Bukal Ng Buhay

72/89

Kabanata 71—Isang Alipin ng mga Alipin

Ang kabanatang ito ay batay sa Lukas 22:7-18, 24; Juan 13:1-17.

Sa itaas na silid ng isang tahanan sa Jerusalem, nakaupo si Kristo sa hapag na kasama ng Kaniyang mga alagad. Nagkatipon sila upang ipagdiwang ang Paskuwa. Pinita ng Tagapagligtas na makasalo ang Labindalawa sa pista o piging na ito. Batid Niyang dumating na ang Kaniyang oras; Siya na rin ang kordero ng paskuwa, at sa araw na kainin ang Paskuwa ay ihahandog Siya. Malapit na Niyang inuman ang saro ng kagalitan; sandali na lamang at tatanggapin na Niya ang huling bautismo ng paghihirap. Nguni't mayroon pa Siyang ilang tahimik na oras na nalalabi, at ito'y kailangang gugulin Niya para sa kapakinabangan ng minamahal Niyang mga alagad. BB 931.1

Ang buong buhay ni Kristo ay naging isang kabuhayan ng paglilingkod na hubad sa pag-iimbot. “Hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Mateo 20:28), ang naging aral ng Kaniyang bawa't kilos. Nguni't hindi pa natututuhan hanggang ngayon ng mga alagad ang aral na ito. Sa huling hapunang ito ng Paskuwa, ay inulit ni Jesus ang Kaniyang turo sa pamamagitan ng isang halimbawa na natanim nang malalim sa kanilang mga puso at mga pag-iisip. BB 931.2

Ang mga pag-uusap ni Jesus at ng Kaniyang mga alagad ay karaniwan nang mga panahon ng katuwaan, na lubhang pinahahalagahan nilang lahat. Ang Paskuwa ay naging mga pagtatagpong tangi nang kinawiwilihan; subali't sa Paskuwang ito ay nababagabag si Jesus. Mabigat ang Kaniyang puso, at nakabahid ang lungkot sa Kaniyang mukha. Sa pakikipagniig Niya sa mga alagad sa silid sa itaas, ay napansin nilang may mabigat na bagay na nagpapahirap sa Kaniyang isip, at bagaman hindi nila alam ang sanhi, ay nakiramay din sila sa Kaniyang kalungkutan. BB 931.3

Nang natitipon na sila sa palibot ng hapag, sa himig na nagbabadya ng kalumbayan, ay sinabi Niya, “Pinakahahangad Kong kanin na kasalo ninyo ang kordero ng Paskuwang ito bago Ako maghirap: sapagka't sinasabi Ko sa inyo, Ito'y hindi Ko kakanin, hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos. At kumuha Siya ng isang saro, at nang Siya'y makapagpasalamat, ay sinabi Niya, Kunin ninyo ito, at inyong pagbaha-bahaginin: sapagka't sinasabi Ko sa inyo, na hindi na Ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.” BB 932.1

Batid ni Kristo na dumating na ang oras ng pag-alis Niya sa sanlibutan, at ng pag-uwi Niya sa Kaniyang Ama. At yamang inibig Niya ang mga Kaniya na nasa sanlibutan, ay inibig Niya sila hanggang sa katapusan. Siya ngayon ay nasa lilim na ng krus, at pinahihirapan na ng kirot ang Kaniyang puso. Talos Niyang Siya'y iiwan at pababayaan sa oras na Siya'y maipagkanulo. Talos Niyang ang kadusta-dustang paraan ng pagpaparusa sa mga salarin ay siyang gagawin sa pagpatay sa Kaniya. Batid Niya ang kawalang-utang-na-loob at ang kalupitan niyaong mga pinarituhan Niya upang iligtas. Batid Niya kung gaano kalaking sakripisyo ang kailangan Niyang gawin, at sa marami ito'y magiging walang-kabuluhan. Palibhasa'y talastas Niya ang lahat ng mangyayari, katutubong dapat sana'y nanlumo Siya pagkaalaala Niya sa darating Niyang pagkadusta at paghihirap. Datapwa't tiningnan Niya ang Labindalawa, na naging kasama-sama na Niya bilang Kaniya, na sila, pagkatapos Niyang danasin ang kahihiyan at kalungkutan at kahirapan, ay siyang maiiwang nakikipagpunyagi sa sanlibutan. Ang mga iniisip Niya na daranasin Niyang paghihirap ay laging nakaugnay sa Kaniyang mga alagad. Hindi Niya inisip ang tungkol sa Kaniyang sarili. Ang pag-iingat at pagaasikaso sa kanila ay siyang namamaibabaw sa Kaniyang isip. BB 932.2

