Bukal Ng Buhay
Kabanata 86—“Magsiyaon Kayo, Turuan Ninyo ang Lahat ng mga Bansa”
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 28:16-20.
Nakatayong isang hakbang lamang ang layo mula sa luklukan Niya sa langit, nang ibigay ni Kristo ang tagubilin sa Kaniyang mga alagad. “Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibibigay na sa Akin,” sabi Niya. “Dahil dito'y magsiyaon nga kayo, at turuan ninyo ang lahat ng mga bansa.” “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal.” Marcos 16:15. Muli at muling inulit ang mga salita, upang mahagip ng mga alagad ang kahulugan nito. Sa lahat ng mga tumatahan sa lupa, dakila at mababa, mayaman at dukha, ay kailangang pasilangin ang liwanag ng langit nang may maningning at matinding mga sinag. Ang mga alagad ay dapat maging mga kamanggagawa ng kanilang Manunubos sa gawain ng pagliligtas sa sanlibutan. BB 1192.1
Ang tagubilin ay ibinigay sa Labindalawa nang sila'y tagpuin ni Kristo sa silid sa itaas; nguni't ngayo'y ibibigay ito sa malaki-laking bilang. Sa pulong sa isang bundok sa Galilea, ang lahat ng mga sumasampalatayang matatawagan ay nangagkatipon. Tungkol sa pulong na ito ay si Kristo na rin ang nagtakda ng oras at ng pook noong hindi pa Siya namamatay. Ipinaalaala sa mga alagad ng anghel sa libingan ang pangako Niyang sila'y tatagpuin Niya sa Galilea. Ang pangako ay inulit sa mga sumasampalatayang nagkatipon sa Jerusalem noong linggo ng Paskuwa, at sila naman ang nagbalita nito sa maraming nangalulumbay dahil sa pagkamatay ng kanilang Panginoon. Taglay ang matinding kasabikang hinintay ng lahat ang pagkakatipong ito. Nagsipanggaling sila sa iba't ibang dako, na upang maiwasang mapaghinalaan ng mainggiting mga Hudyo, ay nagpalikwadlikwad sila sa maliligoy na daan hanggang sa makarating sila sa dakong pagtitipunan. Kakaba-kaba ang kanilang mga pusong sila'y nagdatingan, na maalab na nagsisipag-usap ng mga nabalitaan nila tungkol kay Kristo. BB 1192.2
Sa panahong itinakda ay mga limandaang nagsisisampalataya ang nagtipon nang pulu-pulutong sa tabi ng bundok, na sabik makaalam ng lahat nang dapat nilang malaman sa mga nakakita kay Kristo nang Siya'y mabuhay na mag-uli. Nagpalipat-lipat ang mga alagad sa mga pulutong, na ibinabalita ang lahat nilang nakita at narinig kay Jesus, at nagpapaliwanag buhat sa mga Kasulatan gaya rin ng ginawa Niya sa kanila. Isinalaysay ni Tomas ang tungkol sa kaniyang di-paniniwala, at sinabi niya kung paanong napawi ang lahat niyang mga pag-aalinlangan. Di-kaginsa-ginsa'y tumayo sa gitna nila si Jesus. Walang makapagsabi kung saan Siya nanggaling o kung paano Siya dumating. Marami sa mga nangaroroon ang hindi pa kailanman nakakita sa Kaniya nang una; nguni't sa Kaniyang mga kamay at mga paa ay namasdan nila ang mga tanda ng pagkakapako Niya sa krus; ang mukha Niya'y gaya ng mukha ng Diyos, at nang kanilang makita Siya, ay kanilang sinamba Siya. BB 1194.1
Nguni't may ilang nagsipag-alinlangan. At magkakagayong lagi. May mga nahihirapang gumamit ng pananampalataya, at inilalagay nila ang kanilang mga sarili sa panig ng mga nag-aalinlangan. Malaki ang nawawala sa mga ito dahil sa kanilang di-paniniwala. BB 1194.2
Ito lamang ang pakikipag-usap na ginawa ni Jesus sa maraming sumasampaiataya pagkatapos na Siya'y mabuhay na mag-uli. Siya'y dumating at nagsalita sa kanila na nagsasabi, “Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa Akin.” Sinamba na Siya ng mga alagad bago Siya nagsalita, nguni't ang mga pananalita Niya, na namutawi sa mga labing itinikom ng kamatayan, ay nagpasaya sa kanilang taglay ang natatanging kapangyarihan. Siya ngayon ang nabuhay na Tagapagligtas. Marami sa kanila ang nakakita nang gamitin Niya ang Kaniyang kapangyarihan sa pagpapagaling ng mga maysakit at sa pagsawata sa mga inaalihan ni Satanas. Naniwala silang Siya'y nag-aangkin ng kapangyarihang magtayo ng Kaniyang kaharian sa Jerusalem, kapangyarihang sumawata sa lahat ng sumasakingat o lumalaban, at kapangyarihan laban sa mga elemento ng katalagahan. Pinatahimik Niya ang nagngangalit na tubig; lumakad Siya sa ibabaw ng namumuting mga alon; bumuhay Siya ng mga patay. Ngayon ay ipinahayag Niyang “ang lahat ng kapamahalaan” ay naibigay na sa Kaniya. Dinala ng mga salita Niya ang mga isipan ng mga nakikinig sa Kaniya sa ibabaw ng mga bagay na makalupa at lumilipas hanggang sa mga bagay na makalangit at walang-hanggan. Sila'y nangataas hanggang sa pinakamataas na pagkaunawa ng Kaniyang karangalan at kaluwalhatian. BB 1195.1
