Bukal Ng Buhay

74/89

Kabanata 73—“Huwag Magulumihanan ang Inyong Puso”

Ang kabanatang ito ay batay sa Juan 13:31-38; 14-17.

Nakatingin sa Kaniyang mga alagad na taglay ang banal na pag-ibig at ang pinakamagiliw na pagmamahal, si Kristo ay nagwika, “Ngayon ay niluluwalhati ang Anak ng tao, at ang Diyos ay niluluwalhati sa Kaniya.” Iniwan na ni Judas ang silid sa itaas, at nag-iisa na si Kristong kasama ng labing-isa. Sasabihin na Niya ang nalalapit na Niyang paglisan sa kanila; ngunit bago Niya ginawa ito ay itinuro muna Niya ang dakilang layunin ng Kaniyang misyon. Ito ang pinanatili Niyang nasa harap Niya. Ikinaligaya Niya na ang Kaniyang pagpapakababa at paghihirap ay makaluluwalhati sa pangalan ng Ama. Dito Niya una munang itinuon ang mga pag-iisip ng Kaniyang mga alagad. BB 963.1

Pagkatapos na matawag Niya sila sa magiliw na taguring, “Maliliit na anak,” ay sinabi Niya, “sumasainyo pa Ako ng kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin: at gaya ng sinabi Ko sa mga Hudyo, Sa paroroonan Ko, ay hindi kayo mangakaparoroon; gayon ang sinasabi Ko sa inyo ngayon.” BB 963.2

Hindi nakapagdulot ng kagalakan sa mga alagad ang napakinggang ito. Sinidlan sila ng takot. Nagsiksikan silang palapit sa palibot ng Tagapagligtas. Ang kanilang Guro at Panginoon, ang minamahal nilang Tagapagturo at Kaibigan, Siya'y lalong mahal nila kaysa buhay. Siya ang inasahan nilang tutulong sa lahat nilang mga kahirapan, siyang aaliw sa kanilang mga kalumbayan at mga pagkabigo. Ngayon ay lilisanin Niya sila, na isang malungkot at mahinang pulutong. Malungkot na salagimsin ang pumuno sa kanilang mga puso. BB 963.3

Datapwa't ang mga salita sa kanila ng Tagapagligtas ay puno ng pag-asa. Batid Niyang sila'y sasalakayin ng kaaway, at ang katusuhan ni Satanas ay lubos na nananagumpay laban sa mga nanlulupaypay dahil sa mga kahirapan. Kaya nga pinawi Niya sa kanilang isip “ang mga bagay na nangakikita,” at ibinaling “sa mga bagay na hindi nangakikita.” 2 Corinto 4:18. Inalis Niya sa kanilang mga isip ang pagiging mga bihag sa lupa at ibinaling sa tahanan sa langit. BB 964.1

“Huwag magulumihanan ang inyong puso,” wika Niya; “magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya naman kayo sa Akin. Sa bahay ng Aking Ama ay maraming tahanan: kung di gayon, ay sinabi Ko sana sa inyo. Ako'y paroroon upang ipaghanda Ko kayo ng dakong kalalagyan. At kung Ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto Ako, at kayo'y tatanggapin Ko sa Aking sarili; upang kung saan Ako naroroon, kayo naman ay dumoon. At kung saan Ako paroroon ay nalalaman ninyo, at nalalaman ninyo ang daan.” Alang-alang sa inyo ay naparito Ako sa sanlibutan. Ako'y gumagawa sa kapakinabangan ninyo. Pagalis Ko, masikap pa rin Akong gagawa para sa inyo. Naparito Ako sa sanlibutan upang ihayag ang Aking sarili sa inyo, upang kayo'y magsisampalataya. Paroroon Ako sa Ama upang makipagtulungan sa Kaniya sa ikabubuti ninyo. Ang layunin ni Kristo sa pag-alis ay katuwas ng pinangangambahan ng mga alagad. Hindi iyon nangangahulugang tuluyan na silang maghihiwalay. Siya'y aalis upang maghanda ng isang lugar para sa kanila, upang makabalik Siya uli, at sila'y matanggap Niya sa Kaniyang sarili. Habang Siya'y nagtatayo ng mga tahanan para sa kanila, sila naman ay dapat magtayo ng mga likas ayon sa wangis ng Diyos. BB 964.2

Gayunma'y natitilihan pa rin ang mga alagad. Si Tomas, na laging binabagabag ng mga alinlangan, ay nagsabi, “Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan Ka paroroon; at paano ngang malalaman namin ang daan? Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko. Kung Ako'y nangakilala ninyo, ay mangakikilala rin ninyo ang Aking Ama: at buhat ngayon ay Siya'y inyong mangakikilala, at Siya ay inyong nakita.” BB 966.1

Hindi marami ang daang patungo sa langit. Maaaring hindi mapili ng bawa't isa ang sarili niyang daan. Sinasabi ni Kristo, “Ako ang daan: ... sinuman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko.” Buhat nang ang unang sermon ng ebanghelyo ay ipangaral, nang sa Eden ay sabihing ang binhi ng babae ay siyang dudurog sa ulo ng ahas, si Kristo ay ibinunyi na bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Siya ang daan nang si Adan ay nabubuhay, nang ihandog ni Abel sa Diyos ang dugo ng korderong pinatay, na kumakatawan sa dugo ng Manunubos. Si Kristo ang daan na sa pamamagitan Niya ay nangaligtas ang mga patriarka at mga propeta. Siya ang daan na sa pamamagitan lamang Niya makalalapit tayo sa Diyos. BB 966.2

“Kung Ako'y nangakilala ninyo,” winika ni Kristo “ay mangakikilala rin ninyo ang Aking Ama: at buhat ngayon ay Siya'y inyong mangakikilala, at Siya ay inyong nakita.” Nguni't hindi pa rin naunawaan ng mga alagad. “Panginoon, ipakita Mo sa amin ang Ama.” wika ni Felipe, “at sukat na ito sa amin.” BB 966.3

Sa Kaniyang panggigilalas dahil sa kapurulan ng pangunawa ni Felipe, may pagtatakang tinanong siya ni Kristo, “Malaon nang panahong Ako'y inyong kasama, at hindi mo Ako nakikilala, Felipe?” Mangyayari kaya na hindi Mo nakikita ang Ama sa mga gawang ginagawa Niya sa pamamagitan Ko? Hindi ka ba naniniwalang Ako'y naparito upang magpatotoo tungkol sa Ama? “Paanong sinasabi mo, Ipakita Mo sa amin ang Ama?” “Ang nakakita sa Akin ay nakakita sa Ama.” Hindi naalis kay Kristo ang pagka-Diyos nang Siya ay maging tao. Bagaman Siya'y nagpakababa sa mga tao, nasa Kaniya pa rin ang pagka-Diyos. Si Kristo lamang ang maaaring maging kinatawan ng Ama sa sangkatauhan, at naging karapatan ng mga alagad na sa loob ng mahigit na tatlong taon ay makita ang ganitong pagiging-kinatawan ni Kristo. BB 967.1

“Magsisampalataya kayo sa Akin na Ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa Akin: o kaya'y magsisampalataya kayo sa Akin dahil sa mga gawa rin.” Ang kanilang pananampalataya ay mangyayaring buong kapanatagang manghawak sa katunayang ibinibigay sa mga gawa ni Kristo, mga gawang sa sarili ng tao ay hindi nito magagawa kailanman. Ang mga gawa ni Kristo ay nagpatunay na Siya ay Diyos. Nahayag ang Ama sa pamamagitan Niya. BB 967.2

Kung pinaniwalaan ng mga alagad ang mahalagang pagkakaugnay na ito ng Ama at ng Anak, hindi sana sila tinakasan ng pananampalataya nang makita nila ang paghihirap at pagkamatay ni Kristo upang iligtas ang napapahamak na sanlibutan. Pinagsikapan ni Kristong alisin sila mula sa kanilang mababang kalagayan ng pananampalataya upang mailipat sa karanasang matatanggap nila kung tunay lamang na kikilanlin nila kung sino Siya— Diyos na nagkatawang-tao. Nais Niyang makita na ang kanilang pananampalataya ay matuon sa Diyos, at manatiling nagtitibay roon. Gaano ngang pagsisikap at pagtitiyaga ang ginawa ng ating maawaing Tagapagligtas upang maihanda ang mga alagad Niya sa bagyo ng tukso na malapit nang manalasa sa kanila. Nais Niyang sila'y makubling kasama Niya sa Diyos. BB 967.3