Sa huling gabing ito na kasama Niya ang Kaniyang mga alagad, si Jesus ay maraming sasabihin sa kanila. Kung naging handa lamang silang tumanggap ng nais Niyang sabihin sa kanila, hindi sana nila dinanas ang nakawiwindang-ng-pusong paghihirap ng damdamin, pagkabigo at di-paniniwala. Nguni't nadama ni Jesus na hindi nila kayang bathin ang Kaniyang sasabihin. Nang tingnan Niya ang kanilang mga mukha, napabitin sa Kaniyang mga labi ang mga salita ng pagbababala at pagaliw. Tahimik na lumipas ang mga sandali. Sa malas ay parang naghihintay si Jesus. Tahimik na tahimik naman ang mga alagad. Ang pakikiramay at paggiliw na likha ng pagkalungkot ni Kristo ay waring lumipas na. Ang malungkot Niyang pangungusap, na nagsasabi ng Kaniyang paghihirap, ay bahagya nang nakaantig. Ang mga sulyap nila sa isa't isa ay nagpapahiwatig ng paninibugho at pagtatalo. BB 933.1

May “pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ibibilang na pinakadakila.” Ang pagtatalong ito, na tinaglay pa nila hanggang sa harap ni Kristo, ay pumighati at sumugat sa Kaniyang puso. Hindi pa nababago ang dati nilang paniniwala na gagamitin ni Kristo ang Kaniyang kapangyarihan, at Siya'y uupo sa luklukan ni David. At sa puso ng bawa't isa ay naroon pa rin ang paghahangad sa pinakamataas na tungkulin sa kaharian. Nagtakda sila ng sarili nilang halaga sa kani-kanilang mga sarili at sa isa't isa, at, sa halip na ituring nila ang mga kapatid nila na higit na karapat-dapat ay inuna muna nila ang kanilang mga sarili. Ang kahilingan ni Santiago at ni Juan na sila'y makaupo sa kanan at sa kaliwa sa trono ni Kristo ay ikinagalit ng iba. Ang pangangahas ng dalawang magkapatid na humingi ng kataas-taasang tungkulin ay lubhang ikinagalit ng sampu na anupa't nanganib na sila'y magkahiwa-hiwalay. Inakala nilang hindi tumpak ang palagay sa kanila, at ang katapatan nila at mga kakayahan ay hindi kinikilala. Si Judas ang lalong galit na galit kina Santiago at Juan. BB 933.2

Nang pumasok ang mga alagad sa silid na pagdarausan ng hapunan, ang mga puso nila ay puno ng pagkagalit. Iginitgit ni Judas ang sarili niya sa tabi ni Kristo sa gawing kaliwa; si Juan naman ay sa gawing kanan. Kung mayroon pang pinakamataas na lugar, desidido si Judas na mapasakaniya iyon, at ang lugar na iyon ay ipinalalagay na ang sa tabi ni Kristo. At si Judas ay isang taksil. BB 934.1

May isa pang sanhi ng pagtatalo na bumangon. Kinaugalian na sa isang kapistahan na hugasan ng isang alipin ang mga paa ng mga panauhin, at sa pagkakataong ito ay may ginawa nang paghahanda para sa paghuhugas. Ang pitsel, ang palanggana o kamaw, at ang tuwalya ay naroon na, at handa na para sa mga paang huhugasan; nguni't walang aliping naroroon, at kaya nga tungkulin ng mga alagad na iyon ay gampanan nila. Datapwa't ang bawa't isa sa mga alagad, palibhasa'y mayabang, ay nagpasiyang hindi gaganap ng tungkulin ng isang alipin. Lahat ay nagsawalang-kibo, na para bagang wala silang anumang dapat gawin. Ang pagsasawalangkibo nila ay nagpakilalang ayaw nilang magpakababa. BB 934.2

