Bukal Ng Buhay
Kabanata 76—Si Judas
Ang kasaysayan ni Judas ay nagbibigay ng malungkot na wakas ng isang buhay na sana'y naparangal ng Diyos. Kung si Judas ay namatay noong bago siya gumawa ng kaniyang huling paglalakbay patungong Jerusalem, sana'y naituring siyang isang lalaking karapatdapat isama sa Labindalawa, at isa na lubha sanang panghihinayangan. Ang pagkasuklam na sumunod-sunod sa kaniya sa buong mga panahon ay hindi sana nangyari kundi lamang sa mga likas na nahayag nang magwawakas na ang kaniyang kasaysayan. Nguni't may layunin ang Diyos sa paglalantad ng kaniyang likas sa sanlibutan. Ito ay walang iba kundi upang maging isang babala o paalaala sa lahat, na katulad niya, ay maaaring mag-kanulo ng mga banal na sagutin. BB 1038.1
Noong malapit nang magpaskuwa, muling nakipagkasundo si Judas sa mga saserdote na ibibigay niya si Jesus sa kanilang mga kamay. Pagkatapos ay pinagka-sunduan nilang ang Tagapagligtas ay dapat hulihin sa isa sa mga pook na doon Siya nagbubulay-bulay at nananalangin. Buhat nang magpiging sa bahay ni Simon, nag-karoon si Judas ng sapat na panahon upang mapaglimi ang bagay na ipinangako niyang kaniyang gagawin, gayunma'y hindi rin nabago ang kaniyang panukala. Sa halagang tatlumpong putol na pilak—na halaga ng isang alipin—ay ipinagbili niya ang Panginoon ng kaluwalhatian sa kadustaan at kamatayan. BB 1038.2
Si Judas ay katutubong maibigin sa salapi; nguni't hindi naman siya talagang napakasama upang gumawa ng gayong hamak na gawa. Pinayabong niya ang masamang diwa ng kasakiman hanggang sa ito na ang naging naghaharing layunin sa kaniyang buhay. Ang pag-ibig niya sa salapi ay humigit kaysa pag-ibig niya kay Kristo. Sa pagpapaalipin niya sa isang bisyo ay ibinigay niya ang kaniyang sarili kay Satanas, hanggang sa siya'y maibulid sa lubos na pagkakasala. BB 1039.1
Sumama si Judas sa mga alagad nang kasalukuyang marami ang sumusunod kay Kristo. Nakakilos sa kanilang mga puso ang turo ng Tagapagligtas samantalang sila'y nababato-balani ng Kaniyang mga salitang binigkas sa sinagoga, sa tabi ng dagat, at sa ibabaw ng bundok. Nakita ni Judas ang mga maysakit, ang mga pilay at ang mga bulag, na dumadagsa kay Jesus buhat sa mga bayan at mga lungsod. Nakita niya ang mga naghi-hingalong inilagay sa Kaniyang paanan. Nasaksihan niya ang mga makapangyarihang gawa ng Tagapagligtas sa pagpapagaling sa mga maysakit, sa pagpapalabas ng mga demonyo, at sa pagbuhay sa mga patay. Naramdaman niya sa sarili niyang pagkato ang katunayan ng kapang-yarihan ni Kristo. Kinilala niyang ang turo ni Kristo ay nakahihigit sa lahat ng narinig na niya. Minahal niya ang Dakilang Guro, at hinangad niyang makasama Niya. Nakaramdam siya ng pagnanais na mabago ang kaniyang likas at kabuhayan, at inasahan niyang ito'y mararanasan sa pamamagitan ng pakikisama at pag-uugnay ng kaniyang sarili kay Jesus. Hindi tinanggihan ni Jesus si Judas. Binigyan Niya siya ng lugar na kasama ng Labindalawa. Pinagkatiwalaan Niya siya na gumawa ng gawain ng isang ebanghelista. Binigyan Niya siya ng kapangyarihang