Bukal Ng Buhay
Kabanata 12—Ang Pagtukso
Ang kabanalang ito ay batay sa Mateo 11:1-11; Marcos 1:12, 13; Lukas 4:1-13.
“At si Jesus na puspos ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan, at inihatid ng Espiritu sa ilang.” Lalong makahulugan ang pangungusap ni Marcos. Sinasabi niyang, “Pagdaka'y itinaboy Siya ng Espiritu sa ilang. At Siya'y nasa ilang na apatnapung araw, na tinutukso ni Satanas; at kasama Siya ng mga ganid na hayop.” “At hindi Siya kumain ng anuman nang mga araw na yaon.” BB 135.1
Nang si Jesus ay ihatid sa ilang upang doo'y tuksuhin, ang naghatid sa Kaniya ay ang Espiritu ng Diyos. Hindi Niya inanyayahan ang tukso. Nagtungo Siya sa ilang upang magbulay ng Kaniyang misyon at gawain. Sa pamamagitan ng ayuno at panalangin ay patatatagin Niya ang Kaniyang sariling loob upang malakaran Niya ang landas na tigmak sa dugo. Datapwa't alam ni Satanas na naparoon sa ilang ang Tagapagligtas, at inakala niyang ito ang pinakamabuting panahong dapat Siyang lapitan. BB 135.2
Mga dakilang suliranin para sa sanlibutan ang natataya sa labanang ito ng Prinsipe ng kaliwanagan at ng pinuno ng kaharian ng kadiliman. Nang maihulog na ni Satanas ang tao sa pagkakasala, ay inangkin na niyang kaniya ang sanlibutang ito, at binansagan niya ang sarili na prinsipe ng sanlibutang ito. Nang ang likas ng ama at ina ng ating lahi ay maitulad na niya sa likas niyang makasalanan, ay inisip niyang itatag dito sa lupa ang kaniyang kaharian. Ibinalita niyang siya ang pinili ng mga tao na pinuno nila. Sa pamamagitan ng pagsupil niya sa mga tao, ay napagpunuan niya ang buong sanlibutan. Naparito si Kristo upang pabulaanan ang ipina-mamarali ni Satanas. Sa pagiging Anak ng tao, si Kristo ay titindig na tapat sa Diyos. Sa gayon ay maipakikilala na hindi lubos ang pagkakasupil ni Satanas sa sangkatauhan, at mapabubulaanan ang ibinabantog niya sa sanlibutan. Lahat ng may ibig makawala sa kaniyang kapangyarihan ay makalalaya. Ang pagpupunong iniwala ni Adan dahil sa pagkakasala ay mababawi. BB 135.3
Buhat nang sabihin sa ahas doon sa Eden na, “Papagaalitin Ko ikaw at ang babae, at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi” (Genesis 3:15), ay naalaman na ni Satanas na hindi niya lubos na hawak ang sanlibutan. May nakitang kapangyarihang gumagawa sa mga tao, na sumasalungat sa kaniyang pamumuno. Minasdan niyang may masidhing pananabik ang mga paghahandog ni Adan at ng mga anak nito. Sa mga paghahandog na ito ay natanaw niya ang isang sagisag ng pag-uusap ng lupa at ng langit. Sinikap niyang putulin ang pag-uusap na ito. Pinasama niya ang pagkakilala sa Diyos, at binigyan ng maling kahulugan ang mga ritos na ang itinuturo ay ang Tagapagligtas. Naakay niya ang mga taong matakot sa Diyos bilang isa na natutuwang sila'y ipahamak. Ang mga haing dapat sanang maghayag ng pag-ibig ng Diyos ay inihandog lamang upang papaglubagin ang Kaniyang galit. Ginigising ni Satanas ang masasamang damdamin ng mga tao, upang mapatibay ang pamumuno niya sa kanila. Nang ibigay ang nakasulat na salita ng Diyos, ay pinag-aralan ni Satanas ang mga hulang tumutukoy sa pagdating ng Tagapagligtas. Sa lahat ng sali't saling lahi ay sinikap niyang bulagin ang isip ng mga tao sa mga hulang ito, upang tanggihan nila si Kristo pagdating Niya. BB 136.1
