Bukal Ng Buhay

79/89

Kabanata 78—Ang Kalbaryo

Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 27:31-53; Marcos 15:20-38; Lukas 23:26-46; Juan 19:16-30.

“At nang sila'y dumating sa dakong tinatawag na Kalbaryo, ay kanilang ipinako Siya roon sa krus.” Lukas 23:33. BB 1081.1

“Upang Kaniyang mapaging-banal ang bayan sa pamamagitan ng Kaniyang sariling dugo,” si Kristo “ay nagbata sa labas ng pintuan.” Hebreo 13:12. Dahil sa pagsalansang sa kautusan ng Diyos, ay pinaalis sa Eden sina Adan at Eba. Si Kristong ating kahalili, ay magbabata sa labas ng mga hangganan ng Jerusalem. Siya'y namatay sa labas ng pintuan, na doon pinatay ang mga matasamang-budhi at mga mamamatay-tao. Puno ng kahulugan ang mga salitang, “sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Kristo, na naging sumpa sa ganang atin.” Galacia 3:13! BB 1081.2

Isang malaking karamihan ang sumunod kay Jesus mula sa bulwagan ng hukuman hanggang sa Kalbaryo. Ang balitang Siya'y hinatulan ay kumalat sa buong Jerusalem, at lahat ng uri ng mga tao ay dumagsa sa dakong pagpapakuan. Ang mga saserdote at mga pinuno ay nagsisumpang hindi nila gagalawin ang mga sumusunod kay Kristo kung Siya'y mabigay na sa kanila, at kaya naman ang mga alagad at mga nagsisisampalatayang buhat sa lunsod at mga pook na nasa palibot ay nangakisama sa karamihang nagsisunod sa Tagapagligtas. BB 1081.3

Nang magdaan si Jesus sa pintuan ng hukuman ni Pilato, ang krus na inihanda para kay Barabas, ay ipinasan sa Kaniyang bugbog at duguang mga balikat. Dalawang kasama ni Barabas ang magdurusa ng kamatayang kasabay ni Jesus, at sa kanila'y ipinasan din naman ang mga krus. Ang pasan ng Tagapagligtas ay napaka-bigat sa Kaniyang mahina at hirap na kalagayan. Buhat nang hapunan ng Paskuwa na kasalo ng Kaniyang mga alagad ay hindi na Siya kumain ni uminom. Naghirap nang gayon na lamang ang Kaniyang loob sa halamanan ng Gethsemane sa pakikilaban Niya sa mga kampon ni Satanas. Binata Niya ang sakit ng pagkakapagkanulo sa Kaniya, at nakita Niyang iniwan Siya ng Kaniyang mga alagad at sila'y nagsitakas. Dinala Siya kay Anas, saka kay Caifas, at pagkatapos ay kay Pilato. At buhat naman kay Pilato ay dinala Siya kay Herodes, saka muling ibinalik kay Pilato. Mula sa isang paghamak hanggang sa panibagong paghamak, at mula sa isang paglibak hanggang sa iba pang paglibak, Siya'y makalawang hinampas ng suplina—sa buong magdamag na yaon ay sunud-sunod ang mga pangyayaring susubok nang sultdulan sa kaluluwa ng tao. Gayunma'y hindi nagkulang si Kristo. Wala Siyang binigkas na anumang salita kundi yaon lamang makaluluwalhati sa Diyos. Sa buong kadusta-dustang paglilitis na ginawa sa Kaniya ay nakapanindigan Siya nang buong tibay at buong karangalan. Datapwa't nang pagkatapos na Siya'y hampasin nang makalawa at ipasan na sa Kaniya ang krus, ang likas ng taong sumasa Kaniya ay hindi na nakabata. Siya'y nalugmok na hinahabol ang hininga sa bigat ng Kaniyang pasan. BB 1083.1

Nakita ng pulutong ng mga taong sumusunod sa Tagapagligtas ang mahina at pahapay-hapay Niyang mga paghakbang, nguni't hindi man sila nagpamalas ng pagkahabag. Siya'y kanilang inuyam at nilait dahil sa hindi Niya madala ang mabigat na krus. Muling ipinasan sa Kaniya ang krus, at Siya ay muling nalugmok sa lupa na mahinang-mahina. Nakita ng mga nagsisiusig sa Kaniya na talagang hindi na Niya madadala pa ang Kaniyang pasan. Hindi nila malaman kung sino ang makapagdadala ng nakadudustang krus. Hindi naman ito madadala ng mga Hudyo, dahil sa sila'y marurumhan at makahahadlang ito sa kanila upang maingatan ang Paskuwa. Wala isa man sa magugulong karamihan na sumusunod sa Kaniya ang may ibig tumulong upang magpasan ng krus. BB 1083.2

Nang sandaling ito, si Simon na taga-Cirene, na dumating buhat sa bukid, ay nakasalubong ng karamihan. Narinig niya ang mga pag-uyam at paglait ng pulutong; narinig niya ang paulit-ulit na mga paghamak na, Para-anin ninyo ang Hari ng mga Hudyo! Napahinto siya na nanggigilalas sa nakitang tagpo; at nang magpahayag siya ng pagkaawa, kanilang sinunggaban siya at ipinasan sa kaniyang mga balikat ang krus. BB 1084.1

Nabalitaan na ni Simon si Jesus. Ang mga anak niya ay nagsisampalataya sa Tagapagligtas, nguni't siya naman ay hindi isang alagad. Ang pagpapasan niya ng krus hanggang sa Kalbaryo ay naging isang pagpapala kay Simon, at buhat na noon ay nagpasalamat siya sa ganitong itinalaga sa kaniya ng Diyos. Ito ang umakay sa kaniya upang siya na mismo ang pumili sa krus ni Kristo, at laging dalhin ito nang may kasayahan. BB 1084.2

Hindi iilan ang mga babaeng kasama ng pulutong na nagsisunod sa Papataying Walang-hatol hanggang sa malupit na pagpatay sa Kaniya. Nakatuon kay Jesus ang kanilang pansin. Ang iba sa mga ito ay nakakita na sa Kaniya noong una. Ang iba naman ay nagdala sa Kaniya ng kanilang mga maysakit at mga nahihirapan. Ang mga iba pa ay mga pinagaling naman. Pinag-uusapan ng mga ito ang mga pangyayaring naganap na. Pinagtatakhan nila ang pagkapoot ng mga tao sa Kaniya at ang kanilang mga puso ay nababagbag at halos mawindang na. At bagaman gayon na lamang ang inaasal ng hibang-sa-galit na mga tao, at sa kabila ng mga galit na pagsasalita ng mga saserdote at mga pinuno, ay nangagpahayag din ng kanilang pagkaawa at pakikiramay ang mga babaeng lto. At nang malugmok na si Jesus na nadaganan ng krus, ay napahiyaw sila ng panaghoy. BB 1084.3