makapagpagaling ng mga maysakit at ma-kapagpalabas ng mga demonyo. Nguni't hindi lubusang ipinasakop ni Judas ang kaniyang sarili kay Kristo. Hindi niya iniwan ang makasanlibutang hangarin o ang pag-ibig niya sa salapi. Bagama't tinanggap niya ang tungkulin ng pagiging isang ministro ni Kristo, hindi naman niya ipinailalim ang kaniyang sarili sa paghubog ni Kristo. Inibig pa niyang itaguyod ang sarili niyang mga palagay at kuru-kuro, at pinayabong niya sa kaniyang kalooban ang ugaling manuligsa at magparatang. BB 1039.2
Mataas ang pagtinging iniukol ng mga alagad kay Judas, at nagkaroon siya ng malaking impluwensiya sa kanila. Siya na rin ay may mataas na palagay sa sarili niyang mga katangian at mga kakayahan, at ang palagay niya sa kaniyang mga kapatid ay higit na mababa kaysa kaniya ang pagkukuro nila at kakayahan. Naisip niyang hindi nila nakikita ang kanilang mga pagkakataon, at hindi sinasamantala ang mga pangyayari. Hindi kailanman uunlad ang iglesya sa pagkakaroon ng mga ganitong lider na maiigsi ang pang-unawa. Si Pedro ay biglain; hindi marunong makisama. Si Juan, na nagpapayaman sa mga katotohanang namumutawi sa mga labi ni Kristo, ay itinuring ni Judas na isang taong hindi gasinong marunong humawak ng salapi. Si Mateo, na ang pinag-aralan ay nagturo sa kaniya na maging husto sa lahat ng mga bagay, ay napakaingat sa gawang pagtatapat, at siya'y lagi nang nagbubulay ng mga salita ni Kristo, at naging lubhang mapaglimi ang mga ito na anupa't, sa palagay ni Judas, siya'y mapagkakatiwalaang gumawa ng gawaing nangangailangan ng kaliksihan ng pagpapasiya. Iyan ang palagay ni Judas sa lahat ng mga alagad, at pinuri niya ang kaniyang sarili na kung hindi sa kaniyang kakayahan sa pangangasiwa ay malimit sanang napalagay sa kagipitan at kahihiyan ang iglesya. Itinuring ni Judas ang kaniyang sarili na siyang may kakayahan, at hindi malalamangan. Sa sarili niyang palagay ay siya'y isang karangalan sa gawain, at sapagka't gayon ay lagi niyang sinasabi ang kaniyang sarili. BB 1040.1
Hindi nakita ni Judas ang kahinaan ng sarili niyang likas, kaya inilagay siya ni Kristo sa tungkuling doo'y magkakaroon siya ng pagkakataong ito'y kaniyang makita at maitumpak. Bilang ingat-yaman ng mga alagad, tungkulin niyang magbigay para sa mga pangangaila-ngan ng maliit nilang pulutong, at mag-abuloy sa mga dukha. Nang sa kaarawan ng Paskuwa ay sabihin sa kaniya ni Jesus, “Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali” (Juan 13:27), inakala ng mga alagad na siya'y inaa-tasang bumili ng kakailanganin sa pista, o mag-abuloy sa mga dukha. Sa paglilingkod sa mga iba, ay maaari sanang tinubuan siya ng diwang di-makasarili. Datapwa't samantalang siya'y nakikinig araw-araw sa mga pagtuturo ni Kristo at nasasaksihan ang di-makasariling buhay Nito, ay pinayabong naman ni Judas ang kaniyang mapag-imbot na pag-uugali. Ang kau-kaunting salaping tinatanggap niya sa kaniyang mga kamay ay naging isang palagiang tukso sa kaniya. Malimit na pagka nakagawa siya ng paglilingkod kay Kristo, o kaya'y nakapag-ukol ng panahon sa mga bagay na para sa relihiyon, ay binabayaran niya ang kaniyang sarili mula sa maliit na pondong ito. Sa sarili niyang palagay ang mga ganitong dahilan ay sapat na upang magbigay-katwiran sa kaniyang ginagawa; subali't sa paningin ng Diyos ay isa siyang magnanakaw. BB 1041.1
