Bukal Ng Buhay
Kabanata 77—Sa Bulwagan ng Hukuman ni Pilato
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 27:2, 11-31; Marcos 15:1-20; Lukas 23:1-25; Juan 18:28-40; 19:1-16.
Sa bulwagan ng hukuman ni Pilato, na gobernador Romano, ay nakagapos na nakatayo si Kristo bilang isang bilanggo. Nakapaligid sa Kaniya ang mga kawal na bantay, at mabilis na napupuno ang bulwagan ng mga nanonood. Sa makalabas lamang ng pintuan ay naroon naman ang mga hukom ng Sanedrin, ang mga saserdote, mga pinuno, mga matatanda, at ang magugulong karamihan. BB 1051.1
Pagkatapos mahatulan si Jesus, ay nagtungo ang kapulungan ng Sanedrin kay Pilato upang ang hatol ay mapagtibay at maipatupad nito. Nguni't ang mga pinunong ito ng mga Hudyo ay ayaw magsipasok sa bulwagan ng hukuman ng mga Romano. Ayon sa kanilang kautusang seremonyal ay madudungisan sila, at sa gayo'y hindi sila maaaring makibahagi sa kapistahan ng Paskuwa. Sa kanilang kabulagan ay hindi nila nakitang nadungisan na ng nakamamatay na poot na naghahari sa kanila ang kanilang mga puso. Hindi nila nakitang si Kristo ang tunay na Kordero ng Paskuwa, at yayamang tinang-gihan na nila Siya, ay nawala na sa kanila ang kahulugan ng dakilang kapistahan. BB 1051.2
Nang dalhin ang Tagapagligtas sa bulwagan ng hukuman, tiningnan Siya ni Pilato ng mabalasik na tingin. Ginising na madalian ang gobernador Romano sa kaniyang silid-tulugan, kaya ipinasiya nitong tapusing madali hangga't maaari ang pagtupad ng kaniyang tungkulin. Handa siyang makitungo sa bilanggo na taglay ang kabalasikan ng isang may kapangyarihan. Kaya nga taglay ang pinakamabagsik na anyong tiningnan niya kung anong uri ng tao ang kaniyang sisiyasatin, na naging sanhi ng pag-pukaw sa kaniya sa gayong napakaagang oras ng umaga. Batid niyang ito'y di-sasalang isa sa mga kinamumuhian at ibig maparusahan agad ng mga maykapangyari-hang Hudyo. BB 1051.3
Sinulyapan ni Pilato ang mga taong maydala kay Jesus, at pagkatapos ay humantong ang kaniyang paninging naniniyasat kay Jesus. Nakaharap na niya ang lahat ng uri ng mga kriminal; nguni't wala pa siyang naka-kaharap kailanman nang una na isang taong nagtatag-lay ng mga tanda ng kabutihan at kamaharlikaang nasa kay Jesus. Sa mukha Niya ay wala siyang nakitang anumang tanda ng pagkakasala, ng pagkatakot, ng katapa-ngan o paglaban. Ang namalas niya'y isang taong larawan ng kahinahunan at may marangal na kaanyuan, na sa mukha'y walang mababakas na mga tanda ng isang kriminal, kundi tatak na makalangit. BB 1052.1
Ang anyo ni Kristo ay kinalugdan ni Pilato. Napukaw ang mabuting likas na nasa kaniya. Nabalitaan na niya si Jesus at ang Kaniyang mga gawa. Naibalita na rin sa kaniya ng kaniyang asawa ang mga kahanga-hangang gawang ginawa ng propetang Galileo, na nagpagaling ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay. Ang lahat ng ito ay nabuhay sa isip ni Pilato na gaya ng isang panaginip. Nagunita niya ang mga bali-balita buhat sa kung saan-saan. Ipinasiya niyang hingin sa mga Hudyo na sabihin nila ang kanilang mga paratang laban sa bilanggo. BB 1052.2
“Sino ang Taong ito, at bakit ninyo Siya dinala dito?” tanong niya. “Ano ang inyong ipinaparatang laban sa Kaniya?” Hindi magtugma-tugma ang mga Hudyo. Palibhasa'y batid nilang hindi nila mapatutunayan ang kanilang mga paratang laban kay Kristo, ay hindi nila hangad na ito'y litisin nang hayagan. Nagsisagot sila na Siya ay isang magdaraya na ang pangalan ay Jesus na taga-Nazareth. BB 1052.3
Muling nagtanong si Pilato, “Anong sakdal ang dala ninyo laban sa Taong ito?” Hindi sinagot ng mga saserdote ang kaniyang tanong, kundi ipinakita nila ang kanilang pagkayamot sa pamamagitan ng mga salita, kanilang sinabi, “Kung Siya'y hindi mangagawa ng kasamaan, ay hindi sana namin dinala Siya sa iyo.” Kung ang mga bumubuo ng Sanedrin, na mga pang-unang tao ng bansa, ay nagdadala sa iyo ng isang taong itinuturing nilang karapat-dapat sa kamatayan, kailangan pa bang itanong kung ano ang paratang laban sa kaniya? Ibig nilang ipadama kay Pilato na sila'y mahahalagang mga tao, at sa gayo'y maakay siyang pahinuhod sa kanilang pakiusap na huwag nang daanin iyon sa marami pang mga pagsisiyasat. Sabik silang mapagtibay ang kanilang hatol; sapagka't batid nilang ang mga taong nakakita ng mga kagila-gilalas na gawa ni Kristo ay makapagsasaysay at makapagpapatotoo nang ibang-iba sa mga kinatha lamang nila.' BB 1053.1
Inakala ng mga saserdote na madali nilang maisasagawa ang kanilang mga balak sapagka't si Pilato ay may mahinang kalooban. Una sa rito ay may nilagdaan na si Pilatong kasulatan, na hinahatulan ng kamatayan ang mga taong talos nilang hindi naman karapat-dapat mamatay. Sa paningin niya ay maliit lamang ang halaga ng buhay ng isang bilanggo; ito man ay maysala o wala ay walang tanging pagkakaiba sa kaniya. Inasahan ng mga saserdote na igagawad ngayon ni Pilato ang parusang kamatayan kay Jesus nang hindi na Siya lilitisin pa. Ito ay sinikap nilang hilingin sa panahon ng kanilang malaking kapistahang pambansa. BB 1053.2
Nguni't may nakikita si Pilato sa bilanggo na pumipigil sa kaniya. Hindi niya mapangahasang gawin ang hinihingi nila. Nababasa niya ang mga nilalayon ng mga saserdote. Nagunita niya kung paanong, hindi pa nata-tagalan, ay binuhay ni Jesus si Lazaro, na isang taong apat na araw nang patay; at ipinasiya niyang maalaman, bago niya lagdaan ang hatol na kamatayan, kung anu-ano ang mga paratang laban sa Kaniya, at kung talagang ang mga iyon ay mapatutunayan. BB 1054.1
Kung sapat na ang inyong hatol, sabi niya, bakit pa ninyo dinala sa akin ang bilanggo? “Kunin ninyo Siya, at Siya'y hatulan ayon sa inyong kautusan.” Sa ganitong pagpilit, sinabi ng mga saserdote na nakapaggawad na sila ng hatol sa Kaniya, nguni't kailangang lagdaan din ni Pilato ang hatol nila upang iyon ay magkaroon ng bisa. Ano ang inyong hatol? tanong ni Pilato. Ang hatol na kamatayan, sagot nila; nguni't hindi itinutulot sa amin ng batas na ipapatay namin ang sinumang tao. Hiniling nila kay Pilato na tanggapin niya ang kanilang salita tungkol sa pagkakasala ni Kristo, at ipatupad ang kanilang hatol. Sila na ang mananagot sa anumang ma-aaring ibunga. BB 1054.2
Si Pilato ay hindi isang matwid o tapat na hukom; nguni't bagaman mahina siya sa kapangyarihang moral, ay ayaw naman niyang pagbigyan ang kahilingang ito. Ayaw niyang hatulan si Jesus hangga't hindi sila nakapaghaharap ng isang paratang laban sa Kaniya. BB 1054.3