Ito lamang ang tumawag ng pansin ni Kristo. Bagama't nagbabata Siya nang labis at labis, samantalang dinadala Niya ang mga kasalanan ng sanlibutan, ay hindi naman Niya ipinagwalang-bahala ang nakalulunos nilang pananambitan. Tiningnan Niya ang mga babaeng ito nang may magiliw na pagkahabag. Sila'y hindi mga sumasampalataya sa Kaniya; talastas Niyang hindi sila nagsisitangis nang dahil sa Siya'y Isang isinugo ng Diyos, kundi sila'y naudyukan lamang ng damdaming makatao. Hindi Niya hinamak o niwalang-kabuluhan ang kanilang pakikiramay, nguni't nakapukaw ito sa Kaniyang puso ng lalong matinding pagkahabag sa kanila. “Mga anak na babae ng Jerusalem,” wika Niya, “huwag ninyo Akong tangisan, kundi tangisan ninyo ang inyong mga sarili, at ang inyong mga anak.” Buhat sa tanawing nasa harap Niya, ay natanawan ni Kristo ang panahon ng pagkawasak ng Jerusalem. Sa kakila-kilabot na tanawing yaon, marami sa mga nagsisitangis ngayon sa Kaniya ang mangapapahamak na kasama ng kanilang mga anak. BB 1085.1

Buhat sa pagbagsak ng Jerusalem ay dumako ang isipan ni Jesus sa lalong malaking paghatol. Sa pagkawasak ng di-nagsisising lungsod ay nakita Niya ang isang sagisag ng kahuli-hulihang pagkawasak na darating sa sanlibutan. Sinabi Niya, “Kung magkagayon ay magpapasimulang sabihin nila sa mga bundok, Mangahulog kayo sa ibabaw namin; at sa mga burol, Takpan ninyo kami. Sapagka't kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punungkahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo?” Ang sariwang punungkahoy ay kamakatawan kay Jesus, ang walang-salang Manunubos. Tiniis ng Diyos na ang Kaniyang galit sa kasalanan ay mahulog sa Kaniyang minamahal na Anak. Si Jesus ay ipapako sa krus dahil sa mga kasalanan ng mga tao. Anong hirap nga, kung gayon, ang titiisin ng makasalanang nagpapatuloy sa pagkakasala? Doon malalaman ng lahat ng di-nagsisi at di-sumampalataya ang kalungkutan at kahirapang hindi kayang maipahayag ng tao. BB 1085.2

Tungkol sa karamihang nagsisunod sa Tagapagligtas hanggang sa Kalbaryo, marami rito ang nagsiabay sa Kaniya na nagsisiawit ng masayang hosana at nagsipagwasiwas ng mga sanga ng palma nang Siya'y matagumpay na pumasok sa Jerusalem. Nguni't hindi iilan sa mga nagsihiyaw ng pagpuri sa Kaniya noon, dahil sa iyon ang popular na gawin noon, ang ngayon ay nag-uumugong sa pagsigaw ng “Tpako Siya sa krus, ipako Siya sa krus!” Nang si Kristo'y pumasok sa Jerusalem na nakasakay sa isang asno, ay umabot sa karurukan ang pag-asa ng mga alagad. Nagsiksikan sila sa palibot ng kanilang Panginoon, sapagka't nadarama nilang isang malaking karangalan ang maging kasama Niya. Ngayong Siya'y dinudusta ay sumusunod sila sa Kaniya nang malayo. Lipos sila ng kadalamhatian, at nangakayuko sa pagkabigo ng kanilang mga pag-asa. Gaano nga napatunayan ang mga salita ni Jesus na: “Kayong lahat ay mangagdaramdam sa Akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan Ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.” Mateo 26:31. BB 1086.1

Pagsapit ng mga bilanggo sa dakong patayan, iginapos na sila sa krus na pahirapan. Nakipaglaban ang dalawang tulisan sa mga gumagapos sa kanila sa krus; nguni't si Jesus ay hindi nanlaban. Ang ina ni Jesus, na inaalalayan ni Juan na minamahal na alagad, ay sumunod sa kaniyang Anak hanggang sa Kalbaryo. Nakita nitong Siya'y nalugmok na nadaganan ng mabigat na krus, at ninais na sana'y masapupo man lamang ng kamay nito ang Kaniyang sugatang ulo, at mahilamusan ang noong yaon na minsa'y umunan sa kaniyang kandungan. Nguni't hindi itinulot na gawin niya ang malungkot na karapatang ito. Katulad ng mga alagad ay umaasa pa rin siya na magpapamalas si Jesus ng Kaniyang kapangyarihan, at ililigtas ang Kaniyang sarili sa Kaniyang mga kaaway. Muling nanlumo ang kaniyang puso nang maalaala niya ang mga salitang ipinagpauna nang sinabi Niya tungkol sa mga bagay na nangyayari na ngayon. Nang iginagapos na ang mga magnanakaw sa krus, ay nakatingin siyang sumisikdo ang dibdib. Siya kaya na bumuhay sa mga patay ay magtitiis na mapako sa krus? Itutulot kaya ng Anak ng Diyos na Siya ay buong kalupitang patayin nang pagayon? At ang pananampalataya ba naman niya na si Jesus ay siyang Mesiyas ay iiwan na niya? Dapat ba niyang panoorin ang Kaniyang pagkadusta at pagkalungkot, nang hindi man lamang nagkakaroon ng karapatang Siya'y mapaglingkuran sa Kaniyang paghihirap? Nakita niyang ang Kaniyang mga kamay ay iniunat sa krus; kinuha ang martilyo at ang mga pako, at nang pinababaon na ang mga pako sa malambot na kalamnan ng mga kamay, ay hindi natiis na saksihan ng mga alagad na windang ang puso ang malupit na larawan ng nawawalanng-ulirat na ina ni Jesus. BB 1086.2

Hindi kinaringgan ng anumang pagdaing ang Tagapagligtas. Nanatiling payapa at mahinahon ang Kaniyang mukha, nguni't namuo sa Kaniyang noo ang malalaking patak ng pawls. Walang maawaing kamay na pumahid ng pawis ng kamatayan sa Kaniyang mukha, ni wala ring mga salita ng pakikiramay at ng di-nagbabagong pagtatapat na sukat magpatibay sa Kaniyang pusong-tao. Samantalang ginagawa ng mga kawal ang kanilang kakila-kilabot na gawain, ay idinalangin naman ni Jesus ang Kaniyang mga kaaway, “Ama, patawarin Mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Naparam sa Kaniyang isip ang sarili Niyang paghihirap at napatuon sa kasalanan ng mga nagsisiusig sa Kaniya, at sa kakila-kilabot na parusang sasapit sa kanila. Wala Siyang binigkas na mga panunungayaw o mga pagsumpa sa mga kawal na gumagawa ng karahasan sa Kaniya. Wala Siyang ibinantang paghihiganti sa mga saserdote at mga pinuno, na lubhang nagsasaya dahil sa pagkatupad ng kanilang nilalayon. Kinaawaan sila ni Kristo sa kanilang di-pagkaalam at pagkakasala. Sumambit lamang Siya ng isang pamanhik na sila'y patawarin—“sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” BB 1087.1