Ang madalas sabihin ni Kristo na ang kaharian Niya ay hindi sa sanlibutang ito ay nakayamot kay Judas. Gumawa siya ng isang balangkas ng paggawa na inasahan niyang siyang susundin ni Kristo. Pinanukala niyang si Juan Bautista ay hanguin o palayain sa bilangguan. Nguni't narito, si Juan ay pinabayaang mapugutan ng ulo. At sa halip na ipakipaglaban ni Jesus ang Kaniyang makaharing karapatan at ipaghiganti ang pagkakapatay kay Juan, ay nagtungo sa isang kubling pook sa labas ng bayan, na kasama ang Kaniyang mga alagad. Ang ibig ni Judas ay mapusok na pakikipaglaban. Inakala niyang kung hindi pipigilan ni Jesus ang mga alagad sa pagsasa gawa ng kanilang mga panukala, ay magiging higit na matagumpay ang gawain. Napansin niya ang lumalaking pakikipaglaban ng mga pinunong Hudyo, at nakita niyang ang hamon nila na si Kristo'y magpakita ng isang tanda sa langit ay hindi na' naman Niya pinansin. Ang puso niya ay bukas sa pag-aalinlangan, at binigyan siya ng kaaway ng mga isipan ng di-paniniwala at paghihimagsik. Bakit ang laging sinasabi ni Jesus ay ang bagay na nakapagpapahina-ng-loob? Bakit Niya sinasabi nang pauna na Siya at ang Kaniyang mga alagad ay daranas ng pagsubok at pag-uusig? Ang kaniyang pag-asang siya'y magkakaroon ng mataas na katungkulan sa bagong kaharian ay siyang umakay kay Judas upang katigan at itaguyod ang gawain ni Kristo. Mabibigo ba ang Kaniyang pag-asa? Wala pang tiyak na pasiya si Judas kung paniniwalaan niyang si Jesus ay Anak nga ng Diyos; nguni't siya'y nagbabaki-baki, at sinisikap niyang makasumpong ng kapaliwanagan tungkol sa Kaniyang mga makapangyarihang gawa. BB 1041.2
Bagama't hindi itinuturo ng Tagapagligtas, patuloy naman si Judas sa pagpapahiwatig ng kuru-kuro na si Kristo ay uupo bilang hari sa Jerusalem. Noong pakainin ang limang libo ay sinikap niyang ito'y maihayag. Sa pagkakataong ito ay tumulong si Judas sa pamamahagi ng pagkain sa nagugutom na karamihan. Nagkaroon siya ng pagkakataon na makita ang kapakinaba-ngang maibibigay niya sa mga iba. Nakadama siya ng kasiyahang laging idinudulot ng paglilingkod sa Diyos. Tumulong siya sa pagdadala sa mga maysakit at mga nahihirapan na nasa gitna ng karamihan upang mailapit kay Kristo. Nakita niya ang ginhawa, ang katuwaan at kaligayahan, na sumasapuso ng mga tao dahil sa nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagsauli ng kalusugan. Dapat sana'y naintindihan niya ang mga pamamaraan ni Kristo. Nguni't siya'y binulag ng sarili niyang mga sakim na hangarin. Siya ang unang-unang nagsamantala sa kasiglahan at katuwaang idinulot ng kababalaghan tungkol sa mga tinapay. Siya ang nag-udyok na si Kristo ay agawin sa pamamagitan ng dahas upang Siya ay gawing hari. Malaking-malaki ang kaniyang pagasa. Kaya kaypait naman ng kaniyang pagkabigo. BB 1042.1
