Bukal Ng Buhay

12/89

Kabanata 11—Ang Pagbibinyag

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 3:13-17: Marcos 1:9-11; Lukas 3:21, 22.

Lumaganap sa buong Galilea ang mga balitang may propetang nasa ilang na may kahanga-hangang ipinapahayag. Umabot ang balita sa mga tagabukid na nasa kalayu-layuang mabuburol na nayon, at sa mga mangingisdang nasa tabi ng dagat, at sa mga karaniwang taong ito, na may mga tapat na puso ay nakasumpong ng pinakatunay na pagtugon. Umabot ito sa Nazarethisa pagawaan ni Jose, at may Isa roong nakarinig at nakakilala sa panawagan. Dumating na ang Kaniyang panahon. Pagkaiwan Niya sa Kaniyang pang-araw-araw na gawain, ay nagpaalam Siya sa Kaniyang ina, at sumunod sa mga kababayan Niyang humuhugos ng pagtungo sa Jordan. BB 127.1

Si Jesus at si Juan ay magpinsan, at magkahawig din ang mga pangyayaring nauukol sa pagkapanganak sa kanila; gayunma'y hindi pa sila mukhaang nagkakakilala. Si Jesus ay lumaki sa Nasaret ng Galilea; si Juan naman ay sa ilang ng Judea. Nabuhay silang magkabukod at tahimik, na nasa gitna ng lubhang magkaibang mga kapaligiran, at hindi nagkakabalitaan sa isa't isa. Ito ay sadyang itinalaga ng Diyos. Hindi dapat magkaroon ng anumang pagkakataon na bumangon ang anumang bintang o hinala na sila'y nagsabuwatan upang katigan ang mga inaangkin ng isa't isa sa kanila. BB 127.2

Talastas ni Juan ang mga bagay na nangyari noong ipanganak si Jesus. Nabalitaan niya ang pagdalaw Nito sa Jerusalem noong Ito ay bata pa, at pati ang nangyari sa loob ng paaralan ng mga rabi. Batid niya ang walang-bahid-kasalanang buhay Nito, at siya'y naniwalang Ito nga ang Mesiyas; lamang ay wala siyang tiyak na katunayan. Ang pangyayaring si Jesus ay malaong nakubli, na hindi nagpakita ng tanging katunayang Siya ay may misyon, ay lumikha ng alinlangang baka hindi Siya ang Ipinangakong Mesiyas. Datapwa't may pananampalatayang naghintay si Juan, na naniniwalang balang araw ay ihahayag ng Diyos ang lahat nang alinsunod sa Kaniyang mabuting kalooban. Inihayag sa kaniya ng Espiritu na pabibinyag sa kaniya ang Mesiyas, at isang tanda ng banal na likas Nito ang ibibigay sa kaniya. Sa gayon ay maipakikilala niya Ito sa mga tao. BB 128.1

Nang lumapit na si Jesus upang pabinyag, nakilala agad ni Juan na Ito ay may dalisay na likas na di-kailanman niya nakita sa kaninumang tao. Ang mismong impluwensiya ng pagiging-naroroon Nito ay banal at naguudyok ng pangingimi't pamimitagan. Sa gitna ng maraming taong dumagsa kay Juan sa Jordan, ay narinig niya ang masasamang balita ng krimen, at may nakausap din siya na mga taong hukot na sa bigat ng pinapasang dimabilang na mga kasalanan; nguni't hinding-hindi pa siya nakakakita ng taong parang may gayuma o impluwensiya ng kabanalan. Ang lahat ng mga bagay na ito ay katugma ng mga inihayag kay Juan tungkol sa Mesiyas. Gayon pa ma'y natigilan siya sa hinihiling ni Jesus. Siya, na isang makasalanan, ay paano nga makapagbibinyag sa Isang Walang-kasalanan? At bakit nga Itong hindi nangangailangan ng pagsisisi ay paiilalim sa isang rito na ang ibig sabihin ay pagkukumpisal at paghuhugas ng kasalanan? BB 128.2

Nang hilingin ni Jesus na Siya ay binyagan, ay napaurong si Juan, at napabulalas, “Ako nga ang kailangang mabinyagan Mo, at Ikaw ang naparirito sa akin?” Matatag nguni't mabanayad ang sagot ni Jesus, “Payagan mo ngayon, sapagka't iyan ang kailangan sa ating pagtupad ng buong katwiran.” Nang magkagayo'y sumang-ayon si Juan, at inakay niya ang Tagapagligtas sa paglusong sa Jordan, at doo'y inilubog niya Ito sa tubig. “At karakarakang makaahon” si Jesus “sa tubig, ay nakita Niyang nabuksan ang mga langit, at ang Espiritu ng Diyos ay bumababa sa Kaniya na tulad sa isang kalapati.” BB 128.3

Si Jesus ay hindi tumanggap ng binyag nang dahil sa inaamin Niyang Siya ay makasalanan. Nakitulad Siya sa mga makasalanan, na ginawa ang mga hakbang na dapat nating gawin, at ginanap ang gawaing kailangan nating gawin. Ang matiisin Niyang kabuhayan pagkatapos na Siya'y mabinyagan ay isa ring halimbawa sa atin. BB 130.1

