Bukal Ng Buhay
Kabanata 75—Sa Harap ni Anas at ng Hukuman ni Caipas
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 26:57-75; 27:1; Marcos 14:53-72; 15:1; Lukas 22:54-71; Juan 18:13-27.
Madalian nilang itinawid si Jesus sa batis Kedron, nilampasan ang mga halamanan at mga olibuhan, at tinalunton ang mga tahimik na lansangan ng natutulog na lungsod. Lampas na ang hatinggabi, at ang sigawan ng magugulong karamihan na nagsisunod sa Kaniya ay pumunit sa katahimikan. Nakagapos ang Tagapagligtas at mahigpit na binabantayan, at hirap na hirap Siya sa Kaniyang pagkilos. Datapwa't sa pagmamadali ng mga nagsihuli sa Kaniya ay doon nila Siya nadala sa palasyo ni Anas, ang dating dakilang saserdote. BB 1012.1
Si Anas ang pangulo ng nanunungkulang kaanakang saserdote, at bilang paggalang sa kaniyang katandaan ay kinikilala siya ng bayan na dakilang saserdote. Hini-hingi nila ang kaniyang payo at tinutupad iyon na parang tinig ng Diyos. Dapat muna niyang makita na si Jesus ay bihag ng kapangyarihan ng saserdote. Kailangang siya'y kaharap sa paglilitis sa bilanggo, baka ang kulang-sa-karanasang si Caifas ay hindi makapaglagda ng hatol na sinisikap nilang siyang mailagda. Kailangang magamit sa pagkakataong ito ang kaniyang kasuwitikan, katusuhan, at pagkamaparaan; sapagka't anuman ang mangyari, ay dapat matiyak ang hatol kay Kristo. BB 1012.2
Si Kristo ay dapat sanang litisin sa harap ng Sanedrin; nguni't sa harap ni Anas ay ipinailalim Siya sa isang paunang paglilitis o preliminary trial. Ayon sa batas ng Roma ay hindi makapagpapatupad ng hatol na kamatayan ang Sanedrin. Masisiyasat lamang nila ang isang bilanggo, makapaggagawad ng hatol, na dapat pagtibayin ng mga maykapangyarihan sa Roma. Dahil dito ay kailangang makapagharap ng mga paratang laban kay Kristo na ituturing na kriminal ng pamahalaan ng Roma. Kailangan din ang isang paratang na hahatol sa Kaniya sa paningin ng mga Hudyo. Hindi kakaunti sa mga saserdote at mga pinuno ang nasumbatan ng mga turo o aral ni Kristo, at kaya lamang hindi nila itinanyag Siya ay dahil sa takot nilang sila'y itiwalag sa sinagoga. Buhay pa sa alaala ng mga saserdote ang tanong ni Nicodemo, “Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya muna'y dinggin, at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa?” Juan 7:51. Ang tanong na ito ay sandaling panahong gumulo sa kapulungan, at sumira sa kanilang mga panukala. Si Jose na taga-Arimatea at si Nicodemo ay kapwa hindi ipinatawag ngayon, subali't mayroon pang iba na maaaring mangahas na magsalita nang ayon sa katarungan. Ang paglilitis ay dapat isagawa sa isang paraang makapagkakaisa ang mga kagawad ng sanedrin laban kay Kristo. May dalawang paratang na ibig ng mga saserdote na maitagu yod. Kung si Jesus ay mapatutunayang isang namumusong laban sa Diyos, Siya'y mahahatulan ng mga Hudyo. At kung mapatutunayang Siya'y nagkasala ng sedisyon o pang-uudyok ng pagbabangon laban sa pamahalaan, ay mahahatulan Siya ng mga Romano. Ang pangalawang paratang ang siyang unang sinikap ni Anas na mapagtibay. Tinanong niya si Jesus tungkol sa Kaniyang mga alagad at sa Kaniyang mga aral o doktrina, sa pag-asang ang bilanggo ay makapagsasabi ng anumang bagay na makapagbibigay sa Kaniya ng katunayang magagamit niya. Inisip niyang makakuha kay Kristo ng mga pangungusap na magpapatunay na Ito ay nagtatatag ng isang lihim na samahan, na ang layunin ay makapagtayo ng isang bagong kaharian. Kung magkagayo'y maibibigay ng mga saserdote si Jesus sa mga Romano bilang isang manggugulo ng kapayapaan at tagalikha ng paghihimagsik. BB 1013.1
Nabasa ni Kristo na gaya ng isang bukas na aklat ang nilalayon ng saserdote. Para manding natutunghayan ang kaibuturan ng kaluluwa ng nagtatanong sa Kaniya, itinatwa Niyang Siya at ang Kaniyang mga alagad ay may anumang lihim na tali ng pagkakaisa, ni tinitipon man Niya sila nang palihim at sa dilim upang ikubli ang Kaniyang mga panukala. Wala Siyang mga inililihim tungkol sa Kaniyang mga panukala o mga aral. “Ako'y hayag na nagsalita sa sanlibutan,” ang tugon Niya, “Ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga, at sa templo, na siyang laging pinagkakatipunan ng lahat ng mga Hudyo; at wala Akong sinalita sa lihim.” BB 1014.1
Ipinakilala ng Tagapagligtas na ibang-iba ang Kaniyang paraan ng paggawa kaysa mga paraan ng mga nagsisiusig sa Kaniya. Mga buwan na ang nagugugol sa paghanap nila sa Kaniya, na sinisikap na Siya'y masilo at madala sa harap ng isang lihim na hukuman, na doo'y maaring matamo nila sa pamamagitan ng panunumpa ng kasinungalingan ang bagay na di-maaaring makuha sa makatarungang pamamaraan. Ngayo'y isinasakatuparan na nila ang kanilang panukala. Ang paghuli sa Kaniya sa hatinggabi ng magulong karamihan, ang panlilibak at pagmamalabis nila sa Kaniya hindi pa man Siya nahahatulan, o napararatangan man, ay siya nilang paraan ng paggawa, at hindi Kaniyang paraan. Ang ginawa nila ay labag sa batas o sa kautusan. Ang sarili nilang mga batas ay nagsasabing ang bawa't tao ay dapat tratuhin o paki-tunguhang gaya ng isang walang-kasalanan hanggang sa ito'y mapatunayang nagkasala. Sarili na rin nilang mga batas ang humatol sa mga saserdote. BB 1014.2
Binalingan ni Jesus ang nagtatanong sa Kaniya, at nagwika, “Bakit Ako'y iyong tinatanong?” Hindi ba ang mga saserdote at mga pinuno ay nagsugo ng mga tiktik upang matyagan ang Kaniyang mga kilos, at iulat ang bawa't salita Niya? Hindi ba't kaharap silang lagi sa lahat ng pagtitipon ng bayan, at ipinatatalastas naman sa mga saserdote ang lahat Niyang mga sinasabi at mga ginagawa? “Tanungin mo silang nangakarinig sa Akin kung anong sinalita Ko sa kanila,” tugon ni Jesus, “narito, ang mga ito ang nangakakaalam ng mga bagay na sinabi Ko.” BB 1015.1
