Bukal Ng Buhay

83/89

Kabanata 82—“Bakit Ka Umiiyak?”

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 28:1, 5-8; Marcos 16:1-8; Lukas 24:1-12; Juan 20:1-18.

Ang mga babaeng nagsitayo sa may paanan ng krus ay nagsipaghintay at nagsipagpuyat hanggang sa makaraan ang mga oras ng Sabbath. At umagang-umaga ng unang araw ng sanlinggo, sila'y nagsitungo sa libingan, na may dalang mga mahal na espesya upang pahiran ang katawan ng Tagapagligtas. Hindi nila naisip ang tungkol sa Kaniyang pagbabangon mula sa mga patay. Ang araw ng kanilang pag-asa ay lumubog na, at gabi ang naghari sa kanilang mga puso. Habang sila'y naglalakad, kanilang sinariwa ang mga gawa ng kaawaan ni Kristo at ang mga sinabi Niyang, “Muli Ko kayong makikita.” Juan 16:22. BB 1150.1

Palibhasa'y hindi nila alam ang nangyayari noon, nagsilapit sila sa libingan, na nag-uusap-usapan habang sila'y naglalakad, “Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?” Batid nilang hindi nila maaalis ang bato, gayunma'y patuloy pa rin sila sa kanilang paglakad. At narito, biglang-biglang nagliwanag ang kalangitan sa kaluwalhatiang hindi nagmumula sa sumisikat na araw. Nayanig ang lupa. Nakita nilang naigulong na ang malaking bato. At walang-laman ang libingan. BB 1150.2

Ang mga babaeng nagsiparoon sa libingan ay hindi nanggaling na lahat sa iisang dako. Si Maria Magdalena ang unang dumating doon; at nang makita niyang naalis na ang bato, nagmamadali siyang umalis upang sabihin sa mga alagad. Samantala'y dumarating naman ang ibang mga babae. May liwanag sa palibot ng libingan, nguni't wala roon ang bangkay ni Jesus. Habang sila'y nagtatagal doon, bigla nilang napansing hindi pala sila nag-iisa. Isang binatang nararamtan ng nagliliwanag na damit ang nakaupo sa tabi ng libingan. Iyon ang anghel na naggulong ng bato. Nag-anyo siyang tao upang hindi mangatakot ang mga kaibigang ito ni Jesus. Gayunma'y nagliliwanag pa rin sa palibot niya ang kaluwalhatian ng kalangitan, at nangatakot ang mga babae. Umakma silang tatakbo, nguni't pinigil sila ng mga salita ng anghel. “Huwag kayong mangatakot,” wika nito, “sapagka't nalalaman ko na inyong hinahanap si Jesus na ipinako sa krus. Siya'y wala rito: sapagka't Siya'y nagbangon, ayon sa sinabi Niya. Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang dakong kinalagyan ng Panginoon. At magsiyaon kayong madali, at sa Kaniyang mga alagad ay sabihin ninyo na Siya'y nagbangon sa mga patay.” Muli nilang tinunghan ang loob ng libingan, at muling narinig nila ang kahanga-hangang balita. Isa pang. anghel na nasa anyong tao ang naroon, at ito'y nagsabi, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala Siya rito; kundi nagbangon na: alalahanin ninyo ang salita Niya sa inyo nang Siya'y nasa Galilea pa, na sinabi, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw.” BB 1151.1

Siya'y nagbangon, Siya'y nagbangon! Muli at muling inulit-ulit ng mga babae ang mga salitang ito. Hindi na kailangan ngayon ang mga pampahid na espesya. Buhay ang Tagapagligtas, at hindi patay. Nagunita na nila ngayon na noong sabihin Niyang Siya'y mamamatay ay sinabi rin Niyang Siya'y muling magbabangon. Ano ngang araw ito sa sanlibutan! Nagmamadaling nilisan ng mga babae ang libingan “na taglay ang takot at ang malaking galak; at nagsitakbo upang ibalita sa Kaniyang mga alagad.” BB 1151.2

Hindi pa nakararating kay Maria ang mabuting balita. Nagtungo siya kay Pedro at kay Juan na taglay ang malungkot na balitang, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan nila inilagay Siya.” Nagmamadaling tinungo ng mga alagad ang libingan, at ito'y nasumpungan ayon sa sinabi ni Maria. Nakita nila ang kumot at ang panyo, nguni't wala ang kanilang Panginoon. Gayunma'y naririto rin ang patotoo na Siya'y nagbangon. Ang mga kasuutang ginamit sa pag-lilibing ay hindi nakasabog sa isang tabi, kundi maingat na nakatiklop sa kamya-kaniyang lugar. Si Juan ay “nakakita at sumampalataya.” Hindi pa niya nauunawaan ang kasulatang si Kristo ay dapat na mabangon mula sa mga patay; subali't naalaala na niya ngayon ang mga pangungusap ng Tagapagligtas na paunang-nagsasabi ng Kaniyang pagkabuhay na mag-uli. BB 1152.1