Nang sinasalita ni Kristo ang pangungusap na ito, ay nagliliwanag sa Kaniyang mukha ang kaluwalhatian ng Diyos, at lahat ng mga naroroon ay sinidlan ng banal na takot habang sila'y matamang nagsisipakinig sa Kaniyang mga salita. Lalo pang tiyakang nahilang palapit sa Kaniya ang kanilang mga puso; at habang sila'y nahihilang palapit kay Kristo nang may lalong malakmg pagibig, ay lalo namang nagkakaugnay ang kanilang mga puso sa isa't isa. Naramdaman nilang napakalapit ang langit, at ang mga salitang pinakinggan nila ay isang pasabi sa kanila ng kanilang Amang nasa langit. BB 968.1

“Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo,” patuloy na wika ni Kristo, “ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang Aking ginagawa.” Labis na hinahangad ng Tagapagligtas na maintindihan ng Kaniyang mga alagad kung sa anong layunin inilakip o ipinakipagkaisa sa sangkatauhan ang Kaniyang pagka-Diyos. Naparito Siya sa sanlibutan upang itanghal ang kaluwalhatian ng Diyos, upang ang tao'y maitaas sa pamamagitan ng nagsasauling kapangyarihan nito. Nahayag ang Diyos sa Kaniya upang Siya nama'y ma hayag sa kanila. Hindi nagpakita si Jesus ng mga katangian, at hindi gumamit ng mga kapangyarihan, na maaaring wala sa mga tao sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kaniya. Ang Kaniyang sakdal na pagiging-tao ay siyang maaaring maangkin ng Kaniyang mga tagasunod, kung sila ay pasasakop sa Diyos na gaya naman Niya. BB 968.2

“At lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya; sapagka't Ako'y paroroon sa Aking Ama.” Hindi ang ibig sabihin ni Kristo nito ay ang gawain ng mga alagad ay magiging lalo pang mataas ang uri kaysa Kaniya, kundi iyon ay magiging lalo pang malaganap. Ang tinukoy Niya ay hindi lamang ang paggawa ng kababalaghan, kundi ang lahat ng magaganap sa ilalim ng paggawa ng Espiritu Santo. BB 968.3

Pagkaakyat sa langit ng Panginoon, nadama ng mga alagad ang pagkatupad ng Kaniyang pangako. Ang mga tanawin o mga tagpo ng pagpapako sa krus, pagkabuhay na mag-uli, at pag-akyat sa langit ni Kristo ay isang buhay na katotohanan sa kanila. Nakita nilang literal na nangatupad ang mga hula. Sinaliksik nila ang mga Kasulatan, at tinanggap nila ang mga itinuturo nito nang may pananampalataya at katiyakan na di-nakikilala nang una. Nakilala nilang ang kanilang banal na Guro ay siya ngang kabuuan ng inangkin Niya. Nang saysayin nila ang kanilang karanasan, at ibunyi ang pag-ibig ng Diyos, ay lumambot at nasupil ang mga puso ng mga tao, at mga karamihan ang nagsisampalataya kay Jesus. BB 969.1

Ang pangako ng Tagapagligtas sa Kaniyang mga alagad ay isa ring pangako sa Kaniyang iglesya hanggang sa katapusan ng panahon. Hindi binalak ng Diyos na ang kahanga-hanga Niyang panukala na tubusin ang mga tao ay makagawa lamang ng mga maliliit na bunga. Lahat ng mga magsisigawa, na hindi nagtitiwala sa magagawa ng kanilang mga sarili, kundi sa magagawa ng Diyos sa kanila at sa pamamagitan nila, ay tiyak na makakakita ng pagkatupad ng Kaniyang pangako. “Lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya,” ang wika Niya, “sapagka't Ako'y paroroon sa Aking Ama.” BB 969.2

Hanggang sa sandaling ito ay hindi pa napagkikilala ng mga alagad ang walang-pagkaubos na bukal ng lakas at kapangyarihan ng Tagapagligtas. Sinabi Niya sa kanila, “Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan Ko.” Juan 16:24. Ipinaliwanag Niya na ang lihim ng kanilang tagumpay ay nasa paghingi ng lakas at biyaya sa Kaniyang pangalan. Siya ang haharap sa Ama upang siyang makiusap para sa kanila. Ang panalangin ng abang nakikiusap ay inihaharap Niya na parang sarili Niyang pakiusap alang-alang sa kaluluwang yaon. Bawa't tapat na panalangin ay pinakikinggan sa langit. Maaaring hindi iyon maipahayag nang buong katatasan; subali't kung iyon ay taimtim sa puso, iyon ay paiilanlang sa santuwaryo na doon naglilingkod si Jesus, at iyon ay ihaharap Niya sa Ama nang walang isa mang pautal-utal na salita, na maganda at pinabango ng kamanyang ng sarili Niyang kasakdalan. BB 969.3

Ang landas ng pagtatapat at kalinisang-budhi ay hindi isang landas na walang mga hadlang, nguni't sa bawa't hadlang o kahirapan ay dapat tayong tumawag sa panalangin. Walang sinumang nabubuhay na may angking kapangyarihan na hindi niya tinanggap sa Diyos, at ang bukal na pinagmumulan nito ay bukas sa pinakamahinang taong kinapal. “Anumang inyong hingin sa Aking pangalan,” sabi ni Jesus, “ay yaon ang Aking gagawin upang ang Ama ay lumuwalhati sa Anak. Kung kayo'y magsisihingi ng anuman sa pangalan Ko, ay yaon ang Aking gagawin.” BB 970.1

Ang bilin ni Jesus sa Kaniyang mga alagad ay manalangin “sa Aking pangalan.” Sila'y titindig sa harapan ng Diyos sa pangalan ni Kristo. Sa pamamagitan ng halaga ng sakripisyong ginawa para sa kanila, ay nagiging mahalaga sila sa paningin ng Panginoon. Dahil sa ibinilang na katwiran ni Kristo sa kanila ay sila'y itinuturing na mahalaga. Alang-alang kay Kristo ay pinatatawad ng Panginoon ang mga nangatatakot sa Kaniya. Hindi Niya nakikita sa kanila ang kaimbihan ng makasalanan. Ang nakikita Niya sa kanila ay ang wangis ng Kaniyang Anak, na kanilang sinasampalatayanan. BB 970.2

Nabibigo ang Panginoon pagka mababa ang ginagawa nilang pagpapahalaga sa kanilang mga sarili. Ang hinahangad Niya'y pahalagahan ng Kaniyang mga hinirang ang mga sarili nila ayon sa pagpapahalaga Niya sa kanila. Kailangan sila ng Diyos, kung hindi ay hindi Niya sana sinugo ang Kaniyang Anak sa isang napakahalagang gawain upang sila'y tubusin. Mayroon Siyang paggagamitan sa kanila, at Siya'y totoong nalulugod kung sila'y humihingi sa Kaniya ng napakalalaki, upang maluwalhati nila ang Kaniyang pangalan. Makaaasa sila ng malalaking bagay kung mayroon silang pananampalataya sa Kaniyang mga pangako. BB 970.3

Nguni't ang manalangin sa pangalan ni Kristo ay nangangahulugan nang malaki. Ito'y nangangahulugang tatanggapin natin ang Kaniyang likas, ipakikita ang Kaniyang espiritu o diwa, at gagawin ang Kaniyang mga gawa. Nakabatay sa kondisyon ang pangako ng Tagapagligtas. “Kung Ako'y inyong iniibig,” wika Niya, “ay tutuparin ninyo ang Aking mga utos.” Inililigtas Niya ang mga tao, hindi sa kasalanan, kundi mula sa paggawa ng kasalanan; at ang lahat ng mga umiibig sa Kaniya ay magpapakita ng kanilang pag-ibig sa pamamagitan ng pagtalima o pagsunod. BB 971.1

