Bukal Ng Buhay

4/89

Kabanata 3—“Ang Kapuspusan ng Panahon”

“Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak, ... upang matubos Niya ang nangasailalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak.” Galacia 4:4, 5. BB 30.1

Ang pagdating ng Tagapagligtas ay pauna nang sinabi doon sa Eden. Nang ang pangako'y unang marinig nina Adan at Eba, ay inasahan nilang ito'y matutupad agad. Ipinagsaya nila ang pagsilang ng panganay nilang anak, sa pag-asang ito na ang magiging Tagapagligtas. Datapwa't nabalam ang pagkatupad ng pangako. Namatay at namatay ang mga unang nakarinig nito, ngurii't walang dumating. Buhat nang panahon ni Enoc ang pangako ay inulit-ulit ng mga patriarka at mga propeta, na pinananatiling buhay ang pag-asa sa Kaniyang pagpapakita, gayon pa ma'y hindi pa rin Siya dumating. Inihayag ng hula ni Daniel ang panahon ng pagdating Niya, nguni't hindi lahat ay tumpak na nakaunawa ng pabalita nito. Nagsilipas ang mga daan-daang taon; nanahimik ang tinig ng mga propeta. Nagmalupit sa Israel ang kamay ng manlulupig, at marami ang gayak nang sumigaw ng, “Ang mga kaarawan ay tumatagal, at ang bawa't pangitain ay nabubulaanan.” Ezekiel 12:22. BB 30.2

Nguni't ang mga panukala ng Diyos ay hindi marunong magpauna ni magpahuli man, na tulad ng mga bituing tumatalunton sa itinakdang landas nila sa malawak na himpapawid. Sa pamamagitan ng mga sagisag na malaking kadiliman at hurnong umuusok, ay inihayag ng Diyos kay Abraham ang pagkaalipin ng Israel sa Ehipto, at sinabing ang panahon ng kanilang pangingibang-bayan ay magiging apat na raang taon. “Pagkatapos,” ang wika Niya, “ay aalis silang may malaking pag-aari.” Genesis 15:14. Bigong nilabanan ng buong kapangyarihan ng palalong imperyo ni Paraon ang salitang iyan. Sa “araw ding yaon,” araw na itinakda sa pangako ng Diyos, “ay lumabas sa lupain ng Ehipto ang buong hukbo ng Panginoon.” Exodo 12:41. Ganyan din pinagpasiyahan sa kapulungan ng langit ang oras ng pagdating ni Kristo. Nang ituro na ng malaking orasan ng panahon ang takdang oras na yaon, ay isinilang si Jesus sa Bethlehem. BB 30.3

“Nang dumating na ang kapuspusan ng panahon, ay isinugo ng Diyos ang Kaniyang Anak.” Diyos ang namahala sa mga kilusan ng mga bansa, at sa bugso ng damdamdamin at impluwensiya ng mga tao, hanggang sa maihanda ang sanlibutan sa pagdating ng Manunubos. Nagkaisa ang mga bansa sa ilalim ng isang pamahalaan. Isang wika ang malaganap na sinasalita, at sa lahat ng dako ay siyang kinikilalang wikang pampanulatan. Nagtipon sa Jerusalem sa mga taunang kapistahan ang mga Hudyong nakapangalat sa lahat ng mga lupain. Sa paguwi nila sa mga dakong kanilang pinakipamayanan, ay nailaganap nila sa buong sanlibutan ang balita ng pagdating ng Mesiyas. BB 31.1

Nang panahong ito ay tinatabangan na ang mga tao sa mga kaugalian at relihiyon ng mga pagano. Suya na sila sa mga palabas at kuwento. Ang kinauuhawan nila ay isang relihiyong makasisiya sa puso. Bagama't tila naglaho na sa mga tao ang liwanag ng katotohanan, ay may mga iba pa ring naghihintay ng liwanag, at mga sakbibi ng kagulumihanan at kalungkutan. Sabik na sabik silang makakilala sa buhay na Diyos, at makatiyak na mayroong buhay sa kabila ng libingan. BB 31.2