Si Kristo na rin ang maingat na nagtiklop at nag-ayos ng mga kasuutang iyon. Nang bumaba sa libingan ang makapangyarihang anghel, ito'y sinamahan ng isa pa, na siyang nagbantay sa bangkay ng Panginoon. Nang igulong ng anghel na mula sa langit ang bato, pumasok naman ang isa, at inalis ang mga nakabalot sa katawan ni Jesus. Nguni't kamay ng Tagapagligtas ang nagtiklop ng bawa't isa nito, at naglagay sa lugar nito. Sa Kaniyang paningin na pumapatnubay sa bituin at sa atomo, ay walang dimahalaga. Kaayusan at kasakdalan ang nakita sa lahat Niyang mga gawa. BB 1152.2

Sumunod si Maria kay Juan at kay Pedro hanggang sa libingan; nang magbalik ang dalawang lalaki sa Jerusalem, siya'y nagpaiwan. Nang tingnan niya ang loob ng walang-lamang libingan, nalipos ng pagkalungkot ang kaniyang puso. Nang dumungaw siya sa loob, natanaw niya ang dalawang anghel, ang isa'y nasa ulunan at ang ikalawa'y nasa paanan ng hinimlayan ni Jesus. “Babae, bakit ka umiiyak?” tanong nila sa kaniya. “Sapagka't kinuha nila ang aking Panginoon,” sagot niya, “at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay Siya.” BB 1152.3

Pagkatapos ay lumingon siya, na tinalikuran ang mga anghel, na ang nasa isip ay kailangang makakita siya ng sinumang makapagsasabi sa kaniya kung ano ang ginawa sa bangkay ni Jesus. Isa pang tinig ang nagsalita sa Kaniya, “Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap?” Nakita ni Maria sa kaniyang matang nanlalabo sa luha, ang anyo ng isang lalaki, at sa pag-aakalang ito ang hardinero, ay sinabi niya, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa Kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo Siya inilagay, at akin Siyang kukunin.” Kung ang libingang ito ng mayamang tao ay inaakalang napakarangal na anupa't hindi karapat-dapat ilibing doon si Jesus, ay siya ang maglalaan ng mapaglalagyan sa Kaniya. May isang libingang nawalan ng laman sa pama-magitan ng tinig na rin ni Kristo, ang libingang pinaglagyan kay Lazaro. Hindi ba ito maaaring paglibingan sa kaniyang Panginoon? Nadama niyang ang pag-iingat at pag-aalaga sa Kaniyang mahalaga't ipinako-sa-krus na katawan ay magiging isang malaking kaaliwan sa kaniyang kalungkutan. BB 1154.1

Datapwa't ngayon sa Kaniyang kilalang tinig ay tinawag siya ni Jesus, “Maria.” Napagkilala ngayon ni Maria na hindi ibang tao ang nagsalita sa kaniya, at paglingon niya ay nakita niya sa harap niya ang buhay na Kristo. Sa kaniyang katuwaan ay nalimutan niyang Siya ay ipinako sa krus. Sa paglukso niyang patungo sa Kaniya, na parang yayakapin ang Kaniyang mga paa, ay sinabi niya, “Raboni.” Nguni't itinaas ni Kristo ang Kaniyang kamay, na sinasabi, Huwag mo Akong hipuin; “sapagka't hindi pa Ako nakakaakyat sa Aking Ama: nguni't pumaroon ka sa Aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat Ako sa Aking Ama; at sa Aking Diyos, at inyong Diyos.” At pumaroon si Maria sa mga alagad na dala ang masayang balita. BB 1154.2

Tinanggihang tanggapin ni Jesus ang pagsamba ng Kaniyang bayan hanggang sa Kaniyang matiyak na tinang gap ng Ama ang Kaniyang sakripisyo. Umakyat Siya sa mga korte sa langit, at mula sa Diyos na rin ay narinig Niya ang katiyakan na sapat na ang ginawa Niyang pagtubos sa mga kasalanan ng mga tao, na sa pamamagitan ng Kaniyang dugo ang lahat ay maaaring magtamo ng buhay na walang-hanggan. Pinagtibay ng Ama ang tipang ginawa kay Kristo, na Kaniyang tanggapin ang nagsisisi at nagsisitalimang mga tao, at sila'y iibiging gaya ng pagibig Niya sa Kaniyang Anak. Dapat tapusin ni Kristo ang Kaniyang gawain, at tuparin ang Kaniyang pangako na “gagawin ang isang tao ay maging mahalaga kaysa dalisay na ginto; ang tao na higit kaysa dalisay na ginto ng Ophir.” Isaias 13:12. Ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa ay ibinigay sa Prinsipe ng buhay, at Siya'y nagbalik sa mga sumusunod sa Kaniya sa isang sanlibutan ng kasalanan, upang mabigyan Niya sila ng Kaniyang kapangyarihan at kaluwalhatian. BB 1155.1

