Bukal Ng Buhay
Kabanata 83—Ang Pagkkad Patungo sa Emaus
Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 24:13-33.
Nang nagdadapit-hapon na ng araw ng pagkabuhay na mag-uli, dalawa sa mga alagad ang naglalakad sa daang patungo sa Emaus, isang maliit na bayang may walong milya ang layo sa Jerusalem. Ang mga alagad na ito ay walang mataas na tungkulin sa gawain ni Kristo, kundi sila'y mga masisikap na mananampalataya sa Kaniya. Nagsiparoon sila sa lungsod upang ipagdiwang ang Paskuwa, at sila'y lubhang nagulumihanan dahil sa mga pangyayaring kagaganap pa lamang. Narinig nila ang balita nang umagang iyon tungkol sa pagkawala ng bangkay ni Kristo sa libingan, at gayundin ang balita tungkol sa mga babaeng nakakita sa mga anghel at nakausap si Jesus. Pauwi na sila ngayon sa kanilang mga tahanan upang magbulay-bulay at manalangin. Patuloy sila sa malungkot na paglalakad nang gabing iyon, na pinaguusapan ang mga tagpo sa paglilitis at ang pagpako kay Kristo sa krus. Di-kailanman nangyari nang una na sila'y naging gayon na lamang ang panlulumo. Sila'y nangaglalakad sa anino ng krus, na walang-pag-asa at walang-pananampalataya. BB 1160.1
Hindi pa sila nalalayo sa kanilang paglalakad nang may isang taong nakisabay sa kanila, nguni't punungpuno ang kanilang isip ng lungkot at pagkabigo na anupa't hindi nila ito napagmasdang mabuti. Nagpatuloy sila ng pag-uusap, Aa inilalahad ang laman ng kanilang mga puso. Sila'y nagkakatwiranan tungkol sa mga aral na ibinigay ni Kristo, na waring hindi nila nagawang unawain. Habang sila'y nag-uusap ng tungkol sa mga nangyari, ninais ni Jesus na sila'y aliwin. Nakita Niya ang kanilang kalungkutan; naunawaan Niya ang nagla-laban-laban at nakagugulumihanang mga kuru-kurong inihatid sa kanilang mga diwa ng isipang, Ang Tao kayang ito, na nagtiis na mapahiya nang gayon na lamang, ay siyang Kristo? Hindi nila mapigil ang kanilang pagkalungkot, at kaya nga sila'y nagsitangis. Talos ni Kristo na ang mga puso nila ay nakatali sa Kaniya sa pag-ibig, at hinangad Niyang pahirin ang kanilang mga luha, at punuin sila ng katuwaan at kagalakan. Nguni't kailangan munang bigyan Niya sila ng mga aral na hindi nila malilimutan. BB 1160.2
“Sinabi Niya sa kanila, Ano ang mga salitaan ninyong ito sa inyong paglalakad, at kayo'y nangalulungkot? At isa sa kanila, na nagngangalang Cleopas, sa pagsagot ay sinabi sa Kaniya, Ikaw baga ay nakikipamayan lamang sa Jerusalem, at hindi ka nakaalam ng mga bagay na doo'y nangyari nang mga araw na ito?” Sinabi nila sa Kaniya ang kanilang pagkabigo tungkol sa kanilang Panginoon, “na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong bayan;” nguni't “ang mga pangulong saserdote at ang mga pinuno namin,” wika nila, “ay ibinigay Siya upang hatulan ng kamatayan, at Siya'y ipinako sa krus.” Sugatan ang mga puso dahil sa pagkabigo, at nangangatal ang mga labing idinugtong pa nila, “Hinihintay naming Siya ang tutubos sa Israel: oo at bukod sa lahat ng mga ito, ay ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.” BB 1161.1