Paano nga madadala ni Kristo ang mga kahabag-habag na kaluluwang ito sa dakong hindi sila mapananagumpayan ni Satanas? Paano nga Niya maipakikilala sa kanila na ang basta pagpapanggap na sila'y mga alagad ay hindi sila ginagawang mga alagad na nga, ni nagbibigay man iyon sa kanila ng katiyakan na sila'y magkakaroon ng lugar sa Kaniyang kaharian? Paano Niya maipakilala na ang maibiging paglilingkod, at ang tunay na kababaan, ay siyang kabuuan ng tunay na kadakilaan? Paano Niya mapag-aalab ang pag-ibig sa kanilang mga puso, at maipauunawa sa kanila ang nais Niyang sabihin sa kanila? BB 934.3

Walang kumilos sa mga alagad upang maglingkod sa isa't isa. Sandaling naghintay si Jesus upang kung ano ang kanilang gagawin. Pagkatapos Siya, na banal na Guro, ay nagtindig mula sa tabi ng hapag. Pagkahubad Niya ng panlabas na kasuutang makasasagabal sa Kaniyang mga pagkilos at maitabi ito, ay kumuha Siya ng isang tuwalya, at ito'y ibinigkis Niya sa sarili. Napamaang ang mga alagad, at tahimik silang naghintay kung ano pa ang susunod Niyang gagawin. “Nang magkagayo'y nagsalin Siya ng tubig sa isang kamaw (palanggana), at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ito ng tuwalya na sa Kaniya'y nakabigkis.” Ang ginawang ito ay. nagpadilat sa mga mata ng mga alagad. Mapait na pagkapahiya at pagkadusta ang lumipos sa kanilang mga puso. Noon nila nauunawaan ang di-binigkas na sumbat, at noon din nila nakita ang talaga nilang katayuan sa bagong liwanag. BB 935.1

Ganyan ipinahayag ni Kristo ang Kaniyang pag-ibig sa Kaniyang mga alagad. Nalipos Siya ng kalungkutan sa pagkakaroon nila ng sakim na diwa, gayunma'y hindi Siya nakipagtalo sa kanila tungkol sa kanilang kapintasan. Sa halip ay binigyan Niya sila ng isang halimbawa na di-kailanman nila maliiimutan. Ang pag-ibig Niya sa kanila ay hindi agad nagbago o nagbawa. Batid Niyang ibinigay na sa Kaniya ng Ama ang lahat ng mga bagay, at Siya'y nagmula sa Diyos, at sa Diyos din uuwi. Lubos ang Kaniyang pagkaalam na Siya ay Diyos; subali't Kaniyang isinaisantabi ang Kaniyang korona at damit ng pagka-hari, at nag-anyong alipin. Ang isa sa mga huling gawa Niya rito sa lupa ay ang magbigkis Siyang tulad sa isang alipin, at gumanap ng tungkulin ng isang alipin. BB 935.2