Napalagay sa alanganin ang mga saserdote. Nakita nilang dapat nilang higpitang mabuti ang kanilang paglilihim upang mapagtakpan ang kanilang pagpapaimbabaw. Hindi nila dapat pahintulutang lumitaw na si Kristo ay hinuli dahil sa mga bagay na ukol sa relihiyon. Kung ito ang palalabasin nilang dahilan, ang mga ginagawa nilang pamamaraan ay mawawalan ng kabuluhan kay Pilato. Dapat nilang palitawing si Jesus ay gumawa laban sa batas ng pamahalaan; sa gayo'y maparurusahan Siyang tulad sa isang nagkasala sa pamahalaan. Noon ay kasalukuyang laging may bumabangong kaguluhan at paghihimagsik laban sa pamahalaang Romano na gawa ng mga Hudyo. Ang mga paghihimagsik na ito ay buong bagsik na pinakikitunguhan ng mga Romano, at sila'y laging handa sa pagsawata o pagsugpo sa lahat ng bagay na maaaring humantong sa himagsikan. BB 1054.4
Ilang araw pa lamang ang nakararaan ay sinikap na ng mga Pariseong siluin si Kristo sa tanong na, “Matwid bagang kami ay bumuwis kay Cesar?” Datapwa't inilantad ni Kristo ang kanilang pagpapaimbabaw. Nakita ng mga Romanong kaharap noon ang lubos na pagkabigo ng mga magkakasabuwat, at ang kanilang pagkapahiya sa isinagot Niyang, “Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar.” Lukas 20:22-25. BB 1055.1
Inisip ngayon ng mga saserdote na palitawing si Kristo ay nakapagturo sa pagkakataong ito ng inasahan nilang ituturo Niya. Dahil sa kanilang kagipitan ay tumawag sila ng mga bulaang saksi upang matulungan sila, “at nangagpasimula silang isumbong Siya, na sinasabi, “Nasumpungan namin ang taong ito na pinasasama ang aming bansa, at ipinagbabawal na bumuwis kay Cesar, at sinasabi na Siya rin nga ang Kristo, ang Hari.” Tatlong mga paralang, na bawa't isa'y walang pinagsasaligan. Batid ito ng mga saserdote, nguni't handa silang gumawa ng pagsisinungaling matamo lamang ang kanilang hinahangad. BB 1055.2
Nakita ni Pilato ang layon nila. Hindi siya naniwalang ang bilanggo ay nagbalak na lumaban sa pamahalaan. Ang Kaniyang maamo at mapagpakumbabang ka-anyuan ay ganap na katuwas ng kanilang ipinaparatang. May palagay si Pilato na balak ng mga Hudyong ipahamak ang walang-salang taong ito na maaring nakahahadlang sa landas ng mga pinunong Hudyo. Binalingan niya si Jesus at tinanong, “Ikaw baga ang Hari ng mga Hudyo?” Sumagot ang Tagapagligtas, “Ikaw ang nagsasabi.” At nang Siya'y magsalita, ay nagliwanag ang Kaniyang mukha na para bagang tumatama roon ang sikat ng araw. BB 1055.3
Nang marinig nila ang Kaniyang sagot, ay tinawag ni Caifas at ng mga kasama nito ang pansin ni Pilato upang masaksihan niya ang pag-amin ni Jesus sa kasalanang ipinaparatang sa Kaniya. Kasabay ng maiingay na pagsisigawan, ay hiningi ng mga saserdote, mga eskriba, at mga pinuno na Siya'y hatulan ng kamatayan. Nakisigaw rin ang magugulong karamihan, at totoong nakabibingi ang sigawan. Hindi malaman ni Pilato ang gagawin. Sapagka't hindi sumasagot si Jesus sa mga nagpaparatang sa Kaniya, ay sinabi sa Kaniya ni Pilato, “Hindi Ka sumasagot ng anuman? tingnan Mo kung ga-ano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa Iyo. Datapwa't si Jesus ay hindi pa rin sumagot ng anuman.” BB 1056.1
Sa pagkakatayo ni Kristo sa likod ni Pilato, na nata-tanaw ng lahat na nasa hukuman, ay narinig Niya ang mga pag-upasala; gayunman ay hindi Siya sumagot ng isa mang salita sa lahat ng mga maling paratang sa Kaniya. Ang buo Niyang anyo ay nagpatunay na Siya'y walang-sala. Sa Kaniyang pagkakatayo ay hindi Siya nakilos ng mabangis na bugso ng damdaming sumisigalbo sa palibot Niya. Iyon ay para bagang matitinding daluyong ng galit, na pataas nang pataas, na tulad sa mga alon ng maunos na dagat, na humahampas sa palibot Niya, nguni't hindi naman Siya maabot. Nanatili Siya sa tahimik na pagkakatayo, nguni't ang Kaniyang pananahimik ay maliwanag ang ibig sabihin. Iyon ay gaya ng isang ilawang nagliliwanag mula sa kalooban ng tao at tumatagos hanggang sa labas. BB 1056.2
Nagtaka si Pilato sa Kaniyang anyo. Hindi kaya pinapansin ng Taong ito ang ginagawang paglilitis dahil sa wala Siyang hangaring iligtas ang Kaniyang buhay? tanong niya sa sarili. Nang tingnan niya si Jesus, na nag-babata ng paghamak at paglibak nang hindi man gumaganti, ay nadama niyang si Jesus ay hindi maaaring maging gaya ng maiingay na saserdote na liko at di-maka-tarungan. Sa pag-asang matatamo niya sa Kaniya ang katotohanan at upang maiwasan ang pagkakagulo at pagsisigawan ng karamihan, ay kinabig ni Pilato si Jesus sa tabi niya, at muling nagtanong, “Ikaw baga ang Hari ng mga Hudyo?” BB 1057.1
Hindi tuwirang sinagot ni Jesus ang tanong na ito. Batid Niyang nakikipagpunyagi ang Banal na Espiritu sa puso ni Pilato, at binigyan Niya siya ng pagkakataong aminin ang kaniyang paniniwala. “Sinasabi mo baga ito sa iyong sarili,” tanong Niya, “o sinabi sa iyo ng mga iba tungkol sa Akin?” Alalaong baga'y iyan ba ang paratang ng mga saserdote, o iyan ay isang paghahangad na makatanggap ng liwanag mula kay Kristo, kaya nagtanong si Pilato? Naunawaan ni Pilato ang ibig sabihin ni Kristo; nguni't gumiit ang kataasan sa kaniyang puso. Hindi niya maamin ang paniniwalang umuukilkil sa kaniya. “Ako baga'y Hudyo?” wika niya. “Ang Iyong sariling bansa at ang mga pangulong saserdote ang sa Iyo'y nagdala sa akin; anong Iyong ginawa?” BB 1057.2
Nakalampas ang ginintuang pagkakataon kay Pilato. Gayon pa ma'y hindi pa rin siya pinabayaan ni Jesus na walang natatamong higit na liwanag. Bagama't hindi Niya tuwirang sinagot ang tanong ni Pilato, malinaw naman Niyang ipinahayag ang Kaniyang misyon. Ipinaunawa Niya kay Pilato na hindi Siya naghahanap ng isang luklukang-hari sa lupa. BB 1057.3
“Ang kaharian Ko ay hindi sa sanlibutang ito,” wika Niya; “kung ang kaharian Ko ay sa sanlibutang ito, ang Aking mga alipin nga ay makikipagbaka, upang Ako'y huwag maibigay sa mga Hudyo: nguni't ngayo'y ang Aking kaharian ay hindi rito. Sinabi nga sa Kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga'y Hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing Ako'y Hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, at dahil dito Ako naparito sa sanlibutan, upang bigyang patotoo ang katotohanan. Ang bawa't isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng Aking tinig.” BB 1058.1
Pinatibayan ni Jesus na ang Kaniyang salita ay isang susing magbubukas ng hiwaga sa mga laang tumanggap nito. May sariling angking kapangyarihan ito, at ito ang lihim ng paglaganap ng Kaniyang kaharian ng katotohanan. Hangad Niyang maunawaan ni Pilato na sa pamamagitan lamang ng pagtanggap at pagsasakabuhayan ng katotohanan masasauli ang nagibang likas niya. BB 1058.2