Ang lahat ng tunay na pagtalima ay nagbubuhat sa puso. Ito ay gawain ng puso sa ganang kay Kristo. At kung tayo'y sumasang-ayon, ay makikiisa Siya sa ating mga iniisip at mga nilalayon, at ipakikiisa ang ating mga puso at mga pag-iisip sa Kaniyang kalooban, na anupa't sa pagtalima natin sa Kaniya ay sinusunod lamang natin ang sariling udyok ng ating puso o damdamin. Ang kalooban, na nalinis at pinabanal, ay.makakasumpong ng lubos at ganap na kaluguran sa paglilingkod sa Kaniya. Kung nakikilala natin ang Diyos yamang karapatan nating makilala Siya, ang ating buhay ay magiging isang buhay na patuloy sa pagtalima. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa likas ni Kristo, at sa pamamagitan ng pakikiugnay at pakikipag-usap sa Diyos, ay kapopootan natin ang kasalanan. BB 971.2

Kung paanong sa pagkatao ay isinakabuhayan ni Kristo ang kautusan, gayundin magagawa natin ito kung manghahawak tayo sa Malakas o Makapangyarihan para sa kailangang kalakasan. Subali't hindi natin dapat ilagay sa kapanagutan ng iba ang ating tungkulin, at hintayin nating sila ang magsabi sa atin ng kung ano ang ating gagawin. Hindi natin maaasahan ang payo ng tao. Ang Panginoon ay magiging handang ituro sa atin ang ating mga tungkulin gaya ng pagiging handa Niyang ituro ito sa mga iba. Kung lalapit tayo sa Kaniya na may pananampalataya, sasabihin Niya sa atin nang personal ang Kaniyang mga hiwaga. Malimit na mag-aalab ang ating mga puso sa loob natin pagka may Isa na lumalapit upang makipag-usap sa atin gaya nang nakipag-usap Siya kay Enoc. Lahat ng mga nagpapasiyang hindi gagawa ng anumang di-kasiya-siya sa kalooban ng Diyos, ay makaaalam kung ano ang hakbang na gagawin nila, pagkatapos na maiharap nila sa Kaniya ang kanilang kaso o kalagayan. At sila'y tatanggap hindi lamang ng karunungan, kundi ng kalakasan din naman. Bibigyan sila ng kapangyarihan upang sila'y makapaglingkod, gaya ng ipinangako ni Kristo. Anumang ibinigay kay Kristo—ang “lahat ng mga bagay” na makatutustos sa pangangailangan ng nagkasalang mga tao—ay ibinigay sa Kaniya na pangulo at kinatawan ng sangkatauhan. At “anumang ating hingin, ay tinatanggap natin sa Kaniya, sapagka't tinutupad natin ang Kaniyang mga utos, at ginagawa natin ang mga bagay na kalugod-lugod sa Kaniyang paningin.” 1 Juan 3:22. BB 971.3

Bago inialay ni Kristo ang Kaniyang sarili bilang isang hain, hinanap muna Niya ang lalong mahalaga at ganap na kaloob na maibibigay sa Kaniyang mga tagasunod, isang kaloob na maghahatid sa kanila ng walang hanggang kayamanan ng biyaya. “Ako'y dadalangin sa Ama,” sabi Niya, “at kayo'y bibigyan Niya ng isang Mang-aaliw, upang Siya'y sumainyo magpakailanman; samakatwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan; na hindi matatanggap ng sanlibutan, sapagka't hindi nito Siya nakikita, ni nakikilala man Siya: nguni't Siya'y nakikilala ninyo; sapagka't Siya'y tumatahan sa inyo, at sasainyo. Hindi Ko Kayo iiwang [ulila] mag-isa: Ako'y paririto sa inyo.” Juan 14:16-18. BB 972.1

Nasa sanlibutan na ang Espiritu bago pa dumating ang panahong ito; buhat pa nang pasimulan ang gawain ng pagtubos ay kumikilos na Siya sa puso ng mga tao. Datapwa't samantalang nasa lupa pa si Kristo, ay hindi naghangad ng iba pang katulong ang mga alagad. Hindi hanggang sa Siya'y hindi na nila makakasama saka nila mararamdaman ang pangngangailangan nila ng Espiritu, at pagkatapos Siya naman ay darating. BB 973.1

Ang Banal na Espiritu ay siyang kinatawan ni Kristo, nguni't wala itong katawan ng tao, at hiwalay sa katawan ng tao. Palibhasa si Kristo'y nasa katawan ng tao, ay hindi maaaring Siya'y mapasalahat ng dako nang personal. Kaya nga alang-alang sa kanilang ikabubuti ay paroroon Siya sa Ama, at isusugo naman ang Espiritu upang maging kahalili Niya sa lupa. Sa ganito ay walang sinumang makalalamang nang dahil sa siya'y malapit kay Kristo o dahil sa kaniyang kalagayan. Sa pamamagitan ng Espiritu ay nagiging malapit ang Tagapagligtas sa lahat. Sa ganitong diwa o isipan ay magiging higit Siyang malapit sa kanila kaysa kung hindi Siya umakyat sa itaas. BB 973.2

“Ang umiibig sa Akin ay iibigin ng Aking Ama, at siya'y iibigin Ko, at Ako'y magpapakahayag sa kaniya.” Nakita ni Jesus ang sasapitin sa hinaharap ng Kaniyang mga alagad. Nakita Niyang ang isa'y dinala sa pugutan ng ulo, ang isa'y sa krus, ang isa'y sa pagkatapon sa gitna ng mapanglaw na kabatuhan ng dagat, at ang iba'y pinag-usig at pinatay. Pinalakas Niya ang loob nila sa pamamagitan ng pangakong Siya ang magiging kasama nila sa bawa't pagsubok. Ang pangakong yaon ay hindi pa nababawasan ng lakas hanggang ngayon. Nalalaman ng Panginoon ang lahat tungkol sa Kaniyang mga tapat na lingkod na alang-alang sa Kaniya ay nangabibilanggo o kaya'y nangapapatapon sa mapanglaw na pulo. Inaaliw Niya sila sa pamamagitan ng Kaniyang pakikisama. Pagka alang-alang sa katotohanan ang sumasampaiatalya'y tumatayo sa harap ng mga likong hukuman, si Kristo'y nakatayo rin sa tabi niya. Lahat ng mga pag-upasala sa kaniya, ay pag-upasala rin kay Kristo. Muli at muling hinahatulan si Kristo sa katauhan ng Kaniyang alagad. Pagka ang isa ay ipinipiit sa bilangguan, inaaliw ni Kristo ang puso sa pamamagitan ng Kaniyang pag-ibig. Pagka ang isa'y nagdusa ng kamatayan alang-alang sa Kaniya, ay sinasabi ni Kristo, “Ako ang nabubuhay, at Ako'y namatay; at, narito, Ako'y nabubuhay magpakailanman, ... at nasa Akin ang mga susi ng impiyerno at ng kamatayan.” Apocalipsis 1:18. Ang buhay na inihain o isinakripisyo dahil sa Akin ay iniingatan hanggang sa kaluwalhatiang walang-hanggan. BB 973.3

Sa lahat ng panahon at sa lahat ng mga pook, sa lahat ng mga kalungkutan at sa lahat ng mga kadalamhatian, pagka waring madilim ang namamalas at ang hinaharap ay waring nakalilito, at tayo'y nakakaramdam ng kawalang-magagawa at ng pag-iisa, ay isusugo ang Mang-aaliw bilang tugon sa panalanging may pananampalataya. Maaaring tayo'y ihiwalay ng mga pangyayari sa bawa't kaibigan natin sa lupa; gayunma'y walang pangyayari, walang malayong agwat, na makapaghihiwalay sa atin sa Mang-aaliw ng langit. Saanman tayo naroroon, saanman tayo pumunta, Siya'y laging nasa ating kanan upang magtaguyod, kumatig, umalalay, at umaliw. BB 974.1

Hindi pa rin naintindihan ng mga alagad ang kahulugang espirituwal ng mga salita ni Kristo, at kaya nga muli Niyang ipinaliwanag ang ibig Niyang sabihin. Sa pamamagitan ng Espiritu, wika Niya, ay ihahayag Niya ang Kaniyang sarili sa kanila. “Ang Mang-aaliw, samakatwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa Aking pangalan, Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay.” Hindi na ninyo sasabihing, Hindi ko maintindihan. Hindi na kayo titingin nang malabo sa isang salamin. Inyo nang magagawang “matalastas na kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang, at ang haba, at ang lalim at ang taas; at makilala ang pag-ibig ni Kristo, na di-masayod ng kaalaman.” Efeso 3:18, 19. BB 974.2