Bago dumating ang Paskuwa ay nakipagtagpo si Judas sa ikalawang pagkakataon sa mga saserdote at mga eskriba, at pinagtibay nila ang kanilang kasunduan na ibibigay niya si Jesus sa kanilang mga kamay. Nguni't pagkakatapos nito'y muli siyang nakisama sa mga alagad na para bagang wala siyang ginawang anumang pagkakasala at siya'y interesado sa gawain ng paghahanda para sa pista. Ang mga alagad ay walang kaalam-alam sa layunin ni Judas. Si Jesus lamang ang nakaalam ng kaniyang lihim. Gayon pa man ay hindi Niya siya inilantad. Sabik si Jesus sa kaniyang kaluluwa. Ang nadama Niyang pagmamahal Niya sa kaniya ay gaya rin ng pagmamahal Niya sa Jerusalem nang tangisan Niya ang hinatulang lungsod. Ang puso Niya'y tumatangis, Paano kita mapababayaan? Naramdaman ni Judas ang namimilit na kapangyarihan ng pag-ibig na yaon. Nang kasalukuyang hinuhugasan ng mga kamay ng Tagapagligtas ang maruruming paang iyon, at kinukuskos iyon ng tuwalya, ay napuno ang puso ni Judas ng damdamin at ng udyok na ipahayag noon din ang kaniyang kasalanan. Subali't ayaw pa rin niyang magpakumbaba. Pinatigas niya ang kaniyang puso at ayaw niyang magsisi; at ang dating udyok at hangarin ng kalooban, na sandali niyang naiwaksi, ay muling nakapaghari sa kaniya. Natisod si Judas sa ginawa ni Kristong paghuhugas ng mga paa ng Kaniyang mga alagad. Kung si Jesus ay gayon kababa, naisip niya, hindi Siya maaaring maging hari ng Israel. Nasira ang lahat niyang inaasahang tatamuhing pansalibutang karangalan sa isang kahariang makalupa. Namanatag ang loob ni Judas na talagang walang anumang pakikinabangin sa pagsunod kay Kristo. Pagkatapos niyang makita si Jesus na nagpakababa sa sarili, gaya ng inakala niya, nagtumibay siya sa kaniyang layunin na huwag na Siyang kilalanin, at itinuring niyang siya'y nadaya na lamang. Inalihan siya ng isang demonyo, at ipinasiya niyang ituloy ang gawaing ipinakipagkasundo niyang gawin sa pagkakanulo sa kaniyang Panginoon. BB 936.1

Nang piliin ni Judas ang kaniyang lugar sa hapag, sinikap niyang siya ang maging pang-una, at si Kristo bilang isang alipin ay paglingkuran siyang una. Si Juan naman, na lubhang kinagagalitan ni Judas, ay naiwan sa kahuli-hulihan. Nguni't hindi ito itinuring ni Juan na isang sumbat o paghamak. Habang pinagmamasdan ng mga alagad ni Kristo, lubhang naantig ang kanilang kalooban. Nang dumating na kay Pedro, napabulalas ito sa pagkakamangha, “Panginoon, huhugasan Mo baga ang aking mga paa?” Ang pagpapakababa ni Kristo ay nagwasak sa puso niya. Nalipos siya ng pagkapahiya nang maisip niyang wala isa mang alagad na gumanap ng gawaing ito. “Ang ginagawa Ko,” sabi ni Kristo, “ay hindi mo nalalaman ngayon; datapwa't mauunawaan mo pagkatapos.” Hindi matiis ni Pedrong makita ang kaniyang Panginoon, na pinaniniwalaan niyang Anak ng Diyos, ay gumaganap ng gawain ng isang alipin. Ang buo niyang kaluluwa ay naghimagsik laban sa pagpapakababang ito. Hindi niya tanto na dahil dito kaya naparito si Kristo sa sanlibutan. Ipinakadiin niya ang pagsasabing, “Huwag Mong huhugasan ang aking mga paa kailanman.” BB 937.1

Buong kasolemnihang sinabi ni Kristo kay Pedro, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa Akin.” Ang paglilingkod na tinatanggihan ni Pedro ay kauri ng isang lalong mataas na paglilinis. Naparito si Kristo upang hugasan ang puso sa dungis ng kasalanan. Kung tinatanggihan ni Pedro na hugasan ni Kristo ang kaniyang mga paa, ay tinatanggihan niya ang lalong mataas na uri ng paglilinis na kasama sa mababang uri. Ang tunay niyang tinatanggihan nito ay ang kaniyang Panginoon. Hindi ikinaaaba ng Panginoon ang Siya'y pahintulutang gumawa para sa ikalilinis natin. Ang pinakatunay na pagpapakumbaba ay tanggaping may pagpapasalamat ang anumang paglalaang ginawa para sa kapakanan natin, at taglay ang kasigasigang maglingkod para kay Kristo. BB 937.2

