Bukal Ng Buhay
Kabanata 87—“Sa Aking Ama, at sa Inyong Ama”
Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 24:50-53; Mga Gawa 1:9-12.
Sumapit na ang oras ng pag-akyat ni Kristo sa luklukan ng Kaniyang Ama. Bilang isang banal na manana-gumpay ay babalik na Siya na taglay ang mga tropeo ng tagumpay sa mga bulwagan sa langit. Bago Siya namatay ay sinabi Niya sa Kaniyang Ama, “Natapos na ang gawaing ipinagawa Mo sa Akin.” Juan 17:4. Nang Siya'y mabuhay nang mag-uli ay nagpalumagak muna Siya sa lupa, upang ang mga alagad Niya ay mabihasa sa Kaniya sa Kaniyang nagbangon at naluwalhating katawan. Ngayon ay handa na Siyang umalis. Pinatunayan na Niyang Siya ay isang buhay na Tagapagligtas. Hindi na kailangan ng Kaniyang mga alagad na Siya'y dalawin pa sa libingan. Aalalahanin na nila Siya bilang naluwalhati sa harap ng sangkalangitan. BB 1213.1
Bilang pook ng pag-akyat Niya sa langit, ay pinili ni Jesus ang dakong lubhang pinabanal ng Kaniyang kapaparoon nang Siya'y tumahan sa gitna ng mga tao. Hindi Bundok ng Siyon, na bayan ni David, ni hindi rin Bundok ng Moria, na pinagtayuan ng templo, ang dapat ngang maparangalan. Doon nilibak si Kristo at itinakwil. Doon ang mga alon ng kaawaan, na pabalik-balik pa ring taglay ang lalong malakas na alon ng pag-ibig, ay itinaboy na pabalik ng mga pusong sintigas ng bato. Mula roon, si Jesus na pagod at naninimdim ang puso, ay umalis upang humanap ng mapagpapahingahan sa Bundok ng mga Olibo. Ang banal na Shekinah, sa paglisan nito sa unang templo, ay tumayo sa ibabaw ng bundok sa dakong silangan, na parang mapait sa loob na iwan ang piniling lungsod; gayon tumayo si Kristo sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, na may pusong nananabik sa pagkakatunghay sa Jerusalem. Ang mga kakahuyan at mga liblib na libis ng bundok ay pinabanal na ng Kaniyang mga panalangin at mga luha. Sa matatarik na lugar nito ay umalingawngaw ang masasayang sigaw ng pagtatagumpay ng karamihan na nagtanyag na Siya ay hari. Sa palusong na dahilig o gulod nito ay nakatagpo Siya ng isang tahanan, ang tahanan nina Lazaro sa Betanya. Sa halaman ng Gethsemane na nasa paanan nito ay doon Siya nanalangin at naghirap na mag-isa. Sa bundok na ito Siya magpapatibuhat ng Kaniyang pag-akyat sa langit. Sa ibabaw nito lalapag ang Kaniyang mga paa kapag Siya'y naparito nang muli. Hindi bilang isang taong bihasa sa kalungkutan, kundi bilang isang maluwalhati at matagumpay na hari ay Siya'y tatayo sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, samantalang ang mga aleluyang Hebreo na may kasaliw na mga Hosanang Hentil, at ang mga tinig ng mga tinubos ay mag-iinugong na gaya ng isang makapangyarihang hukbo sa ganitong pagpupuri, Putungan ninyo Siya na Panginoon ng lahat! BB 1213.2