Nakapagtataka kung hindi naalaala ng mga alagad ang mga sinabi ni Kristo, at kung bakit hindi nila napagtanong Siya, ang paunang-nagsabi ng mga mangyayari! Hindi nila napagtanto na ang huling bahagi ng Kaniyang sinabi ay matutupad ding gaya ng unang bahagi, na sa ikatlong araw ay Siya'y babangong muli. Ito ang bahaging dapat sanang tinandaan nila. Ito'y hindi kinalimutan ng mga saserdote at ng mga pinuno. Nang araw “na siyang araw pagkatapos ng paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Pariseo, na nagsisipagsabi, Ginoo, naalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon, nang Siya'y nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon Akong muli.” Mateo 27:62, 63. Nguni't hindi naalaala ng mga alagad ang mga pangungusap na ito. BB 1163.1
“Nang magkagayo'y sinabi Niya sa kanila, O mga taong haling, at makukupad ang mga pusong magsisampalataya sa lahat ng salita ng mga propeta: hindi baga kinakailangang si Kristo ay maghirap ng mga bagay na ito, at pumasok sa Kaniyang kaluwalhatian?” Inisip-isip ng mga alagad kung sino kaya ang taong ito, na nakatutunghay ng kaibuturan ng kanilang mga kaluluwa, at nakapagsasalitang may alab ng damdamin, may pagmamahal at pakikiramay, at may pag-asa. Sa kauna-unahang pagkakataon buhat nang ipagkanulo si Kristo, ay ngayon l mang nagpasimulang makadama sila ng pag-asa. Madalas nilang tingnan ang kanilang kasama, at naisip nilang ganitong-ganito ring mga salita ang bibigkasin ni Kristo. Nalipos sila ng pagtataka, at sa kanilang mga puso'y nag-pasimulang tumibok ang masayang pag-asa. BB 1163.2
Magbuhat kay Moises, na siyang pinaka-Alpa o pina-kapasimula ng kasaysayan ng Bibliya, ay ipinaliwanag ni Kristo sa lahat ng mga Kasulatan ang mga bagay na nauukol sa Kaniyang sarili. Kung ang una Niyang ginawa ay napakilala Siya sa kanila, sana'y nasiyahan na ang kanilang mga puso. Sa kapuspusan ng kanilang kagalakan ay hindi na sana sila maghahangad pa. Nguni't kailangan nilang maunawaan ang pinatototohanan sa Kaniya ng mga sagisag at mga hula ng Matandang Tipan. Dito dapat matatag ang kanilang pananampalataya. Hindi gumawa si Kristo ng anumang himala upang papaniwalain sila nguni't ang kauna-unahan Niyang gawain ay ipaliwanag ang mga Kasulatan. Inakala nilang ang Kaniyang pagkamatay ay pagkawasak na rin ng lahat nilang mga pagasa. Ngayo'y ipinakilala Niya sa pamamagitan ng mga hula ng mga propeta na ito ang misyong pinakamatibay na katunayan para sa kanilang pananampalataya. BB 1163.3
Sa pagtuturo ni Jesus sa mga alagad na ito, ay ipinakilala Niyang mahalaga ang Matandang Tipan bilang isang saksi sa Kaniyang misyon. Maraming nagpapanggap na mga Kristiyano ngayon ang nagpapawalang-kabuluhan sa Matandang Tipan, at sinasabing ito ay hindi na kailangan. Nguni't ganito ang itinuturo ni Kristo. Gayon na lamang kalaki ang pagpapahalaga Niya rito na anupa't minsan ay sinabi Niya, “Kung hindi nila pinakiking-gan si Moises at ang mga propeta, ay hindi rin mangahihikayat sila, kahit ang isa'y magbangon sa mga patay.” Lukas 16:31. BB 1164.1
Tinig ni Kristo ang nagsasalita sa pamamagitan ng mga patriarka at mga propeta, buhat nang mga kaarawan ni Adan hanggang sa nagtatapos na mga bahagi ng panahon. Ang Tagapagligtas ay inihahayag sa Matandang Tipan nang kasinlinaw ng sa Bagong Tipan. Ang liwanag ng hula sa nakaraan ang naghahayag nang buong liwanag at kagandahan sa buhay ni Kristo at sa mga turo ng Bagong Tipan. Ang mga himalang ginawa ni Kristo ay isang katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos; nguni't ang lalong matibay na katunayan na Siya ang Manunubos ng sanlibutan ay nasusumpungan kung inihahambing ang mga hula ng Matandang Tipan sa kasaysayan ng Batang Tipan. BB 1164.2