Ang mga sinalita ni Kristo sa tabi ng bundok ay siyang nagpapahayag na ang sakripisyo Niya para sa tao ay lubos at ganap. Natupad na ang mga kondisyon sa pagtubos; natapos na ang gawaing ipinarito Niya sa sanlibutan. Siya'y paakyat na sa luklukan ng Diyos, upang parangalan ng mga anghel, ng mga pamunuan, at ng mga kapangyarihan. Pumasok na Siya sa Kaniyang gawain ng pamamagitan: Nararamtan ng walang-hanggang kapangyarihan, Kaniyang ibinigay sa mga alagad ang Kaniyang utos o tagubilin: “Magsiyaon nga kayo, at turuan ninyo ang lahat ng mga bansa,” “na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat na miutos Ko sa inyo: at narito, Ako'y samasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Mateo 28:19, 20. BB 1195.2
Ang bansang Hudyo ay siyang pinagkatiwalaan ng banal na katotohanan; nguni't dahil sa mga aral ng mga Pariseo ay sila'y naging pinakamapagtangi, at pinakapa-natiko sa lahat ng mga tao. Ang lahat ng bagay tungkol sa mga saserdote at mga pinuno—ang kanilang pananamit, mga kaugalian, mga seremonya, at mga sali't-saling sabi ay ginawa silang mga di-karapat-dapat na maging ilaw ng sanlibutan. Itinuring nilang ang sanlibutan ay sila mismo, na bansang Hudyo. Nguni't itinagubilin ni Kristo sa Kaniyang mga alagad na ang itanyag nila ay isang pananampalataya at pagsamba na walang itinatanging mga lipi ng mga tao o bansa, isang pananampalatayang magiging agpang o nababagay sa lahat ng mga bayan, sa lahat ng mga bansa, at sa lahat ng uri ng mga tao. BB 1196.1
Bago iniwan ni Kristo ang Kaniyang mga alagad, ay malinaw Niyang sinabi sa kanila ang uri ng Kaniyang kaharian. Ipinaalaala Niya sa kanila ang sinabi Niya nang una tungkol dito. Ipinahayag Niyang hindi Niya panukalang magtatag sa sanlibutang ito ng isang kahariang ukol sa lupang ito, kundi isang espirituwal na kaharian. Hindi Siya uupo sa luklukan ni David bilang isang hari sa lupa. Muli Niyang binuklat sa kanila ang mga Kasulatan, na ipinakikilala na ang lahat Niyang pinagdaanan ay siyang itinakda ng langit ayon sa pinagkasunduan Niya at ng Ama. Lahat ay pauna nang sinabi ng mga taong kinasihan ng Espiritu Santo. Sinabi Niya, Nakikita ninyo na ang lahat ng Aking inihayag sa inyo tungkol sa pagtanggi sa Akin bilang Mesiyas ay nangyari. Lahat ng Aking sinabi tungkol sa paghihirap na Aking titiisin at ang kamatayang Aking daranasin, ay ganap na natupad. Nang ikatlong araw ay bumangon Akong muli. Masikap na inyong saliksikin ang mga Kasulatan, at inyong makikitang sa lahat ng mga bagay na ito ay pawang nangatupad ang mga tiyak na sinasabi ng hula tungkol sa Akin. BB 1196.2
Tinagubilinan ni Kristo ang Kaniyang mga alagad na gawin ang gawaing iniwan Niya sa kanilang mga kamay, na pasisimulan sa Jerusalem. Ang Jerusalem ay siyang naging pook ng kagila-gilalas Niyang pagpapakababa alang-alang sa Judea ang pook Niyang sinilangan. Doon, sa Kaniyang pagkakatawang-tao, ay lumakad Siyang kasama ng mga tao, at iilan ang nakaunawa kung gaano kalapit dumating ang langit sa lupa nang si Jesus ay nasa gitna nila. Sa Jerusalem dapat magpasimula ang paggawa ng mga alagad. BB 1197.1
Dahil sa lahat ng binata ni Kristo doon, at dahil din sa paglilingkod Niya roon na di-pinahalagahan ng mga tao, ay dapat sanang makiusap ang mga alagad na sila'y suguin sa isang lalong may ipinangangakong bukiran; nguni't hindi sila nakiusap nang gayon. Ang lupang hinasikan Niya ng binhi ng katotohanan ay dapat linangin ng mga alagad, at ang binhi ay sisibol at magbibigay ng masaganang ani. Sa kanilang paggawa ay masasagupa ng mga alagad ang pag-uusig dahil sa inggit at poot ng mga Hudyo; nguni't ito'y napagtiisan ng kanilang Panginoon, at kaya nga hindi nila ito dapat takasan. Ang mga unang pag-aalok ng kahabagan ay dapat gawin sa mga nagsipatay sa Tagapagligtas. BB 1197.2
At sa Jerusalem ay marami ang palihim na nagsisam-palataya kay Jesus. at marami rin ang dinaya naman ng mga saserdote at mga pinuna. Sa mga ito ay dapat din namang ipakilala ang ebanghelyo. Dapat silang tawagin upang magsipagsisi. Dapat ipaliwanag ang kahanga-hangang katotohanan na sa pamamagitan lamang ni Kristo matatamo ang kapatawaran ng mga kasalanan. Samantalang napupukaw ang buong Jerusalem dahil sa naka-gigimbal-ng-damdaming mga pangyayari sa nagdaang ilang linggo, ay makagagawa ng pinakamalalim na pagkikintal ang pangngangaral ng ebanghelyo: BB 1197.3
