Bukal Ng Buhay

80/89

Kabanata 79—“Naganap Na”

Hindi isinuko ni Kristo ang Kaniyang buhay hang-gang sa naganap Niya ang gawaing pinarituhan Niya upang gawin, at kasabay ng namamaalam na paghinga ay sinabi Niya, “Naganap na.” Juan 19:30. Naipagtagumpay Niya ang labanan. Ibinigay sa Kaniya ng Kaniyang kanang kamay at ng Kaniyang banal na bisig ang tagumpay. Bilang isang Mananagumpay ay itinayo Niya ang Kaniyang watawat sa walang-hanggang kaitaasan. Hindi ba nagkaroon ng pagkakatuwaan ang mga anghel? Nagtagumpay ang buong sangkalangitan sa pagkakapagta-gumpay ng Tagapagligtas. Nagapi si Satanas, at batid nitong nawala na ang kaniyang kaharian. BB 1107.1

Sa mga anghel at sa mga sanlibutang di-nagkasala, ang sigaw na, “Naganap na,” ay may malalim na kahulugan. Dahil sa kanila at dahil sa atin kaya tinapos na ang dakilang gawain ng pagtubos. Sila'y kasama nating naki-kibahagi sa mga bunga ng tagumpay ni Kristo. BB 1107.2

Noon lamang mamatay si Kristo malinaw na nahayag sa mga anghel o sa mga sanlibutang di-nagkasala ang likas ni Satanas. Dinamtan ng punong-tumalikod ang kaniyang sarili ng gayon na lamang pagdaraya na anupa't hindi napag-unawa maging ng mga banal na kina- pal ang kaniyang mga simulain. Hindi nila malinaw na nakita ang uri ng kaniyang paghihimagsik. BB 1107.3

Isang kinapal na may kahanga-hangang kapangyarihan at kaluwalhatian ang lumaban sa Diyos. Tungkol kay Lucifer ay ganito ang sinasabi ng Panginoon, “Iyong tinatatakan ang kabuuan, na puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan.” Ezekiel 28:12. Si Lucifer ang dating tumatakip na kerubin. Tumayo siya sa liwanag ng paki-kiharap ng Diyos. Siya ang pinakamataas sa lahat ng mga nilikha, at siyang nangunguna sa paghahayag sa santinakpan ng mga panukala o mga layunin ng Diyos. Nang siya'y magkasala na, ay naging lalong mapanlinlang ang kapangyarihan niya sa pagdaraya, at naging lalong mahirap na ilantad ang kaniyang likas, dahil sa mataas na tungkuling hinawakan niya sa Ama. BB 1109.1

Magagawa ng Diyos na lipulin si Satanas at ang mga sumunod sa kaniya na kasindali ng paghahagis ng isang bato sa lupa; nguni't hindi Niya ginawa ito. Ang paghihimagsik ay hindi magagapi ng lakas. Ang pamimilit ay nasumpungan lamang sa pamahalaan ni Satanas. Ang mga simulain ng Panginoon ay walang ganitong uri. Ang Kaniyang kapangyarihan ay nakasalig sa kabutihan, kaawaan, at pag-ibig; at ang pagpapakilala ng mga simulaing ito ay siyang paraang dapat gamitin. Ang pamahalaan ng Diyos ay wagas o banal, at katotohanan at pagibig ang dapat maging namamayaning kapangyarihan. BB 1109.2

Ang layunin ng Diyos ay ilagay ang lahat ng mga bagay sa walang-hanggang kapanatagan, at sa mga sanggunian sa langit ay ipinasiyang bigyan si Satanas ng panahon upang mabuo niya ang mga simulaing pinagsasaligan ng ayos ng kaniyang pamamahala. Sinabi niyang ang mga simulaing ito ay nakahihigit sa mga simulain ng Diyos. Binigyan nga ng panahon si Satanas upang magawa at mabuo niya ang kaniyang mga simulain, upang ang mga ito ay makita ng buong sangkalangitan. BB 1109.3

Inakay ni Satanas ang mga tao sa pagkakasala, at dahil dito ay isinagawa ang panukala ng pagtubos. Sa loob ng apat na libong taon, ay walang humpay na gumagawa si Kristo upang maitaas ang tao, nguni't si Satanas naman ay gumagawa upang ito ay maipahamak at maibaba. At nakita ito ng sangkalangitan. BB 1110.1