Dahil sa paglayo ng mga Hudyo sa Diyos, ang kanilang pananampalataya ay lumamlam, at ang kanilang pag-asa'y hindi na tumanglaw sa kanilang buhay na ukol sa hinaharap. Hindi na nila maintindihan ang mga salita ng mga propeta. Sa ganang marami, ang kamatayan ay natutulad sa isang hiwagang pinangingilagan; ang kabila ng libingan ay walang-katiyakan at madilim. Hindi lamang panambitan ng naulilang mga ina ng Bethlehem, kundi panambitan din naman ng dakilang puso ng sangkatauhan, ang tinaglay-taglay ng mga propeta sa buong mga dantaon—ang tinig na narinig sa Rama, “pananangis, at kalagim-lagim na iyak, tinatangisan ni Raquel ang kaniyang mga anak, at ayaw na siyang maaliw, sapagka't sila'y wala na.” Mateo 2:18. Sa “pook at lilim ng kamatayan,” ang mga tao'y nakalugmok na walang umaaliw. Sabik ang mga matang hinihintay nila ang pagdating ng Manunubos, na siyang hahawi sa kadiliman, at siyang magpapaliwanag sa hiwaga ng hinaharap. BB 32.1

Bukod sa bansang Hudyo ay may mga taong nagsihula na may darating na isang banal na Guro. Ang mga taong ito ay naghahanap ng katotohanan, at sa kanila'y ipinagkaloob ang Pagkasi ng Espiritu. Sunod-sunod at isa-isang bumangon ang mga tagapagturong ito, na tulad sa mga bituing lumilitaw sa madilim na langit. Ang kanilang mga salita ng hula ay nagpunla ng pag-asa sa mga puso ng libu-libong mga taong Hentil. BB 32.2

May daan-daang taon nang nasasalin sa wikang Griyego ang mga Banal na Kasulatan, na siyang malaganap na wikang sinasalita noon sa buong Imperyo ng Roma. Ang rnga Hudyo ay nakapangalat sa lahat ng dako, at ang inaasahan nilang pagdating ng Mesiyas ay siya ring inaasahan ng mga Hentil. Sa gitna ng mga taong ito na kung tawagin ng mga Hudyo ay mga pagano, ay may mga lalaking may higit na mabuting pagkaunawa sa mga hula ng Banal na Kasulatan tungkol sa Mesiyas na darating kaysa pagkaunawa ng mga guro sa Israel. May mga ilang nagsiasa na ang darating ay isang Mesiyas na magliligtas sa kasalanan. Sinikap ng mga pilosopo na pag-aralan ang hiwaga ng pamumuhay ng mga Hudyo. Nguni't ang kayabangan ng mga Hudyo ay nakapigil sa paglaganap ng liwanag. Sapagka't ibig nilang manatiling nabubukod sa ibang mga bansa, kaya hindi nila nais ituro sa iba ang nalalaman nila tungkol sa masagisag na paghahandog. Ang talagang tunay na Tagapagpaaninaw ay kailangang dumating. Yaong Isa na pauna nang inilarawan ng lahat ng mga anino o mga sagisag na ito ay siyang dapat magpaaninaw ng kahulugan ng mga ito. BB 32.3

Nagsalita ang Diyos sa sanlibutan sa pamamagitan ng katalagahan, sa pamamagitan ng mga anino at mga sagisag, at sa pamamagitan ng bibig ng mga patriarka at mga propeta. Ang mga aral ay dapat ibigay sa mga tao sa wika na rin ng mga tao. Ang Sugo ng tipan ay dapat magsalita. Ang Kaniyang tinig ay dapat marinig sa loob ng Kaniyang sariling templo. Si Kristo'y dapat dumating upang bumigkas ng mga salitang tiyak at malinaw na mauunawaan. Siya, na Maylikha ng katotohanan, ay marapat dumating upang ang katotohanan ay maibukod Niya sa iba ng kinakatha-katha ng mga tao, na siyang nagpapawalang-bisa sa katotohanan. Ang mga simulain ng pamahalaan ng Diyos at ang panukala ng pagtubos sa mga tao ay kailangang maipalinaw. Ang mga aralin ng Matandang Tipan ay dapat maiturong lubos sa mga tao. BB 33.1

