Bukal Ng Buhay

3/89

Kabanata 2—Ang Bayang Hinirang

Mahigit na sanlibong taong hinintay-hintay ng mga Hudyo ang pagdating ng Tagapagligtas. Sa pagdating na ito isinalig nila ang maririlag nilang pag-asa. Ang pangalan Niya ay sinambit-sambit nila sa mga awit at sa mga hula, sa mga rito sa templo at sa pananalanging pansambahayan. Datapwa't nang dumating Siya ay hindi nila Siya nakilala. Ang Pinakamamahal ng langit ay itinuring nilang “ugat sa tuyong lupa;” Siya'y “walang anyo o kagandahan man;” at wala silang nakita sa Kaniyang anumang kagandahang mananasa nila. “Siya'y naparito sa sariling kaniya, at Siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya.” Isaias 53:2; Juan 1:11. BB 23.1

Gayon pa ma'y pinili pa rin ng Diyos ang Israel. Tinawag Niya sila upang mapamalagi ang pagkakilala ng tao sa Kaniyang kautusan, at sa mga sagisag at mga hulang nakaturo sa Tagapagligtas. Ibig Niyang sila'y maging tulad sa mga balon ng kaligtasan sa sanlibutan. Kung ano si Abraham sa kaniyang pakikipamayan, kung ano si Jose sa Ehipto, kung ano si Daniel sa mga bahayhari ng Babilonya, magiging gayon ang mga Hebreo sa gitna ng mga bansa. Ipakikilala nila ang Diyos sa mga tao. BB 23.2

Nang tawagin si Abraham ay ganito ang sinabi ng Panginoon, “Pagpapalain kita; ... at ikaw ay magiging isang pagpapala: ... at sa iyo'y pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.” Genesis 12:2, 3. Ang turong ito ay inulit-ulit sa pamamagitan ng mga propeta. Kahit pagkaraang ang Israel ay malipol ng digma at mabihag, ay kanila pa rin ang pangakong, “Ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo, na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng mga tao.” Mikas 5:7. Tungkol naman sa templong nasa Jerusalem, ay nagsalita ang Panginoon kay Isaias, “Ang Aking bahay ay tatawaging bahay na dalanginan ng lahat ng mga tao.” Isaias 56:7, R.V. BB 24.1

Nguni't sa mga kadakilaang pansanlibutan inilagay ng mga Israelita ang kanilang mga pag-asa. Mula nang sila'y pumasok sa lupain ng Canaan, ay humiwalay na sila sa mga utos ng Diyos, at nagsisunod sila sa mga lakad ng mga bansang di-kumikilala sa tunay na Diyos. Walang narating ang mga pasabing ibinigay sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng Kaniyang mga propeta. Hindi rin nakabago sa kanila ang mga pahirap ng panlulupig ng mga bansang di-kumikilala sa tunay na Diyos. Bawa't repormasyon o pagbabago ay sinundan ng lalong malubhang pagtalikod. BB 24.2

Kung naging tapat lamang ang Israel, ay nasunod sana ng Diyos ang Kaniyang panukalang sila'y mabunyi at maging marangal. Kung sila'y nagsilakad lamang sa mga daan ng pagtalima, sana'y ginawa Niya silang “mataas kaysa lahat ng mga bansang Kaniyang nilikha, sa ikapupuri, at sa ikababantog, at sa ikararangal.” “Makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa,” wika ni Moises, “na ikaw ay tinawag sa pangalan ng Panginoon; at sila'y matatakot sa iyo.” “Ang mga bansang makakabalita ng mga utos na ito,” ay magsisipagsabing, “Tunay na ang dakilang bansang ito ay isang pantas at maalam na bayan.” Deuteronomio 26:19; 28:10; 4:6. Subali't dahil sa hindi nila pagtatapat, ay kinailangang paratingin sa kanila ang sunud-sunod na kahirapan at kahihiyan upang magawa ng Diyos ang panukala Niya sa kanila. BB 24.3

Sila'y nadalang bihag sa Babilonya, at ikinalat sa buong mga lupain ng mga bansang di-kumikilala sa Diyos. Sa kanilang mga pagdadalamhati ay marami ang nanatang magtatapat na sila sa tipan ng Diyos. Nang isabit nila ang kanilang mga alpa sa mga puno ng sause, at nang tangisan nila ang banal na templong nakahandusay na sira, ang liwanag ng katotohanan ay sumilang sa kanila, at ang pagkakilala sa Diyos ay lumaganap sa gitna ng mga bansa. Ang mga paghahandog ng mga pagano ay isang pagpapasama sa paraang ipinag-utos ng Diyos; at marami sa mga tapat na gumanap ng mga ritong ito ng mga pagano ay natuto sa mga Hebreo ng kahulugan ng paghahandog na iniutos ng Diyos, at sa pananampalataya'y napag-unawa nila ang tungkol sa ipinangakong Tagapagligtas. BB 25.1