Kung nalalaman lamang nila na ang kanilang pinahihirapan ay Isa na naparito upang iligtas sa walang-hanggang pagkapahamak ang nagkasalang sangkatauhan, disin sana'y sinidlan sila ng pagdadalang-sisi at panghihilakbot. Nguni't ang kanilang di-pagkaalam ay hindi pumawi ng kanilang pagkakasala; sapagka't karapatan nila na kilalanin at tanggapin si Jesus bilang kanilang Tagapagligtas. Makikita pa ng ilan sa kanila ang kanilang pagkakasala, at magsisisi, at mangahihikayat. Ang iba naman dahil sa kanilang di-pagsisisi ay hindi matutupad ang panalangin ni Kristo para sa kanila. Gayon pa man, umaabot na rin sa pagkatupad ang panukala ng Diyos. Tinatamo na ni Jesus ang karapatan na maging tagapamagitan ng mga tao sa harapan ng Ama. BB 1088.1

Ang panalanging yaon ni Kristo para sa Kaniyang mga kaaway ay sumasaklaw sa buong sanlibutan. Sakop nito ang bawa't makasalanang nabuhay na at mabubuhay pa, buhat sa kapasi-pasimulaan ng sanlibutan hanggang sa wakas ng panahon. Sa lahat ay nakapataw ang kasalanan na pagpapako sa Anak ng Diyos. Sa lahat ay iniaalok nang walang-bayad ang kapatawaran. “Sinumang may ibig” ay makapagtatamo ng kapayapaan sa Diyos, at magma-mana ng buhay na walang-hanggan. BB 1088.2

Karaka-rakang si Jesus ay naipako sa krus, ito ay binuhat ng malalakas na lalaki, at napakarahas na isinaksak sa hukay na inihanda para dito. Ito'y nagdulot ng napakatinding sakit sa Anak ng Diyos. Pagkatapos ay tumitik si Pilato ng isang inskripsiyon sa wikang Hebreo, Griyego, at Latin, at ito'y inilagay sa itaas ng krus, sa ulunan ni Jesus. Ito ang nababasa, “Jesus na taga-Nazareth ang Hari ng mga Hudyo.” Ang inskripsiyong ito ay ikinayamot ng mga Hudyo. Sa hukuman ni Pilato ay sila'y nagsigawang, “Ipako Siya sa krus.” “Wala kaming hari kundi si Cesar.” Juan 19:15. Ipinahayag nilang sinumang kikilala sa ibang hari ay isang taksil. Isinulat ni Pilato ang damdaming kanilang ipinahayag. Walang masamang binanggit, liban sa si Jesus ay Hari ng mga Hudyo. Ang inskripsiyon ay isang tunay na pagkilala ng pagkatig ng mga Hudyo sa kapangyarihan ng Roma. Ipinahayag nitong sinumang aangking siya ay Hari ng Israel ay hahatulang karapat-dapat sa kamatayan. Dinaya ng mga saserdote ang kanila ring mga sarili. Nang binabalak pa lamang nilang patayin si Kristo, ay ipinahayag ni Caifas na kailangang mamatay ang isang tao upang maligtas ang bansa. Ngayo'y nalantad ang kanilang pagpapaimbabaw. Upang maipahamak lamang si Kristo, ay naging handa silang isakripisyo maging ang kanilang pagiging-bansa. BB 1089.1

Nakita ng mga saserdote kung ano ang nagawa nila, at hiniling nila kay Pilato na baguhin ang itinitik. Sinabi nila, “Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Hudyo; kundi ang Kaniyang sinabi, Hari Ako ng mga Hudyo.” Nguni't galit si Pilato sa kaniyang sarili dahil sa kaniyang unang pagkukulang at kahinaan, at kaya nga lubos niyang hinamak ang mainggitin at magdarayang mga saserdote at mga pinuno. Malamig ang sagot niya, “Ang naisulat ko ay naisulat ko.” BB 1089.2

Isang kapangyarihang lalong mataas kaysa Pilato o sa mga Hudyo ang nag-atas na ilagay ang inskripsiyong yaon sa ulunan ni Jesus. Sa pamamatnubay ng Diyos ay ito ang pupukaw sa pag-iisip, at sa pagsisiyasat ng mga Kasulatan. Ang pook na pinagpakuan kay Kristo ay malapit sa lungsod. Libu-libong mga tao na buhat sa lahat ng mga bansa ang nasa Jerusalem noon, at ang inskripsiyong nagsasabing si Jesus na taga-Nazareth ay siyang Mesiyas ay mapapansin nila. Iyon ay isang buhay na katotohanan, na itinitik ng isang kamay na pinatnubayan ng Diyos. BB 1090.1

Sa mga paghihirap ni Kristo doon sa krus ay natupad ang hula. Mga dantaon pa bago nangyari ang pagpapako sa krus, ay sinabi nang pauna ng Tagapagligtas ang pakikitungong gagawin sa Kaniya ng mga tao. Sinabi Niya, “Niligid Ako ng mga aso: kinulong Ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama: binutasan nila ang Aking mga kamay at ang Aking mga paa. Aking maisasaysay ang lahat ng Aking mga buto: kanilang minamasdan at pinapansin Ako. Hinapak nila ang Aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang Aking kasuutan.” Awit 22:16-18. Ang hula tungkol sa Kaniyang mga damit ay isinagawa nang hindi na pinagusapan pa o pinakialaman man ng mga kaibigan o ng mga kaaway ng Isang Ipinako. Ang Kaniyang damit ay ibinigay sa mga kawal na naglagay sa Kaniya sa krus. Narinig ni Kristo ang pagtatalo ng mga tao habang pinag-hahati-hatian nila ang mga damit. Ang Kaniyang tunika ay hinabi nang buung-buo at walang-dugtong o walangtahi, at sinabi nila, “Huwag natin itong punitin, kundi ating pagsapalaranan, kung mapapakanino.” BB 1090.2

Sa isa pang hula ay sinabi ng Tagapagligtas, “Kaduwahagihan ay sumira ng Aking puso; at Ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at Ako'y naghintay na may maawa sa Akin, nguni't wala; at ng mga mang-aaliw, nguni't wala Akong nasumpungan. Binigyan din naman nila Ako ng pagkaing mapait, at sa Aking kauhawan ay binigyan nila Ako ng suka na mainom.” Awit 69:20, 21. Ang mga nagdurusa ng kamatayan sa krus ay pinahihintulutang mabigyan ng nagpapamanhid na inumin, upang patayin ang pagkadama ng kirot o sakit. Ito ay inialok kay Jesus; nguni't nang Kaniyang matikman, ay tinanggihan Niya. Hindi Niya nais ang anumang magpapalabo ng Kaniyang pag-iisip. Ang Kaniyang pananampalataya ay dapat manatiling nanghahawak nang buong tibay sa Diyos. Ito lamang ang Kaniyang lakas. Kung lalabo ang Kaniyang diwa ay magkakaroon ng kalamangan si Satanas. BB 1090.3

