Bukal Ng Buhay

85/89

Kabanata 84—“Kapayapaan ang Sumainyo”

Ang kabanalang ito ay batay sa Lukas 24:33-48; Juan 20:19-29.

Nang sapitin ng dalawang alagad ang Jerusalem ay nagsipasok sila sa pintuang-bayang nasa gawing silangan, na bukas kung gabi sa mga panahon ng kapistahan. Madidilim ang mga bahay, nguni't nagpatuloy ang mga nagsisipaglakad sa kanilang pagtalunton sa makikipot na lansangang tinatanglawan ng sumisikat na buwan. Nagsipanhik sila sa silid sa itaas na doon ginugol ni Jesus ang huling gabi Niya bago Siya namatay. Batid nilang dito nila matatagpuan ang kanilang mga kapatid. Bagama't malalim na ang gabi, talos naman nilang ang mga alagad ay hindi magsisitulog hangga't hindi nila natitiyak kung ano ang nangyari sa bangkay ng kanilang Panginoon. Nasumpungan nilang mahigpit ang pagkakatrangka ng pintuan. Nagsikatok sila, nguni't walang sumasagot. Tahimik ang lahat. Noon nila sinabi ang kanilang mga pangalan. Nang magkagayo'y maingat at unti-unting nabuksan ang pintuan, nagsipasok sila, at Isang di-nakikita, ang pumasok na kasama nila. Pagkatapos ay muling itinarangka ang pintuan, upang walang makapasok na mga tiktik. BB 1169.1

Natagpuan ng mga nagsipaglakad na parang gulat ang lahat. Ang mga tinig ng mga dinatnan sa silid ay umalingawngaw sa pagpapasalamat at pagpupuri, na nagsisipagsabi, “Tunay na nagbangong muli ang Panginoon, at napakita kay Simon.” Nang magkagayon ang dalawang dumating na nagsipaglakad, na nagsisihingal pa dahil sa pagmamadali nila sa paglalakad, ay nagsaysay naman ng kanilang kahanga-hangang karanasan ng kung paanong napakita si Jesus sa kanila. Katatapos pa lamang nilang magbalita, at may ilang nagsasabing hindi nila iyon mapaniwalaan, sapagka't totoong mainam upang maging to-too, nang di-kaginsa-ginsa'y narito, may Isang tumayo sa harap nila. Napatuon ang lahat ng mata sa naiibang Persona. Wala namang kumatok at pumasok. Wala silang narinig na anumang yabag. Gulilat at takang-taka ang mga alagad. Iniisip nila kung ano kaya ang ibig sabihin niyon. Nang magkagayo'y narinig nila ang isang tinig na wala nang iba kundi ang tinig ng kanilang Panginoon. Malinaw at namumukod ang mga salitang namutawi sa Kaniyang mga labi, “Kapayapaan ang sumainyo.” BB 1169.2

“Datapwa't sila'y kinilabutan at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. At sinabi Niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang Aking mga kamay at ang Aking mga paa, Ako rin nga: hipuin ninyo Ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa Akin. At pagkasabi Niya nito, ay ipinakita Niya sa kanila ang Kaniyang mga kamay at ang Kaniyang mga paa.” BB 1170.1

Nakita nila ang mga kamay at mga paang binutasan ng malulupit na mga pako. Nakilala nila ang Kaniyang tinig, na kagaya rin ng dating walang-nakakatulad. “At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi Niya sa kanila, Mayroon baga kayo ritong anumang makakain? At binigyan nila Siya ng isang putol na isdang inihaw, at isang pulutpukyutan. At Kaniyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.” “Ang mga alagad nga'y nangagalak, nang makita nila ang Panginoon.” Pananampalataya at kagalakan ang humalili sa di-paniniwala, at taglay ang damdaming dikayang ipahayag ng mga salita ay kinilala nila ang kanilang muling nagbangong Tagapagligtas. BB 1170.2