Ang mga alagad ay siyang magpapatotoo sa naging buhay at gawain ni Kristo. Sila ang magiging bibig Niya sa lahat ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Datapwa't sa pagkadusta at pagkamatay ni Kristo ay magdaranas sila ng malaking pagsubok at pagkabigo. Upang pagkatapos ng karanasang ito ay maging husto o tama ang kanilang pananalita, ay ipinangako ni Jesus na ang Mang-aaliw ay siyang “magpapaalaala sa inyo ng lahat ng mga bagay, na sa inyo'y Aking sinabi.” BB 975.1

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin,” patuloy pa Niya, “nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayunma'y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi Siya magsasalita ng mula sa Kaniyang sarili, kundi ang anumang bagay na Kaniyang marinig, ang mga ito ang Kaniyang sasalitain: at Kaniyang ipapahayag sa inyo ang mga bagay na magsisirating. Luluwalhatiin Niya Ako: sapagka't kukuha Siya sa nasa Akin, at sa inyo'y ipahahayag.” Binuksan ni Jesus sa harap ng Kaniyang mga alagad ang isang malaking hanay ng katotohanan. Subali't napakahirap sa ganang kanila na ang Kaniyang mga aral ay ihiwalay sa mga sali't saling sabi at mga kasabihan ng mga eskriba at mga Pariseo. Sila'y naturua't nasanay na tanggapin ang turo ng mga rabi bilang siyang tinig ng Diyos, at ito'y nananatili pa ring may kapangyarihan sa kanilang mga isip, at humuhugis ng kanilang mga damdamin. Ang mga kuru-kurong makalupa, ang mga bagay na lumilipas, ay may malaking lugar pa rin sa kanilang mga pag-iisip. Hindi nila naunawaan ang likas na espirituwal ng kaharian ni Kristo, bagaman ito'y malimit na Niyang ipaliwanag sa kanila. Nalito na ang kanilang mga isip. Hindi nila naunawaan ang halaga ng mga kasulatang ipinakilala ni Kristo. Marami sa Kaniyang mga turo o aral ay waring nawala na sa kanila. Nakita ni Jesus na hindi sila nanghawak sa tunay na kahulugan ng Kaniyang mga salita. Buong kahabagang ipinangako Niya na ang Banal na Espiritu ay siyang magpapaalaala ng mga salitang ito sa kanilang mga pag-iisip. At hindi na Niya sinabi ang marami pang ibang bagay na hindi maunawaan ng mga alagad. Ang mga ito rin naman ay ihahayag sa kanila ng Espiritu. Ang Espiritu ang gigising o pupukaw ng kanilang pang-unawa, upang magkaroon sila ng pagpapahalaga sa mga bagay ng langit. “Kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating,” wika ni Jesus, “ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan.” BB 975.2

Ang Mang-aaliw ay tinatawag na “Espiritu ng katotohanan.” Ang gawain Niya ay linawin at pamalagiin ang katotohanan. Siya'y unang tumatahan sa puso bilang Espiritu ng katotohanan, at sa ganito'y nagiging Mangaaliw Siya. May kaaliwan at kapayapaan sa katotohanan, subali't walang masusumpungang tunay na kapayapaan at kaaliwan sa kasinungalingan. Sa pamamagitan ng mga bulaang teorya at mga sali't saling sabi ay napapasakapangyarihan ni Satanas ang pag-iisip. Sa pamamagitan ng pag-akay niya sa mga tao sa mga maling pamantayan, ay sinisira niya ang likas. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay nagsasalita ang Banal na Espiritu sa pag-iisip, at ikinikintal sa puso ang katotohanan. Sa ganitong paraan ibinubunyag Niya ang mali, at pinalalayas ito sa kaluluwa. Sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan, na gumagawa sa pamamagitan ng salita ng Diyos, pinasusuko ni Kristo sa Kaniya rin ang Kaniyang hinirang na bayan. BB 976.1

Nang ilarawan ni Jesus sa Kaniyang mga alagad ang tungkulin at gawain ng Espiritu Santo, ay sinikap Niyang mapasigla sila sa tuwa at pag-asa na nagpapasigla rin sa sarili Niyang puso. Natuwa Siya dahil sa masaganang tulong na nailaan Niya para sa Kaniyang iglesya. Ang Espiritu Santo ay siyang kataas-taasan sa lahat ng mga kaloob na mahihingi Niya sa Kaniyang Ama para sa ikatataas ng Kaniyang bayan. Ang Espiritu ay dapat ibigay bilang isang kapangyarihang bumubuhay, at kung ito'y wala ay mawawalan ng kabuluhan ang sakripisyo ni Kristo. Ang kapangyarihan ng kasamaan ay nagpapalakas sa loob ng mga dantaon, at kamangha-mangha ang pagpapasakop ng mga tao sa makasatanas na kapangyarihang ito. Ang kasalanan ay malalabanan at mapapanagumpayan lamang sa pamamagitan ng malakas na kapangyarihan ng Ikatlong Persona ng Pagka-Diyos, na darating na may buong kapuspusan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang Espiritu ang nagbibigay ng bisa sa mga ginawa ng Manunubos ng sanlibutan. Sa pamamagitan ng Espiritu nadadalisay ang puso. Sa pamamagitan ng Espiritu nakakabahagi ng likas ng Diyos ang sumasampalataya. Ibinigay ni Kristo ang Kaniyang Espiritu bilang isang banal na kapangyarihan upang daigin ng tao ang lahat ng namana at nalinang na mga pagkahilig niya sa masama, at upang maitatak ang sarili Niyang likas sa Kaniyang iglesya. BB 977.1

Tungkol sa Espiritu ay sinabi ni Jesus, “Luluwalhatiin Niya Ako.” Naparito ang Tagapagligtas upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng pagpapakita ng Kaniyang pag-ibig; kaya luluwalhatiin din ng Espiritu si Kris- to sa pamamagitan ng paghahayag ng Kaniyang biyaya sa sanlibutan. Ang larawan ng Diyos ay muling palilitawin sa tao. Ang karangalan ng Diyos, ang karangalan ni Kristo, ay nasasangkot sa pagpapasakdal sa likas ng Kaniyang bayan. BB 977.2

“Kung Siya [ang Espiritu ng katotohanan] ay dumating, ay Kaniyang susumbatan ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, at sa katwiran, at sa paghatol.” Ang pangangaral ng salita ay mawawalan ng kabuluhan kung hindi patuloy na sasamahan at tutulungan ng Espiritu Santo. Ito lamang ang mabisang tagapagturo ng banal na katotohanan. Kung sinasamahan lamang ng Espiritu ang katotohanan sa puso saka ito makagigising sa budhi o makababago sa buhay. Maaaring magawa ng isang tao na maipakilala ang nakasulat na salita ng Diyos, maaaring alam na alam niya ang lahat nitong mga utos at mga pangako; subali't malibang itanim ng Banal na Espiritu ang katotohanan sa puso, ay walang kaluluwang mahuhulog sa Bato at madudurog. Gaano man kalaki ang pinag-aralan, gaanuman kalaki ang mga kalamangan, ay hindi pa rin magagawang isang daluyan ng liwanag ang isang tao kung hindi tutulungan ng Espiritu ng Diyos. Ang paghahasik ng binhi ng ebanghelyo ay hindi magiging tagumpay malibang ang binhi ay buhayin ng hamog ng langit. Bago nasulat ang isang aklat ng Bagong Tipan, bago naipangaral ang isang sermon ng ebanghelyo pagkatapos makaakyat sa langit si Kristo, ay lumapag na ang Espiritu Santo sa dumadalanging mga apostol. Ang naging patotoo nga ng kanilang mga kaaway ay, “Pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral.” Mga Gawa 5:28. BB 978.1

