Bukal Ng Buhay

86/89

Kabanata 85—Sa Tabi ng Dagat Minsan Pa

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 21:1-22.

Tinipan ni Jesus na katagpuin sa Galilea ang Kaniyang mga alagad; at kaya nga karaka-rakang makaraan ang linggo ng Paskuwa, ay gumayak na silang pumaroon. Ang pagkawala nila sa Jerusalem sa panahon ng kapistahan ay ituturing na pagtataksil at paglaban, kaya sila'y namalagi roon hanggang sa ito ay natapos; nguni't nang ito'y matapos na ay masaya silang umuwi upang tagpuin ang Tagapagligtas ayon sa Kaniyang ipinagbilin. BB 1179.1

Pito sa mga alagad ang magkakasama. Nadaramtan sila ng abang kasuutan ng mga mangingisda; salat sila sa mga kayamanan ng sanlibutan, subali't mayaman naman sa pagkakilala at pagsasakabuhayan ng katotohanan, na siyang sa paningin ng Langit ay nagbigay sa kanila ng kataas-taasang katayuan bilang mga tagapagturo. Hindi sila nagsipag-aral sa mga paaralan ng mga propeta nguni't sa loob naman ng tatlong taon ay tinuruan sila ng pinakadakilang Guro na lumitaw sa sanlibutan. Sa ilalim ng Kaniyang pagtuturo ay sila'y naging mararangal, matatalino, at nalinang na mga kinatawan na sa pamamagitan nila'y maaaring maakay ang mga tao sa pagkakilala ng katotohanan. BB 1179.2

Ang malaking panahon ng ministeryo ni Kristo ay ginugol sa tabi ng Dagat ng Galilea. Nang magkatipon na ang mga alagad sa isang pook na doo'y hindi sila magagambala, ay nasumpungan nilang sila'y naliligid ng mga alaala ni Jesus at ng Kaniyang makapangyarihang mga gawa. Sa dagat na ito, nang ang mga puso nila ay saklot ng sindak, at mabilis silang dinadala ng mabangis na bagyo sa tiyak na kapahamakan, ay lumakad si Jesus sa ibabaw ng mga alon upang sila'y saklolohan. Dito'y tumahimik ang unos sa pamamagitan ng Kaniyang salita. Abot ng tanaw ay ang dalampasigan na doo'y pinakain ang mahigit sa sampung libong tao mula sa ilang putol na tinapay at mga isda. Hindi rin kalayuan doon ay ang Capernaum, na doon naganap ang lubhang maraming himala o kababalaghan. Nang pagmasdan ng mga alagad ang tanawin, ay napuno ang kanilang pag-iisip ng mga salita at mga gawa ng kanilang Tagapagligtas. BB 1181.1

Maaliwalas ang gabi, at si Pedro, palibhasa'y hindi pa rin kinukupasan ng kaniyang dating pag-ibig sa mga daong at sa pangingisda, ay nagmungkahing sila'y pumalaot sa dagat at ihagis ang kani-kanilang mga lambat. Sa panukalang ito'y handang sumama ang lahat; sila'y nangangailangan ng pagkain at pananamit, at ito'y matu-tustusan ng kikitain nila sa matagumpay na pangingisda sa buong magdamag. Kaya nga pumalaot sila na lulan ng kanilang daong, nguni't wala silang nahuli. Nagsikap sila sa buong magdamag, nguni't walang nangyari. Sa pagdaraan ng nakaiinip na mga oras ay pinag-usapan nila ang kanilang Panginoong wala roon, at nagunita nila ang kahanga-hangang mga pangyayari na nasaksihan nila sa Kaniyang ministeryo sa tabi ng dagat. Naitanong nila kung ano kaya ang magiging hinaharap nila, at sila ay nalungkot sa madilim na pag-asang kinakaharap nila. BB 1181.2

Samantala'y sinusundan sila ng tanaw ng nag-iisang Manonood na hindi nila nakikita. Sa wakas ay sumapit aing bukang-liwayway. Hindi kalayuan sa pampang ang daong, at natanaw ng mga alagad ang isang Taong nakatayo sa dalampasigan, na nagtanong sa kanila, “Mga anak, mayroon baga kayong anumang makakain?” Nang sumagot sila ng, “Wala,” kaniyang sinabi sa kanila,“Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daong, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na nila mahila dahil sa karamihan ng mga isda.” BB 1181.3