Sa binitiwang pangungusap na, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa Akin,” ay isinuko ni Pedro ang kaniyang kataasan at katigasanng-loob. Hindi niya makayang tiisin ang isiping siya'y mawawalay kay Kristo; ikamamatay niya iyon. “Hindi ang aking mga paa lamang,” wika niya, “kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan liban sa kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos.” BB 939.1

Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay higit pa kaysa kalinisan ng katawan. Ang sinasalita ni Kristo ay ang lalong mataas na paglilinis na gaya ng inilalarawan ng mababang paglilinis. Ang nakatapos nang maligo ay malinis na, nguni't ang mga paang nakasandalyas ay madaling naaalikabukan, at kailangang muling hugasan. Gayon nahugasan sa malaking bukal na bumalong para sa kasalanan at karumihan si Pedro at ang kaniyang mga kapatid. Tinanggap sila ni Kristo bilang sa Kaniya. Nguni't inakay sila ng tukso sa kasamaan, at kailangan pa rin nila ang Kaniyang lumilinis na biyaya. Nang bigkisan ni Jesus ang Kaniyang sarili ng tuwalya upang hugasan ang alikabok sa kanilang mga paa, hinangad Niyang sa pamamagitan ng gawang iyon ay mahugasan ang pagkakawatak-watak, paninibugho, at pagmamataas ng kanilang mga puso. Ito ay may mahigit pang kahalagahan kaysa paghuhugas ng marurumi nilang mga paa. Sa diwangsumasakanila noon, ay wala isa man sa kanila na handang makipag-ugnay kay Kristo. Hangga't sila'y wala sa kalagayan ng kapakumbabaan at pag-iibigan, ay hindi pa sila handang makisalo sa hapunan ng paskuwa, o kaya'y makibahagi man sa serbisyong malapit nang itatag ni Kristo. Kailangang linisin ang kanilang mga puso. Ang pagmamataas at pagtatanghal sa sarili ay lumilikha ng pagtatalu-talo at pagkakapootan, nguni't ang lahat ng ito ay hinugasan ni Jesus nang hugasan Niya ang kanilang mga paa. Nagbunga ito ng isang pagbabago ng damdamin. Nang tingnan sila ni Jesus, ay sinabi Niya, “Kayo'y mayroon nang pagkakaisa ng puso, at mayroon na ring pagiibigan sa isa't isa.” Sila'y naging mga mapagpakumbaba at handang paturo. Maliban kay Judas, bawa't isa sa kanila ay handa nang ibigay sa iba ang pinakamataas na lugar o puwesto. Ngayo'y matatanggap na nila ang mga salita ni Kristo nang may mga pusong nagpapasakop at nagpapasalamat. BB 939.2

Tayo'y natutulad din kina Pedro at sa mga kapatid niya, na nahugasan na sa dugo ni Kristo, nguni't madalas na dahil sa pagkakaugnay sa masama ay nadudungisan ang kalinisan ng puso. Dapat tayong lumapit kay Kristo para sa Kaniyang lumilinis na biyaya. Nanliit si Pedro na ipahipo ang marurumi niyang mga paa sa mga kamay ng kaniyang Panginoon at Guro; nguni't anong dalas nating inilalapit ang ating maruruming mga puso sa puso ni Kristo! Isinusukal ng Kaniyang loob ang masamang silakbo ng ating damdamin, ang ating kapalaluan at kayabangan! Gayon pa ma'y kailangan nating dalhin sa Kaniya ang lahat nating kahinaan at karumihan. Siya lamang ang makahuhugas at makalilinis sa atin. Hindi tayo handang makipagniig at makipag-usap sa Kaniya malibang tayo'y nalinis na ng Kaniyang biyaya. BB 940.1