Ipinangako ni Kristo sa Kaniyang iglesya ang kaloob ng Espiritu Santo, at ang pangako ay para sa atin din naman gaya ng sa mga unang alagad. Subali't katulad ng bawa't ibang pangako, ito'y ibinibigay na may mga kondisyon. Marami ang naniniwala at nagpapanggap na umaangkin sa pangako ng Panginoon; nagsasalita sila tungkol kay Kristo at tungkol sa Espiritu Santo, gayunma'y wala silang tinatanggap na anumang kapakinabangan. Hindi nila isinusuko ang kaluluwa upang mapatnubayan at mapangasiwaan ng mga banal na anghel. Hindi natin magagamit ang Espiritu Santo. Ang Espiritu ang dapat gumamit sa atin. Sa pamamagitan ng Espiritu ay gumagawa ang Diyos sa Kaniyang bayan “sa pagnanasa at sa paggawa ayon sa Kaniyang mabuting kalooban.” Filipos 2:13. Subali't marami ang hindi paiilalim dito. Ibig nilang sila na ang mangasiwa sa kanilang mga sarili. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila tumatanggap ng kaloob ng langit. Yaon lamang mga buong kapakumbabaang naghihintay sa Diyos, na nag-aantabay sa Kaniyang pamamatnubay at biyaya, ang binibigyan ng Espiritu. Naghihintay ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang paghingi at pagtanggap. Ang ipinangakong ito, kung aangkinin sa pananampalataya, ay maghahatid ng lahat ng iba pang mga pagpapala. Ito'y ibinibigay ayon sa kasaganaan ng biyaya ni Kristo, at Siya'y handang magbigay sa bawa't kaluluwa ayon sa kakayahan niyang tumanggap. BB 978.2

Sa pagsasalita Niya sa Kaniyang mga alagad, ay hindi gumawa si Jesus ng anumang malungkot na pagpapahiwatig ng daranasin Niyang paghihirap at pagkamatay Ang kahuli-hulihan Niyang pamana sa kanila ay isang pamana ng kapayapaan. Sinabi Niya, “Ang kapayapaan ay iniiwan Ko sa inyo, ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay Ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” BB 979.1

Bago nilisan ng Tagapagligtas ang silid sa itaas, ay pinangunahan Niya ang Kaniyang mga alagad sa isang awit ng pagpupuri. Ang Kaniyang tinig ay narinig, hindi sa himig na tumatangis, kundi sa masayang himig ng awit ng Pakuwa: BB 979.2

“Oh purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga bansa:
Purihin ninyo Siya, ninyong lahat na mga bayan.
Sapagka't ang Kaniyang kagandahang-loob ay dakila sa atin:
At ang katotohanan ng Panginoon ay magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon.” Awit 117.
BB 980.1

Pagkatapos ng himno, sila'y nagsilabas. Nagdaan sila sa mataong mga lansangan, palabas sa pintuang-bayan ng lungsod patungong Bundok ng mga Olibo. Marahan silang nagpatuloy sa paglakad, bawa't isa'y sakbibi ng kaniya-kaniyang mga iniisip. Samantalang sila'y lumulusong patungo sa bundok, sa tinig na nagbabadya ng matinding kalungkutan, ay nagwika si Jesus, “Kayong lahat ay mangagdaramdam sa Akin sa gabing ito: sapagka't nasusulat, Sasaktan Ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa ng kawan.” Mateo 26:31. Nakinig ang mga alagad na taglay ang kalumbayan at panggigilalas. Naalaala nila kung paanong sa sinagoga sa Capernaum, ay marami ang nangatisod, at nangagsihiwalay sa Kaniya, nang sabihin ni Kristong Siya ang Tinapay ng Buhay. Nguni't hindi naman tumaliwakas ang Labindalawa. Si Pedro, na nagsasalita para sa kaniyang mga kapatid, ang nagpahayag noon ng kaniyang katapatan kay Kristo. Nang magkagayo'y sinabi ng Tagapagligtas, “Hindi baga hinirang Ko kayong labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?” Juan 6:70. Sa silid sa itaas ay sinabi ni Jesus na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kaniya, at ikakaila naman Siya ni Pedro. Nguni't sa mga salita Niya ngayon ay kasama silang lahat na tinutukoy. BB 980.2

Ngayon ang tinig ni Pedro ay narinig na buong katigasang tumututol, “Bagama't mangatitisod ang lahat, nguni't ako'y hindi.” Sa silid sa itaas ay sinabi niya, “Ang aking buhay ay ibibigay ko dahil sa Iyo.” Pinagpaunahan na siya ni Jesus na sa gabi ring iyon ay ikakaila niya ang kaniyang Tagapagligtas. Ngayo'y inulit ni Kristo ang babala: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, Na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, ay ikakaila mo Akong makaitlo.” Datapwa't si Pedro'y “lalo nang nagmatigas na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama Mo, ay hindi Kita ikakaila sa anumang paraan. Sinabi rin naman ng lahat ang gayundin.” Marcos 14:29-31. Sa kanilang labis na pagtitiwala sa sarili ay itinatwa nila ang inulit na pangungusap Niyaong lalong nakaaalam. Sila'y hindi mga handa sa pagsubok; pagsapit sa kanila ng tukso, ay saka nila makikilala ang kanilang sariling kahinaan. BB 980.3

Nang sabihin ni Pedrong susundan niya ang kaniyang Panginoon hanggang sa bilangguan at hanggang sa kamatayan, ay iyon ang talagang ibig niyang sabihin; nguni't hindi rtiya kilala ang kaniyang sarili. Nakakubli sa kaniyang puso ang mga elemento ng kasamaan na bubuhayin ng mga pangyayari. Malibang madama niya ang panganib niyang ito, ang mga elementong ito ng kasamaan ang walang-hanggang magpapahamak sa kaniya. Nakita ng Tagapagligtas na taglay niya ang pag-ibig sa sarili at katiyakan sa sarili na maaaring mangibabaw sa pag-ibig niya kay Kristo. Nakita sa kaniyang karanasan ang malaking kahinaan, ang di-pagsugpo sa kasalanan, ang kawalang-ingat sa espiritu, ang di-banal na pag-uugali o damdamin, at ang pagwawalang-bahala sa pagpasok sa tukso. Ang solemneng babala ni Kristo ay isang panawagan sa pagsasaliksik ng puso. Kailangan ni Pedro na huwag magtiwala sa kaniyang sarili, at magkaroon ng lalong malalim na pananampalataya kay Kristo. Kung buong kapakumbabaan lamang niyang tinanggap ang babala, sana'y naipamanhik niya sa Pastor ng kawan na ingatan ang Kaniyang mga tupa. Nang siya'y nasa Dagat ng Galilea na halos lulubog na lamang, ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas Mo ako,” Mateo 14:30. Nang magka-gayo'y iniunat ni Kristo ang Kaniyang kamay upang abutin ang kaniyang kamay. Kaya ngayon kung siya lamang ay tumawag kay Jesus, Iligtas Mo ako sa aking sarili, sana'y naingatan siya. Nguni't nadama ni Pedrong siya'y di-pinagtitiwalaan, at hindi niya ito minabuti. Natisod na siya, at lalo pa siyang naging masidhi sa kaniyang pagtitiwala sa sarili. BB 981.1

Minasdan ni Jesus na may pagkahabag ang Kaniyang mga alagad. Hindi Niya sila maililigtas sa pagsubok, gayunma'y hindi Niya sila iniiwang walang tagaaliw. Tiniyak Niya sa kanila na Kaniyang lalagutin ang mga tanikala ng libingan, at hindi magkukulang ang Kaniyang pag-ibig sa kanila. “Pagkapagbangon Ko,” wika Niya, “ay mauuna Ako sa inyo sa Galilea.” Mateo 26:32. Bago pa Siya ipinagkaila, ay tiniyak nang sila'y patatawarin. Pagkatapos ng Kaniyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ay batid nilang sila'y pinatawad na, at sila'y mga mahal sa puso ni Kristo. BB 982.1

Si Jesus at ang mga alagad ay nasa daang patungo sa Gethsemane, sa paanan ng Bundok ng Olibo, isang kubling pook na madalas paroonan para sa pagbubulay-bulay at pananalangin. Ipinaliliwanag ng Tagapagligtas sa mga alagad Niya ang Kaniyang misyon sa sanlibutan, at ang kaugnayang espirituwal sa Kaniya na dapat nilang panatilihin. Ngayo'y binibigyan Niya ng halimbawa ang aral. Maliwanag noon ang buwan, at nabanaagan Niya ang isang malagong puno ng ubas. Ibinaling Niya roon ang pansin ng mga alagad, at ginamit iyong isang halimbawa. BB 982.2

