Bukal Ng Buhay

10/89

Kabanata 9—Mga Araw ng Tunggalian

Buhat sa mga unang taon ng pagkabata ang batang Hudyo ay nakukulong na ng mga bilin at mga utos ng mga rabi. Bawa't gawa hanggang sa kaliit-liitang bagay ng buhay ay pawang iniaalinsunod sa mahihigpit na tagubilin. Ang mga kabataan ay binibigyan ng mga tagapagturo sa sinagoga ng di-mabilang na mga utos, na inaasahang gaganapin ng mga taal na Israelita. Datapwa't ang mga bagay na ito ay hindi pinag-aksayahan ni Jesus ng Kaniyang panahon. Sapul sa pagkabata ay hindi na Siya napatali sa mga kautusan ng mga rabi. Ang mga Kasulatan ng Matandang Tipan ay siya Niyang pinagaralang palagi, at ang Kaniyang bukang-bibig ay, “Ganito ang sabi ng Panginoon.” BB 95.1

Nang mamulat na ang isip Niya sa talagang kalagayan ng bayan, ay nakita Niya na ang mga kautusan ng lipunan at ang mga kautusan ng Diyos ay laging nagkakalaban. Humihiwalay ang mga tao sa salita ng Diyos, at ang itinatanyag nila ay ang sari-sarili nilang katha. Ang sinusunod nila ay ang mga rito at seremonyang minana nila sa kanilang mga ninuno na wala namang tinataglay na bisa. Ang kanilang pagsamba ay isa lamang paulit-ulit na mga seremonya; ang mga banal na katotohanang sadyang ituturo ng mga seremonyang ito ay pawang nakubli sa mga sumasamba. Nakita ni Jesus na ang pakitangtaong mga pagsambang ito ay hindi nagbigay ng kapayapaan sa kanila. Hindi nila nakilala ang malayang diwa na kakamtin nila kung paglilingkuran nila ang Diyos sa katotohanan. Naparito si Jesus upang ituro ang kahulugan ng pagsamba sa Diyos, kaya hindi Niya maayunan na paghaluin ang mga utos ng mga tao at ang mga utos ng Diyos. Hindi Niya tinuligsa ang mga utos at mga ginagawa ng matatalinong guro; subali't nang Siya'y pulaan sa Kaniyang mga simpleng kaugalian, ay iniharap Niya ang salita ng Diyos upang patunayang tama ang Kaniyang ginawa. BB 95.2

Sa mabanayad at mapagpakumbabang paraan, ay sinikap ni Jesus na mabigyang-lugod ang mga nakakausap Niya. At dahil sa Siya ay mabanayad at tahimik, ay inakala tuloy ng mga eskriba at matatanda na mahihikayat Siya agad ng kanilang mga aral. Pinilit nila Siyang tanggapin Niya ang mga kasabihan at mga aral na tinanggap nila sa matatandang guro, datapwa't hiningi sa kanila ni Jesus na iyon ay patunayan sa Banal na Sulat. Ibig Niyang marinig ang talagang salitang lumabas sa bibig ng Diyos; nguni't hindi Niya matatalima ang mga kathakatha ng mga tao. Waring nalalaman ni Jesus ang Mga Kasulatan buhat sa pasimula hanggang sa katapusan, at ipinakilala Niya ang mga ito sa talagang kahulugan nito. Napahiya ang mga rabi sapagka't isang bata ang nagturo sa kanila. Ipinamarali nila na ang tungkulin naman ni Jesus ay ang tumanggap ng kanilang paliwanag. Ikinagalit nila ang pangyayaring tinutulan Niya ang kanilang salita. BB 96.1

Talos nilang hindi nagtitibay sa Kasulatan ang kanilang mga sali't saling sabi. Nakilala nila na ang pagkaunawa ni Jesus sa mga bagay na espirituwal ay nakahihigit sa kanila. Gayunma'y nangapoot sila dahil sa hindi Niya sinunod ang kanilang mga sinasabi. Nang hindi nila Siya mapaniwala, ay hinanap nila si Jose at si Maria, at isinumbong sa kanila ang hindi Niya pagtalima. Kaya Siya ay kanilang sinaway at pinangusapan. BB 96.2

