Bukal Ng Buhay

2/89

Kabanata 1—“Sumasaatin ang Diyos”

“Ang kaniyang pangalan ay tatawaging Emmanuel, ... sumasaatin ang Diyos.” “Ang liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos” ay nakikita “sa mukha ni Jesukristo.” Noon pa mang mga panahong walang-pasimula ay kasama-sama na ng Ama ang Panginoong Jesukristo; Siya ang “larawan ng Diyos,” ang larawan ng Kaniyang kadakilaan at kamahalan, “ang kinang ng Kaniyang kaluwalhatian,” Kaya Siya naparito sa ating sanlibutan ay upang ihayag ang kaluwalhatiang ito. Sa sanlibutang ito na pinadilim ng kasalanan ay naparito Siya upang ihayag ang liwanag ng pag-ibig ng Diyos—upang maging “sumasaatin ang Diyos.” Kaya nga ang hula tungkol sa Kanya, “Ang Kaniyang pangalan ay tatawaging Emmanuel.” BB 11.1

Sa pamamagitan ng pagparito ni Jesus upang makipamayan sa atin, ay inihayag Niya ang Diyos sa mga tao at sa mga anghel. Siya ang Verbo o Salita ng Diyos—alalaong baga'y iparirinig Niya ang kaisipan ng Diyos. Sa Kaniyang panalangin para sa Kaniyang mga alagad ay sinabi Niya, “Ipinahayag Ko sa kanila ang Iyong pangalan,”—“mahabagin at mapagbiyaya, mapagpahinuhod, at sagana sa kabutihan at katotohanan,”—“upang ang pag-ibig na Iyong iniibig sa Akin ay mapasakanila, at Ako'y sa kanila.” Nguni't ang paghahayag na ito ay hindi lamang para sa mga anak Niyang tagalupa. Ang ating maliit na sanlibutan ay siyang aklat-aralan ng buong santinakpan. Ang kahanga-hangang layunin ng biyaya ng Diyos, ang hiwaga ng Kaniyang tumutubos na pag-ibig, ay siyang paksang “minimithing tunghan ng mga anghel,” at siya nilang pag-aaralan sa buong panahong walangkatapusan. Ang krus ni Kristo ay siyang magiging agham at awit ng mga tinubos at di-nagkasalang mga kinapal. Saka makikita na ang kaluwalhatiang lumiliwanag sa mukha ni Jesus ay siyang kaluwalhatian ng nagpapakasakit na pag-ibig. Sa liwanag na nagbubuhat sa Kalbaryo ay makikita na ang batas ng di-makasariling pag-ibig ay siyang batas ng buhay para sa lupa at sa langit; na ang pag-ibig na “hindi hinahanap ang kaniyang sarili” ay bumubukal sa puso ng Diyos; at sa Isang maamo at mapagpakumbabang-loob ay nahahayag ang likas Niyaong tumatahan sa liwanag na di-malalapitan ng sinumang tao. BB 11.2

Noong pasimula, ang Diyos ay nahayag sa lahat ng mga gawang nilalang. Si Kristo ang naglatag ng mga langit, at naglagay ng mga patibayan ng lupa. Kamay Niya ang nagbitin ng mga sanlibutan sa kalawakan ng himppawid, at humugis sa mga bulaklak sa parang. “Lakas Niya ang naglagay na matibay sa mga bundok.” “Ang dagat ay Kaniya, at Kaniyang ginawa.” Mga Awit 65:6; 95:5. Siya ang pabalita ng pag-ibig ng Ama. BB 12.1

