Bukal Ng Buhay
Kabanata 74—Gethsemane
Ang kabanatang ito ay batay sa Mateo 26:36-56; Marcos 14:32-50; Lukas 22:39-53; Juan 18:1-12.
Kasama ng Kaniyang mga alagad na dahan-dahang nilandas ng Tagapagligtas ang daang patungo sa Halamanan ng Gethsemane. Ang buwan sa panahon ng Paskuwa ay kabilugan, at nagsasabog ng liwanag sa maaliwalas na langit. Tahimik ang lungsod na puno ng mga tolda ng mga magsisipamista. BB 994.1
Masiglang nakikipag-usap si Jesus sa Kaniyang mga alagad at tinatagubilinan sila; nguni't nang malapit na sila sa Gethsemane, ay nakapagtataka ang bigla Niyang pananahimik. Malimit Niyang dalawin ang pook na ito upang magbulay at manalangin; nguni't hindi gaya nga-yong tigib ng kalungkutan ang Kaniyang puso sa gabing ito ng Kaniyang paghihirap. Sa buong buhay Niya sa ibabaw ng lupa ay lumakad Siya sa liwanag ng pakikiharap ng Diyos. Nang Siya'y nakikipagtunggali sa mga taong inaalihan ng espiritu ni Satanas, ay nasabi Niya, “Ang nagsugo sa Akin ay sumasa Akin: hindi Ako pinabayaan ng Ama na nag-iisa; sapagka't ginagawa Kong lagi ang mga bagay na sa Kaniya'y nakalulugod.” Juan 8:29. Nguni't ngayon ay parang nahiwalay na sa Kaniya ang liwanag ng pakikiharap ng Diyos. Ngayon ay ibinilang na Siyang kasama ng mga mananalansang. Kailangan Niyang dalhin ang kasalanan ng buong sangkatauhan. Sa Kaniya na di-nagkasala ay dapat ipataw ang kasalanan o kasamaan nating lahat. Sa ganang Kaniya ay totoong kakila-kilabot ang kasalanan, at lubhang napakabigat ng sala o parusang dapat Niyang bathin, na anupa't natukso Siyang matakot na ito ang magpapawalay ng pag-ibig ng Ama sa Kaniya. Palibhasa'y nararamdaman Niya ang kakila-kilabot na galit ng Diyos sa pagsalansang, sinabi Niya, “Namamanglaw na lubha ang kaluluwa Ko, hanggang sa kamatayan.” BB 994.2
Nang pumapasok na sila sa halamanan, nahalata ng mga alagad ang malaking pagbabago ng kanilang Panginoon. Di-kailanman nila nakita Siya nang una na gayon kalungkot at katahimik. Habang Siya'y lumalakad, ang kakatwang lungkot na ito ay lalong tumitindi; gayunma'y hindi sila nangahas na Siya'y tanungin kung bakit. Ang Kaniyang katawan ay parang mabubuwal. Pagdating nila sa halamanan, hinanap ng mga alagad ang dating pook na Kaniyang pinagpapahingahan, upang doo'y makapag-pahinga ang kanilang Panginoon. Parang hirap na hirap Siya sa paghakbang. Napapabuntung-hininga Siya nang malakas, na parang may mabigat na pinapasan. Makalawa Siyang inalalayan ng Kaniyang mga kasama, sapagka't kung hindi ay maaaring matumba Siya sa lupa. BB 995.1
Sa may bukana ng halamanan ay iniwan ni Jesus ang lahat liban sa tatlo sa Kaniyang mga alagad, at pinagbilinan silang magsipanalangin para sa kanilang mga sarili at para din sa Kaniya. Kasama sina Pedro, Santiago, at Juan, pumasok na Siya sa kubling pook. Ang tatlong alagad na ito ay siyang pinakamalalapit Niyang kasama. Nakita ng mga ito ang Kaniyang kaluwalhatian sa bundok ng pagbabagong-anyo; nakita nila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa Kaniya; narinig nila ang tinig na buhat sa langit; at sa sandaling ito ng mahigpit Niyang pakikipagpunyagi, hangad ni Kristong sila ay malapit sa Kaniya. Malimit nilang makasama Siya sa liblib na pook na ito. Sa ganitong mga pagkakataon, pagkatapos na sila'y makapagbulay-bulay at makapanalangin, ay nangakakatulog sila nang walang kagamba-gambala na malayu-layo sa kanilang Panginoon, hanggang sa sila'y gisingin Niya sa kinaumagahan upang humayo na na man sa paggawa. Datapwa't ngayon ay hangad Niyang magsipanalangin silang magdamag na kasama Niya. Gayunman ay hindi Niya ibig na sila man ay makakita ng daranasin Niyang paghihirap. BB 995.2
“Mangatira kayo rito,” wika Niya, “at makipagpuyat sa Akin.” BB 996.1
