit Niya sila na tulad sa mga anak ng isang pamilya. At ang pagkakadalo Niya sa piging ng kasalan ay may layong siyang maging kauna-unahang hakbang sa pagsasakatuparan nito. BB 189.2

Tinagubilinan ng Diyos si Juan Bautista na tumira sa ilang, upang siya'y maipagsanggalang sa impluwensiya ng mga saserdote at mga rabi, at maihanda sa isang tanging misyon o gawain. Nguni't ang katipiran at pamumuhay niya nang nag-iisa ay hindi halimbawang pamamarisan ng mga tao. Si Juan na rin ay hindi nagsabi sa mga nakikinig sa kaniya na iwan nila ang kanilang mga hanapbuhay. Kundi inatasan niya sila na patunayan ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng pagtatapat sa Diyos sa dakong doon sila tinawagan Nito. BB 190.1

Sinaway ni Jesus ang lahat ng anyo ng pagmamalabis, gayunma'y likas Niya ang mabuting pakikisama sa kapwa. Tinanggap Niya ang pagpapatuloy at pagmamagandang-loob ng lahat ng uri ng mga tao, na dinadalaw ang mga tahanan ng mayayaman at ng mga maralita, ang mga nag-aral at ang mga di-nag-aral, at sinikap Niyang alisin sa isip ng mga tao ang mga karaniwang bagay-bagay ng buhay at itaas sa mga bagay na ukol sa Diyos at sa walang hanggan. Hindi Niya tinulutan ang pagwawaldas, ni anino man ng karangyaang makasanlibutan ay hindi nakadungis sa Kaniyang marangal na ugali; gayunma'y nakasumpong Siya ng kaluguran sa mga panoorin ng malinis at marangal na kasayahan, at sa pamamagitan ng Kaniyang pagdalo ay sinang-ayunan Niya ang pagtitipong panlipunan. Ang kasalan ng mga Hudyo ay isang tampok na pangyayari, at ang pagsasaya dito ay hindi minasama ng Anak ng tao. Ang pagdalo ni Jesus sa piging na ito, ay nagbigay dangal sa pag-aasawa bilang isang samahang itinatag ng Diyos. BB 190.2

Sa Matandang Tipan at sa Bagong Tipan, ang pagsa-sama ng mag-asawa ay ginagamit na isang halimbawa ng magiliw at banal na pagsasamang naghahari kay Kristo at sa Kaniyang bayan. Sa isip ni Kristo ang mga pagsa-saya sa piging ng kasalan ay nakaturo sa dumarating na masayang araw pagka ipagsasama na Niya ang Kaniyang kasintahan sa bahay ng Kaniyang Ama, at ang Manunubos at ang mga tinubos ay uupong magkakasalo sa hapunan ng kasalan ng Kordero. Sinasabi Niya, “Kung paanong ang kasintahang-Ialaki ay nagagalak sa kasintahang-babae, gayon magagalak ang Diyos sa iyo.” “Hindi ka na tatawagin pang Pinabayaan; ... kundi ikaw ay tatawaging Aking Kaluguran; ... sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo.” “Siya'y magagalak dahil sa iyo na may kagalakan; Siya'y magpapahinga sa Kaniyang pag-ibig, Siya'y magagalak sa iyo na may pag-awit.” Isaias 62:5, 4; Zefanias 3:17. Nang ipatanaw ng Diyos sa apostol na si Juan sa pangitain ang mga bagay sa langit, ay ganito ang isinulat niya: “At narinig ko ang gaya ng isang tinig ng isang makapal na karamihan, at gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng mala-lakas na kulog na nagsasabi, Aleluya: sapagka't naghahari ang Panginoong ating Diyos na makapangyarihan sa lahat. Tayo'y mangagalak at tayo'y mangagsayang mainam, at Siya'y ating luwalhatiin: sapagka't dumating ang pagkakasal sa Kordero, at ang Kaniyang asawa ay nahahanda na.” “Mapapalad ang mga inanyayahan sa paghapon sa kasalan ng Kordero.” Apocalipsis 19:6, 7, 9. BB 190.3

Bawa't tao ay itinuring ni Jesus na isang dapat anyayahang pumasok sa Kaniyang kaharian. Napaamo Niya ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng pakikisama sa kanila bilang isa na ang hangarin ay ang sila'y mapabuti. Hinanap Niya sila sa mga lansangang daan, sa bahay-bahay, sa mga daong, sa mga sinagoga, sa mga tabi ng dagat, at sa piging ng kasalan. Pinaghanap Niya sila sa kanilang pang-araw-araw na hanap-buhay, at ipinakilala Niyang Siya'y nagmamalasakit sa kanilang mga kabuhayan. Dinala Niya sa mga tahanan ang Kaniyang pagtu-turo, at tinipon Niya ang mga mag-a-mag-anak sa sariling mga tahanan nila sa impluwensiya ng Kaniyang banal na pakikiharap. Ang Kaniyang nakapupukaw na pagtinging personal ay nakatulong upang mahikayat ang mga puso. Madalas Siyang umaakyat sa bundok upang manalanging nag-iisa, nguni't ito'y upang mahanda Siyang maglingkod sa mga tao. Pagkagaling Niya sa ganitong mga panana-langin ay lumalabas Siya upang magpagaling ng mga maysakit, upang magturo sa mga walang-nalalaman, at upang pawalan ang mga bihag ni Satanas. BB 191.1