Ninais ni Pilatong makilala ang katotohanan. Nagulo ang kaniyang isip. Nahagip niya ang mga salita ng Tagapagligtas, at gayon na lamang kalaki ang paghaha-ngad ng kaniyang puso na maalaman kung ano nga iyon, at kung paano niya matatamo. “Ano ang katotohanan?” tanong Niya. Nguni't hindi na siya naghintay ng kasagutan. Ang pagkakagulo ng mga tao sa labas ay nagpadama sa kaniya ng kaselanan ng sandali; sapagka't isinisigaw na ng mga saserdote na ilagda na niya agad ang hatol. Nilabas niya ang Hudyo, at malinaw niyang ipinahayag, “Wala akong masumpungang anumang kasalanan sa Kaniya.” BB 1058.3
Ang mga salitang itong binitiwan ng isang hukom na walang pagkakilala sa Diyos ay umiiwang suwat sa kataksilan at kasinungalingan ng mga pinuno ng Israel na nagpaparatang sa Tagapagligtas. Nang marinig ito kay Pilato ng mga saserdote at mga matatanda, ay gayon na lamang ang kanilang pagkabigo at pagkagalit. Malaon na nilang binalak at hinintay ang ganitong pagkakataon. At sapagka't para na nilang nakikitang mapawawalan si Jesus, ay waring handa na silang Siya ay pagluray-lurayin. Pasigaw nilang tinuligsa si Pilato, at pinagbantaang isusumbong sa pamahalaang Romano. Pinaratangan nila siyang ayaw humatol kay Jesus, na Ito, pinatitibayan nila, ay lumalaban kay Cesar. BB 1058.4
Mga galit na tinig ang ngayo'y napakinggan, na nagpapahayag na ang impluwensiya ng pagbabangon ni Jesus ng himagsikan ay alam na alam sa buong lupain. Sinabi ng mga saserdote, “Ginugulo Niya ang bayan, na nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito.” BB 1059.1
Nang panahong ito ay wala sa isip ni Pilato na hatulan si Jesus. Batid niyang pinaratangan si Jesus ng mga Hudyo dahil sa poot at pananaghili. Batid niya ang kaniyang tungkulin. Hinihingi ng katarungan na si Kristo ay dapat pawalan karaka-raka. Nguni't kinatatakutan ni Pilato ang masamang kalooban ng mga tao. Kung hindi niya ibibigay si Jesus sa kanilang mga kamay, ay walang pagsalang lilikha ng gulo ang mga tao, at ito ay kinaka-takutan niyang harapin. Nang marinig niyang si Kristo ay buhat sa Galilea, ipinasiya niyang ipadala Siya kay Herodes, na pinuno ng lalawigang iyon, na noon ay nasa Jerusalem. Sa ganitong hakbangin, ay inakala ni Pilatong maililipat niya kay Herodes ang tungkulin ng paglilitis. Inisip din niyang ito'y isang mabuting pagkakataon upang papaghilumin ang matanda nang pagkakagalit nila ni Herodes. At gayon nga ang nangyari. Ang dalawang mahistrado ay naging magkaibigan uli dahil sa paglilitis sa Tagapagligtas. BB 1059.2
Muling ibinigay ni Pilato si Jesus sa mga kawal, at sa gitna ng mga paglibak at mga paghamak ng magugulong karamihan ay madalian Siyang dinala sa bulwagan ng hukmnan ni Herodes. “Nang makita nga ni Herodes si Jesus, ay nagalak siyang lubha.” Hindi pa niya nakakaharap nang una ang Tagapagligtas, nguni't “malaon nang hinahangad niya na makita Siya, sapagka't siya'y nakabalita ng maraming bagay tungkol sa Kaniya; at siya'y naghihintay na makakita ng ilang himalang gawa Niya.” Ang Herodes na ito ay yaong ang mga kamay ay nadungisan ng dugo ni Juan Bautista. Nang unang mabalitaan ni Herodes si Jesus, siya'y sinidlan ng takot, at nagsabi, “Ito ay si Juan, na aking pinugutan ng ulo: siya'y nagbangon sa mga patay;” “kaya nga makapangyarihang mga gawa ang nakikita sa Kaniya.” Marcos 6:16; Mateo 14:2. Gayunma'y hinangad pa rin ni Herodes na makita si Jesus. Ngayo'y may pagkakataon nang mailigtas ang buhay ng propetang ito, at inasahan ng hari na mapapawi na magpakailanman sa kaniyang isip ang alaala ng duguang ulo na dinala sa kaniya sa isang bandehado. Hangad din niyang siya'y masiyahan, at inisip niyang kung si Kristo'y bibigyan ng pag-asang pawalan, ay gagawin niya ang lahat ng bagay na hihilingin sa kaniya. BB 1059.3
Isang malaking pulutong ng mga saserdote at mga matatanda ang naghatid kay Kristo kay Herodes. At nang maiharap na ang Tagapagligtas, ang may matataas na tungkuling ito, na pawang pahangos na nagsisipagsalita, ay naggiit ng kanilang mga paratang laban sa Kaniya. Nguni't hindi gaanong pinansin ni Herodes ang kanilang mga paratang. Ipinag-utos niyang manahimik ang lahat, sa pagnanais na magkaroon siya ng pagkakataong matanong si Kristo. Iniutos niyang kalagin ang gapOs ni Kristo, at kaalinsabay nito'y pinagwikaan niya ang mga kaaway ni Jesus sa marahas na pakikitungong ginawa nila sa Kaniya. Sa pagtingin niyang may kahabagan sa payapang mukha ng Manunubos ng sanlibutan, ay karunungan at kalinisan lamang ang nabasa niya rito. Siya at si Pilato ay kapwa naniniwalang si Kristo ay isinakdal dahil sa galit at pangingimbulo. BB 1060.1
Tinanong ni Herodes si Kristo nang marami, nguni't nanatiling hindi umiimik ang Tagapagligtas. Sa utos ng hari, ay dinala roon ang mga pilay at mga lumpo, at si Kristo'y inatasang patunayan ang Kaniyang mga inaangkin sa pamamagitan ng paggawa ng himala. Sinasabi ng mga taong Ikaw ay nakapagpapagaling ng mga maysakit, sabi ni Herodes. Kinasasabikan kong makita na hindi kasinungalingan ang Iyong lumalaganap na kabantugan. Hindi sumagot si Jesus, at nagpatuloy pa rin si Herodes sa pag-aatas: Kung Ikaw ay nakagagawa ng mga himala sa mga iba, ay gawin Mo ngayon para sa ikabubuti Mo, at ito'y pakikinabangan Mo. Muli pa siyang nag-utos, Magpakita Ka sa amin ng isang tanda na Ikaw nga ay may kapangyarihang gaya ng aming nababalitaan. Nguni't si Kristo ay tulad sa isang hindi nakakarinig at hindi nakakakita. Ibinihis ng Anak ng Diyos sa Kaniyang sarili ang likas o katutubo ng tao. Dapat Niyang gawin ang gagawin ng tao sa ganito ring mga pangyayari. Kaya nga hindi Siya gumawa ng himala upang iligtas ang Kaniyang sarili sa hirap at kadustaang dapat maranasan at pagtiisan ng tao kung napapalagay sa ganito ring kalagayan. BB 1061.1
Ipinangako ni Herodes na kung si Kristo ay gagawa ng himala sa harap niya, ay palalayain Siya. Nasaksihan ng sariling mga mata ng mga nagsasakdal kay Kristo ang mga kababalaghang gawa na ginawa ng Kaniyang kapangyarihan. Narinig nilang nag-utos Siya sa libingan na ilabas nito ang patay na nasa kaniya. Nakita nila ang patay na lumabas sa libingan bilang pagtalima sa Kaniyang tinig. Sinidlan sila ng takot na baka ngayon ay gumawa Siya ng isang himala. Sa lahat ng mga bagay na kanilang kinatatakutan nang labis ay ang pagpapakita Niya ng Kaniyang kapangyarihan. Ang gayong pagpapakita ng Kaniyang kapangyarihan ay magsisilbing dagok na papatay sa kanilang mga panukala, at maaari pang ikapahamak ng kanilang mga buhay. Muli na na- mang iginiit ng mga saserdote at mga pinuno ang kanilang mga paratang laban sa Kaniya. Pasigaw nilang sinabi, Siya ay isang taksil, isang mamumusong. Siya ay gumagawa ng mga himala sa pamamagitan ng kapang-yarihang bigay sa Kaniya ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Gayon na lamang ang pagkakagulo sa bulwagan, ang ilan ay sumisigaw ng isang bagay at ang iba ay iba naman. BB 1061.2