Sapul sa pagkabata ay naging ugali na ni Jesus na gawin ang nalalaman Niyang tama, at ni ang paggalang at pag-ibig Niya sa Kaniyang mga magulang ay hindi makababali sa Kaniyang pagtalima sa salita ng Diyos. “Nasusulat” ang Kaniyang katwiran sa bawa't gawa Niyang naiiba sa pinagkaugaliang gawin ng kanilang pamilya. Datapwa't ang impluwensiya ng mga rabi ay nagpalungkot sa Kaniyang buhay. Bata pa man Siya ay natutuhan na Niya kung gaano kahirap ang magsawalang-kibo at magtiis. BB 97.1

Ang Kaniyang mga kapatid na lalaki, na siyang tawag sa mga anak ni Jose, ay pumanig sa mga rabi. Ipinipilit nilang ipasunod ang mga sabi-sabi ng matatanda, na para bagang iyon ay mga utos ng Diyos. Itinuring nilang mahalaga pa sa salita ng Diyos ang mga utos ng mga tao, at labis-labis nilang ikinainis ang malinaw na pagkakilala ni Jesus sa pagkakaiba ng mali at ng tama. Ang mahigpit na pagtalima Niya sa kautusan ng Diyos ay ibinilang nila na katigasan ng ulo. At sila'y nangagtaka sa Kaniyang karunungan at kaalaman sa pagsagot sa mga rabi. Alam nilang hindi Siya nag-aral sa mga dalubhasa, datapwa't halatang-halata nilang Siya ay isang tagapagturo nila. Napagkilala nilang ang Kaniyang karunungan ay higit na mataas kaysa kanilang karunungan. Nguni't ang hindi nila naunawa ay Siya'y nakalalapit sa punung-kahoy ng buhay, isang bukal ng karunungang hindi pa nila nalalaman. BB 97.2

Si Kristo ay hindi mapagtangi ng tao, at lubhang ikinamuhi sa Kaniya ng mga Pariseo ang paghiwalay Niya sa ganitong mahigpit nilang tuntunin ng pagtatangi-tangi ng tao. Nasumpungan Niya na ang sumahan ng relihiyon ay nababakuran ng matataas na pader ng pagbubukud-bukod, na para bagang ito'y isang napakabanal na bagay para sa buhay na pang-araw-araw. Ang mga pader na ito ng pagbubukud-bukod ay Kaniyang iginiba. Sa mga pa- kikipag-ugnay Niya sa mga tao ay hindi Niya itinanong, Ano ba ang iyong aral? Alin bang iglesya ang iyong kinaaaniban? Ginamit Niya ang Kaniyang kapangyarihan upang tulungan ang lahat ng nangangailangan. Sa halip na Siya'y magkulong sa isang kuweba ng ermitanyo upang maipakita ang Kaniyang likas na makalangit, ay masi-gasig Siyang naglingkod sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Ipinunla Niya ang simulain na ang relihiyon ng Bibliya ay hindi ang pagpatay sa katawan. Itinuro Niya na ang tunay at walang-dungis na relihiyon ay hindi lamang iniuukol sa mga takdang panahon at mga tanging pagkakataon. Sa lahat ng panahon at sa lahat ng dako ay ipinamalas Niya ang Kaniyang mapagmahal na pagmamalasakit sa mga tao, at Siya'y nagsabog sa palibot Niya ng tuwa at banal na ligaya. Ang lahat ng ito ay sumbat sa mga Pariseo. Sapagka't inihayag nito na ang relihiyon ay hindi ang kasakiman, at ang labis-labis na pag-aasikaso sa sarili ay malayo sa tunay na kabanalan. Ito ang lumikha ng kanilang galit kay Jesus, kaya nga pinagsikapan nilang pilitin na umayon sa kanilang mga tuntunin. BB 97.3

Gumawa si Jesus upang lunasan ang lahat ng nakita Niyang may dinaramdam. Kakaunti ang salapi Niyang maibibigay, nguni't madalas na pinagkaitan Niya ang Kaniyang sarili ng pagkain upang mayroon lamang Siyang maibigay sa mga lalo pang nangangailangan kaysa Kaniya. Inakala ng mga kapatid Niya na labis-labis silang nasisiraan sa mga ginagawang ito ni Jesus. May angkin Siyang talino na wala sa kanila, ni ninanasa mang mapasakanila. Nang sila'y magsalita nang marahas sa mga mahihirap at kaawa-awa, hinanap ni Jesus ang mga taong ito, at nangusap sa kanila ng mga salitang nakapagpapasigla. Yaong mga nangangailangan ay pinainom Niya ng isang saro ng malamig na tubig, at tahimik na inilagay sa kanilang mga palad ang sariling pagkain Niya. Sa paghahatid Niya ng ginhawa sa mga nahihirapan, ang mga katotohanang itinuro Niya ay nasamahan ng Kaniyang pagkakawanggawa, at kaya nga hindi ito malimut-limutan. BB 98.1