Habang si Jesus ay nakabayubay sa krus ay ibinuhos ng Kaniyang mga kaaway ang kanilang galit sa Kaniya. Nakisama ang mga saserdote, mga pinuno, at ang mga eskriba sa pulutong ng masasama't magugulong mga tao sa paglibak sa pumapanaw na Tagapagligtas. Noong bautismuhan at noong magbagong-anyo si Jesus ay narinig ang tinig ng Diyos na nagpapahayag na si Kristo ay Kaniyang Anak. At noong bago Siya ipagkanulo, ay muling nagsalita ang Ama, na nagpapatotoo sa Kaniyang pagka-Diyos. Nguni't ngayon ay tahimik ang tinig ng langit. Walang narinig na patotoong panig kay Kristo. Nag-iisa Siyang nagbata ng pagmamalabis at panlilibak ng mga masasamang tao. BB 1091.1

“Kung Ikaw ay Anak ng Diyos,” sabi nila, “ay bumaba Ka sa krus.” “Iligtas Niya ang Kaniyang sarili, kung Siya ang Kristo, ang hinirang ng Diyos.” Sa ilang ng tukso ay sinabi ni Satanas, “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay ipagutos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.” “Kung Ikaw ang Anak ng Diyos, ay magpatihulog Ka” mula sa taluktok ng templo. Mateo 4:3, 6. At si Satanas kasama ang kaniyang mga anghel, na nasa anyong tao, ay naroon sa krus. Ang punong-kaaway at ang kaniyang mga hukbo ay nakikipagtulungan sa mga saserdote at mga pinuno. Ang mga tagapagturo ng mga tao ay siyang nag-uudyok sa mga walang-alam na pulutong upang igawad ang hatol laban sa Isa na hindi man lamang nakita ng marami sa kanila, kundi noong atasan na lamang sila na magpatotoo laban sa Kaniya. Sama-samang nagbuklod sa maka-Satanas na kabangisan ang mga saserdote, mga pinuno, mga Pariseo, at ang mg pusakal na masasamang tao. Nakipagkaisa ang mga pinuno ng relihiyon kay Satanas sa kaniyang mga anghel. Ginagawa nila ang kaniyang iniuutos. BB 1091.2

Narinig ni Jesus, na noon ay naghihirap at malapit nang pumanaw, ang bawa't salita nang sabihin ng mga saserdote na, “Nagligtas Siya sa mga iba; sa Kaniyang sarili ay hindi makapagligtas. Bumaba ngayon mula sa krus ang Kristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan.” Magagawa ni Kristo na bumaba sa krus. Nguni't kaya hindi Niya iniligtas ang Kaniyang sarili ay upang ang taong makasalanan ay magkaroon ng pag-asang siya'y patawarin at lingapin ng Diyos. BB 1092.1

Sa paglibak nila sa Tagapagligtas, ang mga nagpapanggap na ito na tagapagpaliwanag ng hula ay siya na ring umulit sa mga salita ng Kasulatan na pauna na nitong sinabi na bibigkasin nila sa pagkakataong ito. Nguni't sa kanilang pagbubulag-bulagan ay hindi nila nakitang tinutupad nila ang hula. Yaong sa paghamak ay nagsibigkas ng mga salitang, “Nananalig Siya sa Diyos; iligtas Niya Siya ngayon, kung Siya'y iniibig: sapagka't sinabi Niya, Ako'y Anak ng Diyos,” ay bahagya ma'y di-naka-pag-isip na ang kanilang sinabi ay maririnig sa lahat ng mga panahon. Subali't bagaman ito'y sinalita sa panlilibak, ay inakay ng mga salitang ito ang mga tao na magsaliksik ng mga Kasulatan na gaya ng di-kailanman nila nagagawa nang una. Narinig ito ng mga pantas na tao, at sila'y nagsaliksik, nag-isip, at nanalangin. Mayroong mga di-kailanman huminto hanggang sa makita nila ang kahulugan ng misyon ni Kristo, sa pamamagitan ng paghahambing ng talata sa talata. Di-kailanman nagkaroon nang una ng gayong malaganap na pagkakilala kay Jesus na di gaya nang Siya'y nakabayubay sa krus. Sa puso ng maraming nakasaksi sa pagpapako kay Kristo sa krus, at sa mga nakarinig sa mga salita ni Kristo, ay lumiliwanag ang ilaw ng katotohanan. BB 1092.2

Nang si Jesus ay naghihirap sa krus ay may isang sinag ng kaaliwang dumating sa Kaniya. Iyon ay ang panalangin ng nagsisising magnanakaw. Ang dalawang lalaking napakong kasama ni Jesus ay kapwa nangungutya sa Kaniya nang pasimula; at ang isa sa kaniyang paghi-hirap ay naging lalong desperado at mapanlaban. Nguni't hindi nagkagayon ang kasama nito. Ang lalaking ito ay hindi isang pusakal na kriminal; nailigaw ito ng landas ng masasamang kasama, nguni't hindi ito gasinong makasalanan na di gaya ng maraming nangakatayo sa tabi ng krus na nagsisilait sa Tagapagligtas. Nakita nito at narinig si Jesus, at ito'y nasumbatan ng Kaniyang pangangaral, nguni't ito'y pinalayo sa Kaniya ng mga saserdote at mga pinuno. Sa paghahangad nitong inisin ang tumutubong paniniwala, ay nagpakagumon ito nang nagpakagumon sa pagkakasala, hanggang sa ito ay madakip nilitis na gaya ng isang kriminal, at hinatulang mamatay sa krus. Sa bulwagan ng hukuman at hanggang sa daang patungo sa Kalbaryo ay naging kasama-sama ito ni Jesus. Narinig nito ang ipinahayag ni Pilatong, “Wala akong masumpungang anumang kasalanan sa Kaniya.” Juan 19:4. Napansin nito ang Kaniyang banal at maka-Diyos na kaanyuan, at ang Kaniyang nahahabag na pagpapatawad sa mga nagpapahirap sa Kaniya. Doon sa krus ay nakita nito ang maraming tanyag na relihiyosong naglalabas ng kanilang mga dila sa paghamak at paglibak sa Panginoong Jesus. Nakita nito ang tatangu-tangong mga ulo. Narinig nito ang nanlilibak na pangungusap ng kasama niya sa pagkakasala: “Kung Ikaw ang Kristo, iligtas Mo ang Iyong sarili at kami.” Sa mga nangagdaraan ay narinig nito ang maraming nagtatanggol kay Jesus. Narinig nito na inuulit nilang sabihin ang Kaniyang mga salita, at isinasalaysay ang tungkol sa Kaniyang mga ginawa. Nanumbalik dito ang tumubong paniniwala na ito nga ang Kristo. Binalingan nito ang kaniyang kasamang kriminal at nagwika, “Hindi ka pa baga natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding kaparusahan?” Ang dalawang magnanakaw ay wala nang ikatatakot pa sa mga tao. Nguni't sa isa sa mga ito ay umuukil-kil ang paniniwala na may isang Diyos na dapat katakutan, isang hinaharap na nagdudulot dito ng panginginig. At ngayon, ang buhay nitong batbat ng kasalanan, ay malapit nang magwakas. “At tayo sa katotohanan ay ayon sa katwiran,” taghoy nito, “sapagka't ang Taong ito'y hindi gumagawa ng anumang masama.” BB 1093.1