Lumayo Siya nang kaunti sa kanila—hindi naman totoong malayo na hindi nila Siya makikita o maririnig man Siya—at saka Siya nagpatirapa sa lupa. Naramdaman Niyang inihihiwalay Siya ng kasalanan sa Kaniyang Ama. Ang bangin ng pagkakahiwalay ay napakaluwang, napakadilim, at napakalalim, anupa't nangilabot ang Kaniyang diwa. Hindi Niya dapat gamitin sa paghihirap na ito ang Kaniyang kapangyarihan ng pagka-Diyos upang ito'y maiwasan. Bilang tao ay dapat Niyang tiisin ang lahat ng mga nagawa o ibinunga ng kasalanan. Bilang tao ay dapat Niyang bathin ang galit ng Diyos laban sa pagsalansang. BB 996.2
Ang katayuan ni Kristo ngayon ay ibang-iba kaysa katayuan Niya noong una. Ang Kaniyang paghihirap ay lubos na mailalarawan sa mga pangungusap ng propeta, “Gumising ka, Oh tabak, laban sa Pastor Ko, at laban sa lalaki na Aking kasama, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.” Zacarias 13:7. Bilang kahalili at tagapanagot sa taong makasalanan, si Kristo ay nagtitiis sa ilalim ng katarungan ng Diyos. Nakita Niya kung ano ang kahulugan ng katarungan. Dati-rati Siya'y namagitan sa mga iba; ngayon naman ay nais Niyang may isang mamagitan para sa Kaniya. BB 996.3
Nang maramdaman ni Kristong nasira na ang pagkakalakip Niya sa Ama, nangamba Siya na sa Kaniyang pagka-tao ay baka hindi Niya makayang mabata ang dumarating na pakikilaban Niya sa mga kapangyarihan ng kadiliman. Sa ilang ng tukso ay napataya ang kapalaran ng sangkatauhan. Si Kristo ang nagwagi noon. Ngayo'y dumating ang manunukso para sa huling kakila-kilabot na labanan. Ito ang tangi niyang pinaghahandaan sa loob ng tatlong taon ng ministeryo ni Kristo. Sa kaniya ay nakataya na ang lahat. Kung dito'y matatalo pa siya, wala na siyang pag-asang makapanaig pa; ang mga kaharian ng sanlibutan ay magiging kay Kristo na; siya ay magagapi na at matatapon. Nguni't kung si Kristo ang madadaig, ang lupa ay magiging kaharian ni Satanas, at ang sangkatauhan ay magiging busabos magpa-kailanman ng kaniyang kapangyarihan. Sa nakaharap sa Kaniyang mga suliraning pinaglalabanan, ang kaluluwa ni Kristo ay nangambang baka Siya'y mapahiwalay sa Diyos. Sinabi sa Kaniya ni Satanas na kung Siya ang magiging tagapanagot sa sanlibutang salarin, ay magiging lubos ang Kaniyang pagkakahiwalay sa Diyos. Mapapapanig Siya sa kaharian ni Satanas, at hindinghindi na magiging kaisa ng Diyos. BB 997.1
At ano ang pakikinabangin ng ganitong sakripisyo? Lumilitaw na walang-pag-asa ang pagkamakasalanan at ang kawalang-utang-na-loob ng mga tao! Ipinagdiinan ni Satanas sa Manunubos ang nakapanggigipuspos na larawan ng katayuan ni Jesus: Ang mga taong namamaraling nakahihigit sa lahat ng iba sa mga bagay na ukol sa laman at sa espiritu ay nagtakwil sa Iyo. Pinagsisikapan nilang ipahamak Ka, Ikaw na siyang patibayan, siyang sentro at tatak ng mga ipinangako sa isang tanging bayan. Ang isa sa Iyong mga alagad, na nakinig sa Iyong turo, at kabilang sa mga nangunguna sa mga gawain ng iglesya, ay magkakanulo sa Iyo. Ang isa sa Iyong masisikap na alagad ay magkakaila o magtatatwa sa Iyo. Lahat ay hihiwalay sa Iyo. Nasuklam sa ganitong isipan ang buong pagkatao ni Kristo. Dinamdam ng puso Niya ang isipan na yaong mga pinarituhan Niya upang iligtas, yaong mga inibig Niya ng labis, ay makikiisa sa mga pakana ni Satanas. Kakila-kilabot ang paglalaban. Sa laki nito ay kasama ang kasalanan ng Kaniyang bansa, ng mga nagpaparatang at nagkakanulo sa Kaniya, ng kasalanan ng sanlibutang nagugumon sa kasamaan. Mabigat na mabigat ang pagkakapataw kay Kristo ng mga kasalanan ng mga tao, at ang pagkadama Niya ng galit ng Diyos laban sa kasalanan ay lumuluray sa Kaniyang buhay. BB 997.2