Nguni't ang gawain ay hindi dapat tumigil dito. Dapat itong palaganapin hanggang sa kadulu-duluhang mga hangganan ng lupa. Sinabi ni Kristo sa Kaniyang mga alagad, Naging mga saksi kayo ng Aking buhay na mapagsakripisyo alang-alang sa sanlibutan. Nasaksihan ninyo ang Aking mga paggawa para sa Israel. Bagama't ayaw nilang lumapit sa Akin upang magtamo sila ng buhay, bagama't ginawa sa Akin ng mga saserdote at mga pinuno ang bawa't nilang maibigan, at bagama't itinakwil nila Ako gaya ng ipinagpauna na ng mga Kasulatan, gayunma'y bibigyan pa rin sila ng isa pang pagkakataon na tanggapin ang Anak ng Diyos. Nakita ninyo na ang lahat ng lumalapit sa Akin, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan, ay malaya Kong tinatanggap. Ang lumalapit sa Akin ay hindi Ko itatakwil sa anumang paraan. Lahat ng may ibig, ay maaaring makipagkasundo sa Diyos, at tumanggap ng walang-hanggang buhay. Sa inyong mga alagad Ko, ay ipinagkakatiwala Ko ang pabalitang ito ng kahabagan. Ito'y dapat munang unang ibigay sa Israel, at pagkatapos ay sa lahat ng mga bansa, mga wika, at mga bayan. Dapat itong ibigay sa mga Hudyo at sa mga Hentil. Lahat ng sumasampalataya ay dapat matipon sa pagiging isang iglesya. BB 1198.1
Sa pamamagitan ng kaloob ng Espiritu Santo ay tatanggap ang mga alagad ng kahanga-hangang kapangyarihan. Ang patotoo nila ay dapat pagtibayin ng mga tanda at mga kababalaghan. Gagawa ng mga himala, hindi lamang ang mga apostol, kundi ang tumatanggap din naman ng pabalita nila. Sinabi ni Jesus, “Mangagpapalabas sila ng mga demonyo sa Aking pangalan; mangagsa-salita sila ng mga bagong wika; sila'y magsisihawak ng mga ahasat kung magsiinom sila ng bagay na nakama-matay, sa anumang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y magsisigaling.” Marcos 16:17, 18. BB 1198.2
Nang panahong yaon ay madalas gawin ang panla lason. Hindi nagsipag-atubiling alisin ng mga taong walang-simulain sa pamamagitan ng paraang ito ang mga nakakahadlang sa kamlang layunin. Batid ni Jesus na ang buhay ng Kaniyang mga alagad ay manganganib din nang ganito. Ituturing ng marami na sila'y naglilingkod sa Diyos kung kanilang patayin ang Kaniyang mga saksi. Kaya nga pinangakuan Niya silang ililigtas sa panganib na ito. BB 1199.1
Ang mga alagad ay magkakaroon ng kapangyarihang gaya rin ng na kay Jesus na magpagaling “ng lahat ng sari-saring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.” Sa pamamagitan ng pagpapagaling ng mga sakit ng katawan sa Kaniyang pangalan, ay patutunayan nilang Siya'y may kapangyarihang magpagaling din ng kaluluwa. Mateo 4:23; 9:6. At ipinangako sa kanila ang isang bagong kaloob. Mangangaral ang mga alagad sa ibang mga bansa, at sila'y tatanggap ng kapangyarihang makapagsalita ng ibang mga wika. Ang mga apostol at ang kanilang mga kasama ay mga taong di-nakapag-aral, gayon pa man sa pamamagitan ng pagbubuhos ng Espiritu noong araw ng Pentekostes, ang pagsasalita nila, maging sa sarili o banyagang wika, ay naging dalisay, payak, at husto, sa salita at sa bigkas. BB 1199.2
Ganyan ang tagubiling ibinigay ni Kristo sa Kaniyang mga alagad. Hindi Siya nagkulang ng kahit isang maliit na bagay upang maisagawa ang gawain, at inako Niya ang kapanagutan sa ikapagtatagumpay nito. Habang tinatalima nila ang Kaniyang salita, at nagsisigawa sila nang kaugnay Siya, ay hindi sila mabibigo. Magsiyaon kayo sa lahat ng mga bansa, atas Niya sa kanila. Magsiyaon kayo hanggang sa kalayu-layuang bahagi ng sanlibutan na tinatahanan ng mga tao, nguni't alamin ninyong naroroon din Ako. Magsigawa kayong may pana nampalataya at pagtitiwala, sapagka't di-kailanman darating ang panahong kayo'y pababayaan Ko. BB 1199.3
Ang tagubilin ng Tagapagligtas sa mga alagad ay sumasaklaw sa lahat ng mga sumasampalataya. Sinasaklaw nito ang lahat ng mga nagsisisampalataya kay Kristo hanggang sa wakas ng panahon. Isang mapanganib na kamalian na akalain na ang gawaing pagliligtas ng mga kaluluwa ay dapat iasa lamang sa mga ministrong ordinado. Lahat ng mga dinatnan ng tawag ng langit ay mga pinagkatiwalaan din naman ng ebanghelyo. Lahat ng mga tumatanggap ng buhay ni Kristo ay mga itinalaga upang gumawa sa ikaliligtas ng kanilang mga kapwa-tao. Dahil sa gawaing ito kaya itinatag ang iglesya, at lahat ng mga tumatanggap sa kanilang mga sarili ng mga banal na pangako nito ay nangangakong magiging mga kamanggagawa ni Kristo. BB 1200.1