Natigilan si Anas sa isinagot sa kaniya. Sa pag-aala-alang baka si Kristo'y makapagsabi pa ng tungkol sa kaniyang mga ginagawa na nais niyang manatiling lihim, ay hindi na siya nagsalita pa ng anuman sa Kaniya sa sandaling ito. Isa sa mga pinuno niya, dala ng galit sapagka't nakita nitong natigilan si Anas, ay sinampal si Jesus sa mukha, na sinasabi, “Ganyan ang pagsagot Mo sa dakilang saserdote?” BB 1015.2
Mahinahong sumagot si Kristo, “Kung Ako'y nagsalita ng masama, patotohanan mo ang kasamaan: datapwa't kung mabuti, bakit mo Ako sinampal?” Hindi Siya gumanti ng maiinit na salita. Ang mahinahon Niyang sagot ay nagbuhat sa isang pusong walang-kasalanan, matiisin, at banayad, na hindi napagagalit. BB 1015.3
Lubhang pinagmalabisan at hinamak si Kristo. Tinang-gap Niya ang lahat ng kadustaan sa mga kamay ng mga kinapal na Kaniyang nilalang, at siyang dahilan ng gina-gawa Niya ngayong walang-hanggang pagpapakasakit. At nagbata Siya ayon sa sukat ng kasakdalan ng Kaniyang kabanalan at ng Kaniyang pagkapoot sa kasalanan. Ang paglitis sa Kaniya ng mga taong natulad sa mga halimaw ay isang walang-hanggang sakripisyo sa Kaniya. Ipinaghihimagsik ng Kaniyang damdamin ang mapaligiran Siya ng mga taong pinaghaharian ni Satanas. At batid Niyang sa isang sandali lamang, kung gagamitin lamang Niya ang Kaniyang kapangyarihan ng pagka-Diyos, ay kagyat Niyang maibubuwal sa alabok ang mga nagpapahirap sa Kaniya. Lalo nitong pinapaging mahirap na tiisin ang paglilitis. BB 1015.4
Ang mga Hudyo ay naghihintay sa isang Mesiyas na mahahayag sa isang paraang marangal at marangya. Inasahan nila Siya, na sa pamamagitan ng isang bugso ng Kaniyang kapangyarihan, ay mababago Niya ang takbo o daloy ng pag-iisip ng mga tao, at mapipilit silang tang-gapin ang Kaniyang pagiging lubos na makapangyarihan. Ang paniwala nila, ay sa ganitong paraan Siya mabubunyi at mabibigyang-kasiyahan ang matatayog nilang mga pag-asa. Kaya nga nang si Kristo'y pakitunguhang may paghamak, ay dumating sa Kaniya ang matinding tukso na ipakita ang Kaniyang likas na pagka-Diyos. Sa pama-magitan ng isang salita, ng isang tingin, ay mapipilit Niya ang mga nagsisiusig sa Kaniya na magsipagpahayag na Siya ay Panginoong nakahihigit sa mga hari at mga pinuno, sa mga saserdote at templo. Nguni't tungkulin Niyang manatili sa katayuan o kalagayang pinili Niya na maging isa sa mga tao. BB 1016.1
Nasaksihan ng mga anghel sa langit ang bawa't kilos na ginawa laban sa kanilang minamahal na Komandante. Hangad nilang iligtas si Kristo. Sa pangangasiwa ng Diyos, ang mga anghel ay makapangyarihan sa lahat. Sa isang pagkakataon, sa pagtalima nila sa utos ni Kristo, ay pumatay sila sa hukbo ng Asiria sa isang gabi ng sandaan at walumpu't limang libong katao. Kaydali ngang magagawa ng mga anghel, na nakakakita sa nakahihiyang tanawin ng pagliligtas kay Kristo, na ipakilala ang kanilang galit sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga kaaway ng Diyos! Datapwa't hindi sila inutusang gumawa nito. Siya na makapagpaparusa ng kamatayan sa Kaniyang mga kaaway ay nagtiis ng kanilang kalupitan. Ang pagibig Niya sa Kaniyang Ama, at ang Kaniyang pangako, na ginawa noong itatag ang sanlibutan, na maging Tagapagdala ng Kasalanan, ay umakay sa Kaniya upang tiising walang-tutol ang magaspang na inaasal sa Kaniya ng mga pinarituhan Niya upang iligtas. Sa Kaniyang pagiging-ao ay bahagi ng Kaniyang misyon ang magtiis ng lahat ng mga pagkutya at mga pagmamalabis na maipapataw ng mga tao sa Kaniya. Ang tanging pag-asa ng sangkatauhan ay ang pagpapasakop na ito ni Kristo sa lahat ng Kaniyang matitiis sa mga kamay at mga puso ng mga tao. BB 1016.2
Si Kristo ay walang sinabing anumang bagay na makapagbibigay ng kalamangan sa mga nagpaparatang sa Kaniya; gayunman Siya'y nagagapos, upang ipakilalang Siya ay nahatulan. Gayon pa man, dapat magkaroon ng pagkukunwari na katarungan ang pinaiiral o sinusunod. Kailangang magkaroon ng anyo ng paglilitis na ayon sa batas. Ito'y ipinasiya ng mga maykapangyarihan na madaliin. Batid nila ang pagtingin ng mga tao kay Jesus, at sila'y nangangambang baka kung mabalitaan ng marami ang paghuli sa Kaniya, ay maaaring tangkain ang pagagaw at pagliligtas sa Kaniya. At saka, kung hindi mamadaliin ang paglilitis at pagpatay sa Kaniya, ay maaantala ito nang isang linggo dahil sa pagdiriwang ng Paskuwa. Ito'y maaaring makasira ng kanilang mga panukala. Upang mapahatulan nila si Jesus ay inasahan nila ang sigaw ng magugulong karamihan, na marami sa mga ito ay mga manliligalig sa Jerusalem. Kung magkakaroon pa ng sanlinggong pagkaantala, ay lilipas na ang alingasngas, at magbabalik ang katahimikan. Ang lalong mabubuting tao ay mapupukaw na pumanig kay Kristo; marami ang haharap upang magpatunay na Siya'y walang-sala, at sasariwain ang lahat ng mga makapangyarihan Niyang mga gawa. Ito'y makakikilos sa lahat upang mamuhi sa Sanedrin. Kokondenahin ng mga tao ang kanilang mga pamamaraan, at si Jesus ay pawawalan, upang muli na namang igalang at pintuhuin ng mga karamihan. Kaya nga ipinasiya ng mga saserdote at mga pinuno na bago mahayag at malantad ang kanilang binabalak, ay maibigay na muna si Jesus sa mga kamay ng mga Romano. BB 1017.1
