Bukal Ng Buhay

11/89

Kabanata 10—Ang Tinig sa Ilang

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 1:5-23, 57-80; 3:1-18; Mateo 3:1-12; Marcos 1:1-8.

Buhat sa gitna ng mga tapat sa Israel, na malaong naghintay sa pagdating ng Mesiyas, ay lumitaw ang isang paunang-tagapagbalita ni Kristo. Ang matandang saserdoteng si Zacarias at ang asawa niyang si Elizabeth ay “kapwa matwid sa harap ng Diyos;” at sa kanilang tahimik at banal na pamumuhay ay nagliwanag ang ilaw ng pananampalataya na katulad ng bituing sumikat sa gitna ng kadiliman ng masasamang araw na iyon. Sa banal na mag-asawang ito ay ibinigay ang pangakong sila'y magkakaanak ng isang lalaki, na “magpapauna sa harap ng Panginoon upang maghanda ng Kaniyang mga daan.” BB 108.1

Si Zacarias ay nanirahan sa “maburol na lupain ng Judea,” nguni't siya'y umahon sa Jerusalem upang maglingkod sa templo nang isang linggo, isang paglilingkod na itinagubiling gawin ng bawa't pulutong ng mga saserdote. “At nangyari nga, na samantalang ginaganap niya ang tungkulin ng saserdote sa harap ng Diyos ayon sa kapanahunan ng kaniyang pulutong, alinsunod sa kaugalian ng tungkulin ng saserdote, ay naging palad niya ang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng kamanyang.” BB 108.2

Nakatindig siya sa harapan ng gintong dambana sa loob ng banal na dako ng santuwaryo. Ang usok ng kamanyang ay pumapaitaas sa harap ng Diyos na kasama ang mga panalangin ng Israel. Di-kaginsa-ginsa'y naram-daman na lamang niyang may isang banal na lalaki. Isang anghel ng Panginoon ang “nakatayo sa gawing kanan ng dambana.” Ang katayuan ng anghel ay nagpapakilala ng paglingap ng Diyos, nguni't hindi ito napansin ni Zacarias. Marami nang taong siya'y dumalangin na dumating na sana ang Manunubos; at ngayo'y nagsugo ang langit ng tagapagbalita nito upang ipahayag na sasagutin na ang mga panalanging ito; nguni't waring ang habag ng Diyos ay napakalaki upang ito'y mapaniwalaan. Siya'y nalipos ng takot at panliliit. BB 108.3

Datapwa't isang masayang pangako ang ibinati sa kaniya: “Huwag kang matakot, Zacarias: sapagka't dininig ang daing mo; at ang asawa mong si Elizabeth ay manganganak ng isang lalaki, at tatawagin mong Juan ang kaniyang pangalan. At magkakaroon ka ng ligaya at galak; at marami ang matutuwa sa pagkapanganak sa kaniya. Sapagka't siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni ng matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo. ... At marami sa mga anak ni Israel ay papagbabaliking-loob niya sa Panginoon nilang Diyos. At siya'y lalakad sa unahan ng Kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbabali-king-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matwid; upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda. At sinabi ni Zacarias sa anghel, Sa ano malalaman ko ito? sapagka't ako'y matanda na, at ang aking asawa ay may pataw ng maraming taon.” BB 109.1

Alam na alam ni Zacarias kung paanong si Abraham ay binigyan ng isang anak nang siya'y matanda na sapagka't pinaniwalaan niya na tapat Yaong nangako. Subali't sumandaling naisip ng matandang saserdote ang kahinaan ng tao. Nalimutan niya na anuman ang ipinangako ng Diyos, ay kaya Niyang tupdin. Kaylaki ng kaibhan ng ganitong di-paniniwala, sa matimyas at tulad-sa-batang pananampalataya ni Maria, na dalagang tagaNasaret, na ang naging tugon sa kagila-gilalas na pahayag ng anghel ay, “Narito ang lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita”! Lukas 1:38. BB 109.2

Ang pagkakaroon ng anak ni Zacarias, tulad ng pagkakaroon ng anak ni Abraham, at ng pagkakaanak din naman ni Maria, ay itinadhanang magturo ng isang dakilang katotohanang espirituwal, isang katotohanang hindi natin matutu-tutuhan, at matutuhan man ay madali namang malimutan. Kung sa sarili lamang natin ay hindi natin kaya ang gumawa ng anumang mabuting bagay; datapwa't ang hindi natin kayang gawin ay magagawa ng kapangyarihan ng Diyos sa isang taong napasasakop at naniniwala. Ang anak sa pangako ay ibinigay sa pamamagitan ng pananampalataya. At sa pamamagitan din ng pananampalataya ay iniaanak ang espirituwal na buhay, at tayo ay nakagagawa ng mga gawa ng katwiran. BB 110.1