Masdan ninyo Siya na nininilay-nilay ang halagang ibabayad sa ikatutubos ng kaluluwa ng tao. Sa paghihirap at pagdadalamhati ng Kaniyang loob ay napadakot Siya sa lupa, na para bagang iniiwas Niya ang Kaniyang sarili na lalo pang mapahiwalay sa Diyos. Ang malamig na hamog ng gabi ay pumapatak sa Kaniyang nakapa-tirapang anyo, nguni't hindi Niya ito pinapansin. Mula sa Kaniyang mamad na mga labi namutawi ang mapait na sigaw, “Oh Ama Ko, kung baga maaari, ay lumampas sa Akin ang sarong ito.” Nguni't dinugtungan Niya ito agad ng, “Gayunma'y huwag ang ayon sa ibig Ko, kundi ang ayon sa ibig Mo.” BB 999.1
Naghahanap ang puso ng tao ng nakikiramay sa kaniyang paghihirap. Ang ganitong paghahanap ng maki-kiramay ay naramdaman ni Kristo sa kaibuturan ng Kaniyang kaluluwa. Nang sukdulan na ang Kaniyang paghihirap ay nilapitan Niya ang Kaniyang mga alagad sa hangaring makarinig ng ilang salitang makaaaliw mula sa mga ito na napakalimit Niyang pinagpala at inaliw, at tinulungan sa kalungkutan at kapighatian. Siya na laging may salita ng pakikiramay sa kanila ay nagdaranas ngayon ng napakatinding paghihirap ng loob na higit sa makakaya ng tao, at nais Niyang malaman kung Siya at ang mga sarili nila ay kanilang idinada-langin. Waring napakatindi ang bagsik ng kasalanan! Nakahihindik ang tuksong pabayaan na ang sangkatauhan na magbata ng mga ibinunga ng sarili nitong kasalanan, samantalang Siya'y nakatayo sa harap ng Diyos na walang bahid-sala. Kung mababatid lamang Niya na nalalaman ito at pinahahalagahan ng Kaniyang mga alagad, mapalalakas sana Siya. BB 999.2
Naghihirap Siyang tumayo at sumusuray na tinungo ang pook na pinag-iwanan Niya sa Kaniyang mga kasamahan. Nguni't Kaniyang “naratnan silang nangatu-tulog.” Kung natagpuan Niya sana silang nananalangin, disin sana'y naginhawahan ang Kaniyang loob. Kung sila lamang ay nanganlong sa Diyos, upang huwag silang madaig ng mga kinakasangkapang yaon ni Satanas, na-aliw sana Siya sa matibay nilang pananampalataya. Nguni't hindi nila pinansin ang paulit-ulit Niyang sina-bing, “Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin.” Sa pasimula ay nabagabag ang kanilang loob nang makita nila ang kanilang Panginoon, na dati-rati'y karaniwan nang mahinahon at marangal, nguni't ngayon ay nakikipagpunyagi sa isang kalungkutang hindi nila malirip. Dumalangin sila nang marinig nila ang malalakas na daing ng naghihirap. Hindi nila balak na pabayaan ang kanilang Panginoon, subali't para silang hinila ng antok na hindi nila napaglabanan, na sana'y maiwawaksi nila kung nagpatuloy lamang silang nananalangin sa Diyos. Hindi nila nadama ang pangangailangan ng pagpupuyat at ng maningas na pananalangin upang mapaglabanan ang tukso. BB 1000.1
Bago ibinaling ni Jesus ang Kaniyang mga hakbang patungo sa halamanan, ay sinabi Niya sa Kaniyang mga alagad, “Kayong lahat ay mangatitisod dahil sa Akin ngayong gabi.” Mahigpit naman silang nagsipangakong sila'y magsisisama sa Kaniya hanggang sa bilangguan at kamatayan. At ang kaawa-awa at mapagtaas-sa-sariling si Pedro ay nagsabi pang, “Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi.” Maros 14:27, 29. Nguni't ang mga alagad ay nagtiwala sa sarili nila. Hindi sila nagsiasa sa makapangyarihang Tagatulong gaya ng ipinayo ni Kristong gawin nila. Kaya nga nang sandaling kailangang-kailangan ng Tagapagligtas ang kanilang pakikiramay at mga pananalangin, ay natagpuan silang nangatutulog. Pati si Pedro ay natutulog din. BB 1000.2
At si Juan, ang alagad na maibiging sumandal sa dib-dib ni Jesus, ay natutulog. Tunay na ang pag-ibig ni Juan sa kaniyang Panginoon ay dapat sanang nakapagpanatili sa kaniyang gising. Ang maalab niyang pananalangin ay dapat sanang nakilakip sa panalangin ng pinakamamahal niyang Tagapagligtas sa panahon ng matinding kalung-kutan Nito. Ginugol ng Manunubos ang magdamag sa pananalangin para sa Kaniyang mga alagad, upang huwag magkulang ang kanilang pananampalataya. Kung ngayo'y itatanong uli ni Jesus kina Santiago at Juan ang katanungang itinanong Niyang minsan sa kanila na, “Mangyayari bagang inuman ninyo ang sarong malapit nang Aking inuman, at mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa Akin?” ay hindi sana sila nangahas sumagot na, “Mangyayari.” Mateo 20:22. BB 1001.1