Sa kalagitnaan ng mga Hudyo ay may mga taong tapat, buhat sa lahi ng mga banal na pinagkatiwalaan ng wagas na pagkakilala sa Diyos. Sila'y umaasa pa rin sa pangakong pinagtibay sa mga magulang. Kanilang pinalakas ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng laging pagbubulay-bulay ng tiyak na pangakong ibinigay ky Moises na, “Ang Panginoong Diyos ay mag- titindig sa inyo na isang propeta gaya ko mula sa gitna ng inyong mga kapatid; Siya ang inyong pakinggan sa lahat ng mga bagay na sa inyo'y sasalitain Niya.” Mga Gawa 3:22. Pamuling binasa nila, kung paanong may Isang papahiran ang Panginoon ng langis “upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo,” “upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag,” at upang magpahayag ng “kalugud-lugod na taon ng Panginoon.” Isaias 61:1, 2. Nabasa nila kung paanong Kaniyang “itatatag ang kahatulan sa lupa,” kung paanong ang mga pulo'y “maghihintay sa Kaniyang kautusan,” at kung paanong ang mga bansa'y paroroon sa Kaniyang liwanag, at ang mga hari sa ningning ng Kaniyang sikat. Isaias 42:4; 60:3. BB 33.2

Ang mga huling pangungusap ni Jacob nang siya'y mamatay na ay pumuno sa kanila ng pag-asa: “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa ang Shiloh ay dumating.” Genesis 49:10. Ang humihinang kapangyarihan ng Israel ay nagpatunay na malapit nang dumating ang Mesiyas. Ang hula ni Daniel ay naglarawan ng karilagan ng Kaniyang paghahari sa isang kahariang hahalili sa lahat ng kaharian ng lupa; at idinugtong pa ng propeta, “At yao'y lalagi magpakailanman.” Daniel 2:44. Kung bagama't iilan ang nakatatalos ng uri ng layon ni Kristo, naging malaganap naman ang pag-asa na ang darating ay isang makapangyarihang Prinsipe na magtatatag ng Kaniyang kaharian sa Israel, at magliligtas sa mga bansa. BB 34.1

Ang kapuspusan ng panahon ay dumating na. Palibhasa'y lalo at lalong sumasama ang sangkatauhan sa buong mga panahon ng pagsalansang, kaya lalo namang kailangang dumating na ang Manunubos. Lalong pinalalalim ni Satanas ang bahaging nasa pagitan ng langit at lupa. Dahil sa kaniyang pagsisinungaling ay lalo niyang napalalakas ang loob ng mga tao na gumawa ng kasalanan. Ito'y ginagawa niya sa layuning maubos na ang pagtitiis ng Diyos, at upang mamatay na ang pag-ibig Nito sa mga tao, sa gayo'y maipaubaya na ang sanlibutan sa kapangyarihan ni Satanas. BB 34.2

Pinagsikapan ni Satanas na mailayo ang tao sa pagkakilala sa Diyos, na maialis ang kanilang isip sa templo ng Diyos, at upang maitatag ang kaniyang sariling kaharian. Ang pagpupunyagi niyang makapangibabaw ay waring halos ganap nang matagumpay. Totoo, kung sabagay, na ang Diyos ay may Kaniyang mga tauhan sa bawa't saling-lahi. Sa mga pagano man ay may mga tao ring kinakasangkapan si Kristo upang maiangat ang mga tao sa ibabaw ng kanilang kasalanan at kasalaulaan. Nguni't ang ganitong mga tao'y hinahamak at kinapopootan. Marami sa kanila ang dumanas ng marahas na pagkamatay. Sa ganito'y kumapal nang kumapal sa ibabaw ng lupa ang maitim na ulap na iniladlad ni Satanas. BB 35.1

