Bukal Ng Buhay
Kabanata 81—“Nagbangong Muli ang Panginoon”
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 28:2-4, 11-15.
Ang gabi ng unang araw ng sanlinggo ay dahan-dahang lumipas. Ang pinakamadilim na sandali, bago magbukang-liwayway, ay dumating. Si Kristo ay nabibi-langgo pa rin sa loob ng Kaniyang makitid na libingan. Ang malaking bato ay nakalapat pa rin sa kinalalagyan nito; hindi pa nasisira ang tatak ng Roma; at nanana-tiling nangagbabantay ang mga kawal na Romano. At doo'y may mga nagbabantay na di-nakikita. Nangaka-paligid sa dakong yaon ang mga hukbo ng masasamang mga anghel. Kung mangyayari nga lamang, ay nais ng prinsipe ng kadiliman at ng kaniyang tumalikod na hukbo ng mga anghel na mapamalagi na sanang nakukulong sa loob ng libingan ang Anak ng Diyos. Nguni't isang hukbo ng mga anghel sa langit ang nangakapalibot sa libingan. Mga anghel na nakahihigit sa kalakasan ang nangagbabantay sa libingan, at nangaghihintay sa paglabas ng Prinsipe ng buhay. BB 1138.1
“At narito, lumindol nang malakas: sapagka't bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon.” Nararamtan ng kaluwalhatian ng Diyos, ang anghel na ito ay nagmula sa mga bulwagan ng kalangitan. Ang makikislap na sinag ng kaluwalhatian ng Diyos ay nagpauna sa kaniya, at niliwanagan ang kaniyang dinaraanan. “Ang kaniyang mukha ay tulad sa kidlat, at ang kaniyang pananamit ay maputing parang niyebe: at sa takot sa kaniya'y nagsipanginig ang mga bantay, at nangaging tulad sa mga taong patay.” BB 1138.2
Kayong mga saserdote at mga pinuno, saan naroon ngayon ang kapangyarihan ng inyong bantay? Ang mga matatapang na kawal na di-kailanman natakot sa kapangyarihan ng tao ay ngayo'y naging gaya ng mga bihag na nagapi nang walang tabak o sibat. Ang mukhang tinitingnan nila ay hindi mukha ng mandirigmang makamatayan; iyon ay mukha ng pinakamalakas sa hukbo ng Panginoon. Ang sugong ito ay siyang humalili sa tungkuling kinahulugan ni Satanas. Ito yaong sa mga burol ng Bethlehem ay nagtanyag ng pagkapanganak kay Kristo. Yumayanig ang lupa sa kaniyang paglapit, tumatakas ang mga hukbo ng kadiliman, at habang iginugulong niya ang bato, ay wari manding ang langit ay bumababa sa lupa. Nakita siya ng mga kawal nang inaalis niya ang bato na tulad ng gagawin niya sa isang maliit na bato, at narinig nilang siya'y sumigaw, Anak ng Diyos, lumabas Ka; tinatawag Ka ng Iyong Ama. Nakita nilang si Jesus ay lumabas mula sa libingan, at narinig nilang Siya'y nagwika sa ibabaw ng nabuksang libingan, “Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang kabuhayan.” Sa Kaniyang paglabas na may kamaharlikaan at kaluwalhatian, ang hukbo ng mga anghel ay nagsiyukod na sumasamba sa harap ng Manunubos, at binati Siya sa pamamagitan ng mga awit ng pagpupuri. BB 1139.1
Isang lindol ang naging tanda ng sandaling ialay ni Kristo ang Kaniyang buhay, at isa ring lindol ang sumaksi nang sandaling kunin Niya itong muli na may pagtatagumpay. Siya na nagtagumpay laban sa kamatayan at sa libingan ay lumabas sa libingan na may yabag ng isang mananagumpay, sa gitna ng pagyanig ng lupa, ng pagkislap ng kidlat, at ng pagdagundong ng kulog. Pagparito Niyang muli sa lupa, ay yayanigin Niya “hindi lamang ang lupa kundi pati ng langit.” “Ang lupa ay gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa.” “Ang mga langit ay mababalumbong parang isang ikid;” “ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog.” Subali't “ang Panginoon ay magiging kanlungan (pag-asa) sa Kaniyang bayan, at katibayan (kalakasan) sa mga anak ni Israel.” Hebreo 12:26; Isaias 24:20; 34:4; 2 Pedro 3:10; Joel 3:16. BB 1139.2