Nguni't una sa lahat, dapat munang magkaroon ng maipararatang. Wala pa silang natatamong anuman. Iniutos ni Anas na dalhin si Jesus kay Caifas. Si Caifas ay kasamahan ng mga Saduceo, na ang iba sa mga ito ay siya ngayong mahihigpit na kaaway ni Jesus. Ang Caifas na ito, bagaman kulang sa tibay ng likas, ay kasimbagsik, matigas ang puso, at kasinliko ni Anas. Walang paraang hindi niya susubukin maipahamak lamang niya si Jesus. Ngayo'y mag-uumaga na, at napakadilim; sa pamamagitan ng liwanag ng mga sulo at mga parol ay inihatid si Jesus ng mga nasasandatahang pulutong sa palasyo ng dakilang saserdote. Dito, samantalang nagdaratingan ang mga kagawad ng Sanedrin, ay muling tinanong ni Anas at Caifas si Jesus, nguni't walang nangyari. BB 1019.1
Nang ang kapulungan ay magtipon sa bulwagan ng hukuman, ay umupo si Caifas sa panguluhan. Sa magkabilang panig ay nangaroon ang mga hukom, at ang mga tangi nang interesado sa paglilitis. Ang mga kawa! na Romano ay nangakabantay sa platapormang nasa ibaba ng luklukan. Sa paanan ng luklukan o trono ay naroong nakatayo si Jesus. Nakatuon sa Kaniya ang paningin ng lahat ng karamihan. Matindi ang umaaling damdamin sa lahat. Sa buong karamihan ay Siya lamang ang payapa at panatag. Ang simoy na pumaligid sa Kaniya ay wari manding nalilipos ng isang banal na impluwensiya. BB 1019.2
Itinuring ni Caifas si Jesus na isa niyang kaagaw. Ang kasabikan ng mga tao na mapakinggan ang Tagapagligtas, at ang pagiging handa nilang tanggapin ang Kaniyang mga turo, ay lumikha ng labis na pagkainggit ng dakilang saserdote. Subali't nang mapagmasdan ngayon ni Caifas ang bilanggo, ay humanga siya nang gayon na lamang sa marangal at kapita-pitagang tindig Nito. Pumasok sa kaniyang puso ang paniniwalang ang Taong ito ay kawangis ng Diyos. Nguni't bigla niyang iwinaksing may paglibak ang isipang ito. Kapagdaka'y narinig ang nangungutya't mapagpalalo niyang tinig na maatasan si Jesus na gumawa ng isa sa Kaniyang mga makapangyarihang himala sa harap nila. Nguni't parang walang narinig na anuman ang Tagapagligtas. Napaghambing ng mga tao ang linggal at galit na kilos nina Anas at Caifas at ang payapa at kagalang-galang na kaanyuan ni Jesus. Maging sa pag-iisip ng matitigas-ang-loob na karamihang yaon ay nagbangon ang katanungan, Ang tao bang ito na may kaanyuang kawangis ng Diyos ay hahatulang tulad sa isang kriminal? BB 1019.3
Sa pagkahalata ni Caifas na nababago ang damdamin ng mga tao, minadali niya ang paglilitis. Nasa malaking kagulumihanan ang mga kaaway ni Jesus. Mapilit ang loob nilang Siya'y mahatulan, nguni't kung paano ito maisasakatuparan ay siyang hindi nila maalaman. Ang mga kagawad ng kapulungan ay nahahati sa mga Pariseo at sa mga Saduceo. Mahigpit ang pagkakahhgalit ng dalawang pangkating ito; may mga bagay ng paniniwala na ayaw nilang pag-usapan sa pangambang iyon ang pagsimula ng pag-aaway. Sa pamamagitan ng ilang salita ni Jesus ay magagawa ni Jesus na ang mga ito na ang magsipag-away sa isa't isa, at sa gayo'y ma-alis ang galit nila sa Kaniya. Alam ito ni Caifas, at iniwasan niyang lumikha ng pagtatalo. Marami ang mga saksing makapagpapatunay na talagang tinuligsa ni Kristo ang mga saserdote at ang mga eskriba, na tinawag Niya silang mga mapagpaimbabaw at mga mamamatay-tao; nguni't ang ganitong patotoo ay hindi dapat ipasok. Sa mga pakikipagtalo man ng mga Saduceo laban sa mga Pariseo ay ganyan din ang mga salitang kanilang ginamit. At ang ganitong patotoo ay hindi pahahalagahan ng mga Romano, na mga yamot din sa mga pagku-kunwari ng mga Pariseo. Sagana ang katibayang talagang niwalang-halaga ni Jesus ang mga sali't saling sabi ng mga Hudyo, at hindi Niya pinagpitaganan ang marami sa kanilang mga palatuntunan o mga seremonya; subali't kung ang pag-uusapan ay ang mga sali't saling sabi ay magkalabang-magkalaban ang mga Pariseo at ang mga Saduceo; at ang katibayang ito ay hindi rin pahahalagahan ng mga Romano. Hindi rin mapangahasan ng mga kaaway ni Kristo na Siya ay paratangang lumalabag sa Sabbath baka kung suriin nila ay kanilang makilala ang likas ng Kaniyang gawain. Kung mahahayag ang mga himala Niya ng pagpapagaling, ay mabibigo ang sadyang nilalayon ng mga saserdote. BB 1020.1
Nagsuhol ng mga bulaang saksi upang paratangan si Jesus na nagbabangon ng paghihimagsik at nagsisikap magtatag ng isang hiwalay na pamahalaan. Nguni't napatunayang malabo at nagkakasalungatan ang kanilang mga patotoo. Sa ilalim ng pagsisiyasat ay lumitaw na pinabulaanan nila ang kanilang sariling mga pahayag. BB 1021.1
Noong nagsisimula pa lamang ang ministeryo ni Kristo ay sinabi Niya, “Igiba ninyo ang templong ito, at Aking itatayo sa tatlong araw.” Sa masagisag na pangungusap ng hula, ay Kaniya ngang ipinagpaunang-sinabi ang Kaniyang pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli. “Sinasalita Niya ang tungkol sa ternplo ng Kaniyang katawan.” Juan 2:19, 21. Inakala ng mga Hudyo na ang tinutukoy ni Jesus ay ang tunay na templong nasa Jerusalem. Sa lahat ng mga sinabi ni Kristo, ay walang makita ang mga saserdote na anumang mailaban sa Kaniya kundi ito. Kung babaligtarin nila ang Kaniyang mga pangungusap ay umaasa silang makalalamang sila. Nagpagod nang malaki ang mga Romano sa muling pagpa-patayo at pagpapaganda ng templo, at ito'y kanilang ipinagmalaki; ang anumang paghamak na ipakikita rito ay tiyak na kamumuhian nila. Dito'y magkakasundo ang mga Romano at mga Hudyo, ang mga Pariseo at mga Saduceo; sapagka't lahat sila'y may malaking paggalang sa templo. Sa bagay na ito ay nakasumpong sila ng dalawang makasasaksi na ang