Noong mga panahong nagdaan ay nailayo na ni Satanas ang mga tao sa Diyos gawa ng paganismo; nguni't lalo pa ring malaking kasamaan ang nagawa niya nang masira niya ang pananampalataya ng Israel. Nang ang mga bansang pagano ay lumikha ng sari-sarili nilang mga haka-haka at tuloy sambahin ang mga katha nilang ito, ay nawala na sa kanila ang pagkakilala sa Diyos, at sila'y sumama nang sumama. Ganyan din ang nangyari sa Israel. Ang simulaing pinagtitibayan o pinagsasaligan ng relihiyon ng bawa't bansang pagano ay ito: kayang iligtas ng tao ang sarili niyang mga gawa; ito na rin ngayon ang naging simulain ng relihiyon ng mga Hudyo. Si Satanas ang may tanim ng simulaing ito. Saanman ito tinatanggap, ay naaalis ang pamigil sa tao upang siya'y huwag magkasala. BB 35.2

Ang pabalita ng kaligtasan ay ipinatatalastas sa mga tao sa pamamagitan ng mga kinakasangkapang tao. Nguni't tinangka ng mga Hudyong sarilinin o kimkimin ang katotohanan, na siyang buhay na walang-hanggan. Sinarili nila't itinago ang buhay na mana, at ito'y naging bulok. Ang relihiyong sinikap nilang sarilinin ay naging katitisuran. Ninakawan nila ang Diyos ng Kaniyang kaluwalhatian, at dinaya ang sanlibutan sa pamamagitan ng pagbibigay ng huwad na ebanghelyo. Tumanggi silang pasakop at pagamit sa Diyos sa ikaliligtas ng sanlibutan, at sa ganito sila'y naging mga kasangkapan ni Satanas sa ikapapahamak nito. BB 35.3

Ang mga taong tinawag ng Diyos upang maging haligi at suhay ng katotohanan ay naging mga kinatawan ni Satanas. Ginawa nila ang gawaing siyang ibig ni Satanas na gawin nila, upang maipakilala nilang masama ang likas ng Diyos, at ang kilanlin Siya ng sanlibutan na isang malupit na Diyos. Ang mga saserdote na ring nagsipaglingkod sa templo ay nakalimot sa kahulugan at kahalagahan ng paglilingkod na kanilang ginagampanan. Ang nakita nila ay iyon lamang mga hawak nila at hindi nila nakita ang itinuturo o sinasagisagan ng bagay. Sa paghahandog nila ng mga hayop na inihahain ay napatulad lamang sila sa mga tauhan ng isang dula. Ang mga palatuntunan na Diyos na rin ang nagtakda ay siya na ring bumulag sa kanilang isip at nagpatigas sa kanilang puso. Wala nang magagawa pa ang Diyos sa tao sa pamamagitan ng mga paraang ito. Dahil dito'y kailangan nang alisin ang lahat ng seremonyang ito. BB 36.1

Ang pagdaraya ng kasalanan ay umabot na sa sukdulan. Ang lahat ng mga galamay sa ikapapahamak ng kaluluwa ng tao ay pawang pinakilos. Nang tanawin ng Anak ng Diyos ang sanlibutan, ang nakita Niya'y kahirapan at kaabaan. Namasdan Niyang may kahabagan kung paanong ang mga tao ay naging mga biktima ng kalupitan ni Satanas. Nakita Niyang may buong pagkahabag ang mga pinasama, pinatay, at nawaglit. Ang pinili nila ay isang pinunong sa kanila'y nagtanikala na tulad sa mga bihag. Patuloy silang lumalakad na parang prusisyon, na mga sindak at lito, patungo sa walang-hanggang kapahamakan—sa kamatayang walang pag-asa sa buhay, sa gabing walang darating na umaga. Ang mga diyablong galamay ni Satanas ay nakipagkaisa sa mga tao. At ang mga katawang ginawa ng Diyos upang tahanan ng Kaniyang Banal na Espiritu, ay naging mga tahanan ng mga demonyo. Ang mga pag-iisip, mga nerbiyos, mga hilig ng damdamin, at mga sangkap ng mga tao, ay pawang kinilos ng mga diyablong makapangyarihan sa pagpapakagumon sa pinakamahahalay na pita. Ang tatak ng mga demonyo ay nailagay sa mga mukha ng mga tao. Sa mga mukha ng mga tao ay nasasalamin ang inihahayag ng mga pulutong na kasamaan na umaali sa kanila. Iyan ang kalagayan noong darating na ang Manunubos. Ano ngang panoorin na mamasdan ng Walanghanggang Kalinisan! BB 36.2