Hindi na ngayon nangingilabot si Herodes na digaya noong hingin ni Herodias ang ulo ni Juan Bautista. May isang panahong nadama niya ang matinding ulos ng pagdadalang-sisi dahil sa kaniyang nakapangingilabot na ginawa; nguni't ang kaniyang mga pang-unawang moral ay naging lalo at lalo nang hamak dahil sa kaniyang mahalay na pamumuhay. Ngayo'y tumigas nang lubha ang kaniyang puso na anupa't naipagyayabang pa niya ang parusang iginawad niya kay Juan dahil sa pangangahas nitong siya'y sansalain. At ngayo'y binantaan niya si Jesus, na paulit-ulit na sinasabing siya'y may kapang-yarihang magpalaya o humatol sa Kaniya. Gayunma'y nanatili pa ring hindi umiimik si Jesus na parang walang anuman Siyang narinig. BB 1062.1
Nayamot si Herodes sa ganitong di-pag-imik ni Jesus. Parang nagpapahiwatig ito nang lubos na pagwawa-lang-bahala sa kaniyang kapangyarihan. Sa mayabang at magilas na hari, ang hayagang pagsuwat ay hindi pa ga-anong masama kaysa di-pagpansin. Kaya pagalit niyang binantaang muli si Jesus, na namalagi pa ring di-kumikilos at di-umiimik. BB 1062.2
Ang misyon ni Kristo sa sanlibutang ito ay hindi upang bigyang-kasiyahan ang walang-kabuluhang pag-uusyuso ng mga tao. Siya'y naparito upang pagalingin ang mga may bagbag na puso. Kung Siya'y nakapagsasa-lita ng anuman upang pagalingin ang mga sugat ng mga maysakit na kaluluwa, hindi sana Siya namalaging di-umiimik. Nguni't wala Siyang masasalitang anuman para sa mga nagsisiyurak sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang tampalasang mga paa. BB 1062.3
Maaari sanang magsalita si Kristo kay Herodes ng mga salitang manunuot sa mga pandinig ng haring may matigas na puso. Maaaring ito'y Kaniyang sindakin at panginigin sa pamamagitan ng paglalahad sa harap nito ng ganap na kalikuan ng buhay nito, at ng kakila-kilabot na parusang darating dito. Datapwa't ang di-pag-imik ni Kristo ay siyang pinakamatinding pagsuwat na Kaniyang maibibigay. Tinanggihan ni Herodes ang katotohanang sinalita ng pinakadakila sa mga propeta, at wala nang iba pang pabalitang tatanggapin ito. Wala nang masasabi pa rito ang Hari ng langit. Ang taingang yaong laging nakabukas sa daing ng mga tao, ay paking sa mga utos ni Herodes. Ang mga matang yaon na laging nakatuong nahahabag na taglay ang nagpapatawad na pag-ibig sa makasalanang nagsisisi, ay wala nang maiukol na sulyap kay Herodes. Ang mga labing yaon na bumigkas ng lalong nakapagkikintal na katotohanan, na sa pinakamagiliw na pakikiusap ay namanhik sa lalong makasalanan at lalong hamak, ay nakatikom na sa palalong hari na hindi nakaramdam ng pangangailangan ng isang Tagapagligtas. BB 1063.1
Nagdilim ang mukha ni Herodes sa matinding galit. Pagbaling niya sa karamihan, ay pagalit niyang isinigaw na si Jesus ay isang impostor. Pagkatapos ay sinabi niya kay Kristo, Kung Ikaw ay hindi magbibigay ng katunayan ng Iyong inaangkin, ay ibibigay kita sa mga kawal at sa mga tao. Maaaring sila'y magtagumpay na mapapagsalita Ka. Kung Ikaw ay isang impostor, kamatayan lamang sa kanilang mga kamay ang bagay sa Iyo; kung Ikaw ay Anak ng Diyos, ay iligtas Mo ang Iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng isang himala. BB 1063.2
Kabibigkas pa lamang ng mga salitang ito ay kagyat nang dinaluhong ng mga tao si Kristo. Tulad sa mababangis na hayop, dinumog ng magugulong karamihan ang kanilang huli. Kinaladkad si Jesus nang paparito at paparoon, at si Herodes naman ay nakisama sa karamihan upang palibhasain ang Anak ng Diyos. Kung hindi nakapamagitan ang mga kawal na Romano, at naipagtulakang paurong ang galit-na-galit na karamihan, sana'y nagka-luray-luray ang Tagapagligtas. BB 1063.3
“Si Herodes na kasama ang kaniyang mga kawal ay inalimura Siya, at Siya'y nilibak, at sinuutan Siya ng maringal na damit.” Nakisama na rin sa ganitong pagma-malabis ang mga kawal na Romano. Lahat ng paglibak at pagpapahirap na magagawa ng mga tampalasan at masa-samang kawal na ito, sa tulong ni Herodes at ng matataas na tao ng mga Hudyo, ay ginawa nila sa Tagapagligtas. Gayunma'y hindi nagkulang ang Kaniyang maka-Diyos na pagtitiis. BB 1064.1
Sinikap ng mga umuusig kay Kristo na sukatin ang Kaniyang likas sa pamamagitan ng likas nila; inilarawan nila Siya na kasing-imbi rin nila. Nguni't sa likod ng kasalukuyang nakikita ay isa pang tanawin ang kusang lumitaw—isang tanawing balang araw ay makikita nila sa buong kaluwalhatian nito. May ibang naroon na nanginig sa harap ni Kristo. Samantalang ang mararahas na karamihan ay buong pangungutyang lumuhod sa harap Niya, ang ibang nagsilapit upang gumawa rin nang gayon ay nagsitalikod, na nangatakot at nangatahimik. Nasumbatan si Herodes. Ang huling sinag ng mahabaging liwanag ay tumatanglaw sa kaniyang pusong pinatigas ng kasalanan. Nadama niyang ito'y hindi pangkaraniwang tao; sapagka't ang liwanag ng pagka-Diyos ay kumislap sa katawang-tao ni Kirsto. Nang sandali ring iyon na si Kristo'y napaliligiran ng mga manlilibak, mga manganga-lunya, at mga mamamatay-tao, ay naramdaman ni Herodes na ang kaniyang nakikita at pinagmamasdan ay isang Diyos na nakaupo sa Kaniyang trono. BB 1064.2
Pusakal mang masama si Herodes, ay hindi rin niya pinangahasang pagtibayin ang hatol kay Kristo. Nais niyang maibsan siya ng kakila-kilabot na kapanagutan, at kaya nga kaniyang ipinabalik si Jesus sa bulwagan ng hukumang Romano. BB 1065.1
Nabigo si Pilato at labis na nayamot. Nang bumalik ang mga Hudyo na dala ang kanilang bilanggo, may pagkainip na itinanong niya kung ano ang ibig nilang gawin niya. Ipinaalaala niya sa kanila na nasiyasat na niya si Jesus, at wala naman siyang nasumpungang pagkakasala Niya; sinabi pa niyang nagharap sila ng mga sumbong laban sa Kaniya, nguni't isa man sa mga ito ay hindi nila napatunayan. Ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na tetrarka ng Galilea, at isang kababayan nila, nguni't siya man ay walang anumang nasumpungan sa Kaniya na karapat-dapat sa kamatayan. “Siya nga'y aking parurusahan,” wika ni Pilato, “at Siya'y pawawalan.” BB 1065.2