Wala nang katanungan ngayon. Wala nang mga alinlangan, wala nang mga pangungutya. Nang mahatulan ang magnanakaw sa kaniyang pagkakasala, siya'y nawalan ng pag-asa at nanlumo; nguni't ngayo'y may sumupling na kakaiba't maiinam na isipan. Ginunita niya ang lahat ng nabalitaan niya tungkol kay Jesus, kung paanong pinagaling Niya ang mga maysakit at pinatawad ang kasalanan. Napakinggan niya ang mga salita ng mga nagsisisampalataya kay Jesus at tumatangis na nangag-sisunod sa Kaniya. Nakita niya at nabasa ang nakasulat sa ulunan ng Tagapagligtas. Napakinggan niyang inu-ulit-ulit ito ng mga nangagdaraan, na ang ilan ay may pagkahapis, at ang iba nama'y may panunudyo at panlilibak. Niliwanagan ng Espiritu Santo ang kaniyang pag-iisip, at unti-unting nagkaugnay na magkakasama ang tanikala ng mga katunayan. Kay Jesus, na sugatan, nililibak, at nakabayubay sa krus, ay nakita niya ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Ang pag-asa'y nalangkapan ng dalamhati sa kaniyang tinig nang ilagak ng pumapanaw nang kaluluwa ang kaniyang sarili sa pumapanaw na ring Tagapagligtas. “Panginoon, alalahanin Mo ako,” sigaw niya, “pagdating Mo sa Iyong kaharian.” BB 1094.1

Kagyat na bumalik ang kasagutan. Marahan at mainam ang himig, puno ng pag-ibig, habag, at kapangya-rihan ang mga salitang: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo ngayon, Ikaw ay kakasamahin Ko sa Paraiso.” BB 1095.1

Sa mahabang oras ng paghihirap, ay dumating sa pandinig ni Jesus ang mga pag-upasala at paglibak ng mga tao. Sa Kaniyang pagkakabayubay sa krus, ay umabot pa rin sa Kaniya ang ugong ng mga pagkutya at mga panunungayaw. Sabik na sabik ang Kaniyang pusong makarinig sa Kaniyang mga alagad ng pagpapahayag ng pananampalataya nila sa Kaniya. Nguni't ang narinig lamang Niya ay mga salitang naghihimutok, “Inasahan naming Siya ang tutubos sa Israel.” Kaylaki ngang pasasalamat ng Tagapagligtas nang Kaniyang mapakinggan ang binigkas na pananampalataya at pag-ibig ng pumapanaw nang magnanakaw! Samantalang itinatatwa Siya ng mga pinunong Hudyo, at maging ang mga alagad Niya ay nagaalinlangan sa Kaniyang pagka-Diyos, ang abang magnanakaw naman, na nasa bingit na sa kamatayan, ay tinawag si Jesus na Panginoon. Marami ang handang tumawag sa Kaniya ng Panginoon nang gumawa Siya ng mga kababalaghan, at pagkatapos na Siya'y magbangon mula sa libingan; subali't walang kumilala sa Kaniya nang Siya'y nakabayubay sa krus at malapit nang bawian ng buhay kundi ang nagsisising magnanakaw na naligtas sa kahuli-hulihang sandali. BB 1095.2

Narinig ng nangakatayong nanonood ang mga salita ng magnanakaw nang tawagin nitong Panginoon si Jesus. Ang himig ng tinig ng nagsisising tao ay tumawag ng kanilang pansin. Ang mga nasa paanan ng krus na nangag-tatalu-talo sa mga damit ni Kristo, at nangagsasapalaran kung mapapakanino ang mga ito, ay nangapatigil upang makinig. Ang kanilang pagkakagalit ay napahinto. Halos hindi sila humihingang sila'y nangapatingin kay Kristo, at hinintay nila ang isasagot ng naghihingalong mga labi. BB 1095.3

Nang bigkasin na Niya ang mga salita ng pangako, ang maiitim na ulap na waring nakalukob sa krus ay biglang hinawi ng isang matalim at matinding liwanag. Dumating sa nagsisising magnanakaw ang sakdal na kapayapaan ng pagtanggap ng Diyos. Si Kristo ay naluwalhati sa pagkakadusta sa Kaniya. Siya na sa tingin ng lahat ng ibang mga mata ay nagapi ay siya ngayong Manana-gumpay. Siya ay kinilalang Tagapagdala ng kasalanan. Maaaring magkaroon ng kapangyarihan ang tao sa Kaniyang katawang laman. Maaari nilang sugatan ang banal Niyang ulo ng putong o koronang may mga tinik. Maaari nilang hubdan Siya ng Kaniyang damit, at pagkagalitan ang paghahati-hati nito. Nguni't hindi nila maaagaw sa Kaniya ang kapangyarihan Niyang magpatawad ng mga kasalanan. Sa Kaniyang pagkamatay ay pinatu-tunayan Niya ang Kaniyang pagka-Diyos at ang kaluwalhatian ng Ama. Hindi paking ang Kaniyang tainga upang hindi makarinig, ni hindi umigsi ang Kaniyang kamay upang hindi ito makapagligtas. Makahari Niyang karapatan na iligtas na lubos ang lahat ng mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan Niya. BB 1096.1

Sinasabi Ko sa iyo ngayon, ikaw ay kakasamahin Ko sa Paraiso. Hindi nangako si Kristo sa magnanakaw na makakasama Niya ito sa Paraiso sa araw na iyon. Siya mismo ay hindi nagtungo sa Paraiso nang araw na iyon. Natulog Siya sa libingan, at nang umaga ng Kaniyang pagkabuhay na mag-uli ay sinabi Niya, “Hindi pa Ako nakakaakyat sa Aking Ama.” Juan 20:17. Nguni't nang araw na Siya ay ipako sa krus, na tila mandin araw ng kadiliman at pagkagapi, ay ibinigay Niya ang pangako. “Ngayon” samantalang naghihingalo na sa krus ang magnanakaw, ay nangangako si Kristo sa abang makasalanan, Ikaw ay kakasamahin Ko sa Paraiso. BB 1096.2

Ang mga magnanakaw na ipinakong kasama ni Jesus sa krus ay inilagay na “isa sa bawa't panig, at si Jesus ay sa gitna.” Ito'y ginawa ayon sa tagubilin ng mga saserdote at mga pinuno. Ang kalagayan ni Kristo sa gitna ng dalawang magnanakaw ay upang ipakilalang Siya ang pinakadakilang kriminal sa tatlo. Sa ganyan natupad ang kasulatan, “Siya'y ibinilang na kasama ng mga mananalansang.” Isaias 53:12. Nguni't hindi nakita ng mga saserdote ang buong kahulugan ng kanilang ginawa. Kung paanong si Jesus, ay ipinakong kasama ng mga magna-nakaw at inilagay “sa gitna,” gayundin inilagay ang Kaniyang krus sa gitna ng isang sanlibutang nagugutom sa kasalanan. At ang mga salita ng pagpapatawad na sinabi sa nagsisising magnanakaw ay nagsindi ng isang ilaw na magliliwanag hanggang sa kahuli-hulihang mga hangganan ng lupa. BB 1097.1