Nang ipanganak na si Jesus, ay napag-alaman ni Satanas na ito na nga ang Isa na tinagubilinan ng Diyos na makipagpunyagi laban sa kaniyang pamumuno. Kinilabutan siya sa pasabi ng anghel na nagpapatunay sa kapangyarihan ng bagong kasisilang na Hari. Alam na alam ni Satanas ang katungkulang ginampanan ni Kristo doon sa langit bilang Pinakamahal ng Ama. Ang pagpanaog ng Anak ng Diyos sa lupang ito na nasa anyong tao ay pumuno sa kaniyang puso ng pagtataka at pagaalaala. Hindi niya matarok ang hiwaga ng malaking sakripisyong ito. Hindi maubos-isipin ng kaniyang sakim na diwa ang gayong pag-ibig sa mga taong nadaya niya. Ang kaluwalhatian at kapayapaan ng langit, at ang ligaya ng pakikipag-usap sa Diyos, ay bahagya lamang natata-tap ng mga tao; nguni't ito'y alam na alam ni Lucifer, ang kerubing tumatakip. Sapagka't pinalayas siya sa langit, ipinasiya niyang papagkasalahin din ang iba upang makapaghiganti. At ito'y magagawa niya, kung maipakikilala niya sa kanila na hindi mahalaga ang mga bagay ng langit, kundi ang mahalagang dapat nasain ng puso ay ang mga bagay sa lupa. BB 136.2
Ang Prinsipe ng langit ay hindi makahihikayat ng mga kaluluwa ng mga tao sa Kaniyang kaharian nang pagayun-gayon lamang. Buhat sa pagiging sanggol Niya sa Bethlehem, ay wala nang puknat ang pagsalakay sa Kaniya ng diyablo. Sapagka't ang larawan ng Diyos ay na kay Kristo, kaya sa kapulungan ni Satanas ay pinagkasunduang Siya ay pilit na daigin. Wala pang taong inianak sa lupa na nakaligtas sa kapangyarihan ng magdaraya. Iniumang ng diyablo ang buo nitong hukbo sa da-daanan ni Kristo upang bakahin Siya, at kung mangyayari ay gapiin Siya. BB 137.1
Si Satanas ay isa sa mga nanonood nang binyagan ang Tagapagligtas. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Ama na lumukob sa Kaniyang Anak. Narinig niya ang tinig ni Jehova na nagpatunay na si Jesus ay Diyos. Buhat nang magkasala si Adan, ay naputol na ang tuwirang pakikipagusap ng tao sa Diyos; ang pag-uusap ng langit at lupa ay sa pamamagitan na ni Kristo; nguni't ngayong dumating na si Kristo “sa anyo ng taong salarin” (Roma 8:3), ay sarili na ng Ama ang nagsalita. Nang una'y nakipag-usap Siya sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo; ngayon nama'y nakipag-usap Siya sa sangkatauhan kay Kristo. Inasahan ni Satanas na ang pagkasuklam ng Diyos sa masama ay maghahatid ng walang-hanggang paghihiwalay ng langit at ng lupa. Datapwa't ngayon ay nahayag na nabalik na ang ugnayan ng Diyos at ng tao. BB 137.2
Napagkilala ni Satanas na kailangang siya ang manalo o kung dili siya ang matatalo. Napakaseselan ng mga suliraning nakataya na hindi niya maaaring ipagkatiwala ito sa mga anghel na kampon niya. Siya ang kailangang mamuno sa labanan. Tinipon niya ang lahat ng mga anghel na naghimagsik upang ilaban sa Anak ng Diyos. Si Kristo ang ginawa niyang tudlaan ng bawa't sandata ng impiyerno. BB 138.1
Sa tingin ng marami ang labanang ito ni Kristo at ni Satanas ay walang tanging kinalaman sa sarili nilang buhay; at sa ganang kanila ay wala itong halaga. Datapwa't sa loob ng puso ng bawa't tao ay inuulit ang labanang ito. Walang sinumang umaalis sa mga kasamahan ng diyablo upang maglingkod sa Diyos na di-sinasagupa ng mga pagsalakay ni Satanas. Ang mga tuksong pinakipagpunyagian ni Kristo ay nasusumpungan nating napakahirap paglabanan. Ang mga tuksong yaon ay ipinilit sa Kaniya nang lalong malakas palibhasa'y lalong nakahihigit ang likas Niya kaysa atin. Bagama't kakila-kilabot ang bigat ng nakapasan sa Kaniyang mga kasalanan ng sanlibutan, ay nakaya rin ni Kristo ang pagsubok sa pagkain, sa pag-ibig sa sanlibutan, at sa pag-ibig sa karangyaan o pagkatanghal na nauuwi sa kayabangan. Ito ang mga tuksong dumaig kay Adan at kay Eba, at siya ring madaling dumadaig sa atin. BB 138.2