“Ang Espiritu at ang kasintahang-babae ay nagsasabi, Halika. At ang nakikinig ay magsabi, Halika.” Apocalipsis 22:17. Ang paanyaya ay dapat ulitin sa iba ng bawa't nakakarinig. Anuman ang hanapbuhay ng isang tao, ang unang dapat niyang pagmalasakitan ay ang paghikayat ng mga kaluluwa para kay Kristo. Maaaring hindi niya kayang magsalita sa mga kapulungan, nguni't makaga-gawa naman siya sa bawa't tao. Dito'y masasabi niya ang tagubiling tinanggap niya sa kaniyang Panginoon. Ang ministeryo ay hindi binubuo lamang ng pangangaral. Yaon mang naglilingkod sa ikagiginhawa ng mga maysakit at nahihirapan, na tumutulong sa mga nangangailangan, na nagsasalita ng mga salitang makaaaliw sa mga nanganlulupaypay at sa mga may mahihinang pananampalataya ay nasa ministeryo rin. Sa malapit at sa malayo ay may mga kaluluwang tigib ng pagkakasala. Hindi hirap, paggawa, o pagsasalat ang nagpapababa sa tao kundi kasalanan at paggawa ng masama. Ito ang nagdudulot ng di-pagkapalagay at ng kawalang-kasiyahan. Nais ni Kristong ang Kaniyang mga lingkod ay tumulong sa mga kaluluwang lugami sa pagkakasala. BB 1200.2
Pasisimulan ng mga alagad ang kanilang gawain sa dakong kinaroroonan nila. Ang pinakamahirap at ang lalong walang-ipinangangakong bukiran ay hindi dapat lampasan. Kaya ang bawa't isang manggagawa ni Kristo ay dapat magsimula sa dakong kinaroroonan niya. Sa sarisarili nating mga pamilya ay maaaring may mga kaluluwang nagugutom sa pakikiramay, at nagugutom sa tinapay ng buhay. Maaaring may mga batang dapat turuan o sanayin para kay Kristo. May mga di-sumasampalataya sa ating mga pintuan mismo. Gawin natin nang buong katapatan ang gawaing pinakamalapit. Pagkatapos ay saka natin palawakin ang ating mga paggawa nang alinsunod sa ipapatnubay ng kamay ng Diyos. Ang gawain ng marami ay maaaring lumitaw na nahahadlangan ng mga pangyayari; subali't, saanman ito naroroon, kung gaganapin ito nang may pananampalataya at pagsusumikap ay madarama ito hanggang sa kadulu-duluhang mga dako ng lupa. Ang gawain ni Kristo nang Siya'y nasa lupa ay lumitaw na parang sumasaklaw lamang sa isang maliit na bukiran, nguni't ang mga karamihang buhat sa lahat ng mga bansa ay nakarinig ng Kaniyang pabalita. Malimit gumamit ang Diyos ng pinakasimpleng paraan upang makapagtamo ng pinakamalalaking bunga. Panukala Niya na ang bawa't bahagi ng Kaniyang gawain ay umasa sa bawa't ibang bahagi, na tulad ng isang gulong sa loob ng isang gulong, na lahat ay gumagawang magkakatugma. Ang pinakaabang manggagawa, na kinikilos ng Espiritu Santo, ay kakalabit ng mga di-nakikitang kuwerdas, na ang lunog ay mag-iinugong hanggang sa mga wakas ng lupa, at gagawa ng matamis na himig sa buong panahong walang-hanggan. BB 1201.1
Datapwa't ang utos na, “Magsiyaon kayo sa buong sanlibutan,” ay hindi dapat kaligtaan. Tayo'y tinatawa-gang magsitingin sa “mga pook na nasa dako roon.” Ginigiba ni Kristo ang pader na naghihiwalay ng bansa sa kapwa bansa, inaalis ang pagtatangi-tangi ng mga lahi, at nagtuturo ng pag-iibigan sa buong sangkatauhan. Inaangat Niya ang mga tao mula sa makipot na kapaligiran na siyang itinatagubilin ng kanilang pagkamakasarili; pinapawi Niya ang lahat ng mga hangganang humahadlang at ang artipisyal na mga pagtatangi-tangi ng lipunan. Walang pagkakaiba sa Kaniya ang mga kababayan at mga tagaibang-lupa, ang mga kaibigan at mga kaaway. Itinu turo Niya sa atin na tingnan nating parang ating kapatid ang bawa't kaluluwang nangangailangan, at ang sanlibutan bilang bukiran natin. BB 1202.1
