Bukal Ng Buhay
Kabanata 72—“Sa Pag-aalaala sa Akin”
Ang kabanatang ito ay balay sa Mateo 26:20-29; Marcos 14:17-25; Lukas 22:14-23; Juan 13:18-30.
“Ang Panginoong Jesus nang gabing Siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; at nang Siya'y makapagpasalamat, ay Kaniyang pinagputul-putol, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo: ito'y Aking katawan, na pinagputul-putol dahil sa inyo: gawin ninyo ito sa pagaalaala sa Akin. Sa gayundin namang paraan ay hinawakan ang saro, pagkatapos na Siya'y makahapon, na sinasabi, Ang sarong ito'y siyang bagong tipan sa Aking dugo: gawin ninyo ito sa tuwing kayo'y magsisiinom, sa pag-aalaala sa Akin. Sapagka't sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang sarong ito, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating Siya.” 1 Corinto 11:23-26. BB 947.1
Si Kristo ay nakatayo sa gitna ng dalawang kapanahunan at ng dalawang malaking kapistahan. Siya, na walang-dungis na Kordero ng Diyos, ay malapit nang mag-alay ng Kaniyang sarili bilang isang handog na patungkol sa kasalanan, upang sa ganitong paraan ay mawakasan na Niya ang tuntunin ng mga paghahandog at mga seremonyang sa loob ng apat na libong taon ay nakaturo sa Kaniyang kamatayan. Nang kainin Niya ang Paskuwang kasama ng Kaniyang mga alagad, ay Kaniyang itinatag na kahalili nito ang isang tuntunin o palatuntunang magiging alaala ng Kaniyang dakilang pagpapakasakit. Ang kapistahang pambansa ng mga Hudyo ay lilipas na magpakailanman. At ang palatuntunang itinatag ni Kristo ay gaganapin naman ng Kaniyang mga alagad sa lahat ng mga lupain at sa lahat ng mga panahon. BB 947.2
Itinatag ang Paskuwa bilang pag-alaala sa pagkakahango sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ipinagutos ng Diyos, na taun-taon, pagka inusisa ng mga anak ang kahulugan ng seremonya o palatuntunang ito, ay muli nilang sasariwain ang kasaysayang pinagdaanan nila. Sa ganyan ay mananariwang lagi sa isip ng lahat ang kahanga-hangang pagliligtas na ginawa ng Diyos. Ang palatuntunan naman ng Banal na Hapunan ay ibinigay upang alalahanin ang dakilang pagliligtas na ginawa bilang bunga ng pagkamatay ni Kristo. Hanggang sa Siya'y pumarito sa ikalawang pagkakataon na nasa kapangyarihan at kaluwalhatian, ang palatuntunang ito ay kailangang ganapin. Ito ang paraan upang mapanatiling sariwa sa ating mga isip ang dakilang gawang ginawa Niya para sa atin. BB 948.1
Nang panahong ang mga anak ni Israel ay hanguin sa Ehipto, ay kinain nila ang Paskuwa nang patayo, na nabibigkisan ang kanilang mga baywang, at taglay nila sa kanilang mga kamay ang mga tungkod nila, na handa na upang sila'y maglakbay. Ang paraan ng pagkakapagdiwang nila ng palatuntunang ito ay naaalinsunod sa kanilang kalagayan; sapagka't sila'y malapit nang ipagtabuyang palabas sa lupain ng Ehipto, at magsisimula na sila ng isang masakit at mahirap na paglalakbay sa ilang. Nguni't nang panahon ni Kristo ay ibang-iba na ang kalagayan ng mga bagay-bagay. Hindi sila ngayon itataboy palabas sa ibang lupain, kundi sila'y mga mamamayan na sa sarili nilang bansa. Alinsunod sa kapahingahang ibinigay sa kanila, ay kinain ng mga tao noon ang hapunang ukol sa Paskuwa na nasa kalagayang nakasandal. Inilagay sa palibot ng hapag ang mga sopa, at umupo dito ang mga panauhin, na nakahilig sa kaliwang kamay, at ang kanang kamay naman ay malayang nagagamit sa pagkain. Sa ganitong posisyon o katayuan ay naisasandal ng isang panauhin ang kaniyang ulo sa dibdib ng katabi niya sa upuan. At sapagka't ang mga paa ay nakalabas sa sopa o upuan, ay mahuhugasan ito ng isang dumaraan sa palibot nito. BB 948.2
