Bukal Ng Buhay

14/89

Kabanata 13—Ang Tagumpay

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 4:5-11; Marcos 1:12, 13; Lukas 4:5-13.

“Nang magkagayo'y dinala Siya ng diyablo sa Bayang Banal, at inilagay Siya sa taluktok ng templo, at sa Kaniya'y sinabi, Kung Ikaw ay Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka: sapagka't nasusulat— BB 152.1

“Siya'y magbibilin sa Kaniyang mga anghel tungkol sa Iyo:
At aalalayan Ka ng kanilang mga kamay,
Baka matisod ang Iyong paa sa isang bato.”
BB 152.2

Inaakala ni Satanas na ngayon ay patas na ang laban nila ni Jesus. Inihaharap ngayon ng tusong kaaway ang mga salitang nagbubuhat sa bibig ng Diyos. Ang anyo pa rin niya ay gaya ng isang anghel ng kaliwanagan, at ipinahahalata niyang kaniyang nasasaulo ang mga Kasulatan, at natatarok ang kahulugan ng nasusulat. Kung paanong sa pasimula'y ginamit ni Jesus ang salita ng Diyos upang alalayan ang Kaniyang pananampalataya, ngayon nama'y ginagamit ito ng manunukso upang ipasok ang kaniyang pagdaraya. Sinabi niyang sinusubok lamang niya ang katapatan ni Jesus, at ngayo'y pinu-puri niya ang tibay sa pagkamatapat Nito. Yamang ang Tagapagligtas ay nagpakita na ng tiwala sa Diyos, iginigiit ni Satanas na dapat Siyang magbigay ng isa pang katunayan ng Kaniyang pananampalataya. BB 152.3

Nguni't muli na namang ang pambungad ng tukso ay nagpapahiwatig ng di-pagtitiwala, “Kung Ikaw ay Anak ng Diyos.” Natukso si Kristong sagutin ang “Kung;” nguni't nagpigil Siya sa pinakabahagyang pagtanggap sa alinlangan. Hindi Niya isasapanganib ang buhay Niya upang mabigyan lamang si Satanas ng katunayan. BB 153.1

Inisip ng manunukso na samantalahin ang pagigingtao ni Kristo, at inuudyukan Itong maghambog. Subali't bagaman si Satanas ay maaaring manghibo o manlalamuyot, hindi naman siya makapamimilit na ang isa'y papagkasalahin. “Magpatihulog Ka,” wika niya kay Jesus, palibhasa'y alam niyang hindi niya Ito maihuhulog; sapagka't hahadlang ang Diyos upang iligtas Ito. Ni hindi rin naman niya mapipilit si Jesus na magpatihulog. Malibang si Kristo'y pumayag sa tukso, ay hindi Siya madadaig. Ni ang buong kapangyarihan ng sanlibutan o ng impiyerno man ay hindi makapipilit sa Kaniya bahagya man na lumihis sa kalooban ng Kaniyang Ama. BB 153.2

Hinding-hindi tayo mapipilit ng manunukso na gumawa ng masama. Hindi niya masusupil ang isip na hindi isinusuko sa kaniya. Dapat munang sumuko ang kalooban, dapat munang bumitiw kay Kristo ang pananampalataya, bago siya magkaroon ng kapangyarihan sa atin. Subali't bawa't masamang hangad na iniimpit at inaalagaan sa kalooban ay nagbibigay ng lugar kay Satanas. Sa bawa't bahaging tayo'y hindi umaabot sa pamantayan ng Diyos ay isang pinto ang nabubuksan na pinapasukan niya upang tayo'y tuksuhin at ipahamak. At bawa't pagkabigo o pagkadaig natin ay nagbibigay sa kaniya ng pagkakataong makutya niya si Kristo. BB 153.3