Sa tanong ni Zacarias ay ganito ang isinagot ng anghel, “Ako'y si Gabriel, na tumatayo sa harap ng Diyos; at ako'y inutusan upang magsalita sa iyo, at magpakilala sa iyo ng masasayang balitang ito.” Noong may limandaang taon na ang nakaraan, ay ipinakilala ni Gabriel kay Daniel ang mahabang panahong hinulaan na umabot hanggang sa pagparito ni Kristo. Ang pagkakilalang malapit na ang panahong ito ay siyang nag-udyok kay Zacarias na idalanging dumating na sana ang Mesiyas. Ngayon ay dumating ang sugo ring iyon na pinagbigyan ng hula upang ipahayag ang pagkatupad niyon. BB 110.2

Ang pangungusap ng anghel na, “Ako'y si Gabriel, na tumatayo sa harap ng Diyos,” ay nagpapakilalang siya'y may hawak na mataas na tungkulin sa kalangitan. Nang siya'y lumapit kay Daniel na taglay ang pabalita, ay kaniyang sinabi, “Walang sinumang tutulong sa akin laban sa mga ito, kundi si Miguel (Kristo) na inyong Prinsipe.” Daniel 10:21. Sa Apocalipsis ay ganito ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol kay Gabriel, “Kanyang ipinadala at ipinaalam sa pamamagitan ng Kaniyang anghel sa kanyang alipin na si Juan.” Apocalipsis 1:1. At kay Juan ay sinabi ng anghel, “Ako ay kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta.” Apocalipsis 22:9, R.V. Nakapagtatakang isipan—na ang anghel na sumusunod sa karangalan ng Anak ng Diyos ay siyang hinirang na magbukas o maghayag ng mga panukala ng Diyos sa mga taong makasalanan. BB 110.3

Pinag-alinlanganan ni Zacarias ang mga salita ng anghel. Hindi na siya makapagsasalitang muli hanggang sa mangatupad ang mga iyon. “Narito,” ang wika ng anghel, “ikaw ay mapipipi, ... hanggang sa mangyari ang mga bagay na ito, sapagka't hindi mo pinaniwalaan ang aking mga salita, na matutupad sa kanilang kapanahunan.” Tungkulin ng saserdote sa ganitong paglilingkod na idalangin din ang pagdating ng Mesiyas; datapwa't nang tangkaing gawin ito ni Zacarias, ay wala siyang masabing isa mang salita. BB 111.1

Paglabas niya sa templo upang basbasan ang bayan, “kinawayan niya sila, at hindi siya makapagsalita.” Maluwat silang naghintay sa kaniya, at sila'y nag-alaalang baka siya'y pinatay na ng Diyos doon sa loob. Nguni't nang siya'y lumabas mula sa banal na dako, ay nagliliwanag ang kaniyang mukha sa kaluwalhatian ng Diyos, “at sinapantaha nilang nakakita siya sa templo ng pangitain.” Iminuwestra ni Zacarias sa kanila ang kaniyang nakita at narinig; at “nang matapos na ang panahon ng kaniyang paglilingkod, ay umuwi siya sa kaniyang bahay.” BB 111.2

Karaka-rakang maipanganak ang sanggol na ipinangako, ay nakalagan ang dila ng ama, “at siya'y nagsalita, at nagpuri sa Diyos. At sinidlan ng takot ang lahat ng tumatahan sa palibut-libot nila: at ang lahat ng mga salitang ito ay kumalat sa buong lupaing bulubundukin ng Judea. At ang lahat ng nakarinig nito ay tinimpi ito sa kanilang mga puso, na nangagsasabi, Magiging ano kaya ang batang ito!” Ang lahat ng mga bagay na ito ay nagpapagunita sa pagdating ng Mesiyas, na siyang ipaghahanda ni Juan ng daan. BB 111.3

Si Zacarias ay kinasihan agad ng Espiritu Santo, at sa ganitong matatayog na mga pangungusap ay hinulaan niya ang magiging gawain ng kaniyang anak: BB 112.1

“Ikaw, sanggol, tatawagin kang propeta ng Kataas-taasan: Sapagka't magpapauna ka sa unahan ng mukha ng Panginoon upang ihanda ang Kaniyang mga daan; Upang maipakilala ang kaligtasan sa Kaniyang bayan
Sa pagkapatawad ng kanilang mga kasalanan, Dahil sa magiliw na habag ng aming Diyos;
Ang Pagbubukang-liwayway buhat sa kaitaasan ay dadalaw sa atin,
Upang liwanagan ang nangakalugmok sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
Upang itumpak ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
BB 112.2

“At lumaki ang bata, at lumakas sa espiritu, at namalagi sa ilang hanggang sa araw ng pagpapakita niya sa Israel.” Bago ipinanganak si Juan, ay sinabi ng anghel, “Siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon, at siya'y hindi iinom ng alak ni ng matapang na inumin; at siya'y mapupuspos ng Espiritu Santo.” Tinawag ng Diyos ang anak ni Zacarias sa isang dakilang gawain, ang pinakadakilang gawaing ipinagkatiwala sa mga tao. Upang ito'y magampanan, dapat siyang makiisa sa Panginoon. At ang Espiritu ng Diyos ay sasakaniya kung makikinig siya sa tagubilin ng anghel. BB 112.3