Sa pagpapaliwanag ni Kristo ng hula, ay ibinigay Niya sa Kaniyang mga alagad ang tumpak na kuru-kuro tungkol sa kung magiging ano Siya sa Kaniyang pagiging-tao. Ang pag-asam nila ng isang Mesiyas na uupo sa Kaniyang luklukan at maghaharing may kapangyarihan nang alinsunod sa mga hinahangad ng mga tao ay nakapagsisinsay. Ito ang sisira sa tumpak na pagkakilala sa Kaniyang pagbaba buhat sa kataas-taasan hanggang sa kababa-babaang kalagayan na maaaring kalagyan ng tao. Hangad ni Kristong ang mga kuru-kuro ng Kaniyang mga alagad ay maging dalisay at tunay sa bawa't kaliit-liitang bagay. Kailangan nilang maintindihan ang tungkol sa saro ng kahirapang itinakda sa Kaniya. Ipinakilala Niya sa kanila na ang nakatatakot na pakikipagtunggaling hindi pa nila nauunawaan ay siyang katuparan ng tipang ginawa bago inilagay ang patibayan ng sanlibutan. Si Kristo ay dapat mamatay, kung paanong ang bawa't sumasalansang sa kautusan ay dapat ding mamatay kung siya ay nagpapatuloy sa pagkakasala. Lahat ng ito ay dapat mangyari nguni't ito'y hindi magwawakas sa pagkatalo, kundi sa maluwalhati at walang-hanggang pagtatagumpay. Sinabi sa kanila ni Jesus na dapat gawin ang bawa't pagsisikap upang mailigtas ang sanlibutan sa pagkakasala. Ang mga sumusunod sa Kaniya ay dapat mamuhay ng gaya ng Kaniyang pagkapamuhay, at gumawang gaya ng iginawa Niya, na taglay ang masidhi at matiyagang pagsisikap. BB 1165.1
Ganyan ang ipinaliwanag ni Kristo sa Kaniyang mga alagad, na binubuksan ang kanilang mga pag-iisip upang kanilang maunawaan ang mga Kasulatan. Hapo na ang mga alagad, gayunma'y hindi nanlamig ang kanilang pag-uusap. Mga salita ng buhay at kapanatagan ang namutawi sa mga labi ng Tagapagligtas. Nguni't nanatili pa ring nakapikit ang kanilang mga mata. Nang sabihin Niya sa kanilang magigiba o malulupig ang Jerusalem, ay minasdan nilang may pagtangis ang mapapahamak na lungsod. Nguni't hindi pa rin sila nagkahinala kung sino ang kasama nilang naglalakad. Hindi nila inakalang ang paksa ng kanilang pag-uusap ay ang lumalakad na kasabay nila; sapagka't tinukoy ni Kristo ang Kaniyang sarili na para bagang Siya ay ibang tao. Ipinalagay nilang Siya ay isa sa mga nagsidalo sa dakilang kapistahan, at ngayo'y pauwi na sa Kaniyang tahanan. Lumakad Siyang maingat na gaya nila sa mabatong daan, at paminsan-minsa'y humihintong kasabay nila upang magpahinga nang kaunti. Ganito sila nagpatuloy sa paglalakad sa daang maburol, samantalang ang Isa na malapit nang umupo sa gawing kanan ng Diyos, at siyang makapagsasabing, “Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa ay naibigay na sa Akin,” ay lumalakad na kasabay nila. Mateo 28:18. BB 1165.2
Nilubugan na sila ng araw sa kanilang paglalakad, at bago nakasapit sila sa kanilang uuwian, ay iniwan na ng mga magbubukid ang kanilang paggawa. Nang papasok na sa kanilang tahanan ang mga alagad, ay anyong magpapatuloy pa sa Kaniyang paglalakad ang ibang Taong ito. Nguni't nalapit na ang loob ng mga alagad sa Kaniya. Nananabik pa ang kanilang mga kaluluwa na makarinig pa ng sasabihin Niya. “Tumuloy Ka sa amin,” wika nila. Waring hindi Niya tinatanggap ang kanilang anyaya, nguni't pinilit nila Siya, na sinasabi, “Gumagabi na, at kumikiling na ang araw.” Napahinuhod si Kristo sa pakiusap na ito at “pumasok Siya upang tumuloy sa kanila.” BB 1166.1