Itinuro ni Satanas na ang kasalanan ni Adan ay nagpapatunay na ang kautusan ng Diyos ay hindi makatarungan, at hindi masusunod. Nasa anyo nating tao, si Kristo ang tutubos sa pagkatalo ni Adan. Nguni't nang si Adan ay salakayin ng manunukso, ay wala pa siyang isa mang bakas ng kasalanan. Nasa kalakasan siya ng sakdal ng pagkatao, na taglay ang buong lusog ng isip at katawan. Naliligid siya ng mga karilagan ng Eden, at araw-araw ay nakikipag-usap sa mga anghel ng langit. Datapwa't hindi ganyan si Jesus noong Siya ay pumasok sa ilang upang makilaban kay Satanas. Sa loob ng apat na libong taon ay patuloy na humina ang katawan, ang isip, at ang moral ng tao; at dinala ni Kristo ang mga kahinaan ng makasalanang sangkatauhan. Sa ganyang paraan lamang mahahango Niya ang tao sa lusak ng kadustaan. BB 138.3
Marami ang nagsasabing si Kristo ay hindi maaaring madaig ng tukso. Kung iyan ang totoo ay hindi sana Siya naaring humalili sa lugar ni Adan; hindi sana Niya nakamtan ang tagumpay na kinabiguang tamuhin ni Adan. Kung ang tukso sa atin ay higit na mahigpit kaysa dumating kay Kristo, kung gayon ay hindi Niya tayo masasaklolohan. Datapwa't tinaglay ng Tagapagligtas ang anyo ng tao, pati ng lahat ng mga kahinaan nito. Tinaglay Niya ang likas ng tao, pati ng hilig nitong sumuko sa tukso. Wala tayong titiisin na hindi Niya tiniis. BB 139.1
Sa ganang kay Kristo, tulad din sa unang banal na mag-aasawa sa Eden, ang gana sa pagkain ay siyang larangan ng unang malaking tukso. Kung saan nagpasimula ang pagkahulog sa pagkakasala, ay doon dapat magpasimula ang gawain ng pagtubos sa atin. Kung paanong dahil sa pagpapairog sa gana sa pagkain ay dapat magwagi si Kristo. “At nang Siya'y makapag-ayuno nang apatnapung araw at apatnapung gabi, ay nagutom Siya. At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa Kaniya, Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay. Datapwa't Siya'y sumagot at nagsabi, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” BB 139.2
Buhat sa panahon ni Adan hanggang sa panahon ni Kristo, ay pinasidhi ng pagpapairog sa sarili ang kapang-yarihan ng gana sa pagkain at ng mga pita ng damdamin, hanggang sa ito'y halos hindi na makayang pigilin. Kaya nga ang mga tao'y naging hamak at masasaktin, at sa kanilang mga sarili ay hindi nila kayang magwagi. Nguni't si Kristo ay nagwagi para sa tao sa pamamagitan ng pagbabata Niya ng pinakamahigpit na tukso. Alang-slang sa atin ay gumamit Siya ng pagpipigil na higit na makapangyarihan kaysa gutom o kamatayan. At sa unang tagumpay na ito ay napapaloob ang iba pang mga suliraning kinabibilangan ng lahat nating mga pakikilaban sa mga kapangyarihan ng kadiliman. BB 140.1
Nang pumasok si Jesus sa ilang, ay nalulukuban Siya ng kaluwalhatian ng Ama. Palibhasa'y buhos na buhos ang pakikipag-usap Niya sa Diyos, ay napaangat Siya sa ibabaw ng kahinaan ng tao. Datapwa't lumisan ang kaluwalhatian, at Siya'y naiwang nag-iisa upang makilaban sa tukso. Tumitindi ito sa Kaniya sa bawa't sandali. Ang likas ng Kaniyang pagkatao ay nanliit sa labanang naghihintay sa Kaniya. Sa loob ng apatnapung araw ay Siya'y nag-ayuno at nanalangin. Nanghihina at namamayat dahil sa gutom, lupaypay at nanlalambot dahil sa pag-aalaala, “ang Kaniyang mukha ay napakakatuwa kaysa kaninumang lalaki, at ang Kaniyang anyo ay lalong kumatuwa kaysa kaninuman sa mga anak ng mga tao.” Isaias 52:14. Ngayon ang pagkakataon ni Satanas. Inakala niyang madadaig na niya ngayon si Kristo. BB 140.2