Ang lahat ng ito ay hindi naibigan ng Kaniyang mga kapatid. Palibhasa'y matanda sila kay Jesus, inakala nilang dapat Siyang sumunod sa kanila. Pinaratangan nila Siya na nagmamarunong sa kanila, at sinuwatan nila Siya sa pag-aanyong nakahihigit sa kanilang mga guro at sa mga saserdote at mga pinuno sa bayan. Madalas nila Siyang bantaan at takutin; nguni't nagpatuloy Siya, na ang ginagawang patnubay ay ang Mga Kasulatan. BB 99.1

Mahal ni Jesus ang Kaniyang mga kapatid, at naging lagi Siyang mapagbigay-loob sa kanila; nguni't nanaghili sila sa Kaniya, at nagpamalas sila ng tiyak na di-paniniwala at pagkayamot. Hindi nila mawatasan ang Kaniyang ikinikilos. Malalaking pagkakasalungatan sa buhay ang nakikita nila kay Jesus. Siya ang banal na Anak ng Diyos, nguni't isang mahina o walang-kayang bata. Palibhasa'y Siya ang Maylikha sa mga sanlibutan, kaya ang lupa ay Kaniya, gayon pa man ang karalitaan na ibang-iba sa kayabangan at kapalaluang makalupa; hindi Siya nagmithi ng kadakilaang makasanlibutan, at Siya'y nasiyahan kahit sa pinakamababang gawain. Ito ang nagpagalit sa Kaniyang mga kapatid. Hindi nila maintindihan kung bakit Siya'y walang kaimik-imik kahit na Siya'y kinagagalitan at pinahihirapan. Hindi naabot ng kanilang unawa na dahil sa atin ay nagpakadukha Siya, upang “tayo naman ay yumaman sa pamamagitan ng Kaniyang karukhaan.” 2 Corinto 8:9. Kung paanong hindi naintindihan ng mga kaibigan ni Job kung bakit ito naghirap at nagkasakit, gayundin naman hindi naintindihan ng mga kapatid ni Jesus ang hiwaga ng Kaniyang misyon. BB 99.2

Si Jesus ay di-naunawaan ng mga kapatid Niya sapagka't hindi Siya katulad nila. Ang pamantayan Niya ay hindi nila pamantayan. Sa pagtingin nila sa tao ay naihiwalay nila sa Diyos ang kanilang tingin, at nawalan ng kapangyarihan ang kanilang buhay. Ang mga ayos ng relihiyon na kanilang sinunod ay hindi nakabago ng kanilang likas. Nangagbayad sila ng “ikapu ng yerbabuwena, at ng anis at ng komino,” nguni't “kinaligtaan naman nilang sundin ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, gaya ng kahatulan, kaawaan, at pananampalataya.” Mateo 23:23. Ang halimbawa o pamumuhay ni Jesus ay naging isang patuloy na kayamutan sa kanila. Isang bagay lamang sa sanlibutan ang kinapopootan Niya, at iyan ay ang kasalanan. Hindi Niya kayang tingnan ang isang masamang gawa nang hindi Siya magdaramdam o masasaktan. Sa nagbabanal-banalan, na itinatago ang kasalanan sa ilalim ng balabal na kabanalan, at sa likas ng isang tao na ang una at laging sinisikap ay ang ikaluluwalhati ng Diyos, ay madaling makikilala ang malaking pagkakaiba. Sapagka't ang kabuhayan ni Jesus ay humahatol sa masama, kaya Siya'y sinasalungat sa tahanan at sa ibang pook. Ang Kaniyang di-pagkamakasarili at kalinisan ng ugali ay pinag-usap-usapang may pag-uyam. At ang Kaniyang pagpapahinuhod at kabaitan ay tinawag nilang karuwagan. BB 99.3