Dito ipinakilala ni Pilato ang kaniyang kahinaan. Sinabi niyang si Jesus ay walang-kasalanan, nguni't handa pa rin siyang ipahampas Siya upang mapatahimik ang mga nagpaparatang sa Kaniya. Ipatatalo niya ang katarungan at simulain upang makipagkasundo sa magugulong karamihan. Ito ang naglagay sa kaniya sa tagibang na kalagayan. Nahalata ng mg tao ang kaniyang kahina-an, at lalong hiningi nila ang buhay ng bilanggo. Kung sa pasimula pa lamang ay nanindigan na nang buong tibay si Pilato, at tumangging hatulan ang isang taong nasumpungan niyang walang-kasalanan, sana'y nalagot niya ang nakamamatay na tanikalang gagapos sa kaniya sa buong buhay niyang nagdadalang-sisi. Kung isinagawa lamang niya ang pinaniniwalaan niyang matwid, sana'y hindi nangahas ang mga Hudyo na diktahan siya. Maaaring naipapatay si Kristo, nguni't hindi ana nagpasan si Pilato ng kasalanan. Nguni't gumawa si Pilato ng mga hakbang na labag sa kaniyang budhi. Iniwasan niyang humatol nang may katarungan at karampatan, at ngayon ay nasumpungan niya ang kaniyang sarili na halos walang-magawa sa mga kamay ng mga saserdote at mga pinuno. Ang kaniyang pag-uulik-ulik at pag-aalanganin sa pagbibigay ng pasiya ay naging kapahamakan niya. BB 1065.3
Hanggang sa sandaling ito ay hindi pa rin pinabayaan si Pilato na humatol nang parang bulag. Isang pasabing buhat sa Diyos ang nagbabala sa kaniya na huwag gawin ang bagay na malapit na niyang gawin. Bilang tugon sa panalangin ni Kristo, dinalaw ng isang anghel na mula sa langit ang asawa ni Pilato, at sa isang panaginip ay nakita nito ang Tagapagligtas at ito'y nakipag-usap sa Kaniya. Ang asawa ni Pilato ay hindi isang Hudyo, nguni't nang sa panaginip nito ay tingnan nito si Jesus, hindi nito pinag-alinlanganan ang Kaniyang likas o misyon. Nakilala nitong Siya ang Prinsipe ng Diyos. Nakita nitong nililitis Siya sa bulwagan ng hukuman. Nakita nitong nagagapos nang mahigpit ang Kaniyang mga kamay na tulad sa isang kriminal. Nakita nito si Herodes at ang mga kawal nito na nagsisigawa ng kanilang kakila-kilabot na gawa. Narinig nito ang mga saserdote at mga pinuno, na lipos ng inggit at galit, na nagpaparatang. Narinig nito ang mga salitang, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat Siyang mamatay.” Nakita nitong ibinigay ni Pilato si Jesus upang hampasin, pagkatapos masabi nito na, “Ako'y walang nasumpungang kasalanan sa Kaniya.” Narinig nito ang hatol na iginawad ni Pilato, at nakita siyang ibinigay si Kristo sa mga magsisipatay sa Kaniya. Nakita nitong itinindig ang krus sa Kalbaryo. Nakita nitong nilukuban ng kadiliman ang lupa, at napakinggan ang mahiwagang sigaw na, “Naganap na.” Isa pa ring tanawin ang natuunan ng tanaw nito. Nakita nitong si Kristo'y nakaupo sa malaki at puting alapaap, samantalang ang lupa'y gumugulong sa kalawakan, at ang mga papatay sa Kaniya ay nagsisitakas sa harap ng Kaniyang kaluhwalhatian. Kasabay ang isang natatakot na sigaw ang asawang ito ni Pilato ay nagising, at ito'y karaka-rakang sumulat kay Pilato ng mga salitang nagbababala. BB 1066.1
Samantalang nag-iisip si Pilato tungkol sa kung ano ang nararapat niyang gawin, isang utusan ang gumitgit sa karamihan, at iniabot sa Kaniya ang sulat buhat sa kaniyang asawa, na ganito ang isinasaad: BB 1067.1
“Huwag kang makialam sa matwid na Taong iyan: sapagka't ngayong araw na ito'y naghirap ako ng maraming bagay sa panaginip dahil sa Kaniya.” BB 1067.2
Biglang namutla si Pilato. Naguguluhan siya sa pagtatalo ng kaniyang loob. Datapwa't samantalang nagluluwat siya sa paglalagda ng hatol, patuloy namang pina-pag-alab ng mga saserdote at mga pinuno ang kalooban ng mga tao. Napilitang kumilos si Pilato. Naisip niya ngayon ang isang kaugalian na makatutulong upang mapalaya si Kristo. Naging kaugalian na sa ganitong kapistahan na magpalaya ng isang bilanggo na pipiliin ng mga tao. Ang kaugaliang ito ay buhat sa mga pagano; wala itong kamunti mang bahid ng katarungan, gayunma'y lubha itong pinahahalagahan ng mga Hudyo. Nang panahong ito ang mga pinunong Romano ay may pinipigil na isang bilanggo na nangangalang Barabas, na may hatol na kamatayan. Ang taong ito ay nag-aangking siya'y Mesiyas. Inangkin nito na siya ay may dalang kapangyarihang mag-ayos ng lahat ng mga bagay, upang mailagay sa matwid ang sanlibutan. Sa ilalim ng pandaraya ni Satanas ay inangkin nito na anuman ang mapasakaniya sa pamamagitan ng pagnanakaw at panloloob ay kaniya iyon. Sa tulong ng mga kinakasangkapan ni Satanas ay nakagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, nagkaroon siya ng mga kapanalig, at nag-udyok ng paghihimag- sik laban sa pamahalaang Romano. Siya ay isang matigas at pusakal na kriminal, na may layong maghimagsik at magmalupit, nguni't nagtatago sa loob ng pagkukunwaring masigla at masigasig sa gawaing panrelihiyon. Inisip ni Pilato, na kung pamimiliin niya ang mga tao sa hamak na kriminal na ito at sa walang-salang Tagapagligtas, ay magigising niya ang kanilang damdamin upang humatol nang ayon sa katarungan. Inasahan niyang papanigan siya ng mga tao laban sa mga saserdote at mga pinuno sa pagpapalaya kay Jesus. Kaya nga, hinarap niya ang karamihan, at buong kasiglahang nagwika, “Sino ang ibig ninyong sa inyo'y aking pawalan? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Kristo?” BB 1067.3
Tulad sa atungal ng mababangis na hayop ay dumating ang sagot ng magugulong karamihan. “Pawalan mo sa amin si Barabas!” Palakas nang palakas ang sigaw, Si Barabas! si Barabas! Sa pag-aakala ni Pilatong hindi naunawaan ng mga tao ang kaniyang tanong, ay pamuli siyang nagtanong, “Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Hudyo?” Nguni't muli silang nagsigawan, “Alisin mo ang Taong ito, at pawalan mo sa amin si Barabas”! “Ano ang aking gagawin kay Jesus na tinatawag na Kristo?” tanong ni Pilato. Muling nagsigawang gaya ng mga demonyo ang humuhugos na karamihan. Mga demonyo na nga sila sa gitna ng karamihan, na nasa anyong tao, at ano pa ang maaasahang isagot nila kundi, “Ipako Siya sa krus”? BB 1069.1
Nabagabag si Pilato. Hindi niya inakalang mangya-yari ang gayon. Nahintakutan siyang ibigay ang isang taong walang-sala sa pinakahamak at pinakamalupit na kamatayan. Nang humupa na ang sigawan, ay sinabi niya sa mga tao, “Bakit, anong kasamaan ang Kaniyang ginawa?” Nguni't tapos na ang pag-uusap. Hindi ang katunayan ng pagkawalang-sala ni Kristo ang ibig nila, kundi ang Siya ay hatulan at parusahan. Gayunman ay sinikap pa rin ni Pilatong Siya ay mailigtas. “Kaniyang sinabi sa kanila na bilang ikatlo, Bakit, anong masama ang Kaniyang ginawa? Wala akong nasumpungang anumang kadahilanang ipatay sa Kaniya: parurusahan ko nga Siya, at Siya'y pawawalan.” Nguni't nang marinig nilang binanggit ang tungkol sa pagpapawala sa Kaniya ay nagsampung ibayo ang pagkagalit at pagsisigawan nila. “Ipako Siya sa krus, ipako Siya sa krus!” sigaw nila. Palakas nang palakas na nag-inugong ang sigawan ng mga tao na anupa't natinag ang ai-pag-papasiya ni Pilato. BB 1069.2