Nang makaahon na si Jesus sa tubig, ay lumuhod Siya sa may pampang at nanalangin. Isang bago at mahalagang panahon ang napapaharap sa Kaniya. Nakabungad na Siya ngayon sa lalong malawak na pakikitunggali. Bagaman Siya ay Prinsipe ng Kapayapaan, ang pagdating Niya ay natutulad sa pagbunot ng isang tabak. Ang kahariang itatatag Niya sa Kaniyang pagparito ay katuwas ng inaasahan ng mga Hudyo. Siya na kinasasa-ligan ng rituwal at kabuhayan ng Israel ay ituturing na kaaway at maninira. Siya na nagpahayag ng kautusan doon sa bundok ng Sinai ay hahatulang isang mananalansang. Siya na naparito upang sirain ang kapangyarihan ni Satanas ay tutuligsaing Beelzebub. Wala isa mang tao sa lupa na nakaunawa sa Kaniya, at sa panahon ng Kaniyang ministeryo ay kinailangan pa rin Niyang lumakad na mag-isa. Ang Kaniyang layunin ng pagparito ay hindi naunawaan ng Kaniyang ina at ng Kaniyang mga kapatid. Ang mga alagad man Niya ay hindi rin nakaunawa sa Kaniya. Tumahan Siya sa walang-hanggang liwanag, na kasama-sama ng Diyos, subali't ang buhay Niya sa lupa ay gugugulin sa pag-iisa. BB 130.2

Palibhasa'y nakiisa Siya sa atin, dapat Niyang pasanin ang bigat ng ating kasalanan at kahirapan. Dapat maramdaman ng Isang Di-nagkasala ang kahihiyan ng kasalanan. Ang maibigin sa kapayapaan ay dapat mamalaging kasama-sama ng kaimbihan. Bawa't kasalanan, bawa't pagtatalo, bawa't marungis na pitang bunga ng pagsalansang, ay mga pasakit sa Kaniyang diwa. BB 131.1

Mag-isa Siyang lalakad; mag-isa Siyang papasan. Siyang naghubad ng kaluwalhatian at tumanggap ng kahinaan ng tao ay sa Kaniya nakasalalay ang katubusan ng sanlibutan. Kaniyang nakita at naramdaman ang lahat, nguni't nanatiling matibay ang Kaniyang pasiya. Sa Kaniyang bisig napasalig ang kaligtasan ng sangkatauhang nagkasala, at iniunat Niya ang Kaniyang kamay upang hawakan ang kamay ng Makapangyarihang Pag-ibig. BB 131.2

Parang naglalagos hanggang langit ang paningin ng Tagapagligtas habang ibinubuhos Niya ang Kaniyang diwa sa pananalangin. Alam na alam Niyang pinatigas ng kasalanan ang puso ng mga tao, at mahirap na makilala nila ang layon Niya sa pagparito, at tanggapin ang alok Niyang kaligtasan. Namanhik Siya sa Ama na Siya'y bigyan ng kapangyarihan na madaig Niya ang kanilang dipaniniwala, na malansag Niya ang mga tanikalang iginapos ni Satanas sa kanila, at tuloy magapi Niya ang manlilipol sa kapakinabangan ng mga tao. Hiningi Niyang bigyan Siya ng Diyos ng tanda na tinatanggap nga Niya ang mga tao sa persona ng Kaniyang Anak. BB 131.3

Wala pa kailanmang narinig ang mga anghel na gayong panalangin nang una. Ikinaliligaya nilang ihatid sa mahal nilang Pinuno ang nakaaaliw na sagot na Siya ay dinirinig. Nguni't hindi; ang Ama na rin ang sasagot sa panalangin ng Kaniyang Anak. Buhat sa luklukan ay tuwirang naglagos hanggang lupa ang mga sinag ng Kaniyang kaluwalhatian. Nabuksan ang kalangitan, at lumapag sa ulo ng Tagapagligtas ang isang anyo ng kalapati na walang kasimputi—naaangkop na sagisag ng maamo at mapagpakumbabang Manunubos. BB 131.4

Bukod kay Juan ay iilan sa makapal na pulutong na nagkakatipon sa Jordan ang nakatanaw sa panooring buhat sa langit. Gayon pa ma'y isang banal na katahimikan ang naghari sa makapal na pulutong. Tahimik ang mga taong nakatitig kay Kristo. Ang katawan Niya ay naliligo sa liwanag na lagi nang nakaligid sa luklukan ng Diyos. Ang nakatingala Niyang mukha ay nagliwanag sa kaluwalhatiang hindi pa kailanman nakita nang una sa mukha ng tao. Buhat sa nakabukas na kalangitan ay narinig ang isang tinig na nagsasabi, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya Kong kinalulugdan.” BB 132.1