patotoo ay hindi gasinong nagkakasalungatan na gaya ng sa mga iba. Ang isa sa dalawang ito, na sinuhulan upang paratangan si Jesus, ay nagsabi, “Sinabi ng taong ito, Maigigiba ko ang templo ng Diyos, at muling itatayo ko sa tatlong araw.” Sa ganyang paraan binaligtad ang mga pangungusap ni Kristo. Kung ang ibinalita lamang ay ang talagang sinalita Niya, hindi sana nila natamo ang Siya'y mahatulan ng Sanedrin. Kung si Kristo ay isang karaniwang tao lamang, gaya ng ipinalalagay ng mga Hudyo, ang Kaniyang mga ipinahayag ay magpapakilala lamang ng isang di-makatwiran at mayabang na diwa, nguni't hindi maituturing na isang pamumusong. Kahit na mga binaligtad ng mga bulaang saksi ang Kaniyang mga pangungusap, ay walang nasumpungan doon na maituturing ng mga Romano na isang kasalanang karapat-dapat sa kamatayan. BB 1021.2
Matiyagang pinakinggan ni Jesus ang nagkakasalu-ngatang mga patotoo. Wala Siyang binigkas na anumang salita ng pagsasanggalang sa Kaniyang sarili. Sa di-kawasa'y nasilo, nalito, at nagalit ang mga nagpaparatang sa Kaniya. Wala pa ring mangyari sa ginagawang pagli-litis; waring mabibigo ang kanilang mga balak. Desperado na si Caifas. Isa na lamang ang natitirang paraan; dapat pilitin si Kristo na hatulan ang sarili Niya. Tumindig ang dakilang saserdote sa kaniyang kinalilikmuan sa bulwagan ng hukuman, nakabadha sa kaniyang mukha ang galit, ang kaniyang tinig at kilos ay maliwanag na nagpapakilala na kung magagawa lamang niya ay sinaktan na sana niya ang bilanggong nasa kaniyang harapan. “Wala Kang isinasagot na anuman?” sigaw niya, “ano itong sinasaksihan ng mga ito laban sa Iyo?” BB 1022.1
Hindi umimik si Jesus. “Siya'y napighati, gayunman nang Siya'y dinalamhati, ay hindi nagbuka ng Kaniyang bibig: gaya ng Kordero na dinadala sa patayan, at gaya ng tupang nasa harap ng mga manggugupit sa kaniya ay pipi, gayunma'y hindi Niya binuka ang Kaniyang bibig.” Isaias 53:7. BB 1023.1
Sa wakas, iniunat ni Caifas ang kaniyang kamay sa dakong langit, at kinausap si Jesus sa anyong gumagawa ng isang solemneng panunumpa: “Kita'y pinapanunumpa alang-alang sa Diyos na buhay, na sabihin Mo sa amin kung Ikaw nga ang Kristo, ang Anak ng Diyos.” BB 1023.2
Sa ganitong pamanhik ay hindi makapananahimik si Kristo. May panahon ng pananahimik, at may panahon ng pagsasalita. Hindi Siya nagsalita hanggang hindi Siya tuwirang tinatanong. Batid Niyang sa pagsagot Niya ngayon ay tiyak nang Siya'y papatayin. Nguni't ang pamanhik ay ginawa alang-alang sa kataas-taasang kapamahalaan ng bansa, at pangalan ng Kataas-taasang Diyos. Hindi maaaring di-ipakilala ni Kristo ang pag-galang Niya sa kautusan. Higit pa sa rito, ang kaugnayan Niya sa Ama ay tinatanong. Kailangang maliwanag Niyang sabihin ang tunay Niyang likas at misyon. Sinabi ni Jesus sa Kaniyang mga alagad, “Kaya't ang bawa't kumilala sa Akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin Ko naman siya sa harap ng Aking Ama na nasa langit.” Mateo 10:32. Ngayon ay inulit Niya ang aral sa pama-magitan ng sarili Niyang halimbawa. BB 1023.3
Nakakiling ang lahat ng tainga upang makinig, at lahat ng mata ay nakatuon sa Kaniya nang Siya ay sumagot, “Ikaw ang nagsabi.” Isang liwanag na buhat sa langit ang wari manding suminag sa Kaniyang mukha nang magpatuloy Siya sa pagsasalita, “gayunma'y sinasabi Ko sa inyo, buhat ngayon ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.” BB 1023.4
Sandaling kumislap ang liwanag ng pagka-Diyos ni Kristo sa Kaniyang katawang-tao. Nangilabot ang daki-lang saserdote sa harap ng nananaliksik na paningin ng Tagapagligtas. Waring nababasa ng tinging yaon ang lihim niyang mga iniisip, at sinusubok ang kaniyang puso. Hindi niya kailanman nalimutan sa buong buhay niya ang nanunuot na titig na yaon ng inuusig na Anak ng Diyos. BB 1024.1
“Buhat ngayon,” wika ni Jesus, “ay inyong makikita ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan, at pumaparitong nasa mga alapaap ng langit.” Sa mga pangungusap na ito ay ipinakita ni Kristo ang kabaligtaran ng nangyayari nang sandaling yaon. Siya, na Panginoon ng buhay at kaluwalhatian, ay uupo sa kanan ng Diyos. Siya ang magiging Hukom ng buong lupa, at walang sinumang makapaghahabol pa sa Kaniyang kapasiyahan. Kung magkagayo'y malalantad sa liwanag ng mukha ng Diyos ang lahat ng lihim na bagay, at igagawad ang hatol sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa. BB 1024.2
Nagitlahanan ang dakilang saserdote sa mga salita ni Kristo. Ang isipin na magkakaroon ng isang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na sa panahong yaon ay tatayo ang lahat sa harap ng hukuman ng Diyos, upang tumanggap ng kagantihan ayon sa kani-kanilang mga gawa, ay isang bagay na ikinasisindak ni Caifas. Hindi niya ibig maniwalang sa haharapin ay tatanggap siya ng ganti ayon sa kaniyang mga gawa. Biglaang dumaan sa harap niya na parang isang panoorin ang mga tagpo ng huling paghuhukom. Sumandaling namalas niya ang nakasisindak na panoorin na parang nabuksan ang mga libingan at nagsilabas ang mga patay nito, kasama na pati ng mga lihim na bagay na ang akala nila'y napatago na magpakailanman. Sumandaling nadama niya na parang siya'y nakatayo sa harap ng walang-hang-gang Hukom, na ang mga matang nakakakita ng lahat ng mga bagay, ay nakatunghay sa kaniyang kaluluwa, at inilalantad sa liwanag ang mga hiwagang ipinalalagay na napatago nang kasama ng mga patay. BB 1024.3