Nang ulitin ni Satanas ang pangakong, “Siya'y magbibilin sa Kaniyang mga anghel tungkol sa Iyo,” ay sadyang kinaligtaan niya ang mga salitang, “upang ingatan Ka sa lahat ng Iyong mga lakad;” samakatwid baga'y sa lahat ng mga lakad na pinipili ng Diyos. Tumanggi si Jesus na lumakad sa labas ng landas ng pagtalima. Samantalang ipinakikita Niya ang lubos na tiwala sa Kaniyang Ama, ay hindi naman Niya mailalagay ang sarili Niya sa isang kalagayang pilit na kakailanganin ang pamamagitan ng Kaniyang Ama upang Siya'y iligtas sa kamatayan, maliban na lamang kung ito ang malinaw na bilin sa Kaniya. Hindi Niya pipilitin ang Diyos na iligtas Siya, sapagka't hindi ito magbibigay sa tao ng halimbawa ng pagtitiwala at pagpapasakop. BB 153.4

Sinabi ni Jesus kay Satanas, “Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.” Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa angkan ni Israel nang sila'y mauhaw sa ilang, at nang atasan nila si Moises na sila'y bigyan ng tubig na maiinom, na sinasabi, “Ang Panginoon ba'y nasa gitna natin, o wala?” Exodo 17:7. Gumawa ang Diyos ng kamangha-mangha para sa kanila; nguni't sa sandali ng kabagabagan ay pinag-alin-langanan nila Siya, at humingi sila ng katunayang Siya ay kasama nila. Sa pag-aalinlangan nila ay sinikap nilang subukin Siya. At iyan din ang iginigiit ni Satanas na gawin ni Kristo. Pinatunayan na ng Diyos na si Jesus ay Kaniyang Anak; at kung ngayon ay hihingi pa ng katunayang Siya nga ay Anak ng Diyos ay magiging pagsubok na iyan sa salita ng Diyos—pagtukso na iyan sa Kaniya. Katulad din iyan nang paghingi niyong hindi ipinangako ng Diyos. Magpapakilala iyan ng di-pagtitiwala, at magiging katumbas din ng tunay na pagsubok, o pagtukso sa Kaniya. Hindi natin dapat iharap sa Diyos ang ating mga kahilingan upang subukin kung tutupdin Niya ang Kaniyang salita, kundi sapagka't tutupdin nga Niya; hindi upang subukin kung tayo'y minamahal Niya, kundi sapagka't minamahal nga Niya tayo. “Kung walang pananampalataya ay hindi maaaring maging kalugod-lugod sa Kaniya; sapagka't ang lumapit sa Diyos ay dapat sumamplatayang may Diyos, at Siya ang tagapagbigay-ganti sa mga sa kaniya'y nagsisihanap.” Hebreo 11:6. BB 154.1

Nguni't ang pananampalataya ay hindi natutulad sa pagyayabang. Ang taong may tunay na pananampalataya ay siya lamang hindi madadala ng pagyayabang. Dahil sa ang pagyayabang ay siyang inihahalili ni Satanas sa pananampaltaya. Ang pananampalataya ay nanghahawak sa mga pangako ng Diyos, at nagbubunga ng pagtalima. Ang kayabangan ay nanghahawak din sa mga pangako ng Diyos, subali't ginagamit ito na dahilan sa paglabag, gaya ng ginawa ni Satanas. Ang pananampalataya ang dapat sanang umakay sa ating unang mga magulang na pagtiwalaan ang pag-ibig ng Diyos, at sundin ang Kani yang mga utos. Nguni't pagyayabang ang umakay sa kanila na salansangin ang kautusan ng Diyos, sa paniniwalang dahil sa malaki Niyang pag-ibig sa kanila ay di-maaaring hindi Niya sila iligtas sa mga ibubunga ng kanilang pagkakasala. Hindi matatawag na pananampalataya iyong umaasa sa awa ng Diyos samantalang hindi naman gina-ganap ang mga kondisyong pinagbabatayan ng pagkaka-loob ng ganyang awa. Ang kinasasaligan ng tunay na pananampalataya ay ang mga pangako at mga tagubilin ng mga Kasulatan. BB 155.1