Ang mga salitang ito ng patotoo ay sinabi upang makapag-udyok ng pananampalataya sa mga nakakita sa panoorin, at upang makapagpalakas ng loob ng Tagapagligtas sa Kaniyang misyon o layunin. Bagama't napapataw kay Kristo ang mga kasalanan ng sanlibutang salarin, bagama't itinuring Siyang hamak dahil sa ibinihis Niya sa Kaniyang sarili ang ating likas na makasalanan, gayunma'y itinanyag ng tinig na buhat sa langit na Siya nga ay Anak ng Diyos na Walang-hanggan. BB 132.2

Nabagbag ang loob ni Juan nang mamasdan niya si Jesus na nakaluhod na tulad sa isang nakikiusap, at may luhang namamanhik para sa pagtanggap ng Ama. Nang mabalot si Jesus ng kaluwalhatian ng Diyos, at marinig ang tinig na buhat sa langit, ay nakilala ni Juan ang tandang ipinangako ng Diyos. Napagkilala niyang ang kaniyang bininyagan ay siya ngang Manunubos ng sanlibutan. Noon din ay kinasihan siya ng Espiritu Santo, at nakaunat ang kamay na itinuro si Jesus, at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” BB 132.3

Sinuman sa mga nakikinig, kahit ang nagsalita man, ay hindi nakataho ng kahulugan ng mga sa'-itang, “ang Kordero ng Diyos.” Doon sa bundok ng Moria ay narinig ni Abraham ang tanong ng kaniyang anak, “Ama ko, ... saan naroon ang korderong pinakahandog na susunugin?” Sumagot ang ama, “Anak ko, Diyos ang maghahanda ng korderong pinakahandog na susunugin.” Genesis 22:7, 8. At ang korderong itinalaga ng Diyos na kahalili ni Isaae, ay napagkilala ni Abraham na isang sagisag Niyaong balang araw ay mamamatay dahil sa mga kasalanan ng mga tao. Sa pamamagitan ni Isaias, ay ipinagpauna ng Espiritu Santo, “na ang Tagapagligtas ay gaya ng kordero na dinadala sa patayan,” “at ipinasan sa Kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat” (Isaias 53:7, 6); datapwa't hindi naunawaan ng Israel ang aral. Ang palagay ng marami sa kanila sa mga paghahandog ay gaya rin ng palagay ng ibang mga bansa sa kanilang mga handog—gaya ng mga handog na pampalubag-loob sa Diyos. Ibig ituro ng Diyos sa kanila na buhat sa sarili Niyang pag-ibig ay nagmumula ang kaloob na ipinakiki-pagkasundo sila sa Kaniya. BB 132.4

At ang pangungusap na sinalita kay Jesus sa Jordan na, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na Siya Kong kinalulugdan,” ay sumasaklaw sa buong sangkatauhan. Nagsalita ang Diyos kay Jesus bilang ating kinatawan. Bagama't dala natin ang lahat nating mga kasalanan at kahinaan, ay hindi rin tayo itinatakwil na tulad sa mga walang-halaga. “Tayo ay mga pinapagindapat Niya sa Minamahal.” Efeso 1:6. Ang kaluwalhatiang lumukob kay Kristo ay isang pangako ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Sinasabi nito na makapangyarihan ang panalangin—kung paanong ang tinig ng tao ay aabot sa pandinig ng Diyos at ang mga kahilingan natin ay mamarapatin sa luklukan ng kalangitan. Dahil sa kasalanan, ay napahiwalay ang lupa sa langit, at nalagot ang pag-uunawaan; subali't iniugnay uli ito ni Jesus sa sangkalangitang maluwalhati. Ang Kaniyang pag-ibig ang yumakap sa tao, at umabot sa kataas-taasang langit. Ang liwanag na lumabas sa pintuan ng langit at lumapag sa ulo ng ating Tagapagligtas ay siya ring lalapag sa atin pagka tayo'y dumadalangin na napatutulong sa paglaban sa tukso. Ang tinig na nagsalita kay Juan ay nagsasalita rin sa bawa't taong sumasampalataya, Ito ang pinakamamahal Kong anak, na Aking kinalulugdan. BB 133.1

“Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo: nalalaman natin, na kung Siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad Niya; sapagka't Siya'y ating makikitang gaya ng Kaniyang sarili.” 1 Juan 3:2. Binuksan ng ating Manunubos ang daan upang ang kasama-samang makasalanan, ang lubhang nangangailangan, ang lalong pinahihirapan at hinahamak, ay mangyaring makalapit sa Ama. Lahat ay maaaring magkaroon ng tahanan sa mga palasyong inihahanda ni Jesus. “Ang mga bagay na ito ay sinasabi Niyaong banal, Niyaong totoo, Niyaong may susi ni David, Niyaong nagbubukas at di-mailalapat ng sinuman; at naglalapat at di-maibubukas ng sinuman; ... narito, inilalagay Ko sa harapan mo ang isang pintuang bukas, na di-mailalapat ng sinuman.” Apocalipsis 3:7, 8. BB 134.1