Sinabi ni Jesus sa Kaniyang mga alagad, “Kayo'y malilinis na, nguni't hindi ang lahat.” Hinugasan Niya ang mga paa ni Judas, nguni't ang puso nito ay hindi isinusuko sa Kaniya. Hindi ito nalilinis. Hindi ipinasakop ni Judas ang kaniyang sarili kay Kristo. BB 941.1

Pagkatapos na mahugasan ni Kristo ang mga paa ng mga alagad, at makapagbihis uli ng Kaniyang kasuutan at makaupo uli, ay sinabi Niya sa kanila, “Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa Ko sa inyo? Tinatawag ninyo Akong Guro at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't Ako nga. Kung Ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa; kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa. Sapagka't kayo'y binigyan Ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa Ko sa inyo. Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kaysa nagsugo sa kaniya.” BB 941.2

Nais ipaunawa ni Kristo sa Kaniyang mga alagad na bagama't hinugasan Niya ang kanilang mga paa, ay hindi naman ito nakasira bahagya man sa Kaniyang karangalan. “Tinatawag ninyo Akong Guro at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't Ako nga.” At sapagka't walang-hanggan ang Kaniyang kataasan, ay binigyan Niya ng biyaya at kabuluhan ang serbisyong ito. Walang kasindakila na gaya ni Kristo, gayunman ay nagpakababa Siya sa pagganap ng pinakaabang tungkulin. Upang ang Kaniyang bayan ay huwag mailigaw ng kasakimang tumatahan sa pusong laman, na pinalalakas ng paglilingkod sa sarili, si Kristo na rin ay nagbigay ng halimbawa ng pagpapakababa. Hindi Niya iniwan sa pasiya ng tao ang dakilang suliraning ito. Gayon na lamang kalaki ang pagpapahalaga Niya rito, na Kaniyang mga alagad. Samantalang sila'y nagtatalu-talo para sa pinakamataas na puwesto, Siya naman na sa Kaniya dapat lumuhod ang bawa't tuhod, Siya na ang paglilingkod sa Kaniya ay itinuring na karangalan ng mga anghel ng kaluwalhatian, ay lumuhod upang hugasan ang mga paa niyaong mga tumatawag sa Kaniya ng Panginoon. Hinugasan Niya ang mga paa ng nagkanulo sa Kaniya. BB 941.3

Sa Kaniyang kabuhayan at mga aral, ay nagbigay si Kristo ng sakdal na halimbawa ng di-makasariling paglilingkod na nagmula sa Diyos. Ang Diyos ay hindi nabubuhay para sa Kaniyang sarili. Sa pamamagitan ng paglalang sa sanlibutan, sa pamamagitan ng pagtataguyod sa lahat ng mga bagay, ay patuloy Siyang naglilingkod sa mga iba. “Pinasisikat Niya ang Kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga ganap at sa mga hindi ganap.” Mateo 5:45. Ang ulirang paglilingkod na ito ay ipinagkatiwala ng Diyos sa Kaniyang Anak. Si Jesus ay inilagay na pangulo ng sangkatauhan, upang sa pamamagitan ng Kaniyang halimbawa ay maituro Niya kung ano ang ibig sabihin ng maglingkod. Ang buo Niyang buhay ay nasa ilalim ng batas ng paglilingkod. Pinaglingkuran Niya ang lahat, at tinulungan Niya ang lahat. Sa ganitong paraa'y isinakabuhayan Niya ang kautusan ng Diyos, at sa pamamagitan ng Kaniyang halimbawa ay ipinakilala Niya kung paano natin ito tatalimahin. BB 942.1

Muii at muling sinikap ni Jesus na itatag ang simulaing ito sa Kaniyang mga alagad. Nang hingin ni Santiago at ni Juan na sila'y ilagay sa mataas na tungkulin, ay sinabi Niya, “Ang sinumang mag-ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo.” Mateo 20:26. Sa Aking kaharian ay hindi kinikilala ang simulain ng pagtatangi at pangingibabaw ng isa. Ang tanging kadakilaan ay ang kadakilaan ng kapakumbabaan. Ang tanging kinikilalang katangian ay nasusumpungan sa pagiging laang maglingkod sa mga iba. BB 942.2