Nagdaan ang panoorin sa paningin ng saserdote. Nasaktan siya, na Saduceo, ng mga salita ni Kristo. Tina-tanggihan ni Caifas ang aral tungkol sa pagkabuhay na mag-uli, sa paghuhukom, at sa buhay na haharapin. Ngayon ay nagalit siyang taglay ang bangis ni Satanas. Ang tao bang ito, na isang bilanggong nasa harap niya, ang babatikos sa kaniyang mga mahal na paniniwala? Hinapak niya ang kaniyang panlabas na kasuutan, upang makita ng mga tao ang pakunwari niyang pag-aagam-agam, at hiningi niyang ang bilanggo ay hatulan sa salang pamumusong nang wala nang pagsisiyasat pa. “Ano pa ang kailangan natin ng mga saksi?” sabi niya, “narito, ngayo'y narinig ninyo ang Kaniyang pamumusong. Anong inaakala ninyo?” At Siya'y hinatulan nilang lahat. BB 1025.1
Kasalanan at galit ang magkalakip na umakay kay Caifas upang gawin ang ganito. Kinapopootan niya ang kaniyang sarili dahil sa paniniwala niya sa mga salita ni Kristo, at sa halip na hapakin ang puso niya sa tindi ng pagkadama ng katotohanan, at sa halip na amining si Jesus nga ang Mesiyas, ay hinapak niya ang kaniyang damit-saserdote upang ipakilala ang kaniyang mahigpit na pagtutol. Lubhang makahulugan ang ginawang ito. Bahagya nang nadama ni Caifas ang kahulugan nito. Sa ginawa niyang ito, na ginawa upang impluwesiyahan ang mga hukom na hatulan si Kristo, ay hinatulan ng dakilang saserdote ang sarili niya. Alinsunod sa kautusan ng Diyos ay hindi na siya karapat-dapat sa pagkasaserdote. Siya na rin ang naggawad ng hatol na kamatayan sa kaniyang sarili. BB 1025.2
Hindi dapat hapakin ng isang saserdote ang kaniyang damit. Alinsunod sa kautusan ng mga Levita, ito'y ipinagbabawal at nilalapatan ng parusang kamatayan. Sa ilalim ng anumang mga pangyayari, sa anumang pagkakataon, ay hindi dapat hapakin ng saserdote ang kaniyang damit. Kaugalian ng mga Hudyo na hapakin ang damit kung namamatay ang mga kaibigan, subali't ang kaugaliang ito ay hindi ipinasusunod sa mga saserdote. Mahigpit na utos ang ibinigay ni Kristo kay Moises tungkol dito. Levitico 10:6. BB 1026.1
Lahat ng isinusuot ng mga saserdote ay dapat maging buo at walang dungis. Sa pamamagitan ng magagandang damit na itong ukol sa tungkulin ay inilalarawan ang likas ng dakilang inaaninuhan, na si Jesukristo. Wala kundi kasakdalan sa pananamit at sa kilos, sa salita at sa diwa, ang tinatanggap ng Diyos. Siya ay banal, at ang Kaniyang kaluwalhatian at kasakdalan ay dapat ilarawan sa mga paglilingkod dito sa lupa. Wala kundi kasakdalan ang nararapat na kumatawan sa kabanalan ng paglilingkod sa langit. Maaaring hapakin ng tao ang kaniyang puso sa pamamagitan ng pagpapakita ng diwang nagsisisi at nagpapakumbaba. Ito'y nanaising makita ng Diyos. Subali't sa damit ng pagkasaserdote ay walang dapat gawing paghapak, sapagka't ito'y makasisira sa paglalarawan ng mga bagay sa kalangitan. Ang dakilang saserdote na nangahas pakitang nasa banal na katungkulan, at naglilingkod sa santuwaryo, na punit ang damit, ay itinuturing na humiwalay na sa Diyos. Sa paghapak niya sa kaniyang damit ay humihiwalay siya o pinuputol na niya ang pagiging isang kinatawan ng likas ng Diyos. Hindi na siya tinatanggap ng Diyos bilang isang nanunungkulang saserdote. Ang ginawang paghapak na ito, na ipinakita ni Caifas, ay nagpakilala ng kapusukan ng loob ng tao, at ng kapintasan ng tao. BB 1026.2
Sa paghapak ni Caifas sa kaniyang damit, ay niwa-lang-halaga niya ang kautusan ng Diyos, upang masunod ang sali't saling sabi ng mga tao. Ang utos-na-gawa-ng-tao ay nagtatakda na sakaling may magsalita ng kapusungan ay maaaring hapakin ng isang saserdote ang kaniyang damit upang ipakitang siya'y nangingilabot sa kasalanan, at sa paggawa nito ay hindi siya nagkakasala. Sa ganitong paraan ay niwalang-halaga ng mga utos ng mga tao ang kautusan ng Diyos. BB 1027.1
Bawa't kilos ng dakilang saserdote ay minamatyagang may pananabik ng mga tao; at naisip ni Caifas na magpakita ng kabanalan upang mapagkabisa ang kaniyang gagawin. Nguni't sa ginawa niyang ito, na panukalang paratangan si Kristo, ay inuupasala niya ang Isa na tungkol sa Kaniya ay sinabi ng Diyos, “Ang Aking pangalan ay nasa Kaniya.” Exodo 23:21. Siya na rin ang nagkakasala ng pamumusong. Siya na nakatayong nasa ilalim ng hatol ng Diyos, ay naggawad ng hatol kay Kristo bilang isang namumusong. BB 1027.2
Nang hapakin ni Caifas ang kaniyang kasuutan, ang kaniyang ginawa ay nagpakilala ng magiging kalagayan ng bansa sa harapan ng Diyos. Ang bayang dati'y nilingap ng Diyos ay humihiwalay na sa Kaniya, at mabilis na nagiging isang bayang itinatakwil na ni Jehoba bilang Kaniya. Nang sa pagkakabayubay sa krus ay sabihin ni Kristo, “Naganap na” (Juan 19:30), at nang nahapak na nagkadalawa ang tabing ng templo, ay ipinahayag ng Banal na Nagmamasid na itinakwil na ng bansang Hudyo Siya na inaaninuhan ng lahat nilang mga sagi-sag, na siyang kabuuan ng lahat nilang mga anino. Ang Israel ay nahiwalay na sa Diyos. Tama sanang dito ay hapakin ni Caifas ang kaniyang damit; na nagpakilalang inangkin niyang siya ay kinatawan ng lubhang Dakilang Saserdote; sapagka't ang mga ito ay wala nang kahulugan para sa kaniya o para sa bayan man. Tamang dito ay hapakin ng dakilang saserdote ang kaniyang damit bilang pangingilabot o pagkasindak para sa kaniyang sarili at para sa bansa. BB 1027.3