Si Jesus na nanlalambot sa pagod at tadtad ng mga sugat ay sinunggaban, at hinampas sa harap ng karamihan. “At dinala Siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong. At Siya'y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapag-kama-kama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa Kaniya, at nagpasimula silang Siya'y batiin, Aba, Hari ng mga Hudyo! At ... Siya'y niluraan, at pagkaluhod nila, Siya'y sinamba.” Paminsan-minsan ay may umaagaw sa tambong hawak Niya sa kamay at hinahampas ang putong na tinik na nasa Kaniyang ulo, na dahil dito'y bumabaon ang mga tinik sa Kaniyang mga pilipisan, at tumutulo ang dugo sa Kaniyang mukha at balbas. BB 1070.1
Manggilalas ka, Oh mga langit! at magtaka ka, Oh lupa! Masdan mo ang nagpaparusa at ang pinarurusahan. Isang hibang na pulutong ang nakapaligid sa Tagapag-ligtas ng sanlibutan. Panlilibak at pangungutya ang kalakip ng magagaspang na tungayaw ng pamumusong. Ang Kaniyang abang pagkatao at maralitang kabuhayan ay hinamak ng mga walang-pusong karamihan. Ang pagaangkin Niyang Siya ang Anak ng Diyos ay tinuya, at nagpasalin-salin sa mga labi ng mga tao ang lantarang panunudyo at pamamalibhasa. BB 1070.2
Pinamunuan ni Satanas ang malupit na karamihan sa pagmamalabis sa Tagapagligtas. Ang layon niya ay pagalitin Siya upang gumanti kung maaari, o kaya'y mapilit Siyang gumawa ng himala na pakawalan ang Kaniyang sarili, at sa gayo'y masira ang panukala ng pagliligtas. Isang dungis sa Kaniyang kabuhayan sa pagigingtao, isang pagkukulang ng Kaniyang katawang-tao na magtiis ng kakila-kilabot na pagsubok, at ang Kordero ng Diyos ay magiging isa nang di-sakdal na handog o hain, at ang pagtubos sa tao ay mabibigo na. Datapwa't Siya na sa isang utos ay makapagpapababa ng hukbo ng kalangitan upang tulungan Siya—Siya na makapagpapalayas sa malulupit na karamihang yaon dahil sa sindak sa pamamagitan ng pagpapakislap Niya sa ningning ng kaluwalhatian ng Kaniyang pagka-Diyos—ay nagpailalim sa pinakamagaspang na paghamak at karahasan na taglay ang sakdal na kahinahunan. BB 1070.3
Hiningi ng mga kaaway ni Kristo na Siya'y gumawa ng isang himala bilang katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos. Lalo pa manding mahigit ang katibayang ibinigay sa kanila. Kung paanong dahil sa kalupitan ng mga nagpaparusa ay naging katulad na sila ni Satanas, gayundin namang dahil sa Kaniyang kaamuan at pagtitiis ay naibunyi nito si Jesus nang higit sa mga tao, at pinatunayan ang Kaniyang pagiging Anak ng Diyos. Ang Kaniyang pagpapakababa ay siyang pangako ng Kaniyang pagkakataas. Ang mga patak ng dugo ng paghihirap na dumaloy sa Kaniyang mukha at balbas mula sa nasugatan Niyang mga pilipisan ay pangako ng pagpapahid sa Kaniya ng “langis ng kasayahan” (Hebreo 1:9) bilang ating lubhang Dakilang Saserdote. BB 1071.1
Lubhang nagalit si Satanas nang makita niyang ang lahat ng pagmamalabis na ginawa sa Tagapagligtas ay hindi nakapilit sa Kaniya upang Siya'y pamutawian sa mga labi ng kahit bahagya mang pagtutol o pagdaing. Bagama't kinuha Niya ang likas ng tao, Siya naman ay inalalayan ng maka-Diyos na katibayan, at hindi Siya humiwalay kamunti man sa kalooban ng Kaniyang Ama. BB 1071.2
Nang ibigay ni Pilato si Jesus upang hampasin at libakin, ang akala niya'y iyon ang makapupukaw upang mahabag ang karamihan. Ang pag-asa niya'y iisipin nilang sapat nang parusa iyon. Maging ang galit at inggit ng mga saserdote ay inakala niyang magbabawa na ngayon. Nguni't nakita ng mga Hudyo sa matalas nilang pag-iisip ang kahinaan ng gayong pagpaparusa sa isang taong sinasabing walang-kasalanan. Batid nilang pinagsisikapan ni Pilatong iligtas ang buhay ng bilanggo, at kaya naman mahigpit nilang ipinasiya na huwag pawalan si Jesus. Upang tayo'y mapaluguran at mabigyangkasiyahan, ay ipinahampas Siya ni Pilato, nawika nila, at kung pipilitin pa natin siya, ay walang pagsalang matatamo natin ang ating ninanais. BB 1072.1
Ngayon ay ipinatawag ni Pilato si Barabas upang dalhin sa hukuman. Pagkatapos ay iniharap niya ang dalawang bilanggo nang magkatabi, at pagkaturo sa Tagapagligtas ay nagsalita siya sa tinig na lubhang nama-manhik, “Narito ang Tao!” “Siya'y inilabas ko sa inyo, upang inyong matalastas na wala akong masumpungang anumang kasalanan sa Kaniya.” BB 1072.2
Nakatindig doon ang Anak ng Diyos, na suot ang damit ng panlilibak at ang putong ng mga tinik. Hubad hanggang baywang, sa Kaniyang likod ay makikita ang mahahaba at malulupit na latay, na binubukalan ng saganang dugo. Ang Kaniyang mukha ay nakukulapulan ng dugo, at may mga bakas ng pagkahapo at paghihirap: nguni't ito'y hindi kailanman naging higit na maganda kundi ngayon. Ang mukha ng Tagapagligtas ay hindi dungisan sa harap ng Kaniyang mga kaaway. Bawa't guhit ay nagpapahayag ng kaamuan at pagpapaubaya at ng pinakamagiliw na pagkahabag sa malulupit Niyang mga kaaway. Wala sa Kaniyang anyo ang duwag na kahinaan, kundi manapa'y ang lakas at dangal ng pagpapahinuhod. Kaibang-kaiba naman ang bilanggong nasa tabi Niya. Bawa't guhit ng mukha ni Barabas ay nagpapahayag na siya ay isang pusakal na masamang-tao. Kitang-kita ng bawa't tumitingin ang pagkakaiba ng dalawa. Ang ilan sa mga nanonood ay nagsisitangis. Nang makita nila si Jesus ay napuno ng pakikiramay ang kanilang mga puso. Pati mga saserdote at mga pinuno ay nagsipaniwala na rin na Siya na nga ang gaya ng sinasabi Niyang Siya. BB 1072.3
Ang mga kawal na Romanong nakapaligid kay Kristo ay hindi naman pawang matitigas ang loob; ang ilan ay masusing nakatingin sa Kaniyang mukha upang humanap ng isang katunayan na Siya ay isang kriminal o mapanganib na tao. Paminsan-minsan ay pinupukol nila ng tinging may paghamak si Barabas. Hindi na kailangan ang malalim na pag-unawa upang makilala siya nang lubusan. Pamuling titingnan nila ang Isang nililitis. Minasdan nila ang banal na Nagdurusa na taglay ang damdamin ng taos na pagkahabag. Ang tahimik na pagpapasakop ni Kristo ay napakintal sa kanilang mga diwa, na di-kailanman mapapawi hanggang sa tanggapin nilang Siya ang Kristo, o kaya'y tanggihan nila Siya sa kanila na ring ikapapahamak. BB 1073.1