Nang mamatay si Jesus ay nakita ng mga kawal na ang lupa ay nabalot ng dilim sa katanghaliang-tapat; nguni't nang Siya'y mabuhay na mag-uli ay nakita nilang lumiliwanag sa kadiliman ng gabi ang kaningningan ng mga anghel, at narinig nilang nagsisiawit na may kagalakan at pagtatagumpay ang mga tumatahan sa langit: Iyong dinaig si Satanas at ang mga kapangyarihan ng kadiliman; Iyong nilamon ang kamatayan sa pagtata-gumpay! BB 1141.1
Lumabas si Kristo mula sa libingan na maluwalhati, at nakita Siya ng bantay na kawal ng Roma. Napabaling ang kanilang mga mata sa mukha Niyaong kamakailan lamang ay kanilang nilibak at kinutya. Sa naluwalhating Personang ito ay namasdan nila ang bilanggong kanilang nakita sa bulwagan ng hukuman, na Siya nilang nilagyan ng koronang tinik. Ito nga Siya na tumayong di-lumalaban sa harap nina Pilato at Herodes, na ang katawan ay pinagsugat ng malupit na panghampas. Ito nga Siya na ipinako sa krus, na siyang sa lubos na kasiyahan sa sarili ng mga saserdote at mga pinuno, ay tinangu-tanguan nila ng kanilang mga ulo, na sinasabi, “Nagligtas Siya sa mga iba; sa Kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.” Mateo 27:42. Ito nga Siya na inilibing sa bagong libingan ni Jose. Utos ng langit ang nagpalaya sa bihag. Pagpatung-patungin man ang mga bundok sa ibabaw ng Kaniyang libingan ay hindi rin makapipigil sa Kaniyang paglabas. BB 1141.2
Pagkakita ng kawal na Romano sa mga anghel at sa naluwalhating Tagapagligtas ay nahandusay silang tulad sa mga taong patay. Nang mawala na sa kanilang paningin ang mga anghel sa langit, ay nagsitindig sila, at ayon sa bilis na maibibigay ng nagsisipanginig nilang mga paa, ay nagmamadali silang nagsilabas sa pintuan ng halamanan. Pasuray-suray na tulad ng mga taong lasing, silay nagmamadaling nagtungo sa lungsod, na isinasaysay sa mga nakakasalubong nila ang kagila-gilalas na balita. Patungo sila kay Pilato, nguni't ang balita nila ay nakasapit na sa mga pinunong Hudyo, at kaya nga ipinatawag sila ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno upang sila'y madala muna sa harapan ng mga ito. Kakatwa ang anyo ng mga kawal nang humarap ang mga ito. Nanginginig sa takot, at namumutla ang mga mukhang pinatotohanan nila ang pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Ipinagtapat na lahat ng mga kawal ang kanilang nakita; wala na silang panahon upang magisip o magsalita ng anumang bagay kundi katotohanan. Naghihirap sa pagbigkas na sinabi nila, Anak nga ng Diyos ang ipinako sa krus; narinig namin ang isang anghel na itinanyag Siya bilang ang Hari ng langit, ang Hari ng kaluwalhatian. BB 1142.1
Ang mga mukha ng mga saserdote ay naging gaya ng sa mga patay. Sinikap ni Caifas na magsalita. Gumalaw ang kaniyang mga labi, nguni't walang salitang lumabas. Aalis na sana ang mga kawal sa silid na pinagpupulungan, nang isang tinig ang pumigil sa kanila. Nakapagsalita rin sa wakas si Caifas. Hintay, hintay, wika niya. Huwag ninyong ipamalita kaninuman ang inyong nakita. BB 1142.2
Pagkatapos ay isang balitang kasinungalingan ang ibinigay sa mga kawal. “Sabihin niyo,” wika ng mga saserdote, “nagsiparito nang gabi ang Kaniyang mga alagad, at Siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y nangatutulog.” Dito lumampas ang mga saserdote. Paano masasabi ng mga kawal na ninakaw ng mga alagad ang bangkay samantalang sila'y nangatutulog? Kung sila'y nangatutulog, paano nila malalaman? At kung mapatuna-yan ngang ninakaw ng mga alagad ang bangkay ni Kristo hindi ba ang mga saserdote ang unang-unang hahatol sa kanila? 0 kung nangatulog nga sa libingan ang mga bantay, hindi ba ang mga saserdote ang unang-unang magsusumbong sa kanila kay Pilato? BB 1143.1