“Ako ang Tunay na Puno ng Ubas,” wika Niya. Sa halip na piliin ang magandang palma, ang matayog na sedro, o ang matibay na ensina, ay ginamit ni Jesus ang puno ng ubas na may mga kumakapit na sarsilyo upang kumatawan sa Kaniyang sarili. Ang punong palma, ang sedro, at ang ensina ay mag-isang nakatayo. Ang mga ito ay hindi nangangailangan ng anumang pang-alalay. Nguni't ang puno ng ubas ay may baging na kumakapit sa balag, at sa gayo'y umaakyat na patugpa sa langit. Ganyan si Kristo na sa Kaniyang pagkatao ay umaasa sa kapangyarihan ng Diyos. “Hindi Ako makagagawa ng anuman sa Aking sarili,” sinabi Niya. Juan 5:30. BB 982.3

“Ako ang Tunay na Puno ng Ubas.” Lagi nang itinu-turing ng mga Hudyo na ang ouno ng ubas ay siyang pinakamarangal sa lahat ng mga halaman, at magaling. Ang Israel ay ang puno ng ubas na itinanim ng Diyos sa Lupang Pangako. Ang kanilang pag-asa sa pagkaligtas ay ibinatay ng mga Hudyo sa katotohanang sila'y naka-ugnay sa lsrael. Subali't sinasabi ni Jesus, Ako ang tunay na Puno ng Ubas. Huwag ninyong isiping dahil sa kayo'y nakaugnay sa Israel ay maaari na kayong maka-bahagi o makatanggap ng buhay sa Diyos, at maging mga tagapagmana ng Kaniyang pangako. Sa pamamagitan Ko lamang matatanggap ang buhay na ukol sa espiritu. BB 983.1

“Ako ang Tunay na Puno ng Ubas, at ang Aking Ama ang Magsasaka.” Sa mga gulod ng Palestina ay doon itinanim ng ating Amang nasa langit ang magandang Puno ng Ubas na ito, at Siya na rin ang Magsasaka. Marami ang naaakit sa kagandahan ng Puno ng Ubas na ito, at nagsipagpahayag na ito'y buhat sa langit. Nguni't sa mga pinuno ng Israel ay mistula itong isang ugat na buhat sa tuyong lupa. Binunot nila ang halaman, sinalanta, at niyurakan ng tampalasan nilang mga paa. Ang nasa isip nila ay puksain na ito nang lubusan. Nguni't di-kailanman hinihiwalayan ng tingin ng Magsasakang nasa langit ang Kaniyang halaman. Nang sa akala ng mga tao'y napatay na nila ito, ito'y Kaniyang kinuha, at ito'y muling itinanim sa kabila ng pader. Doo'y hindi na makikita pa ang puno ng ubas. Naitago na ito sa mararahas na pananalanta ng mga tao. Nguni't ang mga sanga ng Puno ng Ubas ay nangakalawit sa kabila ng pader. Ang mga ito ang kakatawan sa Puno ng Ubas. Sa pamamagitan ng mga ito ang mga paghuhugpong ay maaari pa ring magawang isanib sa Puno ng Ubas. Nakakuha na ng bunga sa mga ito. Pati mga nagdaraan ay nakapipitas na ng bunga. BB 983.2

“Ako ang Puno ng Ubas, kayo ang mga sanga,” winika ni Kristo sa Kaniyang mga alagad. Bagama't malapit na Siyang mapawalay sa kanila, wala ring dapat ipagbago ang kanilang espirituwal na pagkakalakip o pagkaka-ugnay sa Kaniya. Sinabi Niyang ang pagkakaugnay ng sanga sa puno, ay kumakatawan sa inyong pagkakaugnay sa Akin na dapat ninyong panatilihin. Ang dugtong ay isinasanib sa buhay na baging, at ito'y tumutubo sa puno ng ubas nang hibla sa hibla, at sanga sa sanga. Ang buhay na nananalaytay sa puno ay siya ring buhay na nananalaytay sa sanga. Sa gayon ding paraan ang kaluluwang patay sa mga pagsalansang at mga pagkakasala ay tumatanggp ng buhay sa pamamagitan ng pagkakaugnay kay Kristo. Ang paglalakip o pagsasamang ito ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsampalataya sa Kaniya bilang isang personal na Tagapagligtas. Isinasanib ng makasalanan ang kaniyang kahinaan sa kalakasan ni Kristo, ang kaniyang kahungkagan sa kapuspusan ni Kristo, at ang kaniyang karupukan sa walang-hanggang kapangyarihan ni Kristo. Sa gayo'y nagkakaroon siya ng isip o diwa ni Kristo. Ang pagkatao ni Kristo ay napaugnay sa ating pagkatao, at ang ating pagkatao ay napaugnay sa Diyos. Kaya nga sa pamamagitan ng paggawa ng Espiritu Santo ang tao ay nagiging kabahagi ng likas ng Diyos. Siya'y tinatanggap na Minamahal. BB 984.1

Ang pagkakasanib o pagkakalakip na ito kay Kristo pagka nabuo na, ay kailangang panatilihin. Sinabi ni Kristo, “Kayo'y manatili sa Akin, at Ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na di makapagbunga sa kaniyang sarili, maliban na nakakabit sa puno; gayundin naman kayo, maliban na kayo'y manatili sa Akin.” Ito'y hindi pagkakaugnay na di-sinasadya, hindi pagkakaugnay na minsang nakakabit at minsang di-nakakabit. Ang sanga ay nagiging isang bahagi ng buhay na puno. Ang daloy ng buhay, ng lakas, at ng pamumunga magmula sa ugat hanggang sa mga sanga ay patuloy at hindi nahahadlangan. Kung hiwalay sa puno, ang sanga ay hindi mabubuhay. Gayundin naman kayo, sabi ni Jesus, hindi kayo mabubuhay nang nakahiwalay sa Akin. Ang buhay na inyong tinatanggap sa Akin ay maiingatan lamang sa pamamagitan ng patuloy na pakikiugnay. Kung wala Ako ay hindi ninyo madadaig ang kahit isang kasalanan, o malalabanan man ang kahit isang tukso. BB 984.2

“Kayo'y manatili sa Akin, at Ako'y sa inyo.” Ang pananatili kay Kristo ay nangangahulugan ng patuloy na pagtanggap ng Kaniyang Espiritu, ng isang buhay na lubos na itinalaga at ipinasakop sa paglilingkod sa Kaniya. Ang daluyan ng pagkakaugnay ay kailangang laging bukas sa tao at sa kaniyang Diyos. Kung paanong ang sanga ng puno ng ubas ay patuloy na sumisipsip ng katas mula sa buhay na puno, gayundin naman tayo dapat makiugnay kay Jesus, at dapat tumanggap sa Kaniya sa pamamagitan ng pananampalataya ng lakas at kasakdalan ng Kaniyang sariling likas. BB 985.1

Ang ugat ay nagpapadala ng katas-na-pagkain sa sanga hanggang sa kadulu-duluhang sangang maliliit. Sa ganyang paraan din nagpapadala si Kristo ng daloy ng espirituwal na kalakasan sa bawa't sumasampalataya. Habang ang kaluluwa ay nakaugnay kay Kristo, ay walang panganib na ito'y matutuyo o mabubulok. BB 985.2

Ang buhay ng puno ng ubas ay makikita sa mabangong bungang nasa mga sanga. “Ang nananatili sa Akin,” sabi ni Jesus, “at Ako'y sa kaniya, ay siyang nagbubunga nang marami: sapagka't kung kayo'y hiwalay sa Akin ay wala kayong magagawa.” Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, ay makikita sa ating kabuhayan ang mga bunga ng Espiritu; isa man ay walang mawawala. BB 985.3

“Ang Aking Ama ang Magsasaka. Ang bawa't sanga na sa Akin ay hindi nagbubunga ay inaalis Niya.” Kung ang pagkakasanib ng sanga sa puno ay panlabas lamang, ay hindi nagiging buhay ang pagkakaugnay. Kung magkagayo'y hindi magkakaroon ng pagtubo o pamumunga. Gayundin naman maaaring magkaroon ng parang pagkakaugnay kay Kristo nang wala namang tunay na pagkakasanib sa Kaniya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang pagpapanggap ng relihiyon ay naglalagay sa mga tao sa loob ng iglesya, subali't ang likas at pag-uugali ay siya namang nagpapakilala kung sila'y nakaugnay kay Kristo. Kung hindi sila nagbubunga, sila'y hindi tunay na mga sanga. Ang kanilang pagkakahiwalay kay Kristo ay nangangahulugan ng isang lubos na pagkapahamak na gaya ng inilalarawan ng patay na sanga. “Kung ang sinuman ay hindi manatili sa Akin,” wika ni Kirsto, “ay siya'y matatapong katulad ng sanga, at matutuyo; at titipunin ng mga tao, at ihahagis sa apoy, at mangasusunog.” BB 986.1