Nang pumarito si Jesus sa sanlibutan, ay ibinaling sa Kaniya ang kapangyarihan ni Satanas. Buhat nang panahong Siya'y lumitaw na isang sanggol sa Bethlehem, ay gumawa na ang mang-aagaw upang Siya'y maipahamak. Sa lahat ng maaaring paraan ay pinagsikapan niyang hadlangan si Jesus sa pagkakaroon ng sakdal na kamusmusan, ng walang-kapintasang pagkalalaki, ng banal na ministeryo, at ng walang-dungis na sakripisyo. Nguni't siya'y nadaig. Hindi niya maakay si Jesus sa gawang pagkakasala. Hindi niya Siya mapapanlupaypay, o maitaboy sa paggawa ng gawaing pinarituhan Niya sa lupa upang gawin. Buhat sa ilang hanggang sa Kalbaryo, ay dumagok na sa Kaniya ang bagyo ng galit ni Satanas, nguni't habang lalong walang-awa ang pagdapo nito, ay lalo namang nagtibay at humigpit ang pagkakahawak ng Anak ng Diyos sa kamay ng Kaniyang Ama, at nagpatuloy sa paglakad sa landas na tigmak sa dugo. Ang lahat ng pagsisikap ni Satanas na masiil at madaig Siya ay lalo lamang nagpalitaw sa dalisay at walang-dungis Niyang likas. BB 1110.2

Ang buong sangkalangitan at ang mga sanlibutang di-nagkasala ay nakasaksi sa tunggalian. Buong pananabik nilang sinubaybayan ang nagtatapos na mga tagpo ng labanan. Nakita nilang pumasok sa Halamanan ng Gethsemane ang Tagapagligtas, ang kaluluwa Niya'y sakbibi ng takot sa malaking kadiliman. Napakinggan nila ang mapait Niyang daing, “Ama Ko, kung baga maaari, ay lumampas sa Akin ang sarong ito.” Mateo 26:39. Nang mawala na ang pakikiharap ng Ama, nakita nilang ang kalungkutan Niya ay matindi pa kaysa huling paki-kilaban Niya sa kamatayan. Pinawisan Siya ng dugo, at pumatak ang mga ito sa lupa. Makaitlong namutawi sa Kaniyang mga labi ang dalanging Siya'y iligtas. Hindi na matagalan pa ng Langit ang tanawing yaon, kaya't isang sugo ng kaaliwan ang ipinadala sa Anak ng Diyos. BB 1110.3

Natanaw ng Langit na ipinagkanulo ang Biktima sa mga kamay ng mga taong mamamatay-tao, at ipinag-hatid-hatiran mula sa isang hukuman hanggang sa isa pa nang may paglibak at may karahasan. Narinig nito ang mga panunuya ng mga nagsisiusig sa Kaniya dahil sa aba Niyang pinagmulan. Narinig nito ang pagkaka-ilang may panunungayaw at panunumpa ng isa sa Kaniyang pinakaiibig na mga alagad. Nakita nito ang baliw na paggawa ni Satanas, at ang kapangyarihan nito sa puso ng mga tao. Oh, kakila-kilabot na tanawin! sinung-gaban ang Tagapagligtas nang hatinggabi sa Gethsemane, kinaladkad nang paroo't parito mula sa palasyo hanggang sa bulwagan ng hukuman, makalawang ulit na nilitis sa harap ng mga saserdote, makalawa sa harap ng Sanedrin, dalawang beses din sa harap ni Pilato, at minsan sa harap ni Herodes, nilibak, hinampas, hinatulan, at ipinagtulakang palabas upang ipako sa krus, na pasan-pasan ang mabigat na krus, sa gitna ng pagpapana-ngisan ng mga anak na babae ng Jerusalem at ng pangungutya ng magugulong karamihan. BB 1111.1

Minasdan ng Langit nang may pagdaramdam at panggigilalas ang pagkakabayubay ni Kristo sa krus, na dinadaluyan ng dugo ang sugatan Niyang ulo, at pinamumu-uan sa Kaniyang noo ng magkahalong pawis at dugo. Buhat sa Kaniyang mga kamay at mga paa ay tumutu lo ang dugo, nang patak-patak, sa ibabaw ng batong inuka para sa puno ng krus. Ang sugat na gawa ng pako sa Kaniyang mga kamay ay bumuka dahil sa bigat ng Kaniyang katawan. Ang naghihirap Niyang paghinga ay bumilis at lumalim, nang humingal ang Kaniyang kaluluwa dahil sa bigat ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang buong kalangitan ay nalipos ng pagkakamangha nang ang panalangin ni Kristo ay ipailanlang sa gitna ng Kaniyang kakila-kilabot na paghihirap—“Ama, patawarin Mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.” Lucas 23:34. Gayunma'y naroo't nangakatayo, ang mga lalaking ginawa ayon sa larawan ng Diyos, na nakikisama sa pagkitil sa buhay ng Kaniyang bugtong na Anak. Ano ngang tanawin para sa sangkalangitan! BB 1111.2