Si Kristo ay nasa tabi pa rin ng hapag na kinahahainan ng hapunang ukol sa paskuwa. Nasa harap Niya ang mga tinapay na walang lebadura na ginagamit sa panahon ng Paskuwa. Ang alak ng Paskuwa, na katas ng sariwang mga ubas, ay nasa hapag na rin. Ang mga sagisag na ito ay ginamit ni Kristo upang ilarawan ang Kaniyang walang-kapintasang hain. Ang anumang sinisira ng permentasyon o pag-asim, na sagisag ng kasalanan at kamatayan, ay hindi mangyayaring kumatawan sa “Korderong walang kapintasan at walang dungis.” 1 Pedro 1:19. BB 949.1
“At samantalang sila'y nagsisikain, ay dumampot si Jesus ng tinapay, at pinagpala, at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, Kunin ninyo, kanin ninyo; ito ang Aking katawan. At dumampot Siya ng saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; sapagka't ito ang Aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Datapwa't sinasabi Ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na Ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin Kong panibago na mga kasalo Ko kayo sa kaharian ng Aking Ama.” BB 949.2
Si Judas na tagapagkanulo ay kaharap sa kainang ito ng Hapunan. Tinanggap niya kay Jesus ang mga sagisag ng Kaniyang nasugatang katawan at ng Kaniyang nabuhos na dugo. Narinig niya ang mga salitang, “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa Akin.” At sa kaniyang pagkakaupo roon sa harap ng Kordero ng Diyos, ay nag-isip ang tagapagkanulo ng kaniyang maiitim na panukala, at nagaruga sa puso ng masasama't mapaghiganting mga pakana. BB 949.3
Sa paghuhugasan ng mga paa, ay nagbigay si Jesus ng kapani-paniwalang katibayan na batid Niya ang likas ni Judas. “Hindi kayong lahat ay malinis” (Juan 13:11), winika Niya. Ang pangungusap na ito ay nagpapaniwala sa bulaang alagad na nababasa ni Kristo ang kaniyang lihim na panukala. Ngayo'y lalong malinaw na nagsalita si Kristo. Sa pagkakaupo nila sa paligid ng hapag, ay tiningnan Niya ang Kaniyang mga alagad at nagwika, “Hindi ko sinasalita tungkol sa inyong lahat: nalalaman Ko ang Aking mga hinirang: nguni't upang matupad ang kasulatan, Ang kumakain ng tinapay na kasalo Ko ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa Akin.” BB 950.1
Hanggang sa oras na ito hindi pa pinaghihinalaan ng mga alagad si Judas. Nguni't nahalata nilang nababagabag na mabuti si Kristo. Isang ulap ang lumukob sa kanilang lahat, isang salagimsim ng nakatatakot na mangyayari, na ang uri'y hindi naman nila alam kung ano. Habang sila'y tahimik na nagsisikain, ay sinabi ni Jesus, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, na Ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.” Sa mga salitang ito ay sinidlan sila ng panggigilalas at pagkaligalig. Hindi nila maubos-maisip kung paanong magagawa ng isa sa kanila na pagtaksilan ang kanilang banal na Guro. Ano ang dahil at ipagkakanulo nila Siya? at kanino? Sinong puso ang lilikha ng ganyang panukala? Tunay na hindinghindi mangyayaring ito ay magbuhat sa isa sa itinatanging Labindalawa, na ibinukod nang higit sa mga iba pa upang makarinig ng Kaniyang mga turo, na nagsitanggap ng Kaniyang kahanga-hangang pag-ibig, at Kaniyang pinagpakitaan ng malaking pagtatangi sa pama magitan ng matalik Niyang pakikisama! BB 950.2