“At ang bawa't sanga na nagbubunga, ay nililinis [pinupulak] Niya, upang lalong magbunga.” Sa labindalawang hinirang na sumunod kay Jesus, ang isa ay gaya ng isang tuyong sanga na malapit nang alisin; ang natitira ay daraan sa pumupulak na patalim ng mapait na pagsubok. Buong kasolemnihan at pagmamahal na ipina-liwanag ni Jesus ang layunin ng magsasaka. Ang pagpulak ay magdudulot ng sakit o kirot, subali't ang Ama ang siyang gagamit ng patalim. Hindi Siya gumagawa nang padaskul-daskol o nang may pusong nagwawalangbahala. May mga sangang gumagapang sa lupa; kailangang putulin ang mahigpit na pagkakakapit ng mga ito sa mga bagay ng lupa. Dapat silang umakyat na pataas sa langit, at sa Diyos mangapit. Ang labis na kalaguan ng mga dahon na sumisipsip sa dumadaloy na buhay mula sa bunga ay dapat pulakin. Ang labis na kalaguan ay kailangang alisin, upang makapaglagos ang nagpapagaling na mga sinag ng Araw ng Katwiran. Pinupulak ng magsasaka ang nakapipinsalang labis na kalaguan ng mga dahon, upang lalong lumaki at lalong dumami ang bunga. BB 986.2

“Sa ganito'y lumuluwalhati ang Aking Ama,” sabi ni Jesus, “na kayo'y magsipagbunga nang marami.” Hangad ng Diyos na ipakita sa pamamagitan ninyo ang kabanalan, ang kagandahang-loob, at ang kahabagan, ng Kaniyang sariling likas. Gayunma'y hindi inaatasan ng Tagapagligtas ang mga alagad na sila'y magsigawa upang magsipagbunga. Ang sinasabi Niya sa kanila ay sila'y manatili sa Kaniya. “Kung kayo'y magsipanatili sa Akin,” wika Niya, “at ang mga salita Ko'y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anumang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.” Sa pamamagitan ng salita nananatili si Kristo sa Kaniyang mga tagasunod. Ito rin ang mahalagang pakikisanib o pakikiugnay na inilalarawan ng pagkain ng Kaniyang laman at ng pag-inom ng Kaniyang dugo. Ang mga salita ni Kristo ay espiritu at buhay. Pagka tinang-gap ninyo ito, ay tumatanggap kayo ng buhay ng Puno ng Ubas. Kayo'y nabubuhay “sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Mateo 4:4. Ang buhay ni Kristong nasa inyo ay nagbibigay ng gayunding mga bunga na gaya ng sa Kaniya. Nabubuhay kay Kristo, nakaugnay kay Kristo, inaalalayan ni Kristo, at kumukuha ng pagkain mula kay Kristo, kayo'y nagbubunga ayon sa wangis ni Kristo. BB 987.1

Sa huling pakikipagpulong na ito ni Kristo sa Kaniyang mga alagad, ang dakilang hangaring ipinahayag Ni- ya sa kanila ay ang sila'y mag-ibigan sa isa't isa tulad ng pag-ibig Niya sa kanila. Muli at muling sinalita Niya ito sa kanila. “Ang mga bagay na ito ay iniuutos Ko sa inyo,” paulit-ulit Niyang sinabi, “upang kayo'y mangagibigan sa isa't isa.” Ang kauna-unahan Niyang tagubilin sa kanila nang sila'y nag-iisang kasama Niya sa silid sa itaas ay, “Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay Ko, Na kayo'y mangagibigan sa isa't isa; na kung paanong inibig Ko kayo, ay mangag-ibigan naman kayo sa isa't isa.” Sa ganang mga alagad ay bago ang utos na ito; dahil sa hindi sila nangag-ibigang gaya ng pag-ibig ni Kristo sa kanila. Nakita Niyang dapat silang pagharian o pamayanihan ng mga bagong kuru-kuro at mga damdamin; na dapat silang magsagawa ng mga bagong simulain; at sa pamamagitan ng Kaniyang buhay at pagkamatay ay dapat silang tumanggap ng bagong pagkakilala sa pag-ibig. Ang utos na mag-ibigan sa isa't isa ay nagkaroon ng bagong kahulugan sa liwanag ng pagsasakripisyo ng Kaniyang sarili. Ang buong gawain ng biyaya ay isang walang humpay na paglilingkod ng pag-ibig, ng pagkakait sa sarili, at pagpapakasakit ng sarili. Sa bawa't oras ng pananahanan ni Kristo sa ibabaw ng lupa, ay walanglagot ang pag-agos ng pag-ibig ng Diyos mula sa Kaniya. Lahat ng nalilipos ng Kaniyang Espiritu ay iibig na gaya ng Kaniyang pag-ibig. Ang simulaing nag-udyok kay Kristo ay siya rin namang mag-uudyok sa kanila sa lahat nilang pakikitungo sa isa't isa. BB 987.2

Ang pag-ibig na ito ay siyang katibayan o katunayan ng kanilang pagiging-alagad. “Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay Aking mga alagad,” sabi ni Jesus, “kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa.” Pagka ang mga tao ay magkakasamang nabibigkis, hindi sa pamamagitan ng dahas o pagmamalasakit sa sarili, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig, ay kanilang ipinakikita ang paggawa ng isang impluwensiya na nakatataas sa bawa't impluwensiya ng tao. Pagka nakikita ang ganitong pagkakaisa, ito'y katunayan na ang larawan ng Diyos ay naisasauli o naibabalik sa tao, na isang bagong simulain ng buhay ang naitatanim. Ito'y nagpapakilalang may kapangyarihang makapanindigan sa lahat ng lakas ng kasamaan ang likas ng Diyos, at ang biyaya ng Diyos ay nakasusupil sa kasakimang katutubo sa pusong laman ng tao. BB 988.1

Ang pag-ibig na ito, pagka nakikita na sa iglesya, ay tiyak na kikilos sa galit ni Satanas. Hindi madaling landasin ang iginuhit ni Kristo para sa Kaniyang mga alagad. “Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan,” wika Niya, “ay inyong talastas na Ako muna ang kinapootan bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kaniyang sarili: nguni't sapagka't kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y hinirang Ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo'y Aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon. Kung Ako'y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang paguusigin din; kung tinupad nila ang Aking salita, ang inyo man ay kanilang tutuparin din. Datapwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa Aking pangalan, sapagka't hindi nila nakikilala ang sa Akin ay nagsugo.” Ang ebanghelyo ay dapat palaganapin sa pamamagitan ng masigasig na pakikibaka, sa gitna ng pagsalungat, panganib, kawalan, at paghihirap. Nguni't ang lahat ng gumagawa ng gawaing ito ay sumusunod lamang sa mga hakbang ng kanilang Panginoon. BB 989.1

Bilang Manunubos ng sanlibutan, si Kristo'y laging napaharap sa mandi'y pagkabigo. Siya, na sugo ng ka-awaan sa ating sanlibutan, ay waring maliit lamang ang nagawa sa talagang nais Niyang gawing pagtataas at pagliligtas sa mga tao. Laging gumagawa ng hadlang sa Kaniyang daan ang mga kapangyarihan ni Satanas. Gayunma'y hindi nanghina ang Kaniyang loob. Sa pamamagitan ng hula ni Isaias ay sinabi Niya, “Ako'y gumiawang walang-kabuluhan, Aking ginugol ang Aking lakas sa wala, at sa walang-kabuluhan; gayunma'y tunay na ang kahatulan sa Akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa Akin ay nasa Aking Diyos. ... Bagaman at di-matipon ang Israel, gayunma'y magiging marangal Ako sa mga mata ng Panginoon, at ang Aking Diyos ay magiging Aking kalakasan.” Kay Kristo ibinigay ang pangakong, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na Kaniyang Banal, Doon sa hinahamak ng tao, Doon sa kinayayamutan (kinasusuklaman) ng bansa; ... Ganito ang sabi ng Panginoon: ... Aking iingatan Ka, at ibibigay Kita na pinakatipan sa bayan, upang itatag ang lupa, upang ipamana ang mga sirang mana; upang Iyong masabi sa mga bilanggo, Kayo'y magsihayo; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. ... Sila'y hindi mangagu-gutom o mangauuhaw man; ni hindi man sila mangapapaso ng init ni ng araw man: sapagka't Siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, samakatwid baga'y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan Niya sila.” Isaias 49:4, 5, 7-10. BB 989.2