Ngayon, yamang nahugasan na ang mga paa ng mga alagad, ay sinabi Niya, “Kayo'y binigyan Ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa Ko sa inyo.” Sa mga pangungusap na ito ay hindi lamang ibinibilin ni Kristo na sila'y maging mapagpatuloy. Higit pa ang kahulugan nito kaysa paghuhugas ng mga paa ng mga panauhin upang alisin ang alikabok na nakuha sa paglalakad. Dito'y itinatatag ni Kristo ang isang serbisyo o pulong na panrelihiyon. Dahil sa ginawa ng ating Panginoon ay ginawang isang banal o itinalagang palatuntunan ang seremonyang ito ng pagpapakababa. Dapat itong isagawa ng mga alagad, upang lagi nilang maisaisip ang Kaniyang mga aral ng pagpapakababa at paglilingkod. BB 943.1

Ang palatuntunang ito ay itinakda ni Kristo upang maging isang paghahanda para sa serbisyong ukol sa sakramento. Samantalang kinikimkim sa kalooban ang pagmamataas, pagkakagalit, at ang hangaring makapangibabaw o ang maging dakila, ay hindi makapapaloob ang puso sa pakikisama kay Kristo. Hindi tayo handang tumanggap ng komunyon ng Kaniyang katawan at dugo. Kaya nga itinakda ni Jesus na una munang ganapin ang alaala ng Kaniyang pagpapakababa. BB 943.2

Kapag ang mga anak ng Diyos ay nagtitipon upang ganapin ang palatuntunang ito, dapat nilang alalahanin ang mga salita ng Panginoon ng buhay at kaluwalhatian: “Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa Ko sa inyo? Tinatawag ninyo Akong Guro at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't Ako nga. Kung Ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa; kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa. Sapagka't kayo'y binigyan Ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa Ko sa inyo. Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kaysa nagsugo sa kaniya. Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.” May ugali ang tao na mag-akalang siya'y higit na mabuti kaysa kaniyang kapatid, na gumawa para sa kaniyang sarili, na maghangad ng pinakamataas na lugar o puwesto; at malimit na ito'y nagbubunga ng masasamang haka at kapaitan ng diwa. Ang palatuntunang nauuna sa Santa Sena o Banal na Hapunan ay siyang pumapawi ng ganitong mga di-pagkakaunawaan, upang alisin sa tao ang kaniyang kasakiman o pagkamakasarili, at upang bumaba sa kaniyang tuntungan ng pagtataas sa sarili, hanggang sa papagpakumbabain ang puso na aakay sa kaniya na paglingkuran ang kaniyang kapatid. BB 943.3

Ang Banal na Bantay na buhat sa langit ay naroroon sa panahong ito upang ito'y gawing isang panahon ng pagsisiyasat ng puso, ng pagsumbat sa kasalanan, at ng pagbibigay ng mapalad na kasiguruhang ang mga kasalanan ay ipinatatawad. Naroroon din si Kristo na may saganang biyaya upang baguhin ang takbo ng pag-iisip at maihiwalay sa mga bagay na makasarili. Ang Espiritu Santo ang bumubuhay sa mga pakiramdam o mga pandama ng mga sumusunod sa halimbawa ng kanilang Panginoon. Pagka inaalaala ang pagkakapagpakumbaba at pagpapakahirap ng Tagapagligtas, ang isipan ay napapaugnay sa kapwa isipan; kawing-kawing na mga gunitain o mga alaala ang nasasariwa sa isip, mga alaala ng dakilang kabutihan ng Diyos at ng paglingap at pagmamahal ng mga kaibigan sa lupa. Ang mga pagpapalang nalimutan, mga kaawaang pinagmalabisan, at mga kagandahang-loob na winalang-halaga, ay pawang nagugunita. Lumilitaw ang mga ugat ng kapaitan na sumikil sa mahalagang halaman ng pag-ibig. Naaalaala ang mga kapintasan ng likas, ang mga pagpapabaya sa mga tungkulin, ang kawalan ng utang-na-loob sa Diyos, at ang malamig nating pakikitungo sa ating mga kapatid. Nakikita ang kasalanan ayon sa liwanag ng pagkakita rito ng Diyos. Ang ating mga isipan ay hindi mga isipan ng pagkakasiya sa sarili, kundi ng mahigpit na pamumuna ng sarili at pagpapakababa. Ang isip ay pinalalakas upang maigiba ang bawa't hadlang o sagwil na nagpapahiwalay. Ang masasamang haka at masasamang pagsasalita ay inaalis. Ipinagtatapat ang mga pagkakasala, at ipinatatawad naman ang mga ito. Pumapasok sa kaluluwa ang sumusupil na biyaya ni Kristo, at ang pag-ibig naman ni Kristo ang humihila sa mga puso upang papagsamahin sa isang pinagpalang pagkakabuklod. BB 944.1