Parang sagot sa mga panalangin ng Tagapagligtas, ay may dumating na isang nasa wangis ng isang anghel na buhat sa langit. Sinabi nitong may bilin sa kaniya ang Diyos na tapusin na ni Kristo ang Kaniyang pag-aayuno. Kung paanong inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pigilin ang kamay ni Abraham sa paghahandog kay Isaac, gayundin naman ang Ama ay nagsugo ng anghel upang pigilin Siya, yamang nasisiyahan sa pagiging-handa ni Kristo na pumasok sa landas na tigmak sa dugo; ito ang pasabing dinala kay Jesus. Namumutla sa gutom ang Tagapagligtas, at sabik na sabik Siya sa pagkain, nang biglang-biglang lumapit sa Kaniya si Satanas. Itinuro ng manunukso ang mga batong nagkalat sa ilang, na mga itsurang tinapay, at saka ito nagwika, “Kung Ikaw ay Anak ng Diyos, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” BB 140.3
Bagaman siya'y napakitang gaya ng isang anghel ng kaliwanagan, gayunma'y ipinagkanulo ng mga unang salitang ito ang kaniyang likas. “Kung Ikaw ay Anak ng Diyos.” Narito ang tusong mungkahi ng pag-aalinlangan. Kung gagawin ni Jesus ang iminumungkahi ni Satanas, iyon ay magiging pagtanggap sa alinlangan. Binabalak ng manunuksong daigin si Kristo sa paraang katulad din ng ginawa niya sa mag-asawa noong pasimula. Napakatuso ni Satanas nang lapitan niya si Eba doon sa Eden! “Tunay bang sinabi ng Diyos, Huwag kayong kakain ng bunga ng alinmang punungkahoy sa halamanan?” Genesis 3:1. Hanggang doo'y tama ang mga salita ng manunukso; subali't sa paraan ng kaniyang pagkakapagsabi niyon ay naroon ang lihim niyang pagkamuhi o paghamak sa mga salita ng Diyos. May nakapaloob doong tutol, may natatagong alinlangan sa banal na katotohanan. Sa isip ni Eba ay pinagsikapang ipasok ni Satanas ang kaisipan na hindi gagawin ng Diyos ang gaya ng Kaniyang sinabi; sapagka't ang pagkakait ng gayong napakagandang bunga ay kalaban ng Kaniyang pag-ibig at pagmamahal sa tao. Ganyan din sinisikap ngayon ng manunukso na ipasok sa loob ni Kristo ang sarili niyang tutol at alinlangan. “Kung Ikaw ay Anak ng Diyos.” Ang mga salitang ito ay pumupuno ng poot at kapaitan sa diwa niya. Ang tunog ng kaniyang pangungusap ay naghahayag ng lubos niyang di-paniniwala. Pakikitunguhan ba ng Diyos nang gayon ang Kaniyang sariling Anak? Pababayaan ba Niya Siya sa ilang na kasama ng mga hayop na ganid, na walang makain, walang mga kasama, walang kaaliwan? Iginigiit niya ang isipan na hinding-hindi ilalagay ng Diyos sa gayong kalagayan ang Kaniyang Anak. “Kung Ikaw ay Anak ng Diyos,” ipakita Mo ang Iyong kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpawi Mo sa Iyong matinding kagutuman. Ipag-utos Mo na ang batong ito ay maging tinapay. BB 141.1
Ang mga salitang buhat sa langit, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya Kong lubos na kinalulugdan” (Mateo 3:17), ay tumataginting pa sa mga pandinig ni Satanas. Datapwa't ipinasiya niyang papag-alinlanganin si Kristo sa patotoong ito. Ang salita ng Diyos ay siyang nakapagbigay katiyakan kay Kristo tungkol sa Kaniyang banal na misyon. Siya'y naparito upang mamuhay na isang tao sa gitna ng mga tao, at ang salitang iyon ang nagpahayag ng pagkakaugnay Niya sa langit. Ang layunin ni Satanas ay papag-alinlanganin Siya sa salitang iyon. Kung mauuga ang pagtitiwala ni Kristo sa Diyos, talos ni Satanas na kaniyang-kaniya na ang tagumpay sa buong labanan. Madadaig niya si Jesus. Inasahan niyang ang tindi ng pag-aalaala at ang malabis na pagkagutom, ay pipilit kay Kristo na mawalan ng pananampalataya sa Kaniyang Ama, at dahil dito ay gagawa Siya ng kababalaghan upang iligtas ang Kaniyang sarili. Kung ito ang ginawa Niya, nasira sana ang panukala ng pagliligtas. BB 142.1