Nang isilang si Jesus ay isang anghel ang nagpahayag, Kapayapaan sa lupa, at sa mga tao'y mabuting kalooban. At ngayon sa una Niyang pagpapakita sa mga alagad pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli, ay inukulan sila ng Tagapagligtas ng pinagpalang mga salitang, “Kapayapaan ang sumainyo.” Si Jesus ay laging handang magsalita ng kapayapaan sa mga kaluluwang tigib ng mga alinlangan at mga pangamba. Hinihintay Niyang buksan natin sa Kaniya ang pintuan ng ating puso, at ating sabihing, Manahan Ka sa amin. Sinasabi Niya, “Narito, Ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig ng Aking tinig, at magbukas ng pinto, Ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo Ko.” Apocalipsis 3:20. BB 1171.1

Ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesus ay kalarawan ng huling pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng mga nangahihimlay sa Kaniya. Ang mukha ng nagbangong Tagapagligtas, ang Kaniyang anyo at kilos, ang Kaniyang pagsasalita, ay kilalang lahat ng Kaniyang mga alagad. Kung paanong si Jesus ay nagbangon mula sa mga patay, gayundin muling babangon ang mga nangatutulog sa Kaniya. Makikilala natin ang ating mga kaibigan, gaya rin naman ng mga alagad na nakilala si Jesus. Maaaring sila'y napinsala, nagkasakit, o pumangit sa buhay na ito, at sila'y magsisibangong sakdal sa kalusugan at pangangatawan; gayunma'y sa maluwalhating katawan nila ay ganap ding mananatili ang pagkakakilanlan sa kanila. Kung magkagayon ay mangakakakilala tayong gaya naman ng pagkakilala sa atin. 1 Corinto 13:12. Sa mukhang nagniningning sa taglay na liwanag na nagmumula sa mukha ni Jesus, ay makikilala natin ang buong kaanyuan ng mukha, katawan at lahat ng mga iniibig natin. BB 1171.2

Nang makipagtagpo si Jesus sa Kaniyang mga alagad, ay ipinaalaala Niya sa kanila ang mga salitang sinabi Niya sa kanila bago Siya namatay, na ang lahat ng mga bagay tungkol sa Kaniya na nangasusulat sa kautusan ni Moises, at sa mga propeta, at sa Mga Awit ay kailangang matupad. “Nang magkagayo'y binuksan Niya ang kanilang mga pag-iisip, upang mapag-unawa nila ang mga Kasulatan, at sinabi Niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Kristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; at ipngaral sa Kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem. At kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.” BB 1172.1

Noon napagtanto ng mga alagad ang uri at lawak ng kanilang gawain. Itatanyag nila sa sanlibutan ang mga kahanga-hangang katotohanang ipinagkatiwala sa kanila ni Kristo. Ang mga pangyayari sa Kaniyang buhay, ang Kaniyang pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli, ang mga hulang nakaturo sa mga pangyayaring ito, ang kabanalan ng kautusan ng Diyos, ang mga hiwaga ng panukala ng pagliligtas, ang kapangyarihan ni Jesus na magpatawad ng mga kasalanan—mga saksi sila ng lahat ng mga bagay na ito, at dapat nilang ipakilala ang mga ito sa sanlibutan. Dapat nilang itanyag ang ebanghelyo ng kapayapaan at kaligtasan sa pamamagitan ng pagsisisi at ang kapangyarihan ng Tagapagligtas. BB 1172.2

“At nang masabi Niya ito, sila'y hiningahan Niya, at sa kanila'y sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo: Sinumang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; at sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.” Ang Espiritu Santo ay hindi pa lubusang nahayag; sapagka't si Kristo ay hindi pa naluwalhati. Ang lalong masaganng pagkakaloob ng Espiritu ay hindi nangyari kundi nang makaakyat na sa langit si Kristo. Hanggang hindi pa ito tinatanggap ay hindi magaganap ng mga alagad ang utos na ipangaral ang ebanghelyo sa sanlibutan. Nguni't ang Espiritu ay ibinigay ngayon sa isang tanging layunin. Bago magampanan ng mga alagad ang mga tungkulin nila sa iglesya, ay hiningahan muna sila ni Kristo ng Kaniyang Espiritu. Napakabanal ng ipinagkatiwala Niya sa kanila, at hangad Niyang maikintal sa kanila ang katotohanan na kung wala ang Espiritu Santo ay hindi nila magagam-panan ang gawaing ito. BB 1172.3