Nang mapagtanto nila ang kahulugan at kahalagahan ng Kaniyang mga salita, at magunita kung paano nagkatotoo ang Kaniyang mga sinabi, ay sinaklot sila ng takot at ng kawalang-pagtitiwala sa sarili. Sinimulan nilang saliksikin ang sarili nilang mga puso upang makita at matiyak kung may isa mang masamang isipang kinikimkim sila laban sa kanilang Panginoon. Taglay ang matinding paghihirap ng kalooban, na sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Panginoon, ako ba?” Nguni't si Judas ay hindi umiimik. Si Juan na pinipiyapis ng malaking pagdaramdam ay nagtanong sa wakas, “Panginoon, sino yaon?” At si Jesus ay sumagot, “Yaong sumabay sa Aking sumawsaw sa pinggan, ay siya ring magkakanulo sa Akin. Ang Anak ng tao ay papanaw ayon sa nasusulat tungkol sa Kaniya: datapwa't sa aba niyaong taong magkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sana sa taong yaon na hindi na siya ipinanganak.” Masusing tiningnan ng mga alagad ang mukha ng isa't isa sa kanila habang kanilang itinatanong, “Panginoon, ako baga?” At ngayon ang pananahimik ni Judas ay tumawag ng pansin ng lahat kaya nga siya napagtuunan ng kaniiang paningin. Sa di-magkamayaw na pagtatanungan at pagpapahayag ng panggigilalas, ay hindi naulinigan ni Judas ang mga salitang itinugon ni Jesus sa tanong ni Juan. Nguni't ngayon, upang siya'y makaiwas sa panunuri o paghihinala ng mga alagad, ay nagtanong din siya na gaya ng ginawa nila, “Panginoon, ako baga?” Solemneng sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi.” BB 951.1
Sa kaniyang pagkagulat at pagkalito dahil sa pagkakalantad ng kaniyang panukala, nagmamadaling tumindig si Judas upang lisanin ang silid. “Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Ang ginagawa mo, ay gawin mong madali. ...Nang kaniya ngang matanggap ang subo ay umalis agad: at noo'y gabi na.” Gabi nga iyon sa taksil nang siya'y tumalikod na pahiwalay kay Kristo patungo sa kadiliman sa labas. BB 951.2
Hanggang hindi pa nagagawa ni Judas ang hakbang na ito, ay hindi pa siya lumalampas sa hangganan ng pagsisisi. Datapwa't nang talikuran niya't lisanin ang kaniyang Panginoon at ang kaniyang mga kasamang alagad, ay nagawa na niya ang kaniyang pangwakas na pasiya. Lumampas na siya sa hangganan. BB 952.1
Nakapagtataka ang mahabang pagtitiis o pagpapahinuhod ni Jesus sa Kaniyang pakikitungo sa tinuksong kaluluwang ito. Ginawa na Niya ang lahat Niyang magagawa upang mailigtas si Judas. Pagkatapos na makalawa itong makipagkasundong ipagkanulo ang kaniyang Panginoon, patuloy pa rin itong binigyan ni Jesus ng pagkakataong makapagsisi. Nang mabasa na Niya ang lihim na layon ng taksil na puso, ay binigyan pa rin ni Kristo si Judas ng panghuli at kapani-paniwalang katunayan ng Kaniyang pagka-Diyos. Ito ang kahuli-hulihang panawagan sa bulaang alagad na magsisi. Lahat na ng pakikiusap ay ginawa na ng may Diyos-taong pusong si Kristo. Ang mga alon ng kahabagan, na itinutulak nang pabalik ng palalong kalooban, ay bumalik nang may lalo pang malakas na daluyong ng sumusupil na pag-ibig. Subali't bagaman siya'y namangha at nabahala sa pagkakatuklas sa kaniyang pagkakasala, ay lalo pa manding nagmatigas si Judas. Buhat sa Banal na Hapunan ay umalis siya upang ipagpatuloy at lubusin ang gawain ng pagkakanulo. BB 952.2
Sa pagsumpa ni Kristo kay Judas, ay taglay rin naman Niya ang layunin ng kahabagan sa Kaniyang mga alagad. Sa ganito binigyan Niya sila ng pamutong na katunayan ng Kaniyang pagka-Mesiyas. “Sinasalita Ko sa inyo bago mangyari,” sabi Niya, “upang, pagka nangyari na, kayo'y magsisampalataya na AKO NGA,” Kung si Jesus ay nagsawalang-imik, na parang di-nalalaman ang mangyayari sa Kaniya, ay aakalain ng mga alagad na ang Panginoon nila'y walang karunungan ng Diyos, at maaaring namangha at naipagkanulo sa mga kamay ng mga tampalasang tao. Noong isang taong nakaraan, ay sinabi ni Jesus sa mga alagad na humirang Siya ng labindalawa, nguni't ang isa sa mga ito ay diyablo. Ang mga salita ngayon kay Judas, na nagpapakilalang batid ng Panginoon ang kaniyang pagtataksil, ay magpapalakas sa pananampalataya ng mga tunay na alagad sa panahon ng Kaniyang pagpapakababa. At kung dumating si Judas sa kaniyang kakila-kilabot na wakas, ay maaalaala nila ang sumpang iginawad ni Jesus sa tagapagkanulo. BB 952.3