Si Juan ay magiging tagapagbalita ni Jehoba, upang ihatid sa mga tao ang liwanag ng Diyos. Siya ang aakay sa mga isip nila sa bagong landas. Ipakikilala niya sa kanila ang kabanalan ng mga utos ng Diyos, at ang pangangailangan nila ng Kaniyang katwiran. Ang ganitong tagapagbalita ay dapat maging banal. Marapat siyang maging templong tahanan ng Espiritu ng Diyos. Upang magampanan niya ang kaniyang gawain, dapat siyang magkaroon ng malusog na pangangatawan, at malakas na isip at kalooban. Dahil dito ay kailangang marunong siyang magpigil sa gana sa pagkain at sa mga silakbo ng damdamin. Kailangang bihasa siya sa lahat ng pagpipigil upang siya'y makatayo sa gitna ng mga tao na hindi masisindak sa anumang mga pangyayari na tulad ng mga bato at mga bundok sa ilang na di-natitinag. BB 112.4

Nang panahon ni Juan Bautista, ay malaganap ang pagkagahaman sa mga kayamanan, at ang pagkahilig sa karangyaan at pagkatanghal. Mga pagsasayang mahahalay, at mga pagkakainan at pag-iinuman, ang naghatid ng sakit at nagpahina sa katawan, na pinamanhid ang mga pang-unawang ukol sa espiritu, at pinahina ang loob sa paglaban sa kasalanan. Si Juan ang tatayo na magbabago nito. Ang kaniyang mapagpigil na kabuhayan at simpleng pananamit ay magiging saway sa mga pagmamalabis na palasak noon. Kaya nga ibinigay ang mga tagubilin sa mga magulang ni Juan—mga tagubilin tungkol sa pagpipigil na ibinigay ng anghel na buhat sa luklukan ng kalangitan. BB 113.1

Sa panahong maliit pa ang bata ay madaling maturuan at makintalan ang kaniyang likas. Sa panahong ito dapat ituro ang pagpipigil sa sarili. Sa tabi ng dapugan at sa pag-uusap ng pamilya ay naikikintal ang mga impluwensiyang ang mga bunga ay tumatagal na gaya ng walang-hanggan. Ang mga ugaling naituro at naitatag sa mga unang taon ng bata, ay higit sa mga katutubong kaloob, na siyang magpapakilala kung ang isang tao ay magtatagumpay o magagapi sa pakikipagbaka sa buhay. Ang kabataan ay panahon ng paghahasik. Ito ang nagpapakilala kung ano ang uri o likas ng aanihin, sa buhay na ito at sa buhay na darating. BB 113.2

Sa pagka-propeta ni Juan, kaniyang “papagbabalikingloob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga masuwayin sa karunungan ng mga matwid; upang ihanda ang isang bayan sa Panginoon.” Sa paghahanda niya ng daan para sa unang pagparito ni Kristo, siya ang kumatawan doon sa mga maghahanda ng isang bayan para sa ikalawang pagdating ng Panginoon. Ang sanlibutan ay nakalulong sa pagpapakalayaw. Naglipana ang mga kamalian at mga katha-katha. Dumarami ang mga silo ni Satanas na ukol sa ikapapahamak ng mga tao. Dahil nga rito'y dapat matutuhan ng lahat na nagnanais pasakdalin ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos, ang mga aralin ng pagpipigil at pagsupil sa sarili. Ang gana o panlasa sa pagkain at ang mga silakbo ng damdamin ay dapat ipasupil sa nakatataas na kapangyarihan ng isip. Ang ganitong pagsupil sa sarili ay kailangan sa ikalulusog ng isip at ng pang-unawang ukol sa espiritu na magbibigay-kaya sa atin upang ating malirip at maisagawa ang mga banal na katotohanan ng salita ng Diyos. Ito ang dahilan kaya napapasama ang pagtitimpi o pagpipigil sa gawain ng paghahanda sa ikalawang pagdating ni Kristo. BB 114.1

Katutubo sanang mangyari, na ang anak ni Zacarias ay mag-aral ng pagkasaserdote. Nguni't kung siya'y magaaral sa paaralan ng mga rabi ay hindi siya maaangkop sa kaniyang gawain. Hindi siya ipinadala ng Diyos sa mga tagapagturo ng teolohiya upang maalaman niya kung paano ang pagpapaliwanag sa mga Kasulatan. Tinawag Niya siya sa ilang, upang makilala niya ang katalagahan at ang Diyos ng katalagahan. BB 114.2