Nasindak ang mga kawal nang maisip nilang sila'y mapararatangang natulog sa panahon ng pagtupad ng tungkulin. Ito ay isang pagkakasalang pinarurusahan ng kamatayan. Sila ba'y magbubulaan, na dadayain ang mga tao, at isasapanganib ang sarili nilang mga buhay? Hindi ba sila'y talagang nagpuyat at nagpagal sa pagbabantay? Paano sila makatatayo sa paglilitis, kahit na alang-alang sa salapi, kung sarili na rin nila ang magsi-sinungaling? BB 1143.2
Upang mapatahimik ang patotoong kanilang pinanga-ngambahan, ipinangako ng mga saserdote ang kaligtasan ng bantay, at sinabing si Pilato man ay hindi maghahangad na kumalat ang gayong balita. Ipinagbili ng mga kawal na Romano sa mga Hudyo ang kanilang integridad o katapatan dahil sa salapi. Nagsiharap sila sa mga saserdote na taglay-taglay ang kagimbal-gimbal na pabalita ng katotohanan; nagsilabas silang taglay-taglay ang salapi, at nasa kanilang mga dila ang sinungaling na balitang binalangkas para sa kanila ng mga saserdote. BB 1143.3
Samantala'y nakarating na kay Pilato ang balita tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Bagama't si Pilato ang may kapanagutan sa pagkakabigay kay Kristo upang patayin, winawalang-anuman niya ito. Bagama't bantulot ang loob niya nang hatulan niya ang Tagapag-ligtas, at nakakaramdam pa siya ng pagkaawa, hanggang ngayon nama'y wala pa siyang nadaramang tunay na pagkabalisa at pagsisisi. Sa takot niya'y nagkulong siya sa loob ng kaniyang bahay, at ayaw niyang makipagkita kaninuman. Nguni't nakapasok din at nakaharap sa kaniya ang mga saserdote, isinalaysay ng mga ito ang kuwentong gawa-gawaan nila, at nakiusap sa kaniyang huwag nang pansinin ang pagkakapagpabaya ng mga bantay sa kanilang tungkulin. Bago niya ito sinang-ayunan lihim na niyang tinanong ang bantay. Palibhasa'y ina-alaala ang sarili nilang kaligtasan, wala silang inilihim na anumang bagay, at nabatid ni Pilato sa kanila ang buong ulat ng lahat ng mga nangyari. Hindi na niya inusig pa ang bagay na iyon, subali't buhat noon ay hindi na siya nagkaroon ng kapayapaan. BB 1143.4
Nang si Jesus ay ilagak sa libingan, ay nagtagumpay si Satanas. Pinangaliasan niyang asahan na hindi na muling mabubuhay ang Tagapagligtas. Inangkin niya ang bangkay o katawan ng Panginoon, at naglagay siya ng kaniyang bantay sa paligid ng libingan, sa pagsisikap na mapamalaging bilanggo sa loob nito si Kristo. Galit na galit siya nang magsitakas ang kaniyang mga anghel nang dumating na at lumapit ang sugo ng langit. Nang makita niyang si Kristo'y lumabas na may pagtatagumpay, natalastas niyang magkakawakas na ang kaniyang kaharian, at siya'y mamamatay sa wakas. BB 1144.1
Nang ipapatay ng mga saserdote si Kristo, ay napa-kasangkapan sila kay Satanas. Ngayo'y lubusan na silang nasa kapangyarihan niya. Nasilo na sila sa isang bitag na hindi na nila malalabasan at wala na silang magagawa pa kundi ang magpatuloy na lamang sa pakikipagbaka laban kay Kristo. Nang mabalitaan nila ang tungkol sa Kaniyang pagkabuhay na mag-uli, ay kinatakutan nila ang galit ng mga tao. Nadama nilang nanganganib ang sarili nilang mga buhay. Ang tanging pag-asa nila ay ang patunayang si Kristo ay isang impostor o magdaraya sa pamamagitan ng pagkakailang Siya ay nabuhay na mag-uli. Sinuhulan nila ang mga kawal, at sinikap na patahimikin si Pilato. Pinalaganap nila ang kanilang mga balitang kasinungalingan sa malayo at sa malapit. Nguni't may mga saksing hindi nila napatahimik. Marami ang nakarinig ng patotoo ng mga kawal tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. At may mga patay na nabuhay at lumabas na kasabay ni Kristo na nagpakita sa marami, at ang mga ito'y nagsipagpahayag na Siya'y nagbangon ngang muli. Dumating sa mga saserdote ang mga balita tungkol sa mga taong nakakita sa mga nabuhay na muling ito, at nakarinig ng kanilang patotoo. Lagi nang kakaba-kaba ang dibdib ng mga saserdote at mga pinuno, baka sa paglalakad nila sa mga lansangan, o sa loob man ng sarili nilang mga tahanan, ay makita nila nang harapan si Kristo. Nadama nilang walang ligtas na dako para sa kanila. Ang mga aldaba at mga baras na pantrangka ay mahihinang pananggalang laban sa Anak ng Diyos. Araw at gabi ay laging parang nasa harap nila ang nakapangingilabot na tagpo sa bulwagan ng hukuman, nang sumigaw sila ng, “Mapasaamin ang Kaniyang dugo, at sa aming mga anak.” Mateo 27:25. Hinding-hindi na mapapawi sa kanilang mga pag-iisip ang alaala ng tagpo o tanawing yaon. Hinding-hindi na rin sila makakatulog nang buong kapayapaan. BB 1144.2