At bukod dito ay may isa pang layunin ang Tagapagligtas. Hindi naintindihan ng mga alagad ang mga sinalita Niya nang sa panahon ng paghuhugasan ng mga paa ay sabihin Niyang, “Hindi kayong lahat ay malilinis,” ni noon mang sila'y nagsisikain ay sabihin Niyang, “Ang kumakain ng tinapay na kasalo Ko ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa Akin.” Juan 13:11, 18. Datapwa't pagkatapos, nang malinawan na ang ibig Niyang sabihin, ay napag-isip nila ang pagtitiis at habag ng Diyos sa mga nagkakasala nang lalong mabigat. BB 953.1
Bagama't kilala ni Jesus si Judas buhat pa sa pasimula, ay hinugasan din Niya ang mga paa nito. At ang tagapagkanulo ay binigyan ng karapatang makiisa kay Kristo sa pakikisalo sa sakramento. Isang matiisin o mapagpahinuhod na Tagapagligtas ang nag-alok sa makasalanan na tanggapin Siya, magsisi, at mahugasan sa lahat ng dungis ng kasalanan. Ang halimbawang ito ay para sa atin. Kung inaakala nating ang isang kapatid ay namamali, ay huwag natin siyang ihihiwalay. Huwag tayong gagawa ng walang-ingat na paghiwalay na iiwan siyang isang bihag ng tukso, o kaya'y ihahantad siya sa pananalakay ni Satanas. Hindi ito ang paraan ni Kristo. Dahil nga sa ang mga alagad ay namamali at nagkukulang kung kaya hinugasan Niya ang kanilang mga paa, at isa lamang sa Labindalawa ang hindi nga nadala sa pagsisisi. BB 953.2
Ang halimbawang ipinakita ni Kristo sa panahon ng Banal na Hapunan ay hindi nagpapahintulot sa paggawa ng pagtatangi. Totoo nga, kung sa bagay, na ang lantarang pagkakasala ay siyang naghihiwalay sa maysala. Ito'y malinaw na itinuturo ng Banal na Espiritu. 1 Corinto 5:11. Nguni't ang sa kabila nito ay walang sinumang dapat na humatol. Hindi ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ang pagsasabi kung sino ang magsisiharap sa mga ganitong okasyon o pagkakataon. Sapagka't sino ang makababasa ng puso? Sino ang makakikilala kung alin ang pansirang-damo at kung alin ang trigo? “Siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.” Sapagka't “sinumang kumain ng tinapay, at uminom sa saro ng Panginoon, na di-nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.” “Ang kumakain at umiinom nang di-nararapat, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, na di-nakikilala ang katawan ng Panginoon.” 1 Corinto 11:28, 27, 29. BB 954.1
Pagka nagtitipon ang mga sumasampalataya upang ganapin ang mga palatuntunan, ay may mga naroroong sugo na di-nakikita ng mga mata ng mga tao. Maaaring may isang Judas sa pulutong, at sakaling gayon nga, ay mayroon ding mga sugo ng prinsipe ng kadiliman doon, sapagka't sinasamahan ng mga ito ang lahat ng tumatangging pasupil o pasakop sa Espiritu Santo. Naroon din ang mga anghel ng langit. Ang mga di-nakikitang panauhing ito ay laging naroroon sa bawa't gayong pagtitipon o pagkakataon. Maaaring may dumating doong mga tao na ang puso'y hindi alipin ng katotohanan at ng kabanalan, gayunma'y maaaring naghahangad ding makibahagi sa serbisyo o sakramento. Ang mga ito ay hindi dapat pagbawalan. May mga saksing naroroon na riaroroon din nang hugasan ni Jesus ang mga paa ng mga alagad at ni Judas. Hindi lamang mga mata ng mga tao ang sumaksi sa tanawing yaon. BB 954.2
Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay naroroon si Kristo upang ilagay ang tatak sa Kaniyang sariling palatuntunan. Siya'y naroroon upang sumbatan at palambutin ang puso. Wala ni isang tingin, wala ni isang isipan ng pagsisisi, na nakatanan sa Kaniyang pansin. Siya'y naghihintay sa isang nagsisisi at bagbag-na-puso. Ang lahat ng mga bagay ay handa upang tanggapin ang kaluluwang yaon. Siya na naghugas ng mga paa ni Judas ay nananabik ding maghugas ng bawa't puso sa lahat ng dungis ng kasalanan. BB 955.1
Walang sinumang dapat na di-makibahagi sa Komunyon dahil lamang sa may ibang naroroong di-karapatdapat. Bawa't alagad ay tinatawagang makibahagi nang hayagan, at sa gayo'y makapagpatotoo siya na tinatanggap niya si Kristo bilang sariling Tagapagligtas. Sa ganitong mga pagtitipon, na sarili Niyang takda, nakikipagtagpo si Kristo sa Kaniyang bayan, at sila'y pinalalakas sa pamamagitan ng Kaniyang pakikiharap. Maaaring may mga puso at mga kamay na di-karapat-dapat na nangangasiwa sa palatuntunan ng Komunyon, gayunma'y naroroon din si Kristo upang siyang maglingkod sa Kaniyang mga anak. Lahat ng pumaparoon o dumadalo na matibay ang pananampalataya sa Kaniya ay pagpapalain nang malaki. Lahat ng nagpapabaya sa mga ganitong panahon ng banal na karapatan ay magdaranas ng kalugihan. Tungkol sa mga ito ay angkop na masasabing, “Hindi kayong lahat ay malilinis.” BB 955.2
Sa pakikisalo sa Kaniyang mga alagad sa pagkain ng tinapay at pag-inom ng alak, ay ipinangako ni Kristo ang Kaniyang sarili sa kanila bilang kanilang Manunubos. Ipinagkatiwala Niya sa kanila ang bagong tipan, na sa pamamagitan niyon ang lahat ng tumatanggap sa Kaniya ay nagiging mga anak ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Kristo. Sa pamamagitan ng tipang ito ay napapasakanila ang bawa't pagpapalang maipagkakaloob ng langit para sa buhay na ito at sa buhay na darating. Ang tipanang ito ay dapat pagtibayin sa dugo ni Kristo. At ang pagsasagawa ng sakramento ay siyang laging magpapaalaala sa mga alagad ng walang-hanggang sakripisyo na ginawa para sa bawa't isa sa kanila nang isa-isa bilang isang bahagi ng malaking kabuuan ng nagkasalang sangkatauhan. BB 955.3
Datapwa't ang palatuntunan ng Komunyon ay hindi dapat maging isang panahon ng pagkalungkot. Hindi ito ang layon nito. Habang nagkakatipon ang mga alagad ng Panginoon sa paligid ng Kaniyang hapag, ay hindi nila dapat alalahanin at itangis ang kanilang mga pagkukulang. Hindi nila dapat isipin ang kanilang nakaraang karanasan sa relihiyon, kung ang karanasan mang yaon ay nakapagpapaligaya o nakapanlulupaypay. Hindi nila dapat gunitain ang mga di-pagkakaunawaang namagitan sa kanila at sa kanilang mga kapatid. Sinasaklaw ng palatuntunang ukol sa paghahanda (paghuhugasan ng mga paa) ang lahat na ito. Ang pagsisiyasat sa sarili, ang pagpapahayag ng kasalanan, at ang pakikipagkasundo sa mga nakasamaan ng loob, ay nagawa nang lahat. Ngayo'y nagsisiparoon sila upang makipagtagpo kay Kristo. Hindi sila dapat tumayo sa lilim ng krus, kundi sa nagliligtas nitong liwanag. Dapat nilang buksan ang kanilang kaluluwa sa maningning na sinag ng Araw ng Katwiran. Taglay ang mga pusong nilinis ng pinakamahalagang dugo ni Kristo, na may ganap na malay at pagkadama sa Kaniyang pakikiharap, bagama't hindi nakikita, ay dapat nilang pakinggan ang mga salitang, “Ang kapayapaan ay iniiwan Ko sa inyo, ang Aking kapayapaan ay ibinibigay Ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan, ang ibinibigay Ko sa inyo.” Juan 14:27. BB 956.1