Ngayon kasama ang labing-isang alagad na tinalunton ni Jesus ang daang patungo sa bundok. Nang sila'y dumaan sa pintuang-bayan ng Jerusalem, maraming namamanghang mga mata ang nagpukol ng tingin sa maliit na pulutong, na pinangungunahan ng Isa na noong ilang linggo lamang ang nakararaan ay hinatulan at ipinako sa krus ng mga pinuno. Hindi batid ng mga alagad na ito na ang magiging kahuli-hulihan nilang pakikipagtagpo at pakikipag-usap sa kanilang Panginoon. Gumugol si Jesus ng panahon sa pakikipag-usap sa kanila, na inuulit ang Kaniyang dating tagubilin. Nang bumulwag na sila sa Gethsemane, ay saglit na huminto si Jesus, upang maalaala nila ang mga aral na ibinibigay Niya sa kanila noong gabi ng Kaniyang malaking paghihirap. Muli Niyang pinagmasdan ang puno ng ubas na sa pamamagitan niyon inihaiimbawa Niya noon ang pakikipagkaisa ng Kaniyang iglesya sa Kaniyang sarili at sa Kaniyang Ama; muli Niyang inulit ang mga katotohanang Kaniyang inihayag. Sa buong paligid Niya ay naroon ang mga tagapagpagunita ng Kaniyang di-mapag-higanting pag-ibig. Maging ang mga alagad Niyang lubhang napakamahal sa Kaniyang puso, ay nagsihamak at nagsitalikod sa Kaniya sa sandali ng Kaniyang pagpapa-kababa. BB 1214.1
Namalagi si Kristo sa sanlibutan sa loob ng tatlumpu't tatlong taon; binata Niya ang pagkutya, paghamak, at paglibak nito; Siya'y itinakwil at ipinako sa krus. Ngayong Siya'y aakyat na sa Kaniyang luklukan ng kaluwalhatian,—habang sinasariwa Niya ang kawalang-utang-na-loob ng bayang Kaniyang pinarituhan upang iligtas,—hindi kaya Niya babawiin sa mga ito ang Kaniyang paglingap at pag-ibig? Hindi kaya mapapatuon ang Kaniyang pagmamahal sa kahariang yaon na nagpapahalaga sa Kaniya, at doo'y nagsisipaghintay sa Kaniyang ipag-uutos ang mga anghel na di-nagkasala? Hindi; ang pangako Niya sa mga minamahal na iniwan sa lupa ay, “Ako'y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Mateo 28:20. BB 1215.1
Pagsapit sa Bundok ng mga Olibo, nanguna si Jesus sa pagbagtas sa taluktok, hanggang sa malapit sa Betanya. Dito'y huminto Siya, at nagkatipon naman sa palibot Niya ang mga alagad. Waring nagliliwanag ang Kaniyang mukha nang buong pag-ibig na pagmasdan Niya sila. Hindi Niya pinagwikaan sila sa kanilang mga pagkukulang at mga pagkakamali; kundi mga pangungusap na lipos ng pagmamahal ang mga huling narinig nila na namutawi sa mga labi ng kanilang Panginoon. Nakaunat ang mga kamay na nagpapala, at para bagang tinitiyak ang Kaniyang nag-iingat na pangangalaga, Siya'y dahandahang pumaitaas na mula sa gitna nila, na hinahatak na patungo sa langit ng isang kapangyarihang higit na malakas kaysa anumang bagay na nakaaakit sa lupa. Habang Siya'y pumapaitaas, hinabol ng tingin ng nangatitilihang mga alagad ang kahuli-huling anyo ng kanilang pumapailanlang na Panginoon. Isang ulap ng kaluwalhatian ang nagkubli sa Kaniya sa kanilang paningin; at nagbalik sa kanila ang mga salita nang Siya'y tanggapin na ng ulap na karo ng mga anghel, “Narito, Ako'y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” Kaalinsabay nito'y narinig nilang bumaba sa kanila ang pinakamatamis at pinakamasayang awitan ng mga anghel na koro sa langit. BB 1215.2
Habang nakatitig pa ring patingala ang mga alagad. may mga tinig na nagsalita sa kanila na tulad ng pinakamainam na musika. Sila'y nagsilingon, at nakita nila ang dalawang anghel na nasa anyong tao, na nagsalita sa kanila, na nagsasabi, “Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon Niya sa langit.” BB 1217.1