Ang sermon ni Kristo sa sinagoga tungkol sa tinapay ng buhay ay siyang bumago sa kasaysayan ni Judas. Napakinggan niya ang mga salitang, “Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao, at inumin ang Kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili.” Juan 6:53. Napag-unawa niya na ang iniaalok ni Kristo ay kabutihang espirituwal at hindi pansanlibutan. Itinuring niyang siya'y may mabuting pagkukuro, at sa isip niya ay nakita niyang si Jesus ay walang tatamuhing karangalan, at hindi makapagbibigay ng anumang mataas na tungkulin sa mga tagasunod Niya. Ipinasiya niyang huwag nang makisama nang lubhang malapit kay Kristo, nguni't hindi naman siya agad-agad hihiwalay. Siya'y magmamasid. At nagmasid nga siya. BB 1043.1
Magbuhat noon ay nagpahayag na siya ng mga alin-langan na gumulo sa isip ng mga alagad. Nagpasok siya ng mga ikapa-gtatalo at ng mga nagsisinsay na mga isipan, na inuulit ang mga katwirang iginigiit ng mga eskriba at mga Pariseo laban sa mga inaangkin ni Kristo. Ang lahat ng maliliit at malalaking bagabag at mga sagabal, ang mga kahirapan at ang wari'y mga hadlang sa pagsulong ng ebanghelyo, ay ipinaliwanag ni Judas na mga katunayan na hindi nga ito totoo. Babasa siya ng mga talata sa Kasulatan na wala namang kaugnayan sa mga katotohanang inihahayag ni Kristo. Ang mga talatang ito, na hiwalay sa kanilang kinauugnayan, ay gumulo sa isip ng mga alagad, at nagpalaki sa panlulupaypay na lagi nang pumipiyapis sa kanila. Gayunma'y ginawa ni Judas ang lahat ng ito sa isang paraan na lilitaw na siya'y tapat sa kaniyang paniniwala. At samantalang naghahanap ang mga alagad ng mga katunayan na magpapatibay sa mga salita ng Dakilang Guro, aakayin naman sila ni Judas sa ikasisinsay nila nang hindi nila nahahalata. Kaya nga sa isang napakatapat at matalinong paraan, ay inihaharap ni Judas ang mga bagay-bagay nang salungat sa inihayag ni Jesus sa kanila, at binibigyan niya ng kahulugan ang mga salita Nito na hindi Nito sinabi. Ang mga mungkahi niya ay laging lumilikha ng masidhing paghahangad ng mga kapakinabangang panlupa, at sa ganitong paraa'y inaalis ang isipan ng mga alagad sa mahahalagang bagay na siyang dapat sana nilang isaalang-alang. Ang pagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang dapat na maging pinakadakila ay si Judas ang siyang karaniwan nang may-udyok. BB 1043.2
Nang iharap ni Jesus sa mayamang binatang pinuno ang kondisyon ng pagiging-alagad, ay hindi nasiyahan si Judas. Inakala niyang may nagawang isang pagkakamali. Kung ang mga ganitong tao na gaya ng pinunong ito ay magiging kasama ng mga sumasampalataya, walang pagsalang makatutulong sila sa gawain ni Kristo. Kung si Judas lamang ay tinanggap bilang isang tagapayo, naisip niya, ay makapagmumungkahi siya ng maraming panukala para sa ikasusulong ng maliit na iglesya. Ang kaniyang mga simulain at mga pamamaraan ay maaaring medyo naiiba sa kay Kristo, nguni't ipinala-lagay niyang sa mga bagay na ito higit siyang marunong at matalino kaysa kay Kristo. BB 1044.1