Sa salitang ito nanalig si Jesus, at hindi Niya binigyan si Satanas ng anumang kalamangan. Nang malapit nang gawin ni Kristo ang mga huling hakbang ng Kaniyang pagpapakababa at pagpapakahirap, nang halos pumipi-yapis na sa Kaniyang kaluluwa ang pinakamatinding kalungkutan, ay sinabi Niya sa Kaniyang mga alagad, “Dumarating ang prinsipe ng sanlibutang ito, at siya'y walang anuman sa Akin.” “Ang prinsipe ng sanlibutang ito ay hinatulan na.” Ngayon nga'y palalayasin na siya. Juan 14:30; 16:11; 12:31. Sa pamamagitan ng mata ng hula ay binakas ni Kristo ang mga tagpong magaganap sa Kanyang kahuli-hulihang pakikilaban. Batid Niyang pagka sumigaw na Siya ng, “Naganap na,” ay magwawagi na ang buong langit. Naulinigan Niya ang awitan at ang mga sigaw ng pagtatagumpay sa mga korte ng langit. Batid Niyang ang mapanglaw na agunyas ng kaharian ni Satanas ay tutugtugin na, at ang pangalan ni Kristo ay ipagbubunyi sa bawa't sanlibutan sa buong santinakpan. BB 990.1

Ikinatuwa ni Kristo na lalong malaki ang magagawa Niya para sa Kaniyang mga alagad kaysa mahihmgi o maiisip nila. Nagsalita Siyang may katiyakan, palibhasa'y batid Niyang makapangyarihang utos ang ibinigay na noon pa mang bago nilalang ang sanlibutan. Talos Niyang ang katotohanan, na nalalangkapan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay magwawagi sa pakikilaban sa masama; at ang bandilang nabahiran ng dugo ay matagumpay na wawagayway sa ibabaw ng mga sumusunod sa Kaniya. Talos Niyang ang buhay ng Kaniyang nagtitiwalang mga alagad ay magiging katulad ng sa Kaniya, isang sunud-sunod na mga pagtatagumpay, na sa tingin dito ay hindi itinuturing na tagumpay, nguni't doon sa kabilang buhay ay kinikilalang tagumpay. BB 991.1

“Ang mga bagay na ito ay sinalita Ko sa inyo,” sabi Niya, “upang kayo'y magkaroon sa Akin ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni't laksan ninyo ang inyong loob; Aking dinaig ang sanlibutan.” Si Kristo ay hindi nabigo, ni hindi rin nanghina ang Kaniyang loob, at kaya nga ang Kaniyang mga alagad ay dapat ding magpakita ng gayunding matibay na pananampalataya. Dapat silang mamuhay na gaya ng Kaniyang pagkakapamuhay, at gumawang gaya ng Kaniyang iginawa, sapagka't sila'y umaasa sa Kaniya bilang ang dakilang Punong Manggagawa. Dapat silang magkaroon ng tapang, sigla, at pagtitiyaga. Kahit na sila'y waring nakakakita ng mga nakahahadlang sa kanilang landas, sa pamamagitan ng Kaniyang biyaya'y dapat silang magpatuloy. Sa halip na tangisan ang mga kahirapan, sila'y tinatawagang salungahin ang mga ito. Wala silang dapat na ipanghina ng loob, at dapat silang umasa sa lahat ng bagay. Sa pamamagitan ng ginintuang tanikala ng walang-kapantay na pag-ibig ni Kristo ay itinali Niya sila sa luklukan ng Diyos. Ang hangad Niya ay mapasakanila ang pinakamataas na impluwensiya sa sansinukob, na nagbubuhat sa bukal ng lahat ng kapangyarihan. Dapat silang magkaroon ng kapangyarihang lumaban sa masama, kapangyarihang di-madadaig ng sanlibutan, ng kamatayan, ni ng impiyerno man, kapangyarihang magbibigay-kaya sa kanila upang magtagumpay gaya ni Kristo na nagtagumpay. BB 991.2

Panukala ni Kristo na ang kaayusan ng langit, ang paraan ng pamamahala ng langit, ang banal na pagkaka-isa sa langit, ay siyang makita sa Kaniyang iglesya sa ibabaw ng lupa. Sa ganito'y naluluwalhati Siya sa Kaniyang bayan. Sa pamamagitan nila ay magliliwanag nang buong ningning sa sanlibutan ang Araw ng Katwiran. Nagbigay si Kristo sa Kaniyang iglesya ng saganang magagamit, upang tumanggap naman Siya ng malaking pakinabang na kaluwalhatian mula sa Kaniyang tinubos at biniling pag-aari. Nagbigay Siya sa Kaniyang bayan ng mga kaka-yahan at mga pagpapala upang maipakita naman nila ang sarili Niyang kasapatan o kasaganaan. Ang iglesya, na pinagkalooban ng katwiran o kabanalan ni Kristo, ay siyang ingat-yaman, na dito mahahayag nang lubos at ganap ang mga kayamanan ng Kaniyang kaawaan, ng Kaniyang biyaya, at ng Kaniyang pag-ibig. Minamasdan ni Kristo ang Kaniyang bayan sa kanilang kalinisan at kasakdalan, bilang gantimpala sa Kaniyang pagkaka-pagpakumbaba at paghihirap, at bilang karagdagan sa Kaniyang kaluwalhatian—si Kristo, ang dakilang Sentro, na sa Kaniya nagmumula ang lahat ng kaluwalhatian. BB 992.1

Winakasan ng Tagapagligtas ang Kaniyang turo sa pamamagitan ng matindi at puno-ng-pag-asang mga salita. Pagkatapos ay ibinuhos Niya ang buong nilalaman ng Kaniyang kaluluwa sa panalanging ukol sa Kaniyang mga alagad. Nakatuon sa langit ang Kaniyang mga mata, na sinabi Niya, “Ama, dumarating na ang oras; luwalhatiin Mo ang Iyong Anak, upang Ikaw ay luwalhatiin ng Anak: gaya ng ibinigay Mo sa Kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan Niya ng buhay na walanghanggan ang lahat ng ibinigay mo sa Kaniya. At ito ang buhay na walang-hanggan, na Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at Siyang Iyong sinugo, samakatwid baga'y si Jesukristo.” BB 992.2

Natapos ni Kristo ang gawaing ibinigay sa Kaniya. Niluwalhati Niya ang Diyos sa lupa. Naihayag Niya ang pangalan ng Ama. Natipon Niya ang mga magpapatuloy ng Kaniyang gawain sa gitna ng mga tao. At sinabi Niya, “Ako'y naluluwalhati sa kanila. At ngayon ay wala na Ako sa sanlibutan, at ang mga ito ay nasa sanlibutan, at Ako'y paririyan sa Iyo. Amang Banal, ingatan Mo sila sa Iyong pangalan yaong mga ibinigay Mo sa Akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman Natin.” “Hindi lamang sila ang idinadalangin Ko, kundi sila rin naman na mga magsisisampalataya sa Akin sa pamamagitan ng kanilang salita; upang silang lahat ay maging isa; ... Ako'y sa kanila, at Ikaw ay sa Akin, upang sila'y malubos sa pagkakaisa; at upang makilala ng sanlibutan na Ikaw ang sa Akin ay nagsugo, at sila'y Iyong inibig, na gaya Ko na inibig Mo.” BB 993.1

Kaya sa pangungusap ng Isa na may kapangyarihan ng Diyos, ay ibinigay ni Kristo ang Kaniyang hinihirang na iglesya sa mga bisig ng Ama. Bilang isang itinalagang Dakilang Saserdote ay namamagitan Siya para sa Kaniyang bayan. Bilang isang tapat na Pastor ay tinitipon Niya ang Kaniyang kawan sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat, sa matibay at panatag na kanlungan. Sa Kaniya ay naghihintay ang kahuli-hulihang pakikihamok kay Satanas, at Siya'y humahayo upang iyon ay harapin. BB 993.2