Nakilala ni Juan ang Tao, at sinabi niya kay Pedro, “Ang Panginoon nga.” Gayon na lamang ang katuwaan ni Pedro at sa labis niyang kagalakan ay tumalon siya sa tubig at hindi natagalan at nakatayo na siya sa piling ng kaniyang Panginoon. Ang ibang mga alagad ay nagsidating na lulan ng kanilang daong, at hila-hila ang lambat na puno ng mga isda. “Nang sila'y magsilunsad sa lupa, ay nakakita sila roon ng mga bagang uling, at isda ang nakalagay sa ibabaw, at tinapay.” BB 1182.1

Takang-taka sila na anupa't hindi na nila nakuhang itanong kung saan nanggaling ang apoy at ang pagkain. “Sinabi sa kanila ni Jesus, Mangagdala kayo rito ng mga isdang inyong nangahuli ngayan.” Nagmamadaling nilapitan ni Pedro ang lambat, na kaniyang binitiwan, at tinulungan niya ang mga kapatid niya sa paghila nito sa pampang. Pagkatapos na maisagawa ito, at nang maihanda na ang lahat, ay tinawag ni Jesus ang mga alagad na magsilapit at magsikain. Pinagputul-putol Niya ang tinapay, at hinati-hati sa kanila, at Siya'y nakilala at kinilala ng pito. Ngayo'y naalaala nila ang himala na pagpapakain sa limang libo sa tabi ng bundok; nguni't nakalukob sa kanila ang isang mahiwagang pangingimi, at kaya nga walang imik nilang minasdan ang nagbangong Tagapagligtas. BB 1182.2

Buhay na buhay na nanariwa sa kanilang gunita ang tanawin sa tabi ng dagat nang sila'y tawagin ni Jesus na sumunod sa Kaniya. Naalaala nilang sa Kaniyang utos ay pumalaot sila sa malalim, at inihulog nila ang kanilang lambat, at ang nahuli nila'y napakarami na anupa't punung-puno ang lambat, at nagkampupunit pa. Pagkatapos ay tinawag sila ni Jesus na iwan ang kanilang mga daong na pangisda, at sila'y pinangakuang gagawing mga mamamalakaya ng mga tao. Upang maibalik sa kanilang mga pag-iisip ang tanawing ito, at upang lalo itong maikintal, kung kaya muli Niyang ginawa ang himala. Ang ginawa Niya ay isang pag-ulit sa tagubilin o utos sa mga alagad. Ipinakilala nito sa kanila na ang pagkamatay ng kanilang Panginoon ay hindi nagpabawa sa tungkulin nilang ganapin ang gawaing itinakda Niya sa kanila. Bagama't hindi na nila Siya makakasama, at hindi na rin sila kikita sa kanilang dating hanapbuhay, ang nagbangong Tagapagligtas naman ang patuloy na mangangalaga at mag-iingat sa kanila. Samantalang ginagawa nila ang Kaniyang gawain, Siya naman ang magbibigay ng kanilang mga kailangan. At may layunin si Jesus nang sila'y atasang ihagis nila ang kanilang lambat sa dakong kanan ng daong. Sa dakong yaon nakatayo Siya sa pampang. Yaon ang dako ng pananampalataya. Kung sila'y magsisigawang nakaugnay sa Kaniya—inilalangkap ang banal Niyang kapangyarihan sa paggawa ng taong tulad nila—ay hinding-hindi sila mabibigo. BB 1182.3

Isa pang aral ang kinailangang ibigay ni Kristo, na may kaugnayan tanging-tangi na kay Pedro. Ang pagkakaila ni Pedro sa kaniyang Panginoon ay nakahihiyang katuwas ng kaniyang dating ibinabansag na pagtatapat. Hindi niya naparangalan si Kristo, at sinira niya ang pagtitiwala ng kaniyang mga kapatid. Ang akala nila ay hindi na siya tutulutang makabalik sa dati niyang kalagayan sa gitna nila, at siya na rin ay nakadama na nawala na ang tiwala sa kaniya. Bago siya paganapin uli ng kaniyang gawaing pagka-apostol, ay kailangang patimayan muna niya sa harap nilang lahat na siya'y nagsisi na nga. Kung hindi niya gagawin ito, ang kasalanan niya, bagama't pinagsisihan na, ay maaaring sumira sa kaniyang impluwensiya bilang isang ministro ni Kristo. Binigyan siya ng Tagapagligtas ng pagkakataong matamo niyang muli ang pagtitiwala ng kaniyang mga kapatid, at maalis din naman hangga't maaari, ang pula o kadustaang naikulapol niya sa ebanghelyo. BB 1183.1