Hinatulan ng Sanedrin si Jesus na karapat-dapat mamatay; nguni't nalalaban sa batas o sa kautusan ng mga Hudyo na litisin sa gabi ang isang tao. Ayon sa batas ay hindi magagawa ang paglilitis at paghatol kundi sa liwanag ng araw at sa harap ng sesyon ng buong kapulungan. Sa kabila ng lahat ng ito, ang Tagapagligtas ay pinakitunguhang gaya ng isang hinatulang kriminal, at ipinaubayang pagmalabisan ng pinakahamak at pinaka-imbi sa mga tao. Ang palasyo ng dakilang saserdote ay nakapaikot sa isang patyo na doon nagkatipon ang mga kawal at ang halu-halong karamihan. Dito sa patyong ito idinaan si Jesus patungo sa silid ng bantay, na sa kabi-kabila'y sinasalubong Siya ng panlilibak tungkol sa Kaniyang inaangking Siya ay Anak ng Diyos. Ang sarili Niyang mga salita, “na nakaupo sa kanan ng kapangyarihan,” at, “pumaparitong nasa mga alapaap ng langit,” ay buong pangungutyang inulit-ulit. Samantalang Siya'y nasa silid ng bantay, na naghihintay ng legal na paglitis sa Kaniya, ay hindi Siya ipinagsasanggalang. Nakita ng mga mangmang at magugulong karamihan ang malupit na inasal sa Kaniya sa harap ng kapulu-ngan, at kaya nga itinuring ng mga ito na sila man ay malaya na ring magpakita ng lahat ng mga makasatanas na kasalan. Ang marangal at banal na kaanyuan ni Kristo ay nag-udyok sa kanila ng malaking galit. Ang Kaniyang kaamuan, ang Kaniyang kawalang-sala, ang Kaniyang marangal na pagtitiis, ay lumipos sa kanila ng galit na mula kay Satanas. Ang kaawaan at katarungan ay niyu-rakan. Wala pang kriminal na pinakitunguhan sa isang paraang lubhang makahayop na gaya ng ginawa sa Anak ng Diyos. BB 1028.1
Nguni't may lalo pang mahayap na dalamhating nagwalat ng puso ni Jesus; isang ulos na lumikha ng pina-kamahapding kirot na hindi maibibigay ng kamay. Samantalang Siya'y pinapalibhasa nang Siya ay nililitis sa harap ni Caifas, si Kristo ay ikinaila ng isa sa sarili Niyang mga alagad. BB 1029.1
Pagkatapos iwan ng mga alagad sa halamanan ang kanilang Panginoon, dalawa sa kanila ang naglakas-loob na sumunod sa malayo, na sinusundan ang magulong karamihan na maydala kay Jesus. Ang mga alagad na ito ay sina Pedro at Juan. Kilala ng mga saserdote na si Juan ay isang tanyag na alagad ni Jesus, at kaya nga ito'y pinatuloy sa bulwagan, sa pag-asang kung makita nito ang pagkadusta ng Kaniyang Lider, ay hindi na nito paniniwalaan ang kuru-kuro na Siya nga ay Anak ng Diyos. Ipinakiusap ni Juan si Pedro, at kaya nga ito man ay nakapasok din. BB 1029.2
Sa patyo ay gumawa ng isang siga; sapagka't iyon ang pinakamaginaw na oras ng gabi, palibhasa'y maguumaga na. Isang pulutong ang lumapit at pumalibot sa siga, at nangahas si Pedrong makiumpok sa mga ito. Hindi niya ibig na siya'y makilalang isang alagad ni Jesus. Sa pakikiumpok niya sa karamihan, ay inasahan niyang siya ay ibibilang na kasama ng mga nagdala kay Jesus sa hukuman. BB 1029.3
Datapwa't nang biglang tumama ang liwanag ng siga sa mukha ni Pedro, ay nagtapon ng naniniyasat na sul-yap sa kaniya ang babaeng nagbabantay sa pinto. Napansin nito na siya'y dumating na kasama ni Juan, napansin din nito ang pagkahapis na nakabadha sa kaniyang mukha, at inisip nitong siya ay maaaring isang alagad ni Jesus. Ang babaeng ito ay isa sa mga utusan ni Caifas, at ibig nitong mag-usisa. Sinabi nito kay Pedro, “Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng Taong ito?” Nagitla si Pedro at nalito; agad napatuon sa kaniya ang mga mata ng pulutong. Nagkunwa siyang hindi niya naunawaan ang babae; nguni't ito'y mapilit, at sinabi nito sa mga nasa palibot na ang lalaking ito ay naging kasama-sama ni Jesus. Napilitan si Pedrong sumagot at pagalit na nagwika, “Babae, hindi ko Siya nakikilala.” Ito ang unang pagkakaila, at karaka-rakang tumilaok ang manok. Oh Pedro, kaydali mong ikinahiya ang iyong Panginoon! Kaydali mong ikinaila ang iyong Panginoon! BB 1029.4
Nang pumasok sa bulwagan ng hukuman ang alagad na si Juan, ay hindi niya sinikap na itago ang katotohanan na siya ay isang alagad ni Jesus. Hindi siya nakisa ma sa mararahas na pulutong na lumalait sa kaniyang Panginoon. Hindi na siya tinanong, sapagka't hindi naman siya nagkunwari, upang siya ay huwag nang paghinalaan. Tinungo niya ang isang kubling sulok na hindi mapapansin ng magulong karamihan, nguni't malapit naman sa kinaroroonan ni Jesus. Dito'y makikita niya at maririnig ang lahat ng mangyayari sa paglilitis sa kaniyang Panginoon. BB 1030.1
Hindi pinanukala ni Pedro na pakilala kung sino siya. Sa kaniyang pagwawalang-bahala ay inilagay niya ang kaniyang sarili sa panig ng kalaban, at sa ganito'y madali siyang nadaig ng tukso. Kung siya ay tinawag na makipaglaban para sa kaniyang Panginoon, siya sana'y naging isang matapang na kawal; nguni't nang ang daliri ng pagkutya ay ituro sa kaniya, kaniyang pinatunayang siya ay isang duwag. Ang maraming hindi umuurong sa masigasig na pakikilaban para sa kanilang Panginoon ay naitataboy ng pag-alipusta upang itatwa o ikaila ang kanilang pananampalataya. Sa pamamagitan ng pakikisama nila sa mga dapat sana'y iwasan nila, ay lumalagay sila sa daan ng tukso. Inaanyayahan nila ang kaaway na sila'y tuksuhin, at naaakay silang magsalita at gumawa niyaong mga bagay na sa ilalim ng ibang mga pangyayari ay di-kailanman nila gagawin. Ang alagad ni Kristo sa kapanahunan natin na nagbabalat-kayo o itinatago ang kaniyang pananampalataya dahil sa takot sa kahirapan o pagkadusta ay nagkakaila rin sa kaniyang Panginoon tulad ng ginawa ni Pedro sa bulwagan ng hukuman. BB 1030.2