Kung hindi ipinaggiitan ng mga alagad ang kanilang anyaya, hindi sana nila naalamang ang kasama nilang naglalakad ay ang nagbangong Panginoon. Di-kailanman ipinipilit ni Kristo ang pakikisama Niya sa kaninuman. Nagkakaroon Siya ng interes sa mga nangangailangan sa Kaniya. Buong galak Siyang papasok sa pinakaabang tahanan, at pasasayahin ang pinakakaawa-awang puso. Nguni't kung lubhang nagwawalang-bahala ang mga tao sa Panauhing tagalangit, o kaya'y hindi man lamang Siya inaanyayahang tumuloy sa kanila, ay lumalampas Siya. Sa ganitong paraan nakakasagupa ang marami ng malaking kawalan o kalugihan. Hindi nila nakikilala si Kristo na tulad din naman ng mga alagad na sinabayan Niya sa daan. BB 1166.2
Ang payak na hapunang tinapay ay madaling naihanda. Ito'y inihain sa harap ng Panauhin, na umupo sa pangulong upuan ng hapag. Ngayo'y iniunat Niya ang Kaniyang mga kamay upang pagpalain ang pagkain. Napamulagat na nagtataka ang mga alagad. Iniunat ng kanilang Kasama ang Kaniyang mga kamay nang katulad na katulad ng kinagawiang gawin ng kanilang Panginoon. Muli silang tumingin, at narito, nakita nila sa Kaniyang mga kamay ang mga bakas ng mga pako. Kagyat silang napabulalas, Siya ang Panginoong Jesus! Nagbangon Siya mula sa mga patay! BB 1167.1
Nagsitindig sila upang magpatirapa sa Kaniyang paanan at sambahin Siya, nguni't nawala Siya sa kanilang paningin. Tiningnan nila ang dakong nilikmuan ng Isang ang katawan ay hindi pa natatagalang inilagak sa libingan, at isa't isa'y nagsipagsabi, “Hindi baga nag-alab ang ating puso sa loob natin, habang tayo'y kinakausap Niya sa daan, at samantalang binubuksan Niya sa atin ang mga Kasulatan?” BB 1167.2
Nguni't ang pagkakaroon ng ganitong malaking balita na dapat itanyag ay hindi nila maatim na kimkimin at pag-usapan lamang. Nawala ang kanilang pagod at gu tom. Iniwan nila ang kanilang di-nagalaw na pagkain, at lipos ng kagalakang agad nilang tinaluntong muli ang daang kanilang pinanggalingan, na nagsisipagmadali upang maisaysay ang magandang balita sa mga alagad na nasa lungsod. Sa daan ay may mga dakong mapanganib, nguni't inakyat nila ang matatarik na pook, at sila'y nagpapadulas sa makikinis na batuhan upang mapadali. Hindi nila nakikita, ni hindi rin nila nalalaman, na iniingatan sila Niyaong nakisabay sa kanila sa daan. Taglay nila ang kanilang tungkod na panlakbay, na sila'y nagpatuloy, na ang hangad ay makayaon sila nang higit na matulin kaysa mapangangahasan nilang gawin. Nalilihis sila ng daan, nguni't natatagpuan nila itong muli. Kung minsan sila'y tumatakbo, kung minsa'y natatapilok, nguni't patuloy rin sila, na kapiling sa buong daan ang kanilang di-nakikitang Kasama. BB 1167.3
Madilim na ang gabi, nguni't ang Araw ng Katwiran ay nagliliwanag sa kanila. Naglulumundag sa tuwa ang kanilang mga puso. Waring sila ay nasa isang bagong sanlibutan. Si Kristo ay isang nabubuhay na Tagapagligtas. Hindi na nila Siya tinatangisan na gaya ng patay. Nagbangon si Kristo—paulit-ulit nila itong inuusal. Ito ang pabalitang inihahatid nila sa mga nalulungkot. Kailangang sabihin nila sa kanila ang kahanga-hangang kasaysayan ng kanilang paglalakad patungo sa Emaus. Kailangan nilang sabihin kung sino ang sumabay sa kanila sa daan. Dinadala nila ang pinakadakilang pabalitang kailanma'y naibigay na sa sanlibutan, ang masayang papabalitang kinasasaligan ng pag-asa ng buong sangkata-uhan sa ngayon at sa walang-hanggan. BB 1168.1