Ibinibigay dito ang isang aral para sa lahat ng mga sumusunod kay Kristo. Ang ebanghelyo ay hindi nakikipagkasundo sa masama. Hindi nito mapagpapaumanhinan ang kasalanan. Ang mga lihim na kasalanan ay dapat lihim na ikumpisal o ipahayag sa Diyos; subali't sa hayag na pagkakasala, ay hayagang pagpapahayag ang kailangan. Ang pula sa kasalanang ginawa ng alagad ay isinasabay kay Kristo. Pinapagtatagumpay nito si Satanas, at binibigyan ng ikatitisod ang mga nag-uulik-ulik na kaluluwa. Sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng katunayan ng kaniyang pagsisisi, sa abot ng kaniyang kaya, ay inaalis niya ang kapulaang ito. BB 1184.1

Samantalang si Kristo at ang mga alagad ay salu-sa-long nagsisikain sa tabi ng dagat, ay hindi sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, “Simon, anak ni Jonas, iniibig mo baga Ako nang higit kaysa mga ito?” na ang tinutukoy ay ang kaniyang mga kapatid. Nang una ay sinabi ni Pedro, “Bagaman ang lahat ng mga tao ay mangatisod sa Iyo, gayunman ako'y di-kailanman matitisod.” Mateo 26:33. Nguni't ngayon ay nag-ukol si Pedro ng tunay niyang pahalaga sa sarili niya. “Oo, Panginoon,” sabi niya, “nalalaman Mo na kita'y iniibig.” Wala roong marubdob na pagtiyak na ang pag-ibig niya ay higit na malaki kaysa pag-ibig ng kaniyang mga kapatid. Hindi niya sinabi ang sarili niyang palagay sa kaniyang pagmamahal. Sa Kaniya na nakababasa ng lahat ng mga adhikain ng puso ay ipinaubaya niya ang paghatol tungkol sa kaniyang katapatan—“Nalalaman Mo na kita'y iniibig.” At siya'y inatasan ni Jesus, “Pakanin mo ang Aking mga kordero.” BB 1184.2

Muling sinubok ni Jesus si Pedro, na inuulit ang nauna Niyang mga salita: “Simon, anak ni Jonas, iniibig mo baga Ako?” Sa pagkakataong ito ay hindi Niya tinanong si Pedro kung iniibig niya Siya nang higit kaysa mga kapatid niya. Ang ikalawang tugon ay katulad din ng una, walang mayabang na pagtiyak: “Oo, Panginoon; nalalaman Mo na kita'y iniibig.” Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Pakanin mo ang Aking mga tupa.” Minsan pang inulit ng Tagapagligtas ang sumusubok na katanungan: “Simon, anak ni Jonas, iniibig mo baga Ako?” Nalumbay si Pedro; sinapantaha niyang pinag-aalinlanganan ni Jesus ang kaniyang pag-ibig. Batid niyang may dahilan ang kaniyang Panginoon na mag-alinlangan sa kaniya, at masakit ang kaniyang loob na siya'y sumagot, “Panginoon, nalalaman Mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman Mo na kita'y iniibig.” Muling sinabi sa kaniya ni Jesus, “Pakanin mo ang Aking mga tupa.” BB 1185.1

Tatlong ulit na hayagang ikinaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon, at tatlong ulit ding natamo ni Jesus sa kaniya ang katiyakan ng kaniyang pag-ibig at pagtatapat, na itinimo nang tuwiran sa kaibuturan ng kaniyang sugatang puso ang katanungang yaon na katulad ng isang matulis na palaso. Sa harap ng nagkakatipong mga alagad ay inihayag ni Jesus ang lalim ng pagsisisi ni Pedro, at kaniyang ipinakilala kung gaano lubos na nagpakababa ang dati'y mayabang na alagad. BB 1185.2