Nang sabihin ng Tagapagligtas na, “Magsiyaon kayo, ... turuan ninyo ang lahat ng mga bansa,” ay sinabi rin naman Niyang, “Lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya; mangagpapalabas sila ng mga demonyo sa Aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika; sila'y magsisihawak ng mga ahas; at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anumang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y magsisi-galing.” Ang pangako ay sinlawak ng tagubilin. Hindi sa ang lahat ng mga kaloob ay ibinibigay sa bawa't isang sumasampalataya. Ang Espiritu ang bumabahagi “sa bawa't isa ayon sa Kaniyang ibig.” 1 Corinto 12:11. Ngu ni't ang mga kaloob ng Espiritu ay ipinangangako sa bawa't sumasampalataya ayon sa kaniyang pangangailangan sa gawain ng Panginoon. Ang pangako ay mabisa at maaasahan ngayon na gaya rin naman noong panahon ng mga apostoi. “Lalakip ang tandang ito sa magsisisampa-lataya.” Ito ay karapatan ng mga anak ng Diyos, at dapat manghawak ang pananampalataya sa lahat ng maa-aring matamo bilang isang pagpapatibay ng pananampalataya. BB 1202.2
“Ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y magsisigaling.” Ang sanlibutang ito ay isang bahay na puno ng sari-saring sakit, nguni't naparito si Kristo upang magpagaling ng mga maysakit, at upang magtanyag ng kaligtasan sa mga bihag ni Satanas. Siya na rin sa Kaniyang sarili ay kalusugan at kalakasan. Ibinigay Niya ang Kaniyang buhay sa mga maysakit, sa mga nahihirapan, sa mga inaalihan ng mga demonyo. Wala Siyang tinanggihan sa sinumang lumapit upang tumanggap ng Kaniyang pagpapagaling. Batid Niyang ang mga nakiusap sa Kaniya na humihingi ng tulong ay nangahawa ng sakit; gayunman ay hindi Niya tinanggihang sila'y pagalingin. At nang ang bisang buhat kay Kristo ay pumasok sa mga kaawa-awang kaluluwang ito, sila'y nangasumbatan sa kanilang kasalanan, at marami ang nagsigaling sa kanilang espirituwal na sakit, gayundin naman sa kanilang mga karamdaman sa katawan. Angkin pa rin ng ebanghelyo ang kapang-yarihan ding ito, at bakit nga hindi na tayo nakakakita ng ganito ring mga bunga? BB 1203.1
Nararamdaman ni Kristo ang mga paghihirap ng bawa't nagdurusa. Kapag sinisira ng masasamang espiritu ang katawan ng tao, ay nararamdaman ni Kristo ang sumpa. Kapag inaapoy ng lagnat ang daloy ng buhay, ay nararamdaman Niya ang hirap. At Siya naman ay handang magpagaling sa mga maysakit ngayon na gaya nang Siya ay naririto sa lupa. Ang mga lingkod ni Kristo ay siya Niyang mga kinatawan, na mga kinakasangkapan sa Kaniyang paggawa. Nais Niyang sa pamamagitan nila ay magamit Niya ang Kaniyang kapangyarihang nagpapagaling. BB 1203.2
Sa paraan ng pagpapagaling ng Tagapagligtas ay may mga aral Siya para sa Kaniyang mga alagad. Sa isang pangyayari ay pinahiran Niya ng putik ang mga mata ng lalaking bulag, at ito'y inatasang, “Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe. ... Siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakakita.” Juan 9:7. Maaaring sa kapangyarihan lamang ng Dakilang Tagapagpa-galing ay gumaling na ang tao, nguni't gumamit pa rin si Kristo ng mga simpleng sangkap ng katalagahan. Bagaman at hindi Niya sinasang-ayunan ang paggamit ng droga, ay pinayagan naman Niya ang paggamit ng simple at likas na mga panlunas. BB 1204.1
Sa maraming maysakit na pinagaling ni Kristo, ay sinabi Niya, “Huwag ka nang magkasala, baka mangyari pa sa iyo ang lalong masama.” Juan 5:14. Sa ganyan ay itinuro Niyang ang pagkakasakit ay bunga ng paglabag sa mga kautusan ng Diyos, maging natural o espirituwal. Ang malaking kahirapang nasa sanlibutan ay wala sana ngayon kung tumalima lamang ang mga tao sa panukala ng Maykapal. BB 1204.2
Si Kristo ang naging patnubay at tagapagturo ng matandang Israel, at itinuro Niya sa kanila na ang kalusugan ay bunga ng pagtalima sa mga kautusan ng Diyos. Ang Dakilang Manggagamot na nagpagaling ng mga maysakit sa Palestina ay nagsalita sa Kaniyang bayan buhat sa haliging ulap, na sinabi sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin, at kung ano naman ang gagawin ng Diyos para sa kanila. “Kung iyong didinggin nang buong sikap ang tinig ng Panginoon mong Diyos,” wika Niya, “at iyong gagawin ang matwid sa Kaniyang mga mata, at iyong didinggin ang Kaniyang mga utos, at iyong gaganapin ang lahat Niyang mga palatuntunan, ay wala Akong ilalagay na mga karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay Ko sa mga Ehipsiyo: sapagka't Ako ang Panginoon na nagpapagaling sa iyo.” Exodo 15:26. Nagbigay si Kristo sa Israel ng tiyak na tagubilin tungkol sa mga kaugalian nila sa buhay, at tiniyak Niya sa kanila na, “Ilalayo sa iyo ng Panginoon ang lahat ng sakit.” Deuteronomio 7:15. Nang tupdin nila ang mga kondisyon, ay tinupad naman Niya sa kanila ang pangako. “Hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kanilang mga lipi.” Awit 105:37. BB 1204.3