Marami sa mga tapon ang dumanas ng pag-uusig. Hindi iilan ang kinitlan ng buhay dahil sa pagtangging lapastanganin ang Sabbath at ganapin ang mga kapistahang pagano. Nang ang mga mananamba sa diyus-diyosan ay magsikilos upang siilin ang katotohanan, ay iniharap ng Panginoon nang mukhaan ang Kaniyang mga lingkod sa mga hari at mga pangulo, upang ang mga ito at pati ng mga mamamayan nila ay makatanggap ng liwanag. Muli at muling napilitan ang mga pinakadakilang hari na itanyag ang kadakilaan ng Diyos na sinasamba ng mga bihag na Hebreo. BB 25.2

Ang pagkabihag na ito sa Babilonya ay naging mabisang gamot sa mga Israelita sa kanilang pagsamba sa mga larawang inanyuan. Sa nalolooban ng mga dantaong sumunod, patuloy silang dumanas ng panlulupig ng kanilang mga kaaway na pagano, hanggang sa natanim nang malalim sa kanilang kalooban na ang kanilang ikagiginhawa ay nasasalig sa kanilang pagtalima sa kautusan ng Diyos. Nguni't sa marami ang pagtalima ay hindi udyok ng pag-ibig. Kasakiman ang nag-udyok. Ipinakita nilang sila'y naglilingkod sa Diyos upang sa gayong paraa'y dumakila ang kanilang bansa. Hindi sila naging ilaw ng sanlibutan, kundi ikinubli nila ang kanilang mga sarili sa sanlibutan upang matakasan nila ang tuksong pagsamba sa diyus-diyosan. Sa tagubiling ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ay naglagda ang Diyos Jig mga pagbabawal sa pakikisama sa mga mananamba sa diyusdiyosan; nguni't ang turong ito'y binigyan nila ng maling kahulugan. Ito'y binalak na makapigil sana sa kanila sa pakikitulad o pakikiayon sa mga kaugalian at mga ginagawa ng mga bansang pagano. Subali't ito ay ginamit nila sa ikapagtatayo ng isang pader na naghihiwalay sa Israel at sa lahat ng ibang mga bansa. Itinuring ng mga Hudyo ang Jerusalem ay siya nilang pinakalangit, at tunay silang sumasama ang loob baka ang Panginoon ay magpakita ng kaawaan sa mga Hentil o sa ibang mga bansa. BB 25.3

Pagkapagpabalik mula sa Babilonya, ay malaking panahon ang ginugol sa pagtuturong ukol sa relihiyon. Sa buong lupain ay nagtayo ng mga sinagoga, at doo'y ipinaliwanag ng mga saserdote at mga eskriba ang kautusan. At nagtayo rin ng mga paaralang nagturo ng mga simulain ng katwiran, kasama ng mga karunungang ukol sa sining at agham. Nguni't ang mga sangay na ito ng karunungan ay sumama. sa panahon ng pagkakabihag, ang marami sa mga tao'y natuto ng mga aral at mga kaugaliang pagano, at ito'y ipinasok nila sa kanilang pagsamba sa diyus-diyosan. BB 26.1

Dahil sa paghiwalay ng mga Hudyo sa Diyos, ay marami ang nalimutan nila sa aral na itinuturo ng mga paghahandog. Ang paghahandog na iyon ay si Kristo na rin ang nagtatag. Bawa't bahagi niyon ay sumasagisag sa Kaniya; at iyon ay nalipos ng buhay at ng kagandahang espirituwal. Nguni't ang kabuhayang espirituwal na ito ay siyang nawala sa mga Hudyo sa kanilang mga seremonya, at sila'y nagkasiya sa mga patay na anyo ng mga paghahandog. Ang pinagtiwalaan nila ay ang mga handog at mga palatuntunan, at hindi Siya na siyang itinuturo ng inihahandog. Upang mayroon silang maihalili sa mga nawala sa kanila, ay dinagdagan nila ng mga utos at biling sarili nilang gawa; at kung kailan naman humihigpit ang mga utos at biling ito, ay lalo namang lumiit o nabawasan ang nakitang pag-ibig nila sa Diyos. Ang kanilang kabanalan ay sinusukat nila sa dami ng kanilang mga seremonya, samantalang sa kanilang mga puso'y nag-uumapaw ang kayabangan at pagpapaimbabaw. BB 26.2