Ang mga pamunuan at mga kapangyarihan ng kadiliman ay nangagtipon sa palibot ng krus, at nilalambungan ng maka-impiyernong anino ng di-paniniwala ang mga puso ng mga tao. Nang likhain ng Panginoon ang mga kinapal na ito upang magsitayo sa harapan ng Kaniyang luklukan, sila'y magaganda at maluluwalhati. Ang kanilang kagandahan at kabanalan ay naaayon sa kanilang mataas na kalagayan. Sila'y pinayaman sa karunungan ng Diyos, at binigkisan ng kagayakan ng langit. Sila'y mga ministro ni Jehoba. Nguni't sino ang maka-kakilala sa nagkasalang mga anghel sa maluwalhating serafin na minsa'y naglingkod sa mga bulwagan sa langit? BB 1112.1

Nakisama ang mga anghel ni Satanas sa mga masasamang tao upang akayin ang bayan sa paniniwala na si Kristo ay siyang puno ng mga makasalanan, at upang gawin Siyang tudlaan ng kanilang pagkamuhi. Yaong mga nagsihamak kay Kristo nang Siya'y nakabayubay sa krus ay nalipos ng diwa ng unang dakilang manghihimagsik. Pinuno nito sila ng mga imbi at nakaririmarim na mga pangungusap. Ito ang nag-udyok ng kanilang mga panguuyam. Nguni't sa lahat ng ito ay wala itong pinakina-bang na anuman. BB 1112.2

Kung may isang kasalanang nasumpungan kay Kristo kung kahit sa isang bagay ay sumuko Siya kay Satanas upang makaiwas lamang sa kakila-kilabot na pahirap, sana'y nagtagumpay ang kaaway ng Diyos at ng tao. Ini yukayok ni Kristo ang Kaniyang ulo at namatay, nguni't mahigpit Siyang nanghawak sa Kaniyang pananampalataya at sa Kaniyang pagpapasakop sa Diyos. “At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi, Ngayo'y aumating ang kaligtasan, at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Diyos, at ang kapamahalaan ng Kaniyang Kristo: sapagka't inihagis na ang tagapagsumbong sa ating mga kapatid, na siyang sa kanila'y nagsusumbong sa harapan ng ating Diyos araw at gabi.” Apocalipsis 12:10. BB 1112.3

Nakita ni Satanas na naalis na ang kaniyang balatkayo. Nalantad na sa harap ng mga anghel na di-nag-kasala at sa harap ng sangkalangitan ang kaniyang pangangasiwa. Nahayag ang kaniyang sarili na isang mamamatay-tao. Sa pagpapadanak niya sa dugo ng Anak ng Diyos, ay inalis niya ang pakikiramay sa kaniya ng mga kinapal sa langit. Buhat noon ay natakdaan na ang kaniyang gawain. Anuman ang gawain niyang pananayuan, ay hindi na niya mahintay ang mga anghel na nanggagaling sa mga korte sa langit, at isumbong sa harap nila ang mga kapatid ni Kristo na sila'y nararamtan ng mga damit na maitim at ng dumi ng kasalanan. Nalagot na ang kahuli-hulihang kawing ng pagdadamayan ni Satanas at ng sangkalangitan. BB 1113.1

Gayunma'y hindi pa rin pinuksa noon si Satanas. Hindi pa rin nauunawaan noon ng mga anghel ang lahat ng nasasangkot sa malaking tunggalian. Ang mga simulaing nakataya ay kailangang lubusan pang mahayag. At alang-alang sa tao, ay kailangang palawigin pa ang buhay ni Satanas. Dapat makita ng tao at gayundin ng mga anghel ang pagkakaiba ng Prinsipe ng kaliwanagan at ng prinsipe ng kadiliman. Dapat niyang piliin kung sino ang kaniyang paglilingkuran. BB 1113.2