Sinanay ni Jesus ang Kaniyang mga alagad sa personal na pakikipagtagpo at pakikisama sa mga tao. Kung minsan ay tinuturuan Niya sila, na nakikiumpok sa gitna nila sa tabi ng bundok; kung minsan ay sa tabi ng dagat, o kaya'y lumalakad na kasama nila sa daan, at inihahayag sa kanila ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos. Hindi Niya sila sinisermonang tulad ng ginagawa ng mga mangangaral ngayon. Saanman may mga taong handang tumanggap ng pabalita ng Diyos, ay inihahayag Niya doon ang mga katotohanan ng daan ng kaligtasan. Hindi Niya inutusan ang Kaniyang mga alagad na gawin ito o iyan, kundi ang sinabi Niya'y “Sumunod kayo sa Akin.” Sa mga paglalakad Niya sa mga bukid at sa mga bayan ay isinama Niya sila, upang mangakita nila ang paraan ng pagtuturo Niya sa mga tao. Ikinawing Niya ang interes nila sa Kaniya, at sila naman ay nakiisa sa Kaniya sa gawain. BB 192.1

Ang halimbawa ni Kristo sa pag-uugnay ng sarili Niya sa mga interes ng sangkatauhan ay dapat sundin ng lahat na nangangaral ng Kaniyang salita, at ng lahat ng nagsitanggap ng ebanghelyo ng Kaniyang biyaya. Hindi natin dapat talikdan ang pakikisama sa lipunan. Hindi natin dapat ihiwalay o ibukod ang ating mga sarili sa iba. Upang malapitan natin ang lahat ng uri ng tao, ay dapat natin silang lapitan kung saan sila naroroon. Bibihirang sila ang kusang lalapit sa atin. Hindi lamang sa sermong buhat sa pulpito naaantig ng katotohanan ng Diyos ang puso ng mga tao. May isa pang dako ng paglilingkod, na bagama't sa tingin ay higit na mababa, ay lubos ding nangangako ng bunga. Ito ay natatagpuan sa tahanan ng mga aba, at sa malapalasyong tahanan ng mga dakila; sa hapag kainang buong pusong ipinag-anyaya, at sa mga pagtitipong ukol sa malinis na pagsasayang sosyal. BB 192.2

Bilang mga alagad ni Kristo ay hindi tayo makikisama sa sanlibutan nang dahil sa pag-ibig sa kalayawan, upang makiisa sa kanila sa walang kabuluhang pagsa-saya. Ang ganyang mga pagsasama-sama ay nauuwi la-mang sa masama. Huwag natin kailanmang papayagan ang kasalanan sa pamamagitan ng ating mga salita o ng ating mga gawa, ng ating pananahimik o ng ating pakikiharap. Saanman tayo pumaroon, ay ipagsasama natin si Jesus, at ipakikita natin sa mga iba ang kahalagahan ng ating Tagapagligtas. Datapwa't ang mga nagkukubli ng kanilang relihiyon sa loob ng mga pader na bato ay nawawalan ng mahahalagang pagkakataon sa naggawa ng mabuti. Sa pamamagitan ng pakikisama sa lipunan, ay nakakatagpo ng Kristiyanismo ang sanlibutan. Ang bawa't nakatanggap ng banal na liwanag ay dapat namang tumanglaw sa dinaraanan ng mga hindi pa nakakakilala sa Ilaw ng buhay. BB 193.1

Tayong lahat ay dapat maging mga saksi ni Jesus. Ang kapangyarihang panlipunan, na pinabanal ng biyaya ni Kristo, ay dapat gamitin sa paglalapit ng mga kaluluwa sa Tagapagligtas. Ipakita natin sa sanlibutan na tayo'y hindi mga makasarili na ang inaasikaso ay ang sarili lamang nating mga kapakanan, kundi hangad din naman nating makasalo ang mga iba sa mga pagpapala at mga karapatang ibinibigay sa atin ng Diyos. Ipakita natin sa kanila na ang relihiyon natin ay hindi tayo ginagawang mga di-madamayin o mapaghanap. Kaya nga lahat ng nagpapanggap na nasumpungan nila si Kristo, ay mangaglingkod namang gaya ng ginawa Niya upang ikabuti ng mga tao. BB 193.2

Kailanma'y huwag nating bigyan ang sanlibutan ng maling pagkakilala na ang mga Kristiyano ay mga taong malulungkutin, na di-maligaya. Kung nakatitig kay Jesus ang mga mata natin, ay makikita natin ang isang ma- awaing Manunubos, at sisilay sa atin ang liwanag na nagbubuhat sa Kaniyang mukha. Saanman naghahari ang Kaniyang Espiritu, ay namamahay doon ang kapayapaan. At magkakaroon din naman ng kaligayahan, sapagka't may tahimik at banal na pagtitiwala sa Diyos. BB 193.3

Nasisiyahan si Kristo sa mga sumusunod sa Kaniya pagka ipinakikita nila na, bagaman sila'y tao, ay sila'y nakakabahagi ng banal na likas. Hindi sila mga estatuwa, kundi mga buhay na lalaki at babae. Ang mga puso nila, na dinididilig ng mga hamog ng biyaya ng Diyos, ay bumubuka at lumalaki sa harap ng Araw ng Katwiran. Ang ilaw na lumiliwanag sa kanila ay pinasisilang din naman nila sa mga iba sa pamamagitan ng mga gawang nagniningning sa pag-ibig ni Kristo. BB 194.1