Nagising ang mga alagad nang marinig nila ang tinig ni Jesus, nguni't hindi nila halos makilala Siya, palibhasa'y nag-ibang lubha ang Kaniyang mukha dahil sa tindi ng hapis. Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Simon, natutulog ka baga? hindi ka ba makapagpuyat nang isang oras? Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. Ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapwa't mahina ang laman.” Ang kahinaan ng Kaniyang mga alagad ay nakapukaw ng pakikiramay ni Jesus. Nag-alaala Siyang baka hindi nila makaya ang pagsubok na darating sa kanila pagka Siya'y ipinagkanulo na at pinatay. Hindi Niya sila sinuwatan kundi sinabi Niya, “Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.” Hanggang sa Kaniyang malaking paghihirap ng loob at kadalamhatian, sinisikap pa rin Niyang ipatawad o pagpaumanhinan ang kanilang kahinaan. “Ang espiritu sa katotohanan ay may ibig,” sabi Niya, “datapwa't mahina ang laman.” BB 1001.2
Muling piniyapis ang Anak ng Diyos ng kalungkutang higit sa kayang paglabanan ng tao, at nanghihina at nanlulumong Siya'y pasuray-suray na bumalik sa pook na dati Niyang pinananalanginan. Ang paghihirap ng loob Niya ay higit pang matindi kaysa nang una. Nang piyapisin Siya ng paghihirap ng kaluluwa, “ang Kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.” Ang mga punong sipres at mga punong palma ay mga piping saksi ng Kaniyang paghihirap ng loob. Buhat sa malalabay na sanga ng mga ito ay pumatak sa Kaniyang lupaypay na anyo ang malalaking patak ng hamog, na para bagang ang kalikasan ay tumatangis sa Maylalang sa kanila sa mag-isang pakikipagpunyagi Nito sa mga kapangyarihan ng kadiliman. BB 1002.1
Nang ilang sandaling nakaraan, si Jesus ay nakatindig na tulad sa isang matibay na sedro, na nakikilaban sa bagyo ng pag-uusig na humahampas nang buong bangis sa Kaniya. Walang nangyari sa pagsisikap ng mga matitigas na kalooban at mga pusong puno ng kasamaan at katusuhan na Siya'y lituhin at gapiin. Tumayo Siyang taglay ang banal na karangalang tulad ng Anak ng Diyos. Ngayon ay tulad Siya sa isang puno ng tambong hina-hampas at binabaluktot ng nagngangalit na bagyo. Sumapit na Siya sa karurukan ng Kaniyang gawain bilang isang mananagumpay, na sa bawa't hakbang ay nagwagi sa kapangyarihan ng kadiliman. Palibhasa'y naluwalhati na Siya, naangkin Niya ang pagiging-kaisa ng Diyos. Sa mga awit Niya ng pagpupuri ay maluwag ang daloy ng Kaniyang tinig. Nagsalita Siya sa Kaniyang mga alagad ng mga salita ng pagmamahal at pampalakas ng loob. Dumating na ngayon ang oras ng kapangyarihan ng kadiliman. Narinig ngayon sa katahimikan ng gabi ang Kaniyang tinig, hindi sa himig ng pananagumpay, kundi lipos ng hinaing. Ang mga salita ng Tagapagligtas ay nakasapit sa mga pandinig ng nangag-aantok na mga alagad, “Oh Ama Ko, kung hindi mangyayaring makalampas sa Akin ang sarong ito, kundi inumin Ko, mangyari nawa ang Iyong kalooban.” BB 1002.2
Ang unang-unang naisip ng mga alagad ay ang lapitan Siya; nguni't pinagbilinan Niya silang manatili roon, na magpuyat sa pananalangin. Nang lapitan sila ni Jesus, naratnan Niya silang nangatutulog. Muli na namang nadama Niya ang paghahangad ng pakikisama nila, ang paghahangad ng ilang pangungusap mula sa Kaniyang mga alagad na magdudulot ng kaginhawahan, at papawi sa sapot ng kadilimang lumulukob sa Kaniya. Nguni't lubhang nangabibigatan ang kanilang mga mata; “wala silang maalamang sa Kaniya'y isagot.” Nagising sila sa harap Niya. Nakita nilang ang Kaniyang mukha ay may bakas ng pawis at dugo, at sila'y nahintakutan. Ang paghihirap ng Kaniyang isip ay hindi nila maunawaan. “Ang Kaniyang mukha ay napakakatwa kaysa kaninumang lalaki, at ang Kaniyang anyo ay higit na kumatwa kaysa mga anak ng mga tao.” Isaias 52:14. BB 1003.1