Nang unang magkaharap sa paglalaban si Satanas at ang Anak ng Diyos, si Kristo ay siyang namuno sa mga hukbo ng langit; at si Satanas, na lider ng paghihimagsik sa langit, ay pinalayas. Ngayon ang kalagayan nila ay waring nabaligtad, kaya't sinasamantala ni Satanas ang kaniyang inaakalang kalamangan. Ang isa sa lalong makapangyarihan sa mga anghel, aniya, ay pinalayas sa langit. Ang anyo ni Jesus ay nagpapahiwatig na Siya ang pinalayas na anghel na iyon, na pinabayaan ng Diyos, at iniwan ng mga tao. Mapatitibayan ng isa ang sinasabi niyang siya'y Diyos sa, pamamagitan ng paggawa ng isang kababalaghan; “kung Ikaw ay Anak ng Diyos, ipag-utos Mo na ang batong ito ay maging tinapay.” Ang gayong gawa ng paglikha, iginigiit ng manunukso, ay magiging ganap na katibayan ng pagka-Diyos. At iyon ang tatapos sa labanan. BB 142.2
Hindi maatim ng loob ni Jesus na magwalang-kibo sa pinuno ng mga magdaraya. Datapwa't hindi na kailangang patunayan Niya kay Satanas na Siya nga ay Diyos, at hindi na rin kailangang ipaliwanag Niya kung bakit Siya nagpakababa. Kung susundin Niya ang hinihingi ng naghimagsik, ay wala namang pakikinabanging ikabubuti ng tao o ikaluluwalhati man ng Diyos. Kung ipaghalimbawang sinunod ni Kristo ang iminungkahi ng kaaway, ay sasabihin pa rin ni Satanas, Pagpakitaan Mo ako ng tanda upang ako'y maniwalang Ikaw ang Anak ng Diyos. Ang katibayan ay walang magagawa upang masira ang kapangyarihan ng paghihimagsik sa kaniyang puso. At hindi gagamit si Kristo ng kapangyarihan ng Diyos para sa sarili Niyang kapakinabangan. Naparito Siya upang magbata ng tuksong paris ng babathin natin, na iniiwanan tayo ng halimbawa ng pananampalataya at pagpapasakop. Ni sa pangyayaring ito o sa alinmang gumawa ng isa mang kababalaghan para sa sarili Niya. Lahat Niyang mga kahanga-hangang gawa ay pawang sa ikabubuti ng iba. Bagama't kilala na ni Jesus si Satanas buhat pa nang una, ay hindi Siya nagalit sa pakikipagtunggali rito. Palibhasa'y pinalakas Siya ng tinig na buhat sa langit, ay nanalig Siya sa pag-ibig ng Kaniyang Ama. Hindi Siya maaaring makipagkasundo sa tukso. BB 143.1
Ang isinagupa ni Jesus kay Satanas ay ang mga salita ng Kasulatan. “Nasusulat,” ang wika Niya. Ang sandatang panlaban Niya sa bawa't tukso ay ang salita ng Diyos. Humingi si Satanas kay Kristo ng isang kababalaghan bilang pinakatanda ng Kaniyang pagka-Diyos. Ngu- ni't ang lalong dakila sa lahat ng mga kababalaghan, ay ang matibay na pananalig sa “Ganito ang sabi ng Panginoon,” at iyan ay isang tanda na hindi malalabanan. Habang nagtitibay si Kristo sa ganitong pananalig, ay walang magagawa ang manunukso. BB 143.2
Nang si Kristo'y salakayin ng pinakamababangis na tukso ay noong Siya'y kasalukuyang napakahina. Kaya inakala ni Satanas na siya'y walang-salang mananaig. Sa ganito niya napanagumpayan ang mga tao. Ang mga malaon nang nakikilaban nang buong tapang sa panig ng katuwiran ay nangagapi nang humina ang kanilang lakas ng katawan at ng kalooban, at nang magbawa ang pananampalataya nila sa Diyos. Si Moises ay pagal sa apatnapung taong paglalakbay ng Israel sa ilang, nang makabitiw na sumandali ang kaniyang pananampalataya sa panghahawak sa walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos. Nagkulang siya nang sila'y nasa may hangganan na ng Lupang Pangako. Ganyan din si Elias, na hindi nangiming tumayo sa harap ni Haring Ahab, at sa harap ng buong bansang Israel, na