Ngayo'y nadungisan na ng kasalanan ang napakasakdal na gawa ng Diyos, gayon pa ma'y nananatili pa rin ang pagkakatitik. Hanggang ngayon pa man ay ipinahahayag pa rin ng lahat na mga bagay na nilalang ang kaluwalhatian ng Kaniyang kamahalan. Liban sa makasariling puso ng tao, ay wala ni isa mang bagay na nabubuhay sa sarili. Walang ibong sumasalimbay sa himpapawid, walang hayop na gumagalaw sa lupa, na hindi naglilingkod sa ibang may buhay. Wala isa mang dahon sa gubat, o isa mang uhay ng damo, na hindi may kaniyang pinaglilingkuran. Bawa't kahoy at damo at dahon ay nagbubuhos ng elemento ng buhay na kung wala ito ay walang mabubuhay na tao o hayop; at ang tao at hayop naman, ay kapuwa tumutulong sa ikabubuhay ng kahoy at damo at dahon. Ang mga bulakbulak ay nagsasabog ng bango at nagkakadkad ng ganda upang paligayahin ang sanlibutan. Ang araw ay nagsasabog ng kaniyang liwanag upang pasayahin ang libong mga sanlibutan. Ang malalawak na karagatan, na siyang pinagbubuhatan ng lahat ng ating mga bukal, ay tumatanggap din ng lahat ng agos na galing sa lahat ng lupain, at ito ay tinatanggap niya upang ibigay din. Ang mga ulap na pumapaitaas ay bumabagsak sa anyong ulan upang diligin ang lupa, at nang ito naman ay sibulan ng halaman at magbunga. BB 12.2

Ang mga anghel ng kaluwalhatian ay lumiligaya sa gawaing pagbibigay—pagbibigay ng pag-ibig at walangpagod na pagbabantay sa mga taong liko at makasalanan. Sinusuyo nila ang mga puso ng mga tao; dinadala nila sa madilim na lupang ito ang liwanag na buhat sa mga bulwagan ng kalangitan; sa pamamagitan ng magiliw at matiyagang paglilingkod ay inuudyukan nila ang diwa ng tao, upang ang waglit ay maibalik sa pakikisama kay Kristo, pakikisamang higit na mahigpit kaysa nalalaman nila. BB 13.1

Nguni't ang mga iyan ay mga mababang halimbawa, sa kay Jesus ay nakikita natin ang Diyos. Kung tumitingin tayo kay Jesus ay nakikita nating ang pagbibigay ay ikinaluluwalhati ng Diyos. “Wala Akong ginagawa sa Aking sarili,” wika ni Kristo; “sinugo Ako ng Amang buhay, at Ako'y nabubuhay dahil sa Ama.” “Hindi Ko hinahanap ang Aking sariling kaluwalhatian,” kundi ang ikaluluwalhati Niyaong nagsugo sa Akin. Juan 8:28; 6: 57; 8:50; 7:18. Sa ganitong pangungusap ay inihahayag ang dakilang simulaing siyang batas ng buhay sa buong sansinukob. Lahat ay tinatanggap ni Kristo sa Diyos, nguni't tinatanggap Niya upang ibigay. Gayon sa mga korte sa langit, sa Kaniyang paglilingkod sa lahat ng mga kinapal: sa pamamagitan ng sinisintang Anak, ang buhay na nagbubuhat sa Ama ay dumadaloy palabas patungo sa lahat; sa pamamagitan ng Anak ito'y bumabalik, sa masaya't may pagpupuring paglilingkod, isang agos ng pag-ibig, na patungo sa dakilang Bukal ng lahat. Kaya sa pamamagitan ni Kristo ay nahuhusto ang ikot ng kaawaan, na siyang batas ng buhay, na kumakatawan sa likas ng dakilang Tagapagbigay. BB 13.2