Ang mga aral na ito ay para sa atin. May mga kondisyong dapat tupdin ng lahat ng nagnanais na makapagingat ng kalusugan. Dapat matutuhan ng lahat kung ano ang mga kondisyong ito. Hindi ikinalulugod ng Panginoong hindi natin maalaman ang tungkol sa Kaniyang mga kautusan, maging natural o espirituwal. Dapat tayong maging mga manggagawang kasama ng Diyos sa pagsasauli ng kalusugan sa katawan gayundin sa kaluluwa. BB 1205.1
At dapat nating ituro sa mga iba kung paano maiingatan at mapananauli ang kalusugan. Dapat nating gamitin sa mga maysakit ang mga panlunas na inilagay ng Diyos sa katalagahan, at dapat nating ituro sila sa Kaniya na siya lamang makapagpapagaling. Ang gawain natin ay dalhin kay Kristo ang mga maysakit at mga nahihirapan sa mga bisig ng ating pananampalataya. Dapat natin silang turuan na sumampalataya sa Dakilang Tagapagpagaling. Dapat nating panghawakan ang Kaniyang pangako, at idalangin ang pagpapakita ng Kaniyang kapangyarihan. Ang pinakalikas ng ebanghelyo ay pagsasauli, at nais ng Tagapagligtas na atasan natin ang mga maysakit, ang mga walang-pag-asa, at ang mga nahihirapan na manghawak sa Kaniyang kalakasan. BB 1205.2
Ang kapangyarihan ng pag-ibig ay kasama sa lahat ng pagpapagaling ni Kristo, at sa pamamagitan lamang ng pagtanggap sa pag-ibig na yaon, sa pamamagitan ng pananampalataya, maaari tayong maging mga kasangkapan sa Kaniyang gawain. Kung kinaliligtaan nating ikawing ang ating mga sarili sa banal na pagkakaugnay kay Kristo, ang agos ng nagbibigay-buhay na lakas ay hindi makadadaloy sa mga tao buhat sa atin. May mga pook na hindi nakagawa ang Tagapagligtas ng maraming mga kababalaghang gawa dahil sa kanilang di-paniniwala. Ganyan din naman ngayon, ang di-paniniwala ay siyang naghihiwalay sa iglesya sa kaniyang Diyos na Tumutulong. Ang panghahawak niya sa mga bagay na walang-hanggan ay mahina. Dahil sa kakulangan niya ng pananampalataya, ang Diyos ay nabibigo, at nananakawan ng Kaniyang kaluwalhatian. BB 1205.3
Sa paggawa ng gawain ni Kristo napapasa iglesya ang pangako ng Kaniyang pakikisama. Magsiyaon kayo, turuan ninyo ang lahat ng mga bansa, wika Niya; “at narito, Ako'y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Ang pagpapasan ng Kaniyang pamatok ay isa sa unang mga kondisyon upang matanggap ang Kaniyang kapangyarihan. Ang buhay ng iglesya ay nakasalalay sa kaniyang tapat na pagtupad ng tagubilin ng Panginoon. Ang pagpapabaya sa gawaing ito ay tiyak na magdudulot ng espirituwal na panghihina at pagkamatay. Pagka walang masikap na paggawa para sa mga iba, ay kumukupas ang pag-ibig, at nanghihina ang pananampalataya. BB 1206.1
Panukala ni Kristo na ang mga ministro Niya ay maging mga tagapagturo ng iglesya sa gawain ng ebanghelyo. Dapat nilang ituro sa mga tao kung paano haha-napin at ililigtas ang mga nawawala. Subali't ito ba ang kanilang ginagawa? Ay, ilan nga ang nagsisipagpagal na paypayan ang baga ng buhay sa isang iglesyang malapit nang mamatay! Ilan ngang mga iglesya ang inaalagaang tulad sa mga tupang may sakit niyaong mga dapat sana'y nagsisipaghanap sa mga tupang nawawaglit! At samantala'y angaw-angaw naman ang nangapapa-hamak nang walang Kristo. BB 1206.2
Nakilos ang pag-ibig ng Diyos hanggang sa kaibuturan nito alang-alang sa mga tao, at nanggigilalas ang mga anghel na makita sa mga nagsitanggap ng gayong kalaking pag-ibig ang paimbabaw na pasasalamat. Nanggigilalas ang mga anghel sa mababaw na pagpapahalaga ng tao sa pag-ibig ng Diyos. Nagagalit ang Langit sa ipinakikitang pagpapabaya sa kaluluwa ng mga tao. Nais ba nating malaman kung paano ito pinahahalagahan ni Kristo? Ano kaya ang magiging pakiramdam ng isang ama at isang ina, kung maalaman nila, na ang kanilang anak na nawala dahil sa lamig ng niyebe, ay nilampasan at pinabayaang mamatay niyaong mga dapat sana'y nakapagligtas dito? Hindi ba sila labis na maghihinagpis at mapopoot? Hindi ba nila tutuligsain ang mga mama-matay-taong yaon sa tindi ng galit na kasing-init ng kanilang mga luha, at kasinsidhi ng kanilang pag-ibig? Ang mga paghihirap ng bawa't tao ay paghihirap din ng anak ng Diyos, at yaong mga hindi naglalawit ng kamay upang tulungan ang kanilang napapahamak na mga kapwa kinapal ay nag-aanyaya ng matwid na galit Niya. Ito ang galit ng Kordero. Lahat ng nagsasabing nakikisama kay Kristo, nguni't nagwawalang-bahala naman sa mga pangangailangan ng kanilang mga kapwa tao, ay pagsasabihan Niya sa dakilang araw ng paghuhukom nang ganito, “Hindi Ko kayo nangakikilala kung kayo'y tagasaan; magsilayo kayo sa Akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.” Lukas 13:27. BB 1207.1