May panggigilalas na nakita ng mga anghel ang dimatingkalang pag-ibig ni Jesus, na bagama't nagbabata ng matinding hirap ng isip at katawan, ay inalaala pa rin ang mga iba, at pinalakas ang loob ng nagsisising kaluluwa upang sumampalataya. Sa Kaniyang kadustaan Siya bilang isang propeta ay nagsalita sa mga anak na babae ng Jerusalem; bilang saserdote at tagapamagitan ay namanhik Siya sa Ama na patawarin ang mga pumapatay sa Kaniya; bilang isang mapagmahal na Tagapagligtas ay pinatawad Niya ang mga kasalanan ng nagsi-sising magnanakaw. BB 1097.2

Nang igala ni Jesus ang paningin Niya sa karamihang nakapalibot sa Kaniya, isang anyo ang nakatawag ng Kaniyang pansin. Sa paanan ng krus ay nakatayo ang Kaniyang ina, na inaalalayan ng alagad na si Juan. Hindi nito matiis na mapahiwalay sa kaniyang Anak; at palibhasa'y talastas ni Juan na malapit na ang wakas, ay inilapit ito sa krus. Sa sandali ng Kaniyang kamatayan, naalaala ni Kristo ang Kniyang ina. Pagkasulyap Niya sa namimighating mukha nito at pagkatapos ay kay Juan, ay sinabi Niya rito, “Babae, narito ang iyong anak!” at kay Juan, “Narito ang iyong ina!” Naunawaan ni Juan ang mga salita ni Kristo, at tinanggap niya ang ipinagkatiwala. Karaka-rakang ipinagsama niya si Maria sa kaniyang tahanan, at buhat sa oras na iyon ay buong pagmamahal niya itong kinalinga. Oh mahabagin at maibiging Tagapagligtas; sa gitna ng lahat Niyang tinitiis na hirap ng katawan at ng pag-iisip, naalaala pa rin Niya ang Kaniyang ina! Wala Siyang salaping maipagpapaginhawa sa buhay nito; nguni't Siya'y nakadambana sa puso ni Juan, at kaya nga ibinigay Niya ang Kaniyang ina sa kaniya bilang isang mahalagang pamana. Sa ganyang paraan ibinigay Niya rito ang kailangang-kailangan nito—ang matimyas na pagmamahal ng isang umiibig dito sapagka't iniibig nito si Jesus. At nang ito'y tanggapin ni Juan bilang isang banal na ipinagkatiwala, ay tumanggap si Juan ng isang dakilang pagpapala. Si Maria ay naging laging tagapagpaalaala kay Juan ng kaniyang minamahal na Panginoon. BB 1097.3

Ang sakdal na halimbawa ng pagmamahal ni Kristo sa magulang ay nagliliwanag nang buong ningning sa dilim ng mga panahon. Sa loob halos ng tatlumpung taon ay tumulong si Jesus na magdala ng mga pasanin sa tahanan sa pamamagitan ng araw-araw Niyang paggawa. At ngayon, maging sa oras ng huli Niyang paghihirap, ay nagunita Niyang paglaanan ng kailangan nito ang nalulumbay at balo Niyang ina. Ang ganito ring diwa ay makikita sa bawa't alagad ng ating Panginoon. Madarama ng mga sumusunod kay Kristo na isang bahagi ng kanilang relihiyon na igalang at paglaanan ng mga kinakailangan ang kanilang mga magulang. Buhat sa pusong pinamamahayan ng Kaniyang pag-ibig, ang ama at ina ay di-kailanman magkukulang sa pagtanggap ng maalalahaning pag-aasikaso at ng magiliw na pagkakalinga. BB 1098.1

At ngayo'y pumapanaw na ang Panginoon ng kaluwalhatian, na isang panubos sa sangkatauhan. Sa pagbibigay ni Kristo ng mahalaga Niyang buhay ay hindi Siya inalalayan ng matagumpay na kagalakan. Lahat ay mapaniil na kadiliman. Hindi takot sa kamatayan ang mabigat sa Kaniya. Hindi kirot at kadustaan ng krus ang nagdulot sa Kaniya ng di-mabigkas na paghihirap. Si Kristo ang prinsipe ng mga nagbabata; nguni't ang Kaniyang paghihirap ay bunga ng pagkadama Niya sa kasamaan ng kasalanan, ng pagkakilala Niya na dahil sa ang tao ay namihasa na sa kasamaan, ay hindi na nito makita ang kalakhan ng kasamaan nito. Nakita ni Kristo kung gaano na kahigpit ang pagkakasaklot ng kasalanan sa puso ng tao, at kung paanong iilan na lamang ang magiging handang magwala sa kapangyarihan nito. Batid Niyang kung hindi tutulong ang Diyos, ang sangkatauhan ay mapapahamak, at nakita Niyang marami ang nangapapahamak bagama't maaabot ng masaganang tulong. BB 1099.1

Kay Kristo na ating kahalili at tagapanagot ay ipinasan ang kasalanan nating lahat. Ibinilang Siyang isang mananalansang, upang matubos Niya tayo sa hatol ng kautusan. Dumadagan sa Kaniyang puso ang bigat ng kasalanan ng bawa't anak ni Adan. Ang galit ng Diyos sa kasalanan, at ang kakila-kilabot na pagpapakita Niya ng di-pagkalugod dahil sa katampalasanan, ay nakaligalig na lubos sa kaluluwa ng Kaniyang Anak. Sa buong buhay ni Kristo ay itinanyag Niya sa sanlibutang nagkasala ang mabubuting balita ng kahabagan at ng nagpapatawad na pag-ibig ng Ama. Kaligtasan sa pangulo ng mga maleasalanan ang Kaniyang paksa. Subali't ngayon sa kakila-kilabot na bigat ng kasalanang Kaniyang pinapasan, ay hindi Niya makita ang nakikipagkasundong mukha ng Ama. Ang pagkakakubli sa Tagapagligtas ng mukha ng Diyos sa oras na ito ng matinding paghihirap ay tumimo sa Kaniyang puso na may taglay na kalung-kutang di-kailanman lubusang mauunawaan ng tao. Gayon na lamang kalaki ang paghihirap na ito na anupa't bahagya na Niyang naramdaman ang kirot o sakit sa Kaniyang katawan. BB 1099.2

Winalat ng mababangis na tukso ni Satanas ang puso ni Jesus. Ang paningin ng Tagapagligtas ay hindi makapaglagos sa mga pintuan ng libingan. Hindi Niya ma-asahang Siya ay babangon sa libingan na isang manana-gumpay, ni hindi rin Niya maasahang tatanggapin ng Ama ang Kaniyang sakripisyo. Nangamba Siya na dahil sa ang kasalanan ay lubhang kinapopootan ng Diyos ay baka maging panghabang-panahon na ang kanilang paghihiwalay. Naramdaman ni Kristo ang matinding hirap ng loob na siyang mararamdaman ng makasalanan kung wala nang habag ng Diyos na mamamanhik sa nagkasalang sangkatauhan. Ang pagkadamang ito sa kasalanan, na ikinagalit ng Ama sa Kaniya bilang kahalili Siya ng tao, ang nagpapait sa sarong ininom Niya, at nagwasak sa puso ng Anak ng Diyos. BB 1100.1