Si Pedro ay katutubong mapagpauna at biglain, at sinamantala ni Satanas ang mga likas na ito upang siya'y madaig. Bago nahulog sa pagkakamali si Pedro, ay sinabi ni Jesus sa kaniya, “Hiningi ka ni Satanas upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo: datapwa't ikaw ay ipinamanhik (idinalangin) Ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya: at ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.” Lukas 22:31, 32. Ang panahong yaon ay dumating na ngayon, at maliwanag na nakikita ang pagbabago ni Pedro. Ang mahihigpit at mapanuring mga tanong ng Panginoon ay hindi man lamang tumanggap ng kahit isang labis at mayabang na kasagutan; at dahil sa kaniyang pagpapakababa at pagsisisi, si Pedro ay naging lalong handa kaysa nang una upang gumanap na pastor ng kawan. BB 1185.3

Ang unang gawaing ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro nang siya'y maibalik na sa ministeryo ay ang magpakain sa mga kordero o mga batang tupa. Kakaunti ang karanasan ni Pedro sa gawaing ito. Mangangailangan ito ng malaking pag-iingat at pagkamagiliw, ng malaking pagtitiis at pagtitiyaga. Hinihingi nitong maglingkod siya sa mga bata pa sa pananampalataya, na turuan ang mga walang nalalaman, na buksan sa kanila ang mga Kasulatan, at turuan sila upang magamit sa paglilingkod kay Kristo. Hanggang ngayon ay hindi pa naaangkop si Pedro upang gumawa nito, ni hindi pa rin niya nauunawaan ang kahalagahan nito. Subali't ito ang gawaing ipinagagawa ngayon ni Jesus sa kaniya. Para sa gawaing ito inihanda siya ng sarili niyang karanasan ng paghihirap at pagsisisi. BB 1186.1

Nang si Pedro ay hindi pa nahuhulog sa pagkakamali, siya'y laging mapagsalita nang pabigla-bigla, sa biglang silakbo ng damdamin. Laging handa siyang magtuwid o magwasto sa mga iba, at handang magpahayag ng laman ng kaniyang isip, kahit wala pa siyang malinaw na pagkaunawa sa kaniyang sarili o sa bagay na dapat niyang sabihin. Nguni't ang nahikayat at nagbagong si Pedro ay ibang-iba. Nasa kaniya pa rin ang dati niyang kasiglahan o kasigasigan, gayunma'y isinaayos ng biyaya ni Kristo ang kaniyang kasiglahan. Hindi na siya mapangahas o mapusok, hindi na makasarili, at mapagmataas, kundi mahinahon, matimpi, at napatuturo. Mapakakain na nga niya ang mga kordero at gayundin ang mga tupa ng kawan ni Kristo. BB 1186.2

Ang uri o paraan ng pakikitungong ginawa ng Tagapagligtas kay Pedro ay may aral para sa kaniyang mga kapatid. Tinuruan sila nito na harapin ang nakagagawa ng pagsalansang nang may pagtitiis, pakikiramay, at may mapagpatawad na pag-ibig. Bagama't ikinaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon, hindi naman nabawasan ang pag-ibig ni Jesus sa kaniya. Ganito ring pag-ibig ang dapat ipadama ng katulong na pastor sa mga tupa at mga korderong ipinagkatiwala sa kaniyang pag-iingat. Palibhasa'y naaalaala ang sarili niyang kahinaan at pagkukulang, pakikitunguhan ni Pedro ang kaniyang kawan nang buong paggiliw na gaya ng ipinakitungo ni Kristo sa kaniya. BB 1187.1

Ang itinanong ni Kristo kay Pedro ay makahulugan. Binanggit lamang Niya ang isang kondisyon ng pagka-alagad at paglilingkod. “Iniibig mo baga Ako?” wika Niya. Ito ang kailangang katangian. Kahit nag-aangkin si Pedro ng iba pang katangian o likas, nguni't kung walang pag-ibig ni Kristo ay hindi siya maaaring maging isang tapat na pastor sa kawan ng Panginoon. Ang karunungan, kagandahang-loob, katatasan sa pagsasalita, pagkilala ng utang na loob, at kasiglahan ay nakatutulong na lahat sa mabuting gawain; subali't kung walang pag-ibig ni Jesus sa puso, ay bigo ang gawain ng ministrong Kristiyano. BB 1187.2