Ang mga anghel na ito ay kasama ng pulutong na naghihintay sa nagliliwanag na ulap upang ihatid si Jesus sa Kaniyang tahanan sa langit. Ang dalawang anghel na ito ay siyang pinakadakila sa hukbo ng mga anghel, silang dalawa ang nagtungo sa libingan noong mabuhay na mag-uli si Kristo, at sila ang naging kasamasama Niya sa buong panahong ipinamuhay Niya sa iba baw ng lupa. Buong pananabik na hinintay-hintay ng buong kalangitan ang wakas ng Kaniyang pamamalagi sa isang sanlibutang dinungisan ng kasalanan. Dumating na ngayon ang sandali upang tanggapin ng sangkalangitan ang kanilang Hari. Hindi ba nasasabik ang dalawang anghel na makisama sa karamihang anghel na sumalubong at tumanggap kay Jesus? Nguni't dahil sa pakiramay at pag-ibig sa mga iniwan Niya, ay nagpaiwan sila upang bigyan sila ng kaaliwan. “Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipaglingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?” Hebreo 1:14. BB 1217.2
Si Kristo ay pumaitaas sa Langit na nasa anyong tao. Nakita ng mga alagad ang ulap na tumanggap sa Kaniya. Ang Jesus dmg iyon na lumakad at nakipag-usap at nanalanging kasama nila; na nagputul-putol ng tinapay na kasama nila; na nakasama nila sa kanilang mga daong sa dagat; at naging kasama nila nang araw ding yaon sa pag-akyat sa Bundok ng Olibo—ang Jesus ding ito ay umalis na ngayon upang makisama sa luklukan ng Kaniyang Ama. At tiniyak sa kanila ng mga anghel na ang Isang iyon na nakita nilang umakyat sa langit, ay muling pariritong gaya ng nakita nilang pag-akyat Niya sa langit. Siya'y paparitong “nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa't mata.” “Ang Panginoon din ang bababang mula sa langit na may isang sigaw, may tinig ng Arkanghel, at may pakakak ng Diyos: at ang nangamatay kay Kristo ay unang mangabubuhay na mag-uli.” “Pagparito ng Anak ng tao na nasa Kaniyang kaluwalhatian, na kasama Niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok Siya sa luklukan ng Kaniyang kaluwalhatian.” Apoealipsis 1:7; 1 Tesaloniea 4:16; Mateo 25:31. Sa ganyan matutupad ang pangako ng Panginoon sa Kaniyang mga alagad ria: “Kung Ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo'y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon.” Juan 14:3. Marapat ngang magsaya ang mga alagad sa pag-asa sa pagbabalik ng kanilang Panginoon. BB 1218.1
Nang magsibalik na sa Jerusalem ang mga alagad, ay nangagtaka sa kanila ang mga tao. Pagkatapos ng paglilitis at ng pagpapako kay Kristo sa krus, ay inakala nilang makikita nila sila na lupaypay at nahihiya. Inasahan ng kanilang mga kaaway na sa kanilang mga mukha ay makikitang nakabadha ang kalungkutan at pagkagapi. Nguni't sa halip nito ang nakabadha roon ay kagalakan at pagtatagumpay. Nagliliwanag ang kanilang mga mukha sa taglay na kaligayahang hindi natatamo sa lupa. Hindi ikinahapis ang mga nabigong pag-asa, kundi lipos sila ng pagpupuri at pagpapasalamat sa Diyos. Buong katuwaang isinaysay nila ang kahanga-hangang kasaysayan ng pagkabuhay na mag-uli ni Kristo at ang Kaniyang pag-akyat sa langit, at tinanggap naman ng marami ang kanilang patotoo. BB 1219.1