Madalas na pagka si Satanas ay nabibigong tayo'y papag-alinlanganin, nagtatagumpay naman siya sa pagpapayabang sa atin. Kung magagawa niyang tayo ay kusang lumagay sa daan na tayo'y matutukso, ay natitiyak niyang kaniya ang tagumpay. Iingatan ng Diyos ang lahat na lumalakad sa daan ng pagtalima; nguni't ang paghiwalay sa daang iyan ay pangahas na pakikipanig kay Satanas. Diyan ay tiyak tayong mabubuwal. Tayo'y pinagbilinan ng Tagapagligtas, “Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.” Mareos 14:38. Pagbubulay at pananalangin ang pipigil sa atin upang huwag tayong pumasok sa daan ng panganib, at sa gayon ay makaiiwas tayo sa maraming pagkatalo. BB 155.2

Gayunma'y hindi tayo dapat mawalan ng loob pagka tayo'y sinasalakay ng tukso. Malimit na pagka tayo'y nalalagay sa gipit na katayuan, ay ating naiisip na baka hindi na tayo inaakay ng Espiritu ng Diyos. Datapwa't ang Espiritu nga ng Diyos ang naghatid kay Jesus sa ilang upang Siya'y tuksuhin doon ni Satanas. Kapag inihahatid tayo ng Diyos sa pagsubok, ay mayroon Siyang pinapanu-kalang sa ikabubuti natin. Hindi pinangahasan ni Jesus na sadyang pumasok sa tukso dahil sa Siya'y naniniwala sa mga pangako ng Diyos, ni hindi rin Siya nanlumo nang dumating na sa Kaniya ang tukso. Tayo man ay hindi dapat manlumo. “Tapat ang Diyos, na hindi Niya titiisin na kayo ay tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip ng tukso ay gagawa naman Siya ng paraan ng pagiwas, upang ito'y inyong matiis.” Sinasabi Niyang, “Ihandog mo sa Diyos ang haing pasasalamat; at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan: at tumawag ka sa Akin sa kaarawan ng kabagabagan: ili-ligtas kita, at iyong luluwalhatiin Ako.” 1 Corinto 10:13; Awit 50:14, 15. BB 156.1

Si Jesus ang nagwagi sa ikalawang tukso, at ngayo'y kusang ibinubunyag ni Satanas ang tunay niyang likas. Nguni't hindi siya nagpapakitang gaya ng isang nakatata-kot na halimaw na may mga paa't pakpak na tulad ng sa paniki. Siya ay isang makapangyarihang anghel, bagama't nagkasala. Inaamin niyang siya ang pinuno ng mga naghimagsik at diyos ng sanlibutang ito. BB 156.2

Nang si Jesus ay mailagay ni Satanas sa tuluktok ng mataas na bundok, ay ipinamalas ni Satanas sa harap Niya ang buong kagandahan at kaluwalhatian ng mga kaharian sa sanlibutan. Ang sikat ng araw ay tumatama sa mga templo ng siyudad, sa mga palasyong marmol, sa matatabang bukirin, at sa mga parang na hitik sa bunga. Nakukubli ang mga bakas ng kasamaan. Ang mga mata ni Jesus, na kapanggagaling lamang sa dilim at kalungkutan ng ilang, ay nagmamalas ngayon sa di-napapantayang tanawin ng kagandahan at kasaganaan. Pagkatapos ay narinig ang tinig ng manunukso: “ Ang lahat ng kapangyarihang ito, at pati ng buong kaluwalhatian nila ay ibibigay ko sa Iyo: sapagka't mga naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig. Kaya nga kung sasambahin Mo ako, ay magiging Iyo ang lahat.” BB 156.3

Sa pamamagitan lamang ng paghihirap mangyayaring maganap ni Kristo ang Kaniyang layunin. Nakalagay sa harap Niya ang isang kabuhayan ng kadalamhatian, kahirapan, pakikilaban, at kaaba-abang kamatayan. Papasanin Niya ang mga kasalanan ng buong sanlibutan. Ba-bathin Niya ang pagkahiwalay sa pag-ibig at pagmamahal ng Ama. Ngayon ay kusang ibinibigay ng manunukso ang kapangyarihang inagaw nito. Maililigtas ni Kristo ang sarili Niya sa kakila-kilabot na hinaharap kung kikilala-nin lamang Niya ang pagka-panginoon ni Satanas. Nguni't kung gagawin ito ni Kristo ay nangangahulugang nagpa-patalo na Siya sa malaking tunggalian. Ang pagpipilit ni Satanas na mataasan ang Anak ng Diyos ay siyang ipinagkasala nito sa langit. Kung ngayo'y magwawagi ito, ay ma-giging tagumpay ng himagsikan. BB 157.1