Tungkol sa masasaklap na karanasang dumarating sa buhay ng tao, walang hindi natikman si Kristo. May mga humamak sa Kaniyang pagiging-tao, at kahit na noong Siya'y maliit pa ay kinailangang harapin Niya ang mga tinging nanlilibak at mga pagbubulung-bulungan nila laban sa Kaniya. Kung ang mga ito ay nasagot man lamang Niya nang pagalit o natingnan kaya nang pairap, kung ang mga kapatid Niya ay nagantihan man lamang Niya ng isang kilos o gawang masama, sana'y nabigo Siya sa pagiging sakdal na halimbawa. Sa gayon sana'y hindi Niya natupad ang panukalang tayo ay matubos. Kung inamin man lamang Niya na talagang may maidadahilan sa pagkakasala, sana'y nagwagi si Satanas, at nawaglit naman ang sanlibutan. Ito ang talagang dahilan kung bakit pinasapit ng manunukso ang lahat ng hirap sa Kaniyang buhay, upang Siya'y maibulid sa pagkakasala. BB 100.1

Nguni't sa bawa't tukso ay mayroon Siyang isa lamang sagot, “Nasusulat.” Bihirang-bihira Niyang salansangin ang anumang lisyang gawa ng Kaniyang mga kapatid, sa halip nito ay isang pangungusap na buhat sa Diyos ang binibitiwan Niya sa kanila. Madalas na pagka Siya'y ayaw makisama sa kanila sa mga gawang bawal, ay pinararatangan nila Siyang duwag; nguni't ang Kaniyang sagot ay, Nasusulat, “Ang pagkatakot sa Diyos ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay pagkaunawa.” Job 28:28. BB 102.1

May mga ilang nagsasadyang makisama sa Kaniya, dahil sa nararamdaman nilang sila'y natitiwasay kung Siya ay kasama; nguni't marami rin naman ang umiwas sa Kaniya, dahil sa sila'y nasusumbatan ng Kaniyang walang-kapintasang pamumuhay. Niyaya Siya ng Kaniyang mga kasamang gumawa rin ng kanilang ginagawa. Siya'y matalino at masaya; nasiyahan sila sa Kaniyang pakikisama, at tinanggap naman nila ang Kaniyang mga mungkahi; datapwa't nayamot sila sa Kaniyang mga paniniwala, at Siya'y pinagsabihan nilang parang sinauna at panatiko. Ang isinagot ni Jesus ay, Nasusulat, “Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan? sa pagdinig doon ayon sa Iyong salita.” “Ang salita Mo'y aking iningatan sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa Iyo.” Awit 119:9, 11. BB 102.2

Madalas Siyang tanungin, Bakit Ka ba ibang-iba sa amin, na aayaw Kang makisama? Nasusulat, wika Niya, “Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon. Mapalad silang nangag-iingat ng Kaniyang mga patotoo, at nagsisihanap sa Kaniya nang buong puso. Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan; sila'y nagsisilakad sa Kaniyang mga daan.” Awit 119:1-3. BB 102.3

Nang Siya nama'y tanungin kung bakit hindi Siya nakikisama sa mga kapilyuhan ng mga batang Nasaret, ang naging sagot Niya'y, Nasusulat, “Ako'y nagalak sa daan ng Iyong mga patotoo, na gaya ng lahat na kayamanan. Ako'y magbubulay sa Iyong mga tuntunin, at gagalang sa Iyong mga daan. Ako'y mag-aaliw sa Iyong mga palatuntunan: hindi Ko kalilimutan ang Iyong salita.” Awit 119: 14-16. BB 102.4

Hindi ipinakipagtalo ni Jesus ang Kaniyang mga matwid. Madalas na naging lalong mabigat ang Kaniyang trabaho dahil sa Siya'y mapagbigay-loob at hindi man lamang dumaraing. Gayunman ay hindi rin Siya nagkulang ni pinanghinaan man ng loob. Hindi Niya inalintana ang mga kahirapang ito, na para bagang nakikita Niya ang mukha ng Diyos. Hindi Siya gumanti nang Siya'y alimurahin, kundi tinanggap Niyang may pagtitiis ang paghamak. BB 103.1

Muli at muling Siya'y tinanong, Bakit Ka pumapayag sa ganyang masamang pakikisama ng Iyong mga kapatid? Ang sagot Niya'y, Nasusulat, “Anak Ko, huwag mong k limutan ang Aking kautusan; kundi ingatan ng iyong puso ang Aking mga utos: sapagka't karamihan ng mga araw, at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ay madadagdag sa iyo. Huwag kang pabayaan ng kaawaan at katotohanan: Itali mo sa palibot ng iyong leeg; ikintal mo sa iyong puso: sa gayo'y makakasumpong ka ng lingap at mabuting kaunawaan sa paningin ng Diyos at ng tao.” Kawikaan 3:1-4. BB 103.2