Nang magsimula ang malaking tunggalian, ay sinabi ni Satanas na ang kautusan ng Diyos ay hindi mangya-yaring masunod, na ang katarungan ay hindi kaalinsunod ng kahabagan, at kung sakaling malalabag ang kautusan, ay di-maaaring mapatawad ang makasalanan. Bawa't kasalanan ay dapat parusahan, ipinaggigiitan ni Satanas; at kung sakaling ipatawad ng Diyos ang parusa sa kasalanan, ay hindi na Siya magiging isang Diyos ng katotohanan at katarungan. Nang labagin ng mga tao ang Kautusan ng Diyos, at labanan ang Kaniyang kalo-oban, ay gayon na lamang ang tuwa ni Satanas. Sinabi niyang napatunayan na ang kautusan ay talagang hindi matatalima; ang tao ay hindi maaaring mapatawad. Sapagka't siya, nang siya'y maghimagsik, ay pinalayas sa langit, iginigiit ni Satanas na ang sangkatauhan ay kailangan din namang mawala na rin sa lingap ng Diyos. Ang Diyos ay hindi maaring maging makatarungan, giit mya, kung pagpapakitaan Niya ng habag ang makasalanan. BB 1113.3

Datapwa't kahit na isang makasalanan, ang tao ay naiiba sa kalagayan ni Satanas. Si Lucifer sa langit ay nagkasala sa liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos. Sa kaniya ibinigay at hindi sa sinumang ibang nilalang ang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa niya sa likas ng Diyos, at pagkakilala sa Kaniyang kabutihan, ay pinili pa rin ni Satanas na sundin ang kaniyang makasarili at hiwalay na kalooban. Pangwakas ang pagpiling ito. Wala nang magagawa pa ang Diyos upang mailigtas siya. Nguni't ang tao ay dinaya; ang isip niya ay pinadilim ng panlilinlang ni Satanas. Ang taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos ay hindi niya naalaman. Para sa kaniya ay may pag-asa pang makilala ang pagibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtingin ng tao sa Kaniyang likas ay maaaring mapanumbalik siya sa Diyos. BB 1114.1

Sa pamamagitan ni Jesus, ay nahayag sa mga tao ang kahabagan ng Diyos; nguni't hindi isinasaisantabi ng kahabagan ang katarungan. Inihahayag ng kautusan ang mga katangian ng likas ng Diyos, at ni isang tuldok o ni isang kudlit nito ay hindi maaaring baguhin upang mapaangkop sa tao sa kalagayan nitong nagkasala. Hindi binago ng Diyos ang Kaniyang kautusan, kundi isinakri-pisyo Niya ang Kaniyang sarili, sa pamamagitan ni Kristo, para sa ikatutubos ng tao. “Ang Diyos kay Kristo ay pinakipagkasundo ang sanlibutan sa Kaniya rin.” 2 Corinto 5:19. BB 1114.2

Ang kautusan ay humihingi ng katwiran—isang matwid na pamumuhay, isang sakdal na likas; at ang tao ay walang maibibigay na ganito. Hindi niya maibibigay ang mga hinihingi ng banal na kautusan ng Diyos. Nguni't nang pumarito si Kristo sa lupa bilang tao, ay namuhay Siya ng isang banal na pamumuhay, at naglinang ng isang sakdal na likas. Ang mga ito ay iniaalok Niya bilang isang walang-bayad na kaloob sa lahat ng mga tatanggap nito. Ang Kaniyang buhay ay umaayong kahalili ng buhay ng mga tao. Sa ganyan ay tumatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanang nagawa sa nakaraan, sa pamamagitan ng pagpapahinuhod ng Diyos. Bukod pa sa rito, pinupuno ni Kristo ang mga tao ng mga likas ng Diyos. Itinatayo Niya ang likas ng tao ayon sa wangis ng likas ng Diyos, isang mabuting kayarian ng kalakasan at kagandahang espirituwal. Sa ganito ang katwiran ng kautusan ay natutupad sa sumasampalataya kay Kristo. Ang Diyos ay maaaring “maging ganap, at tagaaring-ganap sa sumasampalataya kay Jesus.” Roma 3:26. BB 1115.1

Ang pag-ibig ng Diyos ay nahayag sa Kaniyang katarungan at gayundin sa Kaniyang kaawaan. Katarungan ang patibayan o saligan ng Kaniyang luklukan, at bunga ng Kaniyang pag-ibig. Ang layunin ni Satanas ay ihiwalay ang kaawaan sa katotohanan at katarungan. Sinikap niyang patunayan na ang katwiran ng kautusan ng Diyos ay kaaway ng kapayapaan. Datapwa't ipinakikilala ni Kristo na alinsunod sa panukala ng Diyos ay di-ma-paghiwalay ang pagsasama ng dalawang ito; ang una ay hindi mananatili kung wala ang ikalawa. “Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katwiran at kapayapaan ay naghalikan.” Awit 85:10. BB 1115.2