Sa tagubiling ibinigay ni Kristo sa Kaniyang mga alagad, ay hindi lamang binalangkas Niya ang kanilang gagawin, kundi binigyan din naman sila ng kanilang pabalita. Ituro ninyo sa mga tao, sabi Niya, “na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos Ko sa inyo.” Dapat ituro ng mga alagad ang itinuro ni Kristo. Kasama rito hindi lamang yaong mga sinalita Niya mismo, kundi yaon din namang mga sinabi Niya sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta at mga guro ng Matandang Tipan. Ang aral na buhat sa tao ay hindi isinasama. Hindi isinasama ang sali't-saling sabi, ang mga teorya at mga pala-palagay ng mga tao, o ang batas ng simbahan. Walang mga kautusang itinakda ng kapangyarihang eklesiyastiko na kasama sa tagubilin. Hindi ang mga ito ang dapat ituro ng mga lingkod ni Kristo. “Ang kautusan at ang mga propeta,” na kasama ang tala ng sarili Niyang mga salita at mga ginawa, ay siyang kayamanang ipinagkatiwala sa mga alagad upang ibigay sa sanlibutan. Pangalan ni Kristo ang siya nilang bukang-bibig, ang kanilang pinakatandang pagkakakilanlan, ang kanilang tali ng pagkakaisa, ang kapangyarihan sa hakbang na kanilang gagawin, at siyang pagmumulan ng kanilang tagumpay. Anumang bagay na hindi nagtataglay ng Kaniyang pangalan ay hindi kikilalanin sa Kaniyang kaharian. BB 1207.2
Ang ebanghelyo ay dapat ipakilala, hindi tulad sa isang teoryang patay, kundi tulad sa isang buhay na lakas upang bumago ng kabuhayan. Hinahangad ng Diyos na ang mga nagsisitanggap ng Kaniyang biyaya ay maging mga saksi sa kapangyarihan nito. Yaong mga namuhay ng nakapopoot sa Kaniya ay malaya't malugod Niyang tinatanggap; kapag sila'y nagsisisi, ibinibigay Niya sa kanila ang Kaniyang Banal na Espiritu, inilalagay sila sa pinakamatataas na tungkuling pinagkakatiwalaan, at isinusugo sila sa pook ng mga di-tapat upang itanyag ang Kaniyang walang-hanggang kaawaan. Ibig Niyang ang Kaniyang mga lingkod ay magpatotoo sa katotohanan na sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya ay maaaring makapag-angkin ang mga tao ng likas na katulad ng dakilang pag-ibig. Ibig Niyang tayo'y magpatotoo sa katotohanan na hindi Siya masisiyahan hanggang sa ang buong sangkatauhan ay naibalik at naisauli sa kanilang mga banal na karapatan bilang Kaniyang mga anak na lalaki at mga anak na babae. BB 1208.1
Na kay Kristo ang kabaitan ng pastor, ang pagmamahal at pag-ibig ng magulang, at ang di-mapapanta-yang biyaya ng mahabaging Tagapagligtas. Ipinakikilala Niya ang Kaniyang mga pagpapala sa pinakanakaha-halinang pangungusap. Hindi siya nasisiyahan na ipaha-yag lamang ang mga pagpapalang ito; ipinakikilala Niya ang mga ito sa lalong kaakit-akit na paraan, upang ma-kapag-udyok ng isang pagnanasa na maangkin ang mga ito. Sa ganyang paraan dapat ipakilala ng Kaniyang mga lingkod ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng dimatingkalang Kaloob. Palalambutin at pasusukuin ng kahanga-hangang pag-ibig ni Kristo ang puso ng mga tao, samantalang ang karaniwang pag-uulit ng mga aral ay walang ibubungang anuman. “Inyong aliwin, inyong aliwin ang Aking bayan, sabi ng inyong Diyos.” “Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabubuting balita sa Siyon, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabubuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ninyo ang inyong Diyos! ... Kaniyang papastulin ang Kaniyang kawan na gaya ng pastor: Kaniyang pipisanin ang mga kordero sa pamamagitan ng Kaniyang kamay, at dadalhin sila sa Kaniyang sinapupiman.” Isaias 40:1, 9-11. Sabihin ninyo sa mga tao na Siya “ang Pinakama-inam sa sampung libo,” at Siya ang “totoong kaibig-ibig.” Awit ng mga Awit 5:10, 16. Hindi ito maisasaysay ng mga salita lamang. Bayaang ito'y maaninag sa likas at makita sa kabuhayan. Si Kristo'y nakaupo at ang larawan Niya'y kinukuha't isinasalin sa bawa't alagad. Bawa't isa ay itinalaga ng Diyos na maging “katulad ng larawan ng Kaniyang Anak.” Roma 8:29. Sa bawa't isa ay dapat makita ng sanlibutan ang mapagpahinuhod na pag-ibig ni Kristo, ang Kaniyang kabanalan, kaamuan, kaawaan, at katotohanan. BB 1209.1