Sa lahat ng mga sinabi ni Kristo sa Kaniyang mga alagad, ay may isang bagay na hindi inaayunan ng puso ni Judas. Sa ilalim ng kaniyang impluwensiya ay matuling gumagawa ang lebadura ng di-kasiyahan. Hindi nakita ng mga alagad kung kanino nanggaling ang bagay na ito; nguni't nakita ni Jesus na isinasalin ni Satanas kay Judas ang kaniyang mga likas, at sa gayon ay nagbubukas ng daan upang sa pamamagitan nito ay maimpluwensiyahan ang ibang mga alagad. Isang taon pa bago ipagkanulo si Kristo, ito'y sinabi na Niya. “Hindi baga hinirang Ko kayong labindalawa,” wika Niya, “at ang isa sa inyo ay diyablo?” Juan 6:70. BB 1044.2
Gayunuma'y hindi gumawa si Judas ng anumang hayagang pagsalungat, ni ng wari'y paglaban man sa mga turo ng Tagapagligtas. Hindi siya bumulung-bulong nang lantaran hanggang sa dumating ang piging sa bahay ni Simon. Nang buhusan ni Maria ng ungguwento ang mga paa ng Tagapagligtas, ay inihayag ni Judas ang kaniyang ugaling mapag-imbot. Nang siya'y sawayin ni Jesus ang diwa niya ay naging kasimpait ng apdo. Ang nasaktang damdamin ng kapalaluan at ang paghahangad na makaganti ay nagpaguho ng lahat niyang pagpipigil, at ang kasakimang maluwat na niyang kinikimkim-kimkim ay siya nang nakapangyari sa kaniya. Ito ang magiging karanasan ng lahat ng nagpipilit makipaglaro sa kasalanan. Ang mga elemento ng kasamaan na hindi nilalabanan at dinadaig ay tumutugon sa tukso ni Satanas, at binibihag ang kaluluwa ayon sa ibig nito. BB 1045.1
Nguni't hindi pa lubusang nagmamatigas si Judas. Kahit dalawang ulit na siyang nakipagtipan na ipagka-kanulo ang Tagapagligtas, ay may pagkakataon pa rin siya upang magsisi. Sa hapunan noong araw ng Paskuwa ay pinatunayan ni Jesus ang Kaniyang pagka-Diyos sa pamamagitan ng pagbubunyag ng binabalak ng taksil. Gayunma'y magiliw pa rin Niyang isinama si Judas sa Kaniyang paglilingkod sa mga alagad. Nguni't ang kahuli-hulihang pamanhik ng pag-ibig ay hindi pinaking-gan. Noon napasiyahan ang kalagayan ni Judas, at ang mga paang hinugasan ni Jesus ay humayo upang gawin ang gawain ng tagapagkanulo. BB 1045.2
Ikinatwiran ni Judas na kung sadyang dapat ipako sa krus si Jesus, ay kailangang ito ay mangyari. Ang kaniyang ginawang pagkakanulo sa Tagapagligtas ay hindi makababago sa dapat mangyari. Kung si Jesus ay hindi dapat mamatay, mapipilitan Itong iligtas ang Kaniyang sarili. Anuman ang mangyari, si Judas ay makikinabang sa kaniyang pagtataksil. Itinuring niyang siya ay nakinabang nang malaki sa pagkakapagkanulo niya sa kaniyang Panginoon. BB 1046.1
Gayon pa man, hindi naniniwala si Judas na pahihintulutan ni Kristong ang sarili Niya ay hulihin. Sa pagka-kanulo sa Kaniya, ay layunin ni Judas na Siya'y turuan ng aral. Ibig niyang gampanan ang isang bagay na aakay sa Tagapagligtas na mag-ingat sa kaniya upang siya'y pakkunguhang may paggalang. Nguni't hindi alam ni Judas na inihahatid niya si Kristo sa kamatayan. Kaydalas nga, na sa pagtuturo ng Tagapagligtas ng mga talinhaga, ay napapaniwala Niya ang mga eskriba at mga Pariseo ng Kaniyang maliliwanag at nakapagkikintal na mga halimbawa! Kaydalas nga na ginawaran nila ng hatol ang kanilang mga sarili! Malimit na pagka ang katotohanan ay naitatanim sa kanilang mga puso, ay nalilipos sila ng galit, at nagsisidampot sila ng mga bato upang Siya'y pukulin; nguni't muli at muli Siyang nakakatakas. Yamang marami na Siyang naiwasang mga patibong, naisip ni Judas, tiyak na hindi Niya pahihintulu-tang ang sarili Niya ay madakip. BB 1046.2