Buhat noong si Jesus ay makita ng Kaniyang mga magulang sa loob ng templo, ay naging isa nang hiwagang di nila malirip ang Kaniyang mga kilos. Ayaw Niyang makipagtalo, gayunma'y laging isang aral ang Kaniyang halimbawa o kabuhayan. Wari bang Siya'y isa na itinalaga. Ang oras na Siya ay maligaya ay kung Siya'y nagiisa sa gitna ng katalagahan na ang kasama ay ang Diyos. Kailanma't Siya'y nagkakapanahon, ay iniiwan Niya ang Kaniyang gawain, at tumutungo sa parang, upang mag-muni-muni sa gitna ng bukid, at upang makipag-usap sa Diyos sa paanan ng bundok o sa gitna ng mga kakahuyan sa kagubatan. Madalas Siyang nakikita pagkaumagang-umaga sa ilang na lugar, na nagbubulay-bulay, nagbabasa ng mga Kasulatan, o kaya'y nananalangin. Pagkapanggaling sa mga tahimik na oras na ito ay umuuwi Siya sa bahay upang gawing muli ang Kaniyang mga tungkulin, at upang magbigay halimbawa ng matiyagang paggawa. BB 103.3

Ang buhay ni Kristo ay isang kabuhayan ng paggalang at pagmamahal sa Kaniyang ina. Taos sa puso ang paniniwala ni Maria na ang Banal na Sanggol na ipinanganak niya ay siyang Mesiyas na malaon nang ipinangako, nguni't wala siyang lakas ng loob na ipahayag ang kaniyang paniniwala. Sa buong buhay ni Jesus sa lupa ay naging karamay-damay si Maria sa lahat Niyang mga kahirapan. Nasaksihang may pagkalungkot ng ina ang mga kaapihan at kahirapang dinanas ng Anak noong Ito'y bata pa hanggang sa magbinata. At kung inaayunan at ipinagtatanggol niya ang mga ginawa Nito na talos niyang tama, ay siya naman ang napapalagay sa napakahirap na katayuan. Ipinalagay niyang ang samahan sa tahanan, at ang magiliw na pag-aalaga ng ina sa kaniyang mga anak, ay kailangang-kailangan sa ikapaghuhugis ng mabuting likas. Napag-alaman ito ng mga lalaki't babaing anak ni Jose, kaya't nakiusap sila sa kaniya, upang baguhin ni Jesus ang Kaniyang mga gawa at ialinsunod sa kanilang pamantayan. BB 104.1

Malimit mangatwiran si Maria kay Jesus, at malimit Itong piliting makiayon sa mga kaugalian ng mga rabi. Nguni't hindi Siya mahimok na Kaniyang baguhin ang pinagkaugalian Niyang pagbubulay sa mga gawa ng Diyos at pagtulong sa mga tao o sa mga hayop man na nahihirapan. Kapag hinihingi ng mga saserdote at ng mga guro ang tulong ni Maria na supilin o pigilin si Jesus, dito labis na naliligalig ang ina; nguni't napapayapang muli ang kaniyang loob pagka ipinakikita na ng Anak ang mga talata ng Kasulatan na sumasang-ayon sa mga ginagawa Nito. BB 104.2

May mga panahong hindi malaman ni Maria kung sino ang kaniyang paniniwalaan o papanigan, kung si Jesus o ang mga kapatid Nito, na hindi nanganiniwalang Ito ay isinugo ng Diyos; subali't sagana naman ang katibayang Ito nga ay may likas ng pagka-Diyos. Nakita niyang Ito'y nagpapakahirap sa ikabubuti ng iba. Ang pakikiharap Nito ay lalong naghahatid ng banal na impluwensiya sa loob ng tahanan, at ang buhay Nito ay tulad sa lebadurang gumagawa sa mga sangkap ng lipunan. Timtiman at walang-kapintasan, Siya'y lumakad sa gitna ng di-makatarungang mga maniningil ng buwis, ng mga hambog, ng mga likong Samaritano, ng mga kawal na walang Diyos, ng walang-pakundangang mga tagabukid, at ng halu-halong karamihan. Kung nakakakita Siya ng mga taong pagal na, nguni't pilit pa ring kinakaya ang mabibigat na dalahin, ay nagsasalita Siya sa kanila ng mga salitang umaaliw at dumaramay. Tinutulungan Niya sila, at inuulit Niya sa kanila ang mga aral na natutuhan Niya sa katalagahan, tungkol sa pag-ibig, sa kagandahang-loob, at sa kabutihan ng Diyos. BB 105.1