Hindi na nag-aalaala ang mga alagad tungkol sa hinaharap. Batid nilang si Jesus ay nasa langit, at sumasakanila pa rin ang Kaniyang pag-ibig at pakikiramay. Batid nilang mayroon silang isang Kaibigan sa luklukan ng Diyos, at sabik silang iharap sa Ama sa pangalan ni Jesus ang kanilang mga kahilingan. Dala ng banal na pangingimi ay yumuko sa pananalangin, na inuulit ang pangakong, “Kung hihingi ng anuman sa Ama, ay ibibigay Niya sa inyo sa Aking pangalan. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan Ko: kayo'y magsihingi, at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan.” Juan 16:23,24. Iniunat nilang pataas nang pataas ang kamay ng pananampalataya, na may mahigpit na pakikiusap, “Si Kristo ang namatay, oo, yaong nabuhay na mag-uli, na Siya rin namang nasa kanan ng Diyos, na Siya rin namang namamagitan dahil sa atin.” Roma 8:34. At hinatdan sila ng Pentekostes ng lubos na kagalakan sa harapan ng Mang-aaliw, gaya nang ipinangako ni Kristo. BB 1219.2
Ang buong sangkalangitan ay nangaghintay upang tanggapin ang Tagapagligtas sa mga korte sa langit. Nang Siya'y pumaitaas, Siya ang nanguna sa daan, at ang maraming bihag na nangagsilaya nang Siya'y mabuhay na mag-uli ay nangagsisunod. Ang hukbo ng kalangitan, na may mga sigaw at mga pagbubunyi ng pagpupuri at pag-aawitan, ay nakisama sa nangagsasayang mga anghel. BB 1220.1
Nang mapalapit na sila sa Lungsod ng Diyos, ay nag utos ang mga umaabay na anghel— BB 1220.2
“Itaas ninyo ang inyong mga ulo,
Oh kayong mga pintuang-bayan;
At kayo'y mangataas,
kayong mga walang-hanggang pintuan;
At ang Hari ng kaluwalhatian ay papasok.”
Buong galak namang nagsitugon ang mga tanod—
“Sino ang Hari ng kaluwalhatian?”
BB 1220.3
Ito'y sinasabi nila, hindi dahil sa di nila nakikilala kung sino Siya, kundi dahil sa ibig nilang mapakinggan ang sagot ng dakilang pagpupuri— BB 1220.4
“Ang Panginoong malakas at makapangyarihan,
Ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka!
Itaas ninyo ang inyong mga ulo,
Oh kayong mga pintuang-bayan;
BB 1220.5
At ang Hari ng kaluwalliatian ay papasok.” Muling narinig ang utos, “Sino itong Hari ng kaluwalhatian?” sapagka't hindi napapagod ang mga anghel na mapakinggang ibinubunyi ang Kaniyang pangalan. Muling sumagot ang umaabay na mga anghel— BB 1220.6
“Ang Panginoon ng mga hukbo; BB 1220.7
Siya ang Hari ng kaluwaihatian.” Awit 24:7-10. Nang magkagayo'y nabuksan nang maluwang ang mga pintuan ng Lungsod ng Diyos, at ang hukbo ng mga anghel ay nagsipasok sa mga pintuan sa gitna ng nagiinugong na masasayang awitan. BB 1220.8
Naroon ang luklukan, at sa paligid niyon ay naroon ang bahaghari ng pangako. Naroon ang mga kerubin at mga serafin. Nagkatipon ang mga pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, ang mga anak ng Diyos, ang mga kinatawan ng mga sanlibutang di-nagkasala. Ang kapulungan ng kalangitan na doon pinaratangan ni Lucifer ang Diyos at ang Kaniyang Anak, at ang mga kinatawan ng mga di-nagkasalang sanlibutan na doon inisip ni Satanas na itatag ang kaniyang kapangyarihan at pamamahala— lahat ay naroroon upang salubungin at tanggapin ang Manunubos. Sila'y nasasabik na maipagdiwang ang Kaniyang tagumpay at maluwahati ang kanilang Hari. BB 1221.1