Ipinasiya ni Judas na isagawa ang pagsubok. Kung si Jesus nga ang talagang Mesiyas, ang mga taong ginawan Niya ng maraming kabutihan, ay sama-samang magsisikilos sa palibot Niya, at itatanyag Siyang hari. Ito ang magpapatahimik na magpakailanman sa maraming isip na hanggang ngayon ay nasa alinlangan pa. Sa gayo'y magkakaroon si Judas ng karangalan bilang siyang naglagay sa hari sa luklukan ni David. At ang gawang ito ang tiyak na magbibigay sa kaniya ng pinakamataas na tungkulin, na kasunod ng kay Kristo, sa bagong kaharian. BB 1046.3
Isinagawa ng bulaang alagad ang bahagi niya sa pagkakanulo kay Jesus. Sa halamanan, nang sabihin niya sa mga lider ng magugulo't masasamang karamihan na, “Ang aking hagkan, ay Siya nga: hawakan ninyo Siya nang mahigpit” (Mateo 26:48), ay lubos ang kaniyang paniniwalang si Kristo ay makakatakas sa kanilang mga kamay. At kung Siya'y makatakas at sisihin nila siya, ay masasabi niyang, Hindi ba sinabi ko sa inyo, Hawakan ninyo Siya nang mahigpit? BB 1047.1
Nakita ni Judas ang mga nagsihuli kay Kristo, na nag-sisunod sa kaniyang mga sinabi, at si Jesus ay ginapos nang mahigpit. Sa labis niyang pagtataka ay nakita niyang pinabayaan ng Tagapagligtas na ang sarili Nito ay hulihin at dalhin. Sumisikdo ang kaloobang sumunod siya sa mga humuli kay Jesus mula sa halamanan hanggang sa Ito ay iharap sa mga pinunong Hudyo. Sa bawa't kilos ay inaabangan niyang gulatin Nito ang Kaniyang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagharap sa kanila bilang Anak ng Diyos, at sisirain ang lahat nilang mga pakana at kapangyarihan. Nguni't nang makalipas ang mga oras, at si Jesus ay patuloy pa ring napaiilalim sa lahat ng pagmamalabis at pagmamalupit na iniuukol sa Kaniya, ay isang kakila-kilabot na pagkasindak ang sumaklot sa taksil na si Judas sa pagkaunawa niyang ang kaniyang Panginoon ay ipinagbili niya upang ihatid sa kamatayan Nito. BB 1047.2
Nang nalalapit na ang wakas ng paglilitis, ay hindi na natiis ni Judas ang sumbat ng kaniyang budhi. Biglang- biglang umalingawngaw sa buong bulwagan ang isang bahaw na tinig, na nagdulot ng sindak sa puso ng lahat ng mga tao: Siya'y walang kasalanan, Oh Caifas, huwag mo Siyang hatulan! BB 1047.3
Ang mataas na anyo ni Judas ay nakita ngayong gumi-gitgit sa gulilat na karamihan. Namumutla at humpak ang kaniyang mukha, at malalaking patak ng pawis ang namumuo sa kaniyang noo. Tumakbo siya sa luklukan ng hukom, ibinulaksak sa harap ng dakilang saserdote ang mga putol ng pilak na siyang naging halaga ng pagkakanulo niya sa kaniyang Panginoon. Agad niyang hinawakan ang damit ni Caifas, nakiusap siyang pawalan na si Jesus, na sinasabing wala naman Itong nagawang anumang karapat-dapat sa kamatayan. Pagalit na itinulak siya ni Caifas, nguni't ito'y lito, at hindi malaman kung anong sasabihin. Nahayag ang kataksilan ng mga saserdote. Maliwanag na sinuhulan nila ang alagad upang ipagkanulo ang kaniyang Panginoon. BB 1049.1