Ang Espiritu Santo ay hininga ng espirituwal na buhay sa kaluluwa. Ang pagbibigay ng Espiritu ay pagbi-bigay ng buhay ni Kristo. Nilalangkapan nito ang tuma tanggap ng mga likas o katangian ni Kristo. Yaon lamang mga tinuruang gayon ng Diyos, yaong mga nag-aangkin ng pusong ginagawan ng Espiritu, at sa kanilang kabuhayan ay nahahayag ang buhay ni Kristo, ay siyang magsisitayo bilang mga taong kinatawan ng Diyos, upang maglingkod sa kapakanan ng iglesya. BB 1173.1

“Sinumang inyong patawarin ng mga kasalanan,” wika ni Kristo, “ay ipinatatawad; ... at sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad.” Dito'y hindi binibigyan ni Kristo ang sinumang tao ng layang humatol sa mga iba. Sa Sermon sa Bundok ay ipinagbawal Niya ito. Ito ay karapatan lamang ng Diyos. Subali't ibinibigay Niya sa iglesya, sa tatag na kalagayan nito, ang kapanagutan sa bawa't isa niyang kaanib. Sa mga nagkakasala, ay may tungkulin ang iglesya, na magbabala o magpaalaala, magturo, at kung maaari ay magpanumbalik. “Sumawata ka, sumaway ka mangaral ka,” wika ng Panginoon, “nang may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.” 2 Timoteo 4:2. Pakitunguhang may katapatan ang nakagagawa ng pagkakamali. Babalaan ang bawa't kaluluwang nasa panganib. Huwag bayaang madaya ang sinuman ng sarili niya. Tawagin ang kasalanan sa sadyang pangalan nito. Ipahayag ang sinabi ng Diyos tungkol sa pagsisinungaling, paglabag sa pangingilin ng Sabbath, pagnanakaw, pagsamba sa diyos-diyusan, at lahat ng iba pang kasamaan. “Ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos.” Galacia 5:21. Kung mapilit pa rin sila sa gawang pagkakasala, ang hatol na sinabi ninyo mula sa Salita ng Diyos ay iginagawad sa kanila sa langit. Sa pagpili nila sa kasalanan, ay humihiwalay sila kay Kristo; dapat ipakilala ng iglesyang hindi niya sinasang-ayunan ang kanilang mga ginagawa, kung hindi ay siya na rin ang lumalapastangan sa kaniyang Panginoon. Dapat niyang sabihin tungkol sa kasalanan ang sinasabi ng Diyos tungkol dito. Dapat niyang pakitunguhan ito ayon sa itinuturo ng Diyos, at ang kaniyang gagawin ay pagtitibayin sa langit. Ang humahamak sa kapangyarihan ng iglesya ay humahamak sa kapangyarihan ni Kristo. BB 1173.2

Nguni't may maliwanag na bahagi sa larawan. “Sinumang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad.” Ang isipang ito ang laging isaisip. Sa pagpapagal sa mga nagkakasala, ay bayaang ang bawa't mata ay ituon kay Kristo. Bayaang magiliw na alagaan ng mga pastor ang kawan sa pastulan ng Panginoon. Baya-ang sabihin nila sa mga nagkakasala ang mapagpatawad na kaawaan ng Tagapagligtas. Bayaang palakasin nila ang loob ng nagkakasala na magsisi, at sampalatayanan Siya na nagpapatawad. Batay sa sinasabi ng Salita ng Diyos, ay bayaang sabihin nila, “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal Siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan.” 1 Juan 1:9. Lahat ng nagsi-sisi ay tiyak na pinangangakuang, “Siya'y muling magtataglay ng habag sa atin; Kaniyang yayapakan ang ating kasamaan; at Kaniyang ihahagis ang lahat nilang kasalanan sa mga kalaliman ng dagat.” Mikas 7:19. BB 1174.1