Samantalang ang Tagapagligtas ay nasa harapan ng Diyos, na tumatanggap ng mga kaloob para sa Kaniyang iglesya, ay naiisip naman ng mga alagad ang Kaniyang walang-lamang libingan, at naghihinagpis at nagsisitangis. Ang araw na yaon na isang araw ng pagkakatuwa sa buong langit ay araw ng kawalang-katiyakan, kaguluhan, at kagulumihanan sa ganang mga alagad. Ang kanilang di-paniniwala sa patotoo ng mga babae ay nagpapakilala kung gaano nanghina ang kanilang pananampalataya. Ang balita tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo ay ibang-iba sa inaasahan nila na anupa't hindi nila iyon mapaniwalaan. Napakagandang balita iyon upang maging totoo, naisip nila. Lubhang marami na ang narinig nila tungkol sa mga aral at mga tinatawag na teoryang siyentipiko ng mga Saduceo kaya hindi nila mapaniwalaan ang tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang ibig sabihin ng mabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Hindi nila nakayang maunawaan ang malawak na paksa. BB 1155.2

“Magsiyaon kayo,” winika ng mga anghel sa mga babae, “sabihin ninyo sa Kaniyang mga alagad at kay Pedro na Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon ninyo Siya makikita, ayon sa sinabi Niya sa inyo.” Ang mga anghel na ito ang naging mga anghel na tagapagbantay ni Kristo sa buong buhay Niya sa lupa. Nasaksihan nila ang paglilitis at pagpapako sa Kaniya sa krus. Narinig nila ang Kaniyang mga sinabi sa Kaniyang mga alagad. Ito'y ipinakilala ng kanilang pabalita sa mga alagad, at dapat sanang nakakumbinsi sa kanila upang paniwalaan ang katotohanan niyon. Ang gayong mga salita ay manggagaling lamang sa mga sugo o mga tagapagbalita ng kanilang nagbangong Panginoon. BB 1156.1

“Sabihin ninyo sa Kaniyang mga alagad at kay Pedro,” sabi ng mga anghel. Buhat nang mamatay si Kristo, si Pedro'y giniyagis nang mabuti ng paghihimutok at pag-dadalang-sisi. Ang kahiya-hiya niyang pagkakaila sa Panginoon, at ang maibigin at nalulungkot tinging iniukol sa kaniya ng Tagapagligtas, ay lagi nang nasa isip niya. Sa lahat ng mga alagad ay siya ang nagbata nang lalong pinakamapait. Ibinigay sa kaniya ang katiyakan na tinatanggap ang kaniyang pagsisisi at ipinatawad na rin ang kaniyang pagkakasala. Siya'y tinukoy sa pangalan. BB 1156.2

“Sabihin ninyo sa Kaniyang mga alagad at kay Pedro na Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon ninyo Siya makikita.” Iniwan na si Jesus ng lahat ng mga alagad, at ang tawag upang muling makipagkita sa Kaniya ay sumasaklaw sa kanilang lahat. Hindi Niya sila itinatakwil. Nang sabihin sa kanila ni Maria Magdalena na nakita nito ang Panginoon, ay inulit nito ang tawag na pakikipagkita sa Kaniya sa Galilea. At tatlong ulit na ipinadala sa kanila ang pasabi. Nang Siya'y makaakyat na sa Ama, ay napakita si Jesus sa ibang mga babae, na nagsasabi, “Mangagalak kayo. At sila'y nagsilapit at niyakap ang Kaniyang mga paa, at Siya'y sinamba. Nang magkagayo'y sinabi sa kanila ni Jesus, Huwag kayong mangatakot: magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa Aking mga kapatid na sila'y magsiparoon sa Galilea, at doo'y makikita nila Ako.” BB 1156.3

Ang unang-unang ginawa ni Kristo sa lupa pagkatapos na Siya'y mabuhay na mag-uli ay ang papaniwalain ang Kaniyang mga alagad na hindi nagbabawa ang Kaniyang pag-ibig at pagmamahal sa kanila. Upang patunayan sa kanila na Siya ang kanilang nabubuhay na Tagapagligtas, na nilagot na Niya ang mga tanikala ng libingan, at Siya'y hindi na mapipigil pa ng kaaway na kamatayan; at upang ipakilalang hindi nagbabago ang Kaniyang puso sa pag-ibig sa kanila na gaya noong Siya'y kasama-sama pa nila bilang kanilang minamahal na Guro, ay muli at muling Siya'y napakita sa kanila. Nais Niyang higpitan pa ang mga tali ng pag-ibig sa kanila. Magsiyaon kayo at sabihin ninyo sa Aking mga kapatid, wika Niya, na sila'y makipagkita sa Akin sa Galilea. BB 1157.1