May panggigilalas na nasaksihan ng mga anghel ang nakapanlulumong paghihirap ng Tagapagligtas. Tinakpan ng mga anghel sa langit ang kanilang mga mukha upang huwag makita ang kakila-kilabot na tanawin. Nagpahayag ng pakikiramay ang katalagahan sa hinamak at pumapanaw nang Maygawa sa kanila. Nagkubli ang araw upang hindi makita ang nakatatakot na panoorin. Kasalukuyang nagsasabog ito ng matitinding sinag na lumiliwanag sa buong lupa sa katanghaliang-tapat, nang biglang-bigla na lamang itong parang naparam. Ganap na kadilimang tulad ng luksang libing ang lumukob sa krus. “Nagdilim sa ibabaw ng buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam.” Wala namang eklipse o ibang katutubong sanhi upang magdilim nang gayon, na kasindilim ng hating-gabing walang buwan o mga bituin. Iyon ang kahima-himalang patotoo ng Diyos na Kaniyang ibinigay upang mapatibay ang pananampalataya ng mga salin-ng-lahing susunod. BB 1100.2

Sa makapal na kadilimang yaon ay napakubli ang pakikiharap ng Diyos. Ginagawa Niyang kulandong ang kadiliman, at ikinukubli Niya ang Kaniyang kaluwalhatian sa mga mata ng mga tao. Ang Diyos at ang Kaniyang mga banal na anghel ay nasa tabi ng krus. Ang Ama ay kasama ng Kaniyang Anak. Gayunma'y hindi ipinakikita ang Kaniyang pakikiharap. Kung nakalabas lamang sa ulap ang Kaniyang kaluwalhatian, sana'y napuksa ang bawa't taong tumitingin. At sa nakapangingilabot na sandaling yaon ay hindi dapat aliwin si Kristo ng pakikiharap ng Ama. Niyapakan Niya nang nag-iisa ang alilisan ng alak, at isa man sa mga tao ay wala Siyang kasama. BB 1101.1

Sa makapal na kadiliman, ay tinakpan ng Diyos ang huling paghihirap ng Kaniyang Anak. Lahat ng nakakita sa paghihirap ni Kristo ay nagsipaniwalang Siya nga ay Diyos. Ang mukhang yaon, minsang makita ng tao, ay hindi na kailanman malilimutan. Kung paanong inihayag ng mukha ni Cain ang kaniyang pagkakasala bilang isang mamamatay-tao, gayundin naman inihayag ng mukha ni Kristo ang Kaniyang kawalang-kasalanan, kahinahunan, at kagandahang-loob—na siyang larawan ng Diyos. Nguni't hindi pinansin ng mga nagsusumbong sa Kaniya ang tanda ng langit. Sa mahabang oras ng paghihirap ay pinagtinginanan si Kristo ng nangungutyang karamihan. Ngayo'y buong kahabagan Siyang tinakpan o ikinubli ng balabal ng Diyos. Ang katahimikan ng libingan ay waring nahulog sa Kalbaryo. Sinaklot ng di-masambit na pagkatakot ang karamihang nagkakatipon sa palibot ng krus. Naputol sa gitna ng pagsasalita ang panunungayaw at panlalait. Ang mga lalaki, mga babae, at mga bata ay nangapadapa sa ibabaw ng lupa. Matatalim na kidlat ang pamin-san-minsan ay gumuguhit na naglalagos sa ulap, at ipinakikita ang krus at ang nakapakong Manunubos. Ang akala ng lahat ng mga saserdote, mga pinuno, mga eskriba, mga berdugo, at ng magulong karamihan, ay dumating na ang panahon ng paghihiganti sa kanila. Pagkaraan ng isang sandali ay may nagbulong na si Jesus ay bababa na ngayon sa krus. May mga nagtangkang mangapa ng kanilang daang pabalik sa lungsod, na dinadagukan ang kanilang mga dibdib at sumisigaw sa takot. BB 1101.2

Nang ikasiyam na oras ay nahawi ang kadiliman sa mga tao, nguni't nakalukob pa rin ito sa Tagapagligtas. Iyon ay sagisag ng paghihirap at ng pagkalagim na nakapataw nang buong bigat sa krus, at wala rin namang sinumang makapaglalagos sa lalong makapal na kadilimang sumasaklot sa naghihirap na kaluluwa ni Kristo. Ang matatalim na kidlat ay waring ipinupukol sa Kaniya sa Kaniyang pagkakabayubay sa krus. Nang magkagayo'y “sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, na sinasabi, Eloi, Eloi, lama sabachthani?” “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” Nang ang panlabas na dilim ay lumukob sa Tagapagligtas, ay maraming tinig ang nangapabulalas: Ang paghihiganti ng langit ay ipinapataw na sa Kaniya. Ang mga kidlat ng kagalitan ng Diyos ay ipinupukol sa Kaniya, sapagka't inaangkin Niyang Siya'y Anak ng Diyos. Marami sa mga nagsisampalataya sa Kaniya ay nakarinig ng nakapanlulumo Niyang sigaw. Tinakasan sila ng pag-asa. Kung si Jesus ay pinabayaan na ng Diyos, sa ano pa magtitiwala ang mga sumusunod sa Kaniya? Nang mapawi na ang dilim sa siil na diwa ni Kristo, ay naramdaman Niya ang sakit ng Kaniyang katawan, at Kaniyang sinabi, “Nauuhaw Ako.” Nang makita ng isang kawal na Romano ang tuyong mga labi ni Kristo, ay nagdalang-habag ito, at kaya nga kumuha ito ng isang espongha sa tangkay ng hisopo, at nang maitubog ito sa suka, ay ibinigay ito kay Jesus. Nguni't nilibak ng mga saserdote ang Kaniyang paghihirap. Nang takpan ng dilim ang lupa, ay nalipos sila ng pagkatakot; nang mabawasan na ang kanilang takot, ay nagbalik ang kanilang pag-aalaala na baka si Jesus ay makatakas pa. Ang sinabi Niyang, “Eloi, Eloi, lama sabachthani?” ay binigyan nila, “Tinatawag ng Taong ito si Elias.” Ang kahuli-hulihan nilang pagkakataon na lunasan ang Kaniyang mga paghihirap ay kanilang tinanggihan. “Pabayaan ninyo,” wika nila, “tingnan natin kung paririto si Elias upang Siya'y iligtas.” BB 1102.1