Isang ilang na pook ang kaniyang tinirhan, sa gitna ng mga burol, mga bangin, at mga yungib na bato. Nguni't sadya niyang pinili ang mahigpit na disiplinang ibinibigay ng ilang upang malayuan ang mga kaaliwan at mga luho sa buhay. Ang kaniyang mga kapaligiran sa dakong ito ay nababagay sa mga kaugaliang simple at mapagkait sa sarili. Palibhasa'y malayo sa kaingayan ng sanlibutan, nagpag-aralan niya rito ang mga aralin tungkol sa katalagahan, tungkol sa salita at sa pamamatnubay ng Diyos sa buhay ng mga tao. Ang mga salita ng anghel kay Zacarias ay madalas ulitin kay Juan ng mga magulang niyang matatakutin sa Diyos. Buhat noong siya'y maliit pang bata ay iminulat na sa kaniya ang misyong gagampanan niya, at tinanggap naman niya ang banal na tungkuling ipinagkatiwala. Sa ganang kaniya ang katahimikan ng ilang ay isang mabuting pag-iwas sa lipunang doon ang paghihinala, di-pananampalataya, at ang kahalayan ay naging totoo nang laganap. Siya'y nagalaalang wala siyang lakas na malabanan ang tukso, at kaya nga siya'y umiwas na laging mapaugnay sa kasalanan, baka sa pamimihasa'y mawala na sa kaniya ang pagkadama ng bagsik ng kasalanan. BB 114.3

Palibhasa'y naitalaga na siya sa Diyos bilang isang Nazareno buhat pa sa kaniyang pagkapanganak, siya naman ay nanata rin habang-buhay. Ang damit niya ay damit ng mga unang propeta, damit na balahibo ng kamelyo, na nabibigkisan ng sinturong balat. Ang pagkain niya ay balang at pulut-pukyutan na natatagpuan sa ilang, at ang iniinom niya ay malinis na tubig buhat sa mga burol. BB 115.1

Nguni't ang buhay ni Juan ay hindi inaksaya sa katamaran, sa mahigpit na pamamanglaw, o sa makasariling pag-iisa. Sa pana-panahon ay lumalabas siya at nakikisalamuha sa mga tao; at lagi nang kinawiwilihan niyang matyagan ang mga nangyayari sa sanlibutan. Buhat sa matahimik niyang tirahan ay minatyagan niya ang pagkakahayag ng mga pangyayari. Sa pamamagitan ng paninging pinagliliwanag ng Espiritu ng Diyos ay kaniyang pinag-aralan ang mga likas ng mga tao, upang maalaman niya kung paano mapaaabot sa kanilang mga puso ang pabalita ng langit. Laman ng kaniyang puso ang paglilingkod. Sa pag-iisa, sa pagbubulay at pananalangin, ay sinikap niyang igayak ang kaniyang kaluluwa sa gawaing nasa harap niya. BB 115.2

Bagama't nasa ilang, ay hindi siya naligtas sa mga tukso. Kaya hangga't magagawa niya, ay sinarhan niya ang lahat ng madaraanan ni Satanas, gayunma'y patuloy pa rin siyang sinalakay ng manunukso. Nguni't malinaw ang kaniyang paninging espirituwal; nakapaglinang siya ng tibay ng likas at tatag ng pasiya, at sa tulong ng Espiritu Santo ay namanmanan niya ang paglapit ni Satanas, at nalabanan ang kapangyarihan nito. BB 116.1

Natagpuan ni Juan sa ilang ang kaniyang paaralan at kaniyang santuwaryo. Katulad ni Moises na naligid ng mga bundok ng Midian, siya'y nilukuban ng pakikiharap ng Diyos, at napaligiran ng mga tanda ng Kaniyang kapangyarihan. Hindi niya naging palad na tumahan, gaya ng dakilang lider ng Israel, sa gitna ng solemneng karilagan ng tahimik na kabundukan; gayunma'y nasa harap niya ang matatayog na bundok ng Moab, sa kabila lamang ng Jordan, na nagbabadya ng tungkol sa Diyos na nagtayo ng mga bundok, at nagbigkis dito ng lakas. Ang mapanglaw at nakatatakot na anyo ng katalagahan sa ilang na kaniyang tahanan ay siya ring larawan ng kalagayan ng Israel. Ang mabungang ubasan ng Panginoon ay naging wasak at napabayaan. Datapwa't maganda naman at aliwalas ang langit na nakayungyong sa ilang. Ang mga ulap na nagdidilim, at nagbabanta ng ulan, ay nababalantukan ng pangakong bahag-hari. Kaya sa ibabaw ng kadustaan ng Israel ay nagliliwanag ang ipinangakong kaluwalhatian ng paghahari ng Mesiyas. Ang mga ulap ng kagalitan ay napaiibabawan ng bahag-haring Kaniyang tipan ng kaawaan. BB 116.2