Nang marinig nila ang pakikipagtipang ito, na tiyakang ibinigay, ay nagpasimulang naisip ng mga alagad ang mga sinabi ni Kristo sa kanila na paunang-nagsasabi ng Kaniyang pagkabuhay na mag-uli. Gayon pa ma'y hindi pa rin sila nangatuwa ngayon. Hindi nila maiwaksi ang kanilang pag-aalinlangan at kagulumihanan. Kahit sinabi na ng mga babaeng nakita nila ang Panginoon, ay ayaw pa ring maniwala ang mga alagad. Inakala nilang sila'y namalikmata. BB 1157.2

Waring parami nang parami ang bagabag. Nang ikaanim na araw ng sanlinggo ay nakita nilang namatay ang kanilang Panginoon; nang unang araw ng sumunod na sanlinggo ay natagpuan nilang wala ang Kaniyang katawan, at sila'y pinagbintangang siyang nagnakaw nito upang dayain ang mga tao. Hindi nila maalaman kung paano pa nila maitutuwid ang mga maling haka-hakang ito na lumalaganap laban sa kanila. Kinatakutan nila ang galit ng mga saserdote at ang poot ng mga tao. Gayon na lamang ang pagnanais nilang sana'y kasama nila si Jesus, na nakatulong sa kanila sa lahat ng kabagabagan. BB 1158.1

Malimit nilang ulit-ulitin ang mga salitang, “Hinihintay naming Siya ang tutubos sa Israel.” Sa kanilang kalungkutan at paghihinagpis ay naalaala nila ang Kaniyang mga salita, “Kong ginagawa nila ang mga bagay na ito sa punungkahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo?” Lukas 24:21; 23:31. Nagtipun-tipon sila sa itaas na silid, at kanilang sinarhan at tinarangkahan ang mga pintuan, palibhasa'y batid nilang ang sinapit na kapalaran ng kanilang Guro ay maaaring siya rin nilang sapitin anumang oras ngayon. BB 1158.2

At dapat sanang nagsasaya sila sa buong panahong ito sa pagkaalam na nabuhay na ang kanilang Tagapagligtas. Sa halamanan, si Maria ay nakatayong umiiyak, gayong si Jesus ay malapit sa piling niya. Pinanlabo ng mga luha ang Kaniyang mga mata na anupa't hindi niya Siya nakilala. At ang mga puso naman ng mga alagad ay gayunding punung-puno ng kalumbayan na anupa't hindi nila pinaniwalaan ang balita ng mga anghel o ang pasabi mismo ni Kristo. BB 1158.3

Kayrami pa ring gumagawa ng mga ginagawa ng mga alagad na ito! Kayrami pa ring sumisigaw ng walang-pagasang sigaw ni Maria, “Kinuha nila ... ang Panginoon, at hindi namin maalaman kung saan Siya inilagay!” Ilan kaya ang mapagsasabihan ng mga sinalita ng Tagapagligtas na, “Bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap?” Siya'y kapiling nila, nguni't hindi Siya makita ng mga mata nilang nanlalabo sa luha. Nagsasalita Siya sa kanila, nguni't hindi nila maunawaan. BB 1158.4

O sana'y mapatingala ang ulong nakayuko, sana'y madilat ang mga mata upang makita Siya, upang makinig ang mga tainga sa Kaniyang tinig! “Magsiyaon kayong madali, at sa Kaniyang mga alagad ay sabihin ninyong Siya'y nagbangon.” Sabihin ninyo sa kanilang huwag na Siyang hanapin sa libingan ni Jose, na sinarhan ng isang malaking bato, at tinatakan ng tatak ng Roma. Wala na roon si Kristo. Huwag na ninyong tingnan ang libingang walang-laman. Huwag na kayong magsitangis na gaya ng mga walang-pag-asa at mga walang-kaya. Si Jesus ay nabubuhay, at sapagka't Siya'y nabubuhay, ay mabubuhay rin naman tayo. Buhat sa mga pusong nagpapasalamat, buhat sa mga labing dinampian ng banal na apoy, ay bayaang umalingawngaw ang masayang awit, Si Kristo ay nabangon! Siya'y nabubuhay upang mamagitan para sa atin. Hawakan ninyo ang pag-asang ito, at pipigilan nito ang kaluluwa na tulad sa isang tiyak at subok na sinepete. Sumampalataya kayo, at makikita ninyo ang kaluwalhatian ng Diyos. BB 1159.1