Pagka natututuhan na ang aral na itinuturo ng tuntuning ukol sa paghuhugasan ng mga paa, nag-aalab naman ang pagnanasang mamuhay ng isang lalong mataas na kabuhayang espirituwal. Ang ganitong pagnanasa ay tutugunin ng Banal na Saksi. Maaangat ang kaluluwa. Makatatanggap tayo ng Komunyon na taglay ang pagkadamang pinatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan. Ang liwanag ng katwiran ni Kristo ay siyang pupuno sa lahat ng pitak ng pag-iisip at sa templo ng kaluluwa. Ating namamasdan “ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Juan 1:29. BB 945.1

Sa mga taong nagsisitanggap ng espiritu ng palatuntunang ito, ay di-kailanman ito magiging isang karaniwang seremonya lamang. Ang magiging palagiang aral nito ay “Sa pamamagitan ng pag-ibig ay mangaglingkuran kayo sa isa't isa.” Galacia 5:13. Sa paghuhugas ni Kristo sa mga paa ng mga alagad Niya, ay nagbigay Siya ng katunayan na kahit anong paglilingkod ay gagawin Niya, gaanuman kababa, maging mga tagapagmana lamang sila na kasama Niya ng walang-hanggang kayamanan ng langit. Sa pagganap ng ganito ring palatuntunan, ay nangangako ang Kaniyang mga alagad na maglilingkod sa kanilang mga kapatid sa ganito ring paraan. Kai- lanman ginaganap nang tumpak ang palatuntunang ito, ay nagiging banal ang samahan ng mga anak ng Diyos, upang tumulong at magpala sa isa't isa. Nakikipagtipan sila na ang kanilang buhay ay ibibigay nila sa di-makasariling paglilingkod. At ito, ay hindi lamang para sa isa't isa. Ang bukirang paglilingkuran nila ay kasinlawak ng sa kanilang Panginoon. Ang sanlibutan ay puno ng mga taong nangangailangan ng ating paglilingkod. Ang mga dukha, ang mga kaawaawa, at ang mga walangnalalaman, ay nasa lahat ng dako. Yaong mga nakipagusap kay Kristo sa silid sa itaas ay hahayo upang maglingkod na gaya nang ginawa Niya. BB 945.2

Si Jesus, na Panginoon ng lahat, ay naparito upang maglingkod sa lahat. At palibhasa'y naglingkod Siya sa lahat, Siya'y muling paglilingkuran at pararangalan ng lahat. At ang mga tatanggap ng Kaniyang mga banal na likas, at mangagagalak na kasama Niya sa pagkakita sa mga kaluluwang nangatubos, ay dapat sumunod sa Kaniyang halimbawa ng di-makasariling paglilingkod. BB 946.1

Ang lahat nang ito ay siyang ipinaunawa sa mga salita ni Jesus na, “Kayo'y binigyan Ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ang ayon sa ginawa Ko sa inyo.” Ito ang layon ng palatuntunang Kaniyang itinatag. At sinasabi Niya, “Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito,” kung batid ninyo ang layunin ng Kaniyang mga aral, “kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.” BB 946.2