Sa pamamagitan ng Kaniyang kabuhayan at kamatayan, ay pinatunayan ni Kristo na hindi sinira ng katarungan ng Diyos ang Kaniyang kaawaan, kundi ang kasalanan ay mangyayaring ipatawad, at ang kautusan ay matwid, at maaaring sundin nang buong kasakdalan. Napasinungalingan ang mga paratang ni Satanas. Nagbigay ang Diyos sa tao ng di mapagkakamaliang katunayan ng Kaniyang pag-ibig. BB 1116.1

Isa pang kadayaan ang inihaharap ngayon. Ipinahayag ni Satanas na sinira ng kawan ang katarungan, na pinawi ng pagkamatay ni Kristo ang kautusan ng Ama. Kung maaari lamang palitan o pawiin ang kautusan, hindi na sana kinailangan ni Kristo ang mamatay. Nguni't ang pagpawi sa kautusan ay mangangahulugang pagpapanatili ng pagsalansang sa habang panahon, at maglalagay sa sanlibutan sa ilalim ng kontrol ni Satanas. Dahil sa ang kautusan ay di-mababago, at dahil sa ang tao ay maililigtas lamang sa pamamagitan ng pagtalima sa mga utos na ito, kaya si Jesus ay ibinayubay sa krus. Nguni't ang paraang ginamit upang maitatag ni Kristo ang kautusan ay inilarawan ni Satanas na sumisira dito. Ito ang pagbubuhatan ng kahuli-hulihang labanan sa malaking tunggalian ni Kristo at ni Satanas. BB 1116.2

Na ang kautusang sinalita ng sariling tinig ng Diyos ay may kamalian, na may ilang tiyak na utos na isina-isantabi, ay siya ngayong ikinakalat ni Satanas. Ito ang kahuli-hulihang pagdaraya na dadalhin niya sa sanlibu-tan. Hindi na niya kailangang batikusin pa ang buong kautusan; kung maaakay niya ang mga tao na pawalangkabuluhan ang isang utos, ay natamo na niya ang kaniyang nilalayon. Sapagka't “ang sinumang gumaganap ng buong kautusan, at gayunma'y natitisod sa isa, ay nagiging makasalanan sa lahat.” Santiago 2:10. Sa pamamagitan ng pagsang-ayon ng tao na labagin ang isang utos, ay nailalagay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sa pamamagitan ng inihahaliling kautusan ng tao sa kautusan ng Diyos, ay pagsisikapan ni Satanas na makontrol ang sanlibutan. Ang gawaing ito ay pauna nang sinasabi ng hula. Tungkol sa dakilang kapangyarihang tumalikod na kumakatawan kay Satanas, ay ganito ang sinasabi, “Siya'y magbabadya ng mga dakilang salita laban sa Kataas-taasan, at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan, at kaniyang iisiping baguhin ang panahon at ang kautusan: at sila'y mangabibigay sa kaniyang kamay.” Daniel 7:25. BB 1116.3

Walang pagsalang maglalagay ang mga tao ng kanilang mga kautusan upang salungatin ang mga kautusan ng Diyos. Sisikapin nilang pilitin ang mga budhi o kalo-oban ng mga iba, at sa kanilang pagsisikap na maipatupad ang mga kautusang ito ay sisiilin nila ang kanilang mga kapwa tao. BB 1117.1

Ang pakikibaka laban sa kautusan ng Diyos, na pinasimulan ni Satanas sa langit, ay magpapatuloy hang-gang sa katapusan ng panahon. Bawa't tao ay susubukin. Ang pagtalima o di-pagtalima ay siyang suliraning pagpapasiyahan ng buong sanlibutan. Lahat ay tatawagin upang papiliin sa kautusan ng DiyOs at sa mga kautusan ng mga tao. Dito malalagay ang guhit ng pagkakahati. Magkakaroon lamang ng dalawang uri o pangkat ng mga tao. Lahat ng likas ay lubos nang malilinang; at ipaki-kilala ng lahat kung ang pinili nila ay ang panig ng pagtatapat o ang panig ng paghihimagsik. BB 1117.2