Mag-isang binasa niya sa katahimikan ng gabi ang pangako ng Diyos kay Abraham na ang binhi nito o lahi nito ay di-mabibilang na gaya ng mga bituin sa langit. Ang liwanag ng madaling-araw, na dumadampulay sa kabundukan ng Moab, ay nagbabadyang may Isang dumarating na tulad sa “liwanag sa kinaumagahan, pagka ang araw, ay sumisikat sa isang umagang walang mga alapaap.” 2 Samuel 23:4. At sa liwanag naman ng katang-haliang-tapat ay natanaw niya ang kakinangan ng Kaniyang pagpapakita, pagka “ang kaluwahatian ng Panginoon ay mahahayag, at makikita ng magkakasama ng lahat ng mga tao.” Isaias 40:5. BB 116.3

Taglay ang diwang namimitagan nguni't naliligayahan ay sinaliksik niya sa mga kasulatan ng hula ang mga pahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas—ang binhing ipinangako na dudurog sa ulo ng ahas; ang Shiloh, “na tagapagbigay ng kapayapaan,” na lilitaw bago mawakasan ang mga paghahari sa luklukan ni David. Ngayo'y dumating na ang panahon. Isang pinunong Romano ang nakaluklok sa palasyo ng Bundok ng Siyon. Alinsunod sa tiyak na salita ng Panginoon, tunay na ipinanganak na ang Kristo. BB 117.1

Ang mga buhay na paglalarawang ginawa ng propeta Isaias tungkol sa kaluwalhatian ng Mesiyas ay siyang pinag-aralan ni Juan araw at gabi—ang Sangang susupling sa ugat ni Jesse; isang Haring maghahari sa katwiran, na hahatol nang “may katarungan sa mga maamo sa lupa;” “isang kanlungan sa bagyo; ... lilim ng malaking bato sa isang pagal na lupain;” ang Israel ay hindi na tatawaging “Pinabayaan,” ni ang kaniyang lupain man ay tatawaging “Wasak,” kundi siya'y tatawagin ng Panginoon, na “Aking Kaluguran,” at ang kaniyang lupain ay “Beulah.” Isaias 11:4; 32:2; 62:4. Nag-umapaw sa puso ng banal na lalaking ito ang maluwalhating pag-asa. BB 117.2

Tumingin siya sa Haring nasa Kaniyang kagandahan, at nalimutan niya ang kaniyang sarili. Namasdan niya ang karilagan ng kabanalan, at naramdaman niyang siya'y walang-kaya at di-karapat-dapat. Handa siyang humayo bilang tagapagbalita ng Langit, na di-nasisindak sa mga tao, sapagka't tumingin siya sa Diyos. Makatatayo siyang matuwid at walang-takot sa harapan ng mga hari sa lupa, sapagka't nagpatirapa siya sa harap ng Hari ng mga hari. BB 117.3

Hindi lubusang natatap ni Juan ang uri ng kaharian ng Mesiyas. Inasahan niyang mahahango ang Israel sa mga kaaway nitong bansa; nguni't ang pagdating ng isang Hari sa katwiran, at ang pagkatatag ng Israel bilang isang banal na bansa, ay siyang dakilang pakay ng kaniyang pag-asa. Sa gayo'y matutupad ayon sa paniniwala niya ang hulang sinabi noong siya'y ipanganak na— BB 118.1

“Na alalahanin ang Kaniyang banal na tipan; ...
Na yamang nangaligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway
Ay paglingkuran natin Siya nang walang takot,
Sa kabanalan at katwiran sa harapan Niya, lahat ng ating mga araw.”
BB 118

Nakita niyang ang kaniyang bayan ay napaglalangan, nasisiyahan, at nahihimbing sa kanilang mga kasalanan. Hangad niyang maimulat sila sa lalong banal na pamu-muhay. Ang pabalitang ibinigay sa kaniya ng Diyos ay may layong gisingin sila sa kanilang pagkakatulog, at sila'y papangatalin dahil sa kanilang malaking kasamaan. Bago ihasik ang binhi ng ebanghelyo, ay kailangan munang bungkalin ang lupa ng puso. Bago sila humingi ng kagalingan at ginhawa kay Jesus, ay dapat munang magising sila sa panganib ng mga sugat ng kasalanan nila. BB 118.2

Ang Diyos ay hindi nagpapadala ng mga sugo upang purihin ang makasalanan. Hindi Siya nagpapahatid ng pabalita ng kapayapaan upang ipaghele ang makasalanan sa mahimbing at mapanganib na katiwasayan. Kaniyang nililigalig ang budhi ng gumagawa ng kasamaan, at inuulos ng sumbat ang kaluluwa. Inihaharap din naman sa kaniya ng mga naglilingkod na anghel ng mga nakatatakot na hatol ng Diyos upang lalong ipadama sa kaniya ang kaniyang pangangailangan, at maudyukan siyang sumigaw ng, “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Pagkatapos, ang kamay na nagpalugmok sa makasalanan sa alabok, ay siya rin namang nagbabangon sa nagsisisi. Ang tinig na sumaway sa kasalanan, at humiya sa kayabangan at kataasan, ay nagtatanong na may pagmamahal, “Ano ang ibig mong gawin Ko sa iyo?” BB 118.3