Pagpihit ni Jesus ay tinungo Niya uli ang dati Niyang pook na panalanginan, at nagpatirapa, dahil sa pagkalagim sa salimuot na kadiliman. Ang pagka-tao ng Anak ng Diyos ay nanginig sa napakahirap na sandaling yaon. Ngayo'y idinalangin Niya hindi ang Kaniyang mga alagad upang huwag magkulang ang kanilang pananampa-lataya, kundi ang sarili Niyang natutukso't naghihirap na kaluluwa. Sumapit na ang kakila-kilabot na sandali— ang sandaling yaon na magpapasiya sa kapalaran ng sanlibutan. Ang kapalaran ng sangkatauhan ay nayayanig sa timbangan. Matatanggihan pa rin ni Kristo ngayon na inuman ang sarong nakalaan sa nagkasalang sangkatauhan. Hindi pa totoong huli. Maaari pa Niyang pahirin ang mga pawis na dugo na nasa Kaniyang mukha, at iwan ang tao na mapahamak sa kaniyang kasamaan. Maaari Niyang sabihing, Bayaan ang mananalansang na tumanggap ng parusa sa kaniyang pagkakasala, at Ako'y babalik sa Aking Ama. Iinumin ba ng Anak ng Diyos ang mapait na saro ng pangangayupapa at paghihirap? Pagdudusahan ba ng walang-sala ang mga bunga ng sumpa sa kasalanan, upang iligtas ang mga maysala? Nanginginig ang mga mamad na labi ni Jesus nang mamutawi ang mga salitang, “Oh Ama Ko, kung hindi mangyayaring makalampas sa Akin ang sarong ito, kundi inumin Ko, mangyari nawa ang Iyong kalooban.” BB 1003.2
Tatlong ulit Niyang binigkas ang panalanging yaon. Tatlong ulit na nangunti ang sangkatauhan sa kahuli-hulihan at pangwakas na sakripisyo. Datapwa't ngayon ay napaharap na sa Manunubos ng sanlibutan ang kasay-sayan ng sangkatauhan. Nakita Niya na ang mga mananalansang ng kautusan, kung iiwan at pababayaang magisa sa kanilang mga sarili, ay walang-pagsalang mapapa-hamak. Nakita Niya ang kawalang-magagawa ng tao. Nakita Niya ang kapangyarihan ng kasalanan. Ang mga kapighatian at mga panaghoy ng hinatulang sanlibutan ay tumayo sa harap Niya. Namasdan Niya ang sasapitin nitong kapalaran, at yari na ang Kaniyang pasiya. Ililigtas Niya ang tao anuman ang mangyari sa Kaniyang sarili. Tinanggap Niya ang bautismo ng dugo, upang sa pamamagitan Niya ay magtamo ng buhay na walang-hanggan ang mga angaw-angaw na mapapahamak. Iniwan Niya ang mga palasyo ng langit, na doon ang lahat ay malinis, maligaya, at maluwalhati, upang iligtas ang isang nawaglit na tupa, ang kaisa-isang sanlibutang nahulog sa pagkakasala. At hindi Niya tatalikuran ang Kaniyang misyon. Siya ang magiging pampalubag-loob ng isang lahing sinadya ang magkasala. Ang Kaniyang panalangin ngayon ay nagpapakilala ng pagpapasakop: “Kung hindi mangyayaring makalampas sa Akin ang sarong ito, kundi inumin Ko, mangyari nawa ang Iyong kalooban.” BB 1004.1
Nang magawa na Niya ang pasiya, ay natimbuwang Siyang parang patay sa lupa. Saan naroon ngayon ang Kaniyang mga alagad, upang alalayan ang ulo ng kanilang nanghihinang Panginoon, at pahiran ang noong nadungisan nang higit kaysa mga anak ng mga tao? Nag-iisang lumusong ang Tagapagligtas sa alilisan ng alak, at wala Siyang nakasamang sinumang tao. BB 1005.1
Nguni't ang Diyos ay nagtiis ding kasama ng Kaniyang Anak. Namasdan ng mga anghel ang paghihirap ng Tagapagligtas. Nakita nilang naligid ng mga hukbo ni Satanas ang kanilang Panginoon, ang Kaniyang buong kaanyuan ay pinahihirapan ng isang nakapangangatal at mahiwagang pagkatakot. Nagkaroon ng katahimikan sa langit. Walang sinumang kumalabit ng alpa. Kung natanaw lamang ng mga tao ang panggigilalas ng hukbo ng mga anghel nang sa tahimik nilang paghihinagpis ay namasdan nilang inihihiwalay ng Ama sa Kaniyang pinakaiibig na Anak ang Kaniyang mga sinag ng liwanag, pag-ibig, at kaluwalhatian, ay lalo nilang mapaguunawa kung gaano kasuklam-suklam ang kasalanan sa Kaniyang paningin. BB 1005.2