Nang sabihin ni Satanas kay Kristo na, Ang kaharian at kaluwalhatian ng sanlibutan ay naibigay na sa akin, at ibibigay ko kung kanino ko ibig, ay bahagi lamang ng katotohanan ang sinabi niya, at sinabi niya ito upang siya'y makalinlang. Ang kapamahalaan ni Satanas ay yaong inagaw niya kay Adan, nguni't si Adan ay katiwala lamang ng Maykapal. Samakatwid ang pamumuno ni Adan ay hindi sa kaniya. Ang lupa ay sa Diyos, at ang lahat ng bagay ay ipinagkatiwala ng Diyos sa Kaniyang Anak. Si Adan ay mamumuno sa ilalim ng kapangyarihan ni Kristo. Nang isuko ni Adan ang kaniyang pamamahala sa mga kamay ni Satanas, ay nanatili pa rin kay Kristo ang pagiging tunay na Hari. Kaya nga nasabi ng Panginoon kay Haring Nabukodonosor, “Ang Kataas-taasan ay nagpupuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay Niya ito sa kanino mang kaniyang ibigin.” Daniel 4:17. Magagamit ni Satanas ang kaniyang inagaw na kapangyarihan nang alinsunod lamang sa kapahintulutan ng Diyos. BB 157.2

Nang ialok ng manunukso kay Kristo ang kaharian at kaluwalhatian ng sanlibutan, ay para niyang iminungkahi na isuko na ni Kristo ang Kaniyang pagiging tunay na hari ng sanlibutan, at tagapamahala na lamang sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito rin nga ang kapamahalaang pinagsaligan ng mga Hudyo ng kanilang pag-asa. Ninasa nila ang kaharian ng sanlibutang ito. Kung pumayag si Kristo na maialok sa kanila ang gayong kaharian, ay buong puso sanang tinanggap nila Siya. Nguni't nakapataw doon ang sumpa ng kasalanan, kasama ang lahat nitong kahirapan at kadustaan. Sinabi nga ni Kristo sa manunukso, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas: sapagka't nasusulat, Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.” BB 158.1

Isang naghimagsik sa langit ang nag-alok kay Kristo ng lahat ng mga kaharian ng sanlibutang ito, upang bilhin ang Kaniyang paggalang sa mga simulain ng kasamaan; nguni't hindi Siya maaaring bilhin; Siya'y naparito upang magtatag ng isang kaharian ng katwiran, at hindi maaaring hindi Niya ituloy ang Kaniyang panukala. Ganyan din ang tuksong iniuulok ni Satanas sa mga tao, at sa kanila'y lalong madali siyang magtatagumpay kaysa kay Kristo. Iniaalok niya sa mga tao ang kaharian ng sanlibutang ito kung kikilalanin nila siya na kanilang panginoon. Hinihingi niya na iwan nila ang kanilang karangalan, huwag pansinin ang kanilang budhi, at magpakagumon sa kasakiman. Pinagbibilinan sila ni Kristo na hanapin muna nila ang kaharian ng Diyos at ang Kaniyang katwiran; nguni't lumalapit si Satanas sa kanilang piling at sa kanila'y ibinubulong: Kung totoo man iyan sa buhay na walang-hanggan, sa sanlibutan namang ito ay dapat kang maglingkod sa akin upang ikaw ay magtagumpay. Hawak ko ang tagumpay at kaligayahan. Mabibigyan kita ng mga kayamanan, mga kalayawan, karangalan, at kaligayahan. Dinggin mo ang aking payo. Huwag kang padala sa kung anu-anong mga sabi-sabi na maging tapat o mapagsakripisyo. Ako ang maghahanda ng daang lalakaran mo. Sa ganyang paraan nadadaya ang mga karamihan. Umaayon silang mabuhay na sarili ang pinaglilingkuran, at nasisiyahan si Satanas. Samantalang inaakit niya sila na kanilang asahan ang maging panginon ng sanlibutan, siya naman ang nagiging panginoon ng kanilang kaluluwa. Datapwa't ang iniaalok niyang ibibigay ay iyong hindi kaniya, at malapit nang bawiin sa kaniya. At bilang kapalit ng alok na ito ay sinasamsam niya ang kanilang titulo sa mana ng mga anak ng Diyos. BB 158.2