Sinasabi ng ating Panginoon, Kung sinusumbatan ka ng kasalanan, alalahanin mong Ako'y namatay dahil sa iyo. Pagka ikaw ay sinisikil at inuusig at dinadalamhati nang dahil sa Akin at sa ebanghelyo, alalahanin mo ang Aking pag-ibig, na gayon na lamang kalaki na anupa't ibinigay Ko ang Aking buhay. Pagka ang mga tungkulin mo ay waring mahigpit at mahirap, at ang iyong mga pinapasan ay totoong mabigat upang iyong madala, alalahanin mong dahil sa iyo ay nagtiis Ako ng krus, na niwalang-halaga ang kahihiyan. Pagka ang puso mo'y nauupos sa mahigpit na pagsubok, alalahanin mong ang iyong Manunubos ay nabubuhay upang mamagitan sa iyo. BB 957.1
Ang palatuntunan ng Komunyon ay nagtuturo sa ikalawang pagdating ni Kristo. Ito'y pinanukala upang panatilihing buhay sa isip ng mga alagad ang pag-asang ito. Kailanma't sila'y sama-samang nagpupulong upang alalahanin ang Kaniyang pagkamatay, ay kanilang paulitulit na isinasaysay kung paanong “dumampot Siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; sapagka't ito ang Aking dugo ng bagong tipan, na nabubuhos dahil sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Datapwa't sinasabi Ko sa inyo, na buhat ngayon ay hindi na Ako iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na yaon na inumin Kong panibago na mga kasalo Ko kayo sa kaharian ng Aking Ama.” Sa kanilang kadalamhatian ay nakasumpong sila ng kaaliwan sa pag-asa na magbabalik ang kanilang Panginoon. Ang lubhang mahalaga sa kanila ay ang isipang, “Sa tuwing kanin ninyo ang tinapay na ito, at inuman ninyo ang saro, ay inihahayag ninyo ang pagkamatay ng Panginoon hanggang sa dumating Siya.” 1 Corinto 11:26. BB 957.2
Ito ang mga bagay na di-kailanman natin dapat limutin. Ang pag-ibig ni Jesus, na taglay ang pumipilit na kapangyarihan nito, ay dapat pamalagiing sariwa sa ating alaala. Itinatag ni Kristo ang serbisyo o palatuntunang ito upang ito'y magsalita sa ating mga pang-unawa ng tungkol sa pag-ibig ng Diyos na ipinahayag sa ikabubuti natin. Hindi magkakaisa ang ating mga kaluluwa at ang Diyos maliban na sa pamamagitan ni Kristo. Ang pagkakaisa at pag-iibigan ng magkakapatid ay dapat mapagtibay at maging walang-hanggan sa pamamagiran ng pag-ibig ni Jesus. At ang pagkamatay lamang ni Kristo ang makapagbibigay ng bisa sa pag-ibig Niya sa atin. Dahil lamang sa Kaniyang pagkamatay kaya tayo'y makaaasa't makapaghihintay na may kagalakan sa Kaniyang ikalawang pagdating. Ang Kaniyang sakripisyo o pagpapakasakit ay siyang sentro ng ating pag-asa. Dito natin dapat ituon ang ating pananampalataya. BB 958.1
Ang mga palatuntunang nakaturo sa pagpapakababa at paghihirap ng ating Panginoon ay itinuturing ng iba na lubhang pakitang-tao lamang. Ang mga ito ay itinatag dahil sa isang layunin. Ang ating mga diwa o mga pandama ay kailangang gisingin o pasiglahin upang makapanghawak sa hiwaga ng kabanalan. Isang karapatan ng lahat na maunawaan, nang higit pa sa pagkaunawa natin, ang tumutubos na mga paghihirap ni Kristo. “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang,” gayundin naman itinaas ang Anak ng tao, “upang ang sinumang sumampalataya sa Kaniya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Juan 3:14, 15. Dapat tayong tumingin sa krus ng Kalbaryo, na doo'y nakabayubay ang pumapanaw na Tagapagligtas. Hinihingi ng walang-hanggang ikabubuti natin na ipakita ang ating pananampalataya kay Kristo. BB 958.2