Ang kasalanan ay naging isa nang agham o siyensiya, at ang bisyo ay naging isang banal na bahagi ng relihiyon. Ang paghihimagsik ay nag-ugat na nang malalim sa puso, at naging napakarahas na ang pakikilaban ng tao sa langit. Sa harap ng santinakpan ay malinaw na napatunayan, na kung wala ang Diyos, ay hindi mahahango ang tao. Isang bagong elemento ng buhay at kapangyarihan ang dapat ipagkaloob Niyaong gumawa ng sanlibutan. BB 37.1

Taglay ang matinding kasabikang minasdan o hinintay ng mga sanlibutang di-nagkasala kung titindig si Jehoba, at lilipulin ang mga tumatahan sa lupa. At kung sakaling ito'y gawin ng Diyos, ay nakahanda naman si Satanas na ituloy ang kaniyang panukala na makabig ang mga anghel sa langit. Ipinagsigawan niya na ang mga simulain ng pamahalaan ng Diyos ay hindi nagpapahintulot ng kapatawaran. Kung winasak noon ang sanlibutan, sana'y nasabi niyang tama ang kaniyang mga paratang. nakahanda siyang ipataw sa Diyos ang lahat ng sisi, at ilaganap sa ibang mga sanlibutan ang kaniyang paghihimagsik. Subali't sa halip na lipulin ng Diyos ang sanlibutan, ay isinugo Niya ang Kaniyang bugtong na Anak upang ito'y iligtas. Bagama't sa lahat ng dako ng naghimagsik na lupa ay nakikita ang kasamaan at paglaban, ay isang paraan ang ginawa ng Diyos upang ito'y mabawi. Sa karurukan ng kagipitan, noong waring magtatagumpay na si Satanas, ay noon dumating ang Anak ng Diyos na taglay ang balita ng kaligtasan. Sa bawa't sandali ng buong kapanahunan, ay hindi nagkulang ang pag-ibig at pagmamahal ng Diyos sa nagkasalang sangkatauhan. Sa kabila ng katampalasanan ng mga tao, ay patuloy na ipinamalas ang mga tanda ng kahabagan ng Diyos. At nang sumapit na ang kapuspusan ng panahon, ay ikinaligaya't ikinaluwalhati ng Diyos na ibuhos sa sanlibutan ang isang baha ng nagpapagaling na biyaya na di-kailanman pipigilin o babawiin hanggang sa maganap ang panukala ng pagliligtas. BB 37.2

Masayang ipinagmalaki ni Satanas na kaniyang napapangit ang larawan ng Diyos sa sangkatauhan. Dahil dito'y naparito si Jesus upang isauli sa tao ang larawan ng Maykapal. Wala kundi si Kristo lamang ang tanging makahuhugis nang panibago sa likas na sinira ng kasalanan. Naparito Siya upang palayasin ang mga demonyong sumupil sa kalooban at isipan ng tao. Naparito Siya upang tayo'y iangat mula sa pagiging makalupa, upang muling hugisin ang nasirang likas ayon sa anyo at ayos ng Kaniyang banal na likas, at upang ito ay parilagin sa pamamagitan ng Kaniyang sariling kaluwalhatian. BB 38.1