Bayaang ang pagsisisi ng makasalanan ay tanggapin ng iglesya nang may buong-pusong pasasalamat. Bayaang ang isang nagsisisi ay akaying palabas mula sa kadiliman ng di-paniniwala hanggang sa liwanag ng pananampalataya at katwiran. Bayaang ilagay niya ang nanginginig niyang kamay sa maibiging kamay ni Jesus. Ang ganitong pagpapatawad ay pinagtitibay sa langit. BB 1175.1

Sa diwang ito lamang may kapangyarihan ang iglesya na magpatawad sa makasalanan. Ang kapatawaran ng mga kasalanan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng mga kagalingan o biyaya ni Kristo. Walang sinumang tao, o kapulungan man ng mga tao, na binibigyan ng kapangyarihang magpalaya o magpatawad sa kaluluwa sa pagkakasala nito. Tinagubilinan ni Kristo ang Kaniyang mga alagad na ipangaral sa lahat ng mga bansa ang kapatawaran ng mga kasalanan; subali't sila na rin ay walang kapangyarihang makapag-alis ng kahit isang bahid na kasalanan. Ang pangalan ni Jesus ay siya lamang “pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” Mga Gawa 4:12. BB 1175.2

Nang unang katagpuin ni Jesus ang mga alagad sa silid sa itaas, ay hindi nila kasama si Tomas. Narinig na niya ang mga balita ng mga iba, at marami na siyang tinanggap na katibayan na si Jesus ay nagbangon na nga; nguni't kapanglawan at di-paniniwala ang pumuno sa kaniyang puso. Nang marinig niya ang pagsasalaysay ng mga alagad tungkol sa kahanga-hangang mga pagpapakita ng nagbangong Tagapagligtas, ay lalo lamang itong nagbulusok sa kaniya sa kawalang-pag-asa. Kung si Jesus ay tunay na nagbangon sa mga patay, ay wala na ngang maaasahan pang literal na kaharian sa lupa. At isinama ng kaniyang loob ang pangyayari na ang kaniyang Panginoon ay napakikita sa lahat ng mga alagad at sa kaniya ay hindi. Ipinasiya niyang huwag maniwala, at buong sanlinggong nagmukmok siya sa aba niyang kalagayan, na waring lalong sinakmal ng lungkot kung ihahambing sa pag-asa at pananampalataya ng kaniyang mga kapatid. BB 1175.3

Sa buong panahong ito ay paulit-ulit niyang sinabi, “Malibang aking makita sa Kaniyang mga kamay ang butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking daliri sa butas ng mga pako, at maisuot ko ang aking kamay sa Kaniyang tagiliran, ay hindi ako sasampalataya.” Ayaw siyang maniwala sa nakikita ng kaniyang mga kapatid, o kaya'y sumampalataya sa kanilang pinatutimayan. Marubdob ang pag-ibig niya sa kaniyang Panginoon, nguni't pinahintulutan niyang maghari sa kaniyang puso at pagiisip ang pagkainggit at di-paniniwala. BB 1176.1

Ginawa nang pansamantalang tahanan ng ilan sa mga alagad ang silid sa itaas, at lahat ay nagkakatipon dito maliban kay Tomas. Isang gabi'y ipinasiya ni Tomas na makipagtagpo sa mga iba. Kahit na hindi siya nani-niwala, may bahagya rin siyang pag-asa na maaaring to-too nga ang magandang balita. Samantalang nagsisikain ang mga alagad ng kanilang hapunan, ay pinag-usapan nila ang mga katunayang ibinigay sa kanila ni Kristo sa mga hula. “Noon dumating si Jesus, nang nangapipinid ang mga pinto, at tumayo sa gitna, at nagsabi, Kapaya-paan ang sumainyo.” BB 1176.2