Sa langit na rin ay nasira ang batas na ito. Ang kasalanan ay nagbuhat sa pagkamakasarili. Si Lucifer, na kerubing tumatakip, ay naghangad na maging una sa langit. Kaniyang sinikap na pagpunuan ang mga tagalangit, na maihiwalay sila sa Lumalang sa kanila, at siya ang igalang at sambahin. Upang magawa niya ito ay pinasama niya ang Diyos, at pinagbintangang nagpapalalo. Sinikap niyang ang sarili niyang masasamang likas ay siya niyang maibintang sa mapagmahal na Maykapal. Sa ganito'y nadaya niya ang mga anghel. Sa ganito rin nadaya niya ang mga tao. Naakay niya silang mag-alinlangan sa salita ng Diyos, at di-pagtiwalaan ang Kaniyang kagandahang-loob. At dahil sa ang Diyos ay Diyos ng katarungan at ng kakila-kilabot na kamaharlikaan, ay inuudyukan sila ni Satanas na Siya'y ituring na mabagsik at di-nagpapatawad. Sa ganito niya nahila ang mga tao na sumama sa kaniya sa paghihimagsik laban sa Diyos, at sa gayo'y lumapag sa sanlibutan ang dilim ng sumpa. BB 14.1

Dumilim ang lupa dahil sa di-pagkakilala sa Diyos. Upang mapagliwanag ang makakapal na ulap ng kadiliman, at upang maibalik sa Diyos ang sanlibutan, ay kailangang sirain ang mapanlinlang na kapangyarihan ni Satanas. Ito'y hindi madadaan sa dahas. Ang paggamit ng dahas ay laban sa mga simulain ng pamahalaan ng Diyos; ang hinihingi lamang Niya ay ang paglilingkod na dahil sa pag-ibig at pagmamahal; at ang pag-ibig ay hindi mauutusan; hindi ito nakukuha sa dahas o sa lakas. Pagig lamang ang nakapupukaw sa kapwa pag-ibig. Para makilalang Diyos ay kailangang ibigin Siya; ang Kaniyang likas at katutubo ay dapat makitang naiiba sa likas ni Satanas. Iisa lamang sa buong santinakpan ang makagagawa nito. Siya lamang na nakatarok ng taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos ang makapaghahayag nito. Sa madilim na gabi ng sanlibutan ay dapat sumilang ang Araw ng Katuwiran, na “may kagalingan sa Kaniyang mga pakpak.” Malakias 4:2. BB 14.2

Ang panukalang pagtubos sa atin ay hindi isang paraang inisip ng Diyos nang mangyari na ang pagkakasala ni Adan. Ito'y isang paghahayag ng “hiwagang natago sa katahimikan sa buong panahong walang-hanggan.” Roma 16:25, R.V. Ito ay paglalantad ng mga simulaing buhat nang mga panahong walang-hanggan ay siya nang kinasaligan ng luklukan ng Diyos. Buhat pa nang una, ay alam na ng Diyos at ni Kristo ang gagawing pagtataksil ni Satanas, at ang pagkahulog ng tao dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng taksil. Hindi itinalaga ng Diyos na lumitaw ang kasalanan, nguni't nakita Niyang ito'y lilitaw, kaya't gumawa Siya ng panukala upang sagupain ang sakuna. Gayon na lamang kalaki ang Kaniyang pag-ibig sa sanlibutan, na anupa't nakipagtipan Siyang ibibigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak, “upang ang sinumang sa Kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Juan 3:16. BB 15.1

Sinabi ni Lucifer, “Itataas ko ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Diyos; ... Ako'y magiging gaya ng Kataas-taasan.” Isaias 14:13, 14. Datapwa't si Kristo naman, “bagama't nasa anyong Diyos, ay hindi Niya inaring isang bagay na dapat panangnan ang pagkakapantay Niya sa Diyos, kundi bagkus hinubad Niya ito, at nag-anyong alipin, na nakitulad sa mga tao.” Filipos 2:6, 7 R.V. BB 15.2

Ito ay isang kusang paghahain. Maaaring huwag umalis si Jesus sa piling ng Ama. Maaari Niyang papanatilihin o taglay-taglayin ang kaluwalhatian ng langit, at ang pagsamba sa Kaniya ng mga anghel. Nguni't pinili Niyang ibalik ang setro sa kamay ng Ama, at manaog sa trono ng santinakpan, upang maihatid Niya ang liwanag sa nadirimlan, at ang buhay sa napapahamak. BB 16.1