Matamang pinanood ng mga sanlibutang di-nagkasala at ng mga anghel sa langit nang may matinding pananabik ang tunggalian hanggang sa natapos. Si Satanas at ang lahat niyang mga kasamang masama, at ang buong hukbo ng mga nagsitalikod, ay matamang nagmasid sa malaking krisis na ito sa gawain ng pagtubos. Ang mga kapangyarihan ng mabuti at masama ay nagsipaghintay upang makita kung ano ang isasagot sa makaitlong inulit na panalangin ni Kristo. Ninais ng mga anghel na hatdan ng tulong na ginhawa ang banal na naghihirap, nguni't ito'y hindi mangyayari. Walang magagawang pag-iwas ang Anak ng Diyos. Sa kakila-kilabot na krisis na ito, nang ang lahat ng bagay ay nakataya, nang ang mahiwagang saro ay nanginginig sa pagkaka-tangan ng nagdurusa, ay nabuksan ang langit, isang liwanag ang naglagos sa masungit na kadiliman, at ang makapangyarihang anghel na nakatayo sa piling ng Diyos, na siyang humalili sa tungkuling kinahulugan ni Satanas, ay sumapiling ni Kristo. Dumating ang anghel hindi upang kunin ang saro sa kamay ni Kristo, kundi upang palakasin Siya na inumin ito, taglay ang pangakong Siya'y iniibig ng Ama. Dumating ito upang magbigay ng lakas sa Diyos-taong namamanhik. Itinuro nito sa Kaniya ang nakabukas na langit, at sinabi ang tungkol sa mga kaluluwang maliligtas bilang bunga ng Kaniyang mga pagpapakahirap. Tiniyak nito sa Kaniya na ang Kaniyang Ama ay higit na makapangyarihan kaysa kay Satanas, na ang Kaniyang kamatayan ay magbubunga ng lubos na pagkagapi ni Satanas, at ang kaharian ng sanlibutang ito ay mabibigay sa mga banal ng Kataastaasan. Sinabi nito sa Kaniya na makikita Niya ang pagdadalamhati ng Kaniyang kaluluwa, at Siya'y masisiyahan, sapagka't makikita Niya ang isang malaking karamihan ng mga taong naligtas, naligtas magpakailanman. BB 1005.3
Ang paghihirap ni Kristo ay hindi nagbawas, nguni't napawi naman ang Kaniyang panlulumo at panlulupaypay. Hindi pa huminto ang bagyo, subali't Siya na sina-salakay ay napalakas na upang masagupa ang kabangisan nito. Ngayo'y panatag na Siya at tahimik. Nabadha sa mukha Niyang dugu-duguan ang kapayapaan ng langit. Nabata Niya ang hinding-hindi kailanman mababata ng sinumang tao; sapagka't nalasap Niya ang mga hirap ng kamatayan para sa bawa't tao. BB 1006.1
Ang nangatutulog na mga alagad ay biglang ginising ng liwanag na nakapaligid sa Tagapagligtas. Nakita nila ang anghel na nakayukong naglilingkod sa nakadapa nilang Panginoon. Nakita nilang inangat nito ang ulo ng Tagapagligtas at isinandal sa kaniyang dibdib, at itinuro ang langit. Napakinggan nila ang tinig nito, na tulad sa pinakamatamis na tugtugin, na nagsasalita ng mga katagang umaaliw at nagbibigay ng pag-asa. Naala-ala ng mga alagad ang tagpo o tanawing nakita nila sa bundok ng pagbabagong-anyo. Naalaala nila ang kaluwalhatiang bumalot kay Jesus doon sa templo, at ang tinig ng Diyos na nagsalita mula sa alapaap. Ngayon ay muling nakita ang kaluwalhatian ding iyon, at hindi na sila nag-alaala pa sa kanilang Panginoon. Siya ay nasa ilalim ng pag-iingat ng Diyos; isang makapangyarihang anghel ang isinugo upang Siya'y ipagsanggalang. Sa matinding kapaguran ng mga alagad ay muli na naman silang napanagumpayan ng kakatwang pag-aantok. At naratnan na naman sila ni Jesus na nangatutulog. BB 1007.1
May kalumbayang minasdan Niya sila at Kaniyang sinabi, “Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: narito, malapit na ang oras, at ang Anak ng tao ay ipinagkaka-nulo sa mga kamay ng mga makasalanan.” BB 1007.2