Ang walang-dungis na Anak ng Diyos ay nakabayu-bay sa krus, sugatan ang Kaniyang katawan sa taglay na mga latay; yaong mga kamay na madalas Niyang iniunat upang magpala, ay nangakapako sa kahoy na nakapahalang; yaong mga paang walang-pagod sa mga gawain ng pag-ibig, ay nangakapako rin sa kahoy; ang makaharing ulong yaon ay sinugatan ng koronang tinik; ang nanginginig na mga labing yaon ay nahugis sa sigaw ng pamimighati. At ang lahat na Kaniyang binata—ang mga patak ng dugo na umagos mula sa Kaniyang ulo, sa Kaniyang mga kamay, sa Kaniyang mga paa, ang paghihirap na gumimbal sa Kaniyang pagkatao, at ang di-mabigkas na dalamhating pumuno sa Kaniyang kaluluwa sa pagka-kakubli ng mukha ng Kaniyang Ama—ay nagsasalita sa bawa't isang anak ng tao, na nagsasabi, Dahil sa iyo kaya sumang-ayon ang Anak ng Diyos na magtiis ng bigat na ito ng kasalanan; dahil sa iyo ay nilupig Niya ang kaharian ng kamatayan, at binuksan ang mga pintuan ng Paraiso. Siya na nagpatahimik sa nagngangalit na mga alon at lumakad sa mabula't nagtataasang mga daluyong, na nagpanginig sa mga demonyo at nagpatakas sa sakit, na nagpadilat sa mga bulag na mata at bumuhay sa mga patay—ay nag-aalay ng Kaniyang sarili sa krus bilang isang hain, at ito ay dahil sa pag-ibig Niya sa iyo. Siya, na Tagapagdala ng kasalanan, ay nagtiis ng galit ng katarungan ng Diyos, at alang-alang sa iyo ay naging sala na rin. BB 1103.1

Tahimik na minasdan ng mga nanonood ang magiging wakas ng nakasisindak na tagpo. Nagpakita ang araw; nguni't ang krus ay nababalot pa rin ng dilim. Tumingin sa Jerusalem ang mga saserdote at mga pinuno; at narito, makapal na ulap ang lumukob sa ibabaw ng lungsod at sa mga kapatagan ng Judea. Binabawi na ng Araw ng Katwiran at ng Ilaw ng sanlibutan ang Kaniyang mga sinag sa dati'y itinatanging lungsod ng Jerusalem. Ang matatalim na kidlat ng galit ng Diyos ay tumatama sa hinatulang lungsod. BB 1104.1

Di-kaginsa-ginsa'y nahawi ang dilim sa krus, at sa malinaw at tulad-sa-tunog-ng-pakakak, na waring uma-alingawngaw sa buong sangkinapal, ay sumigaw si Jesus, “Naganap na.” “Ama, sa mga kamay Mo ay ipinag-tatagubilin Ko ang Aking espiritu.” Isang liwanag ang pumaligid sa krus, at ang mukha ng Tagapagligtas ay nagliwanag na gaya ng liwanag ng araw. Pagkatapos ay iniyukayok Niya ang Kaniyang ulo, at Siya'y nalagutan ng hininga. BB 1104.2

Sa gitna ng kakila-kilabot na kadiliman, na waring pinabayaan na ng Diyos, ay ininom ni Kristo ang kahuli-hulihang patak sa saro ng kapighatian ng tao. Sa nakapangingilabot na mga oras na yaon ay umasa Siyang Siya ay tinanggap ng Kaniyang Ama batay sa katunayang naibigay na sa Kaniya. Kilala Niya ang likas ng Kaniyang Ama; nauunawaan Niya ang Kaniyang katarungan, ang Kaniyang kaawaan, at ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Sa pananampalataya ay nanalig Siya sa Kaniya na naging laging kagalakan Niyang talimahin. At nang sa pagpapasakop ay ipagkatiwala Niya ang Kaniyang sarili sa Diyos, ay napawi ang nararamdaman Niyang pagkawala ng paglingap ng Kaniyang Ama. Sa pamamagitan ng pananampalataya, si Kristo ay nagtagumpay. BB 1104.3

Di-kailanman noong una nakakita sa lupa ng gayong tanawin. Parang ipinatda sa pagkakatayo ang karamihan, at hindi halos humihingang nakatitig sa Tagapagligtas. Muling lumukob sa lupa ang kadiliman, at isang makagulkol na ugong, na tulad sa malakas na kulog, ang narinig. Nagkaroon ng isang nakagigimbal na lindol. Sama-samang nangabuwal na patung-patong ang mga tao. Di-magkamayaw na kaguluhan at pagkalito ang sumunod na nangyari. Sa nakapaligid na mga bundok, ay nangatibag ang naglalakihang mga bato, at nangahulog na gumugulong sa mga kapatagan. Nangabuksan ang mga libingan, at iniluwang palabas ang mga patay mula sa kani-kanilang mga puntod at tumba. Ang buong sangnilikha ay parang madudurog. Ang nangapipi sa takot na mga saserdote, mga pinuno, mga kawal, mga berdugo, at mga tao, ay nangapahandusay sa lupa. BB 1105.1

Nang ang malakas na sigaw na, “Naganap na,” ay mamulanggos sa mga labi ni Kristo, ay kasalukyang naglilingkod sa templo ang mga saserdote. Oras noon ng paghahandog o paghahain sa hapon. Ang korderong kumakatawan kay Kristo ay dinala na upang patayin. Nararamtan ng mahal at magandang damit, nakatayo na noon ang saserdote na taglay ang nakataas na sundang, gaya ni Abraham nang akma na niyang papatayin ang kaniyang anak. Nangakatinging nasasabik ang mga tao. Nguni't umuga at nayanig ang lupa; sapagka't lumalapit ang Panginoon. Kasabay ng isang matinding ugong na hinapak ng isang di-nakikitang kamay ang panloob na tabing ng templo na nahating buhat sa itaas hanggang sa ibaba at nakita tuloy ng karamihan ang dakong dati'y napupuno ng pakikiharap ng Diyos. Sa dakong ito tumahan ang Shekinah. Dito ipinakita ng Diyos ang Kaniyang kaluwal-hatian sa ibabaw ng luklukan ng awa. Wala kundi ang dakilang saserdote lamang ang laging humahawi sa tabing na naghihiwalay sa silid na ito sa isa pang silid ng templo. Pumapasok siya dito minsan sa santaon upang gumawa ng pagtubos sa mga kasalanan ng mga tao. Nguni't narito, ang tabing na ito ay nahapak na nagkadalawa. Ang kabanal-banalang dako ng santuwaryo sa lupa ay hindi na banal. BB 1105.2

Lahat ay kinilabutan at nagkagulo. Akma nang papatayin ng saserdote ang hayop; nguni't nahulog ang sundang mula sa nanginginig niyang kamay, at nakaalpas ang kordero. Nakatagpo ng anino ang inaaninuhan nang mamatay ang Anak ng Diyos. Nagawa na ang dakilang paghahain. Nabuksan ang daang patungo sa kabanal-banalan. Isang bago at buhay na daan ang inihahanda para sa lahat. Hindi na kailangang maghintay pa ang nagkasala at nalulungkot na sangkatauhan sa pagdating ng dakilang saserdote. Mula ngayon ay maglilingkod na ang Tagapagligtas bilang saserdote at tagapamagitan sa langit ng mga langit. Parang may isang buhay na tinig na nagsalita sa mga sumasamba: Natapos na ngayon ang lahat ng mga paghahain at mga paghahandog para sa kasalanan. Naparito ang Anak ng Diyos ayon sa Kaniyang sinalita, “Narito, Ako'y pumarito (sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa Akin), upang gawin, Oh Diyos, ang Iyong kalooban.” “Sa pamamagitan ng Kaniyang sariling dugo ay pumasok na minsan magpakailanman sa dakong banal, yamang kinamtan ang walanghanggang katubusan para sa atin.” Hebreo 10:7; 9:12. BB 1106.1