Ang mga unang alagad ay nagsiyaong ipinangangaral ang salita. Inihayag nila si Kristo sa kanilang mga kabuhayan. At ang Panginoon ay gumawang kasama nila, “na pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip.” Marcos 16:20. Inihanda ng mga alagad na ito ang kanilang mga sarili para sa kanilang gawain. Bago dumating ang araw ng Pentekostes ay nagkatipon sila, at kanilang inalis ang lahat nilang mga di-pagkakaunawaan at pagtataniman ng loob. Nangag-kaisa sila. Sinampalatayanan nila ang pangako ni Kristo na ibibigay sa kanila ang pagpapala, at sila'y nagsipanalanging may pananampalataya. Hindi nila hininging sila lamang ang pagpalain; matindi ang kanilang pagnanais na magligtas ng mga kaluluwa. Ang ebanghelyo ay dapat dalhin hanggang sa kadulu-duluhang mga bahagi ng lupa, at kanilang hininging ibigay sa kanila ang kapangyarihang ipinangako ni Kristo. Nang magkagayon nga'y ibinuhos ang Espiritu Santo, at libu-libo ang nangahikayat sa isang araw. BB 1210.1
Kaya magkakaganyan din ngayon. Sa halip na mga pala-palagay ng mga tao ang ipangaral, ay salita ng Diyos ang ipangaral. Iwaksi ng mga Kristiyano ang kanilang mga pagtatalu-talo, at ipasakop nila ang kanilang mga sarili sa Diyos para sa ikaliligtas ng mga nawawaglit. Bayaang sa pananampalataya'y hingin nila ang pagpapala, at ito ay darating. Ang pagbubuhos ng Espiritu noong panahon ng mga apostol ay siyang “unang ulan,” at maluwalhati ang naging bunga. Nguni't ang “huling ulan” ay magiging lalo pang masagana. Joel 2:23. BB 1210.2
Lahat ng nangagtatalaga sa Diyos ng kanilang kaluluwa, katawan, at espiritu ay patuloy na tatanggap ng bago at bagong lakas ng katawan at pag-iisip. Ang dinauubos na panustos ng langit ay naghihintay sa kanila. Ibinibigay sa kanila ni Kristo ang hinga ng Kaniyang sariling espiritu, ang buhay ng sarili Niyang buhay. Ibinubuhos naman ng Banal na Espiritu ang buong lakas nito upang gumawa sa puso at pag-iisip. Pinalalaki at pinararami ng biyaya ng Diyos ang kanilang mga kakayahan, at ang biyayang ito ay siyang nagpapasakdal sa banal na likas at tumutulong sa gawaing pagliligtas ng mga kaluluwa. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan kay Kristo ay nagiging ganap sila sa Kaniya, at bagaman sila'y mahihina sa kanilang pagkatao ay naaaring magawa nila ang mga gawa ng Makapangyarihan sa lahat. BB 1210.3
Pinananabikan ng Tagapagligtas na ihayag ang Kaniyang biyaya at itatak ang Kaniyang likas sa buong sanlibutan. Ito ay Kaniyang biniling pag-aari, at nais Niyang ang mga tao ay palayain, linisin, at pabanalin. Bagaman hinahadlangan ni Satanas ang layuning ito, gayunman sa pamamagitan ng dugong nabuhos dahil sa sanlibutan ay may mga tagumpay na makakamtan na magdudulot ng kaluwalhatian sa Diyos at sa Kordero. Hindi masisiyahan si Kristo hanggang sa maging ganap ang tagumpay, at “Siya'y makakakita ng pagdaramdam ng Kaniyang kaluluwa, at masisiyahan.” Isaias 53:11. Lahat ng mga bansa sa lupa ay makakarinig ng ebanghelyo ng Kaniyang biyaya. Hindi lahat ay tatanggap ng Kaniyang biyaya; subali't “isang binhi ay maglilingkod sa Kaniya; ito'y ibibilang sa Panginoon sa susunod na salin-ng-lahi.” Awit 22:30. “Ang kaharian at ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit, ay mabibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan,” at “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” “Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kanluran, at ang Kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw.” Daniel 7:27; Isaias 11:9; 59:19. BB 1211.1
“Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabubuting balita, na naghahayag ng kapayapaan; na nangagdadala ng mga mabubuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan; na nagsasabi sa Siyon, Ang iyong Diyos ay naghahari! ... Kayo'y magbiglang magalak, kayo'y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako: ... sapagka't inaliw ng Panginoon ang Kaniyang bayan. ... Hinubdan ng Panginoon ang Kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat ng mga bansa; at makikita ng lahat na mga wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos.” Isaias 52:7. BB 1212.1