Namumutawi pa lamang sa Kaniyang mga labi ang mga salitang ito, ay narinig na Niya ang mga yabag ng maraming masasamang tao na naghahanap sa Kaniya, at sinabi Niya, “Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa Akin.” BB 1007.3
Wala na ang mga bakas ng Kaniyang katatapos na paghihirap nang si Jesus ay sumalubong sa nagkanulo sa Kaniya. Nagpauna Siya sa Kaniyang mga alagad at nagsabi, “Sino ang inyong hinahanap?” Sila'y nagsisagot, “Si Jesus na taga-Nazareth.” Sumagot si Jesus, “Ako nga.” Nang sinasasalita Niya ang mga pangungusap na ito ang anghel na nang nakalipas na sandali'y naglingkod kay Jesus ay lumagay sa pagitan Niya at ng masasamang tao. Isang liwanag na mula sa Diyos ang nagningning sa mukha ng Tagapagligtas, at isang anyong gaya ng kalapati ang lumukob sa Kaniya. Sa harap ng ganitong kaluwalhatiang buhat sa Diyos, ay hindi nakatayo sa loob ng isang sandali ang tampalasang karamihan. Sila'y pasuray-suray na nangapaurong. Nangalugmok na parang patay sa lupa ang mga saserdote, mga matatanda, mga kawal, at pati si Judas. BB 1007.4
Umurong ang anghel, at naparam ang liwanag. May pagkakataon sana si Jesus na makatakas, nguni't hindi Siya umalis, nanatili Siyang payapa at mahinahon. Bilang isa na naluwalhati ay tumayo Siya sa gitna ng mga pusakal na masasamang tao, na ngayo'y nakatimbuwang at walang-magawa sa Kaniyang paanan. Tahimik na nagmamalas ang mga alagad na taglay ang panggigilalas at pangingilabot. BB 1008.1
Nguni't biglang nagbago ang tanawin. Bumangon ang pulutong ng masasamang tao. Pinaligiran si Kristo ng mga kawal na Romano, ng mga saserdote at ni Judas. Mandi'y napahiya sila sa kanilang kahinaan, at nangamba silang baka Siya'y makatakas pa. Muling nagtanong ang Manunubos, “Sino ang inyong hinahanap?” Nagkaroon na sila ng katibayan na ang nakatayo sa harap nila ay ang Anak ng Diyos, nguni't ayaw pa rin nilang paniwalaan. Sa tanong na, “Sino ang inyong hinahanap?” ay muli silang sumagot ng, “Si Jesus na taga-Nazareth.” Nang magkagayo'y sinabi ng Tagapagligtas, “Sinabi Ko na sa inyo na Ako nga: kung Ako nga ang inyong hinahanap, ay pabayaan ninyo ang mga ito na magsiyaon sa kanilang lakad”—na itinuturo ang mga alagad. Batid Niya kung gaano kahina ang kanilang pananampalataya, at pinagsikapan Niyang maipagsanggalang sila sa tukso at pagsubok. Handa Siyang mag-alay ng Kaniyang sarili alang-alang sa kanila. BB 1008.2
Hindi kinalimutan ni Judas na tagapagkanulo ang bahaging kaniyang gagampanan. Nang pumasok sa halamanan ang pulutong ng masasamang tao, siya ang nangu-nguna sa daan, at sinusundan naman siya ng dakilang saserdote. Nagbigay siya ng isang tanda o hudyat sa mga magsisihuli, na sinasabi, “Ang aking hagkan, ay Yaon nga: hulihin ninyo Siya.” Mateo 26:48. Ngayo'y nagkunwari siyang hindi nila kasama. Lumapit siya kay Jesus at hinawakan Siya sa kamay na parang isang matalik na Kaibigan. Kasabay ng mga salitang, “Magalak, Rabi,” ay hinagkan niya Siya nang paulit-ulit, at nag-anyo siyang tumatangis na parang nakikiramay sa Kaniya sa Kaniyang kapanganiban. BB 1009.1
Sinabi sa kaniya ni Jesus, “kaibigan, sa anong dahilan ka naparito?”Nanginginig ang Kaniyang tinig sa taglay na kalungkutan nang idugtong Niyang, “Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao?” Ang pangungusap na ito'y dapat sanang nakapukaw sa budhi ng tagapagkanulo, at nakakilos sa matigas niyang puso; nguni't nawala na sa kaniya ang karangalan, katapatan, at ang pagmamahal sa tao. Nasa anyo ng kaniyang pagkakatayo ang katapangan at ang paglaban, na nagpapakilalang hindi na maglulubag ang kaniyang loob. Ibinigay na niya ang kaniyang sarili kay Satanas, at wala siyang kapangyarihan upang ito'y labanan. Hindi tinanggihan ni Jesus ang halik ng taksil. BB 1009.2
Lalo nang tumapang ang pulutong nang makita nilang hinawakan ni Judas Siya na nang ilang sandaling nakararaan ay naluwalhati sa harap nila. Sinunggaban nila ngayon si Jesus, at tinalian ang mga kamay na lagi nang ginagamit sa paggawa ng mabuti. BB 1009.3