Noong magdadalawang libong taon na ngayon ang nakararaan, isang tinig na may mahiwagang kahulugan ang narinig sa langit mula sa luklukan ng Diyos, na nagsasabi, “Narito, Ako'y dumarating.” “Hain at handog ay hindi mo ibig nguni't isang katawan ang sa Akin ay inihanda Mo. ... Narito, Ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa Akin,) upang gawin oh, Diyos ang iyang kalooban.” Hebreo 10:5-7. Sa mga pangungusap na ito ay ipinahahayag ang pagkatupad ng panukalang inilihim ng mga panahong walang-hanggan. Dadalawin na ni Kristo ang ating sanlibutan at magkakatawang-tao. Ang wika Niya, “Isang katawan ang sa Akin ay inihanda Mo.” Kung Siya'y napakitang ang taglay Niyang kaluwalhatian ay yaong tinaglay Niya noong kasama-sama Niya ang Ama bago nilalang ang sanlibutan, ay hindinghindi natin makakaya ang liwanag ng Kaniyang pakikiharap. Kaya upang Siya'y ating matitigan at gayon pa ma'y huwag tayong mamatay, ay ikinubli Niya ang Kaniyang kaluwalhatian. Ang Kaniyang pagka-Diyos ay tinakpan ng pagka-tao—ang di-nakikitang kaluwalhatian ay ipinaloob sa nakikitang anyo ng tao. BB 16.2

Ang dakilang panukalang ito ay ipinakita sa mga sagisag at mga talinhaga. Ang Diyos ay inihayag ng mababang punungkahoy na nagliliyab nguni't di-nasusunog, na doo'y napakita si Kristo kay Moises. Ang sagisag na pinili upang kumatawan sa Diyos ay ang abang punungkahoy, na sa tingin ay walang mga pang-akit. Dito'y nakaluklok ang Walang-Hanggan. Ikinubli ng maawaing Diyos ang Kaniyang kaluwalhatian sa isang lalong abang sagisag, upang matingnan ni Moises at gayon pa man siya'y mabuhay. Gayundin naman sa haliging ulap kung araw at sa haliging apoy kung gabi, ay nakipag-usap ang Diyos sa Israel, na ipinahahayag sa tao ang Kaniyang kalooban, at ibinibigay sa kanila ang Kaniyang biyaya. Pinigil ang kaluwalhatian ng Diyos at tinakpan ang Kaniyang kamaharlikaan, upang makatingin ang mahinang paningin ng tao. Kaya nga paririto si Kristo sa “katawan ng ating pagkamababa” (Filipos 3:21, R.V.), “sa katawang-tao.” Sa mata ng sanlibutan ay wala Siyang kagandahang mananasa nila sa Kaniya; gayunma'y Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ang ilaw ng langit at lupa. Ang Kaniyang kaluwalhatian ay nilambungan, ang Kani yang kadakilaan at kamahalan ay ikinubli, upang maka lapit Siya sa malulungkutin at natutuksong mga tao. BB 16.3

Inutusan ng Diyos ang Israel sa pamamagitan ni Moises, “At kanilang igawa Ako ng isang santuwaryo, upang ako'y makatahan sa gitna nila” (Exodo 25:8), at Siya'y tumahan sa santuwaryo sa gitna ng Kaniyang bayan. Sa buong paglalakbay nila sa ilang, ay hindi sila hiniwalayan ng tanda ng Kaniyang pakikisama. Gayundin naman itinindig ni Kristo ang Kaniyang tabernakulo sa gitna ng kalipunan ng mga tao. Itinayo Niya ang Kaniyang tolda sa tabi ng mga tolda ng mga tao, upang Siya'y makipamayan sa gitna natin, at mapamihasa Niya tayo sa Kaniyang banal na likas at pamumuhay. “Ang Verbo ay nagkatawang-tao, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang Kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa bugtong na Anak ng Diyos), puspos ng biyaya at katotohanan.” Juan 1:14, R.V. BB 17.1