Ang kautusan ay hinding-hindi masusunod kung isasama ang tala-talaksang maliliit na tagubiling ginawa ng mga rabi. Yaong mga naghahangad na maglingkod sa Diyos, at nagsikap pa na gumanap ng mga tagubiling ito ng mga rabi, ay nagsigawang may mabigat na pasan. Hindi sila pinatahimik ng kasusumbat ng kanilang bagabag na budhi. Sa ganitong paraan gumawa si Satanas upang pahinain ang loob ng mga tao, upang pasamain ang kanilang pagkakilala sa Diyos, at upang hamakin ang pananampalataya ng Israel. Inasahan niyang maitatatag niya't mapatutunayan ang ibinintang niya sa Diyos noong siya'y maghimagsik sa langit—na ang mga iniuutos ng Diyos ay wala sa matwid, at hindi maaaring talimahin. Ang Israel man, aniya, ay hindi tumalima sa kautusan. BB 27.1

Bagama't inasam ng mga Hudyo ang pagdating ng Mesiyas, ay wala silang tunay na pagkakilala sa Kaniyang layunin. Hindi nila hinanap ang maligtas sa kasalanan, kundi ang makawala sa pamamahala ng mga Romano. Hinintay nilang ang Mesiyas na darating ay isang mananagumpay, na dudurog sa kapangyarihan ng maniniil, at ibubunyi ang Israel bilang kahariang dinadakila sa sanlibutan. Ito ang naghanda ng daan upang itakwil nila ang Tagapagligtas. BB 27.2

Nang panahong isilang ang Kristo ay pinahihirapan ng mga pinunong dayuhan ang bansang Hudyo, at ang gulo ay nagbabanta sa magkabi-kabila. Ang mga Hudyo'y tinulutang magkaroon ng sariling pamahalaan; nguni't hayag din ang katotohanang sila'y nasa ilalim ng pamatok ng Roma, at ayaw nilang mapanghimasukan ang kanilang kapangyarihan. Hawak ng Roma ang karapatang maglagay at mag-alis ng dakilang saserdote, at malimit na ang tungkuling ito ay nakukuha sa daya, suhol, at pagpatay pa. Kaya sumama nang sumama ang katungkulang saserdote. Gayunma'y malaki pa rin ang kapangyarihan ng mga saserdote, at ang kapangyarihang ito ay ginamit nila sa makasarili at pagkakasalaping layunin. Ang bayan ay walang-awang pinasunod nila sa kanilang mga hinihingi, at pinatawan naman ng mga Romano ng mabigat na buwis. Ang ganitong kalagayan ay lumikha ng malaganap na kaligaligan. Malimit sumiklab ang gulo. Ang pananakim at pandadahas, kawalang-tiwala at kawalang-pag-aasikaso, ay siyang sumakal sa buhay ng bansa. BB 28.1

Pagkapoot sa mga Romano, at pag-ibig sa sariling lahi at relihiyon, ang umakay sa mga Hudyo na panghawakang mahigpit ang kanilang paraan ng pagsamba. Sinikap ng mga saserdoteng maingatan ang pagkakilala sa kanila na sila'y mga taong banal sa pamamagitan ng matapat na pag-aasikaso sa mga seremonya ng relihiyon. Ang bayang namamahay sa kadiliman at pagkasiil, at ang mga pinunong uhaw sa kapangyarihan, ay kapwa nanabik sa pagdating ng Isang lilipol sa kanilang mga kaaway at magsasauli ng kaharian sa Israel. Pinag-aralan nila ang mga hula, nguni't hindi kinasihan ng Espiritu ang kanilang mga pag-iisip. Dahil dito'y hindi nila nakita ang mga kasulatang nakaturo sa paghihirap at pagpapakababa ni Kristo sa una Niyang pagparito, kundi ang nakita nila ay yaong mga hulang ang sinasabi ay ang kaluwalhatian ng Kanyang ikalawang pagdating. Kapalaluan ang nagpadilim sa kanilang pg-iisip. Ipinaliwanag nila ang hula ng ayon sa makasarili nilang mga hangarin. BB 28.2