pinamumunuan ng apat na raan at limampung propeta ni Baal. Pagkaraan noong kakila-kilabot na araw sa bundok ng Carmelo, nang pagpapatayin ang mga bulaang propeta, at manumpa naman ang bayan na susunod sa Diyos, ay tumakas si Elias dahil sa pagbabanta ni Jezebel sa kaniyang buhay. Sa ganyang paraan sinasamantala ni Satanas ang kahinaan ng mga tao. At sa ganyang paraan pa rin siya gagawa. Pagka ang tao'y nililigalig ng mga suliranin, nililito ng mga pangyayari, o dumaranas kaya ng karalitaan o kapighatin, lumalapit naman si Satanas upang manukso at mangyamot. Sinasalakay niya ang mahihinang bahagi ng ating likas. Inuuga niya ang ating tiwala sa Diyos, na siyang nagtutulot na mangyari ang ganyang mga bagay. Tinutukso niya tayo na huwag magtiwala sa Diyos, na pa alinlanganan ang Kaniyang pag-ibig. Malimit ay lumalapit sa atin ang manunukso na gaya nang lapitan niya si Kris- to, na iniisa-isa sa atin ang ating mga kahinaan at mga pagkukulang. Inaasahan niyang ito ang magpapahina sa ating loob, at magpapabitiw sa atin sa panghahawak sa Diyos. Kung magkagayo'y tiyak na niya ang kaniyang huli. Nguni't kung sasagupain natin Siya na gaya ng ginawa ni Jesus, marami tayong maiiwasang pagkatalo. Ang pakikipagkasundo sa kaaway ay nagbibigay sa kaniya ng kalamangan. BB 145.1
Nang sabihin ni Kristo sa manunukso, “Hindi lamang sa tinapay mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos,” ay inulit Niya ang mga salitang sinabi Niya sa Israel noong may sanlibo't apat na raang taon na ang nakararaan, na ang wika Niya'y ganito: “Pinatnubayan ka ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang. ... At ikaw ay pinapangumbaba Niya, at pinapagdamdam ka Niya ng gutom, at pinakain ka Niya ng mana, na hindi mo nakilala, ni nakilala man ng iyong mga magulang; upang Kaniyang maipakilala sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.” Deuteronomio 8:2, 3. Nang maubos na ang lahat ng pagkain sa ilang, ay nagpadala ang Diyos sa Kaniyang bayan ng mana buhat sa langit; at saganang mana ang ibinigay sa kanila. Binigyan sila nito upang sila'y turuan na pagka sila'y nagtitiwala sa Diyos at nagsisilakad sa Kaniyang mga daan ay hindi Niya pababa-yaan sila. Ngayon ay isinasagawa ng Tagapagligtas ang Kaniyang itinuro sa Israel noong araw. Sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay dumating ang saklolo sa bansang Hebreo, at sa pamamagitan ng salita ring iyan ay dara-ting din kay Jesus ang saklolo. Hinintay Niya ang pag-papadala ng Diyos ng saklolo. Siya'y nasa ilang dahil sa pagtalima sa Diyos, at hindi Niya ibig magkaroon ng pagkain sa pamamagitan ng pagtalima Niya sa mga mungkahi ni Satanas. Sa harap ng sumasaksing santinakpan, ay pinatunayan Niyang lalo pang mabuti ang magtiis ng anumang mangyayari kaysa humiwalay nang kahit bahagya sa kalooban ng Diyos. BB 146.1
“Hindi lamang sa tinapay mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salita ng Diyos.” Ang sumusunod kay Kristo ay madalas na sumasapit sa kalagayang hindi niya mapaglilingkuran ang Diyos at kasabay nito'y isasagawa pa niya ang kaniyang mga gawain sa sanlibutan. May pangyayari na dahil sa pag-alinsunod niya sa malinaw na utos ng Diyos ay parang mawawalan siya ng hanapbuhay. Dito'y pinapaniniwala siya ni Satanas na kailangan niyang talikdan o isakripisyo ang kaniyang banal na paniniwala. Nguni't ang totoo'y wala tayong maaaring asahan sa ating sanlibutan kundi ang salita ng Diyos. “Hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos, at ang Kaniyang katwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Mateo 6:33. Maging sa buhay na ito ay hindi natin ikabubuti ang humiwalay sa kalooban ng ating Amang nasa langit. Sa sandaling makilala natin ang kapangyarihan ng Kaniyang salita, ay hindi na natin susundin ang mga mungkahi ni Satanas sa paghanap ng ating pagkain o sa pagliligtas ng buhay. Sapat nang itanong lamang natin, Ano ba ang iniuutos ng Diyos? at ano ang Kaniyang pangako? Kung nalalaman natin ito, ay tatali-mahin natin ang Kaniyang utos, at paniniwalaan ang Kaniyang pangako. BB 147.1