Palibhasa'y naparito si Jesus upang makipamayan sa atin, batid nating bihasa ang Diyos sa ating mga kahirapan, at nakikiramay Siya sa ating mga kadalamhatian. Bawa't anak ni Adan ay makaaalam na ang Maykapal ay kaibigan ng mga makasalanan. Sapagka't sa bawa't aralin ng biyaya, sa bawa't pangako ng kaligayahan, sa bawa't gawa ng pag-ibig, at sa bawa't pang-akit na nahayag sa buhay ng Tagapagligtas sa lupa, ay nakikita nating “Sumasaatin ang Diyos.” BB 17.2

Ang kautusan ng Diyos ay ipinakikilala ni Satanas na isang kautusan ng pananakim o pagkamakasarili. Sinasabi niyang hinding-hindi natin masusunod ang mga utos na ito. Ang pagkahulog sa kasalanan ng ating unang mga magulang, lakip ang lahat ng ibinungang kahirapan, ay isinisisi niya sa Maykapal, na inaakay ang mga tao na ituring nila ang Diyos na siyang may kagagawan ng kasalanan, at paghihirap, at kamatayan. Ang pagdarayang ito ay siyang ilalantad ni Jesus. Bilang isa sa atin ay Siya ang magpapakita ng halimbawa ng pagiging masunurin. Ito ang dahilan kaya ibinihis Niya ang ating pagkatao at dumaan sa ating mga karanasan. “Sa lahat ng mga bagay ay nararapat Siyang matulad sa Kaniyang mga kapatid.” Hebreo 2:17. Kung tayo'y magbabata ng anumang bagay na hindi binata ni Jesus, ipangangalandakan nga ni Satanas na ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi makasasapat sa atin. Dahil dito'y si .Tesus ay “tinukso sa lahat ng paraang gaya rin naman natin.” Hebreo 4:15. Tiniis Niya ang lahat ng pagsubok na darating sa atin. At wala Siyang ginamit na kapangyarihan para sa Kaniya na hindi naman ibinibigay sa atin nang walang-bayad. Sa Kaniyang pagiging-tao, ay sinagupa Niya ang tukso, at nanagumpay naman sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa Kaniya ng Diyos. Ang wika Niya, “Aking kinalulugurang sundin ang Iyong kalooban, O Diyos Ko: Oo, ang Iyong kautusan ay nasa loob ng Aking puso.” Awit 40:8. Sa Kaniyang mga paglilibot na gumagawa nang mabuti, at pinagagaling ang lahat ng mga pinahihirapan ni Satanas, ay pinalinaw Niya sa mga tao ang likas ng kautusan ng Diyos at ang uri ng Kaniyang paglilingkod. Ang Kaniyang kabuhayan ay saksing tayo man ay makasusunod din sa kautusan ng Diyos. BB 18.1

Sa pamamagitan ng Kaniyang pagiging-tao, ay na- hahawakan ni Kristo ang sangkatauhan; sa pamamagitan naman ng Kaniyang pagiging-Diyos, ay nakahahawak Siya sa luklukan ng Diyos. Bilang Anak ng tao, binigyan Niya tayo ng halimbawa ng pagtalima. Si Kristo ang nagsalita kay Moises mula sa mababang punung-kahoy sa bundok ng Horeb na nagsasabi, “AKO YAONG AKO NGA. BB 18.2

... Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.” Exodo 3:14. Ito ang pangako ng pagliligtas sa Israel. Kaya't nang Siya'y pumarito na “nasa wangis ng mga tao,” ay ipinahayag Niyang Siya'y si AKO NGA. Ang Sanggol sa Belen, ang maamo at mapagpakumbabang Tagapagligtas, ay siyang Diyos na “nahayag sa laman.” 1 Timoteo 3:16. At sinasabi naman Niya sa atin, “AKO ang Mabuting Pastor.” “AKO NGA ang buhay na Tinapay.” “AKO NGA ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.” “Ang buong kapangyarihan sa langit at sa lupa ay nabigay na sa Akin.” Juan 10:11; 6:51; 14:6; Mateo 28:18. AKO NGA ang katiyakan ng bawa't pangako. AKO NGA; huwag kang matakot. Ang “sumasaatin ang Diyos” ay siyang kasiguruhan ng pagliligtas sa atin sa kasalanan, siyang katiyakan ng ating kapangyarihang matalima ang kautusan ng langit. BB 19.1

Sa pagpapakababa ni Kristo upang magkatawang-tao, ay inihayag Niya ang likas na labang-laban sa likas ni Satanas. Nguni't ibayo pa ng mababa ang ginawa Niyang pagpapakababa. “Palibhasa'y nasumpungang anyongtao, Siya'y nagpakababa, at nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.” Filipos 2:8. Kung paanong hinuhubad ng dakilang saserdote ang mga mahal niyang damit, at ibinibihis ang maputing lino ng karaniwang saserdote, gayundin naman si Kristo na kinuha ang anyo ng alipin, at nag-alay ng handog, na Siya na rin ang saserdote, Siya na rin ang handog. “Siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsalansang, Siya'y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan: ang parusang ukol sa ating ikapapayapa ay nasa Kaniya.” Isaias 53:5. BB 19.2

Ginawa kay Kristo ang nararapat sanang gawin sa atin upang magawa naman sa atin ang nararapat gawin sa Kaniya. Siya'y hinatulan dahil sa ating mga kasalanang hindi naman Siya ang may gawa, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng katwirang hindi naman tayo ang may gawa. Nagbata Siya ng kamatayang talagang atin, upang tayo nama'y tumanggap ng buhay na talagang Kaniya. “Sa pamamagitan ng Kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.” BB 20.1

Sa pamamagitan ng Kaniyang buhay at ng Kaniyang kamatayan, ang nabawi ni Kristo ay mahigit pa kaysa sinira ng kasalanan. Layunin ni Satanas na walang-hanggang papaghiwalayin ang Diyos at ang tao; datapwa't kay Kristo ay lalo tayong nailalapit sa Diyos kaysa kung tayo'y di-kailanman nagkasala. Sa pagkakapagbihis Niya ng ating pagkatao, ay ibinigkis o itinali ng Tagapagligtas ang Kaniyang sarili sa sangkatauhan sa pamamagitan ng isang panaling di-kailanman malalagot. Sa buong panahong walang-hanggan ay nakakawing Siya sa atin. “Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, na ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong na Anak.” Juan 3:16. Kaniyang ibinigay Siya hindi lamang upang dalhin ang ating mga kasalanan, at upang mamatay na hain para sa atin; ibinigay Niya Siya para sa sangkatauhang nagkasala. Ibinigay ng Diyos ang Kaniyang bugtong na Anak upang maging isa sa sambahayan ng mga tao at taglayin ang katawang-tao sa buong panahon, upang sa ganito'y mapapaniwala tayong hindi mababali ang Kaniyang payo ng kapayapaan. Ito ang pangako na tutupdin ng Diyos ang Kaniyang sinalita. “Sa atin ay ipinanganak ang isang Bata, sa atin ay ibinigay ang isang Anak na lalaki: at ang pamamahala ay maaatang sa Kaniyang balikat.” Kinuha't inilagay ng Diyos ang likas ng tao sa persona ng Kaniyang Anak, at ito'y tinaglay hanggang sa kaitaasan ng langit. “Anak ng tao” ang kapiling-piling ng Diyos sa trono ng sansinukob. “Anak ng tao” ang panganganlang “Kahanga-hanga, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.” Isaias 9:6. Ang AKO NGA ay siyang Tagapamagitang tumatayo sa pagitan ng Diyos at ng tao, na kapwa hinahawakan Niya ng Kaniyang magkabilang kamay. Siya na “banal, walang-sala, walang-dungis, hiwalay sa mga makasalanan,” ay hindi nahihiyang tayo'y tawaging mga kapatid Niya. Hebreo 7:26; 2:11. Kay Kristo ay napagbibigkis ang sambahayan sa langit at ang sambahayan sa lupa. Si Kristong naluwalhati ay siya nating kapatid. Ang langit ay idinadambana sa sangkatauhan, at ang sangkatauhan ay isinasakandungan ng Di-matingkalang Pagibig. BB 20.2