Pinag-alinlanganan ni Satanas kung si Jesus ay Anak ng Diyos. Nguni't ang pagpapalayas sa kaniya ay isang katibayang hindi niya mapabubulaanan. Ang pagka-Diyos ay nagliwanag sa nanghihinang katawan ni Kristo. Walang kapangyarihan si Satanas na labanan ang pag-uutos. Sa matinding kahihiyan at kagalitan, siya'y napilitang umurong sa harap ng Manunubos sa sanlibutan. Naging lubos ang tagumpay ni Kristo na paris din ng pagiging lubos ng pagkatalo ni Adan. BB 159.1

Kaya malalabanan din natin ang tukso, at mapapalayas natin si Satanas. Nakamtan ni Jesus ang tagumpay nang Siya'y pasakop at sumampalataya sa Diyos, at sa pamamagitan ng apostol ay sinabi Niya sa atin, “Pasakop nga kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo, at siya'y tatakas sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at Siya'y lalapit sa inyo.” Santiago 4:7, 8. Hindi natin maililigtas ang ating sarili sa kapangyarihan ng manunukso; dinaig niya ang sangkatauhan, at kung mananayuan tayo sa sarili nating lakas, ay magiging talun-talunan tayo ng bala niyang lalang; subali't “ang pangalan ng Panginoon ay isang matibay na moog: nanganganlong doon ang matwid at naliligtas.” Kawikaan 18:10. Si Satanas ay nanginginig at tumatakas sa harap ng pinakamahinang taong nanganganlong sa makapangyarihang pangalang yaon. BB 159.2

Nang makalayas na ang kaaway, ay nalugmok si Jesus sa lupa na walang kalakas-lakas, at animo patay ang Kaniyang mukha. Pinanood ng mga anghel sa langit ang labanan, at nakita nila ang pinakamamahal nilang Pangulo nang Siya'y dumaan sa katakut-takot na kahirapan upang maihanda lamang ang daang ating matatakasan. Binata Niya ang pagsubok, na lalong higit kaysa maaaring mabata natin. At samantalang nakahandusay ang Anak ng Diyos na tulad sa patay, ay dumating ang mga anghel at naglingkod sa Kaniya. Siya'y pinalakas sa pamamagitan ng pagdulot sa Kaniya ng pagkain, na inaliw ng pasabing Siya'y pinakamamahal ng Ama at ng katiyakang ang buong kalangitan ay nagtagumpay na kasama Niya. At nang Siya'y mahimasmasan, ang Kaniyang dakilang puso ay nagpatuloy sa pagmamahal sa mga tao, at sa pagtapos sa gawaing Kaniyang pinasimulan; at hindi Siya magpapahinga hanggang sa malipol Niya ang kaaway, at matubos Niya ang ating lahing nahulog sa pagkakasala. BB 160.1

Di-kailanman mapaghuhulo ang halaga ng pagkatubos sa atin kundi pagka tumayo na ang mga tinubos na kasama ng Manunubos sa harapan ng luklukan ng Diyos. At pagka ang mga kaluwalhatian ng walang-hanggang tahanan ay nahayag na sa ating naliligayahang mga diwa ay saka pa lamang natin maaalaala, na iniwan ni Jesus ang lahat ng ito dahil sa atin, na hindi lamang nilisan Niya ang langit, kundi dahil sa atin ay isinapanganib ang sarili Niyang buhay. Sa panahon ngang yaon ay ila-lapag sa Kaniyang paanan ang ating mga korona o putong, at ibubulalas ang awit na, “Karapat-dapat ang Korderong pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at kayamanan, at karunungan, at kalakasan, at kapurihan, at kaluwalhatian, at pagpapala.” Apocalipsis 5:12. BB 160.2