“Nagkasala ako,” muling sigaw ni Judas, “sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan.” Datapwa't ang dakilang saserdote, na pinanumbalikan na ng sariling kahinahunan, ay palibak na sumagot, “Ano sa amin? ikaw ang bahala niyan.” Mateo 27:4. Handa ang mga saserdoteng si Judas ay gawing kasangkapan nila; nguni't hinamak nila ang kaniyang kaimbihan. Nang humarap siya sa kanila na umaamin sa kaniyang pagkakasala, ay binulyawan nila siya. BB 1049.2
Ngayo'y nagdumapa si Judas sa paanan ni Jesus, na kinikilalang Ito nga ang Anak ng Diyos, at pinakiusapan Itong iligtas ang sarili. Hindi kinutya ng Tagapagligtas ang nagkanulo sa Kaniya. Batid Niyang hindi nagsisisi si Judas; ang pag-amin nito at pagpapahayag ng sala ay ipinilit ng nagkasala nitong kaluluwa dahil sa kakila-kilabot na pagkadama ng kahatulan at paghihintay ng paghuhukom, nguni't wala itong nararamdamang taim-tim na pagkalumbay sa pagkakapagkanulo nito sa wa- lang-dungis na Anak ng Diyos, at pagkakapagtakwil sa Isa na Banal ng Israel. Gayunma'y hindi nagsalita si Jesus ng anumang salita ng pagsumbat. Buong kahaba-gang minasdan Niya si Judas, at nagwika, “Dahil dito naparito Ako sa sanlibutan.” BB 1049.3
Umugong ang panggigilalas sa buong kapulungan. May pagtatakang nakita nila ang pagtitiis ni Kristo sa nagkanulo sa Kaniya. Muling sumaloob nila na ang Lalaking ito ay hindi tao. Nguni't kung Siya naman ay Anak ng Diyos, tanong nila, bakit hindi Niya palayain ang Kaniyang sarili sa Kaniyang pagkakagapos at daigin ang mga nagpaparatang sa Kaniya? BB 1050.1
Nakita ni Judas na wala nang kabuluhan ang kaniyang mga pakiusap, kaya't nagmamadali siyang lumabas sa bulwagan na sumisigaw, “Totoong huli na! Totoong huli na!” Naramdaman niyang hindi niya makakayang makitang si Jesus ay ipako sa krus, at sa kaniyang kawalang-pag-asa ay umalis at nagbigti. BB 1050.2
Sa dakong hapon nang araw ding yaon, sa daang buhat sa hukuman ni Pilato hanggang sa Kalbaryo, ay biglang napigil ang mga sigawan at mga panunuya ng masa-samang karamihan na nagsisipaghatid kay Jesus sa pook na pagpapakuan sa Kaniya. Nang magdaan sila sa isang ilang na pook, ay natanawan nila sa paanan ng isang patay na punungkahoy, ang bangkay ni Judas. Isang tana-win iyon na nakapanghihilakbot makita. Dahil sa kaniyang bigat ay nalagot ang lubid na itinali niya sa punungkahoy at kaniyang ipinagbigti. Sa kaniyang pagbagsak, ay nagkabali-bali at nagkaluray-luray ang kaniyang katawan, at ngayo'y kinakain ito ng mga aso. Ang kaniyang bangkay ay madaling inilibing; nguni't nagbawa ang panlilibak ng karamihan, at maraming namumutlang mukha ang naghayag ng isinasaloob nilang damdamin. Waring dumadalaw na ang paghihiganti sa mga nagkasala sa dugo ni Jesus. BB 1050.3