Ganito ang sinasabi ng Diyos tungkol sa Kaniyang bayan, “Sila'y magiging gaya ng mga hiyas na bato ng isang korona, na itinaas bilang isang watawat sa Kaniyang lupain. Sapagka't anong pagkadakila ng Kaniyang kabutihan, at anong pagkadakila ng Kaniyang kagandahan!” Zacarias 9:16, 17. Ang pagkakabunyi sa mga tinubos ay magiging isang walang-hanggang patotoo sa kahabagan ng Diyos. “Sa mga panahong darating,” ay Kaniyang “ihahayag ang dakilang kayamanan ng Kaniyang biyaya sa Kaniyang kagandahang loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” “Upang ... maipakilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ... ang saganang karunungan ng Diyos, ayon sa panukalang walang-hanggan na ipinanukala Niya kay Kristo Jesus na Panginoon natin.” Efeso 2:7; 3:10, 11, R.V. BB 21.1

Ang pamahalaan ng Diyos ay nananayong matwid dahil sa ginawang pagtubos ni Kristo. Ang Makapangyarihang Diyos ay naipakilalang Diyos ng pag-ibig. Ang mga bintang at paratang ni Satanas ay napasinungalingan, at ang likas niya'y nailantad. Hinding-hindi na mauulit pa ang paghihimagsik. Ang kasalanan ay hinding-hindi na rin papasok sa santinakpan. Sa buong panahong walang-hanggan ay ligtas na ang lahat sa gawang pagtalikod sa Diyos. Sa pamamagitan ng mapagmahal na pag-aalay ni Kristo ng Kaniyang buhay, ay napapatali sa Maykapal ang mga tumatahan sa lupa at sa langit sa pamamagitan ng mga panaling hindi na malalagot kailanman. BB 21.2

Ang gawain ng pagtubos ay magiging ganap. Sa dakong nanagana ang kasalanan, ay lalo namang nanagana ang biyaya ng Diyos. Ang lupang ito na rin, na inaangkin ni Satanas na kaniya, ay hindi lamang tutubusin kundi ibubunyi pa. Ang maliit nating sanlibutan, na dahil sa sumpa ng kasalanan ay naging isang maitim na batik sa gitna ng marilag na mga nilalang ng Diyos, ay itatampok na pararangalan sa ibabaw ng lahat ng mga sanlibutan sa buong sansinukob ng Diyos. Dito, na pinagkakatawanang-tao ng Anak ng Diyos; na dito nakipamayan at naghirap at namatay ang Hari ng kaluwalhatian—dito, pagka gagawin na Niyang bago ang lahat ng mga bagay, ay matatayong kasama ng mga tao ang tabernakulo ng Diyos, “at Siya'y tatahang kasama nila, at Sila'y magiging Kaniyang bayan, at ang Diyos din ay sasakanila, at magiging Diyos nila.” At sa buong panahong walang-katapusan kapag ang mga tinubos ay lumalakad na sa liwanag ng Panginoon, ay pupurihin nila Siya dahil sa di-matitingkala Niyang kaloob—si Emmanuel, “sumasaatin ang Diyos.” BB 22.1