Sinikap ipakilala ni Pedro na walang anuman sa kaniya ang paglilitis sa kaniyang Panginoon, nguni't ang kaniyang puso ay kinimis ng kalungkutan nang marinig niya ang malulupit na pang-uuyam, at nang makita niya ang pagmamalabis na ginagawa sa Kaniya. Bukod dito, ipinagtaka niya at ipinag-init ng loob ang pagkakapag-pahintulot ni Jesus na pahbhasain ang Kaniyang sarili at ang Kaniyang mga tagasunod sa pamamagitan ng pagpapailalim sa gayong kalupitan. Upang maitago ang tunay niyang nadarama, ay sinikap niyang makiumpok sa mga nang-uusig kay Jesus at makisama sa kanilang mga pangungutya. Nguni't ang kaniyang anyo ay hindi katulad ng karamihan. Siya'y kumikilos nang pakunwari, at bagama't sinisikap niyang magsalita na parang walang anuman sa kaniya ang nangyayari ay hindi naman niya mapigil na mahayag ang kaniyang pagkamuhi sa ginagawang paghamak at pagmamalabis sa kaniyang Panginoon. BB 1031.1
Muli siyang napansin sa ikalawang pagkakataon, at pinaratangan siya uli na isang tagasunod ni Jesus. Ngayon ay nagsalita na siya na may kasamang panunumpa, “Hindi ko nakikilala ang Tao.” Binigyan siya uli ng isa pang pagkakataon. Pagkaraan ng isang oras, nang ang isa sa mga alipin ng dakilang saserdote, na malapit na kamag-anak ng lalaking tinigpas ni Pedro ang tainga, ay magtanong sa kaniya, “Hindi baga ikaw ay nakita kong kasama Niya sa halamanan?” “Sa katotohanan ikaw man ay isa rin sa kanila: sapagka't ikaw ay Galileo, at ipinakikilala ka ng iyong pananalita.” Sa salitang ito ay nagsiklab ang galit ni Pedro. Kilala ang mga alagad ni Jesus sa kanilang malinis na pananalita, at upang lubos niyang madaya ang mga nagtatanong sa kaniya, at mapatunayang hindi nga siya ang sinasabi nila, ay ikina-ila ngayon ni Pedro ang Panginoon nang may kasamang panunumpa at panunungayaw. Muling tumilaok ang manok. Narinig ito noon ni Pedro, at naalaala niya ang mga salitang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang makalawa, ay ikakaila mo Akong makaitlo.” Marcos 14: 30. BB 1031.2
Samantalang sariwa pa sa mga labi ni Pedro ang mga hamak na panunumpa, at umaalunignig pa sa kaniyang mga tainga ang matining na tilaok ng manok, ay inalis ng Tagapagligtas ang Kaniyang tingin sa nangakasimangot na hukom, at tuwirang tinitigan ang kaawa-awa Niyang alagad. Noon din naman ay napabaling ang paningin ni Pedro sa kaniyang Panginoon. Sa marangal na mukhang yaon ay nabasa niya ang malaking habag at lungkot, nguni't wala roong nakabadhang galit. BB 1032.1
Pagkatanaw sa maputla't nagbabatang mukhang yaon, sa mga nanginginig na labing yaon, ang titig na yaon ng pagkahabag at pagpapatawad, ay tumimo sa kaniyang puso na tulad sa isang palaso. Napukaw ang kaniyang budhi. Nagising ang kaniyang alaala. Nagunita ni Pedro ang pangakong binitiwan niya mga ilang oras lamang ang nakararaan na sasama siya sa kaniyang Panginoon hanggang sa bilangguan at hanggang sa kamatayan. Nagunita niya ang kaniyang pagkalumbay nang sabihin sa kaniya ng Tagapagligtas sa silid sa itaas na ikakaila niya ang kaniyang Panginoon nang makaitlo nang gabi ring yaon. Kasasabi pa lamang ni Pedro na hindi niya nakikilala si Jesus, nguni't ngayon ay nadama niya nang may mapait na pagkahapis na siya pala ay kilalang-kilala ng kaniyang Panginoon, at kung paano hustung-hustong nabasa Nito ang kaniyang puso, ang pagiging sinungaling nito ay hindi nalaman ng sarili niya. BB 1032.2
Sunud-sunod na mga gunita ang dumaloy sa kaniyang alaala. Ang magiliw na kahabagan ng Tagapagligtas, ang Kaniyang kagandahang-loob at pagpapahinuhod, ang pagiging-mabanayad Niya at mapagtiis sa Kaniyang nagka-kamaling mga alagad—lahat ay naalaala niya. Nagunita niya ang paalaalang, “Simon, narito, hiningi ka ni Satanas, upang ikaw ay maliglig niyang gaya ng trigo: datapwa't ikaw ay ipinamanhik Ko, na huwag magku-lang ang iyong pananampalataya.” Lukas 22:31, 32. Na-bulay-bulay niya nang may pangingilabot ang kaniyang kawalan-ng-utang-na-loob, ang kaniyang pagbubulaan, ang kaniyang panunumpa ng kasinungalingan. Minsan pa niyang tiningnan ang kaniyang Panginoon, at nakita niya ang isang lapastangang kamay na nakataas upang Ito ay sampalin sa mukha. Palibhasa'y hindi na niya mabata ang kaniyang nakikita, nagmamadali siyang lumabas, na windang ang puso, mula sa bulwagan ng hukuman. BB 1033.1
Nagpatuloy siya ng paglakad na nag-iisa sa dilim, hindi niya alam at hindi niya iniintindi kung saan man siya paroroon. Sa wakas ay natagpuan nila ang kaniyang sarili sa Gethsemane. Buhay na buhay na nagbalik sa kaniyang diwa ang tagpo sa pook na ito may ilang oras lamang ang nakalilipas. Ang mukhang naghihirap ng kaniyang Panginoon, na tigmak sa dugo at pawis, ay waring nagbangon sa harap niya. Naalaala niyang may paghihimutok na si Jesus ay mag-isang tumangis at naghirap sa pananalangin, samantalang ang mga dapat sanang makiramay sa Kaniya sa napakahirap na sandaling yaon ay nangatutulog. Nagunita niya ang solemneng bilin Nito, “Kayo'y mangagpuyat at magsipanala-ngin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.” Mateo 26:41. Muling nabalik sa kaniyang alaala ang tanawin sa bulwagan ng hukuman. Nagpapahirap sa nagdurugo niyang puso ang pagkaunawa na nakapagdagdag pa siya ng pinakamabibigat na pasanin sa kadustaan at kaha-pisang dinadala ng Tagapagligtas. Sa pook mismong doon ibinuhos ni Jesus nang may paghihirap ang buo Niyang kaluluwa sa Kaniyang Ama, ay doon isinubsob ni Pedro ang kaniyang mukha, at hinangad niyang sana'y mamatay na siya. BB 1033.2