Sinabi ng ating Panginoon, “Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao, at inumin ang Kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili. ... Sapagka't ang Aking laman ay tunay na pagkain, at ang Aking dugo ay tunay na inumin.” Juan 6:53-55. Ito ay totoo sa ating katawang laman. Ang buhay natin sa lupa ay utang natin sa pagkamatay ni Kristo. Ang tinapay o pagkaing ating kinakain ay binili ng Kaniyang nawaray o nasugatang katawan. Ang tubig na ating iniinom ay binili ng Kaniyang natigis na dugo. Wala isa mang tao, banal o makasalanan man, na kumakain ng kaniyang pagkain araw-araw, nang hindi siya pinakakain ng katawan at ng dugo ni Kristo. Ang krus ng Kalbaryo ay nakatatak sa bawa't hiwa ng tinapay. Ito'y nasasalamin o naaaninag sa bawa't bukal ng tubig. Ang lahat ng ito ay itinuro ni Kristo nang piliin Niya ang mga sagisag ng Kaniyang malaking sakripisyo. Ang liwanag na nagbubuhat sa palatuntunan ng Komunyon sa silid sa itaas ay nagpapabanal sa mga pagkain o mga pangangailangan natin sa ating kabuhayan sa araw-araw. Ang dulang ng sambahayan ay nagiging hapag ng Panginoon, at ang bawa't pagkain ay nagiging sakramento. BB 958.3
At gaano pa nga katotoo ang mga salita ni Kristo tungkol sa ating likas na ukol sa espiritu. Sinasabi Niya, “Ang kumakain ng Aking laman, at umiinom ng Aking dugo, ay may buhay na walang-hanggan.” Kung tinatanggap natin ang buhay na ibinuhos para sa atin sa krus ng Kalbaryo, saka pa lamang tayo makapamumuhay ng kabuhayang may kabanalan. At ang buhay na ito ay tinatanggap natin sa pamamagitan ng pagtanggap sa Kaniyang salita, sa pamamagitan ng pagganap ng mga bagay na Kaniyang iniuutos. Sa gayo'y nagiging kaisa Niya tayo. “Ang kumakain ng Aking laman,” sinasabi Niya, “at umiinom ng Aking dugo, ay nananahan sa Akin, at Ako'y sa kaniya. Kung paanong sinugo Ako ng Amang buhay, at Ako'y nabubuhay sa pamamagitan ng Ama: gayundin naman ang kumakain sa Akin, siya nama'y nabubuhay sa pamamagitan Ko.” Juan 6:54, 56, 57. Tanging-tangi nang nalalapat ang kasulatang ito sa banal na Komunyon. Habang binubulay ng pananampalataya ang malaking sakripisyo ng ating Panginoon, ay tinatanggap ng kaluluwa ang kabuhayang espirituwal ni Kristo. Tatanggap ng kalakasang espirituwal ang kaluluwang yaon sa bawa't Komunyon. Ang palatuntunan ng Komunyon ay nagbibigay ng buhay na pagkakaugnay na sa ,pamamagitan nito'y naitatali kay Kristo ang sumasampalataya, at gayo'y naitatali rin sa Ama. Sa isang tanging diwa o isipan ay pinag-uugnay nito ang mga umaasang tao at ang Diyos. BB 959.1
Pagka tinanggap natin ang tinapay at alak na sumasagisag sa nasugatang katawan at natigis na dugo ni Kristo, sa guni-guni'y nakikisama tayo sa tagpo ng Komunyon sa silid sa itaas. Tayo'y waring dumaraan sa halamanang itinalaga't pinabanal ng paghihirap Niya na nagpasan ng mga kasalanan ng sanlibutan. Nasasaksihan natin ang pakikipagpunyagi Niya na sa pamamagitan nito'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos. Si Kristo ay nahahayag na ipinako sa gitna natin. BB 961.1
Sa pagtingin natin sa ipinako-sa-krus na Manunubos, ay lalong lubos nating nauunawaan ang kalakhan at kahulugan ng pagpapakasakit na ginawa ng Hari ng langit. Naluluwalhati sa harapan natin ang panukala ng pagliligtas, at ang paggunita sa Kalbaryo ay gumigising ng buhay at banal na damdamin sa ating mga puso. Pagpupuri sa Diyos at sa Kordero ay sasaating mga puso at mga labi; sapagka't ang pagmamataas at ang pagsambasa-sarili ay hindi makayayabong sa kaluluwang laging pinanariwa sa alaala ang mga tanawin ng Kalbaryo. BB 961.2
Ang tumitingin sa walang-kapantay na pag-ibig ng Tagapagligtas ay magiging marangal ang pag-iisip, madadalisay ang puso, at mababago ang likas. Siya'y hahayo upang maging isang ilaw sa sanlibutan, at upang ianinag ang mahiwagang pag-ibig na ito. Habang lalo nating binubulay ang krus ni Kristo, lalo namang lubos nating gagamitin ang pangungusap ng apostol nang kaniyang sabihing, “Malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesukristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanlibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanlibutan.” Galacia 6:14. BB 961.3