Itinuro Niya sa lahat na ituring nilang sila'y may angking mga kakayahan, na kung tumpak nilang gagamitin ay makapagdudulot sa kanila ng mga kayamanang walang-hanggan. Lahat ng mga walang kabuluhan ay inaalis Niya sa buhay, at sa pamamagitan ng sarili Niyang halimbawa ay Kaniyang itinuro na bawa't sandali ng panahon ay tigib ng walang-hanggang mga bunga; kaya't dapat mahaling tulad sa isang kayamanan, at marapat gamitin sa mga banal na layunin. Wala Siyang nilampasang tao na para bagang ito'y walang kabuluhan, kundi ang lahat ay sinikap Niyang malapatan ng lunas. Sinuman ang Kaniyang makasama, ay binabalitaan Niya ng aral na nababagay sa panahon at sa pangyayari. Tinuruan Niyang sumampalataya ng lalong magulo at walang-pag-asa, na ipinakilala sa kanilang sila man ay makapa-mumuhay ng walang-dungis at walang-kapintasan, hanggang sa sila'y magkaroon ng likas na maghahayag sa kanila na sila'y mga anak ng Diyos. Madalas ay Kaniyang nakakatagpo ang mga napalulong na kay Satanas, at mga wala nang kapangyarihang makakalag sa silo nito. Sa mga ganyang lupaypay, maysakit, natukso, at nagkasala, si Jesus ay buong pagkahabag na nagsasalita, ng mga salitang kailangan nila at nauunawaan nila. May mga iba namang nakakatagpo Siya na pangatawanang nakikilaban sa kaaway ng mga kaluluwa. Ang mga ito'y pinasisigla Niyang magpatuloy na makilaban, na tinitiyak sa kanilang sila'y magwawagi; sapagka't ang mga anghel ng Diyos ay kakampi nila, at magbibigay sa kanila ng tagumpay. Ang mga natutulungan Niya sa ganitong paraan ay nanganiwalang narito ang Isa na kanilang lubos na mapananaligan at mapagtitiwalaan. At hinding-hindi Niya ibinubunyag sa iba ang kanilang mga lihim na paanas nilang ibinulong sa Kaniyang madamaying pakinig. BB 105.2

Si Jesus ang manggagamot ng katawan at ng kaluluwa. Siya'y naawa sa lahat ng nakita Niyang nahihirapan, at bawa't isa sa kanila'y hinatdan Niya ng ginhawa, at ang matatamis Niyang salita ay nagsilbing balsamo o gamot sa kanila. Walang makapagsabing Siya'y gumawa ng kababalaghan; kundi bisa o kagalingan—ang nagpapagaling na kapangyarihan ng pag-ibig—ang lumabas sa Kaniya at pumasok sa mga maysakit at mga nahihirapan. Sa ganyang paraan ay maluwag at maginhawang Siya'y naglingkod sa mga tao buhat pa sa Kaniyang pagkabata. At ito ang dahilan kung bakit, pagkatapos na pasimulan Niya ang Kaniyang hayagang paglilingkod o ministeryo, ay lubhang marami ang nangakinig sa Kaniya nang buong kagalakan. BB 106.1

Gayon pa man sa buong panahon ng Kaniyang kamus-musan, kabataan, at pagkakaroon ng gulang, ay nag-isa si Jesus.sa paglakad. Sa Kaniyang kalinisan at pagkamatapat, ay nag-isa Siya na niyapakan ang alilisan ng alak, at sa mga tao ay walang sumama sa Kaniya. Pinasan Niya ang kakila-kilabot na bigat ng kapanagutan sa pagliligtas ng mga tao. Talos Niya na kung hindi magkakaroon ng ganap na pagbabago sa mga simulain at mga layunin ng sangkatauhan, lahat ay mawawaglit. Ito ang naging pasanin ng Kaniyang kaluluwa, at walang sinumang ibang nakaalam kung gaano ang bigat ng pasaning Kaniyang dinala. Puno ang puso ng maalab na hangarin, na itinaguyod Niya ang layunin ng Kaniyang buhay na Siya na rin ay dapat maging ilaw ng mga tao. BB 106.2