Sa panahong natutulog nang atasan ni Jesus si Pedro na magpuyat at manalangin ay noon nahanda ang daan sa kaniyang malaking pagkakasala. Lahat ng mga alagad ay nawalan nang malaki, dahil sa pagtulog sa maselang panahon o sandaling yaon. Batid ni Kristo ang mahigpit na pagsubok na darating sa kanila. Talos Niyang gagawa si Satanas upang patayin ang kanilang pandamdam upang sila'y huwag mahanda sa pagsubok. Ito nga ang dahilan kung kaya binigyan Niya sila ng babala. Kung ang mga oras na ginugol nila sa halamanan ay ginamit lamang nila sa pagpupuyat at pananalangin, hindi sana umasa si Pedro sa kaniyang mahinang kalakasan. Hindi sana niya ikinaila ang kaniyang Panginoon. Kung nakipagpuyat lamang kay Kristo ang mga alagad sa Kaniyang paghihirap at pagdadalamhati, disin sana'y nangahanda sila na mamasdan ang Kaniyang pagbabata sa krus. Napag-unawa sana nila kahit babahagya ang likas o uri ng Kaniyang matinding pagkahapis. Naala-ala sana nila ang Kaniyang mga pangungusap na nagsabing-pauna ng Kaniyang paghihirap, ng Kaniyang kamatayan, at ng Kaniyang pagkabuhay na mag-uli. Sa gitna ng dilim ng napakahigpit na pagsubok, sana'y may mga sinag ng pag-asang nagliwanag sa kadiliman at nagpalakas ng kanilang pananampalataya. BB 1034.1
Pagkaumagang-umaga, ay nagkatipon uli ang Sanedrin at muling iniharap si Jesus sa kapulungan. Ipinahayag Niyang Siya ay Anak ng Diyos, at pinaratangan nila Siya sa mga salita Niyang ito. Nguni't hindi nila mahatulan Siya sa bagay na ito, sapagka't marami sa kanila ang wala sa sesyon noong gabi, at hindi nila narinig ang Kaniyang mga sinabi. At batid nilang ang hukumang Romano ay walang masusumpungan sa mga salitang ito ni Kristo na karapat-dapat sa kamatayan. Nguni't kung maririnig ng lahat na uulitin ng sarili Niyang mga labi ang mga salitang yaon, ay maaari nilang matamo ang kanilang nilalayon. Ang pag-aangkin Niyang Siya ang Mesiyas ay maipaliliwanag nilang isang paghihimagsik. BB 1034.2
“Ikaw baga ang Kristo?” wika nila, “sabihin Mo sa amin.” Nguni't nanatiling hindi umiimik si Kristo. Si-nunud-sunod nila Siya ng mga tanong. Sa wakas ay sumagot Siya sa malungkot na tinig, “Kung sabihin Ko sa inyo, ay hindi ninyo Ako paniniwalaan: at kung kayo'y Aking tanungin, ay hindi kayo magsisisagot, ni pawawalan man Ako.” Nguni't upang sila ay wala nang maidahilan ay idinugtong Niya ang solemneng babala, “Magmula ngayon ang Anak ng tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos.” BB 1035.1
“Kung gayo'y Ikaw baga ang Anak ng Diyos?” tanong nilang lahat. Sinabi Niya sa kanila, “Kayo ang nagsasabi na Ako nga.” Nagsigawan nga sila, “Ano pa ang kailangan natin ng patotoo? sapagka't tayo rin ang nangakarinig sa Kaniyang sariling bibig.” BB 1035.2
Kaya't sa pangatlong hatol ng mga maykapangyari-hang Hudyo, si Jesus ay dapat mamatay. Ang kailangan na lamang ngayon, naisip nila, ay pagtibayin ng mga Romano ang hatol na ito, at ibigay Siya sa kanilang mga kamay. BB 1035.3
Pagkatapos ay dumating ang pangatlong tanawin ng pagmamalabis at panunuya, na higit pang masama kaysa tinanggap Niya sa mga walang-muwang na karamihan. Naganap ito sa harap mismo ng mga saserdote at mga pinuno, at may pagsang-ayon sila. Ang lahat ng damdaming pakikiramay o makatao ay naparam na sa kanilang mga puso. Kung mahihina man ang kanilang mga katwiran, at hindi nila napatahimik ang Kaniyang tinig, mayroon naman silang ibang mga sandata, na gaya ng ginamit sa lahat ng mga panahon upang mapatahimik ang mga erehe—ang pagpapahirap, at ang karahasan, at ang kamatayan. BB 1035.4
Nang igawad na ng mga hukom ang hatol kay Jesus, isang makasatanas na kabangisan ang umiral sa mga tao. Ang sigawan nila ay natulad sa ungal ng mababangis na hayop. Dinaluhong ng karamihan si Jesus, na nagsisigawan, Nagkasala Siya, patayin Siya! Kung hindi dahil sa mga kawal na Romano, kaipala'y hindi na mabubuhay pa si Jesus upang ipako sa krus ng Kalbaryo. Nagkaluray-luray na sana Siya sa harap ng mga humatol sa Kaniya, kung hindi lamang namagitan ang mga kawal na Romano, at sa pamamagitan ng lakas ng sandata ay sinawata ang karahasan ng magugulong karamihan. BB 1036.1
Ang mga taong walang pagkakilala sa Diyos ay nangapoot sa malupit at makahayup na pakikitungong ginawa sa Isang wala namang anumang napatunayang laban sa Kaniya. Ipinahayag ng mga pinunong Romano na ang mga Hudyo ay lumabag sa kapangyarihan ng Roma nang hatulan nila si Jesus ng hatol na kamatayan, at maging sa batas man ng mga Hudyo ay nalalabag din na ang isang tao ay hatulan ng kamatayan batay sa sarili nitong patotoo. Ang ganitong pakikialam ay sandaling bumalam sa takbo ng mga pangyayari; nguni't sa ganang mga pinunong Hudyo ay wala na silang nadaramang kahabagan at kahihiyan. BB 1036.2
Nakalimot na ang mga saserdote at mga pinuno sa dangal ng kanilang katungkulan, at pinagmalabisan nila ang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng masasama't mahahalay na salita. Kanilang kinutya ang Kaniyang mga magulang. Ipinahayag nila na ang pag-aangkin Niyang Siya ang Mesiyas ay nagpapagindapat sa Kaniya sa lalong kahiya-hiyang kamatayan. Ang lalong hamak sa mga tao ay gumawa ng pinakaimbing pagmamalabis sa Tagapagligtas. Isang lumang damit ang inihagis sa Kaniyang ulo, at sinampal Siya sa mukha ng mga nagsisiusig sa Kaniya, na nagsisipagsabi, “Hulaan Mo sa amin, Ikaw na Kristo, Sino ang sumampal sa Iyo?” Nang maalis na ang lumang damit sa Kaniyang ulo, ay isang hamak na tao ang lumura sa Kaniyang mukha. BB 1036.3
Matapat na itinala ng mga anghel ng Diyos ang bawa't tingin, salita, at gawang paghamak na iniukol sa kanilang pinakamamahal na Komandante. Darating ang araw na ang mga hamak na taong nagsilibak at nagsilura sa payapa at. mamad na mukha ni Kristo, ay magsisitingin sa mukhang iyon na nasa kaluwalhatian niyon, na higit pang maningning kaysa liwanag ng araw. BB 1037.1