Sa huling malaking pakikilaban kay Satanas ay maki-kita ng mga tapat sa Diyos na mapuputol at ipagkakait sa kanila ang mga pantaguyod nila sa lupa. Sapagka't ayaw nilang sundin ang utos ng mga kapangyarihan sa lupa na suwayin nila ang kautusan ng Diyos, sila'y pagbabawalang bumili o magbili. Sa katapus-tapusan ay ipaguutos na sila'y pagpapatayin. Tingnan ang Apoealipsis 13:11-17. Nguni't ganito ang pangako sa masunurin, “Siya'y tatahan sa mataas: ang kaniyang dakong sanggala-ngan ay ang mga katibayan na malalaking bato: ang kaniyang tinapay ay mabibigay sa kaniya; ang kaniyang tubig ay sagana.” Isaias 33:16. Ang pangakong ito ang bubuhay sa mga anak ng Diyos. Pagka ang lupa'y sinasalanta ng gutom, sila'y may kakanin. “Hindi sila mangapapahiya sa panahon ng kasamaan: at sa mga kaarawan ng kagutom ay mangabubusog sila.” Awit 37:19. Iyan ang panahon ng kadalamhatiang hinintay ni propeta Habakuk, at ang mga salita niya'y nagpapahayag ng pananampalataya ng iglesya: “Sapagka't bagama't ang puno ng igos ay hindi mamumulaklak, ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas; ang bunga ng olibo ay maglilikat, at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay mahihiwalay sa kulu-ngan, at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan: gayunma'y magagalak ako sa Panginoon, ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.” Habakuk 3: 17, 18. BB 147.2
Ang pinakamahalaga sa lahat ng mga aral na makukuha sa unang dakilang tukso sa ating Panginoon ay ang tungkol sa pagpipigil sa mga gana sa pagkain at sa mga pita ng damdamin. Sa lahat ng kapanahunan, ang mga tuksong tumatawag sa mga hilig ng laman ay siyang pinakamabisa sa pagpapasama at pagpapahina sa mga tao. Ang di-pagpipigil ay siyang paraan ni Satanas upang masira niya ang isip at ang mararangal na kaugaliang ibinigay ng Diyos sa mga tao bilang pinakamahalagang kaloob. Sa ganito ay hindi tuloy napahahalagahan ng mga tao ang mga bagay na may walang-hanggang kahalagahan. Dahil sa pagkabuyo sa kalibugan at kahalayan ng laman, ay nagagawa ni Satanas na mapawi niya sa kaluluwa ng tao ang bawa't bakas ng pagiging-kawangis ng Diyos. BB 148.1
Ang di-pagpipigil at ang sakit at kahirapang ibinunga nito noong unang pumarito si Kristo ay muling lilitaw, na may lalong masidhing kasamaan, bago Siya pumarito sa ikalawa. Sinasabi ni Kristo na ang kalagayan ng sanlibutan ay magiging gaya noong mga araw na bago dumating ang Gunaw, at tulad sa panahon ng Sodoma at Gomora. Ang bawa't haka ng puso ay magiging masamang parati. Nabibingit na tayo ngayon sa kakila-kilabot na panahong iyan, kaya dapat nating isapuso ang aral na itinuturo ng ayuno ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan lamang ng di-masambit na kadalamhatiang tiniis ni Kristo maaari nating makuro ang sama ng lubos na pagpapakalayaw. Ang ibinigay Niyang halimbawa ay nagpapakilala na ang tangi nating pag-asa sa buhay na walang-hanggan ay ang isuko sa kalooban ng Diyos ang ating mga gana sa pagkain at ang mga pita ng laman. BB 148.2