Nang marinig sa libingan ni Kristo ang tinig ng makapangyarihang anghel, na nagsasabi, Tinatawag Ka ng Iyong Ama, ay lumabas sa libingan ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng buhay na nasa Kaniyang sarili. Ngayon ay napatunayan ang katotohanan ng Kaniyang mga salita, “Ibinibigay Ko ang Aking buhay, upang kunin Kong muli. ... May kapangyarihan Akong magbigay nito, at may kapangyarihan Akong kumuhang muli.” Ngayon ay natupad ang hulang sinabi Niya sa mga saserdote at mga pinuno, “Igiba ninyo ang templong ito, at Aking itatayo sa tatlong araw.” Juan 10:17, 18; 2:19. BB 1145.1
Sa ibabaw ng nabiyak na libingan ni Jose ay buong pagtatagumpay na itinanyag ni Kristo, “Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang kabuhayan.” Diyos lamang ang makapagsasalita ng mga pangungusap na ito. Lahat ng mga nilalang na kinapal ay nabubuhay sa pamamagitan ng kalooban at kapangyarihan ng Diyos. Sila'y mga nagsisiasang tumatanggap sa Diyos ng buhay. Mula sa kataas-taasang seratin hanggang sa pinakaabang nilalang na may buhay, lahat ay masaganang tumatanggap ng buhay mula sa Bukal ng buhay. Siya lamang na kapareho ng Diyos ang makapagsasabing, Ako'y may kapangyarihang magbigay ng Aking buhay, at Ako'y may kapang-yarihang kunin itong muli. Sa Kaniyang pagka-Diyos, ay nag-aangkin si Kristo ng kapangyarihang lumagot ng mga tali ng kamatayan. BB 1146.1
Nagbangon si Kristo mula sa mga patay bilang pang unang bunga niyaong mga nangatutulog. Siya ang sina-gisagan ng bigkis na inalog, at ang Kaniyang pagkabuhay na mag-uli ay nangyari nang araw na ang bigkis na inalog ay dapat dalhin sa harap ng Panginoon. Ginanap sa loob ng mahigpit na sanlibong taon ang masa gisag na seremonyang ito. Buhat sa pinag-aanihang mga bukid ay tinitipon ang mga unang hinog na uhay, at pagka ang mga tao ay umaahon sa Jerusalem para sa Paskuwa, ang bigkis ng mga pangunang bunga ay inaalog bilang isang handog na pasasalamat sa harap ng Panginoon. Hanggang hindi ito naihahandog ay hindi pa magagapas ang trigo, at matitipon upang mapagbigkis-bigkis. Ang bigkis na itinalaga o inihandog sa Diyos ay kumakatawan sa pag-aani. Kaya si Kristong pangunang bunga ay kumakatawan sa malaking pag-aaning espirituwal na titipunin para sa kaharian ng Diyos. Ang Kaniyang pagkabuhay na mag-uli ay sagisag at pangako ng pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng mga patay na matwid. “Sapagka't kung tayo'y nagsisisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na mag-uli, ay gayundin naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Diyos na kasama Niya.” 1 Tesalonica 4:14. BB 1146.2
Nang magbangon si Kristo mula sa libingan, ay nagsama Siya ng isang karamihang mga bihag ng libingan. Ang lindol nang Siya'y mamatay ay siyang nagbukas ng kanilang mga libingan, at nang Siya'y magbangon, ay nagsilabas silang kasama Niya. Sila yaong naging mga kamanggagawa ng Diyos, na nagsipaghain ng kanilang mga buhay upang patunayan ang katotohanan. Ngayon sila'y magiging mga saksi Niya na bumuhay sa kanila mula sa mga patay. BB 1147.1