Kinausap ni Jesus si Pedro nang sarilinan, sapagka't mayroong bagay na ibig Niyang sa kaniya lamang sabihin. Bago namatay si Jesus, ay sinabi Niya kay Pedro, “Sa paroroonan Ko, ay hindi ka makasusunod sa Akin ngayon; nguni't pagkatapos ay makasusunod ka.” Ito'y tinugon ni Pedro ng, “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa Iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa Iyo.” Juan 13:36, 37. Nang sabihin niya ito, bahagya na niyang naisip kung hanggang saan siya aakayin ng hakbang ni Kristo. Nabigo siya nang dumating ang pagsubok, nguni't muli siyang magkakaroon ng pagkakataon upang patunayan ang kaniyang pag-ibig kay Kristo. Upang siya'y mapalakas at mapatibay para sa huling pagsubok sa kaniyang pananampalataya, ay inihayag sa kaniya ng Tagapagligtas ang kaniyang hinaharap. Sinabi sa kaniya ni Jesus na pagkatapos niyang makapamuhay ng isang kabuhayang kapaki-pakinabang, pagka nananaig na ang kaniyang katandaan sa kaniyang kalakasan, ay tunay ngang susunod siya sa kaniyang Panginoon. Sinabi ni Jesus, “Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig nguni't pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig. Ito nga'y sinalita Niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati niya sa Diyos.” BB 1187.3

Sa ganitong paraan ipinaalam ni Jesus kay Pedro kung sa anong paraan siya mamamatay; sinabi pa nang pauna na iuunat niya ang kaniyang mga kamay sa krus. Muli Niyang inatasan ang Kaniyang alagad, “Sumunod ka sa Akin.” Hindi nanlumo si Pedro sa inihayag sa kaniya. Nadama niyang handa siyang magtiis ng anumang kamatayan alang-alang sa kainiyang Panginoon. BB 1188.1

Hanggang sa panahong ito ang pagkakilala ni Pedro kay Kristo ay ayon sa laman, gaya rin ng pagkakilala ng marami sa Kaniya ngayon; nguni't hindi na magiging makitid buhat ngayon ang pagkakilala sa Kaniya. Kilala niya si Jesus nang ayon lamang sa mga pagsasamahan ng tao. Inibig niya Siya bilang tao, bilang isang gurong isinugo ng langit; ngayon ay iniibig niya Siya bilang Diyos. Natutuhan niya ang aral na sa ganang kaniya si Kristo ay siyang lahat at lahat. Ngayon ay handa na siyang makisama sa misyon ng sakripisyo ng kaniyang Panginoon. Nang sa wakas ay dalhin na siya sa krus, sa sarili niyang pakiusap, siya ay ipinakong patiwarik. Inakala niyang totoong napakalaking karangalan kung siya ay magbabata sa paraan ding gaya ng binata ng kaniyang Panginoon. BB 1188.2

Sa ganang kay Pedro ang mga salitang “Sumunod ka sa Akin” ay punung-puno ng turo. Ibinigay ang aral hindi lamang para sa kaniyang kamatayan, kundi para sa bawa't hakbang din naman ng kaniyang buhay. Hanggang sa panahong ito ay hilig pa rin ni Pedro na gumawang nagsasarili. Sinubok na niyang siya ang magpanukala para sa gawain ng Diyos, sa halip na siya'y maghintay na sumunod sa panukala ng Diyos. Nguni't wala siyang mapapakinabang kung siya'y magpapauna sa Panginoon. Inaatasan siya ni Jesus, “Sumunod ka sa Akin.” Huwag kang tumakbo nang nauuna sa Akin. Sa gayon ay hindi ka mag-isang sasagupa sa mga hukbo ni Satanas. Bayaan mong mauna Ako sa iyo, at hindi ka madadaig ng kaaway. BB 1189.1