Sa sarili nating lakas ay hindi natin mapipigil ang mga hilig ng ating makasalanang likas. Sa pamamagitan nito tutuksuhin tayo ni Satanas. Alam ni Kristo na lalapit ang kaaway sa bawa't tao, upang samantalahin ang kahinaang ito na ating minana, at sa pamamagitan ng kaniyang pagsisinungaling o mga bulaang pama-marali ay kaniyang sisiluin at dadayain ang lahat ng di-nagtitiwala sa Diyos. Nguni't sa pamamagitan ng paglakad sa daang dapat lakaran ng mga tao, ay inihanda ng Panginoon ang daan upang tayo'y managumpay. Hindi Niya ibig na tayo'y malamangan ni Satanas sa ating pakikilaban dito. Hindi Niya ibig na tayo'y matakot o masiraan ng loob sa mga pagsalakay ng ahas. “Laksan ninyo ang inyong loob,” wika Niya, “Aking dinaig ang sanlibutan.” Juan 16:33. BB 149.1
Ang sinumang nakikipaglaban sa kapangyarihan ng gana o panlasa ay dapat tumingin sa Tagapagligtas na tinukso doon sa ilang. Masdan ninyo ang paghihirap Niya doon sa krus, nang Siya'y sumigaw ng, “Ako'y nau-uhaw.” Tiniis Niya ang lahat ng maaaring babathin natin. Atin ang Kaniyang tagumpay. BB 149.2
Si Jesus ay umasa sa dunong at lakas ng Kaniyang Amang nasa langit. Ang wika Niya, “Tutulungan Ako ng Panginoong Diyos; kaya't hindi Ako malilito: ... at talastas Ko na hindi Ako mapapahiya.... Narito, tutulungan Ako ng Panginoong Diyos.” Itinuturo ang sarili Niyang halimbawa, ganito ang sinasabi Niya sa atin, “Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon, ... na luma-lakad sa kadiliman, at walang liwanag? Magtiwala siya sa pangalan ng Panginoon, at umasa siya sa kaniyang Diyos.” Isaias 50:7-10. BB 149.3
“Dumarating ang prinsipe ng sanlibutang ito,” wika ni Jesus, “at siya'y walang anuman sa Akin.” Juan 14:30. Sa Kaniya ay walang anumang bagay na tumutugon sa madadayang salita ni Satanas. Hindi Siya pumayag na magkasala. Ni sa isip man ay hindi Siya sumuko sa tukso. Iyan din sana ang mangyari sa atin. Ang pagkatao ni Kristo ay nalakip sa Diyos; ang pagtira sa Kaniya ng Espiritu Santo ay naghanda sa Kaniya sa pakikilaban. At naparito Siya upang gawin tayong mga kaba-hagi ng likas ng Diyos. Kaya habang tayo'y nakikiisa sa Kaniya sa pananampalataya, ay wala nang kapang-yarihan pa ang kasalanan sa atin. Inaabot ng Diyos ang kamay ng sumasampalataya upang pahigpitin ang hawak nito sa pagka-Diyos ni Kristo, upang sa gayo'y maabot natin ang kasakdalan ng likas. BB 150.1
At ipinakilala sa atin ni Kristo kung paano ito mang-yayari. Sa pamamagitan ng anong bagay nanagumpay Siya sa pakikilaban kay Satanas? Sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Tanging sa pamamagitan lamang ng salita nalabanan Niya ang tukso. “Nasusulat,” wika Niya. At sa atin ay ibinigay ang “mahahalaga at napakadakilang pangako: upang sa pamamagitan ng mga ito ay mangakabahagi kayo sa kabanalang mula sa Diyos, yamang nangakatanan sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masasamang pita.” 2 Pedro 1:4. Ang bawa't panga-kong nasa salita ng Diyos ay sa atin. Tayo'y mabubuhay “sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Kapag sinasalakay ng tukso, huwag ninyong tingnan ang mga pangyayari o ang kahinaan man ng inyong sarili, kundi ang tingnan ninyo ay ang kapangyarihan ng salita ng Diyos. Ang buong kapangyarihan nito ay inyo. “Ang salita mo,” sabi ng mang-aawit, “ay aking iningatan sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa Iyo.” “Sa pamamagitan ng salita ng Iyong mga labi ay naingatan ko ang aking sarili na malayo sa mga landas ng maninira.” Awit 119:11; 17:4. BB 150.2