Inakala ng mga alagad na hindi tutulutan ng kanilan Panginoon na Siya ay hulihin. Sapagka't ang kapangyarihang nagpatimbuwang sa pulutong ng masasamang tao at natulad sa mga patay ay siya ring magpapahina sa mga ito, hanggang sa si Jesus at ang Kaniyang mga kasama ay makatakas. Nangabigo sila at nangagalit nang makita mlang inilabas na ang lubid upang talian ang mga kamay Niyaong kanilang minamahal. Sa galit ni Pedro ay mabilis niyang binunot ang kaniyang tabak at sinikap na ipagsanggalang ang kaniyang Panginoon, nguni't natigpas lamang niya ang isang tainga ng alipin ng dakilang saserdote. Nang makita ni Jesus ang nangyari, kinalagan Niya ang natatalian Niyang mga kamay, bagaman mahigpit na hawak ng mga kawal na Romano, at nagsabi, “Pabayaan ninyo sila hanggang dito,” at saka Niya hinipo ang nasugatang tainga, at ito'y karaka-rakang gumaling. Nang magkagayo'y sinabi Niya kay Pedro, “Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan: sapagka't ang lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay. Inaakala mo baga na hindi Ako makapamamanhik sa Aking Ama, at padadalhan Niya Ako ngayon din ng mahigit sa labindaiawang pulutong ng mga anghel?”—isang pulutong para sa bawa't isang alagad. Oh, bakit, tanong ng mga alagad, hindi Niya iligtas ang Kaniyang sarili at tayo? Bilang tugon sa kanilang di-mabigkas na iniisip, ay sinabi pa ni Jesus, “Kung gayo'y paano bagang mangatutupad ang mga kasulatan, na ganyan ang nauukol na mangyari?” “Ang sarong sa Akin ay ibinigay ng Aking Ama, ay hindi ko baga iinuman?” BB 1009.4
Ang dangal ng tungkuling hawak ng mga pinunong Hudyo ay hindi nakapigil sa kanila sa pagsama sa paghanap kay Jesus. Ang paghuli sa Kaniya ay isang bagay na totoong mahalaga upang ipagkatiwala sa mga tauhan; ang mga tusong saserdote at mga matatanda ay nakisama sa mga pulis ng templo at sa masasamang karamihan sa pagsunod kay Judas sa Gethsemane. Ano ngang pulutong ito upang samahan ng mga may matataas na katungkulan—isang magugulo at masasamang karamihan na sabik sa katuwaan o kalinggalan, at nasasandatahan ng lahat ng mga uri ng sandata, na para bagang humahabol ng isang mabangis na hayop! BB 1010.1
Binalingan ni Kristo ang mga saserdote at mga matatanda, at itinuon sa kanila ang Kaniyang nananaliksik na titig. Ang mga salitang binigkas Niya ay hindi nila malilimutan habang sila'y nabubuhay. Tulad ang mga iyon sa matatalim na palaso ng Makapangyarihan sa lahat. Taglay ang dangal na sinabi Niya: Narito kayo laban sa Akin na may mga dalang tabak at mga panghampas na parang kayo'y humuhuli ng isang tulisan o isang magnanakaw. Araw-araw ay nauupo Ako at nagtuturo sa templo. Napasainyo ang lahat ng pagkakataon upang Ako'y inyong sunggaban, nguni't wala kayong ginawang anuman. Ang gabi ay lalong nababagay sa inyong gawain. “Ito ang inyong oras at ang kapangyarihan ng kadiliman.” BB 1011.1
Nasindak ang mga alagad nang makita nilang pinahintulutan ni Jesus na Siya'y hulihin at gapusin. Naginit ang kanilang loob sa pagkakadusta sa Kaniya at sa kanila. Hindi nila maubos-maisip ang Kaniyang ikinilos o ginawi, at sinisi nila Siya sa pagpapahuli sa masa-samang karamihan. Sa pag-iinit ng kanilang loob at pag-katakot, ay iminungkahi ni Pedrong iligtas nila ang kanilang mga sarili. Bilang pagsunod sa mungkahing ito, “iniwan Siya ng lahat, at nagsitakas.” Nguni't ang bagay na ito ay hinulaan na o ipinagpauna nang sinabi. ni Kristo. “Narito,” sinabi Niya, “ang oras ay dumarating, oo, dumating na, na kayo'y mangangalat, ang bawa't tao sa kaniya-kaniyang sarili, at Ako'y iiwan ninyong mag-isa: at gayunma'y hindi Ako nag-iisa, sapagka't ang Ama ay sumasa Akin.” Juan 16:32. BB 1011.2