Nang magsimula ang ministeryo ni Juan, ang bansa ay kasalukuyang nasa maalingasngas at magulong kalagayan na nabibingit sa himagsikan. Nang maalis si Archelaus, ay nalagay ang Judea sa ilalim ng pamumuno ng Roma. At ang panlulupig at panghuhuthot ng mga gobernador na Romano, at ang mapilit nilang hangad na maipasok ang mga pagsamba at mga kaugaliang pagano, ay nagpasiklab sa apoy ng paghihimagsik, na naapula lamang sa pamamagitan ng dugo ng libu-libong matatapang ng Israel. Ang lahat ng ito ay nagpaalab sa pagkapoot ng bansa laban sa Roma, at nagpasidhi sa pananabik na makalaya sa kapangyarihan nito. BB 119.1

Sa gitna ng mga pagtatalo at pagkakagalit, ay isang tinig ang narinig buhat sa ilang, isang tinig na nakagigitla at mabalasik, gayunma'y lipos ng pag-asa: “Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.” Sa pamamagitan ng isang bago't kakaibang kapangyarihan ay naantig ang mga tao. Pauna nang sinabi ng mga propeta na ang pagdating ng Kristo ay isang pangyayaring malayo pa sa hinaharap; nguni't ngayo'y naririto ang pahayag na ito'y malapit na. Ang kakatwang ayos ni Juan ay nagpaalaala sa mga nakarinig sa mga matatandang propeta nang una. Sa kaniyang kilos at pananamit ay kahawig niya ang propeta Elias. Sa espiritu at kapangyarihan ni Elias ay tinuligsa niya ang mga kabulukan ng bansa, at sinaway ang umiiral na mga kasalanan. Ang mga salita niya ay malinaw, tiyak, at kapani-paniwala. Marami ang naniwalang siya ay isa sa mga propetang bumangon sa mga patay. Nagising ang buong bansa. Nagdagsaan sa ilang ang mga tao. BB 119.2

Itinanyag ni Juan ang pagdating ng Mesiyas, at inan-yayahan niya ang mga tao na magsipagsisi. At bininyagan niya sila sa ilog ng Jordan, bilang tanda ng paglilinis sa kasalanan. Sa ganito'y ipinakilala niya na ang mga nag-babansag na bayan ng Diyos ay nangadumhan ng kasalanan, at kung hindi malilinis ang puso at kabuhayan ay hindi sila magkakabahagi sa kaharian ng Mesiyas. BB 121.1

Nagsidating ang mga prinsipe at mga rabi, ang mga kawal, ang mga maniningil ng buwis, at ang mga magbu-bukid upang makinig sa propeta. Sandaling panahong nangatakot sila sa solemneng babala ng Diyos. Marami ang naakay na magsisi, at tumanggap ng bautismo. Lahat ng uri ng tao ay tumalima sa tagubilin ni Juan Bautista, upang sila'y magkabahagi sa kahariang itinanyag niya. BB 121.2

Marami sa mga eskriba at mga Pariseo ang dumating na ikinumpisal ang kanilang mga kasalanan, at humiling na sila'y bautismuhan. Ipinagmalaki nilang sila'y higit na mabubuti kaysa ibang mga tao, at napapaniwala nila ang bayang sila ay mga taong banal; nguni't ngayo'y nalantad ang mga lihim na kasalanan ng kanilang pamumuhay. Datapwa't si Juan ay pinagsabihan ng Espiritu Santo na ang marami sa mga taong ito ay hindi tunay na nagsisisi ng kasalanan. Mga mapagsamantala lamang sila. Inasahan nila na kung sila'y maging mga kaibigan ng propeta, ay makakasumpong sila ng lingap sa dumarating na Prinsipe. At sa pamamagitan ng pagtanggap nila ng bautismo sa mga kamay ng tanyag na kabataang gurong ito, ay inakala nilang lalakas ang kanilang impluwensiya sa mga tao. BB 121.3

Sinalubong sila ni Juan ng masakit na katanungang, “O, kayong lahi ng mga ulupong, sino ang maysabi sa inyo na kayo'y tumakas sa galit na dumarating? Magsi- pagbunga nga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi: at huwag kayong mag-isip sa loob ninyo na sabihin, Si Abraham ang aming ama: sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kahit buhat sa mga batong ito ay kaya ng Diyos na mapalitaw ang mga anak kay Abraham.” BB 121.4