Sa panahon ng ministeryo ni Jesus, ay bumuhay Siya ng patay. Binuhay Niya ang anak na lalaki ng balong babae sa Nain, at ang anak na dalaga ng pinunong si Jairo at si Lazaro. Nguni't ang mga binuhay na ito ay hindi nabihisan ng kawalang-kamatayan. Pagkatapos na sila'y ibangong muli, maaari pa rin silang mamatay. Datapwa't ang mga nagsilabas sa libingan nang si Kristo'y mabuhay na mag-uli ay pawang ibinangon sa buhay na walang-hanggan. Nagsiakyat sila sa langit na kasama Niya bilang mga tropeo ng Kaniyang pagtatagumpay laban sa kamatayan at sa libingan. Ang mga ito, wika ni Kristo, ay hindi na mga bihag ni Satanas; tinubos Ko na sila. Hinango Ko sila mula sa libingan bilang mga pangunang bunga ng Aking kapangyarihan, upang makasama Ko sa-anman ako naroroon, at upang hindi na makatikim pa ng kamatyan o makaranas man ng kalungkutan. BB 1147.2
Ang mga ito ay nagsipasok sa lungsod, at napakita sa marami, na nagsisipagsabi, Si Kristo'y nagbangon mula sa mga patay, at kami'y ibinangon Niyang kasama Niya. Sa ganyan pinamalaging buhay ang banal na katotohanan ng pagkabuhay na mag-uli. Nangagpatotoo ang mga binuhay na banal sa katotohanan ng mga salitang, “Ang iyong mga patay ay mangabubuhay, ang Aking patay na katawan ay babangong kasama nila.” Ang kanilang pagkabuhay na mag-uli ay isang larawan o halimbawa ng pagkatupad ng hulang, “Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang inyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.” Isaias 26:19. BB 1147.3
Sa sumasampalataya, si Kristo ay siyang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas ang buhay na nawala dahil sa kasalanan ay isinasauli; sapagka't Siya ay may buhay sa Kaniyang sarili upang bumuhay naman ng sinumang ibigin Niya. Taglay Niya ang karapatang magbigay ng kawalang-kamatayan. Ang buhay na inialay Niya sa sangkatauhan, ay kinukuha Niyang muli, at ibinibigay sa sangkatauhan. “Ako'y naparito,” sabi Niya, “upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito.” “Sinumang uminom ng tubig na sa kaniya'y Aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailanman; nguni't ang tubig na sa kaniya'y Aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang-hanggan.” “Ang kumakain ng Aking laman, at umiinom ng Aking dugo, ay may buhay na walang-hanggan; at siya'y Aking ibabangon sa huling araw.” Juan 10:10; 4:14; 6:54. BB 1148.1
Sa sumasampalataya, ang kamatayan ay isang maliit na bagay. Ito'y sinasabi ni Kristong parang maigsing sandali. “Kung ang sinuman ay tutupad ng Aking salita, ay hindi siya makakakita magpakailanman ng kamatayan,” “hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.” Sa Kristiyano, ang kamatayan ay isang pagtulog lamang, isang sandali ng pananahimik at kadiliman. Ang buhay ay natatagong kasama ni Kristo sa Diyos, at “pagka si Kristo, na ating buhay, ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama Niya sa kaluwalhatian.” Juan 8:51, 52; Colosas 3:4. BB 1148.2
Ang tinig sa krus na sumigaw ng, “Naganap na,” ay narinig sa gitna ng mga patay. Naglagos ito sa mga pader ng mga libingan, at tinawag ang mga nangatutulog upang magsibangon. Ganyan din ang mangyayari pagka ang tinig ni Kristo ay narinig na mula sa langit. Ang tinig na yaon ay manunuot sa mga libingan at bubuksan ang mga tumba o mga puntod, at ang mga nangamatay kay Kristo ay magsisibangon. Nang mabuhay na mag-uli ang Tagapagligtas ay ilan lamang libingan ang nangabuksan, subali't sa Kaniyang ikalawang pagdating ang lahat ng mga mahahalagang patay ay makakarinig ng Kaniyang tinig, at sila'y magsisilabas sa buhay na maluwalhati at walang-kamatayan. Ang kapangyarihan ding yaon na bumuhay kay Kristo ay siyang bubuhay o magpapabangon sa Kaniyang iglesya, at ito'y luluwalhatiing kasama Niya, sa ibabaw ng lahat ng mga pamunuan, sa ibabaw ng lahat ng mga kapangyarihan, sa ibabaw ng bawa't pangalang ipinangangalan, hindi lamang sa sanlibutang ito, kundi sa sanlibutan din namang darating. BB 1149.1