Sa paglakad. ni Pedrong kasabay ni Jesus, nakita niyang sumusunod si Juan. Isang pagnanasa ang sumapuso niya na maalaman ang magiging hinaharap nito, at kaya nga sinabi niya “kay Jesus, Panginoon, at ano ang gagawin ng taong ito? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig Kong siya'y manatili hanggang sa Ako'y pumarito, ay ano nga sa iyo? sumunod ka sa Akin.” Dapat sanang naisip ni Pedro na ipakikilala o ihahayag sa kaniya ng Panginoon ang lahat ng makabubuti sa kaniya na kaniyang maalaman. Tungkulin ng bawa't isa na sumunod kay Kristo, nang hindi na iniintindi pa ang tungkol sa gawaing ibinibigay sa iba. Sa pagsasabi ni Jesus tungkol kay Juan na, “Kung ibig Kong siya'y manatili hanggang sa Ako'y pumarito,” ay hindi tiniyak ni Jesus na ang alagad na ito ay mabubuhay hanggang sa ikalawang pagdating ng Panginoon. Ipinakilala lamang Niya ang Kaniyang walang-hanggang kapangyarihan, na anupa't kung ibig Niyang gayon ang mangyari, ay hindi iyon makapipinsala sa gawain ni Pedro. Ang hinaharap ni Juan at ni Pedro ay kapwa nasa mga kamay ng kanilang Panginoon. Pagtalima sa pagsunod sa Kaniya ang tungkuling hinihingi sa bawa't isa. BB 1189.2

Kayrami ngayon ng mga katulad ni Pedro! Interesado sila sa mga bagay ng iba, at kinasasabikan nilang maalaman ang kanilang tungkulin, samantalang sila ang nanganganib na magpabaya sa sarili nila. Ang gawain natin ay tumingin kay Kristo at sumunod sa Kaniya. Kung titingin tayo sa iba ay makikita natin ang mga kamalian sa buhay nila, at gayundin ang mga kapintasan sa kanilang likas. Ang tao ay balot ng mga kahinaan. Nguni't makakasumpong tayo kay Kristo ng kasakdalan. Sa pagtingin natin sa Kaniya ay mangababago tayo. BB 1190.1

Si Juan ay nabuhay nang napakatanda. Nasaksihan niya ang pagkawasak ng Jeruslem, at ang pagkagiba ng marilag na templo—isang sagisag ng pangwakas na pagkagiba ng sanlibutan. Hanggang sa katapus-tapusang mga araw ni Juan ay sinunod niya ang kaniyang Panginoon. Ang dinadala ng kaniyang patotoo sa mga iglesya ay, “Mga minamahal, mangag-ibigan tayo sa isa't isa;” “ang nananahan sa pag-ibig ay nananahan sa Diyos, at ang Diyos ay nananahan sa kaniya.” 1 Juan 4:7, 16. BB 1190.2

Ibinalik si Pedro sa pagka-apostol, nguni't ang karangalan at kapangyarihang tinanggap niya kay Kristo ay hindi nagbigay sa kaniya ng kapangyarihang mangibabaw sa kaniyang mga kapatid. Niliwanag ito ni Kristo nang sa tanong ni Pedro na, “Ano ang gagawin ng taong ito?” ay sagutin Niya ito ng, “Ano nga sa iyo? sumunod ka sa Akin.” Hindi ibimgay kay Pedro ang karangalang maging pangulo ng iglesya. Ang paglingap na ipinakita ni Kristo sa kaniya sa pagpapatawad sa kaniyang pagtalikod, at ang pagtitiwala sa kaniya sa pagpapakain sa kawan, at ang sariling katapatan naman ni Pedro sa pagsunod kay Kristo, ay naging daan upang matamo niya ang pagtitiwala ng kaniyang mga kapatid. Nagkaroon siya ng malaking impluwensyia sa iglesya. Nguni't ang aral na itinuro sa kaniya ni Kristo sa tabi ng Dagat ng Galilea ay tinaglay-taglay ni Pedro sa kaniyang buong buhay. Nang sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay sumulat siya sa mga iglesya, ay sinabi niya: BB 1190.3

“Sa matatanda nga sa inyo'y umaaral ako, akong matandang kasamahan ninyo, at isang saksi ng mga hirap ni Kristo, at may bahagi rin naman sa kaluwalhatiang ihahayag: Pangalagaan [Pakanin] ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan; na ayon sa kalooban ng Diyos; ni hindi dahil sa mahalay na kapaki-nabangan, kundi sa handang pag-iisip; ni hindi rin na man ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan. At pagkahayag ng Pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di-nasisirang putong ng kaluwalhatian.” 1 Pedro 5:1. BB 1191.1