Ang pangako ng Diyos na pagpapalain Niyang lagi ang Israel ay binigyan ng mga Hudyo ng maling kahulugan: “Ganito ang sabi ng Panginoon, na nagbibigay ng araw na sumisikat na pinakaliwanag sa araw, at ng mga ayos ng buwan at ng mga bituin na pinakaliwanag sa gabi, na nagpapakilos sa dagat na humugong ang mga alon niya-n; Panginoon ng mga hukbo ay siyang Kaniyang pangalan: Kung ang mga ayos na ito ay humiwalay sa harap Ko, sabi ng Panginoon, ang binhi nga ng Israel ay maglilikat sa pagkabansa sa harap Ko magpakailanman. Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung ang langit sa itaas ay masusukat, at ang mga patibayan ng lupa ay masisi-yasat sa ilalim, Akin ngang ihahagis ang buong lahi ng Israel dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng Panginoon.” Jeremias 31:35-37. Itinuring ng mga Hudyo na ang pagbubuhat nila sa lahi ni Abraham ay nagbibigay sa kanila ng karapatang maangkin ang pangakong ito. Nguni't kinaligtaan nilang isipin ang mga kondisyong tinukoy ng Diyos. Bago ibinigay ang pangako, ay sinabi Niya, “Aking itatala ang Aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat sa kanilang puso; at Ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging Aking bayan. ... Sapagka't aking ipatatawad ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi Ko na aalalahanin.” Jeremias 31:33, 34. BB 122.1

Ang paglingap ng Diyos ay tiyak na maaasahan ng mga taong kinasusulatan sa puso ng Kaniyang kautusan. Sila'y rnga kaisa Niya. Datapwa't ang mga Hudyo ay nagsihi-walay sa Diyos. Dahil sa kanilang mga kasalanan ay nangagtitiis sila ng Kaniyang mga hatol. Ito ang sanhi kaya sila'y nangaging alipin ng bansang hindi nakakakilala sa Diyos. Pinadilim ng pagsalansang ang kanilang mga isip, at palibhasa'y pinagpakitaan sila ng Panginoon ng napakalaking paglingap nang mga panahong nagdaan, kaya itinuring nilang hindi masama ang kanilang ginawa. Ipinagyabang nilang sila'y lalong mabuti kaysa ibang mga tao, at sila'y karapat-dapat sa Kaniyang mga pagpapala. BB 122.2

Ang mga bagay na ito ay “nangasulat sa pagpapaalaala sa atin, na mga dinatnan ng katapusan ng mga panahon.” 1 Corinto 10:11. Anong dalas na pinagkakamalan natin ang mga pagpapala ng Diyos, at ipinagyayabang nating tayo'y nililingap Niya dahil sa tayo'y mabubuti! Dahil dito'y hindi tuloy magawa ng Diyos sa atin ang talagang ibig Niyang gawin. Ang mga ibinibigay o mga kaloob Niya ay ginagamit natin sa pagpaparami ng pagbibigay-kasiyahan sa ating mga sarili, at sa pagpapatigas ng ating mga puso sa di-paniniwala at pagkakasala. BB 123.1

Sinabi ni Juan sa mga guro ng Israel na ang kanilang kayabangan, kasakiman, at kalupitan ay nagpakilalang sila'y isang lahi ng mga ulupong, isang nakamamatay na sumpa sa mga tao, at hindi sila mga anak ng banal at masunuring si Abraham. Dahil sa liwanag na tinanggap nila sa Diyos, ay higit silang masama kaysa mga taong di-nakakakilala sa tunay na Diyos, mga taong itinuring nilang mababa ang kalagayan kaysa kanila. Nalimot nila ang batong pinagtabasan sa kanila, at ang hukay na sa kanila'y pinagkunan. Hindi umasa ang Diyos sa kanila na sila ang tutupad sa Kaniyang panukala. Kung paanong tinawag Niya si Abraham mula sa mga taong pagano, gayundin naman makatatawag Siya ng mga iba upang maglingkod sa Kaniya. Maaaring ang mga puso nila ngayon ay walang kabuhay-buhay sa pangmalas na tulad ng mga bato sa ilang, subali't kaya ng Kaniyang Espiritu na buhayin iyon upang tupdin ang Kaniyang kalooban, at tanggapin ang katuparan ng Kaniyang pangako. BB 123.2

“At ngayon din naman,” anang propeta, “ang palakol ay nakaumang sa ugat ng mga punungkahoy: bawa't punungkahoy nga na hindi nagbubunga nang mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy.” Ang halaga ng punungkahoy ay hindi nakikilala sa pangalan, kundi sa bunga nito. Kung ang bunga ay di-pinakikinabangan, ang pangalan nito ay hindi makapagliligtas sa punungkahoy sa pagkapuksa. Sinabi ni Juan sa mga Hudyo na ang katayuan nila sa harap ng Diyos ay hahatulan ng ayon sa kanilang likas at kabuhayan. Ang pagpapanggap ay walang-kabuluhan. Kung ang kanilang buhay at likas ay hindi naaayon sa kautusan ng Diyos, ay hindi Niya sila bayan. BB 123.3