Datapwa't kinawayan Niya sila na magsibalik. Hindi pa ngayon; hindi pa Niya matatanggap ngayon ang korona o putong ng kaluwalhatian at ang damit-hari. Pumasok Siya at humarap sa Kaniyang Ama. Itinuro Niya ang Kaniyang nasugatang ulo, ang inulos na tagiliran, ang nabutasang mga paa; itinaas Niya ang Kaniyang mga kamay, na nagtataglay ng pinaglagusan ng mga pako. Itinuro Niya ang mga tanda ng Kaniyang tagumpay; iniharap Niya sa Diyos ang bigkis na inalog, ang mga nagbangong kasama Niya bilang mga kinatawan ng malaking karamihan na magsisibangon sa libingan sa Kaniyang ikalawang pagdating. Nilapitan Niya ang Ama, na naliligayahan pagka may isang makasalanang nagsisisi, na natutuwa sa isa na may pag-awit. Bago nangalagay ang mga patibayan ng lupa, nagkasundo ang Ama at ang Anak na tubusin ang tao sakaling ito ay madaig ni Satanas. Nagkamay Sila sa isang banal na pangakuan, na si Kristo ang magiging tagapanagot ng sangkatauhan. Ang pangakong ito ay tinupad ni Kristo. Nang sa Kaniyang pagkakabayubay sa krus ay isigaw Niyang, “Naganap na,” sa Ama Niya ito sinabi. Lubos na naisakatuparan ang tipanan o kasunduan. Ngayon ay sinasabi Niyang, Ama, naganap na. Ginanap Ko ang Iyong kalooban, Oh Aking Diyos. Natapos Ko na ang gawain ng pagtubos. Kung nasisiyahan na ang Iyong katarungan, “Yaong mga ibinigay Mo sa Akin, ay ibig Kong kung saan Ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama Ko.” Juan 19:30; 17:24. BB 1221.2
Narinig ang tinig ng Diyos na nagpapahayag na ang katarungan ang nasisiyahan. Nagapi na si Satanas. Ang mga alagad ni Kristo, na nagsisipagpagal at nagsisipag-punyagi sa lupa ay pawang “tinatanggap sa Minamahal.” Efeso 1:6. Sa harap ng mga anghel sa langit at ng mga kinatawan ng mga sanlibutang di-nagkasala, sila'y ipina-hayag na inaaring-ganap. Kung saan Siya naroroon, doon naman doroon ang Kaniyang iglesya. “Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katwiran at kapayapaan ay naghalikan.” Awit 85:10. Niyakap ng Ama ang Kaniyang Anak, at ang salita ay ibinigay, “Sambahin Siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.” Hebreo 1:6. BB 1222.1
Taglay ang di-mabigkas na katuwirang kinilala ng mga pamunuan at ng mga kapangyarihan ang pangingi-babaw ng Prinsipe ng buhay. Ang hukbo ng mga anghel ay nangagpatirapa sa harap Niya, habang nag-iinugong ang mga sigaw ng kagalakan sa buong bulwagan ng kalangitan, “Karapat-dapat ang Kordero na pinatay upang tumanggap ng kapangyarihan, at ng kayamanan, at ng karunungan, at ng kalakasan, at ng kapurihan, at ng kaluwalhatian, at ng pagpapala.” Apocalipsis 5:12. BB 1222.2
Mga awit ng tagumpay ang sumaliw sa tugtuging nagmumula sa mga alpa ng mga anghel, hanggang sa ang buong sangkalangitan ay waring nag-uumapaw sa katuwaan, at pagpupuri. Nanaig ang pag-ibig. Nasumpungan ang nawala. Nag-inugong ang langit sa maiindayog na himig na nagsasabi, “Sa Kaniya na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero ay ang pagpapala, at kapurihan, at kaluwalhatian, at paghahari magpakailan-kailanman.” Apocalipsis 5:13. BB 1222.3
Buhat sa tanawing yaon ng pagkakatuwaan sa langit, ay bumabalik sa atin sa lupa ang alingawngaw ng kaha-nga-hangang mga pangungusap ni Kristo, “Umaakyat Ako sa Aking Ama, at inyong Ama; at sa Aking Diyos, at inyong Diyos.” Juan 20:17. Ang sambahayan sa langit at ang sambahayan sa lupa ay iisa. Dahil sa atin ay umakyat ang ating Panginoon, at dahil sa atin Siya ay nabu-buhay. “Dahil dito naman Siya'y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa'y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.” Hebreo 7:25. BB 1223.1