Saka naman darating ang wakas. Itatanyag ng Diyos ang Kaniyang kautusan at ililigtas ang Kaniyang bayan. Si Satanas at ang lahat ng nagsipanig sa kaniya sa paghihimagsik ay lilipulin. Ang kasalanan at ang mga makasalanan, ugat at sanga (Malakias 4:1)—si Satanas ang ugat, at ang mga tagasunod niya ay siyang mga sanga. Matutupad ang salita sa prinsipe ng kasamaan, “Sapagka't iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Diyos; ... Aking lilipulin ka, Oh tumatakip na kerubin, mula sa gitna ng mga batong mahalaga ... Ikaw ay naging kakila-kilabot, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.” Kung magkagayon “ang masama ay mawawala na: oo, iyong uusisaing mainam ang kaniyang dako, at siya'y mawawala na;” “magiging wari bagang sila'y hindi nangabuhay.” Ezekiel 28:6-19; Awit 37:10; Obadias 16. BB 1117.3

Hindi ito isang gawang pamimilit sa panig ng Diyos. Inaani lamang ng mga nagsisitanggi sa Kaniyang kaawaan ang kanilang inihasik. Ang Diyos ay siyang bukal ng buhay; at pagka ang pinipili ng isang tao ay ang maglingkod sa kasalanan, ay humihiwalay siya sa Diyos, at sa gayo'y nahihiwalay siya sa buhay. Siya ay “nahiwalay sa buhay ng Diyos.” Sinasabi ni Kristo, “Silang lahat na nangagtatanim (nangapopoot) sa Akin ay nagsisiibig ng kamatayan.” Kawikaan 8:36. Binibigyan sila ng Diyos ng buhay sa loob ng isang panahon upang sila'y makapag-linang ng kanilang likas at makapaghayag ng kanilang mga simulain. Kung matupad na ito, ay. tinatanggap na nila ang mga bunga ng kanilang sariling pamimili. Dahil sa buhay na mapaghimagsik, ay inilagay ni Satanas at ng lahat na nakisama sa kaniya ang kanilang mga sarili sa isang kalagayang lubos na hindi kasang-ayon sa Diyos na anupa't ang pakikiharap ng Diyos sa ganang kanila ay isa nang mamumugnaw na apoy. Ang kaluwalha-tian Niya na siyang pag-ibig ay lilipol sa kanila. BB 1118.1

Sa pasimula ng malaking tunggalian, ay hindi ito naintindihan ng mga anghel. Kung si Satanas at ang lahat niyang hukbo ay pinabayaang magsiani ng buong bunga ng kanilang kasalanan, sila'y nangalipol sana; nguni't hindi magiging maiinaw sa mga anghel sa langit na ito na nga ang di-maiiwasang bunga ng kasalanan. Mananatili ang pag-aalinlangan sa kabutihan ng Diyos at sa kanilang isip at ito'y magiging parang masamang binhi, na magbubunga ng naKamamatay na bunga ng kasalanan at kapighatian. BB 1118.2

Datapwa't hindi magkakagayon pagka natapos na ang malaking tunggalian. Sa panahong yaon, yamang natapos na ang panuKala ng pagtubos, ay mahahayag na ang likas ng Diyos sa lahat ng mga nilalang. Ang mga utos ng Kaniyang kautusan ay makikita nang sakdal at dinababago. Sa panahong yaon ay makikita na ang likas ng kasalanan, at ang likas ni Satanas. Kung magkagayon ang pagkapawi ng kasalanan ay magbibigay-katwiran sa pag-ibig ng Diyos at magtatatag ng Kaniyang karangalan sa harap ng sansinukob ng mga nilalang na nalulugod gumanap ng Kaniyang kalooban, at sa mga puso'y kinaro-roonan ng Kaniyang kautusan. BB 1119.1

Kaya nga, dapat sana'y nangagkatuwa ang mga anghel nang mamasdan nila ang krus ng Tagapagligtas; sapagka't bagaman hindi nila naintindihan noon ang lahat, ay talastas naman nilang tiyak na magpakailanman ang pagkalipol ng kasalanan na tiyak na rin ang pagkatubos sa tao, at ang sansinukob ay tiwasay na magpasawalang-hanggan. Lubos na naunawaan ni Kristo na rin ang mga ibubunga ng ginawang sakripisyo sa Kalbaryo. Ang lahat ng ito ay siya Niyang inasahan at hinintay nang sa pagkakabayubay Niya sa krus ay sumigaw Siya ng, “Naganap na.” BB 1119.2