Sa kaniyang nananaliksik na mga pangungusap, ay nasumbatan ang mga nakikinig. Nagsilapit sila sa kaniya na taglay ang katanungang, “Ano nga ang gagawin namin?” Siya'y sumagot, “Ang may dalawang kasuutan, ay magbigay doon sa wala; at ang may pagkain, ay gayundin ang gawin.” At binabalaan niya ang mga maniningil ng buwis laban sa pagiging di-makatarungan, at ang mga kawal naman ay laban sa paggawa ng karahasan. BB 124.1

Lahat ng mga napasakop sa kaharian ni Kristo, wika niya, ay dapat magpakita ng kanilang pananampalataya at pagsisisi. Ang kabaitan, katapatan, at pananampalataya ay makikita sa kanilang kabuhayan. Mangaglilingkod sila sa mga nangangailangan, at mangagdadala ng kanilang mga handog sa Diyos. Ipagsasanggalang nila ang mga kaawa-awa, at ipakikita nilang sila'y uliran sa kabaitan at kahabagan. Sa ganyan ipakikita ng mga sumusunod kay Kristo na ang Espiritu Santo ay may kapangyarihang bumago ng kabuhayan. Sa pangaraw-araw na kabuhayan ay mahahayag ang katarungan, kahabagan, at pag-ibig ng Diyos. Kung hindi gayon ay matutulad lamang sila sa ipa na ipinalalamon sa apoy. BB 124.2

“Sa katotohanan ay binibinyagan ko kayo sa tubig sa pagsisisi,” wika ni Juan; “nguni't Siyang dumarating na kasunod ko ay lalong makapangyarihan kaysa akin, na ako'y di-karapat-dapat magdala ng Kaniyang mga panyapak: Siya ang magbibinyag sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy.” Mateo 3:11, R.V. Si propeta Isaias ang nagsabi na lilinisin ng Panginoon ang Kaniyang bayan sa kanilang mga kalikuan “sa pamamagitan ng bisa ng kahatulan, at sa pamamagitan ng bisa ng pagniningas.” Ang sinalita ng Panginoon sa Israel ay, “Aking ibabalik ang Aking kamay sa iyo, at Aking lilinising lubos ang naging dumi mo, at aalisin Ko ang lahat mong tingga.” Isaias 4:4; 1:25. “Ang ating Diyos ay isang apoy na mamumugnaw” ng kasalanan, saanman ito naroroon. Hebreo 12:29. Ang Espiritu ng Diyos ang susupok ng kasalanan ng sinumang sumusuko sa Kaniyang kapangyarihan. Nguni't kung nangungunyapit ang mga tao sa kasalanan, ay nagiging kasama sila nito. Kaya't ang kaluwalhatian ng Diyos na lumilipol sa kasalanan, ay siya ring lilipol sa kanila. Si Jacob, pagkaraan ng magdamag na pakikipagbuno sa Anghel, ay napabulalas, “Nakita ko ang Diyos nang mukhaan, at naligtas ang aking buhay.” Genesis 32:30. Nakagawa si Jacob ng isang malaking pagkakasala sa ipinakitungo niya kay Esau; nguni't siya'y nagsisi na. Ipinatawad na ang kaniyang pagsalansang, at nilinis na ang kaniyang kasalanan; kaya't natagalan niya ang paki kiharap ng Diyos. Datapwa't kailanma't lumapit ang tao sa Diyos samantalang may inaarugang kasamaan, ay sila'y nalipol. Sa ikalawang pagdating ni Kristo ay mangasusupok ang masasama “sa pamamagitan ng Hininga ng Kaniyang bibig,” at sila'y lilipulin “sa pamamagitan ng pagkahayag ng Kaniyang pagparito.” 2 Tesaloniea 2:8. Ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, na nagbibigay ng buhay sa mga matwid, ay pupuksa sa masasama. BB 124.3

Noong panahon ni Juan Bautista, ay malapit nang pakita si Kristo bilang tagapaghayag ng likas ng Diyos. Ang talagang pakikiharap Niya ay sapat nang maghayag sa mga tao ng kanilang kasalanan. Tanging kung sila lamang ay kusang magpapalinis ng kanilang kasalanan ay saka sila makapapasok sa pakikisama sa Kaniya. Ang may malinis na puso lamang ang makapananatili sa harap Niya. BB 125.1

Ganyan ang pabalitang ipinahayag ng Mamiminyag sa Israel. Marami ang nagsipaniwala sa kaniyang turo. Marami ang nagsakripisyo ng lahat upang makasunod lamang. Sinundan ng karamihan ang bagong tagapagturong ito sa lahat ng lugar, at hindi iilan ang umasang siya na sana ang Mesiyas. Datapwa't nang makita ni Juan na sa kaniya bumabaling ang mga tao, ay sinikap niyang sa bawa't pagkakataon ay maituon ang kanilang pananam-palataya sa Isa na dumarating. BB 126.1