Pagbaling kay Tomas ay sinabi Niya, “Idaiti mo rito ang iyong daliri, at tingnan mo ang Aking mga kamay; at idaiti mo rito ang iyong kamay, at isuot mo sa Aking tagiliran: at huwag kang di mapanampalatayahin, kundi mapanampalatayahin.” Ipinakikilala ng mga salitang ito na alam Niya ang mga iniisip at mga sinasabi ni Tomas. Batid ng nag-aalinlangang alagad na sa loob ng sanlinggo ay hindi nakita si Jesus ng sinuman sa kaniyang mga kasama. Hindi sila makapagbabalita sa Panginoon ng kaniyang di-paniniwala. Nakilala niyang ang Isang nasa harap niya ay ang kaniyang Panginoon. Hindi na niya hangad pa ang ano pa mang katibayan. Lumukso sa kagalakan ang kaniyang puso, at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus na umiiyak, “Panginoon ko at Diyos ko.” BB 1176.3

Tinanggap ni Jesus ang kaniyang pagkilala, gayunma'y mabanayad din Niyang sinuwatan ang kaniyang di-pani-niwala: “Tomas, sapagka't Ako'y nakita mo, ay sumam-palataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayunma'y nagsisampalataya.” Naging lalo sanang kalu-gud-lugod kay Kristo ang pananampalataya ni Tomas kung siya lamang ay naniwala kaagad sa patotoo ng kaniyang mga kapatid. Kung ang sanlibutan ngayon ay susunod sa halimbawa ni Tomas, ay wala isa mang sasam-palataya sa ikaliligtas; sapagka't lahat ng tumatanggap kay Kristo ay dapat sumampalataya sa pamamagitan ng patotoo ng mga iba. BB 1177.1

Marami sa mga mapag-alinlangan ang nangagdadahilan sa pamamagitan ng pagsasabing kung mayroon lamang silang katibayang gaya ng tinanggap ni Tomas sa kaniyang mga kasama, ay magsisisampalataya sila. Hindi nila natatantang hindi lamang ang katibayang yaon ang nasa kanila, kundi marami pa. Ang maraming gaya ni Tomas, na naghihintay munang maalis ang lahat ng sanhi ng pag-aalinlangan bago maniwala, ay mabibigo sa kani-lang ninanais. Unti-unti silang tumitibay sa di-paniniwala. Yaong mga namimihasang tumingin sa madilim o ma-lungkot na panig, at bubulung-bulong at nagrereklamo, ay hindi nakaaalam ng kanilang ginagawa. Naghahasik sila ng mga binhi ng pag-aalinlangan, at sila'y magsisi-pag-ani ng isang buntong pag-aalinlangan. Sa isang panahong kailangang-kailangan ang pananampalataya at pagtitiwala, masusumpungan nga ng marami na sila'y walanglakas upang umasa at maniwala. BB 1177.2

Sa ipinakitungo ni Jesus kay Tomas, ay nagbigay Siya ng isang aral sa mga sumusunod sa Kaniya. Ipinakikita ng Kaniyang halimbawa kung paano natin pakikitunguhan yaong mga mahihina ang pananampalataya, at yaong ang pinangingibabaw ay ang kanilang mga pag-aalinla-ngan. Hindi sinisi ni Jesus si Tomas, ni hindi rin Siya nakipagtalo sa kaniya. Inihayag Niya ang Kaniyang sarili sa isang nag-aalinlangan. Si Tomas ay naging lubos na di-makatwiran sa pagsasabi ng mga kondisyon ng kaniyang pagsampalataya, ngimi't binuwag ni Jesus ang lahat ng ito, sa pamamagitan ng Kaniyang masaganang pag-ibig at pagsasaalang-alang. Ang di-paniniwala ay bihirang magapi ng pakikipagtalo. Ito manapa ay ginagamit na pansanggalang sa sarili, at humahanap ng bagong kakatig at dadahilanin. Datapwa't bayaang si Jesus, sa Kaniyang pag-ibig at kaawaan, ay ihayag bilang ang ipinako-sa-krus na Tagapagligtas, at sa maraming minsa'y bantulot na mga labi ay mapapakinggan ang pagkilala ni Tomas na, “Panginoon ko at Diyos ko.” BB 1178.1