Namangha si Pilato sa walang-imik na pagtitiis ng Tagapagligtas. Wala siyang alinlangan na ang anyo ng Taong ito, na ibang-iba kay Barabas, ay makapupukaw sa mga Hudyo upang mahabag. Nguni't hindi niya naunawaan ang bulag na pagkapoot ng mga saserdote sa Kaniya, na, bilang Ilaw ng sanlibutan, ay nagbunyag ng kanilang kadiliman at kamalian. Naudyukan nila ang magugulong karamihan na magsiklab sa mabangis na galit, at kaya nga ang mga saserdote, mga pinuno, at ang mga tao ay muli namang sumigaw ng nakapangingilabot na sigaw, “Ipako Siya sa krus, ipako Siya sa krus.” Sa wakas, palibhasa'y naubos na rin ang lahat niyang pagtitiis sa di-makatwiran nilang kalupitan, buong kawalang-pag-asang sumigaw si Pilato, “Kunin ninyo Siya, at ipako ninyo Siya sa krus: sapagka't ako'y walang masumpungang kasalanan sa Kaniya.” BB 1073.2
Bagama't ang gobernador na Romano ay bihasang makakita ng mga tanawin ng kalupitan, gayunma'y nahabag din sa nagdurusang bilanggo, na, gayong hinatulan at hinampas, at may nagdurugong noo at likod na sugat-sugatan, ay may kaanyuan pa rin ng isang hari na nakaluklok sa kaniyang trono. Datapwa't sinabi ng mga saserdote, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang yaon ay nararapat Siyang mamatay, sapagka't Siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos.” BB 1074.1
Nagitlahanan si Pilato. Wala siyang tumpak na kuru-kuro tungkol kay Kristo at sa Kaniyang misyon; nguni't may malabo siyang pananampalataya sa Diyos at mga kinapal na nakahihigit sa mga tao. Ang isipang minsa'y nalarawan sa kaniyang isip nang una ay nagkakaroon ngayon ng lalong tiyak na hugis. Naisip niyang baka ang nakaharap niya ay isang Diyos na nga, na nararamtan ng kulay-ubeng damit ng kadustaan, at napuputungan ng koronang tinik. BB 1074.2
Pumasok siya uli sa bulwagan ng hukuman, at sinabi kay Jesus, “Taga saan Ka?” Nguni't hindi siya sinagot ni Jesus. Malayang nagsalita ang Tagapagligtas kay Pilato, na ipinaliliwanag ang Kaniyang misyon bilang isang saksi sa katotohanan. Nguni't hindi pinansin ni Pilato ang liwanag. Pinagmalabisan niya ang mataas na tungkulin ng pagiging hukom sa pamamagitan ng pagsusuko ng kaniyang mga simulain at kapangyarihan sa mga hini-hingi ng magugulong karamihan. Si Jesus ay wala nang iba pang liwanag para sa kaniya. Dahil sa maluwat na di-pag-imik ni Jesus, buong kapalaluang nagwika si Pilato: BB 1074.3
“Sa akin ay hindi Ka nagsasalita? Hindi Mo baga nalalaman na ako'y may kapangyarihang sa Iyo'y magpako sa krus, at may kapangyarihang sa Iyo'y magpalaya?” BB 1074.4
Sumagot si Jesus, “Anumang kapangyarihan ay hindi ka magkakaroon laban sa Akin, malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas: kaya't ang nagdala sa iyo sa Akin ay may lalong malaking kasalanan.” BB 1075.1
Sa ganitong paraan pinagpaumanhinan ng maawaing Tagapagligtas, sa gitna ng Kaniyang matinding paghihirap at kalumbayan, ang ginawa ng gobernador na Romano na ibinigay Siya upang ipapako sa krus. Ano ngang tanawin ito na inilaladlad sa sanlibutan para sa lahat ng panahon! Ano ngang liwanag ang isinasabog nito tungkol sa likas Niya na Hukom ng buong lupa! BB 1075.2
“Ang nagdala sa iyo sa Akin,” sabi ni Jesus, “ay may lalong malaking kasalanan.” Ang ibig sabihin ni Kristo nito ay si Caifas, na bilang dakilang saserdote, ay siyang kumakatawan sa bansang Hudyo. Talos nila ang mga simulaing pumipigil sa mga maykapangyarihang Romano. Nagkaroon sila ng liwanag sa mga hulang nagpapa-totoo tungkol kay Kristo, at sa Kaniyang mga turo at mga himala. Tumanggap ang mga hukom na Hudyo ng di-mapagkakamaling katibayan ng pagka-Diyos Niyaong kanilang hinatulang mamatay. At ayon sa liwanag na kanilang tinanggap ay sila'y hahatulan. BB 1075.3
Ang pinakamalaking kasalanan at pinakamabigat na kapanagutan ay nakababaw sa mga nasa pinakamatataas na tungkulin sa bansa, ang mga pinaglagakan ng mga banal na tiwala na kanilang ipinagkakanulo. Si Pilato, si Herodes, at ang mga kawal na Romano ay pareparehong walang-nalalaman tungkol kay Jesus. Inisip nilang bigyang-kasiyahan ang mga saserdote at mga pinuno sa pamamagitan ng pagmamalabis sa Kaniya. Wala sa kanila ang liwanag na buong kasaganaang tinatanggap ng bansang Hudyo. Kung nabigyan lamang ng liwanag ang mga kawal na Romano, kaipala'y hindi nila pinagmalupitan si Kristo na gaya ng ginawa nila. BB 1075.4
Muling iminungkahi ni Pilato na pawalan ang Tagapagligtas. “Nguni't ang mga Hudyo ay nagsigawan, na nangagsasabi, Kung pawalan mo ang taong ito, ay hindi ka kaibigan ni Cesar.” Sa ganitong paraan nagkunwari ang mga mapagpaimbabaw na ito na sila'y masisikap para sa ikapapanatag ng kapangyarihan ni Cesar. Nguni't sa lahat ng mga lumalaban sa pamahalaang Romano, ang mga Hudyo ay siyang pinakamahigpit. Pinakamalupit sila sa pagpapatupad ng sarili nilang mga kautusang pambansa at panrelihiyon, pagka ligtas silang gumawa nang gayon; subali't kung may nais silang parusahan o pagmalupitan, ay ibinubunyi nila ang kapangyarihan ni Cesar. Upang maisakatuparan ang pagpapa-hamak kay Kristo, nagpanggap silang tapat sa pamahalaang dayuhan na kanilang kinasusuklaman. BB 1076.1
“Ang bawa't isang nagpapanggap na hari,” patuloy na wika nila, “ay nagsasalita nang laban kay Cesar.” Pinatatamaan nito si Pilato sa bahaging mahina siya. Siya'y pinaghihinalaan ng pamahalaang Romano, at batid niyang ang gayong ulat o balita ay magpapahamak sa kaniya. Batid niyang kung mabibigo ang mga Hudyo, ang galit nila ay ibabaling sa kaniya. Wala silang hindi gagawin upang magawa nila ang kanilang paghihiganti. Nasa harap niya ang isang halimbawa ng pagpipilit ng mga ito na makitil ang buhay ng Isang kinapopootan nila nang walang kadahilanan. BB 1076.2
Nang magkagayo'y umupo si Pilato sa luklukan ng hukuman, at iniharap uli si Jesus sa mga tao, na nagsa-sabi, “Narito ang inyong Hari!” Muling umalingawngaw ang malakas na sigawan, “Alisin Siya, ipako Siya sa krus!” Sa tinig na naririnig sa malayo at sa malapit, ay itinanong ni Pilato, “Ipapako ko baga sa krus ang inyong Hari?” Nguni't sa mga labing lapastangan at mapamusong ay namulanggos ang mga salitang, “Wala kaming hari kundi si Cesar.” BB 1076.3
Kaya sa pagpili ng mga Hudyo ng isang pinunong pagano, ay humihiwalay na sila sa pamahalaang Diyos ang nagpupuno. Tinanggihan nila ang Diyos na maging hari nila. Mula noon ay wala na silang tagapagligtas. Wala na silang hari kundi si Cesar. Dito inakay ng mga saserdote at mga guro ang mga tao. Dahil dito, at sa nakatatakot na naging mga bunga, ay sila ang nananagot. Ang kasalanan ng isang bansa at ang kapahamakan ng isang bansa ay sagutin ng mga lider ng relihiyon. BB 1077.1
“Nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, kundi bagkus pa ngang lumalala ang kaguluhan, siya'y kumuha ng tubig, at naghugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng karamihan, na sinasabi, Wala akong kasalanan sa dugo nitong matwid na Tao: kayo ang bahala sa Kaniya.” Sinusumbatan ng sariling budhing tiningnan ni Pilato ang Tagapagligtas. Sa napakaraming mukhang nangakatingala, ang kay Jesus lamang ang kinababadhaan ng kapayapaan. Sa palibot ng Kaniyang ulo ay waring may malamlam na sinag na lumiliwanag. Sa puso ni Pilato ay nawika niya, Siya ay isang Diyos. Pagbaling niya sa karamihan ay sinabi niya, Wala akong kasalanan sa dugo Niya. Kunin ninyo Siya, at ipako ninyo Siya sa krus. Subali't tandaan ninyo, kayong mga saserdote at mga pinuno, sinasabi kong Siya'y matwid na Tao. Harinawang Siya na tinatawag Niyang Kaniyang Ama ay siyang humatol sa inyo at hindi sa akin sa ginawa ko sa araw na ito. Pagkatapos ay sinabi naman niya kay Jesus, Patawarin Mo ako sa ginawa kong ito; hindi ko Ikaw mailigtas. At nang mahampas niyang muli si Jesus, ay ibinigay niya Siya upang maipako sa krus. BB 1077.2
Ibig na ibig ni Pilatong mailigtas si Jesus. Nguni't nakita niyang hindi niya ito magagawa, at mapananatili pa ang kaniyang tungkulin at karangalan. Sa halip na mawala ang kaniyang kapangyarihang makasanlibutan, ay pinili pa niyang makitil ang buhay ng isang walang-kasalanan. Gaano nga karami ang sa ganito ring paraan ay nagsasakripisyo ng simulain upang maiwasan lamang na mawalan ng isang bagay o upang huwag maghirap. Itinuturo ng budhi at ng tungkulin ang isang da-an, itinuturo naman ng kapakinabangang pansarili ang ibang daan. Malakas ang agos na gawang kamalian, at ang nakikipagkasundo sa kasamaan ay natatangay sa makapal na dilim ng pagkakasala. BB 1077.3
Sumuko si Pilato sa mga hinihingi ng magulong karamihan. Upang huwag mawala ang kaniyang katungkulan, ay ibinigay niya si Jesus upang maipako sa krus. Datapwa't sa kabila ng lahat niyang mga pag-iingat, ang bagay mismong kinatatakutan niyang mangyari ay dumating sa kaniya. Hinubad sa kaniya ang kaniyang mga karangalan, ibinaba siya sa kaniyang mataas na tungkulin, at sa tindi ng kaniyang sama ng loob at pagkapahiya, ay nagpakamatay siya hindi pa man naluluwatang naipapako sa krus si Kristo. Kaya lahat ng nakikipagkasundo sa kasalanan ay magtatamo lamang ng kalungkutan at pagkapahamak. “May daan na tila matwid sa tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.” Kawikaan 14:12. BB 1078.1
Nang ipahayag ni Pilatong siya'y walang-sala sa dugo ni Kristo, buong tigas namang sumagot si Caifas, “Mapasaamin ang Kaniyang dugo, at sa aming mga anak.” Gayunding mga salitang nakapanghihilakbot ang sinabi ng mga saserdote at mga pinuno, at inulit naman ng karamihan sa madagundong na mga tinig. Ang buong karamihan ay sumagot at nagsabi, “Ang Kaniyang dugo ay mapasaamin, at sa aming mga anak.” BB 1078.2
Ginawa na ng bayang Israel ang kanilang pagpili. Itinuturo si Jesus na sila'y nagsabi, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas.” Si Barabas, na tulisan at mamamatay-tao, ay kinatawan ni Satanas. Si Kristo ay siyang kinatawan naman ng Diyos. Si Kristo ay itinakwil; si Barabas ang pinili. Kaya si Barabas ang napasakanila. Sa pagpili nilang ito ay tinanggap nila yaong buhat pa sa pasimula ay isa nang sinungaling at mamamatay-tao. Si Satanas ang lider nila. Bilang isang bansa ay gagawin nila ang kaniyang ididikta o itatagubilin. Gagawin nila ang kaniyang mga gawa. Ang kaniyang pamumuno ay siya nilang titiisin. Ang mga taong pumili kay Barabas sa halip na kay Kristo ay makakaramdam ng kalupitan ni Barabas hanggang tumatagal ang panahon. BB 1078.3
Nakatingin sa hinampas na Kordero ng Diyos, na sumigaw ang mga Hudyo, “Mapasaamin ang Kaniyang dugo, at sa aming mga anak.” Ang nakapangingilabot na sigaw na yaon ay pumailanlang hanggang sa luklukan ng Diyos. Ang hatol na yaon, na sila na rin ang naghatol sa kanilang sarili, ay isinulat sa langit. Ang dalanging yaon ay dininig. Ang dugo ng Anak ng Diyos ay napasa kanilang mga anak at sa mga anak ng kanilang mga anak, isang sumpang walang-hanggan. BB 1079.1
Kakila-kilabot ang pagkatupad nito nang magiba ang Jerusalem. Kakila-kilabot na nakita ito sa kalagayan ng bansang Hudyo sa loob ng sanlibo't walondaang taon— isang sangang nahiwalay sa puno, isang patay, at walang bungang sanga, na titipunin at susunugin. Sa lahat ng lupain sa buong sanlibutan, at sa lahat ng panahon, sila'y patay, patay sa pagsalansang at mga pagkakasala! BB 1079.2
Magiging kakila-kilabot ang pagkatupad ng panalanging yaon sa dakilang araw ng paghuhukom. Sa pagparitong muli sa lupa ni Kristo, ay makikita Siya ng mga tao na hindi na gaya ng isang bilanggong napaliligiran ng isang magulong karamihan. Makikita nila Siya bilang Hari ng kalangitan. Paririto si Kristo na nasa Kaniyang sariling kaluwalhatian, nasa kaluwalhatian ng Kaniyang Ama, at sa kaluwalhatian ng mga banal na anghel. Sampung libong tigsasampung libo, at libu-libong mga anghel, ang naggagandahan at mapagtagumpay na mga anak ng Diyos, na nag-aangkin ng higit at higit na kariktan at kaluwalhatian, ang aabay sa Kaniya sa Kaniyang daan. Kung magkagayon ay uupo Siya sa luklukan ng Kaniyang kaluwalhatian, at sa harap Niya ay matitipon ang lahat ng mga bansa. Kung magkaga-yo'y makikita Siya ng lahat ng mata, at pati ng mga nangagsiulos sa Kaniya. Sa halip na isang putong na tinik, ay magsusuot Siya ng isang putong ng kaluwalhatian— isang putong sa loob ng isang putong. Sa halip na lumang kulay-ubeng damit-hari, Siya'y mararamtan ng kasuutang putmg-puti, “na anupa't sinumang magpapaputi sa lupa ay hindi makapagpapaputi nang gayon.” Marcos 9:3. At sa Kaniyang damit at sa Kaniyang bita ay may nakasulat na, “Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.” Apoealipsis 19:16. Ang mga nanlibak at nagsihampas sa Kaniya ay mapaparoon. Muling makikita ng mga saserdote at mga pinuno ang tagpo sa bulwagan ng hukuman. Lahat ng pangyayari ay lilitaw sa harap nila, na para bagang nasusulat sa mga titik na apoy. Kung magkagayon yaong mga nagsipanalanging, “Mapasaamin ang Kaniyang dugo, at sa aming mga anak,” ay tatanggap ng sagot sa kanilang panalangin. Saka naman malalaman at mauunawaan ng sanlibutan ang lahat. Kanilang mapagtatanto kung kanino at sa ano nakikipagbaka silang mga kaawa-awa, mahihina, at may-kamatayang mga kinapal. Sa kakila-kilabot na paghihirap at pagkasindak ay sisigaw sila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin, at kami'y inyong itago sa mukha Niyaong nakaupo sa luklukan, at sa galit ng Kordero: sapagka't dumating na ang dakilang araw ng Kaniyang kagalitan; at sino ang makatatayo?” Apocalipsis 6:16, 17. BB 1079.3